Amoy chico na (naman) ako. Katatapos lamang mamula ng kalangitan. Hindi pa rin bale. Ikaw pa rin ang bahala sa kilirang haraya.
Nakasakay (na naman) ako sa sasakyang hanggang ngayon, galit pa rin ang nagbubulsa't bilang bago ay makikipagpagpagang-bakal. Hindi ko na mininsan pang balaking unawain siya. Madali rin naman kasi akong magpapakasasang huwag sanang managinip matapos makapag-agarang suman sa kanya dahil sa kinalimutan ko talagang huwag magdala ng limampiso.
Biglaan (na naman) akong nagising. Katatapos lamang tumulo ng una't huling pilit na pawis. Malapit ko nang maamoy (muli) ang gasolina. Malapit na ring tumakbong-palayo sa prisintong kay sarap balik-balikan. At malapit na ring mag-asal bundok ang isang kapansahing bitbit lagi ng aking bulsa.
Ikaw (lang naman) ang madalas kong abangan sa tuwing sisilip ang liwanag. Wala pa rin.
Umihip na ang tahanang ginaw. Ramdam ko nang pangilang ulit ngunit hinding-hindi ako magsasawa. Mangyaring may mangilan nang nagpaalam sa umaga at hanggang sa muli. Maya-maya'y sinenyasan ko na ang nakatakdang poong may hawak sa aming mga buhay na malapit na rin akong humiwalay.
Sa aking pagpanaog, agad kong sinukat ang aking kaba saka tumapik sa inaabangan ko pa ring liwanag mula sa iyo. Sumenyas ako sa panibagong poon at nagbanggit ng huling pikasan.
Ako'y nalumpuwit na't huminga ng chico. Pumadyak na ang niyunang (na naman) arangkada. May pagbalikwas nang saglit, may bigla akong paghiling na nawa'y 'wag sanang matsambahan ko ang poong may pihitan sa aking mga piitang tinawag din yatang balon noong araw.
Hiniling kong akin na muna, pakiusap, ang gabi. Hindi na ako nag-abiso pang humiling sa niyunang poon. Hindi na rin sa mapang-uyam na keso ng lobo. Biglaan akong inalalayan ng aking sarili na bumalik sa paanyabi ng kuwerdas at kuwero. Pumikit ako't humingi ng himlay.
Madalas kang nasa aking isip. Mangyari't ikaw ang unang pumasok sa aking paglirim. Sumimoy ang ihip ng hangin, tumama't sumigpas sa pagkaway ng mga damo, sa ilalim ng buwan, malumanay akong hindi nag-abang ng kibot.
Ikaw lamang ang nasa aking isip.
Hindi ko na napigilan pang ngumiti. May kung anong pagyakap ang dala ng tulin at poon. Itong sayang ito, sa daling araw na oras, ayaw ko nang magpaatas pa. At sa aking huling luha, alam kong ginigiliw (pa rin) kita.
No comments:
Post a Comment