January 31, 2014

Pangangailangang Paghahanay

Naging malinaw ang punto ni U Win Pe sa kanyang kuwentong Clean, Clear Water na kahit anupamang mangyari, mananatiling inodoro ang isang inodoro, kasama malamang ang mga nilalaman nito, lalung-lalo na ang tubig na pinakakuminang na bahagi sa may bandang dulo ng nasabing naratibo. Dumidikit ang mga steryotipong katangian ng isang inodoro sa kanya kahit na napatunayan nang malinis at puro ang tubig nito (na maaari ngang mainom). Tila bagang kahit na anong gawing pagtatanggol ni Ba Gyi Kyaw, hinding-hindi mawala sa isip ng kanyang mga kaanak at kabaryo (maging mismo ng siyentipikong sumubok sa tubig ng inodoro!) na madumi ang tubig sa inodoro. Kung tutuusin, madaling paniwalaan na dapat dahil sa mga resulta ng mga eksperimentong naisagawa ngunit nahihirapan pa rin silang inumin ang tubig mula rito, maging si Ba Gyi. Ganito rin ang problema ng mga tao kadalasan  ng pakikitungo ng isang lahi sa isa pa. Mayroon nang nabuong steryotipong mahirap nang tanggalin sa isipan ng tao. Maaaring nagsimula ito sa isang isyu sa kasaysayan, na nagtagal at naikalat nang husto kung kaya’t kahit na iba ang ipakita ng isang tao sa ibang lahing teritoryong kanyang ginagalawan, magtataka at magtataka ang makakikita sa kanya.
          
Tumutubo at nalilinang ang konsepto ng pagiging kakaiba ng mga gawaing normal naman para sa isang taong lumaking “iba” sa kanyang hitsura. Gamitin nating halimbawa si Saya John mula sa kuwento ni Amitav Ghosh na Glass Palace. Ang hitsura niya’y Intsik. Ang kanyang pananamit ay Europeo. At marami siyang alam na wikang salitain. May mga taong nagsasabi sa kanyang wala na siyang pinanggagalingang lugar, dahil mismo sa lahat ng nakikita sa kanyang (hitsura, pananamit, wika) maaaring magdikta ng kanyang pinagmulan o katangian (steryotipo), ay nakapanlalabo sa paningin ng mga nakakikita sa kanya. Para bang atat na atat ang mga taong ilugar agad ang isang hindi kilalang tao sa isang kategorya, para lamang masabi o makapag-isip ng kanyang mga katangian habang at kahit na hindi pa nila ito nakikilala. Napapabilis ang pagtingin ng isang tao sa isa pang tao base na lamang sa kanyang pisikal na mga katangian. Napakagandang tauhan nitong si John sapagkat iniaangat niya ang boses na panahon na dapat at matagal na dapat, na tayong tumigil sa panghuhusga ng lahi ng isang tao. Uso naman na noon ang pagpasok ng iba’t ibang lahi sa Burma, katulad ng mga misyonaryo sa Europa, mga mangangalakal na Griyego, Armenian, Intsik, at Indian, maging ng mga manggagawa at tagapaglayag na galing naman sa Bengal, Malaya, at Coromandel Coast. Hindi malabong magkahalu-halo ng lahi ang mga tao sa Mandalay pa lamang at isang kongkretong halimbawa ay noong marinig ni Rajkumar ang pagtatalik nina Ma Cho at Saya John.
        
Kung sa totoo lang, napakaipokrito ng papel na ito sapagkat panay gamit ng mga salitang lahi at katangian, hanay at akala. Ano pa bang magagawa ko? Nagpasimulang magkaroon ng mga konsepto ng lahi at paghahanay ng mga ito bilang kategorisasyon ng mga tao sa perspektiba ng mga mananakop. Madali nga namang magtukoy ng mga lugar kung ididikit ang mga nakatirang tao roon. Parati na lamang may pagmamadaling tawag sa pangalan ng isang bagay. Tila parating nangangailangan ng label o katawagan ang isang tao o bagay na sa mata ng mananakop ay “iba” sa kanya. Lahat ng iba sa kanya, hiwalay sa kanya. Pinangangalanang iba bilang pag-aktong superyor sa kanyang mga nasasakupan at ‘di na sila humamak pang lumapit at makihalubilo sa kanyang lahi. Baka kasi madungisan. Kung ihahambing sa Pilipinas, nagkaroon din naman ng ganitong klase ng mentalidad ang mga kolonisador at kinokolonisa. Parating mayroong mataas at mababa. Samakatuwid, nabubuo ang konsepto ng mataas at mababang lahi.
       
