January 23, 2026

public station

pakiusap, ang pakiramdam ng palaging pinupuntirya ay parating panlaman na lamang sa mga payak na pakikiapid sa patay nang mga panatiko ng mga payaso't palamunin. pigang-piga na ang mga preskong paraya na lang para sa pagpapatapos ng mga planong patutsadang pinasimulan.

pakialam ba nila? parang puwede na lang palaging pinamamarisan ang mga pakanang paulit-ulit lang din ang pagpapaayon at pagmamadali nang pumihit na't payagan ang paimportanteng mga pangakong pinauuwi lang din sa patay at pintas na pinagpapatong-patong lamang para sa panlipunang pagpapaaray. at paniwalang-paniwala pa ang pipitsuging mga puta!

anong petsa na ba? puro na lamang ba pagpaparami at pagpapalusot ang paratang ng puro pasimuno lang at paawa? puwede bang pakaisipin naman ang kapakanan ng pag-iisip ng mga palaging maaapi bago problemahin ang puntong pawang paruparo lamang sa parang? parang ang pakiwari kasi, pumapadausdos nang padiretso ang pagdalanging pinadudugo lang din ang mga padakmang padalos-dalos ang pagdeliryo ng diwa. pagdamutan kaya ang mga padayon? saan na lang kayo mapapadpad?

January 22, 2026

into grave condensation

hinahayaan mo lamang muna silang maglakwatsa habang hinahanap mo pa kung ano ang pinakamainam nilang maaaring sisidlan. maraming puwedeng pagpilian kaya medyo minadali mo ang pagkuha nang agad na silang mapagkumpol at wala nang makatakas pa. saglit lang ay sumunod din naman sila sa malumanay mong boses nang walang pag-aalinlangan.

nais mo na sana talagang baguhin ang mga noon pang pamamalakad na para sa 'yo'y napakabaluktot na. hindi lahat ng panahon ay para sa lahat ng tao. ang bawat nilikha at nilalang din ay walang takas sa hindi maiiwasang pagbabago ng mga pagsubok. hindi lahat ng dalumat ay kumportable sa mga kinagisnang paglilitis, at kung sakaling magalit ang mga magkakakilalang manggagantso na ay pilit na may pinapaamin sa mga ulap nang sila naman ang maghinagpis sa langit.

kahit tumingala ka pa, wala ka nang ibang mapaghuhugutan ng kuntento sa sariling pang-uuto. ang bigat na dinadala ng iyong sarili ay pinapasan mo lang naman nang pansamantala, kaya tama na.

January 21, 2026

flight

katulad ng walang humihingi sa 'yo pero bumabalik ka pa rin, ang pag-ikot ng bola sa blangkong-blangkong patag ay ipinapasa pa rin, at walang ibang inaanyayahang madla maliban sa mga tunay lang talagang nakakikilala. hindi porke't nagamay mo na ang wika ay may timyas na ang bawat bagsak na bitaw mo.

hindi mo iyon mahuhuli, magpakailang taon ka pa na ermitanyo. kahit araw-arawin mo pang almusalin ang pinakabibihirang mga sangkap at katumbas na mga lasa, daniw lamang na paglunok sa huli ang magiging walang katapusang danas ng iyong pagtikim na hindi kailan pa man magiging paglasap. maski pa na magpakatapilok sa iyong harapan at muli't muli mo na saluhin ni masalo, bawat inyong pagbagsak sa semento ay magmamarka ng palalim nang palalim na sugat na hinding-hindi na maghihilom pa.

magiging tunay na suklam ang iyong mga tawa at mapapauwi sa poot ang iyong bawat pananggalang na ngiti. hindi ka naman mababaliw pero malilimot mo na kung para saan pa ba ang katinuan. lahat ng mga tanong ay magwewelga pabalik sa 'yo at wala kang ibang maipapalusot laban sa kanila kung hindi mga ipinanganak mong pagmamalabis.

