November 27, 2012

Sa'yo Lang Ba? Ikaw Lang Ba?



Napakaganda ng konseptong tinalakay ni Legasto sa kanyang papel dahil sa hindi lamang ito bago sa aking paningin kundi binabasag nitong muli ang panitikan at muling binubuo sa isang mas malinaw at mas malawak na kaparaanan, gamit ang hindi biased na mga lente, upang mas maunawaan kung bakit ganito ang nangyari at may posibilidad pa kayang may mga hindi pa nangyayari. Binalikan, sinuri pang malalim at dahil nga sa mas matinding pag-iisip tungkol sa mga nakalahok sa panitikan at sa mga ikinonsidera ng iba na “bagong sibol” pa lamang na uri ng literatura ay mismong nagwasak sa mga nangungunang anyo ng panitikan na bumaba sa kani-kanilang mga puwesto at makihanay sa hindi naman talaga dapat inihihiwalay na “marginalized” literature.

Nang umusbong ang ganitong muling pagbasa sa panitikan, binalikan muna ang mga naging “sentro” at tiningnang nangungunang mga panitikan. Ilan na sa mga ito ang kasarian, ang lahi, ang uri sa lipunan, ang etnisidad at ang relihiyon. Sa unang lahok pa lamang, makikita na dati-rati na hindi lamang sa panitikan mayroong diskriminasyon sa pagitan ng mga lalaki at ng mga babae. Alam na ng marami na mas pinapaboran noon ang mga lalaki at sadyang pambahay na lamang at tagaalaga ng kung sinu-sino ang kababaihan. Ngunit nang nagkaroon na ng boses ang mga babae, bigla-bigla na lamang nag-iba ang pagtingin sa “kanila” at binigyang-positibong pananaw para makihanay sa kalalakihan bilang pagsasabing “kapantay rin naman namin kayo.” Mayroon lamang akong katanungan: Bakit ngayon pa? Bakit ngayon lang? Sa itinagal-tagal ng pamamalagi ng pamamalagi ng mga tao sa mundo, bakit ngayon lang nagkaroon ng kapasidad, naging kapantay at naging tao ang mga babae? Saka lamang ba may magsasalita kapag may naitutulak na pailalim? May direkta bang layunin ang paggalaw na ito? Produkto ba ito ng ibang paniniwala o relihiyon, ng ibang kathang-isip na nagpapalabo sa natural at dapat na pagbabasa sa mundo? O may gustong namamahala at pinamamahalaan? Natural na lang ba sa mga tao, isang grupo, sa isang lipunan na mayroong isang pinuno at mayroong mga alipin, o mas nakabababang uri? Malamang, oo, natural na sa atin ito, para sa ikababalanse ng pag-iral ng paglalamangan sa mundo, pero para sa akin, hindi naman sa lahat ng aspeto ay mananatili na ang tao sa kanyang posisyon. Maaaring mataas ka sa ibang bagay, ngunit nakababa naman sa iba – paiba-iba. Hindi lamang tayo parating nakadikit sa kung anong mayroon ang iba kundi pagbalingan ng atensyon ang mga bagay na gustung-gusto o kaya naman natin. May mga balakid, oo, katulad ng pera, edukasyon, trabaho at pulitikal ngunit ang ating mga kakayahan lamang ang makapagsasabi, at wala nang iba, kung hanggang saan ang limitasyon ng kapasidad nating mag-isip para sa ikauunlad ng panitikan.

Dahil ano nga ba ang panitikan? Madalas nga naman daw itong nakabase sa karanasan o nakikita ng mga tao. Malinaw na binabanggit kanina pa ang salitang “tao”. Buksan na ang mga mata at huwag nang paaapi pa. Lahat tayo ay tao, lahat tayo ay nag-iisip, lahat tayo ay may mensaheng nais ipaabot o kahit mailabas man lang. Walang lalaki o babae, walang uso o bakya, walang nagsuswimming sa pera at sa dagat ng basura, may respeto sa ibang paniniwala at hindi dapat nagagalit sa walang pinaniniwalaan. Ang panitikan ay para sa lahat at wala dapat itong pinagkakaitan.

