Malibog pa sa gabi ang pagtiwangwang sa akin ng araw. Ngingitian pa akong nangingirot sa aking kalamnan. Nagpapaalalang tila huwag ko lamang makakalimutang, ang aking paninilbihan ay saka lamang makapagpapabilang kung ako na ang tanging mayayamot sa buong panahong pakikipagpalitan ng kapaitan.
Pinalalapit pa ako't saka pupuluputan kung hindi pangganahan ng malakas na balandra ng tumutulong ginaw. Palilipasin kong maringal ang aking gutom at galit habang dahan-dahan akong dadapuan ng tuwang minsan ko na lamang makilala. Sa mga sandaling ito'y hihilingin kong maging pagong na lamang akong lalangoy kung hindi mapagbibigyan, maglalaslas kung madudulas, at mangingiyak na rin kung sinubukan na ang lahat ngunit pawi pa rin ang katapusan.
Magsisindi na ang nag-iisang bintana, maririnig ko na ang usok na tutuldukan ng payak na pintig. Bahagya nang lumalakas ang kasintunaduhang nagmamay-ari sa mga idinikit na't paulit-ulit na lamang na tinatapalan. Magmumura ako nang papaurong nang masimulan ko nang tupiin at gisingin ang kung ano pa mang mga natira sa aking mga tinira.
Hindi mapipigilan ang ragasa, ngunit hindi ang ibig kong sabihin. Magsasagutan ang aking mga kapuwang malayang intindihin ang init ng paglaya pero pinilit na lang na pumirma sa kalikasang mayroong naghahari-harian. Ano man ang isugod sa mga diwa ng naglilingkod at wasto, mahusay na makikiigi pa rin ang pagmamanmang panguna ng kamangmangan.
No comments:
Post a Comment