May 30, 2019

Lumumanay na nang marangal, may pagkung anong hinanaing. Bawat tanong ay hindi kinakailangang masagot ngunit hindi sinasadyang magkaroon ng pakiramdam muli. Hindi ipinahihiwatig na ang mga nakatagong pagkakamali ay tungo na kaagad sa nagbabadyang hindi pagkakaunawaan. Mangyaring malaki lamang ang pagkalugod sa taal na pagsasarili bagkus ay humimlay nang pahiraya hanggang sa makipagtagisang muli sa mga usok.

Nais nang umidlip. O kay layo pa ng katapusan. Sa mga nagsisising kalamna'y makapag-isip pa sana ng wastong tugong naaayon pa rin sa hinaharap. Ang paggising ay may kaakibat na pagsilip ng mga hindi inaasahang samyo ng ginaw sa parang. Nagsisilantayan na namang muli ang mga damo kung kaya't dapat nang ireklamo sa sanlibutan ang mga nais na hinding-hindi maisasakatuparan.

Masasabik nang masasabik, mapapaatras at mapapakamot sa ulo. Mga pinagkainang balat ng mga sibuyas at patatas ay hahamaking isauli huwag lang bumalik ang oras na nakalipas. Maipapaliwanag pa kaya ng harding siyang inutang kung ang pag-anyaya sa ngiti ng kalaba'y unti-unti nang nagiging kasabwat sa mga balak?

Darating ang maestro, at magsisiligpitang kay tulin ng mga kasalanan. Ang kaba sa dibdib ay segu-segundong mangunguwestiyon ngunit malay ring walang sinuman ang susubok na pumalag. Kakalabitin ang panganay at mag-eembudo ng mga sala. Sa huli'y magbabalik pa rin sa tugtugan ng mga pitik at tudyang tila wala na namang kinabukasan.

May 29, 2019

Yakapin mo ako rito sa mundong kay ginaw. Ano ba ito, at ano ka ba? Sintunadong marangal akong nangingibit-balikat kung saan ka nga bang lupalop nanggaling na mundo. Sa sarili mo bang mundo? May pagnais na magtagpo ngunit sadyang hindi pa wasto ang panahong nagpupumilit na mapili. Pakiusap, dahan-dahanin mo ako, akong hindi nararapat na makipagtipan pang malumanay. Samahan mo na lamang akong humimlay sa ilalim ng mapagkunwaring mga tala, sa dalumat ng ipinangangakong mapapako rin naman.

Kaibigan ang aking hanap sa landas ng mapawaring lunan. Lahat ng aking nalalama'y katiting lamang ng iyong gustong maipakita. Nakatutuwang lapnos pa rin ang aking dila sa mga ngiti mong hindi ko kayang lampasan, unawain. Paumanhin. Andito pa naman ako, akong buhay na naghihintay lamang madalas ng tiyempong masilayan ka't makasabay, makilalang panibago at makilala rin ang mundong iyong dinadala araw-araw.

Huwag tayong magmadali, may hapon pa ang umaga bago sumapit ang takipsilim. Linanging nawa ang ating kaisipang mas may tipong manaig kaysa sa makuliting damdamin. Tama ang makipagkapwa-tao na lamang muna, at iyon pa ay kung pagbibigyan ng ihip ng malamig na malamig na hangin, at saka na lamang muli, at muli't muling humalina, at yakapin mo ako rito sa ating mundong kay ginaw.

May 27, 2019

Alam mo, alam mo na. Alam mo na kaagad. Alam mo na kaagad ang sasabihin, ang sasabihin nila. Hindi mo na kailangan itong marinig pa, isa-isa, dala-dalawa, pakaunti-kaunting kanti sa iyong lalamunan. Alam mong tama na. Mangyaring ikaw na ang magsabi nito, ng mga ito sa iyong sarili.

Magpagana, magpaluwag, dahil ikaw mismo ang may kontrol sa mga hindi mo kayang kontrolin. Masagana ang umaga, masagana rin dapat ang gabi. Humupa't magsitalukbong ang mga nanonood lamang sa iyong paligid, mga nagsisipumilit na tumulong ngunit walang pakialam paminsan-minsan, ikaw na mismo ang mag-umpisa, mag-umpisang gumising sa natutulog mong kalooban dahil saan, saan pa't ikaw rin mismo ang gumigising sa araw-araw na masagana, sa gabi-gabing nararapat ay nakatalukbong ka na sana.

