March 1, 2017

100 Cigarettes - I

Yumi

Pasintakal

Isinulat ang akdang ito hindi para mag-ambag sa
makulay na koleksyon ng panitikan ng Pilipinas. Hindi
para magpakita ng husay sa pagsulat, na wala namang
mababakas mula sa kabuuan, ngunit para magpaalala
lamang. Diary ng tanga, siguro. Nilikha ni Mart ang
mapagkunwari at bobong pagsasalaysay na ito para
lamang kung sakaling gusto niyang makaalalang muli e
magbabalik na lamang siya sa sarili niyang tono ng
paggunita. Baka sakali lang may makaligtaan pa rin pero 
wala pa rin naman siyang pakialam sa gusto ng ibang tao.


Hindi nagsusulat nang dahil lamang sa danas.
Ang mismong pagsulat ay siya ring danas.

I

Lakas makaintro. Overflow. Kadalasan, kapag foreign, madaliang weird ang tingin. Madumi, pangit, masama. Malayo, hindi atin, odd, strange, at iba pang mga salita sa thesaurus. Iba rin talaga kapag maalam sa wika, minsan, nakakadulas magsalita. Mas masarap mag-isip at makiisip.

Mayroong dalawang uri ng pamamaalam sa Japan. Hindi ko alam kung meron sa iba. Hindi rin ako sigurado kung meron sa Tagalog. Ang una, yung, “Ja ne.” Puwede ring, “Mata ne,” “Ja,” “Mata,” at “Ja, mata ne.” Ginagamit ang mga ito sa kausap kapag namamaalam ngunit may malamang na pagkakataong magkikita pa kayong muli. Mapapansing sa tuwing nanonood ng animé, kapag naririnig, ang mababasang translation sa ibaba e, “See you,” o “Later.” Parang ganun na nga.

Hindi ako Hapon, okay. Ang ikalawa naman ay yung binibigkas na, “Sayounara.” Ito naman yung ginagamit na pamamaalam kapag hindi ganoong kaagaran ang muling pagkikita. Maaaring sabihing pamamaalam kapag pupunta sa abroad ang kausap, o nakipagbreak sa karelasyon. Puwede ring gamitin kapag pipila sa Enchanted Kingdom habang naghihintay para sa isang ride.

“Sana hindi mahaba yung pila sa bus papuntang Baguio,” banggit ko sa aking sarili. Wala naman kasi akong ideya kung anong mangyayari sa umpisa. Ang alam ko lang, ikaw ang bahala sa akin. Halos dalawang linggo ko na sigurong iniisip kung anong mga gagawin natin, although hindi ko talaga alam kung ano yung mga iyon kasi nga, wala akong ideya.

Hindi ko rin alam kung nasaan na si Wame. Kanina ko pa siya hinihintay rito sa Vargas Museum. Halos makatapos na ako ng dalawang pelikula. Mag-aalas tres na rin. Ang alam ko, alas dos yung napag-usapan namin. Pero hindi naman ako naaatat. Marami pa namang baterya yung laptop ko. Sana man lang magtext kapag malapit na siya.

“San ka na?” Nagpadala na ako ng text. Baka sakaling maibsan yung tanong ko.

“Sandigan na,” reply naman ni Wame. Mabuti. At least may ideya na ako sa bagay na iyon. Pinilit ko na lang tapusin yung kasalukuyang pelikulang pinapanood ko kahit antok na antok na ako. Hindi na ako bumili masyado ng kape at yosi para may dagdag na pera kapag gumagala na tayo sa Baguio. Kahit siguro pangjeep man lang o taxi.

Maya-maya, namataan ko na sa malapit si Wame, naglalakad. Hindi man lang nagtext para asahan kong kaunting oras na lamang akong maghihintay. Wala lang. Nasurpresa lang naman ako. Hindi naman badtrip.

“Naks!” bati niya sa akin. Nakita niya kasi yung magkakapatong na apat na hardbound na kopya ng thesis ko. Napangiti ako sabay kinilig nang malumanay, pero hindi halata. Sana.

