August 22, 2015

Bisita

Sandali lamang
Huwag ka munang kikilos
Ni kukuskos ng kahit anong tunog
Hindi mo ba naririnig
Ang payak na pagluha ng langit
Sumasabay sa nagsisimatayang dahon,
Sa pag-ihip ng ginaw,
Sa kislap at tambol ng mga ulap
Sandali lamang
Huwag ka munang mainip
Ni mag-isip ng kahit anong mali
Iihip muli ang gunita
Musmos kang magbabalik
Sa habulan, sa ilalim ng ulan,
Sa ilalim ng mga dahong nakikisayaw,
Sa ilalim ng yakap ng simoy,
Sa ilalim ng orkestra ng mga ulap
Sandali lamang ang kalayaan
Kung dumampi sa lalang
Hindi kayang sisihin, ni kagalitan pa
Kalabit lamang ng kaibigang babati't
Magpapaalam nang muli

Quick-slow, Punch!

Sa bawat hiblang binura ng makailang
Ulit mo nang sinumpang relo
Nawalay at bilang na ang kumpol
Ng patay-tinirang pabundok
Na mga upos ng sigarilyo
Nakimilyo nang pasabay with best of friends
Mong walang kamayaw sa biro,
Halo, kuwento, tyempo, libro, todo!
Nakisipsip nang patago with matching
Powers and haraya, malinanging
Hanging hanep pa rin magpadrop ng bass
Sa off-beat na a capella
Naki-jam at umubos ng mga awit
Malinamnam kumurot ang magic
Ng mga pakamusikong gamit
Lang ay gitara, faulty chords, at beat
Hindi maitatangging makakaulit
With these hirayang 
Never-ending (mind) splits
Sa bawat hiblang binura
Ng relo mong binullshit ka
Naiawat, naikaila nang kinuha
Mo ang mundong tinuring ka

August 18, 2015

100 Questions - I

Nagpost ako dati (August 25, 2012) sa Facebook, humihingi ng isandaang tanong mula sa aking mga kaibigan. Wala lang. Trip lang. Kahit na ano, maaaring ibato. Bahala na lang kung kaya kong sagutin. Game. Bahala na. Badtrip.

1. Bakit ganyan yung pangalan mo? (MT)

Mart, short for Martin. Tatay ko ang nagpangalan sa akin ng Martin. Paborito niya raw kasi si Martin Nievera noong araw. Malay ko sa kanya. Mahusay naman yun umawit. Okay lang.

2. Boobs or legs? (MT)

Boobs.

3. Saang bansa mo gustong pumunta? (MT)

Japan.

4. Sino yung nasa profile pic mo? (CG)

Jade Harley.

5. Bakit ka pikon? (JC)

Sorry. Hindi ko rin alam. Siguro kasi, ayaw ko nang dumami pa yung mga tangang katulad ko. 

6. Choco na gatas o gatas na choco? (JC)

Too easy. Gatas na choco.

7. Saan gawa ang ipis? (JC)

Sa mga nabubulok nang labi (remains), ng bangkay ng mga kampon ni Satanas, na hinalo sa isang tasang luha ng baby, at boses ni Kris Aquino.

8. Can you feel the love tonight? (JC)

Yes.

9. Anong nauna: Itlog o Manok? (JC)

Inisip ko na'to dati eh. Kung ano ba talaga nauna, kung sex o fertilization? Syempre malamang, sex. So basically, manok ang nauna.

10. Ba't ayaw magtanong ni Janel para mag-100 na? (CG)

Siguro kasi, busy siya? O boring 'tong activity. Hindi niyo rin naman mapag-aalaman kung nasagot ko na kasi hahaha, three years ago.

11. Bakit hindi naisip ni Claudette na baka wala akong maisip na tanong? (JM)

Siguro kasi, inisip niyang madali lang namang magtanong, lalo na't binigyan ko ng kalayaang magtanong ng kahit na ano.

12. Ulan o araw? (JM)

Ulan. 

13. Hindi rin ba naisip ni Janel na ayan na tanong na yun? (CG)

Uhm, naisip niya yun kasi nilagyan niya ng question number.

14. Marunong ba magbilang si Claudette? (MT)

Mukhang hindi.

15. Bakit mabagal internet connection ni Claudette? (JM)

Oooh... Oh no, she did not!

16. Puwede bang tamad na'ko baguhin kasi nagtatype ako sabay comment si Janel? (CG)

Puwede naman siguro. May mababait pa rin naman sa mundo.

17. Puwede bang ulitin ko ulit? (CG)

Foshiz maniz.

18. May mga panget ba na tao? (MT)

Meron.

19. Bakit bilog ang pizza pero square ang box niya? (JC)

Para madaling kunin sa box.

20. Are you nothing, but a second grade, trying hard, copycat? (JC)

Oo.

21. Nakakabusog o nakakalusog? (JC)

Too easy. Nakakabusog.

22. Gatas na tsokolate o tsokolate na gatas? (JM)

Gatas na tsokolate.

23. Ano meron kay Mai-rim na wala sa iba? (JM)

Yung pangalan niya.

24. Bakit hindi ako nagbabasa at nagdoble na pala yung 22? -___- (JM)

Siguro kasi ang dami mong iniisip at nagmamadali ka.

25. Anong paborito mong pagkain? (JM)

Leche flan.

26. Kailangan pa bang imemorize 'yan? (JC)

Hindi.

27. Nasaan ka irog? (JC)

Andito lang, sa boarding house, sa gitna ng maraming nagkukumpula't lumilipad na mga tarantadong ipis.

28. Okay ka ba tiyan? (JC)

Okay naman.

29. Bakit ako lang nagtyatyagang magtanong? (JC)

Tinamad na yung iba. At mahilig kang magtanong.

30. May pangarap pa ba ako? (MT)

Meron pa naman. Marami.

31. 'Di ba nga, ang makakita ng Aurora Borealis? (JC)

Salamat sa pagpapaalala.

32. Paano nalaman ng tao ang mga bagay na tama at mali? (MS)

Base sa emosyon at bisa sa tao.

33. Totoo nga bang may tama at mali? (MT)

Nux.

34. Sino ang mas tamad? Ang hindi gumagawa ng gawain o yung nag-uutos ng iba para gawin yung dapat gawin? (MS)

Yung hindi gumagawa. Kulang yung tanong. Puwede kong sabihing leader yung ikalawa, at kailangan niyang magplano, manigurado sa lahat, mag-utos.

35. Ano ang English ng nilanggam? (MS)

Infested by ants?

36. Ano ang English ng, Pang-ilan ka sa magkakapatid? (MS)

Wala siyang English equivalent. However, puweds mo naman itanong siguro kung siya yung pinakamatanda, o bunso. Ta's sasabihin niya na kung pang-ilan siya, "In your family's sibling line of succession, what number are you?"

37. Bakit puro tayo reklamo sa mga trabahong pinapagawa sa atin? (MS)

Siguro kasi, minsan, nagiging sunud-sunod yung mga kailangang gawin, tapos kaunti na lang yung pahinga natin. Madalas, nararamdaman, mas gusto pa yung mas maraming pahinga kaysa gawa (o pantay). Iba rin naman kasi yung pakiramdam na walang pinapagawa/ginagawa at all.

38. Bakit ang sarap ng tubig kahit wala itong lasa? (MS)

Nakakarefresh somehow ng bibig at lalamunan. Masarap sa pakiramdam. Hindi lang naman ginagamit ng mga Pilipino ang salitang masarap nang dahil lang sa lasa, "Masarap sa pakiramdam. Masarap umibig." Maaaring sabihing may iba't ibang salin ang sarap, depende sa paggagamitan: sa lasa, sa pakiramdam, etc.

39. Bakit ka impatient? (MS)

ADHD siguro.

40. Bakit gusto natin ng atensyon? (MS)

Kailangan ng tao yun. Nakakatamad minsan magcelebrate mag-isa. 

41. Bakit duling ka magbilang? (MT)

Baka malabo na talaga yung mata niya?

42. Ano ang mas OK, ang mag-isa o may mga kaibigan ka pero binaback stab ka naman? (MS)

Depende. Minsan, gusto kong mag-isa. Minsan, masayang may katabing traydor. Tao pa rin naman sila at lahat din tayo kakainin ng lupa.

43. Mahalaga ba masyado sa'yo ang 38? (MT)

Siguro, oo.

44. May mapagkakatiwalaan pa rin bang mga tao? (MS)

Oo.

45. Pandas, hedgehogs, o penguins. (MS)

Wala pa akong nakikitang Hello Hedgehog ni Hello Penguin. Pandas na lang.

46. Bakit pink yung filecase mo? (MS)

Para fab.

47. Bakit Hello Kitty yung notebook mo last sem? (MS)

Kasi ang cute niya nung nakita ko siya ohmygod.

48. Bakit crush mo si Emily Browning saka si Emma Stone? (MS)

Kasi maganda yung mga mata nila.

49. Proud ka bang Pilipino ka? (MS)

Ba't parang galit kang prayle?

50. Puwede ba ako magkacrush na artista? (MS)

Puweds.

51. Bakit mahilig tayo sa usapang love life? (MS)

Masarap pag-usapan. Nakakakilig. Nakakaiyak. Maraming variations ng uri ng kuwento. Masayang nakikinig sa mga kuwento, sa mga emosyon ng iba, sa kung paanong nag-iisip ang iba.

52. Bilang isang lalaki, mahirap ba talaga kaming intindihing mga babae? (MS)

Siguro kasi, may mga bagay na hinding-hindi maiintindihan ng isang lalaki. Minsan naman, yung ibang lalaki, alam naman nila kung ano yung ibig sabihin ninyo, pero nililiteral nila yung mga lumalabas sa bibig ninyo. Puweds namang makiramdam from time to time.

53. Bakit mo nahiligan ang steam punk music? (MS)

Yung ibang piyesa kasi, solidong nag-uugnayan yung instruments, pati boses. Natripan lang siguro ng panlasa ng tenga ko. Hindi ko rin maexplain.

54. Parati bang masaya ang Pasko mo? (MS)

Madalas lang. Minsan kasi, sumasakit yung tiyan ko. Hehehe.

55. May tiwala ka ba sa sarili mo? (MS)

Meron naman.

