March 3, 2017

100 Cigarettes - II

II

Okay naman yung The Stanford Prison Experiment. Alam kong maganda yung pinapanood ko kapag hindi ako napa-alt tab. And I tell you, brother. I tell you. Hindi ako lumipat ng window. Not even once. Ho. Ly. Shit. Hindi ko alam kung natutuwa ako kapag may tinotorture psychologically pero nakuha ng actors yung puso ko.

Siguro, may nakalipas na lampas isang oras bago ako makarinig ng yapak ng pag-akyat sa hagdan patungong kuwarto namin. Bumukas ang pinto. Hindi ko nakilala agad kung sino. Nagtitigan pa yata kami nang dalawang segundo. Sino ‘to?

“May yosi ka pa?”

“(Jose?) Meron pa, kaso menthol ‘to,” narinig ko nang muli ang paghakbang ni Jose sa hagdan kaya pinause ko na yung film (Putang ina, pero okay lang. Narealize ko ring ngatal na pala ako sa nikotina. Kung may gano’n mang pakiramdam talaga.) at dinala yung kaha ko ng yosi na ninakaw ko lang sa kama ng isang roommate.

Pagdating ko sa garden, nakaupo na si Jose. Inabutan ko na siya ng yosi. Nagsindi na kaming pareho. Liwanag na lamang na dumidikit sa usok ang tanging mapaglaro sa aming mga paningin. Inaantok na siguro ako.

“Ready ka na?”

“Hindi pa. Sandali lang naman ako mag-impake. Nagpadala pa ng laptop si Danielle. Hindi ako makatanggi.”

“Kung sa bagay, kung mahal mo talaga yung nagsabi, hindi ka talaga makakahindi.”

Tawanan.

“Hindi ako makatulog. Ikaw rin ba?”

“Nakatulog ako. Kaso nagising ako kaninang mga alas tres. Hindi ulit ako makatulog.”

“Binangungot ka ba?”

“Hindi.”

“Excited lang yata ako,” kunwaring paliwanag ko. Ang alam ko kasi, noong maliit pa ako, hindi ako makatulog nang ganito kapag may field trip kami, or swimming kung saan mang malayo, tapos kailangang gumising nang maaga. “Mamayang 5:15 siguro maliligo na ako.” Chineck kong muli yung relo ko, “Mga isang oras na lang naman.”

Ululang muli. Kuwentuhan. Hinanaing. Hiling. Hithit. Buga. “Kape tayo.”

“Tara. Baka may kape si Gio,” sabay pasok sa loob. Narinig kong kinatok ni Jose yung kuwarto ni Gio. Maaga nga palang gumising si Gio dahil may training siya sa track araw-araw. Pagpasok ko, “Energen lang eh.”

“Puwede na ‘yan.” Kaso, unang putang ina ng umaga.

“Shit.”

“Wala nang mainit? Putang ina hahahaha!” Naisalin na kasi ni Jose yung laman ng sachet bago pa man tingnan yung thermos kung may laman. Binuksan niya yung ref para kumuha ng malamig na tubig.

“Malamig yung ilalagay mo?”

“E wala eh.”

“Ayoko. Ikaw na lang,” sabay talikod sa hindi ko trip na malamig na Energen. Mainit na strawberry juice, papatusin ko pa. Lumabas na lamang akong muli sa garden nang huling makapagyosi bago maligo. Maya-maya’y lumabas na rin si Jose dala-dala yung walang kuwenta niyang tasa ng bullshit.

Pinilit niya talaga eh ‘no. Seryoso ba siya. Hithit. Buga. Pabawas na ang kapal ng usok simula kaninang madaling araw pang muling pagkikita namin ni Jose. Pasilip na rin ang liwanag ng araw. Sana wala pang tao sa banyo.

“Malapit na ’ko maligo,” hithit.

“Gising na ba si Dane?” usisa ni Jose.

“FX na raw eh. Pero medyo malayo pa raw naman.” Pero tingin ko, wala ring siksikan sa traffic. Maaga pa eh. Buga. Tinapon ko na sa kalsadang may araw-araw na janitor ng upos sa umaga. Hindi ko alam kung mapagpasalamat siya kasi may nadagdag sa gagawin niya sa bawat paglilinis niya o wala siyang pakialam sa pagpapasalamat ko na hindi napupuno kailanman yung ash tray namin sa harap ng gate ng 108.

