30 April 2026

fragment 18

sa kinasanayang paglalakbay, namumuo ang isang munting pananagutan. may buklod nang pahigpit nang pahigpit ang bigkis sa bawat nalalampasang kaliwanagan. malapit-lapit na rin at malilimot nang siguro ang kahulugan ng dahan-dahang paglubog sa balon ng pagitan ng kamangmangan at kabaliwan.

nag-iba na ang ihip ng paghahanap at may sakaling giliw na sa mga nakaw na sandali. hindi ibig sabihin nito na mayroon na agad na ligalig na magkatabi ngunit matalas mong nilinaw sa iyong sarili na may dalang tuwa lamang ito na hindi naman din kailangan pang palakihin ng mga pilit namang paliwanag.

ang mahalaga, hindi ka na nag-iisa. lapnos man mula sa mga salita ang inyong mga bibig at dila, nakapangyayaring sapat na ang kada sabay, sunod, at sadya na ano pa nga bang napapatunayan kung hindi kaibigan. kakangiti mo lamang ulit sa tantong natuklasan nang bigla ka niyang hilahin at ika'y napatigil sa direksiyong kaniyang tantong natuklasan.

29 April 2026

fragment 17

lalo lang nadaragdagan ang mga lumilipas na poste't maliliit na papel na hindi sa inyo. paminsan-minsa'y sinisilip mong muli ang kaniyang papel, at unti-unti na rin itong napapaukit sa iyong memorya.

lahat ng iyong puntahang poste ay nakatamang sunod lamang din siya. makakailang ulit ito at walang mintis ni sawa hanggang sa maging nakasanayan na rin sa wakas. sa iyong bawat paglingon ay nakabuntot lamang siya. may mga oras na hindi mo naaalalang tingnan kung nakasunod pa ba siya sa iyo ngunit kampante ang iyong puso na hindi ka pa rin nag-iisa.

ang iyong hakbang ay ilang beses na mauulit. hindi na sinasalo ng hangin ang bawat baling na kinakaligtaan ng atensiyon. may ipinanganak na bagong ngiti sa iyong mukha at likas na sa iyong pakaalagaan ito. may mga sandaling nawawala ang agos ngunit mabilis nang napapalitan ng hindi nagmamagaling na kapareha. ang basta ay lahok na sa minu-minutong nakaantabay lamang ngunit sa kakaibang himok ng timpla ay sumasalungat na sa takad na umpisa.

28 April 2026

fragment 16

kapuwa kayong bakas sa mukha ang gulantang sa isa't isa. sabay na sabay ninyong ipinakita sa kaharap ang magkaibang kulay ng mga papel. pareho lamang kayong napangiti at unti-unting nabura ang kaba sa iyong dibdib. kapuwa niyo na ring isinilid sa kaniya-kaniyang mga bulsa ang maliliit na papel.

sumusunod pa rin siya sa iyo. kasama mo na siya sa mga pila. sumasabay na rin siyang makiusyoso sa maliliit na papel ng iba. hindi ka napapagod sa kaniya at minsa'y inaalala mo kung napapagod o mapapagod ba siya sa iyo.

may mga pagkakataong pinauuna mo siyang maglakad ngunit umiiling lamang siya at ngumingiti. mapapangiti ka lamang din pabalik at magpapatuloy lang din agad sa paglalakad at paghahanap. liban sa kabaliwan minsan na pagkausap sa sarili at sa isip, hindi na rin masama ang magkaroon ng kaagapay sa paglalakbay. may kung anong nawala sa iyo na mayroon ding kung anong pumalit. hindi mo pa alam kung paanong magpapasalamat.

27 April 2026

fragment 15

matapos ang nakagawiang mangilan-ngilang poste at pagpapakita't silip ng mangilan-ngilan din pang maliliit na papel, may kung anong kumakanti sa iyong kutob ngunit ayaw mo na munang bigyan ng pansin.

patuloy ka lamang sa paglalakad nang malayo sa pagmamadali. paminsan-minsa'y sinasadya mo pang kuparan muna nang ilang patawang hakbang bago muling bumalik sa karaniwan. hindi mo na muna inililingon ang iyong atensiyon nang hindi siya makahalata na iyo nang nahahalata. hindi naman sa kinakabahan ka na talaga pati, pero may mga tanong naman ding maaari nang masagot nang agaran.

pagbibigyan mo ba talaga ang tukmol na ito o minumulto ka lamang ba ng iyong kainosentehang walang ibang pagmaliw kung hindi ang kumontra na talaga sa kahingian at bigla na lamang mawalan ng saysay? maya-maya pa'y lalong umigting sa iyong kutob na may sumusunod nga sa iyo at bigla ka na lamang tumigil. kasabay ng iyong biglaang paglingon din ang magaang pagkakabundol niya sa iyo.

26 April 2026

fragment 14

hindi nga naman siksikan ngunit panay mga tao lang din ang nasa lahat ng kaligiran. kung hindi tao, poste. kung hindi poste ng ilaw ay mga nakakalat na maliliit na papel. minsa'y kumpol-kumpol sila. minsan nama'y may isa lamang na tinatangay ng hangin.

hindi mo kailanman kinonsidera na palitan ang iyong maliit na papel, ni magdala ng iba na hindi sa iyo. pinakaingatan mo na nang tunay ang pinakauna't huling iniabot sa iyo at determinado ka na talagang huwag na itong pakawalan. may mga pagkakataong halos ikabaliw mo ang dalawang segundong atake sa puso sa tuwing kinakapa mo ito sa iyong bulsa at hindi kagyat na maramdaman.

minsa'y nakakausap mo siya sa iyong isip sa inyong paghahanap ng kaniyang kapares na poste. wala na rin kasing iba pang makausap sa ganitong paraan lamang kung hindi siya. wala ring ibang nilalang kundi mga tao lamang. walang maliliit na hayop at halaman. halos nag-iisa lamang kayong lahat.

25 April 2026

fragment 13

nakailang poste ka na't hindi mo pa rin natatagpuan ang tugma sa iyong maliit na papel. kinapa mo itong dagli sa bulsa ng iyong kasuotan na tila humihingi pa muna ng kahit katiting lang na tulong at pag-asa. hindi naman sa nararamdaman mo na ang pagod sa paghahanap at kawalan ng pakialam sa iyong pinakanag-iisang pakay, ngunit may tatag pa rin hanggang ngayon sa iyong loob na matatapos mo din ang iyong tungkulin.

lampas na sa matinong bilang ang mga nalampasan mong marka at mga poste. nakikiipon na ito sa haba at kumpol ng mga minuto at oras na kalmado lamang na lumilipas. hindi mo na pala napapansin kung may ilang araw ka na bang naggagala at nagpapasikot-sikot.

pansin mo ring ilang oras ka na rin palang hindi napapagod ni nagugutom. walang nag-aalok ng kahit na anong sustansiya sa bawat paligid na iyong nalilipatan. walang dambuhalang araw o buwan ang nagpapalitan sa bawat tuwing ngunit mukhang sasapat naman na lagi ang lahat ng mga poste.

24 April 2026

fragment 12

wala silang pakialam sa iyo. hindi ito dulot ng galit, o lungkot, o pagmamadali. wala lang talaga ikaw pakinabang sa kanila, at sila sa iyo. titingnan lang nila nang saglit ang iyong papel sa pila sa mga pagkakataong inilalabas mo ito, at matapos noo'y tuloy na agad ang kanilang pag-usad na parang walang nangyari, na parang wala naman talaga.

ipinapakita mo minsan nang maigi ang iyong papel sa kung sino man na napapansin mong sumisilip dito, at hindi naman din sila naiilang o kinakabahan kapag ginagawa mo ito. ipapakita rin nila sa iyo ang kanila. ngingiti kayong dalawa pagkatapos at hanggang doon na lamang iyon.

mauulit ang lahat ng ito nang mauulit ngunit wala ka pa ring nauulit na tao, poste, at maliit na papel. lahat ng mga nakakasunod mong nakakasalamuha ay iba na palagi sa iyong mga nalampasan. maski papaano, buo ang iyong loob na magtiwala sa iyong kutob na bigla na lang may kakanti sa iyo kung sakaling mayroong maulit. at sa ngayon, wala pa naman.