“May yosi ka?” tanong ko sa kanya.

“Meron.” Yes!!! Sigaw ko sa aking sarili. Kaninang umaga pa ako nangangatal sa yosi pero tatlong araw na akong nangangatal sa ’yo. Isinara ko na yung laptop ko at nagsindi matapos makahingi sa katiting na yosi count ni Wame.

“Pupunta raw kayong Baguio?” tanong naman ni Wame sa’kin habang inaabot yung limang kopya ng Sansaglit.

“Oo, bukas. Mga alas sais nang umaga kami aalis. Ba’t nasa Baguio ngayon si Janine?”

“Dun nagtatrabaho yun.”

“Ah.” Hithit. Buga.

“Teka, pinapapirmahan pala ni Janine yung isa,” sabay buklat sa front page ng isang kopya. “Bale kumuha ka na lang muna ng limang piraso dun sa pitong kopya na inorder ni Joker.”

“Bakit?” usisa ko.

“Sampung kopya kasi yung hinihingi ni Janine. Bale papalitan ko na lang sa Friday yung lima para kay Joker.”

“Ah, baka kasi hindi ako pumunta ng Christmas party namin sa TOM. Aattend kasi si Joker dun eh. Pero sige, baka ipaabot ko na lang. Text mo na lang din sa’kin yung number ni Janine.”

“Sige.”

Nag-usap pa kaming kaunti tungkol sa huling inupload na battle ni Tipsy D. Sinabi ko sa kanyang hindi pa rin ako nakakapili kung sino bang mananalo sa Tipsy D vs BLKD. Siguro kapag hindi nagchoke si BLKD, tataas yung chance na manalo siya against Tipsy D. Pero hindi pa rin ako sigurado talaga kasi pareho silang magaling at parehong may bagong inihahain bawat battle. Kahit na medyo predictable na magiging magaling sila pareho sa stage, may inaasahan pa ring bago ang crowd mula sa kanila.

Hithit. Buga.

“O pa’no, mauna na ako.”

“Sa’n ka na?” usisa kong muli kahit wala na ako masyadong pakialam na isapuso yung isasagot ni Wame.

“Sa Magdangal.”

“Sige. Hinihintay ko pa kasi yung text ni Sir Scheds. Papapirmahan ko na ‘tong thesis ko.”

“Nakita ko si Sir.”

“Ah, nandiyan na ba?”

“Oo, kakarating lang.”

Buti naman pala nalate si Wame. Baka sakaling nalimutan ni Sir na itext ako na nakarating na pala siya ng UP.

“Salamat. Punta na ’ko sa department.”

“Sige.”

Hithit. Buga. Hagis. “Sige.”

“Sa ’yo na ‘yan,” sabay turo sa isang natirang stick ng kaha.

“Yes! Salamat.”

Ipinasok ko na yung laptop ko sa bag. “Puta,” bubuhatin ko na naman yung apat na makapal na punyetang pinaghirapan ko naman. Okay lang. Medyo malapit lang naman yung building ng department. Sinindihan ko na agad yung huling yosi kasi hindi pa naibsan sa isang stick yung ngatal kong lampas tatlong oras kong ininda.

Matapos ubusin ang yosi, malamang sa malamang ay naglakad na ako tungo sa department. Tatlong palapag lang naman yung inakyat ko habang buhat yung mga punyeta. Pero sulit na rin kasi nakita ko na si Sir Scheds sa loob.

“Hi, Sir. Magpapapirma po ng thesis.”

“Naks! Tingnan mo Ate Su, advisee ko yung naunang nagpasa ng hardbound copies.” Edi kinilig na naman ako nang kaunti.

“Sir, andiyan pa po ba si Ma’am Abiera? Mag-uuwi po kasi ako ng sarili kong kopya sa Kabite.”

“Iwan mo muna. Bakit, ayaw mo na bang bumalik sa UP? Haha. Sawang-sawa na?” singit ni Ma’am April.

“Hahaha. Ayoko na po rito. (No offense. Mahal ko ang UP. Pero nakakapagod na.)”

“Umuwi na kasi si Ma’am Aura eh,” sagot ni Sir. “Puwede mo namang papirmahan kay Ma’am April pero may ‘for’.”

“Nagawa na ba yun dati, Ate Su?” paninigurado ni Ma’am April.

“Hindi ko sigurado eh. Pero mukhang puwede naman.”

“Puwede naman yun,” gatong na pagaang-loob ni Sir Scheds. “Uwing-uwi ka na ba?”

“Oo, Sir eh. Wala muna akong planong bumalik.”

“Sige na papirmahan mo na kay Ma’am April. Puwede naman yun.”

“Akin na,” alok ni Ma’am sa akin. Inabot ko na ang isang kopya. Yung kopya na iuuwi ko sa Kabite.

“Kahit yung tatlong natira na lang po yung papirmahan niyo kay Ma’am Abiera,” pakiusap ko sa kanila. “Thank you po.” Natapos din ang pagpapapirma. Tatlong beses na akong nakakahinga nang maluwag this sem. Yung una, nung matapos kong itype yung huling salita ng unang draft ng thesis ko. Wala na talaga akong pakialam sa revisions noon. Sabi mo nga, kung anong nilagay ko run e iyon na talaga. Tapos tatawa tayong dalawa. Ikalawa, nung matapos yung thesis defense/presentation ko. Hindi na kita pinapunta roon. Nakakahiya naman kasi. Nanliliit ako kapag kasama kita. Hangang-hanga kasi ako sa pag-iisip at pagsusulat mo. Ikatlo, ito. Puwede ko nang isampal sa mga tao sa bahay yung thesis ko. Kaya sinadya kong pakapalin.

“Tara, yosi muna tayo,” huling alok ng adviser ko sa nikotina, for now.

“Wala na ’kong yosi, Sir eh.”

“May yosi ako. May lighter ka ba?”

“Meron, Sir.” Hahaha. Tang ina, tingin ko umaasa lang ako sa araw na ito para sa mga magmamagandang-loob sa akin o masasalubong ko sa daan na kakilala.

“O tara.”

Nagtungo kami ni Sir Scheds sa isang parang balkonahe sa building ng FC kung saan maraming puwedeng magyosi. Doon din tayo nagyoyosi noong mga panahong sa FC pa ako nagsusulat ng thesis.

“Ano nang plano mo?”

“Hindi ko talaga alam, Sir. Haha. I have no idea how to adult. Ni wala akong alam kung paano gumawa ng resumé.”

Inexplain kaagad ni Sir Scheds kung paano gumawa ng resumé sa pinakasimpleng paraan. Alam ko naman yung mga bagay na yun. Marami-rami na rin akong nakitang resumé. Kaya ko lang siguro sinasabing hindi ako marunong sa maraming bagay e natatakot lang akong tumapak sa panibagong baitang.

Matapos no’n ay tinanong ko si Sir kung anong puwede kong trabaho o kung saan. Sumagot naman siya na mayroong isang offer sa UP Pampanga. Once a week lang daw, at sagot ng school yung expense sa biyahe. Tinanong ko kung sinong puwedeng kausapin ukol doon at sinabi naman niyang kakausapin niya sa e-mail yung nag-aalok. Nagpasalamat ako’t itinapon ang upos ng yosi matapos ang huling hithit.

“Papicture ka muna kasama yung thesis mo,” alok ni Sir habang papasok kami ng building.

“Ah. Haha. Sige, Sir,” aking pagpayag.

Matapos kaming kuhanan ni Ate Susan nang tatlong beses sa cellphone ni Sir Scheds ay nagpaalam na ako sa department. “Thank you, Sir.”

“Sige.”

Wala pa rin ako sa mood gumastos kaya naman pinili kong huwag sumakay ng Ikot kahit medyo pagod ako at walang gana sa mundo. Maya-maya’y habang naglalakad, pumasok sa isipan kong ito siguro ang huli, for now, na tatahakin ko ang Freshie Walk. Medyo boring nga lang yung kalungkutan ko kasi hindi ko dala yung iPod ko.

Makarating lang din sa wakas sa 108, okay na lahat ng pagod. Wala pa pala si Jose. Umakyat na agad ako sa kuwarto matapos makapagyosing muli (bumili muna ako ng isang stick sa tindahan at isang bote ng Cobra). Ibinaba ko na ang aking bag. Nakahinga nang maluwag sa UP sa huling pagkakataon. “Putang ina mo, UP. Natapos din ako sa ’yo.”

Inilapag ko ang aking bag at inilabas muli ang aking laptop. Binuksan, isinaksak, sinaksakan ng mouse, pinuwestuhan ng mousepad. Namili pa akong panumandali kung maglalaro muna ako o manonood ng pelikula. Bigla kong naalala na hindi pa siguro bayad yung boarding house sa internet para sa buwan ng Disyembre. Bigla ko itong naalala kasi napansin kong hindi nagloload yung nirerefresh kong page sa browser. Badtrip. Medyo lang. Masakit pa naman kasi yung ulo ko. Baka hindi ako makapaglaro nang maayos. Binuksan ko na lamang yung Films folder at pumili ng pelikula.

Play.

Humiga na ako sa kama habang ibinababa sa wastong anggulo yung lid ng laptop. Okay naman pala ’tong Goosebumps. Nakakatawa. Hindi ko balak bigyan ng review o summary yung film. Ilang pahina na akong nagsusulat pero hindi pa rin kita nakikita. Nasasabik na ako sa bahaging iyon pero gusto ko ring maging maayos yung pag-alala ko. Tsaka, hahaha, hindi ko na rin maalala masyado yung pelikula. Natatakot naman akong magmadali kasi baka wala ka nang panahong huminga. At may makaligtaan akong mahalagang detalye tulad ng mga usapan natin, na malayung-malayo sa kapasidad mong umalala.

Naaalala kong intense na yung mga nangyayaring eksena nang biglang tumunog yung phone ko. May tumatawag sa akin, sa ganitong oras. Madilim na kaya! Baka si Jose? Inabot ko na yung phone ko matapos ipause yung video. “Si Jose nga,” sabay pindot sa loudspeaker.

“Hello?”

“Bakit?”

“Sa’n ka?”

“Andito ako sa second floor. Sa’n ka ba?”

“Malapit na ’ko sa street. Yosi?”

Kakayosi ko lang pero, “Sige.” Nauna na akong nagbaba. Napakiramdaman ko yatang wala na kami masyadong pag-uusapan. Tsaka natapos na yung paanyaya. Puwede naman na sigurong mag-usap pa pagbaba ko.

Bumili akong muli ng isang stick. Sinindihan sa zen garden. Naghintay. Lumabas ako ng gate. Baka sakaling mamataan ko si Jose at maibsang muli yung pagkaatat kong wala namang galit. Maya-maya, nakita ko na siya sa malayo, naglalakad.

Pagpasok niya sa zen e inilapag niya na yung kaha niya sa malaking itim na mesa/amplifier.

Hugot. Sindi. Hithit. Buga.

“Pahingi ako.” Ubos na kasi yung yosing binili ko. “Meron ka pa? Marami?”

“Go lang.”

“Inom ba tayo, Se?”


“Parang ayaw ko e. Pero kung gusto mo, okay lang din naman.”

“Inom tayo,” anyaya kong muli.

“Go lang.”

“Ito ang tunay na tuldok. Haha.”

Ilang linggo na ring nagmamaktol si Jose kung bakit ako aalis at mang-iiwan. Maraming beses ko na ring sinasagot na matagal ko nang gustong pakyuhin yung UP, pababa. Gusto ko na talagang umalis. Pagod na akong mag-aral at magsulat para sa grades. Gusto ko lang mag-aral at magsulat para sa sarili ko. Pansariling pressure at hindi yung wala na akong pakialam na accomplishments kapagka natapos ko nang gawin.

“Anong oras kayo aalis bukas?”