Note: Hindi ito pambabara sa blog ni Denielle. Nagkataon lang na parang sinasagot ng title ko ang title nung kanya. Sana'y makuha ang essence ng title kapag nabasa na nang buo. Congrats sa nakatutuwang dami ng pageviews! Ituloy ang pagsusulat para sa kahit kaninong kumekembot! 

November 10, 2012

Paksiw na Ayungin ni Jose F. Lacaba

Paksiw na Ayungin
ni Jose F. Lacaba

Ganito ang pagkain

ng paksiw na ayungin:
bunutin ang palikpik
(para sa pusa iyan
at ang matirang tinik),
at ilapat sa labi
ang ulo, at sipsipin
ang mga matang dilat;
pagkatapos ay mismong
ang ulo ang sipsipin
hanggang sa maubos ang
katas nito.
           Saka mo
umpisahan ang laman.

Unti-unti lang, dahan-

dahan, at simutin nang
husto--kakaunti iyang
ulam natin, mahirap
humagilap ng ulam.
Damihan mo ang kanin,
paglawain sa sabaw.
At huwag kang maangal.
Payat man ang ayungin,
pabigat din sa tiyan.

Sanaysay sa Tula ni Alejandro G. Abadilla

Sanaysay sa Tula
ni Alejandro G. Abadilla

Ang tula ay sining,


Iisa ang kanilang daigdig:

Ang daigdig ng mga kaluluwa.

Iisa ang kanilang kaharian:

Ang kaharian ng kagandahang mulala at
walang malay
Sa kanilang sarili-
Sila na mga matang may pananaw sa dilim,
Sa karimlang mahiwaga,
Sa rurok-lalim ng karimlan.

Iisa ang kanilang kaharian:

Ang kaharian ng kagandahang mulala at
walang maliw-
Ang kapangyarihan ng Bathalang nasa tao.

Ang tula ay sining:

Ang katauhang nagbalik sa dati niyang sarili:
Sa sarili niyang dumarama lamang,
Sa sarili niyang nagmamatuwid,
Sa sarili niyang daigdig ng karurukan,
Sa kaharian ng Bathala.

Masuwerte ang mga Baka ni Romulo Baquiran

Masuwerte ang mga Baka
ni Romulo Baquiran

Mas'werte ang mga baka, kapiling nila ang parang

Na binubughan ng simoy ng langit ng bughaw.

Kalaro ng langgam, tipaklong, at paruparo;

Nasa lilim ng bituin ng tulog na mundo.

Ligtas sa buwis na kamkam ng estadong baka,

Ligtas sa tsismis ng pintasero't mahadera.

Di kailangang ang mga tainga'y magpanting

Sa walang kawawaang pag-unga o pasaring.

Di kailangang itong dugong baka'y dumanak

Kapag harapang nagtaksil ang sintang kabiyak.

Di kailangang makibaka sa pagtataguyod

Ng kamalayang hidwa ng nasa ibang bakod.

At kapag nadudumi o kapag naiihi

Wala nang kube-kubeta't paglalabas ng ari.

Higit sa lahat, sakaling kumulo ang tiyan

Puwede nang nguyain ang higaang damuhan.

Kaya sa timbang ng buhay na buntonghininga

Sadya... sadyang masuwerte ang mga baka.

Paghabol ng Dyip ni Ruth Elynia S. Mabanglo

Paghabol ng Dyip
ni Ruth Elynia S. Mabanglo

Muli'y sinusian akong tila relos

ng umaga--
kamay at paang humaplit
sa patak-patak na tubig,
walang pangalang pagsusuot
ng kaninumang damit,
saka kapeng iginigiit
sa pagitan ng suklay at lipistik.

Nagkakandado ako ng pinto

sa bawat pag-alis,
umaalpas ang gunita
kahit sa nakasarang bintana,
hindi pa ako nakalalayo'y
naniningil na ang kalendaryo.

Sinususian akong tila relos ng umaga:

isip at damdaming humahabol ng dyip
sa kanto ng mga saglit,
katawang tumatawad sa presyo
ng mga minuto--

sa pagitan ng mga tambutso,

walang kasarian si Bernardo Carpio.

Kasunduan ni Vivian N. Limpin

Kasunduan
ni Vivian N. Limpin

Ang iyong package deal ay buo kong tinatanggap.