23 April 2026

fragment 11

hindi mo minsan mapigilan ang iyong sarili na silipin ang maliliit na papel ng ibang mga nakakasabay mo sa mga pila. ang iba ay nasa ibang kulay ang mga papel. sa iba'y ibang kulay ang tinta. lahat ay nasa iisang wikang pinagbubuklod kayong mga nasasadlak at nakapila't naghahanap na kapuwa kaniya-kaniya pa ring tumatahak sa nag-iisang iniatas.

mayroon ding mga poste ng ilaw na walang pila katulad ng kauna-unahan mong nilapitan. iyon ang iyong mga inuuna sumunod ang mga mas maiikling pila. may mga lugar na magkakalayo ang mga poste. mayroon ding may mga halos magkakatabi.

sa katunayan, malaya ang kahit sino sa gusto nilang puntahan, pilahan, o gawin man lamang. kaya siguro wala ka ring makitang nagmamadali o nakikipagtulakan. mayroong pupuntahan ang iba. ang iba'y nakatunganga lamang. may mga lugar na halos iisa lang ang poste. bawat madaanang pila at malampasang poste ay tahimik, at wala ka ring pakialam sa bawat isa sa kanila.

22 April 2026

fragment 10

sa kulit at kalma ng iyong utak, minabuti mong huminga muna nang malalim bago tuluyan nang bagtasin ang landas tungo sa paisa-isa na poste ng ilaw.

bawat markang nakakapa ay hindi umaakma sa dala-dala mo sa iyong bulsa. may paiba-ibang kulay ng poste ang natingnan mo na ngunit wala ka pa ring nahihimas na hindi yari sa bakal. may angking lamig ang bawat paanan at lahat ay malayong-malayo sa pagkakatinag na maluma. bawat poste rin ay may magkakaibang bilang ng simbolo. mayroong mga tumutugma sa bilang na nasa iyong maliit na papel ngunit hanggang doon na lamang.

mayroong mga poste na may mga nangagbuong pila na susubukan mo ring makipagbakasakali dahil ang tanging paraan lamang ay lumapit sa paanan ng poste't makita ang nakaukit sa paanan nito. walang may balak sumira sa katahimikan at kaayusan ng sangkaterbang mga pila kaya minabuti mo ring makipanatili rito. pasensiya na lamang muli ang iyong katitigan.

21 April 2026

fragment 9

marami ka nang nilikuan, nilampasan, kinaligtaan, kinalimutan, tinawiran. alam mo sa sarili mong subukan mo mang bumalik ay may punto pa rin ng pagtatapos at pag-ayaw. pero nandoon din ang kawalan ng kasiguraduhan na baka ang landas pabalik ang magdadala sa iyo sa sarili mong ilaw, na maaari ngang ang unang posteng iyong lapitan sa daang ito ay iyon na.

pero maaari ring hindi. kaysa pagurin mo pa nang todo ang iyong sarili sa mga paano kung na paiikut-ikutin ka lang naman, tinanggap mo na nang agaran, sa lalim ng iyong pagkakaunawa, na mayroon pa ring tsansa na hindi mo na mahanap pa ang tugma ng iyong maliit na papel.

maaaring hindi ka na matapos sa paghahanap. maaaring hindi mo na ito mahanap. maaaring nalampasan mo na pala ang iyong ilaw. maaaring hindi mo na mabalikan ang lahat ng iyong nalampasan. maaaring may mga malampasan ka nang hindi sinasadya. maaaring may mga makalimutan ka. maaaring may maulit na mga poste. maaaring liparin ang iyong maliit na papel at hindi mo na mahuli pang muli.

20 April 2026

fragment 8

matapos ang dalawang tapik ay nagpaalam ka na sa kaniya. binalikan mo ang nakasulat sa maliit na papel na iyong dala-dala. hindi mo pa rin maunawaan ang mga simbolo ngunit unti-unti na silang nauukit sa iyong memorya. pilit mo mang bigyan ng kahulugan ang mga iniwang marka ay talagang hindi mo ito mapatagos ng isipan.

pero darag mang hindi umabot sa pagkaapi ng sarili, may bagong direksiyon ka nang tatahakin sa mga susunod mo nang hakbang. iniligid mo nang malawak ang iyong paningin nang hindi naman sagad sa agaran, sapagkat malay ka na ring mukhang hindi ka naman pala nagmamadali. marami kang nilampasang mga ilaw kanina, marami ka ring hindi pa naaabutan.

hindi ka rin sigurado kung makakabalik ka pa ba sa iyong pinanggalingan o kung dapat pa ba. paano kung nalampasan mo na pala ang iyo? paano kung tamarin ka na sa paghahanap? paano kung liparin din o mawala ang iyong maliit na papel? paano kung ang unang ilaw na malapit sa iyo ang sa iyo pala? paano kung hindi ka na makabalik pang muli?

19 April 2026

fragment 7

tinitigan mo pa nang mas mabuti. medyo nakatulong ang pagpapalabong dulot ng makakapal na usok kung saan-saan at mas matagal mong nakatitigan ang iyong tinitingala. wala pa rin itong imik sa iyo pero mukhang hindi ka rin naman niya paaalisin. nagpasalamat ka sa kaniya't idinamping muli ang iyong palad sa kaniyang paanan.

napansin mong parang mayroon kang nakakapang nakaukit sa bakal. tinitigan mo ito nang mabuti. ikinumpara mo ito sa wika na nakasulat sa isinilid na papel sa iyong bulsa. laking tuwa mo nang matuklasang nasa parehong wika ang kanilang mga ginagamit pero magkaiba pa rin ang mga titik.

umabot ang iyong sigla sa ilaw sa tuktok ng poste na tila mas lumiwanag pa bilang pagkilala siguro sa mga natsatsambahan mong pagkakatugma. kumutitap nang isang iglap ang ilaw at lubhang ikinagulat mo't lalong dumagdag pa sa tuwang nararamdaman, sabay sa kumakabog sa iyong dibdib. iniwan mo na sa kaniya ang iyong huling salamat.

18 April 2026

fragment 6

hindi naman sa nahihirapan kang makakita, pero maya't maya'y kinakailangan mong lumakad at lumapit nang malinaw kung sakali ang sinusubukan mong intindihin, kahit na paulit-ulit lang naman silang lahat.

minabuti mong huminto na munang saglit sa ilalim at tabi ng isang poste ng ilaw. umupo ka na katabi ng iyong kasamang walang imik sa iyo nang kaniya mo siyang napili at damayan. tiningala mo ang tayog ng posteng pinili mo at nangyaring inasahang hindi mo rin masiguro ang itsura ng bumbilya at esksaktong pagyuko nito, o kung nakayuko nga ba ito.

alam mo lamang na napakataas nito. kinapa mo ang sahig na iyong kinauupuan at himalang walang alikabok na dumikit sa iyong palad. madali mong sinilip ang ilalim ng iyong panyapak at wala rin itong kahit anong bakas ng dumi. sa haba at tagal ng iyong nilakad! hindi ka gaanong makapaniwala. sumandal ka sa poste at hinimas ang paanan nito. yari sa bakal ngunit malayong-malayo pa sa kalawang. tinitigan mong muli nang deretso ang ilaw nito sa itaas.

17 April 2026

fragment 5

walang ibang nagtulak sa iyo na simulan nang muli maglakad kung hindi ang iyong sarili. bawat minutong lumilipas ay tila mas lalo pang tumutulak palayo sa hangganan ng silid na iyong halos pilit na inaalam. ang mga minuto ay naipon nang naipon hanggang sa makabuo ka na ng ilang mga oras.

walang naulit na mga tao. bawat grupo at pila na iyong nilalampasan ay ibang-iba sa mga nakaraan mo na't nalampasan. hindi rin nauulit ang mga daanan, ang mga kusang kanto, bawat sulok, bawat pekeng eskinita, bawat tulay na nagkokonekta sa iba pang mga daraanan, kanto, sulok, eskinita, tao, at iba pang mga tulay.

sa kabila ng lahat, hindi nawawalan ng mga poste ng ilaw na saglitang pumupundi-pundi pero hindi tuluyang nawawalan ng buhay. magkakapareho ng taas at gaspang ang lahat ng mga poste at magkakasinlamlam din gawa ng makapal-kapal na usok na hindi mo rin mawari kung saan ang may pakana. malayo ito sa hamog ng matataas na lugar at mas malapit pa sa usok ng insenso na hindi kailanman matatapos. katamtaman lamang ang kapal at tila hindi nababawasan ang bahagyang pagpapalabo sa iyong bawat paglipat ng paningin.

