November 22, 2013

My Game ni Mike Kosa Lyrics (CLEAN)

ni Mike Kosa

Halika na't pasukin natin ang mundo ng laro
Mike Kosa, mas matindi pa sa mga Egoy at Kano
Kapag bumanat sa mic, katumbas ko'y ilang tumbok
Sa aking dila na hindi na nagbabago ng tunog

Hinasa ng panahon, kasabay ng beatbox kong istilo
At inilapat ang mga letrang sintigas ng eskudero
At ilang kuwentong barbero ang aking natanggap
Ang masapawan ang pangalan ko, kay hirap matanggap

Ako yung bata na gustung-gustong gawing bataan
ng beteranong naturingang utak ay walang laman
Magcocompose ng English rap na ang puntirya'y magpabounce
Nagpapanggap na Inglisero, mga bobong magpronounce

Full effect! Pero ang rhyming ay nadiscorrect
Hindi matake ang pag-arte, sabi ni Direk
Wala kang karangalan para sa akin magyabang
Isa ka lang na tagahanga na gusto sa'kin mag-abang

Ikaw ay bata para sa'kin. 'Wag kang magmagaling
Wala ka pa sa kalahati ng aking narating
Ngayon ka pa lang sumisibol at biglang sumulpot
At kumpara saki'y na kay dami ko nang nasundot

Nang dahil lang sa pagrarap, kay dami nang nainggit
Pinapagana ko ay utak at hindi ang damit
Kasi ang iba ay nagrarap para lang sa chickas
E pa'no kung hindi na uso, bigla ka na lang lilikas?

Hindi usapan kung beterano o maging baguhan
O kung ang mic ay nasa kaliwa o nasa kanan
Ang importante para sa'kin ay maging malaya
Hindi yung tipong champion ka nang dahil lang sa daya

Hindi ka dapat mag-angas o umasta na sikat
Alam ko, alam mo rin, na alam din ng lahat
Ika'y nagbibingi-bingihan at nagpapakadisente
Na sa tuwing ito ay tama, nagpapanggap kang inosente

Ang aking flow, napakasimple pero 'di nauutal
Ang mga rhymes, buong-buo, pero malayong magbutal
Ipinamalas na ang husay sa mga klase ng duwelo
Kung ikaw ang makakalaban, 'di ko kailangan pang bumuwelo

'Di naging basehan sa dami ng iyong alalay
Ang pagiging magaling, wala sa estado ng buhay
Laki man sa Tondo, walang sapat na pera
Aking kanta'y dekalidad, at yaman ko ang letra

Hindi ako nagbibitaw ng mga patapon
Isang talento na hindi pinansin nang ilang taon
Ako yung preso na pinapangarap mong bumaba
At gusto mo'kong isama sa iyong pagkadapa!

Ikaw ang nagsimula. Ikaw ang unang nagpahangin
Binaba ko na ang lunan mula sa pinilakang tabing
Hindi ka bagay mag-artista. Tanggalin ang maskara
Batalyong aking nakalaban, tinumba kong mag-isa

Sa mga gustong maghari na ang trono ay bunyong
Kung gusto mong makaisa, humalik sa aking tumbong
Read my group: Dos Talentos in 187 Mobstaz
Sapul ang humahatol sa mahusay na makata: Mike Kosa

Ngayon, pakinggan ang mga sinasabi
O, Gab, ba't nawala yung beat?

'Kala ko, tapos na?


'Di, pare, sample pa lang yun e


Ah, ganun ba? O sige, ulitin natin.


'Yan. Ulitin natin. Sample pa lang eh!

November 20, 2013

Camb

Sooo... I had this not so amazing idea which popped while running. I still think though that it's so unoriginal because, you know, fuck every single idea in the present. Madalas, wala na rin akong pakialam. Wala rin naman tao rito. Tayo rito. Tayu-tayo lang ang naandito. Sana... *smug

Tumatakbo ako, hindi ganoon kabilis. Katamtaman lang siguro. Siguro na rin, para sa akin, katamtaman na iyon. Siguro lang naman. Pero sigurado para sa akin. Sigurado para sa akin. Takbo. Gabi. Nakabukas na lahat ng lamp posts sa magkabilang gilid ng kalsada. Kulay orange. Pero may hint ng yellow. Yellow orange? Yellow orange nga yata. Basta ganon. Dire-diretso. Unti-unti kong nadaraanan ang mga yellow orange sa aking magkabilang gilid. Dahan-dahang nalalampasan, napupunta na lahat sa aking likuran. Hanggang sa umabot sa isang lamp post na bigla na lamang napundi.

Siyempre minsan, illogical reasoning na muna ang aking pinagagana. Kasi kapag may dumadaang pogi, nawawalan talaga ng ilaw iyon. Paglampas ko, himalang-majikz na bumukas muli ang liwanag. Putang'na haytek censorsz! Anyway, liwanag, dilim. Liwanag at dilim. Have you ever wondered or heard kung bakit maraming nagsasabing tao (alangan namang halaman ang magsabi, Mart) na nasa liwanag ang katotohanan, na nasa dilim, wala kang makikitang malinaw? 

Wrong.

Bakit kapag maraming tao, kadalasan, maraming plastik. Tingnan natin ang camera, halimbawa. Kailangan ng camera ng tamang amount ng liwanag para gumana, hindi ba? Pero maraming hindi totoo sa camera. Tingnang mabuti. Maraming napuputol sa frames ng camera. Maaaring mamili kung ano lamang ang gustong ipakita. Maaari ring pumili ang model kung ano ang gusto niyang ipakita.

Marami rin akong kilalang taong hindi ko naman pala kilala. Maaari lang din naman iniisip ko lang ang mga ito. Pero still, hear me out. Bakit kapag maraming ibang tao ang nakatingin sa atin, iba ang ating ikinikilos. Conscious, maybe? Pero plastik pa rin. Ngayon, maaaring magrebut na maaari namang huwag ipakita agad ang sarili sa taong mga hindi naman kilala. Are first impressions still important? SO dapat, sarili ang iyong ipinapakita? E bakit kapag matagal mo nang kaibigan, saka lang pinakikitaan? Kailan lang ba madalas nasa labas ang tao? Kapag umaga? Tapos pag-uwing gabi, nasa bahay?

Kapag madilim na, saka lang ba tayo mas tunay? Nasa bahay, nasa dilim, mas madaling magpakita ng sarili kasi walang nanonood. Nasa dilim, isang sulok, anonymous ka lang hangga't gusto mo kasi nga, hindi ka naman kilala, kahit na nagpapakilala ka na. See?

Maraming nakikipagsex sa dilim. Nagtsotsongke sa dilim. Umiinom kapag madilim. Bakit masama na lang ba kapag dilim? Bakit puro masama lang yung naisip mo, Mart? Hindi ko rin alam. Bakit kapag nagpakasama ka, totoo? Madaling manghusga ng tao.

Halimbawa, kapag mahina ang hinamon mo, iisipin ng tao, wala kang pakinabang. Kapag sikat at malakas naman ang hinamon mo, naghahanap ka lang daw ng pangalan at kasikatan. Kapag hindi ka naman naghamon, duwag. Kapag naghamon ka naman nang naghamon, sugapa. People look for things to fuck up other people, by any means necessary. Iyon ang totoo sa mga tao. We love bitching, fucking up others' lives, tsismis and illegals, ang vices. Naligaw na yung comma ko. Madilim kasi. Bakit kapag masama, mas bawal, pero totoo. Pinipili pa ng mga substance na ito ang pagpapakatotoo ng consumer. Maaari naman ding magrebut na magpigil ng sarili. E sa liwanag nga lang ginagawa iyon!

November 19, 2013

Such Ass

Puro balita
Puro alitan
Walang balikan
Puro halikan
Ilan ang inggitan
Maraming singitan
Singkong siksikan
Hindi mabayaran
Bakit ganon na lang?
Magpapaampon na lang?
Kung sa kampon lang naman
Magtatampo lang naman

Puro balita
Puro salita
Ano nang balita?
Puro nakita
Walang makita
Hindi makita
Ayaw ipakita
HUWAG niyong ipakikita!
Baka makita
Nasa'n ang kita?
Puro kita
Puro kita
Puro kita

Puro balita
Walang salita
Mayroon naman
sa bangketa
Mayroon din
sa sampaguita
Mayroon din
sa maralita

Puro balita
Puro alitan
Kapag kinalabit
Magkakalabitan

November 15, 2013

Lei

Bumaba na tayo mula sa sinakyang jeep patungong MRT. Kaunting lakad. Habang tumatawid, tinanong mong muli ako kung kumusta yung inihanda mong bento para sa akin kahapon. Masarap. Ayoko sanang kainin dahil gutom na gutom na ako no'n at sarap na sarap ako sa patatas at sausage. Sunod ko namang kinain yung dahon at kamatis. Ta's kinutsara ko na sa huli yung natitirang kanin. Gusto ko sanang makabili ng Japanese rice.

Malapit na tayo sa kakainan natin. Mula sa huling pagtawid, nakaabot din tayo sa tapat ng restaurant. Gutom na gutom na rin tayo. Mabuti. Umakyat na tayo sa maikling hagdanan at tiningnan ang nakapaskil na poster ng rates ng kanilang unlimited buffet. Ako naman, hinanap ko yung discount rate na matagal mo nang sinasabi. Five hundred and eighty five. Pumasok na tayo dahil ipinagbukas na tayo ng guard na nagbabantay. Guard na nagbabantay. lol

"Table for two?" banggit ng babae sa harapan natin.

"Yeah."

Sinundan na natin si Ate. Kaunting lakad. Liko. Habang naglalakad, tingin sa kanan - maraming pagkain. Lakad pa rin, tingin sa kaliwa - sobrang dami pa rin. Nakapasok na tayo sa loob ng isang silid na mas maraming upuan, lamesang may lutuan sa ibabaw at chopsticks. Sa wakas, pinaupo na rin tayo sa ating puwestong napili ni Ate.

"Salamat."

Iniwan na tayo ni Ate. Dumating naman ang isang waiter na nakapula, si Kuya, siyempre. Tinanong niya kung anong nais natin na sabaw. Pinili ko yung para sa manok at ikaw naman, yung sinigang. Tinanong ko naman si Kuya kung mayroon silang diskwenta para sa mga mag-aaral. Wala naman daw. Pero okay lang. Nakapasok na kami. Ayoko pang magkaroon ng feeling na pumasok sa loob ng mamahaling restaurant sabay lalabas ako kasi hindi ko pala afford. Nakakahiya, malamang sa malamang. 

Umalis na si Kuya para kunin yata yung dalawa naming sabaw. Madali siyang nakabalik at ibinuhos sa malalim na lutuang mayroong hating harang sa gitna. Mabilis na kumulo ang dalawang nabanggit na sabaw dahil sa init ng kalan sa ilalim. Maya-maya'y nag-abot na rin si Kuya ng maliit na mangkok na maraming chops ng butter - para sa ating mga lulutuin sa kabilang apoy.

Tumayo na ako para magsimula nang kumuha ng ating unang kakainin. Pagbalik ko sa silid kung saan maraming pagkaing aking nadaanan mismo kanina, dumiretso ako sa kanin at pansit. Kumuha ako ng tigdalawang sandok ng kanin at pansit, at dalawang siopao. Bumalik ako sa ating lamesa dala-dala ang mga nabanggit na pagkain. Ikaw naman ang tumayo upang kumuha ng mga ilalagay sa sinigang. Lumabas ka na ng ating silid. Pagbalik mo, nakain ko na ang aking bahagi mula sa aking mga kinuha. Dala-dala mo naman ang mga hilaw na hipon, at mga gulay na maaaring ilagay sa sinigang. Tumayo na ako upang kumuha ng ating mga ipiprito. Pagbalik ko, mayroon na akong dala-dalang apat na magkakaibang karneng tigadalawa. Pagkaupo ko'y inilagay ko na ang butter para matunaw sa mainit na kalan. Nang matunaw na, saka ko inilagay isa-isa ang mga karne.

Medyo naghintay lang naman tayo. Kumuha ka na rin ng mga ilalagay sa sabaw para sa karne ng manok. Matapos nating kainin ang unang batch ng mga karne at makahigop ng mga sabaw, ikinuha ko na tayo ng panulak, muli, mula sa malaking silid na puno ng pagkain. Bumalik ako sa ating lamesa nang dala-dala ang pineapple juice. Bumalik akong walang dala para sa'yo dahil saka ko lamang naalala na iinom ka rin pala nung nagsasalin na ako ng pinya sa aking baso. Muli akong bumalik sa kuhaan ng juice at nagbalik sa ating lamesa nang may dalang mangga naman.

Nabanggit mo sa akin sa kalagitnaan ng aking paghigop at pagkain na mayroong beer sa ating restaurant. Lumabas ako para kumuha ng isang basong puno ng ice at pinuno ng beer. Pagbalik ko'y uminom ako ng hanggang kalahating-baso saka bumalik sa malaking silid para kumuha ng ikalawang batch ng lulutuin. 

Nang maubos na natin ang lahat, at ang aking ikalawang baso ng beer, nauna na akong lumabas para kumuha naman ng panghimagas ko. Kumuha ako ng vanilla flavored ice cream at saka ube. Ikaw nama'y kumuha rin ng ice cream, nata, pinipig at iba pang nilalagay sa halu-halo.

Ubos na ang lahat. Simula't sapul na pag-upo nati'y patuloy na may nagpapaalalang mayroong fine ang magtitira ng pagkain. Itinanong ko sa'yo kung yung crab at sabaw sa ating mga mangkok at maikokonsiderang leftovers. Sabi mo, hindi naman. Saka ko kinuha ang bill. Kinuhanan mo ako ng larawan gamit ang iyong phone habang naghihintay.

As usual, mabilis na nakabalik si Kuya at iniabot na ang ating bill. Medyo nagulat ako sa kasimplehan ng kanilang bill. Simpleng computation lamang na *** x 2 = TOTAL. Mayroong nakastamp na NO SERVICE CHARGE na kulay violet at malaki. Iniabot mo na sa akin ang iyong share. Ipinatong ko na rin ang akin. Iniabot ko na kay Kuya.

"Fine. Ito bente o. Hahahaha," kausap ko sa bill, matapos mabawi kay Kuya muli nang iabot na ang aming sukli. Iniwan na namin ang mga papel sa lamesa. Lumabas na tayo ng restaurant at bumaba saka dumiretso sa sakayan ng taxi. Umawit ka ng isang pampaskong awiting hindi mo pala memorize. Sobrang cute. Hinding-hindi ako magsasawa sa pagpapacute mo sa akin. Sobrang cute mo talaga. Kinanta ko na ang tamang liriko. Hindi mo naman na sinundan. Sobrang cute talaga.

Wala pa ring taxi. Pumunta na tayo sa sakayan ng jeep papasok ng UP Campus para maghintay muli ng taxi. Dumaan ang ilang minuto.

"Wala rin dito."

"Baka dun talaga," sabay turo.

Nagdesisyon tayong sumakay na lamang ng jeep. Naglakad na tayo sa 'di kalayuang pila ng jeep. Mabilis lang naman pala. Nauna ako sa'yo sa pila. Niyakap mo ako. Gusto kong niyayakap nang gano'n. Masarap sa feeling. Ang liit mo kasi. Maliliit na braso at kamay. Maliit na ulo. Malambot at mabangong buhok. Sobra at lalo akong nainlove. Ni hindi dumaan ang araw na nagsawa ako sa'yo. Hinding-hindi ako magsasawa sa'yo. Lumipat ka na sa harap ko at binuhat naman ang aking dalawang braso sabay yakap sa'yo. Ang cute talaga. Niyakap kita nang mahigpit. Inamoy ko ang iyong ulo. Tapos hinalikan ko na. 

Umabot na tayo sa bungad ng jeep. Sumakay na tayo't umuwi. Pagod sa pagkain. Pagod sa pag-iisip. Walang kapagurang pagmamahal.

Smite, I WILL FUCKING SMITE

Yung isa naming prof, pinagawa kami ng aming sari-sariling Ten Commandments, kung sakaling lumaki kaming diyos/diyosa. Sobrang hirap niyang gawin, I swear, kung mayroon ka nang kinalakhang lipunang marami nang matitibay na batayan ng mali at tama, ng "mali" at "tama". Pero kahit na ganoon, naicram ko naman kahit na binigyan lang kami ng pitong minuto sa loob ng klase bago kami bigyan ng oportunidad lahat na magbahagi.

I WILL FUCKING SMITE TO DEATH THOSE WHO WON'T FUCKING OBLIGE.

