February 7, 2026

it was somebody else's choice

darating kang hindi nagmamadali. sinadya mong magtira ng mangilan-ngilang hibla nang makapagpasayaw pa ng ilang multo bago sumapit ang pagbubukas ng mga pag-iipon at pinagparte-partehang mga pagsasanay.

may lambing ang ginaw na dulot ng katahimikan sa mga umagang umaatras pa nang todo ang mga hindi naman talaga nagbalak na sumugod. bawat pagpupunong apuhap ay medyo nakakasanayan na. ipinagdasal mong saglit na manatili na lamang na ganito kapayak ang lahat ng mga salubong.

walang halong pagtatalo at hiya. dulo na lamang madalas ang nais atupagin kasama ang paiba-ibang opinyon na tumatagos lamang sa iyong lalamunan. nilamon ka na ng kabulagang mapapasaiyo ang lahat ng iyong gusto basta't magsumamo ka lang nang ilang linggo o taon. basta't maipakita mo ang tunay na kulay, hindi na bale ang ibang mga pakana ng mga nakapalibot at unti-unti nang kumakapit na espiritu. mawawalan ka rin naman ng tamang galang pagdating ng iniatas na panahon. sa mga niyaring palitan ka na lamang umaasa palagi.

No comments: