April 30, 2016

P-Cy

Pinakamamahal,

Palagi na lang na hindi ko alam yung sasabihin ko. Sorry. Alam kong malayo sa kakayahan ng mga salitang ‘to kung gaano kabigat yung naramdaman mo noong nangyari ang hindi inaasahan sa Sarah’s. At putang ina niya pa rin. Putang ina nilang lahat ng gumagawa sa iyo ng gano’n. Sorry, kung minadali kitang sabihin kaagad kung anuman yung kailangan kong malaman noong gabing tumawag ka. Putang ina ko dahil hindi kita mapuntahan, na naman, sa panahong kailangan na kailangan mo ako. Sana hindi mo isiping hindi kita iniisip, o pinahahalagahan. Alam kong malawak pa rin ang pang-unawa mo sa sitwasyon ng magkalayong relasyon natin sa ngayon. Sana naaalala mo araw-araw na ikaw lang ang pinakamalapit sa akin, sa kahit na anong paraan, sa isip, sa puso, sa kaluluwa. Sorry. Sana hindi kailanman mabawasan ang pagmamahal mo sa akin, na araw-araw mong napahahalagahan, napatutunayan, at pinaaalala sa akin. Hindi ko naman nakakalimutan. Kung mayaman lang ako, putang ina talaga kung mayaman lang ako, mapupuntahan kita kahit kailan ko gusto. Sorry. Sorry talaga,  sa paulit-ulit kong sinasabing kakayanin ko pero palagi at palagi akong nagkukulang. Sana hindi mo ako iwan, na kaya mo pa rin akong hintayin, dahil ako ma’y kapuwa mo ring naghihintay sa lubhang pagkakataong naaatat tayong maasam. Sorry kung wala ako palagi kung kailangan mo ako. Sana huwag sumagi sa isip mo kahit sa katiting na segundo na hindi ko ginustong puntahan ka. Alam mong gusto kitang pinupuntahan. Hindi ko ito nakita kailanman bilang isang pagpunta lamang bagkus isang pagpatunay, pagsakripisyo, pag-alay ng aking sarili, panahon, pag-ibig, na matagal ko nang gustong araw-arawin, pero inilalayo pa rin ng pagkakataon. Sorry kung hindi ko kinakayang pagaanin ang loob mo mula sa karanasang nagtangkang guluhin ang buhay mo. Silang mga bastos, kupal, at hindi ko alam kung gumagana ba talaga ang pag-iisip. Alam kong wala kang ginawang masama, dahil alam kong mahal mo ako. Sorry kung nagalit ako sa umpisa, pero alam kong naunawaan mo naman ang pansarili kong mga takot, kahit na alam mong alam kong hindi mo kailanman magagawa ang mga iyon. Never doubt, panay bulong ko sa aking sarili sa tuwing sasaltikin. Boses mo sa aking isip ang kadalasang sumasagip sa akin mula sa pagkabaliw. Sorry, dahil hindi ko kayang gawin ang nagagawa mong pagsagip sa akin. Pero sana malaman mong nandito ako bilang kausap, na hindi kailanman kayang magalit sa iyo nang taos sa puso. Makikinig ako sa’yo. Sabihin mo ang lahat ng iyong mga nararamdaman, iniisip, dinadala sa araw-araw. Hindi ko puwedeng sabihing okay lang ‘yan kasi hindi ako gago para makitang okay lang ‘yon. Hindi kailanman naging okay sa paningin ang isang kupal. Kapag nagkataon, bibigwasan ko ang tarantado sa mukha kahit alam niya na sa sarili niyang gago siya. Sorry, kung wala ako sa panahong kailangan mo ng masasandalan. Sorry kung paulit-ulit na lamang akong nagsasalita, at nagkakamali. At sorry kung hindi ko alam kung paano tatapusin ‘tong liham ko para sa’yo.

