August 31, 2024

XXXI

Karaniwan na sa karanasan ang pagsakay ng jeep. Mahirap nang maalis ito sa mga darating pa at dati nang alaala. Paulit-ulit man at kung minsa'y pabugnot, hindi maitatangging naging bahagi na ng ating kalinangan bilang tao at mamamayan ang bawat mauukit na kuwento sa atin. Nagsisimula't natatapos ang lahat ng lungkot, inis, at tuwa, ngunit hindi agad-agad natatapos ang biyahe.

At katulad din ng tao, buhay ang kultura ng jeep. Naging bahagi na pati ng buhay natin ang aapat na sulok na espasyong naghatid-sundo sa atin. Hindi natin namamalayan, malamang ay karamihan sa atin ngayon ay wala sana sa kasalukuyang kinahinatnan kung hindi lang din dahil sa pagkalong na ipinagkakaloob sa atin ng libu-libong manong tsuper.

May saltik man minsan o wala, hindi malabong may mga pagkakataong sinubukan na rin tayo ng tadhana kung may sapat tayong liwanag ng isip para pagbigyan ang mangilan sa kanilang mga pagkukulang. Sa dinami-daming beses na nakakasalamuha nila ang mas maraming pasahero, kumpara sa kaakibat na bilang ng mga nakasalamuha na nating tagapagmaneho, hindi hamak siguro, kahit minsan, na subukan naman nating umunawa ng bawat sitwasyon, maging sa perspektiba man ng nasa gawing harapan, at abot na rin dapat siguro hanggang sa likod, sa mga nakalaylay, nakasabit, maski pa sa mga nakapatong.

Lahat tayo ay parte ng kabuuang pagkakaisa. Nabubuong maraming iisa. Kung may magkulang ma'y mayroong handang magbahagi hanggang sa mapunan muli. May tibay na dulot ang pagkakaintindihan sa pagitan ng magkakaibang panig. Sa iba-ibang kalye man tayo sasakay at bababa, nawa'y maging pabuklod pa rin tayo tungo sa pangkalahatang pag-angat ng bawat isa sa atin.

August 30, 2024

XXX

Bastos! Kung meron mang driver na nagmamadali, syempre hindi mawawalan ng driver na maraming time. Tamang sunod lang sa traffic rules, sound trip na mellow lang sa pre-lo-fi era, pinagbibigyan lahat ng puwedeng pagbigyan, at hindi kayang magalit sa pasahero.

Magalang 'yan, marunong ding humingi ng paumanhin. Sisilipin niya pa yung rear-view mirror niya sa tuwing may sasakay at bababa nang hindi mabigla ang pasaherong lumalagos sa kanyang jeep. Malinis ang kamay sa tuwing magbabalik ng sukli o kukuha ng bayad. Kung mangatal man siyang manigarilyo o umihi e sisiguraduhin niyang nasa dulo muna siya at wala nang pasahero.

Sa ganda ng mood, akala mo'y kasama niya sa bonding ang araw na hindi gaano kainit sa matitipid na panahon. Lahat ng orasan ay bumabagal. Kahit yung mga asong marunong tumawid ng kalsada, hahayaan niya na lang makatawid hanggang sa dulo. Doon ka niya mamamataang pumapara.

Hindi niya alam na malapit ka na palang mahuli sa pagpasok. Hindi niya alam na nagmadali kang mag-ayos bago umalis ng bahay. Hindi niya alam na may muntik ka pang makalimutan kaya bumalik ka pa para lang magsayang ng ilang nalalabing mahahalagang segundo. Hindi niya alam na sa tuwing tinitingnan mo ang oras na hindi siya malay, lalo lang lumiliit ang butas na malulusutan mo pa sana. Sana.

Tama lang naman ang tulin ng jeep. Wala rin masyadong aberya sa traffic. Kasama pa 'to lahat sa calculation mo na kahit na nagmamadali ka, technically hindi ka pa late hangga't umaayon pa ang lahat sa nais mo. Sumingit nang dahan-dahan ang paumpisa mong ngiti, nararamdaman mong parang first time mo ulit madaplisan ng hangin at mapalibutan ng ingay... nang biglang nagmabagal ang jeep.

Unti-unti itong pumanig sa kanan, patabi at paangat sa gutter. Bawat lubak at alog ay pinagmumura mo sa iyong isip. Madali kang sumilip sa labas. Nangyari na ang ikinakatakot mo. Huli na ang lahat, at kasama ka sa lahat ng iyon. Wala kang ibang nagawa kundi magbuntong-hinga nang malakas at tanggapin na lamang ang katotohanan. Ipinikit mo ang iyong mga mata. Sabay tamang singhot lang sa ikinakarga sa makina ni manong.

Fade out.

August 29, 2024

XXIX

Kung nasubukan mo nang bumiyahe nang madaling araw at 'di ka napagdiskitahan ng tadhana, o 'di kaya'y makasakay ng jeep nang Linggo at nakauwi na o nakatambay lang ang karamihan ng mga tao sa kani-kanilang tahanan, malamang e nadali ka na rin minsan ng pupukol na danas ng humaharurot na driver.

Lahat ng nakaharang sa daan ay hindi nakaharang. Iniilagan ninyong lahat. Para bang kakatapos lang manood ng Fast & Furious ni manong kung kaya't para kayong sumasabak sa audition ng susunod nitong installment.

Hindi ka pa rin nakasisiguro kasi baka natatae lang din si kuya at nagmamadali siyang makauwi. Iba rin kasi daw yung feeling na tumatae ka sa hindi kinagisnan ng puwet mo kaya ganun na lang din minsan ang pagiging maarte natin at maselan. At kasi kung iihi rin lang e marami namang spots para sa kanila. 'Di ko lang sure kung meron din silang favorite wiwi shooting targets so who knows.

Huwag ka lang sigurong makaisa ng driver na may kung anong tinira bago mamasada. Sa kalsada, hindi lamang iba't ibang tunog ang nakapalibot sa driver kundi iba't iba ring pangitain, maging ilaw man sila, o tao, o taong umiilaw, o ilaw na tao. Malay ba natin kung ready na lang din siyang makidnap ng alien at hindi na maisauli.

Pero ang buhay natin, hindi na mauulit pa. Kung tunay ngang kinakabahan ka at wagas na rin ang iyong pagkakatilapon sa bawat higpang ni Mr. Bean Diesel sa preno at gasolina, mabuti pang pumara na lang din siguro at lumipat ng jeep.

Kaysa kung saan ka pang malipat na hindi pa natin kayang malaman.

August 28, 2024

XXVIII

Kung merong bad trip na pulubi na bigla-bigla na lamang sumasakay sa jeep, pa'no pa yung bad trip na pasaherong kanina mo pa katabi? Maya-maya lang din e bababa ang pulubi, pero mas mataas ang tsansang makakasama mo nang mas matagal ang kapuwa mo pasahero. Paano na lang kung nasuwertehan mo pa yung walang sense of personal space ng iba?

Merong mga lalaking todo buka ng kanilang mga hita, na para bang may mangyayaring masama sa kanilang mga itlog. Totoong kinakailangan naman talagang may espasyo sa pagitan nang hindi sila tuluyang mapisat pero hindi naman sa puntong dalawang upuanang pampasahero ang sakop ng kanilang "pagkalalaki" sa jeep. Hindi literal ang big balls. Normal lang ang liit ng dalawang bayag. Kaya nga silang saluhin ng salawal na medyo masikip. Hindi kailangan ng mapanakop na pagbalandra mapatunayan lang sa buong jeep na hindi sila babae. "Malaki" nga ang bayag, makitid naman ang isip.

Nakakagulat lang din minsan yung mga pasaherong hindi marunong umusog sa tuwing may bagong sasakay na pasahero. Partikular sa mga babae (naman) na nakatagilid sa pag-upo, na sumasakop din ng dalawang puwestuhan pa sana. Ano ba naman yung magkaroon ng malasakit sa kapuwa pasahero at mapaupo sila nang maayos dahil pare-pareho lang naman din tayong nasa biyahe? Meron ngang suso, wala namang puso.

At kung merong mga todo iwas sa pag-usog, meron din namang mga todo bunggo sa bawat kilos. Ito naman siguro yung mga kailangang tantyahin na baka inaantok lang talaga at wala naman talagang intensyong mangmanyak ng ibang tao. Pero iba pa rin kasi talaga yung nananadiya sa dinadali lang ng physics at over-caffeine. Wala na 'kong maisip na wordplay para sa kanila.

All in all, tao lang din naman tayo, at katulad natin, tao lang din ang kapuwa nating mga pasahero. Kung ano ang ayaw natin, chances are yun lang din siguro ang ayaw ng ibang tao. Maging mapagmalasakit na lang kung sakali sa ating mga susunod pang biyahe sa jeep. Kung ayaw mong naiinis, hindi ka rin dapat tinitiis.

(wenk, wenk, wenkwenkwenkwenkwenk, I tried!)

August 27, 2024

XXVII

Hindi na lang din nananatili pa sa mga sidewalk o bangketa ang mga pulubi. May isang nagpasimuno lang talagang manlilimos na sumakay ng jeep para doon sila magtuloy ng operations. Hanep. Merong level up. Mas maraming makakasalamuhang lugar, more chances of winning. Isa pa, hindi rin sila hinihingan ng pamasahe ng driver dahil wala naman talaga silang pupuntahan. Suwerte mo na kung maangas yung driver niyo and talagang pinabababa sila bago pa man kayo ulit na umarangkada.

Nakaranas na ako dati ng naglilinis ng sapatos sa Taft. Alam kong hindi na ito kakaiba sa mga panahon ngayon pero itong sumakay sa aming jeep e minsanan nang suminghot ng idudurang sipon-plema (siplema?) nang tanggihan siya ng isang pasahero na bigyan ng tip sa shoe service na ibinigay niya sa amin. (Plempon??) Nang umamba na nang matindi ang pulubi e kalahati sa amin ay napatili at napailag (kahit pa yung mga nasa malayo) dahil sa sobrang pandidiri sa potensyal na mga sitwasyon.

Mabuti na lang at malakas lang talaga yung trip nung pulubi pero paano na lang kaya kung lalong lumakas yung lakas ng trip niya tapos ituloy niya yung akto? May magagawa pa kaya kami? Hindi na rin namin siya sapilitang mapapalabas dahil gusgusin na rin siyang gawa ng grasa at kagaguhan. Nag-iisa lamang siya pero parang hawak niya kaming lahat sa leeg, dahil lang sa kaartehan namin na huwag madumihan. Hindi niya naman piniling sapitin maging ganoon (sino ba naman ang may gusto?) pero hindi rin talaga maiiwasan ang pag-ilag na lang at pagwalang-bahala.

Simula noon, siya na lang yung binibigyan kong pulubi sa jeep ng barya, 'wag niya lang akong maduraan, kahit pa joke lang yung ipalag niya sa akin. Nakakatakot.

Pero yung mga halata namang joke lang na may kamag-anak na pasyenteng may cancer, na may dala-dala pang x-ray documents at valid identification, hindi nakakatakot. Kahit pa sabihin nila sa kanilang introduction na huwag kaming mabahala at hindi sila masamang tao, hindi na pala masama yung manlinlang ng tao?

Nalaman ko lang na bogus ang kanilang operasyon dahil after ilang taon e may nakasalamuha lang din ako nang more than once sa kanila tapos bigla na lamang nag-iba ang sakit ng kanilang kamag-anak. Ano yun? Minsan, kailangan ding maging creative ng mga kriminal? Kahit anong trabaho pala e nagiging boring 'pag nagtagal, ano?

Kaya iyon na lang din minsan ang hilig kong magbigay sa mga nanlilimos na tumutugtog, kumakanta, at minsan e rap pa ang ipinapakitang gilas sa aming mga pasahero. Para bang nagbigay sila ng entertainment na panlaman din sa unti-unting nahuhukay na bagot at pagod. At least, 'di ba, ibang anyo ng creativity sa halos parehong sitwasyon.

Hindi tulad ng iba diyan!

August 26, 2024

XXVI

Naranasan ko na ring maligaw, pero marunong naman akong magtanong ng direksyon (kahit na alam kong kalahati lang ng instructions ang mauunawaan ko at magtatanong na naman ako sa panibago halfway). Hindi nalalayo rito kung sakaling first time mo ring sumakay sa isang partikular na ruta ng jeep.

Minsan, tinatanong mo pa muna sa driver kung dadaan siya sa babanggitin mong landmark bago ka pa sumakay. Tatantyahin kang saglit ng driver kung madali kang utuin saka ka niya pasasakayin. Matapos mong makaupo at makapagbayad, ibibiyahe ka niya't ibababa sa isang lugar kung saan kailangan mo pang maglakad nang ilang minuto ulit para lang sumakay ulit ng ibang jeep papunta sa landmark na alam ng driver puntahan at ikaw, hindi. Sinakyan ka lang niya. Ang lakas ng trip.