January 20, 2026

or better yet

akala mo ba, ginagawa ko ito nang magkaroon naman ng silbi ang pamamalagi ko sa daigdig mo? hindi ikaw ang sentro ng aking pagsisilbi sa aking sarili at hindi ka kailan man naging bahagi ng daigdig na binubuo ko na para lamang sa aking sarili. akala mo siguro, kahit pareho tayo ng ginagawa, pareho na rin tayo ng intensiyon sa sarili.

ang kaso, magkaiba tayong lubos ng ginagawa. ni ang pagkahawig ay agad na dapat na itinitiwalag sa iyong isipan. magkaiba tayo ng mga balak. magkaiba tayo ng mga motibo. ibang-iba ang mga gusto mong linangin, at hindi ko rin naman sinusubok na kilalanin ang iyong mga sinusubukang kausapin. lampas ka na, sa lahat ng pakiramdam mong pagsubok, at ako nama'y pinipiling manatili lamang sa madilim na kuwebang ang tanging umaalingawngaw ay ang aking boses.

dalawa ang lagusan at walang kailangang humila sa akin. bakit sumusubok kang tumulong sa hindi naman humihingi ng saklolo? dahil sa mga agnas mo nang mga papuri? mga pagsasawang galit? mga hindi mo kagaya kaya awtomatiko nang mali? ituro mo man at payakan ang wika nang harapan, walang gugustuhing maging ikaw kahit na kailan.

January 19, 2026

in here

mayroong mga pagdampi ng liwanag na kagyat na nagpapaalalang ang tahimik ay mga iniregalong pagkakataon na hindi na dapat pang minamadaling padaanin. hindi sila kailangang batiin ni kausapin. pansining may wagas na salamat ay siyang sasapat na, at wala nang ibang dapat pang ipilit na anong kaba at takot.

medyo magiging maluwag pagkatapos ang mga susunod na segundo. iba talaga siguro sa tuwing may pag-arangkada na hindi nanggagaling sa salimuot ng sabay-sabay na pagkakasapot-sapot. hindi naman lahat ay kaaway. hindi lahat ng walang balak umunawa sa 'yo ay may balak na ring patahimikin ka. may pagkakaiba ka pa rin sa mga kapuwa mo, at ang paglayo sa kanila ay hakbang palapit sa pagkilala sa sarili.

hihinga ka nang maluwag at dahan-dahan habang naghahanap ng mauupuang panumandali. natutunan mo nang hindi na dapat binabalewala ang mga ganitong klase ng anyaya. hindi mo mapipigilang mapangiti sa mga susunod mong bibitawan at isinisisi mo itong lahat sa mga pinakatahimik na paalam. ang pakialam ay pag-alay ng oras sa ngalan ng pag-ibig nang hindi umaasang ika'y masusuklian.

January 18, 2026

out of the way

bawat umpisa ay pagpalag sa pagkaantok na nanlalaban din. nagiging pilit minsan ang pagiging tao at nakakasawa nang masilip sa lenteng iba naman ang nagpauso at malayong-malayo sa taal. hindi naman kinakailangang higpitan ang pagganap pero bakit parang ito pa ang mas madaling itanghal at tukuyin kaysa sa hinahanap nilang bago at may saysay?

sa tuwing nauulit ba ang umpisa, nagkakaroon ng blangko at panibagong tahak kahit na iyon at iyon pa rin naman ang mga nag-aabang? may iba pa kayang mga mata ang hindi pa nakakasilip sa kadidiskubre lamang na anggulo kaya patuloy pa rin ang bagot ng mga manghuhula? sakaling bayaan lamang ang bangkay na pala na maubos hanggang sa huling uod, ilang araw kaya ang aabutin bago mapagtanto na ang pagdako sa susunod ay hindi kainam ng sanay na hindi sigurado?

ginigising mo lamang ang iyong sarili, huwag mong agad na seryosohin. marami nang naaksidente sa pag-aakalang malupit palagi kapag matulin at maingay. hindi kahingian ang mabunggo, lalong-lalo na ang mambunggo. bawat padyak ay pag-angal sa pansin na hindi naman buong kapanalig.