56. Proud ba sa'yo parents mo? (MS)

Yes.

57. Cute ka ba? (MS)

Yes.

58. Ano mas magandang marinig mula sa isang tao, sweet lies or painful truths? (MS)

Truths.

59. Coke o Pepsi? (MS)

Mountain Dew.

60. Bakit ba ayaw kong nakikiliti kahit na tuwang-tuwa ako kapag ginagawa siya sa akin? (MT)

Baka tawang-tawa?

61. Bakit tumitingin pa rin ako sa both sides kahit one way lang ang daan bago tumawid? (MT)

Baka may bisikleta.

62. Mataba ba si Jumbo? (MS)

Yes.

63. Apple, Android, BB, o Nokia? (MS)

Yung phone ni Cloud. Motorola Razr yata yun.

64. Bakit malaki ang mata ni Gravy? (MT)

Dahil nakita niya na ang katotohanan.

65. Bakit tumataba si Jumbo every time na nilalabhan siya? (MS)

Kasi yung molecules...

66. Bakit tahimik lang si Xavee? (MS)

Kasi binabantayan niya lang yung dalawang ugok.

67. Bakit gusto mo ang NaruHina pairing? (MS)

Boobs.

68. Ano ang pinagkakaabalahan mo sa ngayon? (MS)

Ang sagutan 'tong mga tanong na 'to.

69. Masaya ba Christmas Break mo? (MS)

Yes.

70. Do you like trains? (MS)

Yes, I do.

71. Anong height mo? (MS)

Hindi ko alam.

72. Matapos pa kaya itong listahang ito? (MT)

Oo naman.

73. Tatapusin na ba natin? (JC)

Nux. Deep.

74. Totoo ba na may alien? (JVC)

Yes.

75. Bakit si Batman ang bahala sa problema ko? (JVC)

Cuz he's Batman.

76. Hindi na ba uso ang pagiging good boy sa panliligaw? (JVC)

What's ligaw?

77. Gaano kadalas ang minsan? (JVC)

Minsan.

78. Ano ba ang problema ni Kim Jong-un? (JVC)

Siya yata yung problema.

79. May bagay ba na walang pangalan? (MS)

Yung banda ni Jose.

80. Bakit popcorn ang kinakain sa sinehan? (MS)

Madali sigurong gawin tsaka kainin.

81. Nagsasabi ka ba ng, "I love you," sa mga magulang mo? (MS)

Oo.

82. Anong masasabi mo sa mga lolo at lola? (MS)

Ang cute-cute nila! Ohmygod!

83. Bakit kailangang may jingle kapag nangangampanya? (MS)

Para mastuck yung song sa head.

84. Paano ka magtimpla ng kape? (MS)

Half teaspoon, coffee. Five teaspoons, cream. Five teaspoons, brown sugar.

85. Bakit ka mahilig sa kape? (MS)

Pangkickstart ng pag-iisip. Tsaka ang sarap niya.

86. Ano mas masaya, magswimming o mag-Enchanted? (MS)

Swimming. Nakakaurat pumila.

87. Sensitive ka ba? (MS)

Occasionally. (nux)

88. Bakit galit ka kay Kris? (MS)

Kakaiba yung daloy ng pag-iisip niya.

89. Naniniwala ka ba sa pamahiin? (MS)

Madalas.

90. Beach o pool? (MS)

Beach.

91. Bakit kulang ng number 11 and 13? (MS)

Chill. Inayos ko na.

92. Red Horse o San Mig? (MS)

RH.

93. Nahawakan mo na ba yung screen ng sinehan? (MS)

Yes.

94. Maulam ka ba o makanin? (MS)

Ulam.

95. Anong sense ng listahang 'to? (MS)

Pampagana mag-isip, minsan.

96. May naisip ka na bang topic para sa thesis mo? (MS)

Yes.

97. Common pa rin ba ang common sense sa mga tao? (MS)

Yes.

98. Napanood mo ba ang Star Wars 1-6? (MS)

Hindi pa.

99. Ano mas maganda, sunrise o sunset? (MS)

Sunrise.

100. Marunong ka ba maglaba? (MS)

Hindi.

August 17, 2015

Mi Ao

Parang ayoko sa pusa. Parang lang naman. Nahihirapan akong intindihin sila. Hindi ko rin alam. Madalas lang siguro akong mag-assume sa mga hayop. O madali lang kasi silang ikumpara sa mga tao. Hirap kasi sa akin, kapag may buhay, buhay yung mga mata, gumagalaw, iniisip ko, para rin kaya silang tao, na kayang mag-isip? May emosyon? May mga plano sa araw-araw? Puwede ko rin namang iassume na tanga sila. Na mababaw, kaunti ang mga iniisip. Na mas kaunti ang mga emosyong kayang maramdaman. Na plano lang kumain, tumae, magpadede ng anak, at humimbing sa ilalim ng mga mesa. Papaano nga bang mag-isip ang mga hayop? Ang mga computer na may mata na tulad ni BMO? Ang mga pusang feeling ko e pakiramdam nila, sila na yung pinakamatataas na nilalang, hinulayok, at bigyang papuri araw-araw sa mundo?

Hirap kasing intindihin. One time, may pusang nakapatong sa harap nang pumunta akong tindahan malapit sa boarding house na tinutuluyan ko sa UP, para bumili ng isang stick ng yosi yata at isang bote ng Cobra. Masarap nga pala yung Cobra na red, try niyo, manamis-namis. Minsan lang may magbenta no'n, siguro nga kasi, dahil sa masarap talaga. Ewan ko ba. Kapagka ganoon ba kasaya yung feeling, minsan na lang din maramdaman? Hindi naman siguro 'no? Subukan mo kayang ma-in love. Masarap yun sa feeling. Araw-araw mo na lang iisipin. Tapos, gabi-gabi rin. May kayakap ka pang unang mahigpit, madalas, minsan, nakaka- ugh. Masarap talaga. Yung lola ko rin, Mama yung tawag ko dun. Tapos, Nanay naman yung tawag ko sa magulang ko na babae. Nagtataka/Natutuwang baliw yung ilan sa mga kaibigan ko yata kung bakit magkabaliktad yung tawag ko sa kanilang dalawa. E bakit? Sino bang nagsabi kung ano ang hindi baliktad? Ang normal? Mga abnormal. Masarap magluto yung lola ko. Siya yung nagturo sa aming tatlong magkakapatid kumain ng gulay, kung natuturo nga ba talaga yun. Ang hirap yata sigurong magturo sa ibang bata. Paano pa kaya sa mga hayop? Sa pusa kaya? Habang binibilang ni Ate Sari-sari yung bayad/sukli ko, hinimas-himas ko yung leeg niya hanggang mga tenga siguro. Feel na feel ng gago yung massage trip. Napapikit sa sarap. Mukhang tanga. Mukha akong tanga. Parang sinasamba ko na yata siya nun. Ang sarap kasi sa pakiramdam kapag nagustuhan ng hayop yung ginagawa mo sa kanya. Para ka nang sinabitan ng recognition medal siguro ta's nagpapicture ka pa sa stage, habang pinapalakpakan. Paano pa kaya sa tao? Gusto rin kaya nilang nilalambing sa leeg? Ang alam ko, gusto mo rin. Pero ewan ko na lang sa ibang tao. Minsan nga, gusto mong dinidilaan/nilalambing/hinahalikan. Hindi ko rin alam pero gusto ko ring ginagawa yun sa'yo. Matagal na rin naman na kitang tinuring na hindi normal na tao, kahit alam mo ring galit na galit ako sa konsepto ng kawirduhan.

Meow-meow.

Ngayon, iniisip ko lang na muntik ko na talagang ipantay sa mga aso ang mga pusa. Muntik na lang talaga. Mas lantad kasi siguro yung feelings ng mga aso. Madali lang mahuli. Yung mga pusa, hirap intindihin. Bakit ganun? Walang kuwentang tanong. Masarap isipin, kahit hindi na mahuhuli pa, unless magbukas ng Google at Wiki. Nakakatamad na rin minsan magbasa sa English. Ambilis lumipad ng utak ko kapag English na, ewan ko ba. Kaya ko naman intindihin kapag pinagtuunan ko ng pansin. Hindi ko kayang magbasa siguro ng kahit na ano kapag maingay. Hindi kaya ng utak ko kapag may binabasa tapos bigla na lang akong may maiisip na masarap isipin talaga. Yung binabasa ko naman ang may pakana, pero minsan, nakakahiyang alaala lang tapos bigla na lang kukunot yung mga kilay ko, bebelat ako sa hangin, tas magmumukha akong tanga at isasara ko na lang yung binabasa ko.

August 16, 2015

Yus!

Maginaw. Malapit na rin akong matapos sa pag-alam ng mga lungsod mula sa listahan ng mga pamantasang may potensyal na galugarin ko para sa aking napipintong thesis. Nasa magaang bahagi pa lamang ako ng aking pagsulat ngunit kinakabahan pa rin ako. Hindi ako sigurado kung bakit pero hindi ko kayang sikmurahin ang kaya na lamang arukin ng aking pagod at talino, kung mayroon man ako ng dalawang iyon. Siguro kasi, lampas isang semestre rin akong nanahimik at nagtago sa mundo. Halos isang semestre rin akong nagkulong sa aking kuwarto, nag-isip nang malalim tungkol sa mga bagay na ginawa ko, ginagawa, at gagawin. Lampas isang semestre rin akong nagbasa lang ng kung anu-ano, tungkol sa paradox space, tungkol sa mga bayani, tungkol sa kultura ng mga Pilipino, tungkol sa kultura ng mga manunulat, tungkol sa kultura ng mga hindi tao, tungkol sa kulturang hindi naman nalalaman ng mainstream na mga kultura. Lampas isang semestre rin akong nanood lamang ng mga pelikula, unti-unti silang kinikilatis, nakikipawang direktor na lamang ako’t kunwaring kritiko sa kung ano na lamang ang aking mapanood. Lampas isang semestre rin akong pinaluha, pinaiyak, at pinahikab ng maraming anime episodes. Ngunit, manguni at ngunit, kinakabahan pa rin ako. Hanggang ngayon yata, binubulong ko pa rin sa utak ko kung handa na ba talaga ako, kung naging handa ba talaga ako, kung magiging handa pa ba ako.

Isinara ko na ang listahan matapos makipagkutyaan sa aking sarili. Piniem ko na sa chat message ng Facebook si Mikka, kahit nasa kabilang table pa siya, harap ng aking aninag sa opisinang pinag-ayaan niya sa akin para magsulat. Mabuti na lamang at nakapagtimpla pa siya ng kape nang maaga-aga kahit na nahuli ako sa pagbili dahil sa dalawang beses pa akong bumalik sa malapit na kiosk sa kolehiyo ng Musika. Leche kasi, ang akala ko’y pitumpiso lamang ang isang sachet ng caffeine. Pumunta ako roon sa unang pagkakatao’t tatlong limampisong barya lamang ang aking dala. Pagkaabot ng aking bayad ay sinabi ni Manong Kiosk na otso isang Nescafe. Lintik! Hindi ko naman masabing, “Magtiwala po kayo sa aki’t nasa second floor lamang po ng kolehiyong aking babalikan ang aking utang na piso!” sa kadahilanang hindi naman ako kilala sa teritoryong iyon at hindi naman ako mukhang mapagkakatiwalaan.

“Babalik na lamang po ako.”

Umakyat ako, kumuha ng bente pesos mula sa wallet at pinakyu sa isipan si Kuya Kiosk at baka nampowertrip lang siya sa akin kanina dahil alam niyang umuulan, maluwag yung pantalon ko’t nakakafrustrate talagang isiping piso na lang yung kulang ko at kailangan kong magpakabait sa mga desperadong pagkakataon. Pag-abot ng bayad kay Manong Kuya Kiosk ay dumukot na akong tunay ng dalawang pulang sachet at hinintay ang apat na pisong sukli. Hindi ko alam kung bakit inisip kong dalawampiso na lang yung magiging sukli ko dahil sa gusto ko lang talagang isiping mahilig magpowertrip sa akin yung mundo. Ibinulsa ko na ang barya’t umakyat na sa ikalawang pagkakataon tungo sa opisina.

“Saglit, limang minuto,” pakiusap ni Mikka na mas totoong busy sa akin sa tuwing nakaharap sa laptop. Isa. Dalawa. Tatlo. Apat. Bente minuto bago ako nakaramdam na kailangan ko na nga pala uling manigarilyo. Sumipsip muna ng kape sa tasa.

“Yosi.”
“Tara.”

Medyo mahiya-hiya pa akong kaunti dahil lang sa sagot ni Mikka yung yosi, opisina, at mainit na tubig, maging ang tasang pinagtimplahan ng kape. Sumipa na lang din yung instinct ko na ngatal na rin naman si Mikka sa nikotina. Mabuti at pumayag siya. Bumaba kami at pumuwesto sa gilid ng gusali. Tig-isang nagsindi sa harap ng pabilog na kongkretong mesa-upuan kung saa’y may nakatanim na punong tinatangkayan ng kulay rosas-tamlay na mga dahon. Pinakapal ng malamig na panahon ang init ng aming bawat ibinubugang mga usok. Matapos makipag-ululan sa ambon, bumalik na kami sa opisina.

Nakaupo akong muli sa harap ng pinakamamahal kong laptop. Hinimas panumandali ang kanyang keyboard. Inalikabukan. Pinitik ang mga nandikit at ipinahid na lamang sa pantalon ang mga clingy. Nanood na lamang ako sa aking mga subscription sa YouTube hanggang sa pumatak ang 7:45. Nagbell alarm nang malakas sa buong kolehiyo ng musika, na nadinig naman namin ni Mikka. Hudyat na ito na malapit nang magsara ang gusali. Nagligpit na kami ng aming mga gamit at lumabas na ng opisina, ng kolehiyo.

Nagsindi kami sa huling pagkakataon. Makapal ang hamog. Liwanag na lamang ng streetlight at hindi ang mismong mga poste ang kaya kong makita mula sa Acad Oval. Hithit. Buga. Nakikikapal ang usok ng aming mga hininga sa kulambo ng manipis na ulop na pumalibot sa UP, sanhi ng maulang panahon. Kakaunti nga lang pala kaming mga nilalang na may hilig sa mga ganitong ginaw at tikatik ng ulan. Sinabayan pa ngayon ng minsan ko lang ding maramdamang makapal na hamog. Hithit. Buga. Lumingon ako sa aking kaliwa at napansing balot na balot na rin ang University Theatre. Hithit. Buga. Gutom na ako. Kinuwento ko kay Mikka na uuwi akong may sasalubong sa aking lutong manok pagtapak ko sa aming tahanan sa Cavite.

“Wow, edi ikaw na ang tinatanong kung anong gusto mong ulam,” hithit. Buga. Unti-unti nang nagpaalam sa mga huling nagsusumayawang usok. Mala-fairy tale na rin ang bagsak ng liwanag ng buwan sa mga kalye, tila sumasabay sa mainit na liwanag ng mga poste. Wala akong dalang hoodie, pinahiram ko nga pala sa iyo, at kulay green pala iyon. Kailangan ko yata ng pula, para makauwi. Nagpaalam na ako kay Mikka't hinanap ang amoy ng chicken.

August 11, 2015

Good Night

Nais ko nang sumakay ulit doon sa wala nang makapipigil na paglipad sa haraya. Tila galit-galit na nagmamahalang magkakaibigan dahil hindi malaman kung kailan nga ba magkakatugma. Pero kahit na ganoon, sabay-sabay tayong lulutang sa langit, halos bulag nang mga paningin, musikang dalampasigan, orange, violet, pink, sky blue sa tenga, mahanging may kaunting kabang bumitaw.

Parang bigla na lang kasing mapapipitlag tayong lahat, mula sa napakabigat na pagkakupo, sa tuwing may mga kalabasang android, tulad din natin. May kapangyarihan tayong panibago na ayaw naman nating tanggapin ni gamitin dahil nauulol lang din naman tayo. With great power, comes great paranoia.

Pero laugh trip pa rin naman. Kahit tawanan pa tayo nang makailang ulit ng mga ilaw sa poste, dingding, kisame, kisame ng ibang bahay, alitaptap, parol na hindi pamasko, pundidong flashlight, kandila, katol, usok, mitsa, sumasayaw na mga usok, sasabay sa aking mga tenga ang imbentong melody na tanging arok lang din ng diwa at kunwaring talento ko, mapatatawang muli, hagikhikan, halakhakan, may isang ngingiti, may sasabay, kuwentuhan, kuwentuhan sa amoy at lutong ng bagong hangong fries at fried chicken, pilangkis ng laway, ngipin, at labi, mapapansing muli ang usok na tila halos isang araw mo nang tinitingnan, magsisinding muli ng panibago.

Kailangan kasi nating kanselahin ang amoy gayong pugad nga naman ng mas makapangyarihan sa atin ang ating hinihigaan. Kailangan nating maglinis habang nagdudumi. Kahit na alam na rin ng buong santinakpan na mas madumi, at tanging madumi pa nga ang ginagamit nating panlinis.

Hindi naman ganoong kamakalat kapag happiness yung trip. Tayo lang din naman ang pupulot sa ating mga sarili matapos lumipad, maglakbay. Iiwanan nating gutom ang mga kalam, lalam, unan, kumot, malambot nang muling hihimlay. Hindi rin maeksplika kung paanong nakahihilo pa rin ang nakikita ng patay nang mga mata.

Buhay ang diwa. Ayoko pang tapusin pero kinakabahan na rin ako kahit kanina pa tayo tawa nang tawa. Hindi dapat masanay sa ganitong mga balakin pero kay sarap ulitin. Kaya nga natin inulit yung powers and haraya, gabundok nang mga upos, ngunit walang haring osong pinatumba.

Isa pang Gamit ng Panitikang Pambata

Petsa: Pebrero 13, 2014
Asignatura: Panitikang Pambata ng Pilipinas
Propesor: Torres-Yu

Ikalawang Exam – Diskasin ang isyu/mga isyu sa bata/panitikang pambata na dinadala ng kuwento. Paano ito inilalarawan o isinasalaysay? Ano ang posisyon ng kuwento tungkol sa mga isyu na ito? Ano ang posisyon mo rito?


Napakagandang halimbawa ng Si Sibol at si Gunaw ni E.B. Maranan bilang isang panitikang nagpapakilala ng kuwentong bayan o karunungang bayan sa mga bata. Maigi nang maaga silang mamulat na mayroon na ang mga Pilipino dati ng mga ganitong uri ng salaysay at paniniwala bago pa man maimpluwensiyahan ng maraming dayuhan.

Isang halimbawa nito si Luningning, isang bathalumang taga-langit na may kapangyarihan sa mga pananim, ulan, puno’t halaman, maging sa ilog at bukal. Siya rin mismo ang nagpasimula ng buhay sa mundo. Kung may ibang relihiyong bata ang makababasa nito, maaga na siyang mamumulat at magtatanong nang kritikal sa kung paano ba talagang nagsimula ang buhay. Maaari rin naming maipakilala sa kanya ang pinaniniwalaan ng mga Pilipino noon, kung paano silang mag-isip, kung gaano na kayaman dati ang karunungan, ang panitikan, at ang kultura natin.

Sa panitikan pa lamang malalaman ng bata na tradisyon na pala sa atin ang pag-awit at pagtula. Masisilayan ito sa bahaging unang pagkikita nina Kapuy, isang lalaking mandirigmang taga-lupa, at Luningning, isang bathalumang diwatang taga-langit. Umawit na noon si Luningning at sinabayang-bigla naman ni Kapuy. Ang oral na tradisyon ang makapagsasabi kung paano ba talagang nag-aakyat ng ligaw ang mga Pilipino.

Isang halimbawa pa nito ang pambihirang paglalaban nina Sibol at Gunaw, na makikita sa maraming epiko bilang katangian din ng mga paglalaban ng mga tauhan. Dagdag pa rito ang paglalahad sa bandang dulo ng akda sa pinagmulan ng salitang gunaw. Bahagi rin ng karunungan at panitikang bayan ang pagsagot sa kanilang mga katanungan tungkol sa pinagmulan ng mga bagay at pagpapangalan, tulad ng ating mga alamat.

Isa pa, mayroon na tayo noong konsepto ng pagkakapantay sa pagitan ng mga kasarian. Naipakita ito nang ipinakilalang babae ang diwata ng kalikasan at nagging hari naman si Gunaw. Kahit sino, maaaring mamuno, maaaring manalo, o matalo.

Hanggang sa mga dayuhang mangangalakal na pinagbentahan ni Gunaw ng punongkahoy, at paglamon ng buhawing itim sa yumaong si Kapuy bilang pagpapakita ng parehong kasaysayan at paniniwala, masasabi kong tagumpay ang akda sa pagpapakilala ng karunungan at panitikang bayan. Hindi rin nagpahuli ang awtor sa pag-iwan ng magandang asal na nakatuon sa responsibilidad.

Nariyan ang malaking responsibilidad ng mga tao sa kalikasan, na maagang pinakita ni Sibol, maging sa pagtatapos. At kahit na nagmukha pang masama si Gunaw, may makikita pa ring kahit katiting na responsibilidad bilang hari, o namumuno. Iyon nga lang, sablay siya sa responsibilidad bilang kapatid, may utang na loob sa kalikasan, at anak, na inako namang ni Sibol. Makikita rin ng mambabasa na ang pagtalikod sa responsibilidad ay hindi nagdudulot ng maganda, tulad ng nangyari kina Kapuy at Gunaw, na kapuwa tumanggap ng mga karampatang kapalarang kaparusahan.


Yayaman ang kaalaman ng batang makababasa ng akdang ito, lalo na kung alam din ng gagabay sa kanyang pagbabasa ang mga pinagsasasabi ko rito. Lilitaw na kasi ang pagtatanong ng bakit ng bata. Mabuti nang alam ng bata ang tunay na Pilipinong pagkakakilanlan at responsibilidad sa kapuwa, kaysa yung nasasayang yung mga kayamanan natin dati, at maging ngayon.

Pambatang Pamantayan

Petsa: Disyembre 10, 2013
Asignatura: Panitikang Pambata ng Pilipinas
Propesor: Torres-Yu

Unang Exam

---

Posible pa kayang magkaroon ng unibersal na panitikang pambata? Yung panitikan para sa lahat ng bata? Kahit yung panitikang pambata na lang na maaaring maunawaan ng lahat ng bata sa Pilipinas? Maaga kasing tinalakay sa klase, sa unang bahagi, na ang mga bata ay mayroong magkakaparehong mga angking katangian. Nandiyan yung, halimbawa, pagiging malikhain ang isip, inosente at utu-uto, at marami pang iba, na nakatutuwa kung iisipin, sapagkat pinagdaanan din naman natin. Kasabay nito, inalam ding ang panitikang pambata ay mayroong ding mga angking katangian, halimbawa, may aral at aliw, nakatatawa o nakatutuwa, madalas na bida ang bata, mayroong masayang wakas, na matingkad din naman sa halos lahat ng mabibilhang bookstore. Hindi rin maisasantabi ang binanggit sa klase na ang panitikang pambata ang siyang panitikang mayroong tiyak na mambabasa. Ngunit gaano nga ba katiyak ang tinutukoy rito?

Sa sumunod na bahagi ng mga pagtatalakay, saka nagsimulang magkaroon ng kontradiksyong mga pahayag laban sa mga binanggit kanina. Lumitaw ang paksang mayroong mga sentrong panitikang pambata, at dahil gayon, mayroong mga naisantabing maaari, hindi napapansin o pinapansin, o pupuwede ring hindi na talaga naisulat para maipamahagi sa higit pang nakararami.

Malinaw sa talakayan na dahil sa pagiging kapuluan ng Pilipinas, hindi malayong magkakaroon ng iba’t ibang wika, iba’t ibang kultura, magkakaibang kongkretong mga karanasan. Hindi lamang sa wika maaaring magkaroon ng pagkakaiba-iba ang mga batang Pilipino, kundi maging mismo sa edad, sa relihiyon, sa kasarian, pati na rin sa uri. Tanggihan ko man, lalabas at lalabas pa rin ang pagkakaiba ng karanasan ng mga batang Pilipino.

Maaaring tumigil nang maaga ang pagkamalikhain ng isang bata dahil sa perang kikitain na lamang ang tanging habol niya sa isang araw sa pamamagitan lamang ng paulit-ulit-ulit na pagtatrabaho, o kalakal o limos, o kahit sa simpleng pagpipigil lamang ng mga relihiyosong magulang na maaaring magpakitid sa isip niya. Marami ring maagang nadedeinosentehan sa lipunang kanilang pinaggagalaan, na maagang nagmulat sa kanilang mayroong ding sad endings. O kahit mangalutkot lang siya sa internet, insta-Mulat na kaagad. Kung babalik tayo, e paano na lamang ang panitikan nila, ang panitikang tungkol sa at para sa kanila? Titindig pa ba sa mga binanggit na pamantayan kanina (pamantayan sa bata at panitikang pambata), o kinakailangan nang titiwalag para sa mas nakararami? Pamantayang mga katangian ba ang mga ito, o pagpupumilit na lamang ng isang “dapat” na bata, o simpleng paglalarawan lamang ito ng isang katiting na bahagdan ng populasyon ng batang Pilipino?