Pero minsan, makakakuha ka rin naman ng driver na may malasakit ('di tulad ng iba diyan). Yung handa ka niyang tulungan, huwag ka lang maligaw ('di tulad ng iba diyan). Yung ipinapaalala niya sa 'yo kapag malapit ka nang bumaba para hindi ka lumampas sa dapat mong mapuntahan ('di tulad ng iba diyan). At nagbibigay pa ng further instructions and extra tips kapag pababa ka na ('di tulad ng iba diyan!!!).

Kung sakali, dapat mo na lang din lakasan ang boses mo habang kinakausap mo ang driver, na dapat malaman ng buong jeep na hindi mo alam ang ginagawa mo at naliligaw ka. Malamang sa malamang e may isang tutulong sa 'yo dahil siguro'y naligaw na rin sila once in their life at ayaw nilang magaya ka sa kanila, or depende na rin sa malas mo that day, na walang tutulong sa 'yo at all kasi naligaw na rin ang mga kapuwa mo pasahero dati at kailangan mong magdusa sa commute once in your life.

[laughs evilly]

August 25, 2024

XXV

Iba ito sa karanasang panget yung tugtog sa jeep, na hindi lang kayo nagkatugmaan that one time with that one driver but that's okay, you can let that one slide, easily. Maaari ka pa ring makinig, lumampas sa kakayahan mong magtiis, at subukang namnamin ang putaheng hindi mo masyadong nakakasanayan.

Ito yung karanasang panget yung tunog sa jeep. Malalakas na tunog na 'di naman kaaya-aya. Ingay kung baga. Nandiyan yung malalakas tumawa, halakhak kung halakhak. Tipikal sa mga edad palagi na mas bata sa 'yo, no matter what your age is. Hindi mo lang talaga gets yung humor nila, o kung humor ba talaga yung meron sila. Malalakas na nga ang tawanan, malalakas pa yung mga boses, magkakatabi lang naman.

Yung tipong gusto siguro nilang marinig namin yung pinagkukuwentuhan nila kasi feeling nila interesting yung topic nila kaya nila nilalakasan yung boses nila, na para bang in a way, iniaangat nila ang sarili nila na mas interesting ang buhay nila kaysa sa amin, o kaya'y matinding pagpapapansin para baka tumawa rin kami somehow sa jokes nila e sa katunayan, hindi naman talaga kami nakikinig sa kanila, naririnig lang namin sila, ina nila.

Kakampi rin nila yung matatandang may tawag sa cellphone tapos ang lakas ng boses. Manong, hindi niyo na po kailangang sumigaw. Advanced na po ang mic technology natin sa ngayon. Maririnig po kahit magbuntong-hininga lang kayo kasi disappointed na naman po kayo sa kausap niyo. Lalo pang hahaba ang usapan kasi bingi rin siya at madalas ipinauulit sa kausap ang kanyang sinabi, na magpapasigaw rin sa tao sa kabilang linya, na bubulabog din sa kapuwa niyang mga pasahero kung sakaling nakasakay rin siya sa jeep. The intensity!

Liban na lang kung likas kang mahilig sa tsismis (tulad ng maraming tao, hindi ako, promise!), magiging interesante lahat ng naririnig mong bagay. Kahit na hindi mo gets, para bang hindi mo mapigilang makinig, just for the sake of malaman mo.

Lalampas ka na sa mga driver rin na madaldal, na walang ibang kausap buong araw kundi ang kanilang mga jowa o asawa, na kung sakaling tamaan ng bugnot sa radyo e susubok ng libang sa katabing pasaherong mahilig umupo sa harapan, na tsambahan lang din kung sakali dahil sa tingin ko e kung hindi mahilig magpatawa yung madaldal na driver, mapulitikong daldal ang aabutin niya, dahil kaya mo na ring sakyan maski papaano ang kahit na anong genre ng kuwentuhan, na sa tuwing may tumatawa e natatawa ka na rin (kahit 'di mo gets), at kahit sumisigaw na yung isang lola sa kanyang cellphone e iniisipan mo pa ng paraan kung paano kang makakatulong sa kanya kung sakaling hindi niya maintindihan ang kanyang kinakausap, basta't maintindihan mo (somehow) ang usapan nila. Phew!

Hindi natin mapipili ang kaligiran ng jeep na ating masasakyan. Ang kaya na lamang nating gawin ay mag-obserba at maging mahinahon. Maaaring magbaon ng earphones, o magdownload ng games, o kahit na anong distraction mula sa ingay. Hindi sa lahat ng pagkakataon e good vibes ang biyahe.

Pero hindi rin naman palaging bad vibes. Good luck!

August 24, 2024

XXIV

Libangang tunay na ng mga Pilipino ang sound trip. Hindi ito trip na maayos, o trip ng mga tunog lang. Somehow, nagtatagpo ang ibig sabihin ng sound trip sa kalagitnaan ng figurative at literal. (Alam kong nag-iimbento lang ako ng concepts pero pagbigyan mo na 'ko!) Mga tunog lang, na maayos. Sounds.

'Pag tinanong ka ng kung sino man kung meron kang sounds, hindi siya naghahanap ng tunog, ng simpleng tunog (sound). Sounds ang tawag ng karamihan ng mga Pilipino sa background music habang may at walang ginagawa. Hindi ito tugtog para sa isang seryosong seremonyas, hindi rin para sa mga killjoy. Ang musika ay para lang sa mga taong may kakayahang yumakap sa mga bagay na hindi nila lubos nang makikilala pa.

"Wala ka bang sounds?" hirit minsan ng isang tropa ng driver na katabi niya sa harapan. Depende sa edad ng driver, panahon, oras, kasalukuyang araw, at overall ambience ng jeep, nagkakaroon ng variety ng music ang bawat biyahe mo. A sound jeepney is a jeepney with sounds.

Meron diyan yung kumakalampog sa puwet mo dahil sa lakas ng speakers na may malupitang bass tapos hip-hop pa ang tugtugan. Meron ding mellow dad drivers na para dapat sa Linggo ang tugtog pero Tuesday na Tuesday e para kang nakasandal sa duyan sa ilalim ng punong mangga sa hapon, kahit na ang lakas-lakas ng ulan at gabi na.

Nakatsamba na rin ako minsan ng driver na pasok sa music taste ko ang vibes. Minsan, iniisip ko kung dapat ko bang hingin yung sukli ko para may tip naman ako sa music taste niya kahit papa'no. Tapos bigla kong maaalala na pareho lang naman kaming kumakayod. Minsan na rin akong nadali ng intro ng gusto kong kanta pero kailangan ko nang pumara at bumaba. Maliit lang na bad trip 'yon pero nakakainis pa rin kasi.

Ang iba naman, kuntento na sa mga nagsasalita lang sa radyo. Broadcasts. Podcasts. Basta mga nag-uusap lang. Nakakahibang lang din siguro, 'no, kung magdamag kang tumutugaktak at jumejegengjeng tapos minsan may mga bobo pang pasahero. Minsan, ang pakikinig sa ibang boses ay sapat na, huwag lang marinig ang sariling (mga) boses, kahit pansamantala man lang.

Kung 'di mo naman trip ang trip ng driver, puwede ka rin namang magdala ng sarili mong trip. Hindi minamarkahang bastos ang pagsuot ng earphones 'pag nasa pampubliko ka nang sasakyan. Bastos ka lang kung hindi mo narinig na itatabi lang muna ng driver yung jeep nung pumara ka tapos bigla-bigla ka na lamang tatayo nang padabog, o 'di kaya'y bastos ka rin kung hindi mo narinig nung tinanong ka tungkol sa details ng iniabot mong isang daan. Isang beses mo lang sinabi yung bababaan mo ta's wala ka na ulit paki. So inconsiderate.

Kaya yung iba, ang sarap sermunan minsan o panlisikan ng paningin sa tuwing nawawalan talaga ng konsiderasyon sa driver, o sa mga katabi nila. Minsan, may mga pinag-aabutan ng pamasahe na hindi rin nila malalaman dahil nakapikit na sila at nakasuot na agad ng headphones. Walang malasakit minsan (kahit nangyari na rin sa akin ito na ako ang hindi nakapag-abot ng bayad!).

Sa iba't ibang sitwasyon nalilikha ang iba't ibang tunog at tugtog. May mga bagay tayong hindi natin namamalayan agad dahil babad tayo sa halina ng musika. Huwag na sana natin pang hayaang maibaon na lang sa limot ang isang sound experience sa jeep, dahil lang din sa sound experience natin sa jeep.

August 23, 2024

XXIII

Minsan na rin akong nagmahal ng trabaho. Ha? Ah, hindi ng katrabaho. Ang baho mo naman magbasa. Ng trabaho 'ka ko. Wala na 'kong pakialam minsan sa sahod o sa kawalan ng tulog, maging pulido lang ang ipinagagawa sa 'kin ng boss ko, na gusto ko ring ginagawa. Lalo na kung gusto ko rin ang aking ginagawa.

Dagdag na rin para sa malakihang bonus ng overtime, wala pa 'ko dating inaatupag sa bahay. Gasolina na rin siguro dito yung kalayaan na matagal kong inasam matapos kong makapagtapos ng pag-aaral. Mga oras na hindi namamalagi sa bahay ay oras ng kalayaan para sa akin dati. Ngayong tumatanda na e mas malaya ako kapag nakakauwi ako sa aming tahanan.

Pero balik sa kuwento ko. Kinakailangan daw naming makapagbuno ng sapat na oras nang hindi kami mahuli sa susunod na nalalapit na namang delivery. Deadlines, deadlines, deadlines. Hindi na natapos ang buhay ko sa mga lagi na lang nakatakda. Maski ang pagtatakda ko minsan e itinatakda ko na rin! At nung gabing iyon, bago ako umuwi sa amin e nakatakda na ring pumasok ako nang madaling araw, agad-agad, pabalik sa aming opisina.

Ang plano'y kakain, maliligo, at matutulog lang ako sa loob lang din ng ilang oras bago magpaaliping muli. Hindi ito hassle sa akin noon dahil gusto ko rin talagang tumutulong at kasabay na rin ng mapagpanggap ko na intro kanina.

Parang pumikit lang din ako't ginising nang pabigla ng itinakda kong alarm. Sakto lang yung bilang ng oras ng "tulog" ko para hindi ako magmuni-muni't bolahin ang sarili na hindi ko naman talaga kailangang gawin yung ginagawa/gagawin ko (kahit hindi talaga kailangan!). Bumangon na 'ko kaagad at isinukbit ang aking bag na inayos ko na bago pa man ako humimbing.

Nang makasakay na 'ko sa ikalawang jeep ng aking ruta papuntang opisina, nakapagtatakang hindi na pinuno at umalis na rin kami kaagad mula sa hintayan. Ah, baka kasi madaling araw na at kaunti na lang din ang commuter sa ganitong oras. Makes sense. Ang hindi nagkaroon ng sense sa akin e nung may bigla na lamang pumara kaagad dahil hindi pa masyadong nakakalayo ang aming ibinibiyahe.

Napangisi pa 'ko nang bahagya dahil baka naliligaw lang yung pasaherong pumara, o kaya'y bigla na lamang siyang napapara sa labis niyang kaantukan galing sa kanyang pag-idlip. Malaman-laman ko lang e bigla na lamang may nilabas na balisong yung nasa harap ko at hinihingi niya na yung cellphone ko.

Lahat ng preconceived fight and/or flight strategies ko dati sa tuwing inilalagak ko ang imaginary self ko sa sitwasyon ng holdap e naburang lahat. Wala akong maisip na kahit na ano. Blade lang ng balisong ang bumali sa akin. Tameme ang kokote. Inambahan akong sasaksakin ng holdaper kaya kagyat ko na ring iniabot sa kanya ang hinahanap niya sa akin.

Bumaba rin siya kaagad, kasunod ng dalawa pang holdaper. Lahat ng laman ng cellphone ko, nawala nang parang bula. Mga note. Saved passwords. High scores. Hindi ko na maalala kung kailan ako huling gumawa ng backup files, ng backup anything. Wala, lugmok nang dalawang minuto, saka na rin umarangkadang muli yung jeep. Sinilip ko yung driver. May katandaan na rin. Wala rin talaga kaming laban.

Nang makahinga kami nang maluwag-luwag habang nagpapahangin sa kalsada at hindi nakatutok sa aming mga tinangay na cellphone, napansin kong tatlo lang din kaming pasaherong natira (at tinira). By partner na rin pala ang strategy nila ngayon. Makes sense.

August 22, 2024

XXII

May mga araw talaga na malakas ang anyaya ng alak. Lalo na kung araw ng sahod. At mas lalo na kung isang linggo niyo nang pinag-uusapan ng magtotropa. Mag-uumpisa minsan sa asaran lang. Hanggang sa merong magmumungkahi. Hanggang sa unti-unti nang may nabubuo. Hanggang sa sabik na lang ang huling panapos sa hudyat ng panandaliang ligaya.

Hindi puwedeng umuwi nang hindi lasing. Bakit ka pa ba naman iinom kung hindi ka naghahanap ng kalasingan, 'di ba? Hindi naman talaga masarap ang lasa ng beer, ng gin, ng brandy, pero masarap ang pakiramdam ng nalalasing. Para bang susuot ka muna sa pait bago ka sumulpot sa may bandang tamis na rurok. At sinabi kong rurok dahil unti-unti ka ring lalaylay at tutumba matapos mong maabot ito.