1. Hindi niyo na ako kailangang sambahin o dasalan, basta magpakabait kayo.
2. Huwag gawin yung ayaw gawin sa iyo.
3. Bawal ang illiterate.
4. Bawal ang hindi marunong sa gawaing bahay.
5. Bawal pumatay ng aso.
6. Bawal ang vegetarian.
7. Bawal ang Instagram.
8. Bawal ang jologs.
9. Bawal ang Jejemon.
10. Bawal ang wrong grammar.

November 11, 2013

Bytes

Aaminin ko, magaling ka talaga kumanta. High school pa tayo nung una tayong magkakilala. Dalawa lang tayong magbestfriend, kahit na medyo weird sa mata ng marami kasi nga lalaki ako tapos, babae ka. Matagal ko nang pinangarap noon na magkaroon ng banda. Yung ate ko kasi, nakahiligang makinig sa mga banda noong maliliit pa kami. Isang CD, ipapasok niya lang sa players, tapos maririnig na yon sa buong kuwarto namin. Ibang CD, ibang araw. Puwede ring ibang oras. Puwedeng makarami kami ng CD sa loob ng isang araw. Lublob ako sa ganoong musika, musika ng mga banda. Kahit anong banda pa yan. Hindi ako ganoong kapartikular sa mga uri. Basta ang alam ko, kaya ko silang pakinggan lahat. Kaya sa sense na masaya ako kapag napakikinggan ko yung kahit na anong ganoong musika. 

Nag-aabang din siya ng mga bagong labas na CD. Sabik yun parati kapag naibalita sa music magazine na may irirelease yung isang banda na CD. Agad bibili yun. Hindi pa naman kasi uso yung torrent dati. Abang-abang lang. Saktong magsasawa, bagong CD. Sawa sa bagong CD. Kapag wala pang bagong CD, magpapamiss yung lumang CD. Hanggang sa salit-salit na rin. Hanggang sa kahit magshuffle na rin paminsan-minsan dahil sa walang kasawaang pagsasawa sa humaling.

Hanggang sa dumating na yung unang gitara ni Ate. Iyon yung mga gabing nagsasalit-salit yung tugtog ng mga CD niya at ng kanyang gitara. Pinapanood ko lang siya. Sakto lang kasi sa kamay niya yung laki ng gitara. Saka niya ako tinuruan matapos ang dalawang taon. Bumili na siya ng bagong gitara. Minana ko naman yung kanya.

Balik tayo sa'yo. Ikaw naman yung kikilalanin nila. Ay, hindi nga pala kita kilala. Ang alam ko lang, pareho lang tayo ng hilig - .

Nagkakasoundtripan non. Walang teacher. Wala pa yata o wala na talaga. Sabi ng mga kaklase natin, ang ganda talaga ng boses mo. Sabi ko rin naman sa isip ko yon. Puwede rin kasing pambanda. Ayoko ng masyadong bokal tapos sobrang heavenly na baka masapawan lang yung paggigitara ko o yung iba pang instrumento. Unless sobrang galing nating lahat. I mean, nating lahat, na apat hanggang limang miyembro ng pinapangarap kong banda. Pero hanggang pagtingala na lang muna sa mga ulap matapos ang bawat kantang jinajam nating dalawa. Kapag tayong dalawa na lang ang magkasama.

Lumapit ka sa akin, isang araw, may hawak na pinilas na papel mula sa likod ng notebook mo. Alam kong lyrics yon ng kanta, hindi mo pa man binabanggit sa akin. Ang ipinagtataka ko lang, bakit mo pa pinilas. Medyo tanga ka rin e no. Pero wala na rin akong pakialam medyo ukol don. Tiningnan ko. Mga salita lang, malamang. Puro salita, nakaayos pataludtod. Saka ka bumirit, wala man lang pahintulot. Pero okay lang ulit, kasi nga, sabi namin, maganda nga naman yung boses mo.

"Okay ba?"

"Naman."

Inulit mo. Itinaas mo nang isang beses ang iyong mga kilay habang nakatingin sa akin. Ah okay. Inilabas ko na mula sa case yung gitara. Kapa sandali yung bass. Sabay hula. Sabay tsamba. Hanggang sa unti-unti ko nang nabuo yung verse. Nagring na yung bell para magpapila para sa pagpasok ng flag ceremony.

Tinapos ko na nang lunch yung kanta mo. Kanta mo? Kanta natin, may hati akong 1/3 o 1/4 man lang para sa chords. Pero wala naman sigurong epekto yon. Pero sa akin ka unang lumapit at nagkumilay. Aakuhin ko na ang pag-aangkin. Ako na nauna e. Kahit  na sa pilit-pag-alala lamang nung tono na narinig ko makaapat na ulit na beses mong kantahin kanina lamang sa harap ko bago pumila.

Dumami na yung mga kanta mo, natin. Dumami na rin yung mga araw papalapit sa graduation.

"So anong plano mo?" habang katabi mo ako't kinakausap sa baba habang pinapanood nating nagtatalumpati yung magaling sa Math nating vale.

"Ewan. College siguro? Ta's trabaho. Ewan."

"We should start a band."

Bumilis yung tibok ng puso ko. OMFG. Ito ba yon? Ganito ba yon? Kung sa bagay, nandon na yung heat.

"Sige, subukan natin," nang hindi pa rin humaharap sa'yo. Nakangiti naman ako sa sabik.

Lumipas ang bakasyon. College. Somehow, nakahatak tayo ng bahista at drummer. Somehow, nagawa natin yon kasi pareho tayo ng university at college. Somehow, magkasama pa rin tayo. Nakakabuo ng kanta. Practice sa isang nirerentang lugar na may band instruments. Bonding time. More songs. More practice. Masaya. Jamming LvUP! Jam lang nang jam. Ikaw yung parati may gustong beat at lead. Mga ideyang dig din naman namin.
E may lumapit.

"Ano, kunin natin?" sabi ni Drummer.