“Mga alas sais na nang umaga. Sa UP gate sa may Sentral kami magkikita. Maliwanag naman na yun ‘di ba? Hindi na ako magpapahatid sa ’yo.”

“Ahh.”

“Nagpadala kasi ng laptop si Danielle. Tapos ang daming lamang pera ng wallet ko,” pag-aalala ko sa bukid na babagtasin ko kinabukasan.

“Excited ka na ba?”

“Isa-dalawang linggo na kaming excited. Haha.”

“Nice, nice. Anong mga pupuntahan niyo? Sa’n kayo matutulog?”

“Hindi ko alam. Si Danielle bahala sa lahat.”

“Ah, oo nga pala ‘no.”

“May gusto ka bang pasalubong?” pilit kong sinambit.

“Kahit lengua lang ako,” na nagpaluwag sa aking paghinga. “Tsaka pipe na rin, pati luntian.”

“Puta, haha. Sige titingnan ko.”

“Alam naman ni Dane yung mga galawan dun e.”

“Siguro,” sagot ko. “Inom tayo.”

“Parang ayaw talaga ng katawan ko eh. Dalawang linggo nang may gin yung tiyan ko,” paalala ni Jose sa akin. Oo nga naman. Panay naman kasi celebration the past few weeks kasi patapos na ang sem. “Pero kung gusto mo nga, inom tayo.”

“Sige, sige. Maya-maya, bibili na ako.”

Nagyosi pa kaming muli at dumating si JC. Nakipag-usap tungkol sa kasal, pelikula, at iba pa. Sumapit na ang butod ng dilim. Mangyaring pumasok si JC sa loob ng bahay. Ako nama’y nagtungo na sa kuwarto para kumuha ng perang pambili ng kasalanan. Pagbaba’y rumekta na sa tindahan.

“Pabili,” tukatok ko sa tindahan ni Tiya. “May gin pa po kayo?”

“Ay! Nakupo!”

“Patapos na ang sem!”

“Patapos na ba?!”

“Opo. Graduate na rin po ako. (Hehe.)”

“Kunggrats!” sabay abot ng gin. “Ano pa sa ’yo?”

“Tsaka isa pong iced tea.”

“Anong iced tea?”

“Kahit ano po.”

“Itong dalandan?”

“(Iced tea ba yu--) Iced tea po ba--. Sige po, ‘yan na lang.”

Abot. Bayad. Sukli. Babayu.

Ipinatong ko na sa mesa/amplifier ang mga pinamili matapos itabi yung putang inang vase na matagal ko nang gustong basagin. Pampasikip lang amputa. Minsan, nababasa pa yung mga gamit ko sa mesang yun kasi hindi naman pansin agad na diniligan pala ni Mang Jun yung halamang nakatanim sa punyetang vase na yun.

Miss ko na yung inuwing ash tray ni Apom. Matagal na yatang binasag/ninakaw.

Maya-maya’y lumabas na si Jose, dala ang mga aparato. Nagsimula na akong magtimpla habang naggigitara’t umaawit si Jose ng Orange and Lemons songs. Inalog ko yung mix (gin + tubig + dalerndern) sa loob ng isang kanta. Halung-halo naman na siguro yun.

Natapos na ang kanta. Handa na naman ang lahat. Uminom na ako ng isang shot. Inabutan ko na rin si Jose ng kanyang panguna.

“Yung pipe ah.”

“Sige.” Sunud-sunod na shot na ang dumating. Hindi pa kami nangangalahati ngunit tila may kaunting amats na agad kaming dalawa. Laking pagtataka ko kasi halos dalawang linggo na nga kaming umiinom ng gin, bakit ngayon lang kami tinamaan nang maaga.

“Gutom yata ako. Kanina pa ako hindi kumakain.” Laking pagtataka kong muli dahil alam kong kasama ni Jose si Mitzi kanina at malamang e nakapagdinner na sila. Siguro kasi, matagal kong inalog yung mix. Baka nakalat nang maayos yung alkohol. Hindi kami sanay na may amats, kahit kaunti, kapagka halos 1/3 pa lang yung nababawas sa bote. Hindi ko alam kung mababadtrip ako kasi amats lang din naman talaga yung habol namin. “Bibili lang ako Chiz Curls.”

