Takot ako sa iyo. Takot akong makita kang galit. Takot akong makita kang nasasaktan. Pakiusap, huwag mo akong sigawan. Hindi mababakas kung minsan pero mahina akong tao. Huwag mo akong tingnan nang ganyan, nahihiya ako. Mahiyain ako, totoo. Lumalakas lamang ang aking paghikab kung sakaling maalala pa ako ng mga tao nakaligid lamang sa akin. Bahagi lamang ako ng paligid nila, at sila'y nakikita ko lamang sa likod mo. Kapag sinubukan kong magpakilala, lalo akong kinakabahan. Hindi naman ako mahihiligan ng kung sino lamang dahil sa hindi naman din akong karaniwan katulad ng lahat ng tao.
Mabigat para sa akin mag-iba ng anyo, pero hindi ko naman ito pinagsisisihan. Sa lahat ng beses na magpapakilala kang muli, huwag mo akong antabayanan. Narito ako, kung iyong lalapitan o kakausapin. Mabilis sana akong tumugon dahil sa ayaw ko ring naghihintay. Natatakot akong makita kang may pinagsisisihan o sinisisi kahit mahirap naman talagang pasunurin lahat ng bagay sa mundo. Kalkulahin man natin ang mga pagkakataon, babagsak pa rin ang ilan sa mga nag-aral.
Nawa'y palarin lahat ng mga tambay sa mundo. Nabubuhay pa rin sila kahit na halos wala na silang ginagawa. Kung mayroon man, pinagpapala pa rin sila ng masarap na tulog at talukbong ng sariling kaba at ngiti. Babalik sa nakaraan na para bang tinatakot ng kanilang sariling mga anino. May pagpapaalala sa bawat tugtog na papakinggan hanggang sa bumili na lamang muli ng panibagong dismaya sa sarili.
Itulad mo ako sa kanila, matapang lamang kung walang pakialam sa sarili. Sa pagpapadausdos ng kapuwa, hindi na ako magmamagaling. Pagpalain nawa akong may sariling oras sa pagbibigay ng pakialam. Hindi naman ako kayang pasunurin ng mundo.
No comments:
Post a Comment