Kartolina at kaunting barya, hindi mo na kami kayang hamunin ng napapanot mong kaluluwa. Takot ang lahat sa iyo, at kami ma'y may pagpigil ng kakulangan. Sa masisikip na linya ng aming kuwaderno't pigang-piga nang mga pawis, magkakaroon ng obrang minarapat na ipamalas. Kaarawan ng mga hindi pa nabibinyagan, magkahawak-kamay kaming nagdudulot ng pagpiglas sa kawalan.
Ang lumikha ng ibang kulay, iyon ang dapat na manggulat sa mapungay mong irita. Hindi maidaraan sa magandang umaga at paalam sa iyo. Magtatagisan ng galing ang magkakaibigan, lalampas sa limitasyon ng lampara at langis. Lilinanging layo sa lamyaan ang linaw na nililimos sa lahat. Lirikong lakbay, lantay na lente, lalamang ang labis, at lalatay sa letse ang liliko. Liliit ang litru-litrong luha sa likod ng mga litratong larawan ng lihis, lintang lilindol sa liwanag ng lirim at lilim.
Walang alintana sa pag-aabang ng milagrong may hahalik sa kaliwa at sa kanan. Makakalendaryo ang hinagpis sa saranyaang hindi mababaliko ninuman. Aantukin ang iyong mga gilagid, gagaspang na naman sa iyong sariling pisara. Magbabato na naman ng tanong na may paglibak sa aming kinakaya. Paalam pa rin, paalam. Ang pagtango ay hindi kailangan bagkus, paalam, paalam. Ang pag-alala ay may sandig sa hinahon. Ang pag-alala'y buto't balat ng mga paniking lumilipad-lipad sa nagmamadaling araw.
No comments:
Post a Comment