Barya ma'y tipong alak na lamang ang magsisilbing katapat. Hayaan na muna ang nag-iisang halaman nang makontrol pansumandali ang pamamayagpag ng mga alon sa buhangin. Mamaya nang sirain ang kalma, ipakain nang buo ang konsensya, lunurin ang sarili sa mga ngiting hindi magtatagumpay ngunit puwede na, puwede na.
Bukas pa ang bukas, talagang bukas pa iyon. Saka na alalahanin kapag may nangyari na. May mangyayari pa ba? O yari ka na? Yaring iyong tanging yari ang mangyayari sa iyo. Mangyayari ang mangyayari sa iyo, yaring iyo, yari para sa'yo.
Saka na, kapag gumising ka nang muli. Ni hindi ka pa nga bagong-mulat. Bulatlat pa ang iyong mga kaibigan, silang mga kasabay mo sa paghihintay kung bukas na ba, bukas pa pala. Isa pa, at isa pa. Mamaya na 'yan, may bukas pa. Bukas pa ba siya? Bukas pa yata. Bukas na.
Ipaubaya na lamang sa bukas ang lahat. Ikaw itong nabubuhay sa bawat hiblang magiging kahapon, palaging magiging ngayon. Magiging kahapon, manggagaling sa mamaya. Ibabalik ang kahapon, dadaanan din ang bukas. Hindi makikita nang tuwiran, damdamin ang paulit-ulit na pagbibigyan. Pangungunahan ng kasinungalingang barya ma'y tipong sigarilyo na lamang ang kaibigan. Hayaan, hayaan na lamang muna sila. Muna.
No comments:
Post a Comment