"Tara, putang ina!" sabi mo.

Edi go. Pagkatapos ng pangalawang gig, may lumapit na sa'yo. Mabilis na pintig ng puso nang may kaba at sabik at tuwa at pawis at ngiti at lahat-lahat na. Wala naman kasi tayong alam sa ganyan kahit na alam nating gusto natin yan. Ikaw lang yung nilapitan. Ininterview ka saglit. Ikaw lang yung hinila at ininterview. Hindi ko alam kung anong pinag-usapan niyo. Hindi ko na rin alam kung ano yung mga sinabi mo.

Kinabukasan, nakatanggap ako ng text message that we needed to disband. Well, why the fuck? Sobrang bilis lang ng mga pangyayari. Ano 'yon? Hindi porket madaling palitan ang gitarista, bahista at tambol e ganon na lang? Oo, ikaw yung nagcompose ng lahat mga kanta natin. Ikaw sa kanta. Yun lang siguro yung binibili ng tao. We should start a band my ass. Ang nakakairita lang sa ngayon, yung we at yung band. Bullshit. Ano ka, hermit crab? Baka siguro kasi, nasilaw ka. Or not. Puwede ring malaki yung kumpiyansa mo sa sarili mo at feeling ko naman may edge ka talaga sa pagbuo ng banda natin, ng una mong banda, sa pagbuo talaga ng banda. Pero still, WTF pa rin. Matagal kong makakalimutan yung ganito. Mabilis lang yung mga pangyayari, kaya mabilis ko na ring isinalaysay. Nahawa tila ako sa katangahan mo.

November 10, 2013

Bane Ching Co

Ang init. Madaling araw, kainit-init. Mainit. Mainit talaga. Well, medyo madaling araw. May nakailang daan nang mga paniki sa mga bintanang hindi siguro isinasara ng guard. Medyo madaling araw. Madaling araw akong umalis ng bahay. Parati. Minsan, may mga naaabutan pa akong shooting star dahil sa isinara na rin yung lamp posts kapag lumalabas ako ng bahay. Jeep. Bus. Lakad. Gate. Babatiin ko araw-araw yung guard na naglalaro lang ng Pokemon sa Gameboy ng anak niya. Tapos diretso na sa Main Building. Tapos ayon na nga, tititig na lang muli sa punong nakatayong matayog sa Quad A na binabalik-balikan ng mga paniki.

Titig pa. Tititig pang sandali. Nag-iisip. May assignment ba kami? Mukhang wala naman. Alam mo yung feeling na may bumabagabag sa'yong may nakalimutan kang gawin tapos hindi mo maalala? Nakakairita 'di ba? Wala akong ganoong mga feeling sa ngayon. Mabuti. Titig muli. Lilipad na naman ang isang paniki. Madilim pa rin. Medyo madilim na lang. Violet nang muli ang kalangitan. Yung mga ulap, I mean. May mga humuhuni na ring mga ibon. Tumalikod na ako sa bintana.

Sinipa ko na ang aking bag patagilid. Umupo na ako sa dilaw na sahig. Maraming crack, magaspang, walang langgam. Wala naman talaga ganoong karaming langgam nung mga panahon natin. Nung mga panahon natin, wala ring dapat bubong yung Quad A. Wala pang mga kainan kundi yung nasa baba na malapit sa Maceda. Wala ring langgam doon. Kahit nandoon tayo. 

Isinandal ko na ang aking likod sa pader ng Science Department. Wala ring mga guro. Wala pang mga guro. Nadagdagan ang mga humuhuni sa labas. Palakas na nang palakas ang busina ng mga nagdaratingang jeep. Sunud-sunod na rin ang usad ng mga tren sa LRT. Pakanan. Pakaliwa. Light blue violet na ang kalangitan. Muli akong tumingin sa kanan. Parang exercise. Namiss ko ring mag-exercise, sa PE. Sumayaw. Sasayaw nang sasayaw sa tapat ng Maceda habang yung iba e nagbibihis pa. Hawak. Kamay. Baywang. Balikat. Mata-sa-mata. Ngiti-sa-ngiti. Paa sa paa. Paulit-ulit na iikot. Paulit-ulit. Uulit pang magkakamali. Uulit pang tatapak. Paulit-ulit na lamang akong nagkakamali. Parati na lamang akong nakatatapak. Tinawag na ang lahat. Walang pumila. DUMIRETSO na sa auditorium sa 3rd floor na isang aircon na nga lang ang gumagana, hindi pa pinagagana. Umupo na ang buong section sa sahig. Isa-isa nang tinawag ang magpapares. Umakyat na. Pumuwesto. Pinress na ni Carlos ang >Play. Kinabahan sandali. Bira. Ikot. Angat. Tingin sa harap. Sabay pa. Ikot. Sabay sa tugtog. Malapit na. Bakit walang nagkamali?

Bumaba na ako sa 1st floor patungong Quad A para sa flag ceremony kasabay ng ilang mga kaklaseng isa-isang nagsidatingang unti-unting lumikha ng ingay na hindi nakaiirita. Panibagong araw na naman. May araw na nga pala. Hindi na nakakagulat at masakit sa tenga ang mga dumadaang sasakyan. Mas marami nang muling gising na mga tao. Nasaan ka na?

November 7, 2013

Sa Ating Alaala

My girlfriend wanted me to do her writeup for her yearbook.