Dumukot ako sa bulsa ng bente pesos na bill mula sa sukli ni Tiya kanina. Gutom naman talaga ako, pero hindi talaga normal yung bilis ng pagsundo ng amats sa’min. Pagbalik ko sa garden, binuksan ko na agad. Sinubukan ko pang isa-isahin yung pagdukot hanggang sa pinakyu ko na rin sa wakas yung sarili ko kasi puno na yung kamay ko ng cheese curls sa bawat sumunod nang bunot.

“Paborito ni Miguel ‘to. Ay. Piattos pala. Si Kuya, Chippy. Dati, Nova.”

“Hindi naman masarap yung Nova.”

“Hindi nga. Ang alam ko sa mga nagda-diet yun e. (Pero ulol. Junk food pa rin yun, ang alam ko.) Pa’no na nga pala sa Wednesday?”

“Mukhang malabo talaga, men.”

“Anong oras ba meet niyo sa Ayala Museum?”

“Alas tres, nang hapon. Parang nakakabitin kasi kapag gabi tayo umalis dito tapos aalis din sa Cavite nang kinabukasan.”

“Oo nga. Sige.” Sayang. Gusto mo pa namang makita na yung bahay namin sa Cavite. Hindi ka na nga nakapunta last year, itong taong isang taon nating inantabayanan, hindi mo pa rin naabutan ang bahay ng boyprend mong Kabitenyo. Hindi bale.

Nagpatuloy sa mga shots. Sinagad na rin ni Jose yung orange playlist niya sa gitara. Napag-usapan din naming isusulat ko ang buhay niya kapagka sumikat na siyang gitarista/musiko sa Pilipinas. Gusto niya yung wika ng 108 yung mananatili. “Kaya lang, baka tayu-tayo lang din yung makagets nun e ‘no?”

“’Di ‘yan. Ako’ng bahala. Kung ako nga na hindi pa ganoong katagal dito pati yung mga kasama ko sa bahay, sina Mig, at Kuya, nagets agad (, pa’no pa kaya yung iba?),” aking pag-usig na ituloy ang proyekto. “Si Guno rin gustong magpasulat tungkol sa buhay niya. Basta kayo ang bahala magkuwento. Ako na sa pagsulat.”

Shots muli. Awitan. Ululan.

Saktong amats lang at naabot ko na rin sa wakas yung peak na sinasabi mo. Hindi ako nabibitin. “Walang mabibitin ah.” (Wala nga.) Sana naman. Wala muna akong pera ngayon manlibre ng Jollibee delivery. Wala rin ako masyado sa mood manlibre para marami nga tayong pera kinabukasan. Pero ang alam ko sa ganitong estado, nasa mood akong kumain.

“Kain tayo,” panapos na paanyaya ko pagkasalin ng huling shot. “Bukas pa naman yata yung Balay. Libre ko na. (Syit.)”

“Libre mo?”

“(Huwag na lang kaya. Nagtanong naman si Jose, ‘di ba?) Oo nga. (Fuck.) Tara? Inumin ko lang ‘to. Last shot,” sabay tayo mula sa upuan. Yung baso lang yung naipasok ko sa loob ng bahay kasi nawawala yung takip ng punyetang bote ng Sprite. Kaso, nasa peak nga pala kami ng amats ni Jose na walang pakialam sa mundo. “Tara.”

“Tara,” sagot ni Jose na nasa labas na ng gate. Lumabas na rin ako at ako rin na lang ang nagsara. 120 pesos lang yung dinala ko. Kasya naman na siguro yun sa dalawang order ng chao fan plus toppings.
Kaso, putang ina.

“Wala na po kaming chao fan. Ubos na.”

“Ubos na raw?”

“Ubos na.”

Fuck.

