November 28, 2019

Pagkarikit ng usok tuwing magdirilim. Tila sumasabay sa naalimpungatang kumot at mga unan. Bahagyang aagos ang paiba-ibang timyas ng hangin. Nag-uumpisa na namang guminaw. Mararamdaman ang mapagkubling pag-iisa at pakikiisa, ngunit ni hindi minsang dadapuan ng hinagpis. Ang pagpapasyang makalayo muna sa ingay ng mundong paulit-ulit ay matagal na ring kinasabikan.

Hindi maisipan pa kung paanong sisimulan ang napipintong pagtatapos. Aayon na muna sa hagod ng kamuntikang masirang pagpapasahan. Laway ang nag-umpisa at sa laway rin magpapaalam, kapuwang nagkukuwetuhan ang mga pinagtapunan ng mga bangkay, pinagtaguang mga hibla, at babalikan pang mga pangungusap.

Ang galit ay napawi, ginusto nang makasakay muli. Isasarang dahan-dahan ang mga mata hanggang sa hilahin nang pailalim ng namumuting kakampi. Kaagapay ng mapanghusgang mga tala, ikaw na mismo ang maunang tumapos sa atin.

November 21, 2019

Masahol na naman ang kurot ng anyaya, pausok tungong pantayo mamaya. Hilig pa rin kung miminsan ang paglagok sa gabi-gabing kinasanayan na noong araw pa man. Sa mga sementadong tambayan at papahilagpos nang liwanag, naiinis na maya't maya ang guwardiyang limang beses nang inuutangan ng yosi, Marlboro nga po, pula.

Ha? Pula? Para ka namang ama niyan?

Gago, hindi ako taxi driver! Saan ba tayo mamaya?

Ahh, nagsisimula ka na naman ng kaputang inahan mo ah. Ano na bang natapos mo kanina?

Marami na rin, gago. Kanina pa ako pagod mapagod. Siyang saan nga ba tayo, putang ina ka?

Saglit, magyayaya pa ako sana.

At sa gayo'y maliwanag na maliwanag na nga. Kapuwa na naman nag-aabang ng kanya-kanyang pagpipitikan ng makasariling upos at baga. Ang sisig ay kakantiyawan kahit na babalik-balikan pa rin. Masasamid sa mga nakapalibot na anghang ngunit yayakapin ang bawat sandaling sasagi na lamang kung maaalala pa.

Ay sa kung minsan nga bang mga gabing bakit hindi pa pinagana ang pag-umpog sa mapakla! Sana'y puno pa rin ang langit ng ating mga pagtingala at pinagpag nang mga balat at asin ng mani, ng mga natapong bula, mga pinabayaang usok ngunit nauuwing luhaan, mapagpaumanhin, at umuunawa.

Gabi na naman, kaibigan. Saan na nga ba tayo?

November 14, 2019

Strukturalismo

Strukturalismo.

Hanep. Ano 'to? Sa pagkakaalala ko, una ko 'tong narinig sa subject tungkol sa mga teoryang pampanitikan noong nasa college pa lang ako. Sa pagkakaalala ko lang ulit, ang natatanging umukit sa akin mula sa mga binanggit ng prof ko tungkol dito ay yung (non-verbatim), "Kinakailangan nating malaman ang struktura ng isang akda nang madeconstruct natin ito at muling makapagreconstruct. Deconstruct and/to reconstruct."

Sa isip-isip ko, mukhang malabo? Nauunawaan ko yung puntong kailangan kong baklasin sa iba't ibang parte ang isang sulatin nang masuri nang mas maigi ang bawat bahagi pero bakit kailangan ko siyang buuing muli? Kailangan pa bang buuin ang siyang buo na?

Doon ako nagkamali. Saka ko lamang napagtanto yung maaga kong katangahan noong papalapag na galing Skyway yung sinasakyan kong bus, ilang linggo lamang din ang nakalipas...

Strukturalismo na yata yung isa sa mga bagay na nakakatakot pakinggan pero magagamit kung tutuusin. Baka hindi natin namamalayan, araw-araw o may mga panahong nagamit natin ito nang hindi natin namamalayan. Hindi lamang mga alagad ng panitikan, pilosopiya, etc. ang maaaring makinabang sa mga ganitong paraan ng pagtingin sa mundo at iba pang mga nasa paligid natin.

Sa ibang sabi, strukturalismo ang lenteng nagagamit sa tuwing hinihimay natin ang isang bagay nang baha-bahagi (struktura) na mababakas pa rin sa kapuwa o kapareho nito. Nang maipaliwanag pa nang mas mabuti sa sarili, sabihin na lamang nating kailangan mong maranasan ang isang bagay nang paulit-ulit bago mo mapansin ang mga nauulit nitong taglay na katangian.

Halimbawa na lamang, nagkataong nakakain na ako ng iba't ibang spaghetti sa buong tala ng buhay ko hanggang sa ngayon. Sa bilog ng partikular na danas na ito, nalalaman kong ang isang spaghetti, saan man nanggaling o sino man ang nagluto, ay mayroong (1) pulang sauce na may karne, (2) noodles, at (3) cheese (optional). Mayroong mga bahagi. Sa isip ko, bilang din namang pakilala ng realidad na kinabibilangan ko, lahat ng spaghetti na makakasalamuha ko ay mayroon dapat na ganitong struktura.