"Yes, UP ako," paulit-ulit na banggit sa sarili. Wala naman sigurong nag-isip na paminsan-minsan, kabaligtaran din ay masasabi ko. Hindi ko pa inisip noon, noong freshie pa ako. Hindi pa ganoong kakritikal mag-isip. Hindi pa ganoong nakakikita ng mga bagay na hindi pa nakikita. Hindi ganoong nakapag-iisip ng mga hindi pa naiisip. Kinilala lamang ako noon bilang taong mahilig sa musika, tahimik pero masiyahin. Kasama ang aking mga kaklase nang matagal sa paglikha ng mga ideya, pagpapagana ng hiraya at siyempre, sa pagguhit ng iba't ibang mga lugar nang mayroong malalalim na pinagbabatayan, natuto akong tumanggap ng negatibo ngunit makabuluhang kritisismo. Napagtanto ko ring hindi lamang purong talino ang kailangan para maging matagumpay. Hindi pa pala ako magaling talaga at lubhang marami pang maaaring mapaunlad sa sarili ko. Kung akala ng iba, alam kong magaling ako kaya ako nasa UP, maaaring magkamali sila. Sa kaunting banda, maaaring makitang tama iyon ngunit nakikita ko ang UP bilang nagtulak sa aking tingnang muli sa salamin ang aking sariling nagkakamali, nakalilimot, at kulang na kulang pa ngunit patuloy namang nalilinang ang angkin. Sa kabila ng lahat, nais kong maiwan ako bilang alaalang kahit na nahihirapa'y nakangiti pa rin sa lahat ng oras.

November 6, 2013

Tang

Ayo. Kopang. Bumangon. -.- Ugh. Wala na yung katabi ko. Maaga nga pala yung pasok ng kapatid ko. Alas sais yata e, sinusundo na siya. As usual, magulo yung kama. Siyempre lukot na lukot yung kumot. Yung ilang mga unan, nagsihubaran na. Sa kabilang maliit na kama, yung isa kong kapatid, may nakatakip lamang na kumot na nakatupi pa rin mula sa kanyang mata pataas, tulog pa rin. Tulog pa rin. Sinubukan kong bumangon. Oo, sinubukan. Ayoko pa nga siguro talaga. Pumikit ako ulit. Isip. Mananaginip. Sana.

Ayo. Kopa. -.- Ugh. Fine. Bumangon na ako nang nakaupo sa kama. Inilapit na ang lamesang kinapapatungan ng aking laptop. Type password. *******. Enter. Twitter. Facebook. Ano bang una kong gagawin? Wala akong ganang kumain. Wala na yatang gatas. Ayoko na rin palang maggatas. Bababa ba ako? Teka, YouTube muna. Iupdate na lahat ng subs. Matapos kunin ang huling download link para sa FDM, naghanap na ako ng masusuot na T-shirt at brief saka dumeretso sa banyo. Patong damit. Hubad. Relo. Shower. Shampoo. Sabon. Banlaw. Tuyo. Suot. Labas. 8 minutes na lang, matatapos na yung huling download. Edi okay. Twitter. Facebook. ... 4 minutes. Tang ina, ang tagal. Memes. Blah. 1 minute. Lumabas na ako para kunin yung sneakers ko. Medyas. Sapatos. Sintas. 11 seconds. . . Done. Sarado lid. Baba.

Bakit hindi ako nagpaalam?

Siguro kasi, tulog pa yung isa kong kapatid. Yung katulong namin, hindi ko naman nakakausap. Yung mga magulang ko, nasa malayo. Yung mga aso ko... Sana man lang nagpaalam ako kahit sa kanila man lang. Kahit sa kama ko man lang na for the nth time kong hindi inaayos ang sapin at tinutupi ang kumot kasabay ng pagsasalansan ng mga unan. Nakakatamad kasi, magugulo rin naman kapag matutulog na. Pero kung minsan, kapag naiirita rin ako sa gulo ng kama, inaayos ko rin naman. Hindi nga lang ngayon. Siguro rin kasi, wala si Nanay. Siya yung pinakamahilig magpalinis at magpaayos ng mga bagay at tambayan sa loob ng bahay. Siya rin kasi yung pinakamahilig maglinis at magfeng shui at magpapasok ng kakaibang mga energy sa loob ng bahay. Kaya siya rin yung pinupuntahan naming tatlong magkakapatid kapag may nawawala. Tapos mahahanap niya lang in an instant. That universal mother thing. Pero this time talaga, no. Nakakatamad magtupi ng kumot. Tsaka naligo na ako. Mabango. Ayokong mapahiran pa ng pinagtulugan. Not that I sleep dirty and sleep dirty. Mabaho lang talaga at parang sobrang dumi ng mga bagay kapag bagong ligo ka. Ayoko talaga, minsan. Kapag wala ring magagalit, kahit alam kong mali, basta't walang manghuhusga't puputak o kung ano, huwag na lang gawin. Tamarin na lang. At least, kaya kong gawin yung bagay kapag nakaharap o pinapanood na. At least.

Isinara ko na ang maingay na gate. Umaakyat na ng bundok para sa jeep.

Medyo matagal akong naghintay, mga 25 minutes. Okay na rin. Bumaba na ako sa sakayan ng bus matapos ang 30-minute na biyahe. Ngayon na ba? Mamaya na. Masyadong mausok dito. Sumakay na ako sa air-conditioned bus. 25 minutes din. Bumaba na ako sa bus stop. Medyo malayo pa yung station. Dati, kaunting lakad na lang. Ngayon, maraming lakad na mula sa pink na stop. Pero okay lang. Nagsimula na aong maglakad. Sa aking kanan, bakal na haran. Pinagkabit-kabit na tubong makakapal na bakal. Hindi ko na inisip kung may pattern ba o wala. Wala rin namang pakialam ang mga tao tungkol sa mga bagay na yon. Lakad pa. Sa aking kaliwa, bulag at lumpo, at iisang tao lang. Mayroong isang napakalumang wheelchair pero mukhang gumagana pa naman. May nakapatong sa likod na bahagi ng wheelchair ang isang rainbow-colored na payong, nakabukas. Matagalo ko nang sinasabi sa sarili kong gusto ko ng ganitong payong. Moving on, may maliit na karatulang nakasabit na parang ID sa matandang nakaupo sa wheelchair:


BOLAG
LOMPO
Konting tulong lang po.
Marami salamat po.

Or... something like that. Siyempre yung normal na tao, OMFG nakaaawa si Manong. Huhu. Jujubells. But I can't do anything. I'm too busy to give... or something like that. Hindi makapagbigay. Minsan din kasi, nakakatamad kumuha ng kahit barya lang, kahit nasa bulsa mo na. Minsan lang naman.

Baka meron din sigurong fucking stagrammers. They would either (1) take a goddamn picture then hashtag something bittersad about it or (2) will put coins on the goddamn lata of the bolag and then take a picture with overhashes on it.

Baka meron ding grammar nazi, which would be quite wrong dahil sa pisikal na sa dila ito ng ating mga karatig sa Visayas, or the other Northern Parts. Tatatlo lamang ang kanilang vowel sounds. Sanay ang kanilang dila sa ganon. Ikaw ba, kung sanay ka sa hindi pagtupi ng kumot sa kama, matutupi mo ba 'yon kanina? Exactly. And don't even try to rebut na, "E kung yung mga nag-aaral nga banyagang wika, kailangan, kuhang-kuha nila, sila pa kaya?" Well, stupid argument, again, because (1) baka naman 'di nakapag-aral pero natutong magsulat at bumasa yung nagpatong ng kartolina or whatever or (2) maraming cognates ang maraming salita sa maraming wika ng Pilipinas.

Baka meron ding nagsuspetya sa kung paano nga bang umabot sa lugar na ito ang isang bolag. Paano? Baka mayroong nagtulak? Anong baka? Mayroong nagtulak. Tumingin ako sa kanan. Tumanaw ako nang malayo. Pagtawid-mabilis ng aking paningin, mayroong dalawang kotseng nakaparada. Paanong nakakaparada roon? Wala na siguro akong pakialam, siguro, sa ngayon, muna. Parehong tinted. Itinaas ko na ang aking pag-aninag sa palapag ng mga riles - sa mga taong nakatanaw rin nang malayo habang naghihintay ng tren ng MRT. Mayroong mga nakatingin sa baba. Wala na rin akong pakialam sa kanila. Mayroon ding nakaparadang trak sa may 'di kalayuan. Wala na rin akong pakialam. Dumerederetso na ako ng lakad. Sorry, medyo wala akong pakialam, sa ngayon, muna.

MRT station na. Dito na lang. Puwesto. Hugot. Puwesto. Sindi. Hitbugz. Mga 5 minutes. Okay na okay. Nanlalamig na naman yung lalamunan ko. Pero okay lang. Okay naman talaga e. Medyo nagising yung mga ugat ko sa katawan. Medyo nagising na ako. Umakyat na ako at nagpacheck ng bag sa guard na hindi naman nagchecheck pero kapag hindi mo naman binuksan yung bag mo e magagalit. Pasok card. Hintay tren. Darating. Bukas pinto. Pasok. Andar. Baba sa Quezon Ave.

Sino yung nagsulat at nagpatong? Nag-almusal lang ba siya? Maaawa ka sa kalagayan ng tao o sa panggagamit na rin sa kanya? Pakinabang. Pakinabangan.

November 3, 2013

Steel Gate, Steel Guard

Katatapos ko lang manood ng horror movie. Oo. Horror na pelikula. Kaso comedy. Buti na lang. Matagal ko na kasing isinumpa ang panonood ng nakakatakot. Hindi ko kasi kayang magtagal sa isang lugar, kapagka katatapos ko lang manood ng nakakatakot. Kahit 2 minutes lang. Hindi ko talaga kaya. Sobra kasi mag-isip yung utak ko. Kahit alam kong hindi mangyayari, pakiramdam niya, mangyayari pa rin. Tang ina mong utak ka. Parati mo na lang akong dinedehado sa maraming sitwasyon. Palibhasa, ikaw lang ang matatakbuhan ko kapag wala akong makausap, which is madalas. Kaya siguro medyo normal lang para sa akin ang maging mag-isa. Kahit na medyo nasasaktan ako kapag walang nag-aanyaya sa akin kapag may lakad. Puro lang ako upo at isip. Wala nang panahon maglakad. Wala sa lugar masaktan kasi, hindi ko naman sila kaclose. Kita mo na? Sila yung ginamit ko, hindi kayo. Ni hindi ko kayo kayang kausapin nang pasulat mismo. Ikaw lang naman yung madalas kong kasama, kasi nasa tuktok lang kita. Masaya kang kausapin kung minsan, pero madalas, napapahaba yung pagpapakawalang kuwenta nating dalawa. Sinara ko na yung media player, tapos nang sumalangit yung credits. Chineck nang sandali yung Facebook, sabay rant sandali sa Twitter.

Bumaba na ako, tiningnan ang buong silid. Hindi ko pa rin mapigilan ang sariling silipin ang pader. Galing silip, sabay aninag, tapos tingin. Tapos titig. Appreciate sandali, ngingiti, tapos bumaba na ako sa kama ko. Maginaw pa rin. Inabot ko na yung jacket ko mula sa magulong kama. Sinuot ko at kinapa ang dalawang bulsa - coin purse lang na mabigat-bigat ang laman - bakit wala rito? Pinuntahan ko yung shorts kong nakasabit. Kinapa ko yung isang bulsa - nandito pala. Nilagay ko na yung dalawa sa magkabilang bulsa ng jacket ko at dumiretso na ako sa pintuan ng silid. Lumingon ako para pumili ng mabubuksang ilaw. Pinili ko yung dalawang magkabilang dulo at iniwang nakasara ang nasa gitna. Nag-alinlangan. Binuksan ang gitna sabay sara ng malapit sa pintuang ilaw. Alinlangan ulit. Sinara lahat. Isip. Binuksan ang gitnang ilaw. Nang masiyahan na sa desisyon, pinili ko nang maging huli iyon at lumabas na.

