Pinakamamahal,
Palagi
na lang na hindi ko alam yung sasabihin ko. Sorry. Alam kong malayo sa
kakayahan ng mga salitang ‘to kung gaano kabigat yung naramdaman mo noong
nangyari ang hindi inaasahan sa Sarah’s. At putang ina niya pa rin. Putang ina
nilang lahat ng gumagawa sa iyo ng gano’n. Sorry, kung minadali kitang sabihin
kaagad kung anuman yung kailangan kong malaman noong gabing tumawag ka. Putang
ina ko dahil hindi kita mapuntahan, na naman, sa panahong kailangan na
kailangan mo ako. Sana hindi mo isiping hindi kita iniisip, o pinahahalagahan. Alam
kong malawak pa rin ang pang-unawa mo sa sitwasyon ng magkalayong relasyon
natin sa ngayon. Sana naaalala mo araw-araw na ikaw lang ang pinakamalapit sa
akin, sa kahit na anong paraan, sa isip, sa puso, sa kaluluwa. Sorry. Sana
hindi kailanman mabawasan ang pagmamahal mo sa akin, na araw-araw mong
napahahalagahan, napatutunayan, at pinaaalala sa akin. Hindi ko naman
nakakalimutan. Kung mayaman lang ako, putang ina talaga kung mayaman lang ako, mapupuntahan
kita kahit kailan ko gusto. Sorry. Sorry talaga, sa paulit-ulit kong sinasabing kakayanin ko
pero palagi at palagi akong nagkukulang. Sana hindi mo ako iwan, na kaya mo pa
rin akong hintayin, dahil ako ma’y kapuwa mo ring naghihintay sa lubhang
pagkakataong naaatat tayong maasam. Sorry kung wala ako palagi kung kailangan
mo ako. Sana huwag sumagi sa isip mo kahit sa katiting na segundo na hindi ko
ginustong puntahan ka. Alam mong gusto kitang pinupuntahan. Hindi ko ito nakita
kailanman bilang isang pagpunta lamang bagkus isang pagpatunay, pagsakripisyo,
pag-alay ng aking sarili, panahon, pag-ibig, na matagal ko nang gustong
araw-arawin, pero inilalayo pa rin ng pagkakataon. Sorry kung hindi ko kinakayang
pagaanin ang loob mo mula sa karanasang nagtangkang guluhin ang buhay mo.
Silang mga bastos, kupal, at hindi ko alam kung gumagana ba talaga ang
pag-iisip. Alam kong wala kang ginawang masama, dahil alam kong mahal mo ako. Sorry
kung nagalit ako sa umpisa, pero alam kong naunawaan mo naman ang pansarili
kong mga takot, kahit na alam mong alam kong hindi mo kailanman magagawa ang
mga iyon. Never doubt, panay bulong ko sa aking sarili sa tuwing sasaltikin.
Boses mo sa aking isip ang kadalasang sumasagip sa akin mula sa pagkabaliw. Sorry,
dahil hindi ko kayang gawin ang nagagawa mong pagsagip sa akin. Pero sana
malaman mong nandito ako bilang kausap, na hindi kailanman kayang magalit sa
iyo nang taos sa puso. Makikinig ako sa’yo. Sabihin mo ang lahat ng iyong mga
nararamdaman, iniisip, dinadala sa araw-araw. Hindi ko puwedeng sabihing okay
lang ‘yan kasi hindi ako gago para makitang okay lang ‘yon. Hindi kailanman
naging okay sa paningin ang isang kupal. Kapag nagkataon, bibigwasan ko ang
tarantado sa mukha kahit alam niya na sa sarili niyang gago siya. Sorry, kung
wala ako sa panahong kailangan mo ng masasandalan. Sorry kung paulit-ulit na
lamang akong nagsasalita, at nagkakamali. At sorry kung hindi ko alam kung
paano tatapusin ‘tong liham ko para sa’yo.
Natatanging iyo,
M
No comments:
Post a Comment