Hindi pala kailangan.
Sana pumikit nang muli
Nang lumiwanag at matuloy,
Tumuloy mga sinaunang
Himalang galing sa likod ng
Iba-ibang halu-halong
Pabula, hiwaga, panggulo
Sa aking buhay. Akin ang
Aking sarili ngunit
Sino itong akong parang
Pinabayaan na lamang at
Walang pakialam sa pabagu-
Bagong aakyatin, kay kupad
na mga pagtakbo sa mga
Burol ng mga di naman
Makikilala pang mga patay.
Ako na lamang yata ang
Natitira pang buhay. Kung
Umuwi na lang kaya ako
Nang mapatid at sundan
Mga inilikong kadena, mga
Harurot na hindi pa tutok
Sa preno, sa alanganing
Pagbangga sa alas tres na
Subsob-tirang trip, na naman.
Akala'y totoo ang ibinatong
Kislap sa kabilang kintab ng
Maestrong tagahatid lamang.
Hindi namalayang may gaguhan
Nang naganap at wari'y may
Pagtapik sa pawising batok ang
Konsensyang ginising, gumising,
Sa likod ng mga likod, at muling
Harap sa iyo, maestro. Pasensya,
Aamin naman ako sa iyo ngunit
Sa hindi mo inaasahan ni
Maaalalang konteksto, paalam,
Paalam sa iyo, maestro, at
Hanggang sa muli. Mauna ka na,
Baka may hinahabol pa ang mga
Iikot pa sa bundok ng lilang
Palaisipan pa rin sa mga sanggol.
Hindi bale't kadalasa'y lugmok
Naman sila sa pagod ng bagot.
Sige na, sige na. Hihimbing na
Akong muli. Maglalaro sa gamit,
Sa ganid ng sandali. Sige na, oo,
Babalik na ako. Sana hindi na
Akong makabangong muli, muna.
No comments:
Post a Comment