Kasama ng ina, yakap ko na pati anak.
Ang luto, linis, laba'y gagampanan kong lahat.
Kayo ang pamilya ko hanggang sa hinaharap.

Ayusin natin ang mga usapin ng pera,

Pag-usapan ang mga pambahay na pasiya.
Subaybayan natin ang pag-aaral ni Maya,
Ihahatid-sundo ko pa s'ya sa eskuwela.

Eestimahin ko'ng ama n'ya tuwing dadalaw.

Kapag humiling ang in-laws mo ay pagbibigyan.
Kahit isama ako sa mga pasyal-pasyal,
Ako ang kukuha ng iyong mga larawan.

Ako'ng iyong kasama, kaagapay, kakampi.

Ang katuwang mong ilaw, umaga hanggang gabi.

Sa Poetry ni Rolando Tinio

Sa Poetry
ni Rolando Tinio

Sa poetry, you let things take shape,

Para bang nagpapatulo ng isperma sa tubig,
You start siyempre with memories,
'Yung medyo malagkit, kahit mais,
Na mais: love lost, dead dreams,
Rotten silences, and all
Manner of mourning basta't murder.

Papatak 'yan sa papel, ano. Parang pait,

Kakagat ang typewriter keys.
You sit up like the mother of anxieties.
Worried na worried hanggang magsalakip
Ang odds and ends ng inamag mong pag-ibig.

Jigsaw puzzle. Kung minsan, everything fits.

Pero sige ang pasada ng images
Hanggang makuha perfectly ang trick.
At parang amateur magician kang bilib
Sa sleight-of-hand na pinapraktis:
Nagsilid ng hangin sa buslo, dumukot,
By golly, see what you've got - 
Bouquet of African daisies,
Kabit-kabit na kerchief,
Kung suwerte pa, a couple of pigeons,
Huhulagpos, be-blend sa katernong horizon,
You can't say na kung saan hahapon.

November 8, 2012

Skeyif



Konti na lang. Tang ina konti na lang talaga. Kanina pa kami nakatutok kay boss. Kay Boss Bilog. Si boss bilog lang naman talaga ang gusto kong sambahin dito. Gustung-gusto ko siyang tinitingnan, ewan ko na naman kung bakit. Si Boss Bilog ay magaling, maaasahan. Parang lahat ng tao rito sa amin e siya na lang parati. Siya na lang parati ang tinitingnan, inaasahan, magaling. Ako rin naman. Hindi naman ako nagseselos o naiinis kay Boss Biilog dahil sa ako rin ay isang tagahanga. Parati ko siyang inaabangan, hinihintay, tinititigan, inaantabayanan. Siya na ang parating tama. Hindi ako nadismaya kahit kailan sa kanya. Siya na talaga. Konting-konti na lang Boss Bilog, at mapapasaya mo na naman ako. Pero ang hirap pa rin kasi kapag may hinihintay, kapag naghihintay. Huwag ko na lang munang kayang hintayin si Boss. Quiet lang muna. Shh.. Dapat e hindi masyadong atat. Kailangang may ginagawa akong marami nang hindi ko siya napapansin, kahit na gusto ko siyang pinapansin. Kahit na parang buong araw, gabi, tanghali e parang parati ko na lang siyang hinihintay. Tapos na ang umaga. Katatapos lang naman. Malapit na naman pumatak si Boss Bilog.

Sa wakas. Bumuhos din. Sa bawat tuldok na pumipintig sa aking mga tenga e bumuhos na rin sa wakas ang napakaraming dugo mula sa kanilang dalawa. Hindi lamang dugo kundi pawis na rin. Dugo’s pawis. Syet. Parang kadiri naman. Pero kailan nga ba ako huling nandiri? Siguro noong maliit pa lang ako. Alagang-alaga naman kasi ako ng aking mga magulang. Parang kapagka nadumihan lang siguro nang konti, ako pa yung pagagalitan at hindi yung kapaligirang nilalaruan ko. Pero ngayong patay na silang dalawa, siyempre, mag-isa na lamang ako, malamang. Hindi ko masasabing okay ako kasi walang kumupkop sa akin. Walang may gusto sa akin. Ni hindi ko alam kung saan magsisimula, saan ako magtatapos. Mamamatay din naman lahat tayo, at nakakatakot nga namang isipin iyon, pero bakit ko pa iisipin  ang hindi kayang isipin kung puwede ko naman palang pag-isipan ang kakayanin ng aking isip? Maraming pader, likuan, senyas, kulto, multo at kung kani-kaninong mga mata, hanggang sa umabot ako sa lugar kung saan naroon nga si Boss Bilog. Pumasok ako, masaya, siyempre kasi bago. Ako lang yung masaya, siyempre, kasi nga nakapasok ako. Pero yung mga kasama ko, hindi naman sa galit sila sa akin o ayaw nila akong nakikitang nakikipagtangahan sa kanila, pero ang tamlay-tamlay nila. Hindi ko na naman alam kung bakit. O bakit ako lang ang masaya? Bakit nga ba? Dahil ba sa ako na ang nakakikilalang tunay sa mga totoong kalakaran sa mundo? O matamlay sila kasi sila mismo ang nakadiskubre ng mga totoong kalakaran sa mundo? Paano nga bang malalaman? Nasa emosyon nga ba ang desisyong makikita sa ekspresyong mailusyong misyong konsumisyon kaysa sa delusyon ng emisyon mula sa institusyon ng mga kunwaring solusyon? Mahirap sigurong matukoy. Pero bakit hinahanap pa rin ang totoo? Tapos alam namang mahihirapan kapag nalaman ang katotohanan, pero bakit hinahabol pa rin? Gusto ba ng mga taong nalulungkot sa katotohanan o natutuwa sa katotohanan? Marami nga bang katotohanan? Magkakaiba? May magkakaibang katotohanan? Pagka nagkaganito, may katotohanan pa ba?

O gutom na? Sumigaw na kasi si Boss Bilog, pero hindi isang bulyaw na nakakairita at nakakatakot. Isang sigaw na parang humahaplos sa aming mga tenga, at lalamuna’t sikmura, tulad nga ng nasabi ko kanina. Sige na, aalis na kami, ginusto rin naman namin yung inihudyat mo. Ito na, YES! Pero kahit na sabay-sabay kaming makikipag-espadahan sa mga uod at taeng puti, wala pa rin akong kasama. Tulad nga ng sabi ko kanina, magkaiba ang katotohanang aming nakita. Magkaiba talaga. Pagka ganoon e wala na talaga? Wala na ba talagang gustong sumama sa akin? Nasaan na yung pagrespeto kanya-kanyang opinyon? Opinyon tungkol sa katotohanan? May ganon kaya? Ito ang aking opinyon ukol sa katotohanan – masakit kaya sa tenga? Pero kahit anong mangyari at isipin nitong walang laman kong utak, hinding-hindi sasakit sa aking tenga ang bulyaw ni Boss Bilog. Kahit na may mga taong sige sa pagsigaw sa pagtanaw nang tama sa mga pananaw ng iba pero hindi pa rin maunawaan sa labo at hindi pagkakatugma ng ginagalaw ng kanilang mga hangarin at isipan, parang ako, pero hindi ako, ipokrito? Hindi siguro.

Ginulo, binulalo, menudo. Ayoko na muna ng lutong-bahay. Baka kasi napapansin na ako ng bantay. Hindi naman kasi ako nagbabayad. Bakit nga ba masaya pa rin ako kahit hindi ako nagbabayad? Kinakain ko lang kasi yung mga tira-tira sa karindirya ni Manang Malawlaw. Wala na kasi akong pera. Kasya lang pamasahe, at pangkain ko sa gabi. Sa sobrang gutom ko, idinadaan ko na lamang sa mga multo at baril ang aking tanghalian, dito sana sa lutong-bahay ni Manang Malawlaw. Pero baka nga kasi nakakahalata na ang bantay. Minamata na ako rito, sa may entrance pa lang. Kailangan ko na munang maghanap ng ibang makakainan. Subukan ko kaya sa isang restaurant, na air-con, para malamig, para kunwari sosyal. Tsaka yung bantay naman sa mga ganun, maraming pasikot sa loob ng restaurant na hindi napapansin. Yung ibang trabahador naman, pulot nang pulot lamang ng ibang mga bagay. Putang inang sikmura ‘to. Inaasar na nga ako sa sobrang gutom, paiisipin pa ako kung paanong makakakain. Para kasing noong sinunod-sunod ko ang hindi pagkain ng tanghalian, ikamamatay ko pa, ‘di kaya’y magkakasakit pa ako nang malala. Parang masasayang lang din yung oras na paghanap at masuwertehan si Boss Bilog, tapos maoospital lang ako, o magiging bangkay. Ayoko namang ng ganun. Sayang naman kasi ‘di ba? E yung iba, okay lang sa kanila yun, pero sa’kin, hindi.

Matindi na ang sakit ng sikmura ko. Baka mag-alboroto na si Boss Bilog nang hindi pa ako naglalagay ng laman sa aking tiyan. Ang hirap magtrabaho na pati ang sikmura e kasama sa pinoproblema. Game na. Game na talaga. Papasukin ko na ba ‘to? Mapula naman e. Mapula na masyado. Masyado na akong natakam, kinuluan, nahilo, baka mahilo pa ako lalo, papasok na nga ako. Air-con, yes. Anong sunod? Titingnan ko muna yung mga upuan. Halos puno na pala, kailangan ko nang pumuwesto. Busy namang silang lahat e. Busy ngumuya, dumaldal, magyabang, maglakad, humingi ng order, ng dagdag, magbitbit, magpatahimik ng mga nagwawalang bata, magtext sa syota, magtext sa syinosyota, magtext sa dalawang syota, at magpapansin na lang din. Yung iba, pumupunta lang siguro rito para lang masabi sa mga kaibigan nila na nakapunta nga sila rito. Yung iba naman, gusto lang talagang malaman kung bakit nga ba pumupunta ang mga tao rito. Yung iba, pumupunta lang rito para makipagkita sa sindikato o ex-housemates, ex-wife, ex-yaya. Yung iba, pumupunta lang dito kasi ito yung pinakamalapit. Pero may pumunta na kaya rito para mamulot ng pagkain? Hindi naman ako suot pulubi, nagtratrabaho naman kasi ako, kasama ni Boss Bilog, kaya siguro ako pinapasok at hindi pinagsuspetyahan ni Manong Guard. E pumupunta lang naman dapat yung mga tao para kumain, kumain lang, kasi nga gutom, pero dapat may maayos na porma? Dapat ba talaga sa porma? Kung sa bagay, yung ibang gusgusin, mukha naman talagang walang pera. Ako siguro, mukhang may pera, kaya pinalampas. Buti hindi na’ko sinundan nang tingin nang hindi na ako pumila para umorder, kasi walang pang-order.

Pera. Teka. Bengga! May tumayo! Hindi ako naaatat sa pagtayo niya. Nasasabik na ako sa extra rice na iniwan niya pati sa pakpak na hindi niya inubos. Nakita ko na rin yung kuhanan ng sawsawan ng manok. Puwede na siguro yun. Umalis ka na! Yes! Teka, wala bang nakatingin? Maya-maya siguro. Isa... Dalawa... Tatlo... Teka, tatabihan ko na lang para hindi kunin. Hindi naman siguro ako tatandaan ng mga tao rito. Wala naman siguro akong kamag-anak dito, ba’t pa’ko mahihiya? Teka. ‘Di ba dapat sa mga kamag-anak ko nga ako pinakahuling mahihiya? Puta. Ang gulo, ang gulo na ng mundo, ang gulo na ng isip ko pero mas magulo na ang sikmura ko kaya ineenjoy ko na ang sawsawang isinabaw ko sa extra rice sabay papak ng pakpak. Putang ina. Ang sarap talaga kumain ‘pag sobrang gutom. Bibilisan ko ba? Wala naman yatang nakakaalam. May nakakaalam kaya? Wala naman sa batas ‘to. Ngayon lang naman ako nandito, hindi pa nila siguro mahahalata. Konti na lang, ubos na. Wala na’kong pakialam. Wala nang hiya-hiya ‘pag gutom, natatae, inaantok, galit, selos, at marami pang puwede palusot ng mga pulpol.

Gugol. Sakto lang. Pabalik na naman ako sa paghihintay kay Boss Bilog. Saan naman kaya ako bukas? Babalik pa ba sa dati? Mananatili? O mag-iisip na nang matino?