April 30, 2015

Sa mga Umagang May Kaligtang Kape

Hindi ko naman na kailangan ng alarm.

Kinahiligan ko naman talaga nang gumigising, sa umaga. Makailang ulit ko na ring naipaalam sa’yo, at sobrang tagal na, na ano pa bang makatatalo sa mga pagkaing pang-almusal lamang. Ilang beses na nating napag-usapan yung tungkol doon, at maraming beses na rin tayong nakapag-almusal, tanghalian, hapunan, meryenda, yosi, kape, at alak. 

Sabay tayong magkakaroon ng makahilu-hilong hangover pero ikaw na lamang ang madalas na makaaalala kung anong nangyari sa atin sa isang gabi. Kung anu-ano mang bigkasin ng bibig kong barumbado lang kung mag-isip, malabo, at walang konsensya, majikero pa rin talagang tunay yung alaala mo sa lahat ng mamutawi nang kinagabihang iyon. Para tuloy akong bata sa tuwing napahahanga mo ako.

Hindi ko pa rin maperpekto yung itinuro mo sa aking pagsangag ng kanin ni pagprito nang maayos sa itlog. Kay aga-aga, sinisira ko yung mood ko sa bahay. Magluluto na lang ng itlog base sa inihain mong instructions dati sa akin, hindi ko pa rin magawa nang lubos. Papaano kasi, sa tuwing magsasalita ka na lang, ang naaalala ko na lang parati, yung boses mo, yung kung paano kang magsalita, tapos sisingitan mo pa ng English. 

Minsan, Tagalog yung sinisingit mo. Hindi ko na rin maunawaan masyado kung gaano kakomprehensibo sa aking mata at tenga yung kung gaano ka kacute, kung gaano mo kaaraw-araw na pinapaalala sa akin na ikaw lang talaga yung kumukumpleto sa bawat paggising at pagtulog ko, sa kakornihan ng existence ko.

Hindi na tuloy sigurado kung nabuo ko na nga ba yung almusal na gusto kong ibigay sa’yo. Okay na siguro ito. Okay na rin siguro. Sinara ko na yung kalan at kumuha na ng dalawang plato para maihain ko na rin yung “niluto” ko.

Binalikan na kitang muli sa kama.

“Bangon na.”

Tapik.
Isa pang tapik.
“Bangon na, baby.”

Magtatalukbong ng kumot.

“Unnngggh…”

“Babyyy.”


Ito na lang din siguro yung isa sa mga bagay na hindi na mawawala sa’yo. Kay hirap mong gisingin! Since liek, forever. 

Liek. 

Makakapagtimpla pa ako ng ikalawang tasa ko ng kape’t kalahating yosi para lang makabalik sa’yo nang limang beses at bumangon ka. 

Pero minsan, para rin akong tanga. E kasi, kinakalaban ko rin yung sarili ko sa umaga dahil gusto ko talagang tinitingnan yung mukha mo habang natutulog ka. Again, yes, cliché pero hindi na rin ako magsasawa sa ganoong pakiramdam, kahit na paulit-ulit ko nang pinaaalala sa sarili kong ang krony ko mag-isip.


At minsan ko na lang ding isiping sinasadya mong huwag bumangon para lang mainlove pa rin ako sa’yo araw-araw. 

Minsan na lang siguro yung mga gano’ng, ano ba, kamangmangang humingi ng kapayakang hiling? O mag-isip ng painosenteng assumptions? Tumigil na rin kasi ako sa paghingi ng kung anuman kay Universe e.


Pero kahit yakap na yakap ko na yung ibinato niya sa’king reyalidad, at kung sakali pa rin naman, ako na'ng aakong maging fairy na babalik-balikan ka sa kung ano'ng wishes mo. Inaasahan ko na rin naman nang hihiling ka nang maraming-maraming beses pa, ng kung anu-ano. And izzokay, kahit makailang ulit pa.

Nakailang upos na ako ng Pall Mall. Pabalik na ako sa kuwarto’t 

wala ka na pala sa kama. Hinanap kita, syempre hindi sa banyo. Hindi rin sa sala. Nandoon ka lang naman usually sa kung saan ko na rin inihahain araw-araw yung almusal mo. 

Diyan, sa dining table. Hindi ko rin alam kung bakit nakahiligan mong tumambay diyan dati. Diyan ka madalas magyosi. Diyan ka minsan nagsusulat, kasi malapit sa pagkain.

Diyan din tayo minsan umiinom. Tingin mo siguro kasi, kaysa makagulo sa’king isang buong ash tray yung sahig e smaller version na lang ng ash tray (na pagkalaki-laki pa rin) yung dining table. Never ka na rin namang nahassle kasi mas okay namang magpunas ng mesa kaysa magwalis. 


Hindi ko na nalaman kung bakit, kung ano ba talaga. Hindi na rin ako nagkaroon pa ng pagkakataong magtanong.


“Kain na.”

“I love this table!” ang tamis pa rin ng ngiti mo.

“Bakit?”
“Do you smoke, Jamie?”

“Martin, baby,” hanggang ngiti na lang ako. Hindi ko na rin piniling magbuntung-hininga. Hindi sa pinipilit ko pero ayaw kong nakikita mong naaawa ako sa’yo, which is, hindi naman talaga ako naaawa sa’yo. Hindi ko rin maipaliwanag kung ano ‘to pero ang pangit lang na pakiramdam para sa akin siguro na maawa. 

Kung papipiliin pa ako e mas tatratuhin pa kitang isang deity, isang diwata, by any means, kung kaya pa sana ng magic, gagawin ko. “Jamie’s our son.”


“Aww wala pang tumatawag sa akin ng baby. You’re so sweet! Kanino mo namana ‘yan?” Kumuha ka na ng isa sa mga itlog na pinrito ko. Hindi mo na ako kinukutya. (Hindi ako sanay.) Tapos, isang sandok ng fried rice.


“(Sa’yo, actually). Masarap ba?”

“Oo?”


Hindi ako sanay.


“O, pa’no? Maya-maya lang, darating na si Ate Myrna para tumulong sa'yo. Papasok pa akong school.”

“Sino yun?"
"YUNG-, best friend mo, right?"

"Teacher ka?”

“Yes, baby. Bye,” and then I kissed your forehead.


Hindi pa rin ako sanay kasi,

gusto ko sa mga labi mo kaso, madalas ka nang umiwas. Minsan, iniisip kong mahal mo pa rin ako kasi may ganti ka nang,

"May asawa ako, okay. Sorry."


"Bye, baby."

"Last yosi?"

"Bawal ka na magyosi, baby."

Hindi pa rin ako sanay.


“Aww wala pang tumatawag sa akin ng baby. You’re so sweet! Kanino mo namana ‘yan?”

Hindi pa rin ako sanay.

Lumabas na akong pinto. Lumingon na ako't nagpaalam nang muli,

"I love you, baby."


Silence.

Hindi pa rin ako sanay.

No comments: