Magigising na lamang ako bigla at mapagtatantong nagising na lamang ako bigla. Magugulat ako sa lahat ng nangyayari habang nagpipigil sa hindi ko malaman kung ano. Huwag mo muna akong titingnan kahit ayos lang sa akin. Huwag mo akong patatawanin dahil baka makatikim ka. Masarap pa naman akong magparamdam ng simpatiya at halu-halong galit. Gutom na gutom ang aking isip. Huwag mo akong palalamunin ng ginto. Lahat ng makikita ko ay simbolo ng mga gagamba. Hihigpitan ko ang bawat sapot na pupulupot sa akin. Hihinga na lamang ako nang marangal.
Ilayo mo sa akin ang kape. Usok ang aking hahanapin. Ang pagbuka ng bukas ay hihintayin ko. Ilayo mo muna ang kape. Huwag mo akong iinisin. Makati pa rin sa lalamunan ang mga hindi ko naipinta kagabi. Kaunti na lamang parati ang hudyat ng pag-aangas. Limang beses akong bubuwelo ngunit kalahati lamang ang padyak. Mauurat ako sa pagbibilang ngunit ang pagbibigay ng galang ay mas mahalaga. Iiyak ako sa tabi habang pinipigilang mabigyan ng tamang paalalang may kalalagyan lahat ng mga parirala.
Kakayanin ko ang lahat, banggit sa lahat ng pipihitan. Ang kalampag ng mga paningin sa akin ay bahagyang magbibigay ng ingay. Hindi ako galit pero huwag niyo akong gagalitin. Kalat-kalat lahat ng harayang makipagbuno sa bawat maglalagay ng palag. Kung sakaling kumanti ang kidlat, uusog pailalim. Mag-umpisa ka nang magpaalam sa kahapon dahil paparating na ang dilim. Kukulimlim ang langit. Malulungkot ang umaga. Hindi sinasadyang aalarma sa kagubatan ang senyas ng iisang dahon. Maaalala mo akong muli, mapapangiti kang may kilabot. Sa bandang huli ng mga pariralang hindi sukat, susubukan mo nang gumising.
No comments:
Post a Comment