Kumilos, hindi lamang ang buong katawan ngunit maging ang iyong sariling pag-iisip. Alam mong ikaw lamang din ang kumakausap sa'yo. Ikaw na mismo ang kumausap sa iyo, sa iyong ayaw kang tigilan, sa iyong lupa't kaluluwa'y may siyang bigkis na magpapatibay kung bakit at paano ang dapat mangyari. Pangyarihan man ng madla, alam mo at alam mo rin na ikaw lamang, siyang ikaw lamang ang may hawak sa ngunit at hindi ang iba.

May 26, 2019

Sinusubukan nang maikalma ang bawat pagkakataong hindi nararapat din namang pumutok. Mamutawi sana ang payapang inaasam din naman ng lahat. Kung anuman ang kinasusuklaman dati'y nawa'y maging instrumento na lamang sa sariling imahinasyon nang magkaroon pa rin ng silbi sa buhay. Ang mga balakid ay hindi madaling kalilimutan. Ang mga panauhi'y may kanya-kanyang puwestong pauupuin. Bawat biskwit at biyaya ay sadyang ipatitikim sa kanila.

Hindi naman dapat sana ipinagdaramot kahit kanino ang simpleng paglasap ng katahimikan, ng paligid, ng bawat alulod, ng mga kalsada, ng bawat simpareha ng dibdib, isip, kalamnan, at paghinga. Para sa lahat ang pamamahinga at paghimlay. Malambot ang idulog kahit ano pa man ang sabihin ng nakararami. Walang may gumusto mapasuot sa gulo. Lahat ay nais makalabas nang buhay nang makapasok sa kaharian nang may gaang pakiramdam. Ang gagayak ng hari'y iisa, at iisa lamang sila.

Matagal pa, malayo pa. Dinggin nawa ng mga nakaupo pa rin ang hinaing ng mga minamatang papaluhod. Sagana sa kapayapaan ang isip ng tao, sa isip ng tao mag-uumpisa ang kapayapaan. Sa nag-iisang sarili mag-uumpisa ang diwang magpapatahimik, at tahimik ang siyang magpapanatili ng pagiging tao ng tao. Malayo pa ang tahimik, bumangon na nang kusa upang makisalo sa pag-iingay, dahil hindi mabubuo ang kapayapaan nang hindi nag-uumpisa sa masigabong pagbulusok ng damdamin.

May 25, 2019

Ewan, wala lang. Ako ay isang wala lang. Walang lalang. Wala lang. Walang isinasang-alang-alang. Walang kuripot, walang madamot. Walang may pakialam sa bawat hugas ng plato. Walang pagkibit ng balikat, ni huni ng ibon. Maski pagbunto ng pakiwari'y daragdag na lamang sa tagaktak ng aking pawis. Maaaring makasipat pa nang kaunti sa natitirang pira-pirasong gunita, subalit nahihirapan nang makalimot na makiisa sa hindi naman mapagpumilit na paggaya.

Siwalat. May pagbangga pa rin sa nangungunang pinuno ng mga hungkag. Nasaan na nga ba ang aking natitirang dignidad? Panay asa na lamang sa reklamo ng mga katabi, ang pagbabago'y iniaasa sa mga hindi kayari ng palad. Kung makatuloy ay paggala, kung mahuli'y sampanutsa. Hindi man bagay na hulog ng langit, magsinag pa rin sanang tala sa nagdidilim ang pananaw.

Sinimulan na namang magpaanod palayo sa alon. Kakaiba ang tatahaking ikatlong ulit ng parehong landas. Maiba man sa paningin, ganid pa rin ang sumang-ayon sa tabi. Maglilipana ang mga mapanlisik ang libak. Tatantyahin ang magbibigay ng lakas ng loob nang matipan nang mahusay ang pag-inda sa nakaraang sarili. Nararapat lamang ito nang tuluyan nang makapagpausbong ng wikang may sa pag-inda ng pagpilit na paggaya.

May 23, 2019

Amoy Paskong kinulang, Paskong pinagkaitan ng pamilya. Aginaldo'y kasuklam nang maipagkabanalan, ngunit iisa pa rin ang mithing makamtan. Saglit lamang ang pumighati, magpakailanman ang paggunita. Kaaya-ayang pananaw ang sadyang ikinintal nang hindi na magpumawi pa ang paulit-ulit na pagdinig sa nakaririnding bulyaw ng tama na.

Tama na.

Maiging magtapos na sana ang mga sana subalit mukhang hindi na bibigyan pa ng may hingang panahon. Pahingang pabalik-balika ang pagbisita, lakas ng pagbango'y bangungot sa pag-arangkada ng paghimlay. Maya't mayang igigiling nang buo ang laway nang maibsang presko ang naghihintay na 'di mapakali.