January 17, 2026

go try

ang sining ay pag-alala na hindi kailangan ng kahit ano pa mang paliwanag. ito ang pinakakusa ng iyong kaluluwa na walang sino pa man ang makapipigil. ito ay bigla ngunit walang bahid ng pamimilit ni pagpapapansin. hindi ito talagang nagkukulang bagkus ay nanggagaling lamang sa tulo ng pinigang pagkalimot sa mga guni-gunitang papitik-pitik ang pangingirot.

sadyang makakamot mo lang talaga ang kung anong makati sa iyong mangungulit hanggang sa bumigay na lang patangay ang natitira mong pagkilala sa iyong tunay na sarili. walang hiya. walang pagod. walang mga batas at kakuntentuhan. walang gutom na kailangang busugin. ang mga naghahanap ng wala ay agad na pinaaalis. lahat ng galit at ismid ay mahusay na ipinangmamarka ng iyong mga labi bago sila tuluyang makipagsapalaran sa mga pinili nilang kasabayan.

hanggang sa pag-iisa, may yakap na parang langit ang pagiging malaya. tuloy ang paggising sa araw-araw na ingay galing sa naunang mga nalikha. payapa ang sining sa aspeto ng pagpapaubayang mangialam, at kung subukan mang ibigin ay mayroong mapapalunok na lamang ng laway.

January 16, 2026

give me that

hindi ko naunawaan agad pero salamat naman at napagbigyan pa rin. hindi naman siguro lubha ang kanyang kasalanan at wala pa namang namamatay ni nasasaktan. nakahinga na ako nang maluwag, kahit na saglit lang, sabay balik agad sa aming mga pila.

alam kong wala akong kailangan sa kanila at hindi pa nila ako kailangan sa ngayon. kung magkakaroon man ng mga hindi planadong transaksiyon ay doon lamang ako siguro magkakamali na balaking makihalubilo at magkunwaring may pakialam. palpak ang aking mga ibinibenta, alam ko, ngunit mabuti na para sa akin iyon kaysa naman ang maipalit lang sa akin ay pintas na hindi na mabubura pa kailan man.

gayon pa man, ang iniisip ko ay mananatiling akin habang nakakubli muna akong nakikinig sa mga patalastas ng umaga. tatanungin ko minsan ang aking mga katabi ng mga tanong na hindi rin nila nalalaman kung ano ang kasagutan. mapapansin ng mga demonyo na mukhang kailangan na nilang kilalanin ang nais na pumalit sa kanila kaya magmamadali silang susugod sa kanyang magarang puwesto. ang organisasyon ay mabubuwag para lamang sa katiting na takot at respeto.

January 15, 2026

no idea where we are right now

saka mo lang napansin noong nag-iisa ka na lang. pinagsama-sama mo na muna sila bago pagmasdang maigi. ang mga pira-piraso ay ihiniwalay na rin at pinaglimian kung itatapon na nga ba. saglit mong kinuwenta ang mga kuwentong kakasapalaran sila. medyo sulit naman. hindi naman totoo ang mga ibinurdang oras kaya't napagpasyahan mo pa ring magpaalam na sa kanila.

bumalik ka sa natira. tila yata kinakabahan sila dahil sa kamakailan mo lang na desisyon. napangiti kang bahagya at sinigurado sa kanila na langit lang naman ang pinakaayaw natin sa lahat ng mga nilikhang ligaya. ang iba sa kanila'y napangiti na rin naman, ang iba'y napilitan lamang. mahirap namang tunay ang mahikayat ang bawat isa sa kanila nang buo kaya tinanggap mo na rin nang walang saklap sa puso kung ano man ang maisukli nila sa 'yo kahit ano pa mang anyo iyon.

napansin mong may isang hindi nakikinig sa 'yo. sinita siya ng kanyang katabi pero tuloy pa rin ang mga alon sa dalampasigan. hinayaan mo na lamang sila.

January 14, 2026

i swear, i still ain't that mad

binalibag mo agad lahat ng iyong kagamitan pagkatapos na pagkatapos mong pakawalan ang huling guhit. tinitigan mong maigi ang iyong palad kung mayroon pa bang natitirang kaluluwa na nananalaytay sa kanila. hindi mo mawari kung saan mo hinugot ang huling dalawa mong ihininga dahil alam mong ni gapatak ay wala nang natitira sa 'yong dugo at pawis.

sa taba mo na siguro. sa lahat ng walang kuwentang usok, patid, alambre, at pektus na isinilid mo sa katawan mo. palipat-lipat na lamang at papalit-palit ang mga pasikot-sikot sa iyong pasirit-sirit na pagkagapi. maski ganoon, itinukol mo na lang sa sarili mo na hindi ka pa natatapos. hindi ka dapat sumuko. kaya mo pang kumilos. hininga'y paubos pero iyon nga, baka sakaling mayroon pa.

hindi mo na iniisip ang pauwi ni kung saan ka parating. tatlo na lamang kayo ng mga palad mo ang kanya-kanyang nagkakandasiraan hanggang sa mapudpod na't wala na talagang maiuusad pa. bawat pitik ng ayan na ay paunti-unting humihina at lalo pang nagpapalakas-loob sa 'yo. nasaang malayo ka na ba?

January 13, 2026

hey, give us some

malayo pa, at alam mong malayo pa pero, ewan mo ba, magpapalipad ka pa rin ng tanong ng kasiguraduhan, o kung may ibubuga pa ba, o kung saang punto ba mayroong silip ng pahinga, kahit na alam mong bawal, na alam mo ring kapag may bago kang sinimulan, maeengganyo ka sa hagap na may hawak ka sa mga hindi mo gustong hawakan.

ikaw ang pumili. ikaw ang dapat masunod. kailan ba ang huling beses na hinayaan mong palagan ka naman at hilahin kung saan ng mga pilit mong binibitawan? pakiramdam mo ba ay bilanggo ko na lang na mamamatay sa likod ng mga rehas na ikaw mismo ang nagpatayo't nagkandado? ano? bantay-sarado mo ang iyong sarili? ano ba talaga ang iyong binabantayan, at kailangan ba talaga ng bantay? sino ba talaga ang nagbilanggo sa 'yo?

ilang araw nang pabalik-balik ang kalansing ngunit wala man lang ni isa sa inyo ang nagkaliwanag ang kokote na sumita't makialam. paano nga naman ba ipagpapalit ang sasa ng pagkabatugan kung ang halip ay pawis at puwersa para sa presyong purong pobre't pupuwede na?

January 12, 2026

watch me nae nae

hindi naman sa bawal sumugod nang walang kapares pero may dahilan kung bakit nauulit ang mga bagay na bagay at may pinagbabagayan. malayo sa usapan ng madali at pinakamainam na paggawa o pagsunod, ang mga nalalabing sangkap ay agad nang mga basura.

magkasama madalas, hanggang dulo ang tagpo. kahit ang dulo ay hindi pa nga siguro nayayari sa mga ganitong sanay. at sa dalas ng mga hiyaw at pamimilit ng madla, tila yata napapabayaan nang sipatin ang lunang isinilang ng pagkakataong maaaring hindi pa nga sinadya; sapagkat bawat pagkitil ay may motibo kahit na sabihin mo pang siraulo ang may pakana, dahil ano nga ba ang tugon ng batas ng tao kung likas ang hatol ng kumpara?

wala nang mala-malabo. mapapapayag mo ang lahat. imposibleng may nakukuntento, ubusin man ang laman hanggang pabalat. may nagtatabi ng mga taba, may namimigay ng sibuyas, bawang, at luya. diring-diri sa ibang gulay lalo na kapag wala siyang binabaran o katabi. ngunit kung may isang tumikim at lahat ay nagsitigil sa pagnguya, ano pa ang lusot mo sa kung isa lang ang lagusan bigla?

January 11, 2026

only way out

sa walong pari na sunod-sunod na umawit ng sunod-sunod na orasyon sa 'yo, wala ni isa sa mga dasal ang nagtanghal ng kapani-paniwalang bisa. hindi naman sa katapusan na ng lahat kung maubusan man sila ng mga pruweba't pakulo pero sila naman itong nanghihikayat ng maraming mauuto para sa walang hanggang wala naman talagang may umasam kahit kailan.

tanging payapa na lamang at pagkain ang makakapilit sa 'yo sa araw-araw para bumangon at manampalatayang bulag sa salapi. hindi na ito bago. bago pa man silidan ng struktura ang lahat ng mahalaga, walang makakatalo sa aya ng patong-patong na ipon. hindi ka makakagalaw at hindi mo rin dapat sana gagalawin. umiikot ang direktang diwa ng mga dakma nang dakma sa tsansang kakapiranggot lang ang labis na nagtatamasa.

walang nagmamay-ari sa 'yo maski ikaw. tungong mga palusot na lang ang iyong mga natitirang galaw, at mabuti nama't wala na sa 'yong pumapansin, maski ikaw. nakatadhana na ang mga susunod na puwesto, at wala nang iba pang makakapigil, maski ikaw. maski ikaw na pilit inaapula ang mga iginuhong nakatakda, itong inog ng nais ay ganti siguro sa karaniwang sarap ng pandesal sa umaga.

January 10, 2026

your daily dread

madali mo nang mapansin ang dalas ng kakulangan ng iyong pagpanaog. may dulot itong dismaya sa sarili at duda kung babalik na lang ba sa lumang napag-usapan. minabuti mong magpakumbaba at tanggaping hindi naman talaga matatapos kahit kailan ang pagkatuto. pinipigilan mo na rin, at pilit na pilit pa sa ngayon, ang mga buntot, sumbrero, kendeng, at manaka-nakang tulay na manatili pa sa iyong mga bahagi.

sa pagbuong muli ng iyong sarili, nariyan ang mauubos ding pag-asang mayroon pang panibagong mga espasyong walang-tanong na sasalo sa 'yo. ang muli't muling pag-eensayo ay disiplina sa sarili, pagpupukol na dapat lang na magdulot ng kumakapit na konsensiya sa mga inaabangan.

huwag mo pa ring kakalimutang huminga nang malalim, lumunok ng laway, magkamot ng nangangati, tumitig sa kisame, tumitig sa kawalan, kuwestiyunin ang sarili, humikab, mang-asar ng pusa, uminom ng tubig, pigilang umihi, gumilid ng utot, magpunas ng ilong, maglinis ng salamin, tanggapin ang sarili, salubungin ang antok, magbalewala ng kumot, manghuli ng lamok, at makipag-usap kay kamatayan. walang dasal ang hindi mo kakampi, magpasalamat ka.

January 9, 2026

avoiding air

ito ang matagal mo nang inaasam-asam. walang may ibang alam nito kung hindi ikaw lamang. hindi naman sa ikinakahiya mo ito pero bilang na lamang sa mga daliri ang mga natitira mong lihim na iniwan sa lupa. at ngayon, sa lupa ka nang muling isinilang.

hindi ka kaagad na pinangalanan ng nawawala mong mga magulang. hindi man mahalaga, may mga daloy na minsang hinahanapan ng pagkakakilanlan at sinisimangutan ang misteryo. hindi ka naman na rin nagmamadali sa ngayon. hindi mo na hinahabol ang iyong sarili. maaari mo nang paghiwalayin ang mga matagal mo nang pinadudulas para sa mas malinaw na pagmamapa ng iyong pagdausdos sa kabaliwan.

