February 5, 2026

when's the snow

maaga ang pag-aayos ngunit wala pa talagang gustong mag-umpisa. hindi kumpleto ang almusal at tanghalian hangga't wala pang nagagalit. inaabangan na rin kaagad ang maagang meryendang lustay lamang ng laping patuloy na kumakampi sa iyong mga kaloobang magpakasiya.

hindi mo na dapat kilalanin pa ang lahat pero may kung anong mga pagtatanong ang pilit na sumasagi sa iyong isipan. minabuti mong pilitin pa lalo ang iyong mga paghihimok nang hindi ka na maabala pa ng mga susunod pang salamuha. bawat udyok ay mga segundong minamadaling matapos at hinihikayat mo na ang iyong sarili na hindi ka ipinarating dito para mamirata ng mga susunod na ipaparatang.

maski ang pagngiti ay makakapkapan pa rin nila kaya huwag na lang. mabuti nang maidikit sa pader at maiwanan sa matinding buhos ng ulan kaysa bulabugin ng sangkaterbang pamimili at pananakit na sinasadya naman talaga. mayroong lumanay sa bawat patak ng ulan na nagpapahuli sa mapanglaw na liwanag. yayakapin ka ng ginaw na tanging umuunawa sa 'yo.

February 4, 2026

tell me what

paano kung hindi mo ituloy? malay ka sa kawalang mahirapan sana silang mapunan. sakali, maaaring hindi mo na mapatawad ang iyong sarili. matagal mo na ring hinihintay na may mamutawing pasasalamat. kahit isa lang. wala ka pa ring iniisip na pagkilala. mabuti na lang, paubos na ang kaibigang antala. mabibigyan ka na ng mga bagong pagpipilian. sa limang pagkukulang na sumama sa 'yo sa pagkahig ng ngatal na ininda mo kagabi pa, ikinumpol mong may sama ng loob ang pagsisisi nang pumailalim pang lalo ang pait ng nakaraan.

bakit sa iba agad ang baling? may malamang na kaisipang pilit na itinatanggi ang pag-ako. iiwanang walang pagtatapos ang sinimulang pagpapakupal at huwag sanang masagi ng alintanang bawat kurap na pinapakawalan ay tinutunghayang sayang na paglipat.

hindi na mababawi pa ang nakagisnan. minsan, mahirap itong sikmurain. may mga araw pa rin namang gawad ng kalayaan ang ngiti sa iyong mga labi at hindi mo ito maaabutan kung nanatili ka lamang na nakapirmi sa mga panggabi na saksakan. inaabangan mo na tuloy ang susunod na mga kuwentuhan.

February 3, 2026

where to now

mayroong mga gulat na inakala mo pa rin. mapapasinghap kang tanggap mo sa iyong sarili na ikaw lang ang pinakatanging nagkamali. inabangan mo rin ito. alam mong hindi ka masisiyahan sa isinalang mong desisyon ngunit itinuloy mo pa rin sapagkat iyon na lamang ang natirang maaaring gawin.

nakaplano na rin ang mga ruta ng pagpapaantala. wala ka na ring kaibigang mag-aabot sa 'yo ng pansamantalang ginhawa. nakapag-imbento ka na ng mga kakailanganin kunong kurot kada karipas ng kalimot nang kumalma ang mga kuwit na kumakatas sa sakripisyong sumikap.

ito na ang iyong huling hikab. nais mo nang makawala. may mga kasabayang lagapak na nauunawaan ang iyong pag-iisa. mayroong pinagsasaluhang pighati at naghihintay na lamang ng isang guguho. hindi na mahalaga pa kung sino ang mauuna. isa-isa pa rin kayong maglalaho. nakahanda na ang isang daang mga kapalit. isa lamang ang sinasamba. ang mga kaluluwang nanonood ay nasusuka na sa sobrang pagtawa. mapapapikit ka na lamang sa tamis.

February 2, 2026

you got me

muntik ko nang makaligtaan sa tindi ng mga hagupit. may iba't ibang ranggo na ng nag-aaway-away na lingat at hindi ka nila hahayaang makapili. sabay-sabay parati ang pamamaalam ng mga kamote bago sabay-sabay ring pagpipisatin ng kani-kanilang mga palusot mabuhay.

iaabot na dapat kaagad ang agarang pagkukulang nang mabawas na ito sa palaisipan ninyo sa pagitan. nakakatamad na kung sakali ang magpakulo pa ng talastasang wala namang kabuluhan. baka dumagdag pa nga rito ang mga gusto lang makisali dahil walang maatupag sa landasing sampung dura pa ang para.

madali lang namang umiwas sa gulo. dapat lang na madalas kang walang pakialam. ang maligaw ang puso ay hinahayaan lamang nang dalawampung minuto sa isang araw at pagkatapos noon ay bibilis-bilisang manumbalik sa nagkukumahog na pagpapanggap. mayroon namang mga alalay na ingay at kunsinti sa mga alanganing pagkakataon. ito ang mga pasadyang bulyaw sa limang katabi nang makapagpaliko ng ilang mga mata. kapiranggot na pakialam para sa pagsasalba ng kapuwa. ang ibig mo ay saglit lamang na pahinga.

February 1, 2026

here we fucking go

napakabaho talaga ng lungsod na 'to. parang nasanay na lang ang lahat ng nakatira. mga tunay nang walang pakialam. kahit iyong mga nagpapanggap na maglilingkod sa karamihan, taglay pa rin nila hanggang ngayon ang pagkukusa na sila ang dapat na paglingkuran. mga hari at reyna, mga prinsesa't prinsipe. nakakasawa nang hindi sila nagsasawa. mga wala pa ring pinagbago.

kahit saan ako tumingin, para bang alam ko na kaagad ang nangyari at mangyayari. wala nang ibang puwede pang madaanan. kabisado na ang bawat kabig at kalikot ng mga kalakaran. walang gustong umamin ngunit mahilig lahat tsumismis. hindi pinalalampas ang kahit na anong balita hanggang sa mauntog na lamang ang mga pangungusap nang wala pang kinahihinatnan.

wala nang tapat na mga parirala. saliwaan ang pinakamadalas na nangangapkap sa bulsa ng mga nakararaming inosente pa rin sa laglagan, at kung sakali mang may mapulot kang aral, wala na itong ibang mapaggagamitan kung hindi ang ikalilinang ng iyong waglit. may paparating nang lunan at magbabakasakali pa rin sa wala.