Sa muling pag-indak ng tadhana, sana'y marinig na ang tamis ng oo. Magsama-sama nawa ang mga magkakasintahang itinanan na ang pangarap na magkaroon ng katibayan ang tunay at wagas na pag-ibig. Nariyan ang kahapon, maaaring lingun-lingunin. Ang pag-uulit ay nagsisilbing pagbura at muling pagsulat datapwat ay sisibol pa rin ang panibagong hiwatig.

May 22, 2019

Tatapusin na mamaya ang nasimulang pagsasalaysay nang mabisang mabalikan ang dating pakana. Ipinagpipilitang pagbaklas-baklasin ang sarili nang mapagbigyan ang sari-saring pantas na nagkukumahog magpakasentro ng paligid. Kung makapiling tumigil sa pagpapalakas ay suwerte nang taos. Mahusay pa bang tatanggapin kung maabutang ang mga iniwang sinindiha'y pagpahingahin muna nang makapagpatirang makasat?

O susubukang lumikha ng pangyayaring makakuha ng konseptong pagbubuhusan ng gayak at pawis na hindi naman ding masisilayan kahit kailan?

Kung sa bagay, ayos lang naman. Hindi naman ganoong itinatampok kung payak ang piglas pero palaging pumapalag. Ang sa nagtimayog lang naman, magkaroon ng katiting na ibig sabihin ang lahat ng maaaninagang paglundang tungong isinaklay na mga kulay.

May mabuting paghanap pa ba?

Kung sakali, halika at lumayo sa akin. Bigyan nating asim ang tamis nang tumahimik nang matindi ang malalabong liwanag. Ibuhos ang mga hinilang paumanhin at pigilan nang simulan ang pinipilit na kusa. Hindi man magsitiwangwangan ang pagkakasalansan, asahang ang bawat lahat ay singkadiring kay aya ng bukas at kahapon.

May 21, 2019

Nagkakalansingan na naman ang mga sumpang isinisigaw nang makailang ulit para lamang mapansin ng iilang hindi kinakailangan ng mundo. Sa isang iglap ay mapapawi ang sakit at luhang ipinantatawid sa pang-araw-araw na kasalatan. Mangyaring may pagkung anong milagro kung magkakaroon man ng iisang pagtanaw ng utang na loob sa mga nagbato ng tinapay, sakaling tahaking muli ang paglalakbay tungong lunang ipinagkaloob din ng pangambang umilalim.

Saan pa nga ba maniniwala at naniniwala? Miminsaning hindi nakasisiguro kung kailan gagamitin ang mga inilaang paghihiwalay ng sangkot na sangkap sapagkat mas iginigiit ang tugtog na ipinansanay ng mga kidlat at kulog, kasabay ng mahanging ulan sa gabi at kuliglig. Sa muli't muling pagtigil ng mundong kinabibilanga'y pagkamatay ng mga putang ina, maliban na lamang kung mailigtas ng kakulitan ng paghagip sa tipong hindi na mawaring pagbura sa kasalanan.

Kung gayunman, ang ipinintang galit ng langit ay magpapaalala sa may tanging kilalang kilatis sa mga natitirang liwanag. Hindi man pagbigyan ng alanganin, nariyan ang awit at tinig upang makapagbuhat pa rin sa kalagayang ang minsan ay minsang magpakailanman. Nakakainis ang alingawngaw na maya't maya ring binibitin hindi ng dahil sa pagsabog ng kalawakan kung hindi dahil sa katakawan ng laman.

Sa dalumat na inihain sa pakikibakang tambad, huwag ipagkait sa sariling naibubulsa ang isa at isa na naman at isa pang pagpapakain sa tubig ng buhay.

May 18, 2019

Binotsa ng sariling anino. Saan nga ba tayong nanggaling? Sa dilim natatakot ngunit sa dilim nagbabalik. Sa dilim may sariling pagbabago, sa dilim nagkakaroon ng gana. Sa dilim muli't muling nakikilala ang sarili at sa dilim pa rin patuloy na inaabutan ng hapo, ng yakap sa init, ng ginaw, ng pagtalukbong hanggang sa ayawang muli ang mapanlibak na araw.

Araw-araw ipinapanganak muli ang tagpi-tagping alaala mula sa iba't ibang lupaing paminsan-minsang ibinabaon ng limot. Kamandag ng mahigpit na sumasalamin sa langit, ang himyos ng ligalig at pagtatampo'y panandalian lamang. Kaakibat ng lahat ng kailangang masupil, dapat nang gulpihin ang nagpapalubog nang sariling kusa.

Agad nang bawasan, kitilin, masugpo ang baha-bahaging paglalapit ng mga matindi kung humablot na mga kamay. Madulas ang pagkakataong kumawala nang paninigurado ngunit isinasampalataya pa ring maibibigay ang 'di mapang-aping kasaysayang magdadala sa titulong may pagkundena at saksakan ng karma.