Umorder na lang kami ni Jose ng tatlong kanin at platitong medyo malaki na punung-puno ng lechon kawali. Solb naman. Okay na sana. Kaso, putang ina ulit. Biglang pumasok sa kainan sina Guno at Raylyn. Okay lang sana si Guno eh. Kaso kapag andiyan si Raylyn, baka mag-away pa sila. Wala pa namang pinipiling lugar minsan si Raylyn kapag namumulaklak na yung bibig niya. Hindi naman ako galit sa awkward. Pero may ibig sabihin pa rin yung salita kaya siya inimbento.

“Pupuntang Baguio ‘yan bukas! 10K baon niyan,” panimula ni Jose.

“Baguio? 10K? Hayop!”

“May gusto ba kayong pasalubong? (Fuck.)” Hindi ko naman naisip na paaalalahanan ni Jose lahat ng taong masasalubong namin. Ang alam ko talaga, si Jose at Jemar lang ang nakakaalam. Putang ina. Haha. Medyo okay lang naman. Kaibigan ko pa rin naman yung dalawang mokong. May amats din siguro si Jose kaya kung anu-ano na lang yung lumabas sa bibig niya.

Nagpabili ng pine tree, strawberries, at kung anu-ano pa yung dalawa. Hindi ko naman tinanggihan. Ang pinakasinigurado ko lang sa harapan nila, “Sige, titingnan ko.”

“Ay, ‘wag!” pagpigil ni Guno. “Pang-inom na lang natin. O ‘di ba?”

Hindi ko alam kung nahalata ni Raylyn na biro lamang iyon pero, “Ay, wow, kapag may inom—bla-bla-bla-rant-ayoko-nang-pag-usapan-kasi-awkward-crei.” Tahimik na umalis sina Guno at Raylyn mula sa Balay. Nakapagbayad na rin kami ni Jose.

“Ano, hindi na kita ihahatid bukas ah?”

“Oo nga. Maliwanag naman na yun.”

“Yung pipa ah.”

“(Tsaka luntian na rin kamo.) Pati lengua. Sige.”

Umakyat na akong muli sa aking kuwarto. Medyo may amats pa rin ako. Sinubukan kong maglaro hanggang sa antukin. Nang dapuan na ako ng pungay sa mata, humiga na ako. Iniisip ko ulit kung anong mangyayari kinabukasan kasama ka. Kung saan tayo pupunta. Saan tayo matutulog. Saan ako kakain. Saan kita kakainin. Maraming mga tanong. Ano kayang itsura ng UP Baguio. Itsura ng mga kainang gusto mong makita ko. Kung may mall kaya doon. Nakakasabik. Nakakakaba rin nang kaunti. Hindi ko alam kung bakit pero parang first time ulit mangyayari ang lahat. Yung tipo ng kabang masaya. Yung masiglang pagtibok ng puso. Lalo akong nanabik, hanggang sa lalong bumilis yung pagtibok ng puso ko. Hanggang sa napagtanto kong hindi ako makakatulog sa ganitong pakiramdam.

Binuksan kong muli yung laptop ko. Tumapos ng isang round ng laro. Hindi pa rin ako inaantok. Bumaba ako para magyosi, panulak sa pagkagising ng diwa ko. Nagasolinahan din siguro ng matagal-tagal nating ‘di pagkikita. Hindi lang pala ako sa Baguio sabik na sabik. Pagbalik sa kuwarto, naglaro akong muli ng isang round. Hindi pa rin ako inantok.

Baba.

Yosi.

Kuwartong muli.

Tinamad na ako sa rotation. Puro talo lang din yung laro ko kahit inaayos ko naman. Bobo lang kasi yung mga kakampi ko, mga putang inang bots, madalas. Ang hirap magbuhat ng team, lalo na kapag ikaw/dalawa lang kayong marunong. Isinara ko na lang yung laro. Bumaba. Sindi. Hithit. Buga. Chineck ko yung relo ko. Alas tres na pala nang madaling araw. Pagkaubos ko ng stick ay bumalik na ako sa kama ko. Binuksan ang Films folder. Pumiling muli ng pelikula.

Play.

No comments: