06 May 2026

fragment 24

lalo pang dumarami ang mga nagsasama-sama. may mga mangilang pinipili pa ring maghanap nang mag-isa at wala naman ding mangahas na namimilit sa kanila; ni hindi rin sila minamata sa kanilang napiling pagtahak. may iba't iba pa ring anyo ng paglalakbay na para na ring nagpapanatili ng mapagbirong pag-asa sa mga nagpapatuloy pa ring humanap.

sa bawat dagdag na paghahanap, tila lalo ring umiigting ang liwanag ng mga poste. sibol na sibol ang angking kaaliwalasan ng parte-parteng lunan. dumarami na rin ang mga nakangiti, nakikisalamuha, nagtatawanan.

napakunot ka ng kilay nang mapansin mong parang may kakaiba pang umaaligid sa inyo ngunit hindi mo agad matukoy kung ano. umihip ang mahagip na hangin sa inyong likuran kaya kayo biglang napalingon nang sabay sa gawing ito. doon mo lamang din napansin na lalo ring dumarami ang maliliit na papel na walang nagmamay-ari. bigla na lamang siyang napasinghap sabay takip sa kaniyang bibig. nakakarinig na kayong dalawa.