Umakyat na ’ko sa kuwarto ko’t inihanda na ang lahat ng dapat dalhin bago bumaba para maligo. Matapos makapagtoothbrush, maghilamos, at manginig ang buto sa putang inang lamig ng tubig ay umakyat nang muli ako sa kuwarto’t tinriple check lahat ng bibitbitin. Brief. T-shirt. Laptop. Charger ng laptop. Charger ng phone. Wallet. Coin purse. Sampung kopya ng Sansaglit. Shoelaces at malaking panyo (just in case). Lalagyan ng retainer.

“Magdadala ba 'ko ng iPod?” aking pagdadalawang-isip. “Hindi na siguro.”

Isinalpak ko na ang lahat sa backpack. Naglagay ng isang panyo sa kanang bulsa, kasama ang lighter. Ang alam ko, may isa pa akong stick sa baba. Kinuha ang phone sa aking mesa’t inilusot naman sa kaliwang bulsa. Pinatay ang ilaw sa kuwarto. Lumingon kung sakaling may nakalimutan. “Putang ina ang dilim,” at bukas muli ng ilaw. Wala na, “Game.”

Napansin kong bumilis muli ngunit nang bahagya ang pagtibok ng puso ko. Excited na naman ako. Hindi ko rin maipaliwanag kung bakit hindi constant yung pananabik ko sa ’yo. Minsan kasi, ikaw lang namimiss ko. Minsan, iniisip kong muli yung pupuntahan natin. Minsan, nasobrahan lang sa nikotina yung dugo ko.

Sinindihan ko na agad ang huling stick habang hinihintay ko ang text mo.

“Nasaan na raw si Dane?”

“Hindi ko alam. Sabi ko itext niya ’ko ‘pag maglalakad na ’ko pa-Sentral.”

“Yung pipe ah,” huling paalala.

“Sige.”

“Sa’n yung jacket mo?”

Oo nga ‘no. “Putang ina, oo nga ‘no? Haha.”

“Tang ina mo. Haha.”

Nagmadali akong umakyat sa kuwarto. Tang inang ‘yan. May palingun-lingon ka pang nalalaman, hayop ka. Tang ina mo. Hindi ko na alintana kung may nakalimutan pa akong iba. Dineretso ko lamang kunin yung makapal na itim kong jacket saka tumakbong pababa, pabalik sa garden. May gana pa yung yosi ko.

“Magdadala ba ’ko ng tuwalya? Hindi na ‘no?”

“’Wag na. Meron naman dun yun.”

“’Wag na ‘no? Halos lahat naman ng motel may tuwalya eh. Dapat.” Sana. Dapat. Hindi ko na rin kasi maisip kung magkakasya pa yung tuwalya sa bag ko dahil sa kumpol ng mga libro ni Wame. Hindi naman ako naninisi o ngalit. Mas okay ring mas magaan/hindi ganoong umaapaw yung laman ng bag ko. Huling hithit.

Huling buga. Wala ka pa rin. I mean, yung text mo. “Ang tagal ng text ni Danielle. Maglalaptop na lang muna ’ko. Anong oras kayo magkikita ni Mitzi?”

“Wala pa nga ring text eh.”

Binuksan kong muli yung laptop ko. Kaso badtrip kasi bigla ko na lamang naalalang wala nga pala kaming internet. Tinuloy ko na lang yung panonood ng pelikula. Maya-maya’y dumating na rin sa wakas yung text mo na maghuhudyat ng aking paglabas ng gate. Bumilis muli ang saya ng puso ko.

“Punta na ’ko do’n.”

“Ingat. Babayu.”

“Babayu.”

Sobrang excited kong maglakad, as in. Hindi ko mapigilang minsan pang ngumiti. Gusto na kitang makita. Gusto na kitang mayakap at halikan. Maamoy, marinig ang boses. Makausap, makatabi. Mahigit tatlong araw lamang tayong hindi nagkita pero hindi ko na maisip kung kakayanin ko pa bang wala ka nung oras na matanggap ko yung message mo na makapagkikita na tayong muli. Hindi ko na ininda kung matatalisod pa ba ako sa mabatong daan patungong gate ng UP.

Paglabas ko sa kanto ng bukid, inasahan kong masisilayan na kita agad. Wala pa rin. Itinuloy ko pa ang mapangmadaling lakad. Parang nagugulat ako sa tuwing may taong pumapasok sa gate, kahit hindi ikaw. Papalapit na ako nang papalapit sa gate, hindi pa rin kita nakikita. Sinilip ko pa yung likod ng guard house at baka sakaling nag-aabang ka roon habang nagyoyosi.