Ang init syempre. Medyo malamok na rin. Mabuti na lang mahilig sa braso ang mga nangangagat kapag nakatayo ako. Bumaba na ako sa garahe at nagpaalam sa mga tao. Sabi ko, bibili lang ako isaw. Lumabas na ako ng gate na maingay at isinara ito nang maingay. Pagtingin ko sa kaliwa, may mga tambay pa rin sa ilalim ng liwanag sa katabing bahay namin na sari-sari store. May isang nakaparadang motorsiklong mayroong nakaupong isa. Nagkukuwentuhan lamang sila. Isang hakbang muli. Umaambon pala. Isinuot ko na ang hood ng jacket at nagsimulang maglakad paglingong muli.

Umabot na ako sa isawan. Pumili ako ng dalawang stick ng betamax. Iniabot ko na sa tagapaypay kasunod ng sampung piso. Namimiss ko na yung gulaman nilang tinitinda. Pabagu-bago rin kasi yung mga nagtitinda rito. Bale yung mga nagtitinda ngayon, wala silang panulak. Pero okay lang. Hindi naman din yun kasi yung pinunta ko, 'di ba? Hintay pa rin. Pasok kamay sa magkabilang bulsa. Tingala. Tingin sa gilid. Lingon.

"Tustado, Kuya?"

Itinaas ko lamang ang aking mga balikat. "Luto?"

"Luto na lang, Kuya?"

"Luto."

Tiningnan kong muli ang buwan. Maiitim na ulap. Parang painting. "Kuya, luto na'to." Isinawsaw ko na ang dalawang stick sa malaking plastic na lalagyang mayroong lamang suka, toge at sili. Hinalo ko gamit ang dalawang stick. Angat. Ngasab. Solb. Naglakad na ako patungong basketball court. Walang naglalaro. Walang ilaw. Walang cover. Wala ring cover. Kinapa kong muli ang yosi't lighter. Nandun pa rin naman sila. Inakyat ko na ang court sabay lakad papuntang halfcourt. Tumingin ako sa kaliwa, walang net. Bakit yung nasa kanan, meron? Tinapos ko na yung isa pang kalahati at umakyat muli, patungong playground. Walang bata. Walang maingay. Wala pa ring tao. Mayroon akong naririnig na mga nag-uusap na tambay sa malapit na kainan slash sari-sari store sa tapat ng playground. Umaambon pa rin. Maraming puno. Basa ang playground. Nilapitan ko yung swing na pang-apatan. Umupo. Basa nga pala yung playground. Unti-unting kumalat na parang tinagusan ako nang walang napkin ang basa sa puwitan ko. Kinapa ko yung likod ng shorts ko - basa. Bahala na. Iniupo ko na nang todo ang pambahay kong shorts. Kapang muli. Dukot. Dukot. Puwesto. Sindi. Hithit. Buga.

Masarap magyosi kapag umuulan. Makapal ang usok. Tuluy-tuloy. Buo. Bawat buga, mas maraming naiisip. Hithit. Buga. Tingin sa buwan. Malapit na palang magpasukan. Maraming beses na namang pipila. Maghihintay. Pero sila lang yon. Ako, maghihintay lang ako. Hithit. Buga. Kapa. May incomplete pa ako na isa. Bakit ba kasi ayaw akong babaan ng prof ko? Okay lang naman sa'kin. 'Di ko naman habol ang maglaude. Ni hindi ko habol gumraduate. Pero sayang din, kaya graduate na lang. Hithit. Buga. Kaba. Mayroon na lang pala akong dalawang sem. Sana dalawang sem na lang yon. Ayoko nang mag-extend pa ng isang sem. Paminsan-minsan, deep inside, naiinggit din ako sa mga nakapagtapos. Kahit na alam ko sa sarili kong kapag ako yung nakapagtapos, baka tapos na talaga. Hithit. Buga. Kaba. Putang inang thesis yan. Sana madali lang. Simula noong lumipat ako sa wika, bawat sem na lang, kinakabahan ako. Apat na sem na akong kinakabahan. Kinakabahan pa rin ako. Mali. Kakabahan na naman ako. Kakabahan ako nang kakabahan. Hindi na natapos. Bawat simula na lang ng sem. Hithit. Buga. Pitik. Salamat.

Tumayo na ako, sabay hubad ng jacket. Ipinulupot ko na sa aking bewang. Nakakahiya naman kasing makitang basa yung puwet ko. Nakakatawang tingnan. Ayoko munang mapagtawanan. Saka na siguro sa defense ko. Lumabas na ako ng playground. Naroon pa rin yung mga nag-uusap sa tindahan slash kainan. Nilampasan ko na sila't nagtuluy-tuloy na patungong bahay. Naroon pa rin ang mga tambay, ang motorsiklo. "Pabili."

"Ano sa'yo?"

"Cobra."

"Plastik pa?"

"'Di na."

"Iwan mo na lang diyan yung bote."

Sipsip. Dighay. Patong. Muli kong binuksan ang maingay na gate. Sarado. Ingay. Lumapit  na ako sa pinto ng bahay. "Tara, kain na."

"Gising na ba si Kuya?"

"Gigisingin ko na."

Umakyat na akong muli sa kuwarto. Malamig pa rin. Kahit papano nakakalimutan ko pa ring bawian yung horror na pelikula. Kasi nga, comedy.