16 April 2026

fragment 4

mula sa iyong kinatatayuan, sinipat mo ang kisame. makapal-kapal ang usok na pumapalibot sa inyong lahat ngunit wala namang kakaibang amoy na nanggagaling mula rito. sa katunayan, wala man lamang umaalingasaw na antot mula sa kahit na ano pa mang direksiyon. hindi ka rin nasusulasok ni dinadapuan ng kahit ano mang hilo magsimula pa noong mapadpad ka sa iyong kasalukuyang ipinagtataka.

hindi mo pa rin mawari kung hanggang saan nga ba ang dulo ng itaas pero hindi yata maaabot ng iyong paningin ang kisame, kung mayroon man. itim lamang ng kawalan ang tumatapos sa iyong mga katanungan na may halong usok na pampalabo pagkatapos.

gayon din ang hantong nang alamin mo na ang hangganan sa lahat ng direksiyon. walang mga sulok, walang mga kusang kanto, mayroong mga pader ngunit maikling natatapos lamang nang ilang mga dipa. ang mga sinusuotan mong daanan ay natatapos lang din agad. lumalabo sa usok ang bawat hanggan ng iyong paningin at mukhang hindi iyon matatapos, kahit kailan.

15 April 2026

fragment 3

napansin mong may mga nakakalat at nagsisiliparang maliliit na papel. tinatangay-tangay lamang ng hangin at ng mga nagsisilakaran. hinabol mo ang isa sa mga papel at sinubukang hulihin ito. nakailang subok ka bago ka nagtagumpay na makuha ito.

nang mabasa mo ang nakasulat, napagtanto mo agad na kapareho ito sa papel na ibinulsa mo. madali mong inilabas ang iyong papel nang maikumpara ito. malinaw na magkaiba ang nakasulat ngunit alam mong nasa iisang wika lamang sila. itinapon mo na kaagad ang hindi mo papel sa takot na baka malito ka lamang kung alin ang iyo. madalas, madali ka pa namang makalimot.

ibinalik mo na rin sa iyong bulsa ang sarili mong papel. sinigurado mo ang pagkakasilid nito. nawa'y hindi ito madaling hanginin o malaglag katulad ng sandamakmak na mga nakakalat. sa dinami-dami ng mga tao at papel na pabalik-balik sa iyong paningin ay saka mo lamang ikinagulat ang ubod ng lawak ng lugar na inyong kinasasadlakan. iniligid mo pa nang maigi ang iyong pagtanaw.

14 April 2026

fragment 2

binasa mong muli ang maliit na papel na iniabot sa iyo. lumingon ka nang madalian pero hindi mo na mahanap kung sino ang nag-abot sa iyo nito. hindi mo pa rin maintindihan ang nakasulat ngunit may kung anong kutob sa iyo na kakailanganin mo ito balang-araw.

isinilid mo na muna ito sa isa sa mga bulsa ng iyong kasuotan. napansin mong maraming iba't ibang pila ang nagsisiusadan. hindi mo sigurado kung aling grupo ka nabibilang. wala ring mababakas na kahit anong pagkakapareho o pagkakahawig ang magkakasama sa mga pila. mayroong matatanda. mayroon ding mga babae. mayroong mga lalaki.

ang iba'y mukhang matagal nang napagtanto kung saan sila patungo. para bang alam na nila kung ano ang mga nangyayari. mayroon ding mga walang pakialam at wala sa kahit alinman na pila. mayroon ding mga aligagang tulad mo, ngunit ni isa sa kanilang lahat ay walang kausap na iba. sarili lamang ang dala-dala.

13 April 2026

fragment 1

hindi mo namalayang sinipsip ka na pala patungong kadiliman. hindi mo ito ikinatakot ni katiting. hindi mo sila bibigyan ng kahit na anong dahilan para mapagsawaan na pagtawanan ka. hindi mo ihinanda ang iyong katawan sa mga ganitong anyo ng pagbabago. mabuti na lamang at wala pa ring nakakahalata ni isa sa kanila.

lumingon ka't sinubukang alalahanin kung saan nga ba ang iyong pinanggalingan. wala ring interesadong tumulong sa iyo. binigyan ka lamang nila ng maliit na papel na naglalaman ng mga simbolong hindi mo maunawaan ang wika sabay tulak kung saan may mga nakapila na kagaya mo. ang iba sa kanila ay nagtataka rin ngunit ang iba'y tila walang pakialam sa kasalukuyang nagiging takbo ng mga pangyayari.

lumapit ka sa iba bilang halubilo at sinubukang makipagkilala. nang ibinuka mo na ang iyong bibig para makipag-usap, himalang walang lumalabas ni kahit na anong tunog mula sa iyo. saka mo lamang napansing wala ka palang naririnig ni kahit ano. mata na lamang ang natira sa 'yong pandama at hindi mo sigurado kung kailangan mong humingi ng tulong.