May 28, 2021

Parang, parang magmamadaling araw yata 'yon. Ang lapit ng asul sa nahahamugan nang pabukas na tindahan ng tiya, o parang lumang talyer na rin yata na naunahan pang nagsisitimplahan ng kape kaysa sa nakadyip pang naglalako ng pipitsuging mga balita. Balita sa umaga, balita pa rin sa umagang may niluluto nang sinangag na may hotdog at itlog na binati.

Bumangon ako kasi parang may nakita akong kung sinong baka makilala ko o makilala ako. Nag-abang ako ng galak, hindi ko itatanggi. Pumait ang lasa ng malalamig na butil ng pawis. Lalong lumamig ang aking sikmura hanggang lalamunan. Sumakit yung mata ko pero ayaw ko namang kamutin. Kamay lamang ang naisagot ko pati hinangong hininga. Kilay lamang ang isinagot sa akin sabay ngiti. Ipinaalam kung may mapagtataguan pa ng panggagalingan sa kahapon. Isinagot kong saglit lamang at pero sige tara doon.

Nakita ng dalawang iba pang kasama. Inamoy ko ang salas, maginaw pa rin sa may gate na hindi niya isinara. Mukhang inaantok pa siya at ayaw nang pagtimplahan na muna ng kape. Kumubli siyang agaran sa kama, sa puting mga kumot, puting mga unan, puting bed sheet na biglaang nagsilambutan at luminis, 'ki ng ina. 

Kinamot ko na yung mata ko, baka sakaling maniwala na ako sa sakit na bumabalik sa aking dibdib. Pinilit kong magising ang aking diwa. Parang gusto kong umulan na lang bigla tutal mahal ko naman ang daigdig kapag sumasabay siya sa aking kalungkutan, sa aking paghahanap ng kulimlim at mga dismayadong pusa at langgam sa kalye. Mayroon pang mga natirang kalat na bangkong kahoy, mga hindi nawawalis na dahon, mga kalat na tansan. Maririnig ko na yung taho sa wakas. Nalingat nang sandali ang aking isip.

Pagpasok ko, mahimbing na siya ng tulog. Tumakbo akong muli papalabas para hanapin yung nagtitinda ng tabloid. Diyan na siya siguro muna. Hindi pa naman nag-aapura ang aking mga ngipin at labi, aking bibig sa gutom. Masakit pa rin yung mga mata at dibdib ko pero hayaan mo na. Andiyan na 'yan e at diyan na siya muna.

May 21, 2021

Sa umpisa, mayroong dalawang gustong manood ng mga pelikula. Iyon nga lang, nagkakaroon ng biglaang anghang kahapon pa para sa isang perpektong pagkakaluto ng matagal na ring 'di natitikmang spaghetti na may meatballs. Maririnig ang ingay ng vaccuum cleaner at ngawa ng munting tuta. Natatakot ito at mukhang mapapaihi sa pangambang baka lamunin siya ng ingay na ayaw niya nang makilala pa.

Napakagulo. Mayroon pa ring mga kasinungalingang nagpupumilit na magpaayos sa kanya-kanyang buhay. Matamis nang hiramin ng biyolin ang aking atensyon. Anyway, narito ako para maglaglag ng mga linyang magpaumpisa ng mga senaryong may kulit, may paghahanap sa mga halimaw, at maraming pagtatanong ng matatandang ulyanin na.

Ang mga lolo, lola, nagkakakitaan na lamang sa umaga. Nagbabatian ang kanilang mga bibig, namamaga, nagdurugo pa minsan. Sinasabi o ipinahahayag ang kanilang mga suliranin ng kahapon nang walang naririnig na background music, o 'di kaya'y may pagkabagot na sa paghihintay ng kamatayan.

Sa buong haba ng pinanood na mga pelikula, tumara na at humina ang boses ng mga natitirang tagasubaybay. Pakalidad nang pakalidad ang pagsasayang ng mga nakalap ng mga nagkakaisa lang namang boses. Ano pa kaya ang dapat na mahanap sa tulay ng mga sikat? Hello? Excuse me? Maaari mo ba akong pagalingin? Kung hindi, gusto ko sanang magkaroon pa ng mas maraming araw. Saka na lamang munang tangayin ng agos. Ayaw ko pa munang umuwi.

May 14, 2021

Natutuhan vs. Natutunan

An open letter para kay Kara David:

Bakit ambilis nating balewalain ang maylaping natutunan, natututunan, matututunan, etc.? Dahil lang sa wala kang ibang mahanap na diksyunaryo o sanggunian na makapagpapakilala sa etymology kung bakit may mga dilang Tagalog na nag-adapt sa ganitong pagdulas tungong pag-iibang tunog ng hulapi? Mahirap balewalain, oo, dahil ang dami-daming beses mo siyang narinig, naririnig, at maririnig pa. Maraming speaker ng Tagalog ang gumagamit ng natutunan, etc.

Ngayon, maaaring kumontrang hindi porke't maraming gumagawa ay tama na, pero sa kalikasan ng wika, kung matagal at marami nang gumagamit nito, nagiging tanggap at tama ito, at hindi madaliang mailalapat bilang "mali" o "hindi wasto." Buo ang salitang natutunan. Meron siyang root word (tuto), at meron din siyang suffix. Sinubukan ko ring magsaliksik noong una hinggil sa kung may iba pang mga hulaping Tagalog ang hindi madalas gamitin pero wala rin akong nahanap.