Natatanging iyo,

M

April 28, 2016

Suma

Hingang malalim
Hinging pag-iwan
            na naman sa sarili
Sa sarili kong pilit
            ko pa rin kinikilala
Hingang malalim
Hinging pagtahan
            na, pakiusap
Sa sarili kong pilit
            akong kinikilala
Hingang malalim
Hinging patawad
            mula sa iyo
Sa iyo na tanging
            kumilala sa akin
Tanging umibig
Tanging nagpatahan,
            nanatili,
            nagpahingang maluwag
Sa mga salita kong walang ibig
            umibabaw ngunit
            abot mo pa rin
Malayo ako sa mundo
            sa kanila,
            sa aking mga titik
            maging sa aking sarili
Naging paikot man ako,
            magulo, maligaw,
            madilim,
Maliwanag pa rin sa iyo
Ikaw na nagpakilala sa akin
Ikaw na nagpakilala na akin

April 17, 2016

FlipTop - BLKD vs Tipsy D

Round 1

BLKD

Pangungunahan ko na ‘tong payasong dagang-tao ang panalo sa larong ‘to kung ang pagbabatayan ay ang pamantayan at panlasa ng panahong ‘to. Tanggap ko, panahon mo, kaya hindi kita sasabayan. Sa ’yo na ang boto ng mga tao basta’t sa’kin ang kamalayan.

Kasi, Tipsy, tipsy ka lang kaya ka feeling magaling. Ako, kaya kong magbiro sa bagong gising na lasing. Nagmakaawa ka para labanan ko. Tama ba ang ‘yong hiling? Kaya kong dagdagan at sobrahan
‘yang tama mong bitin.

Tama ba? Magsawa ka sa mga bara kong deadly. Mga bara ko, blueprint ng mga bara mong trendy. Tatamaan ka sa shots ng kargada kong MP5-Navy. Fire frenzy, kada bala ay barang matatatalinghaga. Ratrat muna bago bodybag, ganun magtanim-bala.

Tama ba? O tama na? Tama lang na death ‘yan. Walang finesse ‘yan, bitin sa drive, test run. ‘Di ka aabot kay Hansel, sundan man ang bread crumbs, pagsaksak ko sa ’yo ng basag na bote ng Tanduay red rum.

Ano ba kasing akala mo? Kahanay mo na si Loonie ‘pag natalo mo ’ko sa duel? Baka nakakalimutan mo, kahanay mo lang rin si 2Khelle. Kasi, kasi, kasi hindi lang win-loss record ang sukatan ng husay. Ang respeto ng bawat kalaban ay mahalagang patunay.

Ako, mula nang magkapangalan, nirespeto nang wagas. Lahat ng makatapat, lumaban nang buong lakas. E ikaw? Hindi ka sineryoso nina Juan at Sayadd, bagamat sikat ka na. Nung finreestylean ka nga ni J-Skeelz, mangiyak-ngiyak ka pa.

Kasi pagdating sa pagdura, hindi puwede yung basta puwede na. Tandaan, dapat may puwersa ka. Kung wala, etsapuwera ka. Lines mo, sumusuntok, lines ko, nagkacapoeira pa. Oo, oo, flexible ka nga kaso may diprensiya. Kulang sa esensiya, mga style, pinuwersa. Loonie’t Dello ang humor at rhyme per letra. BLKD and wordplay tapos ang swag, Michael Cera? Hindi ka kombinasyon namin, hindi ka kombinasyon namin, huwag kang magpalusot. Style mo, tagpi-tagpi, kaya ka marupok.

Kaya bansag na Mr. Flexible, dapat nang paltan ng Mr. Jacker of Styles, Master of None. Ito’y leksyon, hinanda ko bilang favor sa’yo. Sa pagpapaliwanag, lampas Akon pa ‘to. I’ll serve you so much, may pangtake home pa, bro. Abakadaz ka lang, linguistics major na ‘to.

Round 2

BLKD

Brace yourself. Wala nang set up, double meaning pa. Brace yourself.

Sabi mo sa Facebook Cypher Battle Season 2, “I’m flowing so clean like mineral water.” Tapos sabi mo kay Sinio, “Flow so clean like mineral water.” Sabi mo kay Icaruz, “Uubusin ko ang bars mo, parang battery empty.” Tapos sabi mo kay Sayadd, “Wala ka namang bars, battery drained.” Anong ibabanat mo sa’kin? You’re flowing so clean like distilled water? Wala akong bars parang missing ang charger? ‘Yan ang idol niyo, mahusay. ‘Yan ang idol niyo, mahusay magrecycle. Yung 8 na infinity, ninakaw pa kay Dizaster.

Walang integridad, kahit na utak, angat. Nagpapaghost write kay Juan, puro sulat-tamad. Puro flavors of the month lang ang lahok kada linya. Mga tsismis at balita na kanyang napika, sa tsismis at balita, style mo’y nakadepend. Bagay nga sa ’yo ang hastag kasi sunod ka lang sa trend. Mga bara mo, benta, mga bara ko, priceless. Mga bara mo, timely, mga bara ko, timeless kaya wala akong bilib sa tugmaan mong bent. Maganda ang flow kasi water down ang content. 

Sabi mo kay Icaruz, ako’y teacher. Sabi mo kay Sak, ako’y maestroAko’y habambuhay na estudyanteng nagbabahagi lang ng talino. Sinong tunay na maestro? Aksaya lang sa kumento. Siya na mismo ang nagsabi, tapos ang argumento.

Nagpauso ka lang ng hashtag style na ngayon ay laos na. Ako, nagbahagi ng techniques na hanggang ngayon, pangtusta. Technique sa wordplay, metaphors, verse structure, at iba pa. Maraming natuto sa ’kin at aminado kang isa ka ‘pagkat sa fans na walang taste ka lang taste maker. Iba ang trend setter sa game changer.

Kaya para ka lang Emperador brandy. Mabenta ka, kasi cheap ang ‘yong brand, D. Mga bara, kulang sa tama parang shandy. Ako, icon ng pagbabago, mala-Gandhi. Pa’no ka makikijam sa mic, hindi ka heavy, D. Patay ka sa harap ng fans mo, Kennedy. Pero kahit wala ’kong heavy metal, I’ll drop D. Ako’y halong Mike D at Chuck D. Sa mga tunay sa larangan, wala kang bilang, D. Iwan kang pira-piraso sa dakilang apo ng pamilya D. At kung mali aking paratang na hindi ka tunay sa larangan, yung grupo ni Mike D, at grupo ni Chuck D, ngayon mo nga pangalanan?

Round 3

BLKD

Butas daw yung salamin ko. Pinatunayan mong tanga ka. Yung Daft Punk, may helmet, si MF Doom, may maskara. Wala ka nang pakialam sa accessory kapag henyo ang nagdala.

Si BLKD, birador ng wackness sa hip hop. Si Tipsy D, tirador ng fan girls ng FlipTop. Sa panghuhuli ng groupie ka lang may bisa. Bars ko, nagbubukas ng isip, sa’yo, ng hita. Dati, taga-Cavite, ngayon, taga-Singapore. Bukas, sa’n ka papunta? Kalibugan mo lang pala ang kabilang globo na, tagos pa.

Ito’y makatang lasing laban sa makatang hubog sa pakikibaka sa sistemang bulok. Tangang pluma’y tubog sa pulbura kaya lahat ng masapul, bura. Nakipagkrus ng salita, humanda kang madarang. Dumating kang patayo, uuwi kang pahalang. Sumagot kang pabalang, uuwi kang paa lang.

Itong Tipsy D versus BLKD ay J. Cole versus Nas. Talagang mas nangunguna ka ngayon sa palabas pero ga’no man kataas maabot mong antas, alam mo sa sarili mong dala mo ang aking balbas, ang aking basbas. Alam mo sa sarili mong dala mo ang aking basbas.

Ako’y saludo sa husay mo sa kompetisyon. Ako’y tutol lang naman sa ’yong direksyon. Pareho tayong Bernal kaso iba ating papel. Ikaw, Binibining Joyce, ako, Ishmael. Mas mabenta ka, iba ang aking tindahan. Mas mabigat ka, iba ang aking timbangan 'pagkat ang sining ko’y lampas na sa mga pekeng hidwaan. Matatalo mo ’ko sa battle pero hindi sa digmaan.

Ako’y humahawan ng dilim patungong tag-araw. Nagpaparami ka lang ng views, ako, nagpapalawak ng pananaw ‘pagkat hindi lang win-loss record ang sukatan ng husay. Ang impluwensiya sa eksena ay mahalagang patunay. Tanggap ko kung wala ako sa top five niyo. Nasa top five ako ng mga nasa top five niyo. I made a difference na akala ng lahat no’n, cannot be. Habol mo, victory, habol ko, legacy. 

Kaya saka mo na ’ko yabangan ng pagiging lyrically insane ‘pag nakapaglabas ka na rin ng album na critically acclaimed. Gatilyo, nasa Spotify, iTunes, at Uprising office.

April 7, 2016

Mkpngyrhn

Never doubt.

Ito na lamang ang pinanghahawakan ko. Alam mo na rin kung saan nanggaling. At kung saan pa nanggaling talaga. At kung saan pa nga ba manggagaling. Nais ko munang magpasalamat sa walang patumayaw na pag-alala sa mga iniisip ko, sa mga walang kabuluhang iniisip ko. Maraming salamat sa pag-unawa sa mga hindi ko rin naman sinasadyang bigyang-maling kahulugang mga bagay. Maraming salamat sa pag-intindi sa akin, sa paghihintay, na baka sakaling magbalik-loob pa rin ako sa pagtitiwala sa mundo.

Nahirapan akong magtiwala, totoo, pero hindi ko na kayang magalit sa’yo. Gusto ko na ring mapagod kakaisip kasi parang nahihirapan na lang ako sa mga hindi naman dapat nang pagpaguran pang mga badtrip. Gusto ko nang huminga nang mas maluwag. Gusto ko nang magmahal nang wagas, nang hindi na’ko minsang naghihintay ring masaktan. Ayaw ko nang maghintay masaktan.

Ikaw at ikaw lamang ang nagtiwala lang din sa akin. Ikaw ang sumagip. Ikaw ang umalala, nakiramdam, nakipag-usap, at nawa’y hindi pinilit akong tanggapin. Ikaw lang ang may gusto sa akin, sa aking mga kilos, sa aking mga iniisip, kahit na minsa’y may mga bagay tayong hindi magkatagpo, ngunit nagkakasundo rin sa huli. Ikaw lang ang nag-iisip sa akin, sa mga araw na ikaw lang din ang iniisip ko. Ikaw lang ang nagtangkang magpakilala nang buo ng sarili mo, sa akin lang ding buong-buo ka nang tinatanggap. Ikaw lang ang gusto, at ako lang din ang gusto mo.

Hindi na ako mapapatid pa sa mga lubak ng kagaguhan ng mga sarili ko lamang mga binarberong suliranin. Hindi na ako matatakot. Hindi naman na dapat. Hindi na ako magtatanong ng hindi ba nang may kahit katiting na duda. Hindi na dapat ako magduda, dahil sa’yo na lang din naman nanggaling. Ikaw na lang naman na ang pinanghahawakan ko. Hindi ka nagkukulang. Hindi mo na ako sasaktan, sadya man o hindi, dahil ako na lang din ang hindi mo na kayang bitawan.

Salamat sa iyo, ikaw na tanging akin, at hinding-hindi sa iba.