Huwag na huwag kang yuyuko at sasakay ka pa ng jeep.

Madaling araw na kami noon natapos at kailangan ko pang umuwi ng probinsiya galing Makati. Wala pa kaming tirahan noon sa Manila kaya wala na rin akong magagawa kundi mapagalitan na lang kinabukasan ng nanay ko. Saglit... Madaling araw na nga pala kaya mamaya na pala 'ko mapapagalitan!

Pero masyado yata akong nangunguna. Kinakailangan ko munang makasakay, bago ako makauwi. Buti na lang at bente kuwatro oras ang jeep papunta sa amin galing sa Alabang. Muntik na 'kong makatulog sa bus sa sobrang lasing at antok pero mabuti na lang at sumigaw ang konduktor ng sunod na bababaan.

Pagkaabot sa terminal ng mga masasakyan tungo sa amin at makasakay na ng jeep e ipinikit kong saglit muna ang aking mga mata habang naghihintay magpuno. Nararamdaman ko pa ang bawat pag-alog ng jeep sa bawat pasaherong aakyat at sisiksik. Nakapagbayad na rin ako bago sumakay nang hindi na 'ko gambalain pa ng singil.

Napakiramdaman ko rin ang unang pag-arangkada ng jeep. Mga unang liko papaangat ng terminal at-- Ginigising na 'kong bigla ng driver. Sa'n daw ba 'ko bababa? Sabi ko sa dulo, sa may sementeryo. Malayo pa, 'di b-- wala na 'kong kasamang ibang pasahero. Seryoso lang yung tingin sa akin ng driver pero walang bahid ng galit. Naintindihan niya rin siguro ang kasalukuyan kong kalagayan.

Madali akong nag-ayos ng gamit at napansing nakalabas pala yung cellphone ko. Oo. Wala sa bulsa ko. Wala sa bag. Nakapatong lang siya sa bag ko, hindi ko pa hawak. Holy shit, walang nagnakaw. Dun ko lang din napagtantong wala na pala ako sa Alabang.

Nakauwi na ako.

August 21, 2024

XXI

Kinainisan na 'ko dati ng mangilang mga pasahero. Kahit na hindi ko naman totally sinasadya na pagdiskitahan sila. Most probably, akala lang talaga nila 'yon. Madalas, wala naman akong intensyong masama. Sarili ko lang palagi ang iniintindi ko. Ang makauwi agad. Makahiga agad. Makalayo agad sa kalsada.

Ngunit ano pa mang iwas ang subukan kong gawin, nakakatsamba pa rin talaga ako minsan ng mga pasaherong kinaiinisan ko naman. May mga pagkakataon talagang may power trip lang nung araw na 'yon ang langit. Para bang mapapakuwestiyon ka na lang kung bakit may mga taong hindi nag-iisip. O kung bakit hindi mo maisip na hindi nila maisip ang dapat nilang isipin o maisip.

Tulad na lamang ng mga pasaherong walang konsiderasyon sa kalagayan ng driver. Gaano ba kahirap ilagay ang iyong sitwasyon bilang nagmamaneho ng sasakyang pampasahero? Hindi lamang isang pasahero ang kailangan nilang intindihin. Kailangan ding pansinin ng driver ang kalagayan ng lahat ng buhay na dala-dala niya, kasama na ang kanila. Liban dito, buhay rin ng mga taong nasa ibang sasakyan sa kalsada.

Labas pa sa mga buhay ng tao, kasama rin sa kokote nila ang pag-alala sa traffic rules. Masalimuot ang mga kalsada sa Pilipinas. Dadagdag ka lang sa iisipin ng driver kung masalimuot ka ring pasahero.

Ang lakas kayang magpasiklab ng bad trip kapag may pumapara sa gitna ng intersection na pasahero, na para bang walang pakialam sa ibang mga sasakyan sa daan. Yung tipong matagal tumigil sa stoplight ng intersection ang jeep, tapos saka lang papara kapag umarangkada na. Sisigawan pa ang driver na para bang hindi siya narinig, na para bang hindi pa rin nila napagtatanto, magpahanggang sa ngayon, na hindi lang basta-basta ang pagtigil sa gitna ng kalsada. Mga tanga ba sila?

Mahirap bang unawaing sagabal sa daloy ng trapiko kung titigil sa gitna ang jeep nang hindi ito itinatabi sa gilid para sa pasaherong akala mo kung sino? Bakit? Kapag pumara ba kayo, agad-agad din dapat nakatigil nang buo ang jeep? Bobo ba kayo? How are you so fucking dense na hindi niyo kayang maisip na mayroong wastong oras at lugar sa pagpara ng jeep? Sarili niyo lang ang mahalaga? Wala kayong pakialam sa iba?

Ang awkward din kapag may sasakay na pasahero sa alanganing mga lugar. Yung tipong pahihirapan pa yung driver na masundo sila nang maayos. Pasensya ka na ha, ang purol mo kasi e. Sila pa yung magagalit kapag nilampasan sila ng driver. What the actual fuck? Ilang taon na tayong sumasakay ng jeep? Bakit hindi natin ito matutu-tutunan? Tsaka kung sakaling magmilagrong pasakayin ka ng driver sa alanganin mong angas, bakit mo uunahang sumuot ang mga bababa? Hindi rin ba common sa ibang tao na bababa muna bago ang sasakay?

Sinurpresa na rin ako minsan ng isang pasaherong sumakay ng jeep at bumaba sa lugar na puwede niya namang lakarin in the first place. Hahaha! Para bang yung paghihintay niya ng sasakyan niya e inilakad niya na lang sana. Ayaw niya bang maarawan? Mahanginan? Matalsikan o maiputan ng kung ano? Masagi? Masyado ba siyang maarte sa katawan niya o meron siyang malubhang sakit na sa isang pisit lang ng lamok e ikamamatay niya? 'Tang ina niya ba?

O 'tang ina ko rin bilang din namang ayaw kong ipaloob ang aking sarili sa sitwasyon nila? Minsan lang ba silang mapadpad sa commute ng jeep? Hindi ba ito mga lesson na madaling makuha sa isang araw? Gano'n na lang ba ang taas ng tingin ko sa sarili ko kaya may kapangyarihan akong husgahan ang mababagal mag-isip, ang mga hindi ko kaparehong mag-isip? O sadyang wala lang talaga silang pakialam sa ibang tao? Sa driver man o sa mga pasahero? Hindi ko na talaga alam.

August 20, 2024

XX

Sa struktura ng jeep, magkaharap ang dalawang mahabang upuan sa likod ng driver. Kaiba sa bus, napakaluwag ng leg room sa harapan ng pasahero na dapat e walang makasasagi man lang sa kanyang mga tuhod. Yun ay kung walang may dalang bagahe.

Para sa mga pangkaraniwang commuter na walang pambili ng kotse, ang gitnang bahagi ng jeep ay para naman sa kanilang mga bagahe. Groceries, malalaking bag na puno ng gamit at damit, mga bagay na hindi mo na kailangan, mga nakaraang hindi na puwedeng ipagpaliban, malalaking asong hindi puwedeng ikandong (kahit puwede naman!), mga tandang na panabong na isinasalukbong ng malalaking kahon, mga batang pasaway na ayaw pakandong, at marami pang iba.

May mga panahong lingguhan ang aking pabalik-balik mula Maynila at probinsiya. Isa ako sa mga nakakagamit ng gitna para sa bagahe ng aking mga damit. Sinubukan ko na dating magpalaba sa laundry service pero madalian lang kung sakaling ipagagawa ito at hindi pulido, at ayaw ko ring makipila pa kung sakaling self-service laundromat naman ang matitirang option.

Nahihiya ako dati sa tuwing nakakasagi ako ng tuhod o paa sa tuwing ipapatong ko na sa gitna ang aking malaking bag. Sa ngayon, tanggap ko nang matatanggap din nila ang sitwasyong linggu-linggo lang din naming kinapapalooban. Sa reyalidad ng pasaherong jeepney, bawat espasyong hindi nagagamit ay nakalaan para sa naghahanap ng paggagamitan. Sabitan man o lagayan, hindi naman mapipirming pahingahan. Hayaan.

August 19, 2024

XIX

Hindi mo alam kung alam nila. Pero parang ganun na rin siguro. Paano bang hindi nila mahahalata na tumatagaktak na ang iyong pawis. Kung sa'n-sa'n ka nang napapalingon. Markado ang iyong buong paggalaw ng kawalan ng tiwasay. Wala nang ibang kayang makaabala sa 'yo. Kahit anong isipin mo e patungkol na lang lahat sa diyos at pag-asang bawian kang panumandali ng buhay. Sana.

Sana nagbaon ka man lang ng wet wipes. Sana itinalaga mo na lang bago ka pumasok. Sana hindi mo dinamihan ang kain kanina. Sana meron na lang bidet sa pinanggalingan mo. Sana hindi na lang pinagtatawanan ang mga katulad mong tila abnormal kung gagawa ng normal naman kung susumahin. Sana, sana, sana. Labas sa iyong pangkaraniwang pagpapalusot ang perpekto dapat na pagpapatakbo ng imahe. Sa kalaunan mo pa madidiskubreng maski ang mga perpektong tao ay apektado rin ng suliraning pasan-pasan mo sa ngayon.

Ngayon ay umaalug-alog ka pa sa jeep. Titingnan mong muli kung may nakatingin pa ba sa iyo. Pipikit ka at magmamakaawang muli. Susubukan mong isara ang nag-iisang lagusan ng iyong pagkamatay at katapusan ng lahat. Wala nang iba pang mahalagang bagay kaysa sa kaganapan ng iyong daos. Pinapakiramdaman kung sakaling may iaatras pa nang makapagbigay sa 'yo ng mangilan-ngilang paghinga nang maluwag.

Didilat kang muli. Lalong nagpapasikip sa dibdib mo ang kinang ng dilaw na ilaw. Puke ng inang ilaw 'yan. Lalo mo lang din nararamdaman ang pagdulas ng gabutil mong mga pawis sa pisngi. Natatakot kang baka umigsi ang pasensya ng peligro 'pag sinubukan mong abutin ang iyong panyo nang makapagpunas man lang. Hinayaan mo na lamang silang lahat habang hinahalakhakan ka nila sa kanilang bawat pagdaan.

Sumilip kang saglit sa labasan. Ilang minuto na lamang at makakarating ka na. Saka mo na iisipin ang lakad pauwi, makababa ka lang sa iyong unang punto. Bilang mo na sa daliri mo ang bawat liko bago ka pa mag-umpisang magdasal muli. Kahit papaano, naibsang saglit ang pilipit at mukhang aabot ka sa ibang langit. Pero hindi pa rin nawala sa isip mo na baka salisihan ka't huminga lang din pala siya nang maluwag bago biglang kumawala.

Kahit hanging papakawalan, hindi ka na umasa sa sakali. Baka kung ano pang maging kahinatnan nito. Kinonsidera mo na rin kung sakaling may tahanang malapit na maaaring magmagandang-loob sa 'yo. Bawat tindahang bukas, tumataas ang tsansang makapalag ka pa sa nalalapit na pighati. Ngunit bawat pagpara'y suklam ang inaabot mula sa 'yo na dumadagdag lamang sa kabuuan mong kabagabagan.

Sa wakas, umabot na rin ang jeep sa iyong babaan. Hindi ka pa rin nakipag-unahan sa pagbaba dahil baka mahalata ka nila. Minamadali mo sa iyong isip ang bawat makupad na kumikilos. Sa segundong nakatapak ka na sa kalsada'y tila lumuwag-luwag din ang iyong pakiramdam. Ngunit hindi ka pa rin umasa.

Kung tatakbo ka, baka lalo ka lang mapahamak. Maglalakad nang normal, ikakamatay mo rin. Lahat ng inipon mong pagpapanggap ay naiwan lang din sa jeep dahil sa tulin ng paglalakad na ipinamalas sa mga nalalampasan mong pasaherong kapuwa naglalakad tungo sa kani-kanilang tahanan. Malayo pa ang sa 'yo... at naramdaman mo biglang paunti-unting malapit ka na rin.

Kasabay ng bilis ng tibok ng puso mo'y nagdasal kang muli at ipinaubaya nang puwede nang pasubalian ang mga nakapila mong ibang hinaing. Mabuhay ka lang sa oras na ito. Sa bawat madaling hakbang-lakad, tumutulak ang iyong pilit na ipinipilipit. Umabot ka rin sa gate.

Sa pinto. Mga taong pinansin ka pero hindi mo pinansin. Ibinato mo sa sahig ang iyong bag. Umabot ka sa pinto ng banyo. Pumilipit muli ang kasawian pero kailangan mo bang magtanggal ng kasuotan. Isinalpak mong malakas ang upuan. Isinalpak mong pahulog ang iyong puwitan. Ibinulwak mong lahat ang sama ng loob na matindi mong inalagaan sa jeep.

Isa na namang natunghayang himala.

August 18, 2024

XVIII

Iba-iba ang mga maaaring sanhi ng puyat, pero kadalasan, mga walang kuwentang dahilan ang pinapatos ng aking kawawang katawan. Nagpupuyat ako dati para sa online games, panonood, pagbabasa, at sa 'di rin maiwas-iwasang kape at energy drinks. Kabaligtaran nito, inabutan na rin ako ng sobrang antok dahil sa labis na pag-inom ng alak.

Sumatutal, nagiging pabaya ako sa aking kalusugang kaantukan dahil hindi ko naman agarang nararanasan ang side effects nito, hindi lamang sa pisikal na aspeto, kundi pati na rin sa biyaheng jeepney. Ang tamaan ng malubhang antok ay karaniwan lang din naman sa isang araw-araw na pasahero. Maiintindihan ko, at ng maraming tao, kung bakit may mga taong nakakayanang humimbing sa loob ng sasakyan. Pero minsan, makakatsamba ka lang talaga ng milagro ng langit (o ng impyerno, depende sa hulog mo nang araw na 'yon) ng mga pasaherong mabilis bumagal ang kokote.

Maliban sa matatandang masungit, may nakasabay na rin ako dati na feeling masyado na pasahero? As usual, sobrang inaantok na naman ako sa hindi ko na maalalang eksaktong kadahilanan. Isipin mo na lang combination ng lahat ng binanggit kong dahilan kanina, tapos times two.

Gegewang-gewang ang ulo at papikit-pikit, nakakatawa siguro ang itsura ko kung panonoorin dahil pilit ko talagang nilalabanan ang aking antok. Ito yung isa sa mga laban sa jeep na kailangan ko talagang ipanalo dahil ayaw kong nahuhusgahang mali, nahuhusgahang may masamang balak.

Tingin ko naman e hindi ako likas na may masamang budhi, nagkakataon lang na mukha akong goon ng isang sikat na gang leader slash mafia boss. Itambal mo pa sa pakapal nang eyebags tungong panda na puyat, kawalan ng pakialam sa pirmi ng buhok at ayos ng damit, malapit-lapit na lang din nga akong masanay na panlisikan ng paningin ng mga pasahero kahit wala pa akong ginagawa o kahit wala naman talaga akong gagawin.

Nag-uumpisa nang manalo ang aking mga panaginip. Nabubunggu-bunggo na rin ako sa katabi ko. Maya-maya'y nagigising na lamang ako nang biglaan dahil siniko na niya ako. Siko sa noo, siko sa tagiliran, siko sa braso. Sinusubuk-subukan kong humingi ng paumanhin habang pilit na idinidilat ang aking paningin. Panay tsk lang at ano ba 'yan, pati iba't ibang version ng paniniko ang aking natanggap na kasagutan.

Hindi ko na rin maalala kung tunay nga ba 'kong nakahingi ng kapatawaran pero mukhang hindi dahil pinanlilisikan niya na rin ako ng tingin. Mayroong kung anong bigat ang lisik na ito, na para bang sinasadya ko ang kabungguang kanyang natatanggap.

Hindi ko alam kung bakit hindi ako nagkaroon ng lakas ng loob na manawagan sa kanya at sabihin nang malinaw na, "Hindi po ako manyak, ate, sorry. Sobrang antok na antok na antok lang talaga ako. Bilang din namang nasa direksyon kita kung saan papunta sa 'yo ang tulog kong ulo sa bawat arangkada at bitaw ng preno ng jeep, ikaw ang nahuhulugan ng aking bigat. Rest assured, wala akong sapat na libog sa katawan para gamitin ang jeepney bilang pandaos dahil napakasikip, napakainit, maraming tao, maliwanag, at hindi kita kilala. Dagdag pa rito, antok na antok na antok lang talaga ako, kaya super sorry."

Sinubukan ko na lamang iusog palayo sa kanya ang aking puwetan, magkaroon man lang ng kahit na katiting na kuwit sa aming pagitan. Ang mangilang adjustment ng seat ay nakapagbawas sa 'kin somehow ng mangilang antok din, na gumarantisa sa wakas ng mas mapayapang pag-uwi.

Hindi ko na idinilat pang muli ang aking mata sa sunod na pagpikit. May kaunting hilakbot ang pagtawag ng para ni ate girl at sinagot ko na lamang muli siya ng buntong-hininga. Pasensya na talaga. 

Fuck you.

August 17, 2024

XVII

Tungkol naman sa semi-pseudo-personal na alitan against a passenger, nagkaroon din naman ako niyan kahit once lang. Sa parehong ruta ng jeep pauwi sa amin, along sa expressway, inaantok na ako no'n sa biyahe at nagsimula na ring pumatak ang papalakas na ulan.

Dahil siguro sa sobrang pagod sa schoolwork plus malupitang pagpupuyat, nasa antas na 'ko ng antok nang mga panahong ito na hindi ko na kaya pang labanan. Yung tipong mapapikit lang ako kung saan at maski pang maya't maya akong kinakaldag sa aking pagkakaupo e hindi ako magigising.

At ayun na nga, dahil tuluy-tuloy lang din ang headbang galore ko kahit mellow lang ang sound trip ni manong driver, maya't mayang napapasandal ang aking ulo sa aking katabi. Ngayon ay alam nating pareho na hindi ko ito sinasadya pero maya't maya rin akong sinasagi (upang magising) ng napapatungan ko ng aking antok.

Sunud-sunod din ang pagpasok ng mga tirada niyang tsk at exasperated sigh sa peke kong panaginip. Sadyang sanggi. Tsk. Iwas, bahagyang tulak. Buntong-hiningang malakas. Tulak muli. Tsk.

Naging sapat ang mga ito para somehow siguro ay lumakas nang kaunti ang aking loob parang tingnan ang itsura ng aking katabi. Matapos kumunot ang aking mga kilay nang may bugnot, idinilat ko na ang aking mga talukap, ramdam ang namumuo nang mga muta. Sumilip ako nang dahan-dahan sa may aking kanan, habang sinisiguradong hindi halata masyado ang pag-ikot ng aking ulo.

Matanda na. Kung huhusgahan ko siya, malamang e meron na siyang apo. Mukha naman talaga ring masungit. At mukhang hindi magpapatalo kung susubukan kong makipagtalo. Nagbuntong-hininga na lamang ako sa isipan sabay pikit muli. 'Di na rin masyadong nagtagal at unti-unti nang lumakas ang pagbuhos ng ulan.

Inisa-isa na rin ng ilang pasahero ang pabababa ng plastic cover nang maisukbit sa labas bilang pangharang at bawas na rin sa pagpasok ng tubig. Tiningnan ko yung matandang masungit sa kanan ko kung may kaunti man lang siyang concern pero nakapikit lamang siya habang nakakunot pa rin ang mga kilay at noo (dahil siguro sa akin). Nakiusyoso naman ako kung mayroon pa akong maitutulong pero patapos na rin ang pananakip bago pa 'ko magpakita ng malasakit ('di tulad ng katabi ko hayst).

Bumalik na lang ulit ako sa pagpikit, kahit nabawasan na rin lang ang aking antok. Pagod pa rin siguro ang katawan ko. Pero at least, hindi ko na nababangga o nakatutulugan yung katabi kong 'kala mo e kung makapagreklamong parinig ay pinagsuklaban siya ng mundo. Ilang saglit lang ng pagmumuni-muni at panghuhusgang matindi sa aking isip e lalo pang lumakas ang ulan.

Tiningnan ko kaagad ang view ng driver. Malabo na, kaya siguro medyo nagmabagal ang aming arangkada. May pumapasok na ring paunti-unti na tubig, nakakalusot dahil sa tindi ng lakas ng ulan. Unang umusog paharap si matandang masungit. Ilang saglit lang ay sumunod at gumaya ako dahil nababasa na rin ang aking likod.

Bigla niya na lamang akong pinanlisikan ng mata at sinigawan na tumigil ako. Lalo lamang akong nagtaka dahil dinagdagan niya pa ito na kanina pa raw ako. Kanina pa ako ano? Ipinaliwanag ko sa kanya na nababasa yung likod ko at wala naman akong mapapala sa kanya kung gagayahin ko siya. Tsaka ano bang mapapala ko kung pagdidiskitahan ko siya? Wala naman 'di ba? Anong problema nito? Hinuhusgahan niya ba 'ko na malakas lang yung trip ko ngayong araw at siya yung napili kong asarin? Gago ba siya?

Sinubukan ko ring magpaliwanag at humingi ng paumanhin kung sakaling nakakatulog ako 'ka ko sa kanyang gilid dahil sa sobrang antok ko at pagod. Ngunit sa kalagitnaan ng aking paghingi ng tawad e ubod ng bastos niya na lamang akong siningitan, bilang pagpigil na pasadya sa aking pagsasalita, at sumigaw nang malakas na tumigil na raw ako. Anong tumigil? E nagpapali-- sabay sigaw siyang muli na tumigil na ako.

Bumilis na ang tibok ng puso ko pero napagtanto ko ring agad na isa siya sa mga kaaway na hindi marunong makinig at makipagtagisan sa salita lamang. Tinanggap ko na lang nang agaran ang aking pagkatalo dahil alam ko ring hindi paaawat ang mga katulad niyang tao, matatandang tanda ang pinagkatandaan, tanda ng kanilang tandaan, tandaan.

Sinilip kong panumandali ang mga nakatingin sa aming komosyon, pumikit, at huminga na lamang nang malalim. Unti-unti kong iniuusog ang aking katawan pakaliwa, at suwerte lang din na naunawaan ng aking isa pang katabi ang kahirapan ng sitwasyon. Pareho na lamang kaming nagkibit ng balikat, hinayaang tangayin ng malakas na ulan ang mga sigaw na hindi ko na hinayaan pang bulabugin ang aking isip.

Pagkarating sa bahay, natural lang din na nangyari sa aking makaisip bigla ng mga perfect rebuttal laban kay tandang topakin pero wala na rin akong paraan para makabawi. Wala na rin akong magagawa kundi maghanap na lang ng mas maraming tulog sa katawan at kung hangga't maaari e huwag manggagaya sa ginagawa ng lahat ng matatanda.

Lahat sila ay hindi naman talaga dapat ginagaya.

August 16, 2024

XVI

There was this certain passenger na nakakasabay ko, mas minsan lang nang kaunti sa madalas, sa aking biyaheng jeepney pauwi sa probinsiya. Sa aking tantya e nasa mid-thirties na ang kanyang edad to early forties. Kung huhusgahan ko lang din siya e mukha siyang nurse base lang sa kanyang kasuotan. Never akong nagkaroon ng personal na alitan laban sa kanya pero there was once this particular experience na nagwala siya sa jeep.

Tulad ng binanggit ko kanina, maraming beses ko na siyang nakakasabay. More or less e alam ko ang ugali niya bilang isang pasahero. Hindi naman sa madalas akong manghusga ng mga nakakasama ko sa jeep kahit hindi ko kilala pero ganun ka rin naman so shut the fuck up. Ayaw mong nahuhusgahan? Siya nama'y ayaw niyang nasisikipan.

Oo, tama ang nabasa mo. Ayaw niyang nakakaramdam ng kasikipan. Sa jeep. Like, what the actual hell ang nararanasan niya sa tuwing nasasagi siya nang kahit medyo slight ng katabi niya? Ngayon ay kung kasama sa daily routine mo ang commute e hindi rin malayo sa iyong danas na may makasabay na paulit-ulit na pasahero. So gayon din, medyo "kilala" itong masungit na pasahero na ito sa kapuwa kong mga pasahero pauwi at this certain time ng hapon.

Sa kadalasang nakakatabi siya, alam na lang din naming huwag siyang masyadong madidikitan dahil alam naming mabilis na umiinit ang ulo niya. Para bang natuto na lang din kaming pagbigyan siya, bilang iwas na lang din namin sa gulo, with the never-ending search for the most mapayapang biyahe pag-uwi. Sa bawat prenong kagyat ng driver, halos kalahati ng atensyon ay tutok agad sa nagkataong katabing pasahero niya. Lahat kinakabahan, lahat concerned. Para kang nanonood ng reality television.

Dumating din ang araw (sa wakas) na may nakatapat siya. Medyo obvious na hindi iyon ang usual route ng new challenger, or worse e hindi siya nakatira sa may amin kaya ganun na lang din ang kawalan niya ng muwang nang makatabi niya ang pasaherong pinakamainitin ang ulo.

Umpisa pa lamang ng biyahe e kitang-kita na naming audience ang balikan ng pisikalan ng dalawa. Dunggol dito, sinadyang sagi roon. Wala namang nagsusuntukan pero parang medyo masakit na rin, maski pa kung papanoorin. Napansin na ni new challenger na ang abnormal (naman talaga!) ng ugali ng katabi niya. Sino ba naman kasing ayaw masagi (kahit slight lang) sa loob ng jeep? E ang sikip-sikip? Nagkakamurahan na silang dalawa sa expressway. May mga concerned citizen na sinubukang pakalmahin ang sitwasyon pero hindi ko rin maiwasang kampihan sa aking isip yung pasaherong, for the first time ever, ibinubulalas ang lahat ng aming hinaing against sa pasaherong ayaw naming makatabi.

Umabot na sa unang subdivision paglampas ng toll gate at maaga nang pumara ang bagong-salta. Ibinaba siya ng driver sa tapat ng isang simbahan. Bago siya bumaba e pinagmumura niya si mr. hothead habang pangisi-ngising mapanlibak, at dagdag dito'y hinamong dumayo sa may kanila nang magkaalaman sila kung sino ang may mas malaking bayag. Ngayon ay hindi ko alam ang benefits kapag malaki ang balls mo, 'no, pero who knows. Pagbaba niya sa kalsada e tuloy pa rin siya sa pag-aaya ng suntukan.

Nakatingin lang sa labas ang pasaherong hinahamon niya pero mas malakas pa sa bulyaw ang isinasabog na pagmumurang natatanggap niya. Sa tapat ng simbahan. Umarangkada na ang jeepney at nag-iwan na lang ng matamis na pakyu si mr. challenger. Matapos saluhin ang pakyu e umisang sigaw pa ng putang ina mo si mr. hothead. Pumirming muli sa kanyang puwesto, pumikit, tapos sign of the cross.

Amen.

August 15, 2024

XV

Bata pa lamang tayo, tila enjoy naman talaga ang pagsakay sa jeep habang nakadungaw sa labas, lalo na kung maluwag ang sakay (wala masyadong pasahero) at maaliwalas ang panahon. Mas lalo pa kung hindi ka lumaki sa tablet o smartphone katulad ko, isa sa mga libangan talaga sa loob ng jeep e ang mga split-second scenes sa mga kalye at kalsadang madaraanan.

Kung nasa highway e sasalubungin ang inyong biyahe ng iba't ibang billboard. Minsan ko na ring nagamit dati na markers ng aking biyahe ang mga naglalakihang billboard. Mga marker na nagpapaalala kung puwede pa akong umidlip sa aking biyahe o kailangan ko nang labanan ang aking antok nang hindi lumampas ng bababaan.

Mga kakaibang tao rin ang maaaring "mapanood" sa konteksto na hindi kayo magkakilala at magkaiba kayo ng kinagisnang kaligiran kaya kapuwa lang din kayong kakaiba sa isa't isa. Nakakatuwa pa minsan sa tuwing may small instances na nagkakasundo kayo, like somehow, validated siya sa 'yo kasi tao rin pala siya? Para kang tanga tuloy.

Mabuti nang magkunwaring ulol kaysa kusang matuluyan nang dahil sa bagot ng biyahe. Bonus content na rin kapag stuck sa traffic ang jeepney. Pili ka na lang ng genre. Sa malapit o sa malayo. Sa POV ng driver. O sa butas ng labasan.

Hindi mo namamalayan, unti-unting naiipon ang mga paulit-ulit na pagdaang ito sa iyong alaala. Nakakabisa mo na ang mga daan, nahuhulaan ang mga susunod na mangyayari. Agad mong napapansin kung meron nang mga pagbabago, agad ka ring magtataka 'pag nag-iba ang dinaanan ng driver. Maaamoy ng driver ang pagtataka niyong mga pasahero kaya ipaliliwanag niya sa inyo ang nangyayari. Pero kadalasan, wala na ring kinakabahan sa rerouting ng biyahe at buo na lang ang palagi ang tiwala kay manong.

Sa lahat ng mga naipong karanasan, napipili rin minsang lakarin na lang ang daan, pauwi man o papunta. Gawa kung minsan ng malakas na ulan, mataas na pagbaha, desperadong makarating, o sudden trip-trip lang moments, may mga biyaheng maaaring idaan sa paglalakad. Hindi ito agarang desisyon ng first-timers ng isang ruta, kundi collective experience mo na actually being useful on a specific day.

Huwag matulog sa jeepney kung hindi naman inaantok!

August 14, 2024

XIV

Katulad ng isang normal na pasahero sa jeep, may miminsang hindi ko rin maiwasang mamili ng makakatabing kapuwa pasahero. Ang pagpiling ito ay hindi para sadyang magparamdam ng galit sa hindi tinabihan, magpahiwatig ng pang-aasar, o 'di kaya'y simpleng pandidiri sa ibang tao.

Sa halimbawang pantay lamang ang dami sa magkabilang upuan sa pagsakay ng jeep, at ako'y mabibigyan ng split second para magdesisyon ng tatabihan, mas pipiliin ko siyempre yung hindi mukhang mabaho. Siksikan ang madalas na assumption sa tuwing sasakay. Mabuti nang hindi pawisin (o nangangamoy) ang katabi sa tagal ng iuupo ko sa aking biyahe. Alinsunod na rin siguro dito yung mga may dala-dalang mabaho o may-amoy, tulad ng mga tindang tinapa o mga walang-hiyang kumakain ng Yumburger.

Ayoko rin minsan tumabi sa maingay pero kung juicy yung tsismis siyempre kunware e biglang no choice naman talaga ako kung saan ako "napaupo" sa mga segundong iyon. Hindi ko rin minsan maiwasang makitsismis sa mga text at chat ng makakatabing may dalang cellphone, lalo na yung matatandang malalaki yung font at mababagal magbasa. Wapakels kahit hindi naman talaga nasundan ang kabuuang context ng usapan. Kaiba rito, mas okay naman talaga yung biyaheng wala masyadong nagkukuwentuhan o wala masyadong maingay na katabi, lalung-lalo na pati ang mga batang hindi masaway-saway.

Honorable mention na rin siguro yung mahahabang buhok kapag may dadaanang expressway ang jeep, o kaya'y natutulog na katabi na maya't mayang tumatango sa iyong balikat. Mas mapayapang biyahe, mas okay.

Sakali, kung mabibigyan naman talaga ng pagkakataon, pipili ako ng makakatabi. Pero ibang usapan na siguro kung hindi ako yung piniling tabihan ng bagong-sakay na pasahero, 'di ba? Yung tipong nakita mong more than a split second yung time niya to decide, time para tingnan pa 'ko mula ulo hanggang paa tapos biglang hindi ako tatabihan? Anong meron? Mukha ba akong nanarantado? Mukha ba akong holdaper o manyak? Mukha ba akong mabaho? Wala lang, ang lakas kasi makagalit, at nakakaasar kapag gano'n, parang nandidiri lang sa 'yo. Mapanghusga amputa.

August 13, 2024

XIII

Minsang nanggaling naman ako sa school, pauwi na ako at kabababa ko lang ng bus, naglalakad papuntang terminal ng mga jeep. Medyo nagugutom na ako ngunit mukhang hindi ito ang araw na magmemeryenda muna ako bago kumain ng tunay na pagkain sa bahay, kahit na ang lakas minsan ng hatak sa akin ng street food. Mas mukhang madumi, mas masarap.

Bago pa ako makarating sa terminal ng jeep, samot-saring patibong ng mga pagkain ang papatid sa akin. Merong dos-tres, kalamares, ihaw-ihaw, proben, mangga, siomai, mani, fish crackers, Cobra, Sting, Mountain Dew, C2, buko juice, gulaman. Mainit kadalasan ang commute pauwi (kahit pa gabi) kaya iba rin ang anyaya ng inuming nasa malaking lalagyan na pinaliguan ng yelo. Lumunok na lamang ako ng laway. Mamaya na lang sa bahay, sabay, pero ano ba naman yung bente pesos para sa isang Mountain Dew, 'di ba? Magtitingin kung may nakapila o ibang tao, mukhang wala naman, sabay, ano ba naman yung kalahating oras na titiisin ko hanggang sa makarating sa bahay, 'di ba?

Magdadalawang-isip pa ako nang tatlong beses (bale anim?) bago bumigay sa Mountain Dew at siomai tsaka proben at kalamares. Syempre bumili rin ako ng fish crackers para kakainin ko mamaya sa bahay, ano 'ko, magugutom? Feeling satisfied sa aking decision making, pabalik na ako sa original ko na ruta papunta sa mga jeep. Dinig na sa may entrance pa lang (sa likod) ang mga barker-dispatcher na kanya-kanyang sigaw ng signboard ng kanilang mga sisingilan.

Hindi nagmamadali't nakasakay na rin ako sa wakas. Bago pa man umandar e papasok na rin ang maniningil. Pagdating sa akin, binanggit kong estudyante ako. And guess fucking what. Tinanong niya 'ko kung meron ba akong ID. I was like ??? Pero nakasuot naman ako ng uniform? Anong kabobohan ito?

Ngayong katandaan ko lang naman din medyo naunawaan na baka sumusunod lang naman talaga sila sa protocols ng terminal pero matindi pa noon yung teenage angst ko at feeling ko minsan talaga e sentro ako lagi ng mundo, iniisip ko madalas na ako lang lagi ang basehan ng bawat tao. Kaya kung hindi ko maintindihan ang isang bagay, dapat maintindihan nilang hindi ko naiintindihan kung bakit hindi obvious para sa dispatcher na estudyante ako kung nakasuot naman ako ng uniform.

Sinong malupit na commuter ba ang may time para magpalit pa ng damit pampaaralan para lang makakuha ng discount? Siguradong hindi ako 'yon. At siguradong ipagpipilitan pa rin ng tagasingil na ilabas ko yung ID ko kahit ipinamumukha ko na sa kanya yung mukha kong takang-taka kaya inilabas ko na lang din at ipinakita sa kanya (habang nakatitig sa kanya) ang pruwebang hinahanap niya.

Hindi rin naman siya makatitig (pabalik) sa akin. Ngayon ko lang din napagtantong baka matagal na rin siyang sanay sa mga ganito kamapagmataas na pasahero, sa mga unnecessary interaction na puwede naman talagang maiwasan kung sa usapin lang din naman ng common sense. Ibinalik ko na ang ID ko sa aking bag kahit hindi naman din tiningnan ng dispatcher. Pinakiramdaman niya na lang din siguro, at inasahang bad trip din ako sa panghihinging maya't maya niyang isinusugal ang kanyang dignidad. Wala e. Patakaran. Wala kaming magagawang dalawa sa sistemang hindi naman kami ang nagpapatupad.

Simula noon ay palagi ko nang isinusuot ang ID ko sa tuwing sasakay ng jeep pauwi hanggang sa makapagtapos ako ng high school.

August 12, 2024

XII

Madaling araw noon, at malayo pa ang pinapasukan kong high school. Nasa probinsiya pa kami nakatira, at kinakailangan kong sumakay nang dalawa (minsan ay tatlo pa!) na beses bago pa makarating sa Maynila. Dahil napakaaga ng flag ceremony, dapat ay nakasakay na ako nang alas-kuwatro nang madaling araw mula sa aming subdivision.

Nasanay na rin akong gumising nang may alarm clock (sa cellphone). Hindi na ako nakaranas noon na gumamit ng sarili kong tunay na alarm clock pero naabutan ko pa dati yung sariling alarm clock ng nanay ko. Square ang hugis noon tapos glow-in-the-dark ang minute at hour hands. Nawawala naman din after some point sa dilim yung liwanag so hindi mo rin makikita yung oras 'pag nagising ka na sa madaling araw. Regardless, naririnig ko ito minsan dati kapag gumigising ang nanay ko para sa opisina sa Makati. Galing lang din siya sa aming bahay at araw-araw bumibiyahe.

Kaya, nasanay lang kaming magkakapatid na gumising nang madaling araw kung ayaw naming mahuli sa aming pupuntahan, lalo na kung araw ito mismo ng pagpasok. Hassle lang din kung sakaling hindi ako makaabot sa flag ceremony dahil kukumpiskahin ang ID ko ng kung sinong department head ang malakas ang saltik sa ulo that day. At dahil teenager, mas pipiliin pang madalas na huwag mapahiya kaysa tanggaping masaklap lang talaga minsan ang kalagayan ng bawat paggising ng araw.

Pagkasara ng maingay naming gate, maglalakad lang ako nang kaunti pababa (nasa mabundok na bahagi ng probinsiya ang kinatatayuan ng aming subdivision, maraming taas-baba ngunit sementado naman na halos lahat ng mga kalsada) tungo sa isang matayog na streetlight sa street na daraanan ng jeep na nag-iikot at nagsusundo. Maghihintay lang nang mangilang minuto, minsan ay may kasabay ring naghihintay na kapuwa papasok nang antok na antok din dahil sa madaling araw na alarm.

Sa 'di kalayua'y maririnig na ang maulit-ulit na pagbubusina ng driver. Pababa ito sa aming hintayan (galing sa mataas na bahagi ng street) ngunit hindi naman nagmamadali. Sa katunaya'y sobrang dahan-dahan lang talaga ang pagpapatakbo nito para siguro kung sakaling may gustong humabol (kung marinig man nila ang busina habang sila'y kumakain o nagbibihis o nag-aayos ng gamit) habang aligagang lalabas ng bahay.

Humikab ako sa ikalimang pagkakataon, pagkasakay ng jeep, puyat nang hindi dahil sa assignments o review para sa quiz, long test, exam, o recitation. Tipikal na high school night na walang ibang inatupag kundi talunin ang kung sino mang matatag na online pa rin, mapatunayan lamang sa batchmates na kaya kong magpuyat o hindi matulog, mga weak shit. Tapos magrereklamo dahil masakit ang ulo sa klase o 'di kaya'y magtataka kasi walang matutu-tutunan sa guro. Ibabaling ang sisi ng problema sa sistema ng paaralan at hindi sa tipikal na high school nights.

Patumba-tumba na ang aking ulo dahil sa sobrang antok ngunit ramdam ko pa rin ang presensya ng ibang mga pasahero. Ramdam ko pa rin ang aking bag. Ang pag-alog ng sasakyan sa malubak na daan. Ang ginaw ng madaling araw. Ang kiskisan ng mga kuliglig. Ang paglagapak ng palad sa balat nang makapatay ng lamok. Mga nagbabayad na pasahero. Dilim lamang ang kaibigan ko sa aking mahimbing na pagpikit at bigla na lamang akong nagising.

Malapit nang lumampas ang jeep sa bababaan ko at malayo pa ang susunod na puwedeng babaan. Aligaga akong sumigaw ng para at tumigil naman nang agaran ang jeep with kaunting inertia to bulabog the other passengers. Pagbaba ko, bigla na lamang sumigaw ang driver na hindi pa raw ako nagbabayad. Takang-taka ako dahil ang alam ko, palagi akong nagbabayad tuwing pagkasakay na pagkasakay ko at panatag akong hindi ako pumapalya, kaya sumigaw ako sa kanya pabalik na nagbayad ako.

Sumigaw lang ulit siya na hindi pa ako nagbabayad. Tiningnan ko ang mga pasaherong nakatingin sa akin. Lahat kami, ayaw mahuli sa pupuntahan. Kasabay ng pagkunot ko ng kilay, madali akong kumuha ng singkwenta pesos sa aking wallet at iniabot sa pasaherong nakaupo sa dulong babaan. Hindi na ako muling sumigaw pa pagkaabot ng "ikalawa" kong bayad. Tanggap ko na ring hindi ako sigurado kasi baka sinalimuot lang din ako ng sobrang antok, kahit na maya't maya ring nakikipagsabayan ang kabilang nagbayad naman talaga ako, putang ina, ulyaning driver!

Tumalikod na ako agad-agad sa jeep dahil baka maiwanan na ako ng bus na sunod kong sasakyan. Huli kong narinig na sigaw mula sa jeepney driver na mayroon pa akong sukli. Hindi na ako muling lumingon pa.

August 11, 2024

XI

Nakakakaba ang pinakaunang beses mong commute sa Pilipinas. Kasunod nang hakbang ito mula sa unang beses na ipinaabot sa 'yo ng magulang mo ang bayad sa driver, o 'di kaya'y sumalo ng pamasahe ng katabi, mas exciting pa sa unang beses kang makaupo nang hindi na nakakandong, o yung miminsang mapagdiskitahang paupuin sa harapan o sa dulong labasan ng jeep, dahil lahat ng mga ito'y nakasakay ka nang may kasama.

Mayroon pang kumakausap sa 'yo, o sadyang katabing kilala ka, para alalayan, bantayan, siguraduhing hindi ka mapapahamak o gagawa nang labas sa nakasanayan. Mga may pinagkatandaang magpapaalala sa 'yo ng karamihang tama at mali nang hindi ka mapadpad sa hindi naman kinakailangan, maiwasan ang gulo sa isip, pagkataranta, o pagtinginan ng ibang pasahero at bigla na lamang mabansagang 'di karaniwan nang hindi oras.

Naaalala ko noon, galing din akong unang sakay ng bus galing Maynila, tuluy-tuloy pa rin ang kaba sa aking dibdib kahit na alam na alam ko kung ano ang mga susunod kong gagawin. May parang hiwaga pa rin na kailangang mahakbangan ang mga bagay na hindi mo pa nagagawa mag-isa. Nauubos ang lahat ng imahinasyon sa pag-iisip ng mga mangyayaring mali, habang hinahayaang manaig sa puso ang paghila sa sarili tungo sa tamang landasin.

Naaalala kong tanong pa rin ako nang tanong sa ibang mga pasahero kung saan ako dadaan, o saan ang suotan, kahit na sigurado na ako. Hindi ko maipaliwanag sa aking sarili na natatandaan ko pa rin naman lahat ng dapat kong gawin pero hindi pa rin talaga nawawala ang paranoia na may mga bigla na lang talagang mangyayaring hindi maganda.

Naaalala ko ang unang beses kong nagbayad sa dispatcher ng pamasaheng nanggaling mismo sa wallet ko. Ang unang pagkakataong umupo ako sa jeep nang wala akong kapamilya na kasama. Unang beses kong paghinga nang maluwag nang makaupo na. Unang beses na tinakot nang bahagya ang sarili ng aking mapag-alburotong isipan kung siguro ba ako sa jeep na pinilahan ko. Unang beses na kainin ng kaba at silipin ang ilang mga pasahero kung may kakilala ba ako, at unang beses na tumayo't lumabas para sa tamang triple check lang ng signboard sa harap ng jeep habang hindi pa ito napupuno.

Doon ko lang din unang beses na napagtantong walang pakialam ang ibang mga pasahero sa ibang mga pasahero hangga't wala namang gulo o namemeligro. Unang beses na huminga nang maluwag mula sa pagbunot ng tinik na sinadya kong lunukin, hanggang sa unang beses na ibinulong sa sarili na nasisira na yata ang ulo ko. At sa unang beses na namalayang hindi naman din nababasa ng mga katabi ko ang nasa isip ko, doon ko rin unang beses na tinanggap na hindi ako ang sentro ng mundo.

August 10, 2024

X

Alam na lang agad minsan ng mga pasahero ang gagawin sa tuwing maaabutan ng ulan habang nasa loob ng jeep. Tipong madalas pa sa pagkakataon na hindi na kailangan pang pumarada ng driver sa gilid, maglabas ng megaphone, at ipangalandakan ang instructions na tutupdin kapag palaki na nang palaki ang butil na pumapasok sa loob ng sasakyan.

Mayroong mauunang isa o dalawang pasahero na kagyat na tatanggalin sa pagkakasabit at rolyo ang plastic cover na pananggalang sa pagkabasa. Papasok ka man o pauwi, pagod o inaantok, hindi maikakailang aasahan kang makitulong sa pagpapabilis ng muling pagsabit nito nang mabawasan ang pagkaabala niyong mga pasahero mula sa ulan.

Hindi naman ito requirement na matutunan, at sa katunaya'y hindi ka rin naman panlilisikan ng matatanda kung maliit ka pa lamang at naging first time mo dati, tulad ko, habang pinagmamasdan ang isa sa mga anyo ng bayanihang nangyayari sa kultura ng jeep. Sa unang pagkakataon lang di'y walang magtuturo sa 'yo kung anong nangyayari pero maski papa'no, malinaw para sa 'yo kung para saan ang pagtutulung-tulong. Malamang din ay sa susunod, alam mo na ang dapat mong tungkulin sa panahong pumatak bigla ang malakas na ulan at kailangan nang takluban muli ang mga pasahero.

Wala namang nag-udyok sa 'yo na ibang pasahero para tumulong, 'di ba? Noong una mong pagkakataon? Pihado, nagkusa ka lang ding tumulong sa pagtanggal ng rolyo at muling pagsabit ng plastic cover, hindi ba? Katulad din ng pag-usog ng malalaking bagahe sa gitna patungong dulong driver, o sa pag-alalay ng matatanda at bata sa paghahanap ng bakanteng upuan, may mga pagmamalasakit na pala ang naituro sa atin nang hindi natin namamalayan.

August 9, 2024

IX

Marami-rami ring ipinagbawal o iniiwas sa akin noong maliit pa lamang akong pasahero ng jeep. At sa tuwing may mga ipinagbabawal e siyempre, lalong hindi ito mawawala sa aking isip, mas kapana-panabik abangan sa paglaki, at may kung anong halong takot sa kabila ng pagtataka't pagkainip.

Bawal ako umupo sa labasang dulo ng mahabang upuan. Baka sakaling may dumaang limang segundo na makatulog o mawalan ng pakialam o malingat ang nagbabantay sa akin e malalaglag na lang talaga 'ko sa expressway kahit na medyo malay naman akong hindi ako dapat bumaba habang umaandar pa ang sinasakyan. Ano itong kakaibang hiwaga na bigla na lamang tutulak sa akin, literally o figuratively, tungo sa aking kamatayan? Si Kamatayan ba? Kalmahan mo nga. Madali rin lang itong lumabas na bogus sa akin (pero hindi ko na rin pinilit pa, dahil paranoid din naman ako) dahil may mga pagkakataong napupuno na ang mga upuan at wala nang gustong umusog pa paharap. May namataan na 'kong batang mas bata pa sa 'kin ngunit sa dulo pinayagang pumuwesto. Tumingin agad ako no'n sa kasama kong matanda at tinanguan niya lamang din ako nang hindi nagsasalita bilang pagsang-ayon sa aking pagkabahala.

Bawal ako sumabit sa likod, ni sumakay sa ibabaw ng bubong, bilang din naman baka mahirapan ako sa pagkapit. Maski pang maingat ang nagmamaneho, nakakatakot pa rin ang tulin ng isang jeep lalo pa kung sasabay ito sa pagkulentong at kalembang ng makina at iba pang mga bakal na parte. Sa bawat pag-alog e tila unti-unting natatanggal sa wastong adjustment ang buong jeep. Lego pieces. Kinukumpuni. Winawasak. At nawawasak. Hindi rin nakatulong ang maliliit kong kamay bilang dagdag sa kumpyansa.

Bawal ako tumabi sa driver. Uso yata ang kidnapping dati? Madalas itong panakot sa mga batang tulad ko noon na mayroong mga nangunguha ng mga paslit kung saang konteksto ka man kinakailangang takutin ng kasama mong matanda. Sa kaligiran ng jeep, maliban sa madali kang madudukot ng masamang-loob sa dulong labasan, medyo delikado rin ang pinakaharap na upuan. Hindi rin kasi uso ang seatbelt kapag sumasakay ng jeep. Ano ka, weak shit? Hindi ko alam kung bakit hindi na lang sinabi sa aking delikado sa harap kasi mas madali akong mauuntog sa puwestong iyon, at mas pinili na lang akong takutin sa pamamagitan ng isang overused urban legend.

Optional na lamang ang mga natitirang bawal kumain, mag-ingay, maglambitin, o magbasa ng libro sa loob habang umaandar na ang sasakyan. Minsan, puwede. Minsan, bawal. Kadalasan, nauunahan na ng ibang bata at magulang na walang pakialam ang pagbabawal bago pa man makapag-imbento ng panakot science ang nagbabantay sa akin. Gayunpaman, dala man ito ng kawalan ng kuntentong tiwala sa kabulastugang kayang ipamalas ng mga musmos, minsanan na ring ipinalagay na pagbibigay-halaga at pangangalaga ang ganitong mga uri ng pananakot.

August 8, 2024

VIII

Noong hindi pa ginigiba ang Starmall sa Alabang, mayroong malaking terminal ng mga jeep sa ilalim nito. Sa tuwing natatapos ang nanay ko sa grocery ay automatic na doon na rin lang agad ang diretso namin dahil mayroong lagusang nagkakabit sa dalawang puntahan.

Pagkagaling sa malamig at mabangong grocery, tatambad sa aming pag-uwi ang mainit, mausuk-usok, at mabaho na terminal. Maski pa, mayroon pa ring mga nakabukas na kainan at tindahan ng pagkain dito. Terminal nga naman kasi. Hindi terminal ang isang terminal kung walang mabibilhan ng pagkain sa loob. Yun nga lang, kung kaya naman din sikmurain ng sikmura mo yung amoy at lansa ng sari-saring likido at usok na nangangapit hanggang sa mapaanong sulok, wala rin namang makakapigil sa 'yo.

Bitbit ang aming parte pagkagaling mamili, pupunta na kami sa isa sa mga pila ng jeep. Mayroon pang malalaking signboard noon na nakasabit lang sa kisame. Apat din sa mga pilang ito ay dadaan sa iba't ibang lupalop ng aming probinsya. Punuan ang sistemang ipinamamalakad dito sa tuwing hindi pa madaling araw hanggang maaga-agang umaga. Fixed rate din ang pamasahe kahit pa magkakaiba kayo ng layo ng bababaan. Basta kung sa anong pila ng jeep ang pinasok mo, yun lang ang babayaran mo.

May ilang pila ng jeep ang mas mabilis mapuno kaysa iba kung kaya naiisipan din lumipat ng ibang pasahero ng pila kung sakaling nagmamadali. Kaya lang, hindi ka maaaring makipag-argumento na mas malapit naman ang bababaan mo at mas mura ang binabayaran mo sa kabilang pila. E 'di sa kabilang pila ka pumila, hindi ba dapat?

Matapos mapuno ng jeep na sinasakyan, aakyat na ang dispatcher na maniningil ng pamasahe ng lahat ng pasahero. Mangyaring miminsan e kulang na lamang ng isa at pagkatagal nang naghihintay ng lahat, mayroong magmamabuting kapuwa na babayaran na lamang ang kulang na bakanteng upuan nang makauwi na ang lahat. Fixed din ang kinikita ng mga driver kung sakaling mapadpad sila sa usual hours na normal ang dami ng mga dumadating na pasahero.

Marami ring ipinagmamadali ang pera, pero kung magkukulang ang lahat, nakaranas na rin ako dati na walang umaamin sa lupon ng mga nakasakay kung sino sa kanila ang hindi pa nakakapagbayad. Maanong bakit hindi na lang kasi sinunud-sunod ng dispatcher ang paniningil gayong nakadalawang hilera lang naman ang mga pasahero? Ang sarap din pari-paringgan ng natitirang hindi pa nagbabayad nang makauwi na. Matatag din kung susubukan mong huwag magbayad e mayroon ngang naniningil bago umalis, kaiba ng mga namamasadang jeep sa labas na nasa mga kalsada at nagsasakay. Kamalian na lang kaya talaga ito ng dispatcher dahil sa hindi pagiging organisado at mapagmatyag?

Sakali namang kumpleto na maging ang mga sukli, wala naman nang ibang aberya pa ang susunod. Ang ruta ng jeep palabas ng terminal ay serye ng mga pagliko't pag-ikot, na para bagang may one last tour ka pa ng ilalim bago pang makauwi talaga. Sa mangilang pag-ikot at likong ito'y madaraanan ang iba't ibang amoy, ibang mga pila ng jeep, kainan, mangilang humps, ibang exits ng mall, hanggang sa bibilis ang arangkada lalo dahil paakyat ang labasan patungong kalsada.

Kakaldag lamang nang dalawang beses hanggang sa umahon. Natutuwa pa ako minsan sa sarili ko dahil malalaman ko pa rin agad na nakalabas na ang jeep namin kahit pa nakapikit ako at naghihintay dalawin ng antok. Tipong umulit-ulit na kaming uwi sa ganitong ruta at hindi nagbabago, na unti-unti na ring napapako sa aking mga alaala. Kada kurba ay umuukit na pala, bawat bitaw, dumidiin, at sa huling hirit, pauwi na naman pala kami.

August 7, 2024

VII

Inisip ko nung bata ako, nung minsang mapadungaw sa labasan ng jeep habang umaandar sa expressway, kung paano kaya nilang pininturahan ng mga marka ang kalsada gayong ambibilis ng andar ng mga sasakyan dito? Alam ko, alam ko. Ang tanga, 'di ba?

Idinagdag ko pa sa pagtataka na baka ginagawa nila ang pagmamarkang ito habang nakasakay rin sa umaandar na sasakyan (kasi nga tuluy-tuloy lamang madalas ang trapiko sa expressway), at mayroong nakatakdang mga segundo 'pag ibababa na nila ang brush, maging sa pag-angat nito. Ang pagbaba-angat na mekanismo ay sobrang calculated ng mga nagmamarka, na hindi ko rin inisip na baka computer o robot lang dapat ang makakagawa nito.

Laking tiwala ko lang dati madalas na kayang gawin lahat ng tao, dahil halos lahat naman ng nakikita ko, saan man mapadpad ang paningin ko, ay gawa rin lang ng tao. Mula roon ay nung ipinagpatuloy ko pa ang aking wild guessing sa kahiwagaan ng mga marka sa expressway, hindi maaaring walang magpapatuyo sa mga ito dahil syempre, alam ko rin namang basa ang bagong-lagay na pintura, 'no! Ano 'ko, tanga?

Kakailanganin na ng pangalawang set ng sasakyan. Sila naman yung mga tagapagpatuyo ng pintura, at nakasunod lamang sila lagi sa tagamarka ng pintura. Sa tuwing may magagawang bagong kalsada, o kaya'y mga naaagnas nang marka, sila ang tinatawagan ng gobyerno. Hindi sila pinagtatrabaho nang gabi (kasi madilim) at sa tuwing tag-ulan (well, kasi obvious naman!). Normal din naman ang pahinga nilang mga araw tuwing weekends, at hindi na rin sumagi sa isip ko kung mauubusan ba sila ng trabaho kasi palagi namang mayroong pinapagawang mga kalsada ang kung sinong namamahala na walang mapagkagastusan nung mga araw na 'yon.

Lahat ng mga inisip ko'y lalong nagkandagulu-gulo nang makita ko na ang mga sumunod na marka: mga buo nang salita, na hindi na lamang basta mga linya ng dilaw, itim, at puti. Mas magagaling pang trabahador ang kakailanganin nila rito? Lalo ko na lang tinibayan ang kumpyansa ko sa mga tao na baka naman tinuro din sa kanila yun sa school. O baka naman mayroong mga makina na kayang pumukol agad ng "stamp" ng isang bloke ng mga salita, kagaya ng ipinangmamarka sa aking kamay kapag nakakakuha ako ng star sa school. At kagaya rin ng nauna kong teorya, syempre meron din dapat itong kasunod na tagapagpatuyong pangkat.

Sa may bandang dulo't pila ng toll gates, nagmabagal na ang sinasakyang jeep. Sa may 'di kalayuan ay dumarami na ang orange cones na nadaraanan. Nakaharang ang mga ito na nagsasabing bawal dumaan ang mga sasakyan sa partikular na espasyong ito. Doon ko lang napagtanto kung paano ako nagsayang ng ilang minutong pagkamangha't pagtataka para sa katanungang masasagot din naman pala sa dulo ng aming biyahe.

August 6, 2024

VI

Tinuruan siguro ako ng jeep maging mahinahon. Maliban sa pagsakay ng tricycle papuntang school na hindi naman kalayuan noong elementary, sa pagkatutong magbisikleta na kontrolado ko mismo ang bawat bilis at liko, sa minsanang pagsakay sa kotse ng mga kaibigan ng aking mga magulang, kung saan din una siguro akong nakalanghap ng aircon sa loob ng sasakyan, iba ang tibay ng lumaki sa pagsakay ng jeep.

Mauubos at mauubos din ang lahat. Walang matitira sa 'yo kung hindi laway, pawis, at isip. Hindi malayong nakapagmuni-muni ka na rin sa jeep nang mahigit pa sa isang beses. Bawat pangitain sa labas ay nagmimitsa ng kabit-kabit na mga tanong sa sarili, mga tanong labas sa sarili, ngunit tungong dulo pa rin sa sarili. Maraming napapansing hindi naman nakikita dati.

Mga billboard na kitang-kita ang pagkakatupi. Nakakatakot kaya sa itaas ng mga 'yan? Paano kung mahulog sila? Meron naman siguro silang helmet at mga lubid. Matagal siguro nilang kinakabit 'yan. Ilang tao kaya ang kailangan? Matagal na rin pala akong hindi nakakakain ng friend chicken. Hamburger. French fries. Spaghetti. Ayaw ko minsan ng chocolate cake. Masarap kaya sa restaurant na yun? Hanggang ngayon, hindi ko pa rin alam ang lasa ng dinuguan sa kanila. Totoo kaya siyang chef? Nagugutom na ako.

Nasaan na ba kami? May pagkain pa kaya sa bahay? Sana may chocolate pa sa ref. Wala naman kaming dalang pasalubong. Wala naman ding sasalubungin. Mayroon lang, mga tira-tirang buto para sa aso. Tatakbo agad yun pagkalangitngit ng maingay naming gate. Ang sakit na ng puwet ko. Kanina pa ako pumipikit pero hindi naman ako makatulog. Mamaya niyan aantukin ako 'pag malapit na kami sa simbahan. Mapapagalitan na naman ako. E hindi ko naman sinasadya. Napapapikit din naman sila minsan, pero ang galing kasi, nagigising pa rin sila sa pinakasaktong oras.

Sana kaya ko na rin yun. Sana hindi na ako antukin. Sana makapagluto agad ng ulam. Sana hindi na ako pagalitan kahit kailan. Sana maging crush din ako ng crush ko. Sana walang pasok bukas kasi uulan na lang bigla nang malakas. Magtatalukbong ulit ako ng kumot 'pag ginising ako para matulog ulit. Sana Pasko na ulit. Sana birthday ko na ulit. Gusto ko na ulit magbukas ng mga regalo. Gusto ko na ulit kumain ng mga pagkain na tuwing Pasko lang meron. Anong buwan na ba? Gusto ko nang makauwi nang makahiga agad sa kama. Ang sakit-sakit na ng puwet ko. Kaso, magbibihis pala muna pagdating sa bahay. Lagot na naman ako 'pag nagmadali akong humiga. Magbibihis agad ako pagdating sa bahay. Kailangan kong bilisan pero dapat hindi mukhang nagmamadali. Baka sitahin na naman ako. Sana hindi na rin ako utusan mamaya. Tatambay lang ako sa kuwarto hanggang sa 'pag kakain na kami ulit. Magpapakita lang ako nang isang beses. Ayaw kong napapagalitan.

Nasaan na nga ba kami? Malayo pa siguro. Nakapikit naman sila ngayon, pipikit na lang din ako.

August 5, 2024

V

Wala pang mga cellphone noon, 'di tulad ngayon na makapagmadali nga ng bayad nang agad na makapagbukas ng tsismis, video, meme, o mobile game. Hindi rin naman kita masisisi kung talagang maghahanap ka rin ng pahingang saglit sa kalagitnaan ng masalimuot na commute sa Pilipinas. Bawat itsa ng ngiti at tawa ay nakakabawas din maski papa'no ng pag-alala ng mga gagawin pag-uwi sa bahay o 'di kaya'y mga ipinagpabukas nang gawain pagpasok.

Wala rin akong iPod dati o Walkman bilang pantawid lamang din sa bagot ng biyahe. Masuwerte na 'ko kung interesante ang pinag-uusapan ng mga matatanda kasabay ng hindi maingay na makina ng jeep. Okay na rin minsan kung nakabukas ang radyo ng driver, balita man o musika.

Pero paano kung wala ang mga ito? Paano kung hindi rin ako inaantok? Paano kung malakas ang ulan at kakailanganing tapalan ang mga bintana nang hindi pumasok ang tubig? Kung gabi na at malabo na ang lahat sa labas? Kung tulog na lahat ng pasahero, at arangkada't preno na lamang ng jeep ang abot ng aking tenga? Na sasabayan pa ng mangilan-ngilang lamok at langaw ('wag na 'wag lang ipis!) na gigising sa pasimot ko na ring kaantukan?

Kaming dalawa na lang ng driver ang gising kaso inaantok na rin yata siya. Hindi siya puwedeng makatulog pero hindi rin naman ako puwedeng biglang magsalita na lamang at kausapin siya. Paulit-ulit ang hagip ng matatayog na ilaw sa kalsada. Iyon at mangilan-ngilang pagsimoy ng hangin sa kahalamanan. Matitigil lang nang saglit ang pasada sa bawat pag-imbot ng kalsada. Titingnan kong muli ang mga paborito kong pasahero kung may gising ba ang kahit isa sa kanila. Pero malamang sa malamang ay pipikit lamang din silang muli kung magising man, at kung hindi'y hindi rin nila naman ako kakausapin o makakausap.

Susubukan kong pumikit ulit. Tanging mapapakiramdaman na lang ang pag-alog ng lahat sa sasakyan. Halos kabisado ang bawat kinalalagyan, at tanging natitira sa kadiliman ang maputlang liwanag na nanggagaling sa driver. Bubuntong-hiningang malumanay. Makakauwi rin kami.

August 4, 2024

IV

Bago ka pa umabot sa high level na pag-abot ng pamasahe sa driver e kinakailangan mo munang malampasan ang pagkakakandong. Halos lahat ng batang pinalaki sa commute sa Pilipinas, dinaanan ang kandong level. Minsan, makakatsamba kang madaanan din ng mga pamasahe at sukli, pero iba pa rin talaga kung pinayagan ka na ng magulang mo na maupo sa sarili mong kalalagyan.

Kapara nung bagong tungtong ka sa baitang noong elementary kung kailan maaari ka nang gumamit ng ball pen. Parang nung pinayagan kang bumili at umubos ng isang buong tsitsirya plus soft drink na sa 'yo lang. At katulad ng unang beses na pinagamit sa 'yo ang remote ng telebisyon sa bahay, may kung anong pakiramdam ng kaganapan kung payagan ka nang tumabi sa kapuwa mo pasahero.

Kapuwa mo na siya. Kung baga, may bawas na sa agwat ang inyong mga antas. Mas mapapadali na ang inaabangan mo parating pagdungaw sa bintana (huwag lang malipad-hampas ng hindi nakataling buhok!), pupuwede ka na ring makiusyoso sa tsismis ng matatanda habang hindi pa umaandar ang jeep. May sarili ka nang mundo na maaaring panghimasukan ng iba.

Mayroon kasing invisible barrier ang mga nakakandong na nagpapahintulot sa kanilang 'wag silang matatablan ng kahit na anong unspoken rule sa loob. Hindi mo kailangang magbayad ng pamasahe, at hindi rin magtatampo sa 'yo ang katabi mo kung sakaling hindi mo siya pakisuyuan. Sa katunayan, matutuwa pa nga ang matatanda kapag ikaw mismo ang mag-aabot ng kanilang pera. Mas mahalaga ka sa kahit na anong bagahe ng kahit na sinong pasahero, at kung sakaling biglang mamreno ang driver at titilapon paharap ang mga nakasakay (kasabay ng isa o dalawang pagtili ng ilang ale), ikaw ang isa sa mga unang pagbubuntungan ng atensyon ng mga tao kung okay ka lang ba.

Lahat ng pribilehiyong ito ay unti-unting nababawasan sa laki ng espasyong kinakain mo sa 'yong pagtanda. Yun nga lang din, unti-unti rin itong babalik sa unti-unting pagsulpot ng iyong puting mga buhok at pagtamlay ng iyong mga buto. Tatanda kang pasulong at paurong bilang pasahero ng jeep. Babalik din tayong lahat sa pagiging pinakamahalagang pasahero sa pagkahabang upuan. Hindi lahat ng dinanas natin dati'y mananatili lamang na mga alaala. Matapos magtagal, kakandungin din tayong muli ng ating kapuwa pasahero, na katulad natin, ay gugustuhin na lang ding maging bata muli.

August 3, 2024

III

Katulad mo, excited din akong tumanda dati. Hindi ko pa gets ang konsepto ng pera noon pero gusto ko lang din maranasang mag-abot ng bayad sa jeep. Parang unspoken initiation rite ito para maging ganap ka nang isang tunay na Pinoy commuter. Maiintindihan siguro ito ng mga turistang foreigner kung mangyari nang masipat nila muli ang unang pagkakataong nag-abot sila ng pamasahe. Nagkaroon din ako ng kaklase dati na pinilit niyang siya ang magbibigay ng aming pamasahe sa driver dahil first time niya raw gagawin ito. Nakakasabik naman talaga lagi kapag first time.

Ngunit sa kabila ng kapayakan ng mga first time, hindi natatali sa iisang pinasimpleng karanasan ang pag-aabot ng bayad sa jeep. Magkakaiba ang dagdag-bawas sa pamasahe, depende kung saan sasakay at kung saan bababa. Kung saan man manggagaling o kung ano mang discount ang mayroon ka. Kaakibat nito, mapamalayo man o malapit, estudyante man o senior, lahat ay inaasahang mag-abot ng bayad patungo sa driver, kahit na lahat ng pasahero sa loob ay hindi magkakakilala. Kasama na rin dito ang pag-abot din ng sukli pabalik sa nagpaabot ng bayad.

Hindi sinasadya at sapilitan tayong pinagbubuklod ng espasyo ng jeep. Sa maliliit na ugnayan ay masisilayan ang mga mumunting malasakit sa kapuwa. Sa sobrang karaniwan ng senaryong ito'y kadalasan nang hindi na kailangang makiusap pa sa katabi para lamang maiabot ang iyong pamasahe. Hindi na rin kailangan pang magpasalamat sa tuwina kung tuwi-tuwina rin naman ang mga palitang nangyayari. Kaya lang, maski pang kahit gaano pa kanormal ang abutin ng isang parte ng araw-araw na buhay ng isang commuter e hindi pa rin naman talaga mawawala minsan ang mga abnormal na bahagi naman ng karanasan.

Nandiyan, at totoo, yung mga pasaherong ayaw mag-abot ng pamasahe. Ikaw na lang din mismo ang manghuhula ng kanilang palusot na kung kesyo ayaw nilang madumihan ang kanilang kamay, o madali silang magkakasakit. Like, hello? Siksikan ang loob ng jeep in the first place, tapos aartehan mo kami ng ganyan? May nakasabay na rin ako one time na lola na pinagalitan ang isang estudyante dahil hindi nagpasalamat sa kanya yung bata nung iniabot niya ang sukli. Tipong naghintay siguro siya saglit para bigyan ng sapat na timing ang bata para magpasalamat pero hindi niya ito natanggap. Kung kaya, instant sermon ang inabot ng kinawawa na dinig din ng iba pang kapuwa nilang pasahero.

At meron ding katulad ko, na ayaw ring nag-aabot ng pamasahe, pero hindi naman actually nandidiri sa tuwing may magpapaabot (tinatamad lang!), pero kung mapagbibigyan naman ng pagkakataon ay uupo sa sweet spot sa mahabang upuan ng jeep na hindi ganoon kadalas madadaanan ng responsibilidad. Ewan ko sa ibang commuters diyan, 'no, pero ito yung second seat mula sa exit ng jeep. Isang katabi mo lang ang required kang paunlakan ang pakisuyo ng pamasahe, at siya lang din ang aabutan mo ng sukli. Wala ka rin sa semi-dangerous zone na dulong seat lalo na kung walang pinto ang labasan.

One way or another, hindi sapat na malay ka lang sa responsibilidad ng katabi mo na mag-aabot ng iyong pamasahe sa loob ng jeep, dahil kailangan mo itong makita mula sa iyong sarili: Kung gusto kong iabot ng katabi ko ang pamasahe at sukli ko, ganun din dapat ang malasakit ko sa kanya.

August 2, 2024

II

Dati, mayroon pang umiikot na jeep sa loob ng subdivision na tinitirhan namin. Mag-uumpisang pumasok ang unang jeep ng umaga nang madaling araw. Matapos ay every after 15-30 minutes or so, mayroon na muling papasok at mag-iikot na isa. Ganito lang mangongolekta sa amin ng pasahero ang mga jeep na nakadestino papuntang Alabang.

Para sa mga pumapasok na lumalabas ng aming probinsya, nasa Alabang na siguro ang pinakamalapit na makapagpapalayo sa amin. Marami nang terminal ng kung anu-ano rito para sa mga susunod pang destinasyon. Nasanay na lang akong sumakay nang ilang beses sa makailang sasakyan bago ako nakakarating sa gusto kong mga puntahan. Patid din sa mga pagbiyaheng ganito ang palagiang paggising nang maaga o kaya'y pagtantyang dapat na aabutin ng tatlo o apat na oras palagi ang idyadyahe dahil lamang din sa pagkonsiderang maiipit ka palagi sa traffic, no matter what. Inaasahan ko na lang madalas na mayroong mangyayaring hindi ko inaasahan.

Para naman sa mga jeepney driver na pumapasok sa amin, ang pagsalok pa ng mga pasahero para sa akin ay kakaibang gastos sa gasolina kumpara sa kung dumiretso na lang sa terminal ng mga jeep (oo, meron ding terminal ng jeep, isang sakay lamang ng tricycle mula sa amin). Bad trip din para sa mga tricycle driver na sanang naghahatid at dagdag-kita pa.

Ang ikinaganda lamang siguro ng paglibot na ito e yung pagkakataon ng mga naunang nasundo na maikot at makalikom sa maliit naming subdivision. Pagkakataon para makita nila ang bahay ng mga kakilala nila, mga kantong kinagisnan, mga puno at halamang miminsan na ring naging kaligiran sa paggala, mga tinubuang tambayan, mga asong kilabot, sari-saring sari-sari, mangilan-ngilang ilangan, nawawala nang mga alaala.

Sa pagpasok ng jeep ay saka ito maya't mayang bubusina sa bawat lilikuang street. Nasa may main road at daanang kanto lang din malapit nakatayo ang aming bahay kaya dinig ang peryodikong beep-beep na ito. Tinamaan lang yata talaga ako ng magaling dati dahil may isang araw na naisipan kong kawayan sa malayo pa lamang ang driver bilang senyas na maghintay siya dahil sa kunwaring may sasakay mula sa amin.

Tumakbo agad ako pabalik sa aming gate, tuwang-tuwa sa kabulastugan ng aking prank. Tiyak, maghihintay yun si manong, hahaha! (Oo, tumatawa rin ako sa aking isip.) Bumalik lang din ako sa kung ano pang mapagdiskitahan ko sa bahay dahil wala naman akong pasok. Makalipas siguro ang ilang minuto'y tinamaan naman ako ng konsensya at inisip kung naghintay nga bang talaga si manong? Tumakbo akong pabalik, palabas ng aming gate dala ng kaunting panic at dismaya sa sarili.

Paglabas ko'y nakatengga nga ang jeep sa may kanto! Naghihintay sa wala. Ngayon ay hindi naman ako puwedeng umamin sa kanya na tinarantado ko lang siya, 'no? Bagkus, sumenyas ako ng wala at sumigaw ng, "Hindi na po pala! Hindi na raw po!" sa driver, habang umiiling-iling pa. Kinunutan lamang ako ng kilay ng driver saka padabog na kinaldag ang kanyang kambyo, na para bang may kasalanan ako sa kanya. Kasalanan dapat 'yon ng gawa-gawa kong multo, 'di ba? Pero bakit sa akin siya nagalit? Bakit inasahan kong mapapangiti lamang siya kasi hindi na kinaya ng pagmamadali ang hinihintay niya? May saltik nga bang talaga 'ko sa utak?

Umarangkada na ang jeep at nagpatuloy nang muli sa pagbusina, umaasang mas makatsamba pa ng tunay na pasahero. Hinding-hindi naman talaga tayo makukuntento sa mga imbento.

August 1, 2024

I

Isa sa mga pinakamaagang alaala ko sa jeep e yung nauulit-ulit, kahit 'di naman kadalasan, na gigisingin ako ng aking mga magulang dahil malapit na kaming bumaba. Wala pa masyadong muwang at hindi ko pa noon kayang labanan ang antok kung kaya't mauulit ang paggising sa akin. Hindi naman sa madaling magalit ang aking nanay pero may sapat lang na babala ng gimbal para hindi na muling pumikit pa sa ikatlong pagkakataon.

Takot akong napapagalitan noon, magpahanggang siguro naman din sa ngayon. Hindi ako kumportableng nakikisalamuha sa mga nagagalit sa akin. Kahit sino rin naman siguro, ano? Pero hindi ko rin lubos na tantyado sa miminsan kung bakit mayroong mga anak na kinakayang pasanin ang mabigat na pakiramdam na galit ng kanilang mga magulang na sila mismo ang may-sala, sa tuwing halimbawa na lamang na sisiklab silang magwala 'pag hindi nila nakukuha ang kanilang gusto.

Hindi ko rin naman ginusto ito, at hindi ko rin halos mapipigilan. Ngayun-ngayon ko lang din napagtatanto nung tumanda na ako na isa siguro sa mga toxic trait ng mga Pinoy na magulang ang ipaubos sa kanilang mga anak ang inihaing pagkain sa kanila, kahit na umaayaw na ang mga ito sa mga nalalabing pagsubo, hindi rin naman kadalasan dahil sa hindi masarap ang pagkain kung hindi dahil sa, well, busog na.

Ano itong bagay na hindi nila minsan mapaniwalaang nabubusog din ang kanilang mga anak? Nabubusog din naman ako? Pasok din ba ito sa isa pang toxic trait nating mga Pinoy na uumpisahan ng mga magulang ang guilt trip na huwag sayangin ang biyaya, na hindi pinupulot ang pera? Sino bang nagdesisyon na kumain sa fast food in the first place? At magkasinlaki ba tayo ng appetite?

Nakahalos limang pilit na lunok din ako kanina lang para hindi ako mapagalitan sa restaurant. Ngayon ay nakakalimang halos lunok na rin ako ng laway 'wag lang ako masuka. May nakahanda naman nang plastic labo na ipinabulsa sa amin bago kami umalis ng bahay. Yun nga lang, ayaw ko pa ring mapagalitan, kahit na 'di ko naman dapat kasalanan.

Susubukan kong tumingin sa malayo, sa mga nalalampasan nang mga bahay. Bawat hump na matatalbugan ng jeep ay nagmamarka sa aking kalamnan kung kaya ko pa ba. Kaya ko pa. Titingin ako sa ibang malayo. Titingnan ko ang aking tatay. Titingnan ko yung bunso kong kapatid. Nasusuka rin kaya siya? Si Kuya malaki na kaya 'di na siya nasusuka. Sana lumaki na rin ako. Titingnan ko ang aking nanay, tapos ibang mga pasahero. Tapos tingin ulit sa malayo. Humps. Tingin sa kapatid. Sa bahay sa malayo. Kay Nanay.

"O, nasusuka ka? Asan na yung plastic mo?"

Mapipigilan ng mga labi ko ang paglobo ng suka sa loob ng aking mga pisngi. Lulunukin ko itong muli. Bubuklatin na ng nanay ko sa aking harapan ang plastic. Nakatingin na sa akin ang aking mga kapatid. Si Tatay ay tahimik lang at nag-iisip na ng paliwanag sa mga bagay, as per usual. Hindi ko na tiningnan pa kung nakatingin ang ibang mga pasahero.

Sa wakas at sumuko na rin ang lalamunan at tiyan ko.

Napuno ang plastic labo ng halu-halong kulay ng orange, dilaw, at kaning hindi natunaw. May humapyaw na pitik ng amoy ng suka na nagpaduwal sa ilang nakiusyoso. Nakahinga na ako nang maluwag. Tapos na ang kalbaryo.

Bumaba na kami sa tapat ng waiting shed. Dala-dala ng nanay ko ang pasalubong, itinapon sa basurahang malapit. Sayang lang yung pagkain.

"Sayang lang yung pagkain."