Hanggang sa naisip-isip kong baka dumaan lamang ito sa isang pagbabagong morpoponemiko (kung saan nagbabago ang bigkas tungong baybay ng isang salita depende sa kung gaano itong nagiging makakapagpadali para sa dila ng nagsasalita) kung kaya't siguro'y may mga Tagalog speaker noon na mas madali para sa kanila ang pagbigkas ng natutunan versus natutuhan (Sige nga, try mo sa dila mo kung alin ang mas madali!).

Bakas ang ganitong proseso sa mangilang halimbawang maaari kong banggitin katulad ng ambaho mula sa ang baho, o kaya nama'y panguha galing sa pangkuha. Kapansin-pansin ang mga pagbabago sa baybay/bigkas sa mga isinaad na halimbawa kung kaya't maaaring ganito rin ang nangyari sa natutunan mulang natutuhan.

Hindi ako sang-ayon sa pagtanggal na lamang nang biglaan, or pagkakitang "mali" ng isang maylaping sobrang tagal nang ginagamit ng mga Tagalog, at sobrang daming Tagalog din ang bumibigkas. Mahirap tanggapin dahil likas ang paggamit ng salitang ito sa mga likas na tagapagsalita ng Tagalog. Ano 'yon, mali na agad porke't may apat lamang na pangunahing suffix ang naipakilala? Hindi naman yata dapat.

Edit 1: Bilang dagdag, mula sa comment ng aking mga kaibigan, may mga salitang gumagamit ng hulaping -nan. e.g. ulunan, paanan, tawanan

Edit 2: Noong umpisa'y meron lamang dalawang posibleng sagot sa problema. Una (1), nagbago ang salita mula natutuhan/uluhan tungong natutunan/ulunan dahil sa pagbabagong morpoponemiko, or maaaring (2) dalawang magkaibang panlapi ang -han at -nan, at interchangeable (maaaring hindi) sila.

Edit 3: Sa kalaunan ng pagresolba sa problema, may mababasang sanggunian ang nagsasabing mayroon lamang hulaping -an, at walang -han at -nan. Pagbabagong morpoponemiko ang paglitaw ng tunog ng N o H 'pag 'di nagtatapos sa impit (glottal stop) ang kakabitan ng binanggit na hulapi. Ganito rin ang nangyayari sa suffix na -in tungong -hin at -nin.

e.g.

ulo + an = uluhan
ulo + an = ulunan

May mga Tagalog na gumagamit ng uluhan. Meron ding mga gumagamit sa ulunan.

Pero mukhang may mga pagkakataong hindi maaari ang pareho.

e.g.

talo + an = talunan
talo + an = taluhan (?)

(cont.) Aware naman ako sa mga dapat at hindi dapat na rule sa grammar dahil maging ako rin ay naging mag-aaral ng wika noong ako'y nasa unibersidad pa lamang. Iyon lang, bakit may agarang pagbalewala sa salitang ubod ng dami naman ang gumagamit?

Maraming salamat kung ito ma'y basahin mo't maunawaan, Ms. David, and maraming salamat pa rin sa ginagawa mong mga paglilinaw sa nakakalimutan nang mga aralin ng mga kapuwa nating Pilipino, lalo na't patungkol pa ang mga ito sa kanila/atin mismong sariling wika. 

Padayon!

Sanggunian: Mhawi Rosero

May 7, 2021

Pinagbibigyan lamang kita, makailang buwan at araw ang aking pinapalipas. Alam kong kaya kitang lampasuhin sa isang kindat ko lamang, sa isang kindat ng pilantik-paruparo, mararamdaman mo ang mga pangil na araw-araw mo lamang nilalaro ngunit pandigmang pamalos na sa akin.

Sakaling bigyan mo ako ng mahigit lamang sa karampot na segundong agnas ng 'yong malay, makikita mo ang mga hindi mo pa nakikita. Makikita mo rin ang mga gusto mong makita, at makikita mo ang mga hindi mo dapat nang makita. Makikita mo... Makikita mo talagang putang ina ka.

Ano? Wala kang maipalag ngayon? Alagang-alaga ka e. Hindi mo na ako iniintindi. Sarili mo na lamang ang naiintindihan mo. Nakakalimutan na nila akong intindihin. Nagagalit na sila sa akin, at nagagalit na rin ako sa sarili ko. Minsan, hindi ko na nakikila itong katawan ko, kung kaya ko pa ba, kung buhay pa ba ako, kung mabubuhay pa ba ako, para sa kanila...

Kaya sige, bahala ka na diyan. Kung hindi mo pa ititigil 'yang kagaguhan mong hindi ko pa rin maintindihan kahit ilang basurero na ang nagdaan, ilang beses pa akong inggitin ng ating mga kapitbahay dahil lang sa halimaw sa labas na hindi rin mapipigil dahil sa angkin niyang kapangyarihang kayang mangmudmod ng kung sino, ng kahit na anong kung ano, hinihingi na lamang ng magiging kaluluwa ko sa'yo na alalahanin mo ako, alalahanin niyo sana akong lahat, alalahaning nag-aalala akong madalas para sa inyo, para sa iyo... kaya tumigil ka na.