Nabubuhay ka na lamang para magalit. Ang mundo ay puno ng reklamo. Ang reklamo ay bunga ng hindi mo inaasahan. Sa lahat ng bagay na perpekto, may kakulangan ang iyong paglingat. Magtatampo sa'yo ang mga paruparong hindi mo naman talagang mga kilala.
Sa ilalim ng hangin, sisimoy ang dagat. Nakakabit ka pa rin sa lupang kinamumuhian mo. Babalikwas kang madalas sa kawalan ng tinta. Mahirap nang magpatuloy. Mag-iingat na lamang lagi sa bawat pagtapak. Ang mga nakapalibot ay unti-unting mababawasan ng laman. Hindi na lahat ng bagay ay pawang mga kunwari na. Sa katotohanang araw-araw mo nang iindahin, ikaw na mismo ang naglilimita sa iyong sarili.
Magmamalinis ang mga makasalanan. Ang mga mapagkumbaba ay madalas magsisi. Sa reyalidad ng mga pagtawid, pare-pareho lamang ang antas sa pagdating. Hindi ito kawalan ng tingkad sa titig o pulmonya ng saring dalumat. Sa magkakaibang bahagi ng lupon, sa iisang puntod ang nais at ang ayaw.
No comments:
Post a Comment