Ayon sa isang tropa noong araw (non-verbatim), "Mayroon lamang dalawang uri ng manunulat. Yung isa, naghihintay at nagbabasa ng marami bago magsulat. Yung isa naman, nagsusulat lamang nang nagsusulat."

Alam ko, walang koneksyon sa spaghetti pero makakarating din tayo roon.

Siguro, hindi lamang ako ang may ganitong pagtingin sa spaghetti. Malamang ay yung iba diyan, sinisiraan yung sauce ng birthday ng kapitbahay nila. Yung iba, dadagdagan nila ng cheese yung inilagay nila sa kanilang plato. Minsan, iba-iba ang karne, iba-iba ang timpla, iba-ibang opinyon, ngunit may iisa pa ring struktura.

Ngunit hindi tayo natatapos na lamang sa pagtikim o pagkain na lamang ng spaghetti. May ibang mga taong umaabot sa kanila mismong paglikha ng sariling version ng spaghetti. Maaaring mula sa pagkain nila ng maraming-maraming spaghetti, nagets na nila ang pinakastruktura nito, at sa tulong na rin ng simpleng pagtatanong at research ng recipe, lulutuin na nila ang spaghetti na gusto nila.

Ngayon ay maaari niyang matsambahan sa unang lagpak ang lasang hinahanap niya. Pero sa madalas ma't sapul ng mga tala, dadaan pa rin siya sa paulit-ulit na pagluluto ng spaghetti bago pa man makamit ang ninanais na timpla.

Bago pa man nating maunawaan nang buo ang isang bagay, kadalasa'y kailangang paulit-ulit nating maranasan ito. Sa panahon ng memes ngayon sa social media, halimbawa, madali nang mapansin at mabuo ang pattern na ipinakikita ng isang unique na meme. Sa paulit-ulit nating nakikita ang iba't ibang teksto ng iisang meme, paminsan pa'y nagagamit na natin ito sa pang-araw-araw na pakikipag-usap.

Mula sa mga ito, hindi na masamang sabihing mayroong mangilang paraan para maibilad ang ating sarili sa isang bagay bago natin mapansin at buuin sa ating mga isip ang struktura nito. Puwedeng paulit-ulit tayong makakakain ng iba't ibang spaghetti, o paulit-ulit tayong magluluto ng sarili nating spaghetti. Puwedeng makakakita at makakakita tayo ng memes na may parehong dalumat, o puwede ring bubuo at bubuo tayo ng sarili nating meme ayon na rin sa dalumat na ating nakita.

Ngunit ang isa sa pinakamadadalas mangyari ay yung makakailang ulit ka munang makatitikim ng meme bago mo pa man subukang gumawa ng iyong sariling likha.

Mag-uumpisa 'yan sa paghahalaw, pangongopya nang walang pag-aangkin. Matutuwa ang sarili dahil kinakayanan sa mga unang hakbang pa lamang. Kung magiging pursigido pa, aabot sa antas na makakalikha na ng isang obrang malayo nang mabakas pa't maihawig sa mga inspirasyong pinagkamulatan.

Maigi kung nalalaman muna ang pagkakahimay ng struktura ng isang bagay dahil magagamit ang mga makikilalang katangian sa paghihiwalay ng dapat mula sa hindi, ng mahusay mula sa kailangan pa ng paglinang, ng karaniwan sa hindi karaniwan, at nang maging mas madali ang pansariling paglikha ng mismong bagay na pinaglaanan ng oras.

November 7, 2019

Malibog pa sa gabi ang pagtiwangwang sa akin ng araw. Ngingitian pa akong nangingirot sa aking kalamnan. Nagpapaalalang tila huwag ko lamang makakalimutang, ang aking paninilbihan ay saka lamang makapagpapabilang kung ako na ang tanging mayayamot sa buong panahong pakikipagpalitan ng kapaitan.

Pinalalapit pa ako't saka pupuluputan kung hindi pangganahan ng malakas na balandra ng tumutulong ginaw. Palilipasin kong maringal ang aking gutom at galit habang dahan-dahan akong dadapuan ng tuwang minsan ko na lamang makilala. Sa mga sandaling ito'y hihilingin kong maging pagong na lamang akong lalangoy kung hindi mapagbibigyan, maglalaslas kung madudulas, at mangingiyak na rin kung sinubukan na ang lahat ngunit pawi pa rin ang katapusan.

Magsisindi na ang nag-iisang bintana, maririnig ko na ang usok na tutuldukan ng payak na pintig. Bahagya nang lumalakas ang kasintunaduhang nagmamay-ari sa mga idinikit na't paulit-ulit na lamang na tinatapalan. Magmumura ako nang papaurong nang masimulan ko nang tupiin at gisingin ang kung ano pa mang mga natira sa aking mga tinira.

Hindi mapipigilan ang ragasa, ngunit hindi ang ibig kong sabihin. Magsasagutan ang aking mga kapuwang malayang intindihin ang init ng paglaya pero pinilit na lang na pumirma sa kalikasang mayroong naghahari-harian. Ano man ang isugod sa mga diwa ng naglilingkod at wasto, mahusay na makikiigi pa rin ang pagmamanmang panguna ng kamangmangan.