Wala pa rin.

Nakalampas na ako ng gate. Sinilip sa huling pagkakataon yung guard house. Wala pa rin. Paglingon ko sa kaliwa, nakita na kita. Hindi ko na napigilan. Napangiti ako. Ngumiti ka rin noong makita ako. Kumaway ka rin nang bahagya lamang. Napansin kong nagyoyosi ka pala. May hawak ka ring bimpo. Nang tayo’y muling nagkalapit ay nagyakapan na tayo kaagad nang mahigpit. Hinalikan kita sa pisngi. Hindi ko masabi nang harapan kung gaano kita namiss pero siguro pareho lang din naman tayo ng nararamdaman sa isa’t isa.

“Sabi mo, malapit ka na.”

“Nagyosi lang ako, baby.”

“Tara.”

Inakyat na natin ang overpass. Dalawa yung dala mong bag. Hindi na ako nag-atubili pang tumulong kasi mukhang magaan naman. Tsaka alam mo namang hindi mo na kailangang mahiya pang magpabuhat sa akin kung sakaling mabigatan ka. “Saan tayo bababa?”

“Cubao.”


Nakarating na tayo sa kabila. Ubos na ang hingal ng puso ko kakahintay nang kapanabik sa ’yo kung kaya’t tila hindi ko na naramdaman pa ang pagod sanhi ng ilang baitang din ng pagpanik at pagpanaog. Mga ilang minuto rin tayong naghintay nang biglang, “Gusto mong magtaxi na lang tayo?”

Uhm.

“Sagot ko.” Magic word.

“Sige.”

Lumipas muli ang katiting na mga minuto at nakapagpara rin ako ng masasakyang taxi. Binuksan mo ang pinto at binanggit sa driver kung saan tayo bababa. Mabuti’t pinasakay tayo agad. Nauna ka nang sumakay sa taxi’t tumabi na ako sa ’yo.

Nakadalawang minuto muna ng pagbuwelo bago ang isa sa’tin ang nagsalita. Hindi ko na rin napigilan pang halikan yung ilong mo dahil sa tuluy-tuloy mong sipon. Humalik din ako sa ulo mo, maging sa pisngi. Napangiti ka naman. Sinubukan kong magkuwento tungkol sa pinanood kong pelikula. Tingin ko, hindi ko naisalaysay nang maayos. Mahina rin kasi ang memorya ko sa maraming detalye. Nagpakita ka naman ng maliit na kutsilyong binili para sa ’yo ng pinsan mo. Binanggit mong matulis ito. Pag-abot mo sa aki’y hindi ko mabuksan. Napansin mong natanga na ako sa mekanismo ng punyeta kung kaya’t kinuha mo sa akin, binuksan nang wasto, saka ibinalik. Matulis nga.

Magmula sa East Avenue, bigla na lamang kumanan ang driver. Pansin ko namang masikip ang traffic, mabuti na lamang at napagdesisyunan mong magtaxi tayo. Nakabalik din naman nang pumasok/gumamit ng isang U-turn yung driver sa Edsa. Ang kaso, mahaba pa rin ang pila ng mga kotse sa kalsada.

“We… have a problem.”

“Ano?”

“Hindi makakasama si Jose sa Cavite. Kaya bang dalawang araw tayo sa Baguio?”

“Yeah, sure. Kaya naman.”

“Hindi kasi puwedeng ikaw lang yung mag-overnight. Sorry kung ngayon ko lang nasabi. Late na rin kasi nagsabi si Jose. (Nawala lang talaga sa isip kong itext ka.)”

“Okay lang.”

“Kaya ba?”

“Kaya naman.”

Unti-unti nang bumagal ang arangkada ng taxi. Medyo maluwag naman na ang daan. Tumingin ako sa aking kanan at tumambad sa akin ang isang terminal ng mga bus. Mag-aabot ka na sana ng limang daang bayad para sa pagsakay natin sa taxi pero wala pang panukli ang driver. Ako na ang nagbayad ng pamasahe para hindi na magpabarya pa yung driver kung saan at naaatat na rin akong bumaba. Sandali ko lang naman inisip kung madali ba kitang mapagbibigyan at hindi na sisingilin sa taxi na sinabi mong ikaw ang sasagot. Hindi ko rin kasi tantyado kung makakamagkano tayo sa Baguio.

Pagbaba mula sa taxi, madali kitang tinanong kung may naiwan ba sa loob. Sinilip ko na rin para makasiguro. Wala naman. Muntik na akong dumiretso sa daan kung saan lumalabas ang mga bus ng terminal. Mabuti na lamang at hindi ako gaanong nagmadali at tiningnan kung saan ka paraan. Sinundan kita at nakitang papalapit sa entrance para sa mga pasahero. Hindi na chineck ng guwardiya yung mga bag natin, hindi ko rin sigurado kung bakit.

Pagpasok, una kong napansin ang maraming upuan sa waiting area para sa mga pasahero. Hindi naman siksikan, hindi kulob, saktong kaunti lang ng mga pasahero. Nakita ko rin ang ilan sa mga bilihan ng pagkain at inumin, at sana, yosi. Dumiretso ka na sa bilihan ng mga ticket at pareho na tayong naglabas ng kanya-kanyang ID. Hindi ka nabigyan ng discount ng nagbebenta ng ticket dahil sa wala pang sticker ng unang semestre yung ID mo. Sabi mo naman, okay lang. Naglalaro lang naman sa isang daan yung patong.

“May yosi ba diyan?” turo ko sa tindahan ng sari-saring pagkain at inumin, merienda.

“Tingnan natin.”

“Anong yosi mo? Reds? Black?”

“Isang pack na bilhin mo.”

“Reds na lang.” Marlboro.

“Okay, baby.”

Sinamahan mo akong bumili ng isang kaha ng pula. Naatat na akong bumili ng yosi hindi lang dahil ngatal na tayo pareho. Ramdam ko rin naman yung haba ng biyaheng ating lalakbayin. Lighter lang din kasi yung laman ng kanang bulsa ko. Parang kulang ‘pag walang isang kaha ng yosi eh.

“Magsi-CR lang ako, baby.”

“Saan ba yung CR?” Retorika. Sinundan kita nang hindi naghihintay ng sagot. Siyempre, nauna akong natapos sa iyo. Paglabas ko ng palikuran e nakita ko sa harap ang isang malaking sementong malapasong ash tray. Hindi ko alam kung abo lamang at mga upos ng yosi yung laman no’n pero mukhang may mga dagdag na ring alikabok at buhangin. Nauna na akong nagsindi. Maya-maya’y lumabas ka na rin at inabutan na kita ng isang stick.

Hindi nagtagal ay may lumapit na isang aleng may bitbit na sanggol. Unti-unti akong lumayo, paatras tungong harapan ng CR. Iniba ko rin ang direksyon ng buga ng yosi. Putang inang hassle. Napansin mo ang aking paglayo maging ang sanhi nito kung kaya’t sumunod ka at tumabi sa akin. Hindi ko naiintindihan kung anong sinasabi ng ale. Tila umaawit siya o kung ano, o kung kinakausap niya yung sanggol. Hindi ko alam kung wala akong balak intindihin yung sinasabi niya o hindi siya nananagalog. Hindi ko rin maintindihan kung bakit inilapit niya yung bata sa malaking smoking sign. Baka hindi marunong magbasa? Hindi rin. Nakita niya tayong nagyoyosi at nagkalat sa bahaging iyon ng terminal ang mga upos. Mabuti na lamang at umalis na siya bitbit ang bata matapos ang ilang minutong katangahan.

“Ang weird lang na lumapit siya dito.”

“Baka pinapahamak niya yung alaga niya or something.”

Lumapit ka sa akin at idinikit ang iyong katawan. Humawak sa aking kanang pisngi’t nag-abot ng panibagong halik. Niyakap kita’t hinalikan sa ulo matapos amuying panumandali ang iyong buhok. Yumakap ka rin sa’kin.

“Nasa ’yo yung tickets ‘di ba? Nakalagay ba dun yung bus number?” Baka kasi maiwan tayo. Hindi ko alam kung bakit kinakabahan ako e alam mo naman yung galawan dito. Parang natatakot akong maiwan e makailang ulit ka na nga palang nakasakay tungong Baguio. Siguro’y sanay lamang ako sa kadalasang mga kasablayan ng mga pinaplanong mga bagay. Maya-maya’y,

“O yung mga bibiyahe po ng Baguio diyan, nandito na po yung bus ninyo,” nagparada na ang isang Victory Liner bus na may libreng wi-fi. Habang pasakay na tayo’y ipinaliwanag mo sa akin na mayroong mga pagkakataong may sumasakay na mga pasaherong walang ticket noong nagtanong ako tungkol sa kung paano kung paalis na ang bus at hindi pa naman ito napupuno. Inilahad mo ring parating saktong umaalis ang bus ng Victory Liner, na sumusunod sa oras noong nagtanong naman ako kung nagpupuno ba ng mga pasahero ang mga bus dito.

“Guaranteed seats naman ‘di ba?” sabay hanap ng seat numbers sa mga upuan. Ikinagulat ko ang bigla mong pag-upo. “Pa’no mo nalamang diyan tayo?” Hindi ko kasi mahanap. Itinuro mo sa akin kung saan matatagpuan ang hinahanap ko sabay tawa sa kawalang-muwangan ko. Tumabi na ako sa ’yo, huminga nang maluwag, ipinuwesto sa baba ang bag, at nagsuot na ng jacket.

“Nasa ’yo ba yung ticket?” pag-aalala ko pa rin. Alam ko namang nasa iyo, nasa bag mo. Hindi pa rin ako mapakali. Bahala na. Ikaw naman ang bahala sa akin, sa atin.

Makaraan ang sampung minutong paghihintay, umarangkada rin ang bus na ating sinakyan. Ang galing, sabi ko sa aking sarili. Ngayon lamang ako ulit nakasakay ng pampasaherong sumusunod sa schedule. Madali akong naatat kung kaya’t inilabas ko ang aking laptop nang maipagpatuloy at matapos ang pinapanood kong pelikula kaninang madaling araw.

“Alam ko ‘yan,” matapos mong makita ang title ng aking piniling video file.

“Napanood mo na or yung experiment mismo?”

Sinagot mong hindi mo pa napapanood ang pelikula ngunit may kaalaman ukol sa experiment. Doon ko lamang napagtantong kilala pala ang experiment na ito. Interesante kung bakit sumikat o kung bakit hindi ako napalipat ng window, kumaligtang bagot sa pinanonood.

Noong una’y sumandal ka sa akin habang nanonood. Maya-maya’y hindi na ako sigurado kung nanonood ka pa nga ba. Tinanggal mo na ang saplot sa iyong mga paa saka namaluktot pahiga sa iyong puwesto habang nakasandal pa rin ang iyong ulo malapit sa aking dibdib. Tuluy-tuloy pa rin ako sa panonood. Saka ko lamang namalayang tulog ka na nang hindi ka na nagreact nung nagsalita ako isang beses tungkol sa pinanonood.

Tahimik ka na sa iyong pagkakahimlay. Naramdaman ko na ring makikisiping ang antok sa paparating na haba ng biyahe. Sinubukan kong manood ng panibagong mga pelikula/episode ngunit hindi ko rin nakayanang tagalan. Isinara ko na ang aking laptop at nagbaka sakaling makakuha rin ng tulog na hindi ako sinundo kagabi.

E punyeta, hindi rin ako makatulog. Hanggang pikit-blackout lang ang kaya ko. Hindi naman maingay yung mga pasaherong kasabay natin. Kaso, bukod sa nararamdaman ko pa yung bawat pagliko ng bus at pagbabanggaan ng mga gamit sa loob, hindi ko rin maiwasang mairita sa tunog ng binuksang TV ng konduktor.

Doon ko lang narealize na hindi ko kayang matulog nang sapilitan sa bus kapag umaga, kahit wala pa akong tulog. Hinayaan ko na lang. Pinilit kong panoorin yung palabas. Natuwa naman ako nang ilang minuto. Hindi ulit nagtagal, nabagot na naman ako. Pasilip-silip ako minu-minuto sa magkabilang mga bintana. Pakiramdam ko, nasa Kamaynilaan pa rin tayo. Pero pakiramdam ko rin, malapit na tayo tumahak ng N-lex.

Kakaisip kung anong gagawin, at matapos ang ilang minuto pang palingat-lingat ng gagawin at aatupagin habang nakaupo, dinapuan na rin ako sa wakas ng katiting na antok. Yumuko akong bahagya at sinilip ang iyong mga talukap kung mahimbing ka pa rin. Ikinilos ko nang kaunti ang aking katawan hanggang sa makahanap ng puwestong maaari kong isandal na rin ang aking ulo. Naghandang muli managinip.

No comments: