Tumigil ka't ako ang siyang malilito. May kaakibat na pagpapaliwanag ang lahat ng aking masasagap. Kapag nag-umpisa na akong lumubog, huwag mo akong sisigawan, pakiusap. Naniniwala akong maaaring dahan-dahanin ang maraming bagay sa mundo, at maaari ring hindi lahat ng tao ay kapareha mong mag-isip.
Huminahon ka. Masyado na namang malayo ang takbo ng iyong isip. Madalas itong nagdudulot ng kunot sa iyong mga kilay at taas ng iyong magandang boses. Magpalamig muna tayo. Naturang malapit na namang magtag-init, nariyan ang yelo, ang matatamis, ang mangga, ang pakwan. Uminom ka muna nang maipahinga mo ang iyong nararamdaman. Magaan pa rin pati ang paglangoy ng mga ulap sa langit. Unti-unti itong sipsipsipin ng iyong diwa, ng iyong ikinikimkim na pagbabago.
May tamis naman pala sa iyong pinipigilan ding mga ngiti. Huwag mo itong pigilan. Tao ka rin naman at nagkakamali. Na naman ngunit nananatiling nayon. Kantyawan ma'y matibay pa rin dapat ang pagtindig. Matibay dahil totoo. Totoo dahil likas. Likas dahil ikaw ay ikaw, ngunit ako nama'y ako.
Tumigil ka't ako'y iyong nililito.
No comments:
Post a Comment