03 May 2026

fragment 21

nauuna ang higpit sa yakap na bigla na lamang kumawala sa iyo. naubos na ang lahat ng hiya at galit na bumilanggo sa iyong isip at katawan. hindi mo sukat-akalaing mayroon pa rin palang ganoong natitirang anyo ng kabaliwan ang ngayon-ngayon mo pa lang din napagtatanto.

pumayapa nang lubha ang iyong isipan matapos mong tanggapin muli at patawarin ang iyong sarili. at sa huling paghigpit ng iyong pagpapakumbaba, napansin mong tumigil ang maraming tao sa kanilang paglalakad. napansin din niya ito nang may halong gakislap na ngiti sa kaniyang mga mata at pagkamangha.

para bang ito rin ang kauna-unahang pagkakataon na nakakita sila ng ganitong pangitain. dahan-dahan kayong pumiglas sa higpit ng inyong pagkakayakap sa isa't isa ngunit kusang nauwi rin sa paghahawakan ang inyong mga kamay. napangiti na rin sa wakas ang isa sa mga nagambala ng inyong naipalabas. ipinakita niya ang kaniyang maliit na papel sa kaniyang katabi, sabay akay ng kaniyang kamay dito. napangiti rin pabalik ang inabutan niya ng kaniyang bukas na palad.