May 17, 2019

Pagbigyan mo na. Hindi ka naman madalas nariyan at nandirito. Nakatengga ka lang naman ding madalas sa paikut-ikot na halamig at duyan. Kung pagbabanat lang din naman ang pag-uusapan ay mangyaring makipot ang mga ilog na lagusang makapagdadala sa iyo sa karunungan. Lagot ka, lagot ka. Pagtapak ng iyong mga talampakan sa abo ng iyong mga mithi ang magmimitsa sa pagbali ng disenyo ng natitira mong karangalan, kung iyan ma'y matatawag na karangalan.

Ambag sa mga likhang may kung anong paliwanag sa kahit na pagbigyan ka ring muli ay dadapa na lamang nang walang pakundangan. Malagkit ang pasensya at galit na galit tayo sa mga lamok ngunit ang pagkapanis ng iyong salaring taglay ay maiibsan pa ng pagkatupok.

Hayaan mong pagtipanin ang natitira mo ring lakas at rimarim nang maitulak kang pabalik sa iniwang natutulog na kaluluwa. Mabagal ang usad, pagbigyan mo na, dahil ang lakbaying matuwid ang manlolokong daraana'y simpleng pagyapos pa rin sa marurupok na unang magdadala sa ginhawang hindi para sa'yo, ni para sa lahat.

May 16, 2019

Ano pa't anong nangyari? Gusto mo pa bang mag-aaral? Marurumi ang madadalas magalit. Nagagalit din ako. Tipong hanggang armas sa lupalop, iindahin ang mga taktikang pumapalag. Iilagan ang mga balang gusto lamang makapagpatutong sagad sa buto. Buto't balat, lumilipad, kala-kalansay at bungo. Dugong dumanak diretso sa dulo ng daigdig. Daigin ang kabi-kabilang pananamantala ng kapangyarihan. Umabot man sa ubos na lakas ay buong tapang pa ring ipakitang ang katotohanan ay nararapat na maging malinaw.

Pagnanakaw na lamang ang nagdudulot ng kasiyahan, hindi na iniisip ang salapi, ang mga dragong 'di antala ang dalang bagyo. Sasalanta ang bawat dausdos, magpapasadiyos na lamang ang salalay. Mag-aabang sa darating na tugtog, pinakainaabangang pagbabanggang dibdib. Mamantikang buhok at pawis sabay lagok ng malamig na serbesa. Sa atin ang gabi, pilitin mang huwag nang magising pa ang araw.

Araw na ng pananampalataya sa itim na pagtalikod sa tanyag na mga talata. Talagang ang magsasalita lamang ay anghel na ipinadalang iisponghang 'di titigil. Kalabit at gatilyo'y tatagis nang agaran. Humimlay ka muna't magmuni-muni kasama ang kaibigang gitara at yosi, uupong malalim sa kaibuturan ng pagkalimot hanggang sa

ano pa't anong nangyayari?

May 15, 2019

Naging panatiko ka rin ng pag-ibig, aminin mo man sa wala. Makulit pang magpapaulit sa pagpapatawa, makakita lamang ng ngiting ay siya, ay kung aya. Sa ranggo ng mga iniwang sipag, tulak, at droga, natatangi ang natitira sa mga dahilang pambangon sa halik ng pagpapaalam. Anong petsa na nga ba, anong petsa na? Saan ka na ba kikitain ng mga hininging paggunita bago pa man mabigyan ng lunas sa iniwang pagtitimpla ng kape.

Panay na lamang ang iwas sa niyaring saglit dahil hindi na malinaw-linaw pa ang tunay sa iwinaglit na lamang ng magpakailanman. Minsan, may galit, minsan inaapura ng pag-asa. Purong pagpapakababang ang nalalabi na lamang sa kuro'y kung ano na lamang din ang sumayad nang may ngiting ay siya, sana'y siya.

Siya at ikaw, mananatiling bughaw ang lapnos hinggil sa pagtatagpo kung mangyaring abutan ng buhos sa idayom ng mga talang kapuwang nagtatalunan. Higit sa lahat, paano na lamang, o paano na lamang ang pundang pinaglalaanan ng galit, ng himutok na dapat nang ganid iputok bilang ganting makapandiri sa mga sariling pag-amin pa rin sa wala? Wala na, wala na ang lahat. At sa mga babati pang muling pagbangon, panatiko, o panatiko ka pa rin ng pag-ibig.

May 14, 2019

Aba'y diyan lamang ho sa may gawing kaliwa. Atat na akong magpakalunod sa sawang init at kulam, halong gipit at hindi. Surpresa sa lalamunan ang binilang na kindat hanggang sa pumulupot na ang alat na inaasam-asam. Iisa pa ng kahong delikado ang tibay 'pagkat kung hindi man mainom ang sabaw ng pandigma ay kakalma lamang sa aki'y aprubado sa pagkahalal. Iisipin pa kung kukulangin sa pangyayarihan subalit apaw na sa aking semilyang ipinatulo nang maiwan na nang taliwas ang nagbabantay.

Dahan-dahang magmamadali tungong pagsipat sa pagwawakas ng gabi. Napakalayo na naman pala ng aking narating. Ilang oras na naman ang aking hahabulin, aking gugugulin. Gulung-gulo na rin akong magtitimpi bago pa tapusin ang aking pag-aalinlangang makarating pa sa ibang nais na bisitahin.

Matagal ko na namang mimithiing mabisita ang aking iba pang mga sarili. Sa mga kaligtang kape, sa gitna ng mga salitang iniwan sa ere, sa gitna ng mga pang-iiwan sa ere, sa gitna ng mga gitnang iniwan ng mga salita sa ere. Asar-talo sa mga pangongopyang wala naman ding pinatutunguhan. Gising na lamang ako sa madlang imbis na ipakain sa ilang gramong pagtutulung-tulunga'y bisang alay na lamang ako sa mga poon.

Game.

May 13, 2019

Sanaysay ng salot, sanay nang maging salot. Sari-saring pagsalansan, sana'y matugunan. Simpleng sundot sa mga sintirador ng sipnay, sintalulot sa mga sangay. Isang sandugong sampal sa sambayanang sarado ang isipan. Saglit lamang ang sinag ngunit sumimpatya na sa makasariling silay. Salat sa sining, siguro'y sinulid lamang ang lasap. Siguradong simoy ng satsat at sermon ang sasalubong sa sintigas ng asing sintunado sa serbesa.

Singsing na may singhot ng sipong siniping lamang. Sisilip ang seryoso sa sindungis ng sinilaban ng sili. Sagradong may pagsinop sa sinubaybayang sarap, sa ilalim ng sisid, sa sagong sinulot sa saplot. Sisiklat sa sapot nang walang sawang paghintis, sasargo sa suba ang sintulin ng ahas. Maisasadulang mga simbolo'y sesenyas sa mga sakal-sakal ang sentidong singkitid ng silahis.

Simbang may sikad, saklolo sa may sarhento. Sa sampung siyasat na pinasinayaa'y isa'ng sumabit sa simuno. Sarat na ang mga sako, siniritan na nang sampung siglo. Sinamantalang sagwaning sintasa ng sambukong sarsiado. Gilid ng payak na wika'y mag-aalinlangang ipag-alam, ang libinga'y handa na para pigilang may paghiram.

May 12, 2019

Nagmamadali ka na naman ba? Magpahinga ka muna pero teka, oops! Pagpasyahan ang maayong panahon. Maikli lamang ang itinatalagang pagkakataon ng mga tao kung kaya't maiging maging maigi. Hindi maghihintay ang mga bulalakaw ngunit hindi rin naman titigil ang oras para sa iyo. Bakulaw ngang tunay, mahigpit ang mga isinisilid na lamang. Ipagpitagang ang bawat sandali'y iyo at iyo lamang.

Wala ka na ring panahon pa para sa iba.

Hindi ko rin ito posisyon para ipalusot ka, o ipalusot pa ang lahat ng tao sa mundo dahil para sa lahat ng tao sa mundo ito. Baliktarin ang untog nang makuha mo nang buo. Mukha mong todo-todo kung mangupit, ililista ang bawat maling pipiliting tambad. Hindi na kailangang alalahanin pa ang mabubuting nagawa ng tao. Anong kay bigat ng isang gramong pagkakamali sa isang kilong pagtulong sa kapuwa.

Kakitaang walang perpekto sa daigdig, daig pa natin ang manghuhusga kung makapanghusga. Sino ba tayo kung makahawak ng ilang libong salapi at makaupo sa trono ng kapangyarihan? Mag-iba kaya ang ating panghuhusga? Ay kung tutukan pa kamo tayo ng patalim at baril? Ang ating ari-arian? Ang ating betlog at dibdib? Ating mata at sampung mga daliri? Badya sa ating mga binti? Sa ating buong katawan? Sa ating sampung mga kaibigan? Sa ating limang pinsan? Dalawang magulang? Nag-iisang mga anak at pag-ibig?

Paano na lamang?