Liban kay Saya John, mayroon pang isang nakatawag sa aking pansin. Iyon ay ang pulis sa Shooting an Elephant ni George Orwell. Hindi niya masisi ang pagmamaltrato sa kanya ng Burman citizens sa lugar na kanyang pinapatrolan dahil sa mga kawalang-hiyaang nakikita niya na ginagawa ng kanyang lahi. Hindi siya nagbubulag-bulagan ni mataas ang pagtingin sa sariling bilang kabahagi ng lahing kumokontrol sa kinatatayuang imperyo. Nababasag muli ang mga naukit-na-sa-bato na “dapat” ng isang lahi, at sa usapang ito, ang kolonisador. Hindi lahat ng kalahi nila e kontrabida na. Ngunit sa naratibong ito, umapaw rin ang mga ugali ng isang kinokolonisa tungo sa isang kolonisador. Ayon sa pangunahing tauhan, maging mismo ang mga paring Budista (na kung tutuusin ang pinakamababait at pinakamalalawak dapat ang pang-unawa sa buhay) ang siya mismong pinakamalala sa pang-aaway sa nakadestino lamang na pulis.

Nang dahil lamang sa isang elepante, nagbagong bigla ang pakikitungo sa kanya ng mga Burman. Natuwa silang lahat nang napagdesisyunan niyang barilin na ang elepanteng nakapatay ng mga baka at isang lalaki. Natuwa ako sa sinabi niyang pareho lamang silang (British at Burman) naeengganyo sa pagpatay ng isang elepante. Maliban sa katotohanang maraming makukuha sa isang elepante, maging pantrabaho man ito, nagulat lamang ako sa pagkakapareho ng dalawang lahing ito. Inakala ko sa umpisa’y magagalit ang mga Burman dahil sa isa sa mga bansang mayroong natural na bilang ng mga elepante ang Burma. Hindi man lamang sila nag-atubiling pigilan ang pulis. Sumama pa nga mismo sila’t naghiyawan nang unti-unting naghihingalong maingay ang dambuhalang hayop. Nakalulungkot man ang tungo nila sa hayop na inosente sa moralidad ng mga tao’t nagtrabaho lamang at “nagkamali” bilang isang elepante, nakagagaan pa ring isiping mayroong pagkakatulad ang mga lahi. Dapat nga e, sa bahaging ito na ng papel, sinusubukan ko na bilang taga-argumento, na sirain na ang konsepto ng pagdidikit ng katangian sa hitsura ng isang tao – ang pagdidikit ng kanyang itsura sa kanyang lahi.

Oo, maaaring maging imposible ito, kaya maaaring magsimula na lamang ang mga tao sa pag-iwas sa pagdidikit. Ibig kong sabihin, simulan nang huwag mamalagay sa katangian ng isang tao base sa kanyang panlabas na kaanyuan. Tunog cliche man na linyang madalas banggitin ng mga artista sa telebisyon, umaakma pa rin sa puntong nais iparating ng mga inatas na babasahin.

Edukasyon ang magmumulat sa maraming tao tungkol sa mga bagay na ito. Maaaring nasa mataas na paaralan pa lamang, nililinaw na sa mga estudyante ang konsepto ng diskriminasyon. Kasabay pa nito ang paulit-ulit na pagpapahalaga sa hindi mabagong hanay ng kasaysayan ng pananakop sa Pilipinas. Malinaw na malinaw para sa mga Pilipino ang kasaysayan ng kanilang bansa, basta ang usapan ay tungkol sa pananakop. Hindi napagtatantong ni ang kabuuan ng bansa e hindi nadaanan ng mga mananakop kahit banyaga man lamang. Patunay lamang nito ang mga Pilipinong tumanggi at nagpakalayo sa katutubong Kristiyanismo kung kaya’t nananatili pa rin ang kanilang sinaunang paniniwala o relihiyon kung tatawagin ng marami sa atin. Marami rin sa atin ang hindi nakakikita sa tunay na kalagayan ng mga Pilipinong ito. Madalas marinig ang pang-iinsultong “katutubo!” nang hindi iniisip ang totoong kahulugan ng salita. Kung iisiping mabuti, mas Pilipino pa nga sila kaysa sa atin. Katulad ni Saya John, hindi Pilipino ang suot natin, marunong tayo mag-Ingles at halu-halo na ang mga hitsura natin! Kung babalikan natin ang mga Pilipinong hindi tumanggap ng Katolisismo, napakagaan minsan para sa akin isiping sila ang mga tunay na Pilipino dahil sila lamang ang nakapagpanatili ng ating (o ng kanilang) mga taal na tradisyon at kultura sapagkat hindi sila nagpagalaw sa impluwensiya ng mananakop. Kung naubos siguro tayong lahat noon pa lamang, sinunog na rin siguro lahat ang mga sinaunang panitikan ng mga Pilipinong namuhay sa pre-kolonyal na panahon o naputol na ang pagpapasang oral dahil sa pagkumbinsi sa karamihan sa mga Pilipino na lumipat sa Kristiyanismo.

Kung makapang-insulto ng katutubo, hindi ka ba tubo rito? Nililinaw mo ba sa aming hindi ka galing dito at hindi ka isang Pilipino? Isa pang problema: Kung kanina, pinagsasawaan na natin ang paghihiwalay ng lahi sa isa pang lahi, papansinin naman natin ngayon ang diskriminasyon sa loob lamang ng iisang lahi (na kanina pa naman siguro tinatamaan). Isa pang halimbawa ay ang paghihiwalay na ginagawa ng panahon sa mga Burman. Noon daw, ang Burman ay isang Budista, ngunit sa paglipas ng panahon, basta’t maeduka ang isang Burman, hindi na ganoong nagiging kalalim ang pagkapit sa paniniwala. Nasisirang muli ang kinagisnang identidad. Hindi ko naman sinasabing kinakailangang maging stagnant o atrasado ng isang kultura. Malinaw naman sa ating lahat na ang kultura dinamiko rin, tulad ng wika, kung kaya’t hindi malayong magbagu-bago ito sa paglipas ng panahon, lalo pa’t panahon na ngayon ng globalisasyon. Mahirap isipin para sa akin kung mayroong mamamatay na kultura. Nasa ilalim kasi ng mga kulturang ito ang mga tradisyon at gawain, mga impormasyon at kaalaman, kahit paniniwala’t iba’t ibang uri ng kaaliwan at panitikan. Maraming nasa ilalim ng isang kultura! Napakalaking sayang lamang kung mabubura, ‘di ba? Mahirap pa ring labanan ang magandang naidudulot ng edukasyon at modernong teknolohiya, pero hindi naman natin kailangang makalimot ni humiwalay.

January 22, 2014

'Di Ka Pa Puwede, 'Di Ka Na Puwede

Posible pa kayang magkaroon ng unibersal na panitikang pambata? Yung panitikan para sa lahat ng bata? Kahit yung panitikang pambata na lang na maaaring maunawaan ng lahat ng bata sa Pilipinas? Maaga kasing tinalakay sa klase sa unang bahagi na ang mga bata ay mayroong magkakaparehong mga angking katangian. Nandiyan yung, halimbawa, pagiging malikhain ang isip, inosente at utu-uto, at marami pang iba, na nakatutuwa kung iisipin, sapagkat pinagdaanan din naman natin. Kasabay nito, inalam ding ang panitikang pambata ay mayroon ding mga angking katangian, halimbawa, may aral at aliw, nakatatawa o nakatutuwa, madalas na bida ang bata, mayroong masayang wakas, na matingkad din naman sa halos lahat ng mabibilhang bookstore. Hindi rin maisasantabi ang binanggit sa klase na ang panitikang pambata ag siyang panitikang mayroong tiyak  na mambabasa. Anong tiyak nga ba ang tinutukoy rito?

Sa sumunod na bahagi ng mga pagtalakay, saka nagsimulang magkaroon ng kontradiksyong mga pahayag laban sa mga binanggit kanina. Lumitaw ang paksang mayroong mga sentrong panitikang pambata, at dahil gayon, mayroong mga naisantabing maaari, hindi napapansin o pinapansin, o pupuwede ring hindi na talaga naisulat para maipamahagi sa higit pang nakararami.

Malinaw sa talakayan na dahil sa pagiging kapuluan ng Pilipinas, hindi malayong magkaroon ng iba't ibang wika, iba't ibang kultura, magkakaibang kongkretong karanasan. Hindi lamang sa wika maaaring magkaroon ng pagkakaiba-iba ang mga batang Pilipino, kundi maging mismo sa edad, sa relihiyon, sa kasarian, pati na rin sa uri. Tanggihan ko man, lalabas at lalabas pa rin ang pagkakaiba ng karanasan ng mga batang Pilipino.

Madaling tumigil nang maaga ang pagkamalikhain ng isang bata dahil sa perang kikitain na lamang ang tanging habol niya sa isang araw sa pamamagitan lamang ng paulit-ulit-ulit na pagtratrabaho, o kalakal o limos, o kahit sa simpleng pagpipigil lamang ng mga relihiyosong magulang na maaaring magpakitid sa isip niya. Marami ring maagang nadedeinosentehan sa lipunang kanilang pinaggagalaan, na maagang nagmulat sa kanilang mayroon ding sad endings. O kahit mangalutkot lang siya sa internet, insta-Mulat na kaagad. Kung babalik tayo, e paano  na lamang ang panitikan nila, ang panitikang tungkol sa at para sa kanila? Titindig pa ba sa mga binanggit na pamantayan kanina (bata at panitikan) o kinakailangan nang titiwalag para sa mas nakararami? Pamantayang mga katangian ba ang mga ito, o pagpupumilit na lamang ng isang "dapat" na bata, o simpleng paglalarawan lamang ito ng isang katiting na bahagdan ng populasyon ng batang Pilipino?

Katotohanan ba dapat ang nakapaloob sa kanilang panitikan? O malikhaing mundo ng reyalidad na binuo ng mga manunulat na kaya naman nilang (ng mga bata) likhain? At para ano? Para magbigay-pag-asa? O pagtakas na lamang sa lipunang kay-hirap takasan? Maaari nang magkaroon ng aral nang 'di naaaliw. Nagmumukhang kontrabida o supporting actors o actresses, o extra ang mga naisasantabing bata. May sad at scary endings. At may mga bata ring 'di nakapapasok ni pinapapasok sa National Bookstore.

Mabuti Pa Sila

Mahalaga ang mass media. Mahalagang nalalaman ng nakararami kung ano talaga ang nangyayari. Hindi yung umaabot lang sa halos bente minutong pag-alam kung bakit nga ba bata ang asawa ng nagpaconvert ng relihiyong musikero o pagpapapogi lang ng ating presidente noong high school pa lang siya. Nadistract lang panumandali ng Yolanda, nakalimutan na agad sina Napoles at kanyang mga tropa. Isang napakagandang paraang ang paggamit ng musika para mabawing muli ang atensyon ng masa. Ang mga ipinakitang bansa sa dokyumentaryong Rebel Music Americas ay nagpapakita ng hindi lamang ng kahusayan ng mga artista sa pagkilatis sa mga hindi madaling mapansing nangyayari sa kani-kanilang mga lipunan kundi isang napakamalikhaing paglalapat ng kanilang talento – talentong hinasa para sa kapakanan nila, ng iba, at ng kinabukasan.

Magandang madaling maaliw sa ganitong uri ng demonstrasyon pati na ang mga bata. Mayroong iilang mga nagsiawit pa sa harap mismo ng camera. Alam nilang delikado marahil dahil sa panghuhuli umano ng mga napipikon sa administrasyon ngunit walang nakitang ni katiting na takot mula sa mga batang artistang ito. Nakalulungkot minsang isiping kung sa kanila nga, nakabubuo na ng ganoong kamulat na awit ang mga bata habang sila’y nagtratrabaho’t naghihirap, nahihirapan akong ikumpara nang may pantay na antas kung ihahambing sa mga bata sa Pilipinas.

Ngunit kahit na ganoon, hindi rin naman maitatangging ginawa na natin yung ganitong pagkamalikhain para isigaw ang tunay na boses ng nakakikitang masa, ng masang matalino, ng masang hindi natatakot. Sana’y lumawak nga lang. Hindi natatapos sa pagkakariton o pagbebenta na lamang ng mga tali sa buhok o sampagita ang kabataang Pilipino. Panahon na rin sigurong ang pinapapanood sa kanila ay mga ganitong uri ng dokyumentaryo (kung maisalin man) at hindi yung balita na naman sa dating life ng kung sinuman. Panahon na dapat, matagal na, na hindi na keyboard ng computer o balisong ang hawak kundi mga lapis at papel, tanda ng edukasyon at pagsulat nila ng kanilang hinanaing. Akala ko ba mahilig din sa musika ang mga Pilipino? Panahon na dapat ng pag-angat ng boses ng masa, at ‘di malimutang dapat na bahagi ng masang ito ang kabataan.

January 1, 2014

Noo Gah

11 Galit na galit ka e inggit ka namang gusto mo ring sumali. Kaya mo ako binigyan ng number. Ano pa bang maaaring sabihin ko sa'yo? Kahit na madalas naman tayong magkasama. Kahit na parati naman tayong magkausap. Kahit na mahirap dumaan ang isang araw nang hindi nag-uusap kahit katiting lamang. Sinubukan na natin yun dati 'di ba? Bakit ganon? Sanayan lang siguro e no? Sanay naman na tayong kung anu-ano na lang ang pag-usapan natin. Alam mo ba dati, talagang nag-iisip ako ng listahan ng mga maaaring paksa ng ating mga pag-uusapan. Para bang obligado ako bilang lalaki na paandarin lang nang paandarin yung convo natin. Mapatext, chat, live. Kinakabahan ako dati sa dead silence habang magkatabi tayo. Nagulat lang ako na mas madaldal ka pala sa akin. Hindi tulad ng kapag nag-aapply ka sa isang org, kailangan, nakaready na talaga lahat. O kaya dapat, napakatalentado mong interviewer slash thinker / entertainer. Ikaw yung mas nag-oopen, ako yung mas nakikinig. Noong elementary naman kasi, pansin ko namang mas maingay ako sa'yo. Pansin ko ring mas tahimik ka sa karamihan ng mga babae. Ang alam ko nga, minsan lang kitang makausap ni marinig ang boses mo noong elementary pa tayo. Magic nga yung madalas na kitang marinig. Naririnig kong madalas yung boses mo sa isipan ko. Naririnig ko yung boses mo sa chat, sa text. Madaling maalala yung boses mo. Nakakamiss. Kapag may namimiss kang tao, alalahanin mo lang yung boses niya, medyo makakaraos ka na. 

Kung dati, kinakabahan akong wala akong masasabi, ngayon e obvious nang sasaluhin mo lahat ng kuwento. Alam mo namang hindi ako makuwento pero kaya ko namang magpatagal ng usapan kapag interesante. Pero kapag walang nagsasalita, doon ko napansing mas gusto ko rin yung mga ganoong uri ng silence paminsan-minsan. Mas hindi pala nakakakaba. Mas sincere. Wala kasing hiyaan. Nakaupo. Nakaharap sa maraming halaman. Sa isang halos halamanang lugar. Patapos na ang mga nagpapraktis ng sipaang-bola na mga babaeng varsity players. Unti-unti nang sumasara yung naglalakihan at nagtatangkaraang mga ilaw. Nakaharap sa damuhan, masimoy na hangin. Mga nag-iingay na 'di naman estudyante ng UP sa ilang mga puwesto. Mayroon ding mga naglalandian sa ilang mga bench sa harap. Nakaupo lang tayo. Mabagal-bagal na lilipad-lipad ang mga paisa-isa nang lumalabas na alitaptap. Titingin akong pansumandali sa langit. Maraming bituin. Mukha namang hindi uulan. Titingin pa ako sa ibang bahagi, maliwanag naman ngayon ang ilaw ng buwan. Kahit 'di na buksang muli yung mga streetlight na orange. 

Mararamdaman ko yung yakap mo. Ipapatong mo na yung mga binti mo sa hita ko. Hahalikan mo ako sa kanang pisngi. Magpapakyut muli. Aamoy. Hahalik muli. Haharap ako sa'yo. Yayakapin ka rin. Titingin sa mga mata mong parati na lamang tumutunaw sa akin. Ilalapit ko yung ilong ko sa mukha mo. Sabay halik sa noo, sa ilong, sa labi. Masaya na ako noon. Titingin muli sa iyong mga mata. Hahalik nang panghuli sa pisngi. Hihigpit pa lalo ang yakap...

Alas diyes.