May mga larawan mo ako na maaari mong pagmasdan. Matatagal na ang mga iyon. Ang iba roo'y hindi ko pa mga minamahal na ikaw. Mga espasyong nabigyan ng halaga at ibig sabihin. Mga halagang may espasyo para sa ibig sabihin. Mga ibig sabihing magbibigay ng espasyo para sa mahahalaga.
Magpapasayaw lang tayo ng mapaglarong hunyang tungong kalangitan. Paminsa'y tungong alikabok at mabulasok na uri ng dilaw at luntian. Makikipagtagisan sila ng ingay sa mataas na puti at bughaw. Dumaraan din ang hindi mapakaling yambot sa kanyang bawat pamimilit sa iba't ibang paghila at sakal.
Noo'y nagmamadaling makalipat sa bintanang madaling mapasok ng kasalanan. Susuut-suot sa gilirang hindi matindi ang sikip ngunit nagpapawisan kapag mainit. Palaisipan sa akin noon kung nasaan na ang dahilan ng mga patay na kulay na ito't araw-araw din naman silang dahan-dahang tumataba. Mga walang karapatang magreklamo sa araw kung hindi naman sa ganang binabati ang hari sa tuwing pinagbibigyan pa rin ng mulat.
Bigla na lamang darambog paimburnal ang nagulat na mga bangkay. Mamamatay sa usok at galis ng ayuhab ng lisik at bulasaw. Muntik nang magkunwaring hihingi ang mga nanlupasay ng paumanhin ngunit aakto pa rin sa nais na hinding-hindi malilimutan ang payapang isinasalarawan.
Larawan natin noon ang pagiging malaya sa ilalim ng pagpupulong ng mga ahas. Pangiti-ngiti minsan ang mga puyat at sabay tayong maaasar sa kawalan ng mga putang ina ng sariling panghati ng gitna. Sila pa minsan ang may ganang manlibak at mag-iwan ng sulasok hanggang lalamunan.
Wala sa akala ang pagkamatay ng nagsisisayawang pantawid. Wala rin sa mga larawan mo noon na mamahalin mo pala ako.
No comments:
Post a Comment