nakakaantala man ang papatsi-patsing kalabuan, unti-unti mo nang natutuklasang muli ang iyong pinsala laban sa pagkabagot at pagsisisi. may mga pagdulas pang paisa-isa ngunit bawat pagkakamali ay nagsisilbing banta sa iyong panggapos na sentimyento pagdating ng pag-aalburotong hinding-hindi maiiwasan. ang minsanang pagsalo paitaas ay nakakawala rin ng gana, at hindi mo na dapat pang bigyan ito masyado ng kaukulang pansin. iba na ngayon ang iyong pinagtutuunan.

January 8, 2026

some shelves are separated

hindi mo na mapakiramdaman lahat ng kasiguraduhan. paagnas na ring kinukuko ang natitirang makasasagip sa 'yo. wala nang iba pang makarinig sa 'yo kundi mga naliligaw na ring paisa-isang napapahinto sa tuwing bigla ka na lamang tatambad sa kanilang nilalanguyan.

ang mga alon at bula ang nagpapakahirap na kumustahin ang napipinto mong kapalaran sa hanay ng mga hanggang kalimot-limot na lamang. ang maidikit sa kanila'y kasiyahan mo nang itinuring. hindi na nila ito mababawi mula sa 'yo. wala na ring magtatangkang sagipin ka maski pang humupa ang kanilang mga pilit na pagpipigil na pumalaot sa mga mahinahong umpisa.

wala nang natirang tugtog. tapos na rin ang lahat ng nakikipawi ng pagod. sabay-sabay nagsiuwian ang mga tumikim lang naman ng tamis. halos hindi nabawasan ang itinimplang mga palamig at dalawang pitsel ng matapang na kape. nasayang lang ang mga pinagbibiling gatas sa labas, magkakaibang uri pa naman. wala man lamang may gustong magsupot ng pabubulukin lang sa amag at langaw. sunod-sunod na mabibitak ang mga hindi na ipinanganak kayakap ang salo-salong kagyat na natuluyan.

January 7, 2026

told you so

kung tutuusin, kaya mo naman talagang magpakamatay nang paulit-ulit. sino ba ang tinakot nila? hindi naman nila sinubukan kahit kailan na makipagkilala sa 'yo nang buong-buo. at kapag sinusubukan mo namang buksan ang iyong sarili ay kitang-kita mo na agad ang akma nilang pandidiri sa katauhang pilit nilang niyayakap pero halos masuka na sa sulasok ng panghihinayang.

minsan ka na lang dapuan ng lakas pero rekta pa rin talaga kapag sa pasimuno pumutok ang puna. ibang-iba ang pait kumpara sa mga minadaling akala ng gabi-gabing pagpikit bago ang bangungot. masahol pa sa ilang taong pinakuluang sabaw na hindi man lamang tinikman ang timpla pero pinatutunghayang tumatalab kahit na malaman-lamang hindik lang pala ang pumipigil sa may unahan ng mga pila.

ayaw mo na talaga siyang makita, at diring-diri na rin naman siya sa 'yo. kaligtasan mong mahulog sa babasaging pamantayan at handa naman na siyang, banggit niya pa, na magpakawala ng pamalit na oras, basta't maitampok ka lamang sa pinakakaraniwang kabagutan habang hinehele pabalik sa parehong-parehong bangungot.

January 6, 2026

everyone's invited

dito ka lang naman din uuwi sa lahat ng mga kailan. lahat ng pag-uulit ay magtatapos pa rin, at kahit papaano ay nakikilala mo na nang maigi ang kahihinatnan kung saan ay sinanay mo na rin naman ang iyong sarili. walang kahit na anong puwersa ang makakapigil dito maski sino pang diyos. ang pagpaparaya ang natatanging paraan maging gaano pa man kaganap ang timpla mo sa 'yong mga paboritong bulalas.

kilala mo na ang paglilipat ng mga tapal muna bago ilagak ang huling tahan, sa huling tahanan. magiging tahimik lahat habang hinihintay ang pagsalubong sa buhos ng ulan. walang magagawa ang payong ni kapote o sumbrero sa raragasang agos. bawat pinto ng bawat bahay ay walang takas kasabay ng mga masisingitang bintana at pasilyo.

naghahanda ka lang sa wala, at malay na malay ka rito. ewan mo ba pero para bang tanggap mo na lang pala na wala namang kuwenta ang kahit na anong sakali. maski pa ang mga nauna nang marami, kamukha lang din ng mga bugbog-saradong lamat ang papalarin, at para bang mahihiya ka pa ba kung nagsisuko na ang lahat?

January 5, 2026

this should be the last

bakas ng iba't ibang kamatayan ang iniwan sa 'yo. napasinghap ka't kinalikot nang mabuti ang mga singit-singit ng pag-aalala para masubukang maisalaysay nang wari lamang ang lumalabo nang mga puntod.

tabi-tabi at kabi-kabila ang mga senyales ng bagamat ubod ng kipot ay mayroon pa rin namang mga madaraanan. hindi nga naman natatapos sa iilang mga palatandaan ang maaaring tahakin. hindi bawal umakyat at manapak, sumabit, magpakaldag sa yero at bagong-pintura na semento. kakakaripas lang ng mga nag-eensayo pang dumiskarte ng isperma para makabuo ng malamundong pampalipas-oras, pero hindi ka nag-iisa.

tinitigan mo nang maigi ang sanga-sangang lilim, na para bang may manggugulat sa 'yo na boses at pambihirang lisik. minabuti mong buuin ang iyong loob dahil ayaw na ayaw mong nagugulantang. ang mapayapang pagpirmi, maski pa na kunwari lang, ay mas mabuti na kaysa sa aligagang pag-aagap. inuunahan mo na dapat ang mga dapat na maunahan. lahat ay puwede at palaging sumablay. parati kang nakainom at walang kasiguraduhan kung araw-araw ay maihahatid. iniangat mo na ang iyong kamay.

January 4, 2026

should've went in for the vibes

kinapa ng masid ang bukana. walang pakiramdam na may magpapakilalang maski sino o ano ngunit litaw na litaw ang pag-aligid ng mga taka. handa kang sumagot ng kahit na anong tanong pero may mga nakabangko ka ring alinlangan. sadsad na lamang ng pagdiretso ang natirang buhay habang nagdadalawang-isip pa kung itutulak ba ang panibagong kantong sumusulpot.

napansin mong hindi ka pala kinakabahan sa mga nagaganap. sabay bigla kang kinabahan nang ganap mong mapansin ito. bibilis nang bahagya ang yanig na naghatid na ng sunod-sunod na paghinga. sinubukan mong pakalmahin ang bawat pagsalo sa sarili. ipinikit mo ang iyong mga mata at huminto muna sa paglalakad. inisa-isa mo ang butil-butil na nakakalap na koneksyon sa kabila hanggang sa tumahimik na rin ang salimuot.

pagdilat mo'y tuyo na ang mga palad mong malapit na ring kumulubot. naghintay kang ilang banta para sa mga sakali pang tutulo, subalit wala nang nag-usig pa. pinakawalan ang pulupot habang kumakawala sa tigas ng pagkabukod ng sandal. itinupi nang pabalik ang pamago nang may mapansin kang kakaiba sa iyong mga kuko.

