Pabalikin mo ako sa samyo ng malamig at malambing. Paantukin sa ginaw ng kulimlim ng lupun-lupong ulap. Sa ganito ko lamang tunay na sinisinta ang kapayapaan. Payapa akong magmuli, sa magkahalong halumigmig ng mga damo at dahon, sa gilid ng dalampang sementadong kalsada, kumportableng kongkreto. May katok nang buo ang mga kahoy mula sa uupuan kong may lumang barnis. Takatak nang walang pagmamadali sa aking kahon, sabay hugot ng panibagong sala. Sasayawan ako ng usok na aking ibubuga, hindi ko malilimutang haluing muli ang aking kapeng dahan-dahang pinapaslang ang sigasig.
Ayos lang, ayos lang. Ito ang awa ng buhay sa akin habang unti-unti kong pinapatay ang aking mamikit pang diwa. Mandilirim akong saglit bago pa man mapagtantong hindi lahat ng buhay ay biglaang namamatay. Nginitian kong muli ang aking kape, may kaunting habag sa aking mga labi. Maya-maya'y mauubos ka na, at ako'y magsasakripisyong muli ng ilang panahon para sa walang kuwenta pang mga bagay. Itinuring ko silang lahat na aking mga kaibigan, malayo ako sa aking kinamulatan. Sa mga saglit na isinisilid sa aking mga hawak, may kung anong duwal ang gustong kumawala. Huwag na muna sana, huwag na muna.
May magpapakatatag pa, makikiisa sa orkestra ng mga huni at simoy. Pipikit akong muli habang kinakapa ang sunod kong atubili. Sa mga susunod na buga ng pamamaalam sa iniwan, kakalabiting muli ako ng pagal na paggunita. Ngayon na, punyeta ka ba? Kukunot ang aking kilay, pipigilan ang mapagbadyang bara sa hinga. At sa aking pagdilat, gugulong na lamang ang luhang sisira ng sansaglit na simuno.
Tara.
No comments:
Post a Comment