Katotohanan ba dapat ang nakapaloob sa kanilang panitikan? O malikhaing mundo ng reyalidad na binuo ng mga manunulat na kaya naman nilang (ng mga bata) likhain? At para ano? Para magbigay pag-asa? O pagtakas na lamang sa lipunang kay hirap takasan? Maaari nang magkaroon ng aral nang ‘di naaaliw. Nagmumukhang kontrabida o supporting actors o actresses, o extra ang mga naisasantabing bata. May mga sad at scary endings. At may mga bata ring ‘di nakapapasok ni pinapapasok sa National Bookstore.

August 10, 2015

Float

Walang development.
Walang mali.

Nakikipagtitigan na naman sa akin ang nakabigting mata mula sa kisameng puti. Dalawang sulok ng pader lang ang kayang makapigil sa higpit na dala ng air-con. Unti-unti nang nandilirim. Tunog na lang din ng makina ng mga tricycle na dumaraan sa kalsada ang abot ng aking mga tenga. Nakikibulong din ang malalim at boring na boses ng air-con. Saka ko lamang ulit naramdaman ang ginaw ng kuwarto. Minabuti kong magpalit ng posisyon ng paghiga habang humihila ng kumot sa lansaplot mo ring katawan.

Likod mo lamang ang tanging abot ng paningin. Medyo maikli pa rin ang buhok sa iyong ulo. Gusto ko sanang tumawa mula sa pagkakangiti dahil naalala kong mahaba pa nga pala ang iyong buhok nang una kitang hinalikan sa labi. Sigh. Matagal na rin pala iyon. Sa ngayon, yung mga balikat mo naman ang gusto kong amuyin, damhin ng aking mga labi, kagatin. Kaya lang, baka magising ka, mahilig ka pa naman matulog. Mula sa baywang mo'y nakapanseselos na yakap ng kumot natin ang minasdan. Ipinatong ko rito ang aking kaliwang braso at idinikit ang aking dibdib sa iyong likod. Nakakakalma pa rin ang amoy mo. Iniangat ko nang muli ang aking kaliwang braso patungo sa iyong buhok. Hindi ko rin maexplain pero gustung-gusto kong isinasampay yung buhok mo sa iyong tenga. May kung anong kilig kumbaga. Pinigil ko ang aking sarili. Nagmukha na lamang akong tanga sa muling pagngiti at pagtigil sa ere ng aking kaliwang kamay. Mahimbing pa yung tulog mo. Aagaw na lang muna ako ng ibang oras.

Hindi ko maigalaw ang kanang braso ko. Namanhid na pala sa matagal-tagal na ring nakahiga mong ulo. Muli kong sinilip ang patay na mata. Maginaw pa rin. Gusto ko nga palang magyosi. Mabuti na lamang at abot ng kaliwang kamay ko ang kaha at lighter na nakapatong sa puting mesa. Sinubukan kong magmagaling na makapagsindi ng isang stick gamit ang tanging gising na braso. Binuksan kong maigi ang kaha at wala namang nahulog. Isang stick ng Pall Mall, black. Fuck, black. Gusto sana kitang gayahin at kagatin na lang din yung candy sa may labian. Bagong gupit din kasi ang mga kuko ko ngayon at wala muna akong balak saktan ang sarili ko.

But, fuck it. Hindi nga pala ako sanay kumagat. Mas sanay akong dumila. Edi ayun na nga. Panandalian ko na lang din sinaktan ang bagong gupit kong hinturo at laki. FUCk! Okay. Okay na. Iginitna ko na sa mga labi ang bisyo. Ibinalik ko na sa mesang puti ang kahang panandalian kong ipinatong sa kama. Inilapit na ang lighter, at nagsimulang mag-isip nang medyo malalim.

Namiss pala talaga kita. Hindi na rin kasi kinaya ng boses mo sa text at chat messages ang pagpunan sa aking mahabang patlang. Inalala ko pa kung kailan ko ba ulit maririnig yung tawa mo na minsan mo lang din pakawalan. Sa ngayon e isang maigsing galaw ko lang, maaari na akong bumulong sa panaginip mo. Sawang-sawa na rin yung mga unan sa kama ko. Ayaw na nilang niyayakap ko sila nang mahigpit. Pero sa ngayon, balat sa balat muli. Minsan na ring dumaan ka sa mga panaginip ko, may mga gabi, may mga hapon. Ngayon, parang ayaw ko na ulit bumangon pa. 

Patumba nang malapit sa mga huling higop ng nikotina.

Matapos maubos, itinapon na ang upos sa lapag. Sumilip akong sandali, sa kung hanggang saan ang kakayanin ng likod ko sa pag-angat. May itim na shorts. May grey na long sleeves. May violet. Itim na payong na nagpapatuyo. Brown na pantalon. Blue shirt. May pink. May itim. At isang maroon na jacket.

Humiga na ako't kinindatan sa una't huling pagkakataon ang nakabigting mata. Ngumiti. Muling humarap sa'yo. Umakap. Nagsalita.

Nagsalita kang pabalik. 

Dumilat. 
Lumingon.
Umikot.

Muling nagtagpo ang ating mga mata.