January 3, 2026

maybe mausoleums

magigising na lang pabigla sa biyahe. wala nang ibang natira kung hindi ang nagmamaneho at ang ihahatid sa limot. lilingon ang manong at magtatanong kung maaari bang magbaba na lamang sa ayaw. magbubuntonghininga nang malakas para malaman ng nakakarinig na totoong wala siyang kasalanan. ipipilit pa rin naman niya ang nais niya, at wala naman talaga siyang paki sa paki ng iba.

naisipan mong pumara bigla para lang makabawi. kinuparan kahit gaano ang panakaw na pag-aako ng direksyon nang makaiwas sa pagkalito. saglit lang at unti-unti nang nakikilalang muli ang mga dati na para bang walang nangyayari. kakampi nang ulit ang lahat ng hangin, halaman, at insekto, at tila gusto pa nilang umakay at maghatid sa mga matang nagpapaligaw.

bawat hakbang ay presko at tanggal ang namuong awa. sa lahat ng mga kaibigang bumalik, hindi nakakapagod ni nakakasawa ang bumati. walang magkakamukha, hati ang salamuhaan. parating may dahilan ng ngiti at tawa. titingin lahat kung sino man ang hihingi ng tulong. maingay ngunit hindi nakakairita. sabay-sabay na ang bawat halos ng haplos, ihip, pagakpak, huni, sitsit, ugong, yabag, wasiwas, sabay, sabay, gulo, iwas, kalabit. lumingon ka't wala kang kasamang iba.

January 2, 2026

almost this time

malapit nang matuyo pero may kintab pa rin. markado pa rin ng dulas ang hindi na matatapos pang pagkukunwari kahit matagal nang walang nakatingin at nagbabantay. hindi minsan malay ang sarili na ang sarili na lang ang natitirang malay sa sarili. may nag-aabang na takot na sa ubod ng pangyari ay kinakayang magpahinto ng ano mang landas na malilingat na lang bigla sa waglit.

hindi na muling makakagalaw pa. maikakahon at walang takas. kasunod ng apat na pagtupi ng ipinipilit na pagtatapos ay nakailang ikot na pala ang bigong hindi na kailan man pa mapapatawad. magtutuloy-tuloy ito hanggang sa kumabog na nang todo ang lahat. saka lamang minsan nakakapiglas, sakaling maisahan ang pagliko sabay buong-lakas na pagtulak at pagtulad.

malas lang kung pinlano mo rin ang pinlano mo. hibang ka na yata, pangiting sambit habang paunti-unting ngumingiwi na at naghahanap na lamang ng muling mapagtataguan. wala sa kaliwa. lalong wala sa kanan. pupulupot nang muli ang piga pero wala nang mapakawalan pa. kung mayroon man, madali lang tatangayin ng katahimikan ang mga matitira pa sanang kaibigan. inialay na lang muli ang sarili sa sarili.

January 1, 2026

must be totally grand for you

nagmamadaling papasok sa malambing na yakap ng init. medyo mayroong pagkibit na ibalibag ang wasto sanang pampagising, pero wala na, kumulo na rin naman nang hindi oras ang ulirat sa pagbabalik agad-agad ng hindi naman pinapapasok na bisita. may pagtatakang bakit pa kailangang disiplinahin ang dakot ng gagamba, gayong pasulpot-sulpot lang din naman ang sirit ng sapot hanggang sa magkabit-kabit na naman sila nang walang tigil, parang hindi tinuruang nauubos din ang lahat, maski pa ang iba't ibang akala at sinungaling na nagpupumilit bumangon matapos basagin nang paulit-ulit sa lababo.

pipihiting marahan ang gripo, ayaw ng may tumatalsik. natutuyo naman din, kaya lang, siyempre, may pag-iwas pa rin sa kakaunting irita, kahit ngayon man lang. hahagip lang din ng kakaunting sabon, sabay ipapahid sa dumi, hanggang sa lumipat na ang amoy nito sa espongha, manghang-mangha ka.

padadaluyin nang marahan ang banlaw, uubusin lahat ng lagkit at lasa. hahayaan lang na magbagong-anyo't kumintab nang mag-isa, at dapat ay hindi minamadali. ang madulas ay pagkabasag ng sarili habang pinanonood pa ng mga nagpapatuyo na lamang. sa susunod ka na lang bibili ng panibagong espongha.