Pagbigyan ang kailangang pagbigyan ngunit ang ipokrisiya'y makating lasong iinumin din sa umpisa ng ating mga pangarap at panaginip. Isa, dalawa, tatlo, sundan mo ako. Apat, lima, anim, may nangyayari sa dilim. Pito, walo, siyam, ating inaasam-asam. Sampu ang bilang ng kutob na pinahiram.

May 11, 2019

Saktan ang sining. Bullshit ang pagnanakaw ng mahahaba dahil kung hindi ko man lamang malaman-laman, bukal ang iyong emosyong galit ng mga tinta't raragasang pagkalito sa mundo. Magpaalam na, na hindi kung dahil sa mabibigat na alaala'y matagal ka na rin sanang nakalimot kung bakit ka nga ba paulit-ulit na nag-uumpisa. Sa bawat maiiksing sambit ng pagbubukas, hayaang dumaloy ang buhos ng mga alien sa iyong kitid.

Ayos lang, ayos lang ang pagpilipit sa napipintong pananalamin. Matatapos at matatapos din ang isang kabanata. Ang pagmamadali'y para lamang sa mga nakatanda na. Salimuot ang dapat na hamakin ng bago ang gising. Huwag indahin ang pagiging hiwalay sa pagragasang alon. Lahat tayo'y binuo sa iba't ibang arte, iba't ibang ayaw. Maaaring dinaraanan lamang ang karamihan sa atin ngunit hindi tayo kailanman naging indibidwal na haing hindi magtatagal.

Lalo pa't kay titibay ng ating mga paninindigan, mapamali man o tama. Sagrado ang lahat ng inamin natin sa ating mga sarili. Tayo ang lumikha ng mga mundo nating walang ibang makakikilala. Taglay ng bawat isa sa atin ang mga ngiting tayo lamang din ang may tanging paliwanag. Magpahanggang sa ngayo'y umaabot pa rin tayo sa puntong tititig na lamang sa tikya-tikyang tikatik ng mga talulot. Wala tayong hiya kung umambon ngunit umaatake sa pagbuhos.

Ayos lang, ayos pa rin ang ating sining.

May 10, 2019

Putang ina, yung cringe, 'tol. Baklas na pag-indang tama na. Biglang kikirot sa tahimik na amihang dala-dala sa akin ng pagtatapos ng tagsibol. Pare-parehas nga lamang pala tayo, may kinahihiligang kaaayawan din. Hindi na mamamatay pa ang hindi kasiguraduhan sa sarili ngunit patuloy pa rin ang panggagayang ayaw magpatinag. Kahit na magpabalik-balik pa ang mga digmang makukulay sa paningin ng mga nanlalamang lamang, hindi na inaasahan pa ang kolektibong pagkontra sa namamayagpag na kultura.

Buong manghuhusga ang mga nagtatago sa mga alon, makahiyang may pag-aming nakangiti. Barya-barya lamang ang ibinibigay sa poon 'pagkat may kung anong makamundong galit ang nais na patunayan sa sarili, sa sarili lamang na iniintindi, na tanging iniintindi.

Hahahaha! Pagpupugay! Binuksan na naman ang pinto ng mga ibang klaseng pagkakataon! May kakayahan nang muling ipagtanggol ang mga natitira pang nakikipagsiksikan na sa patay na pag-asa, makauwi lamang sa hinaharap. Buksan na ang mga natitira pang pasikut-sikot nang makaalalay sa kapuwa. Magmatyag lamang sa mga umagang bukas nga ang mga mata ngunit hindi naman nakakakita.

May 9, 2019

Bago itapon ang papel, pinupunit ito. Mangyaring magmasid sa kalikasan ng espasyo kung kinakailangan. Hindi nararapat lumagpas lamang sa antas ng pagkamuwang subalit bigyan ng pansin ang mga madadalas na lang ding umasa sa mariing kalabit. Nakakainsulto. Malayang porke't magkakaroon ng naghihimutukang kamatayan ay mawawalan na ng silbi ang pagkakaroon ng silbi. Hindi ba't ang nagmamalinis ay naturang nagmamalinis lamang?

Patakasin ang diwang paurong, pangaraping pumiglas patungong paglaya. Ano ba naman ang kainisa't maging kakaiba? Pamanggit, may pagtukol sa nangangalabit. Tagisan ng makakasat ang mundo. Wala naman sa pamimilit at hayaang tubuan ng mga kabute ngunit ang mismong pagtahak karamay ng nag-iisang bandila ay puspos na sinasalubong ng pag-iwas sa talukbong. Magsasaya ang buong sarili, papalakpakan ng mga panlilinlang, at taos nang mapipirmi sa hindi na kakaibang paligid.

Tuldukan na nang makapagparaiso sa alapaap ng mga tala. Magliliwanag nang malumanay ang karagatang isinuklob ng dilim. Malayang lilipad ang mga makakawalang pangarap dati. Tuluyan nang mapupunit ang pagharang ng makikitid na isip. Ligtas na sa pagkamuwang, datapwat lilingong may paggunita. Ibahin man ang sarili'y ikaluluwang ng hitikang nagpapalaganap ng mga tinunaw sa alinsangan.

May 8, 2019

Ayos lang kayang maya't maya kang nasa himig ko? Sa tuwing nag-iisa, nayayamot, mababato na sa kakabakya ng masarap, manaka-nakang iimbot sa bawat pasingit na indak. Ang tugtog ay samu't saring tagumpay sa aking lalamunan. Malamig na malamig, kahit na walang yelong yumayanig. Humihinto ang hibla-hiblang pagpatak, magkaroon lamang ng kuntentong pananahimik. Dudurugin ang mga takot paibutod sa panandaliang pag-inda at ligaya.

Ano pa't magsisulputan man ang mga pang-araw-araw na sugat sa aking balat, lalangisan lamang ng gamot pang-ubos hanggang sa hindi na makaramdam pang muli. Magugunaw ang galit, gigilitan ng ganid kung manggago. Idinaraan na lamang sa pagpikit at buntong-hininga, matatakot na humimlay dahil sa may pagbadyang bangong pabigla.

Tirik ang minumutang paningin, nag-iisa na lamang muli ako, nag-iisa nga lamang pala ako ngayon. Unawain sanang nais nang ibalik ang mismong dati-rating dakilang digma laban sa aking ibang mga sarili. Tama na, o tama na, pakiusap. Ang aking paglalaan ng katawang lunan lamang ng tampo at nakakalitong hinanakit, nawa'y humupa na't magkaroon nang muli ng silbi.

May 7, 2019

Nauubusan na naman ako ng hininga. Ilang ulit na akong bumuga, makailang ulit pang umatras. Hindi ko mapigilang tumanggi sa bawat naririnig. Magmula pa sa hanggang tungo sa pagpunta. May mga pare-parehas na kutitap ang siyang nagsisilbing bakit at sayang, kung siyang magpapatawad ay siya ring ikinagagalak magpaminsan-minsan.

Mayroon akong mga kuwento, papaakyat sa mumunting mga hakbang. Gabing may pagluha ang langit at arangkada ng paghahati. Katatapos lamang ang lagok galing pares kasabay ng pagsagot sa maraming tanong ng nag-iisang kaibigan. Kinabuksan pa mapagtatantong nakapagligtas ng buhay ngunit saka na muna iyon. Unti-unting bumabagal ang pag-usad ng mundo habang kapuwa pa ring nag-uunahan ang mga dumi sa kalsada. Tinatantiya pa rin natin kung may umaga pa ba akong aabutan ngunit sige lang sa paglapag ng mitsang pusta. Katulong sa pag-intindi ng nakaraan, malayo na sa pagkalimot ang siyang naghatid sa akin sa ginhawa.

Salamat, kaibigan, o kaibigan kong masiyahin. Maubusan man ako ng mga panggatong ay tuloy pa rin ang iyong pag-alab. Ipagpatuloy mo pa ito nang iyong buong maunawaan ang paulit-ulit ko lamang ding paalaala sa iyo:

May kinahihitnang mahalaga ang bawat pagsuko.

Ang dumi'y tinatanggal sa iba't ibang pagkakataon ngunit hindi madalas mangyari ang minsan. Ang palagi ay laging iwasan 'pagkat hindi na madaratnan pa ang pagpayak ng sampal ng pagiging ganap na tao. Sa pag-uulit, tayo ay sagana. Huwag atupaging nauubos ang buhay bagkus ay sarili ang tanging pagpalain. May bukas, oo, ngunit namamatay rin ang lahat sa alaala. Magiging panatag nga ang lahat, oo, pero bigyang-husgang ang mapatid ay may suya pa ring dapat iwasan.

May 6, 2019

Matalik na ang amoy mo habang ako'y papapikit sa tabi ng iyong himbing. 'Di alintana ang hamog sa unan, sa kislap ng naiwang umaga, at paglapit ng pag-ibig sa gabi. Kay rikit mo, ay siya. Wala nang hahanapin pa. Maging tahanang kay lumanay ay pumapawi sa bawat pagod na alay ng araw-araw. Mabuti ang ganito, mabuti ang magpabalik-balik (na lamang) sa anyong wala nang kasintamis pa, magpatihulog man ang kidkid sa aking ulirat.

Pinalalabo mo ang lahat, tanging ikaw ang lilitaw. Bagkit at pangarap, siyang binibigyan mong halaga nang hindi na ako makalimot pa. Simbango ng madaling araw sa mga dahon at damo, kinikilala ko nang mangulit kung saan ko marapat na isauli ang aking sarili. O kay gaan sa damdamin, huwag kang titigil 'pagkat kung maipon man ang bahala sa aking dibdib ay tahanang sagutin ng iyong paglalambing.

Mabigyan sana, pagbigyan nawa, ng maraming-maraming pagkakataon sa ating mga pagsingaw sa kalikasan nang 'di na minsan pang mabatid pa ng mapangkubkob na mga mata. Sa lisik ay tumiwalag, gastahan ang natitirang ginaw. Aba'y oo't malapit nang bumati ang tag-ulan. Sabay nating iyurok ang pagyakag sa ating kalamnan, magkaroon tayong pagganti, pamawi, lutas sa mundong siya ring bumuo sa atin.

May 2, 2019

Sa napipintong pagwawakas ng mga paruparong hindi na namayagpag, hayaang magkaroon ng simpleng pagliwanag sa palapag ng mga hindi inaasahang pagpalag. Ang kontrol sa bawat deposito ay magsisilbing pag-ikot sa buod ng hindi matapus-tapos na pag-uusap, ni hindi rin nasimulan, kung baga.

At kung baga, may pag-ikot sa tindi ng pagkawalay sa taal na pagkikita, may isinaid na galit at inis, halong kontrata at pagkabaliw sa hindi naman ding tunay na pagkasalbahe. Sa mga mata ng hindi nagdadamot ng pamamaalam, may makititirang pag-uulit ng mga linya.

Iyon, at kung iyon ay nag-umpisa lamang sa ibinigay na sustansyang mula ugat ang pinagsisilbihan. Kinakayang maglaro ng mga pariralang pariwara lang ding pinabayaan at nawawala. Kalsadang itinuturing sa mga panahong kay puring hindi na dapat pang alalahanin ngunit sumisinta pa ring wagas.

Payat, may gulang, hindi kumakain ng mga salita. Bali-baliktarin man ang sentido'y maaabisuhan pa rin dapat (at lamang) ang siyang may kayang bumuo ng panibagong agham. Maniwala ka, sa sariling maipagtatanggol lamang ng pagsipat-kaliwa, sa hagkang pasulong. Mag-ingat, sa mga sasabihing walang kabuluhan, dahil ang kabulukan ang susukdol sa timplang panibagong perpekto sa panig ng mga paniki.

Sasalimuot kung paniki, mag-aabang sa agos ng tren. Ang hanging sasamyong paulit-ulit ay unti-unti nang nakikilala. Malaya nang muling ngumiti sapagkat tanggap nang may pag-alay ang inilenteng sining sa madla. Mapagod na ang walang kuwenta, humiwalay na sanang may inis pa rin at galit. Siyang kuntentong maiiwan ang tilamsik ng alab hanggang wakas pa rin, ng paruparong mamamayagpag tungong simpleng pagpapaliwanag.

May 1, 2019

Hindi ko na aalalahanin pa, kung sino ang nagpaumpisa, nagpakalap na ang nararapat na pangyarihan ay buksan ko na ang liwanag. Mangupong may mga nakikinig, sa umpisa lang naman magagaling. Kakantyawang may inis, hindi ko inasahan ang pabaling ng lambing.

Tagaktak ng pawis ko'y ininda, pagbigkas ng mga galit ay pinigilan. Hindi malabong magkaroon ng digma sa ideyolohiya ngunit hindi naman maaaring magkaroon ng barikada. Lahat ay sinubukan kong pagbigyan, pinadaan sa aking masikip na eskenita, pinagpakuluan ko pa ng mainit na tubig. Inaasahang ang lahat ng bagay ay alagwa mula sa pait ng hindi na kailanman pa matututunan.

Nahihiya ako sa maraming bagay, at hindi ito isa sa mga iyon. Makakaasang ang kinakain lamang ng aso ay laman, itatago ang kanyang isinariling mga buto. Maghuhukay ng lupa, pailalim sa hindi na kayang sapitin pa ng mga katulad niyong gagong arok lamang ay sariling kay babaw ng lipon. Madaya ako, oo. Madaya ako sa dapat kong largahan. Ikinarga kong tunay ang mga dapat pagbigyang-halaga. Ngunit ang bigyan akong walang modo, palabasing may maltrato, hayaan niyong ipanalangin kong ibalik na lamang ang lahat sa noong araw, sa aking paglalakad lamang nang may talisod sa pagmamadali at pagbitbit ng sariling hinanaing.