January 30, 2013

Kapag Iba ng Crush ng Crush Mo

Paano na lang kung hindi ka crush ng crush mo? Hindi ko pa nababasa ang aklat ni Ramon Bautista. Ayokong basahin iyon, title pa lang. Halatang pang-mga-weak lamang iyon. Pambobo. Pang-walang-lakas-ng-loob. Pang-atras-bayag. Wala. Hindi puwedeng isabak sa giyera. Mabagal kumain, mag-isip, makibagay, kailangan pa ang iba. Hindi talaga puwede. O baka napaparanoid ka lang? Exaggerated ka rin kasi minsan mag-isip. Mahirap 'di ba? Tang ina. Minsan, masaya maging single. Napapayagan sa sarili ang maraming bagay. Ang mga hinahanap naman ng mga single, minsan, pinagsisisihan na rin ng mga taken. Baliktaran lang din. Parang batang gustong tumanda at matandang gustong bumata. Nagkakalimutan. Kanya-kanyang pagsisisi. Parating may hinahanap-hanap.

Advices?

Tiyak, dumaan ka na sa pagkabagot sa buhay. Nasabi ko 'to dahil unang-una, nasa page ka na ito. Pangalawa, well... wala na palang pangalawa. Pero alam kong nabagot ka na rin sa buhay. Alam kong napagod ka na rin minsan at nagtanong sa mga ulap kung ano nga ba talagang silbi mo. Yung iba, nagsasound trip. Yung iba, naglalaslas. Yung iba, tumatalon sa building, kasi may photoshoot, jumpshot, hindi yung iniisip mo. Maraming panrelieve ng stress, puwedeng yosi, beer, laro, jakol, salsal. Ako, nagsusulat. Yung iba, nanonood. Pero minsan, kapag hindi mo na talaga kaya, alam kong kumakapit, este... lumalapit ka sa iba. Nagtatanong ka sa maraming tao kasi hindi pa sa'yo okay yung iisang advice. Gusto mo, marami. Tinitimbang mo na lang kung alin ang mas maraming beses na mauulit na advice at iyon na lamang ang susundin mo, which is mali. Nasa'yo pa rin ang huling desisyon, laging tandaan. Wala sa mga kanta, sa blade, sa camera ang tunay na mga sagot. Wala sa nicotine, alkohol, o experience points. Wala rin sa akin, at sa iba. Gabay lamang ang lahat ng mga ito para humantong ka sa sagot, sa totoong sagot, dahil sa huli, ikaw lang ang makapagsasabi kung sino ka ba talaga, kung bakit ka nga ba nandito sa mundo, kung bakit umabot ka sa page na ito, kung totoo nga ba ang lahat ng sinasabi ko.

Red pants... not so good ~

Ilang Teorya Kung Bakit Kulot Ako

Minsan, naitanong ko na sa sarili, "Bakit nga ba ako kulot?" Hanggang sa sundan pa ito ng kung paano ako naging kulot kasi straight naman ang buhok ko noong elementary hanggang first year high school. Bakit kaya? Syempre, ang unang isasagot ko yung e kasi kulot din yung nanay ko. Namana ko sa kanya. Pero bakit nung 3rd year high school lang ako naging kulot? Wala na rin akong balak pang igoogle. Pero bakit nga kasi gano'n? Pinilit ko pa ring sagutin. Baka naman kasi mahilig ako mag-gel ng buhok nung elementary. Oo, yung pampatigas, ng buhok. Handful. Tapos tumigil ako maglagay pagtuntong ko sa high school. Baka 'yon? Baka lang naman. Baka naman kasi mahilig ako noon magsumbrero, kahit nasa loob ng bahay o classroom noong elementary? Pinilit kasi ako ng nanay ko na ipakalbo. Puwede naman kasi noon sa elem. Tapos syempre, maraming bully, kahit na ako ang pinakamatalino sa amin, napagtitripan ang panlabas, napipilitan akong magsumbrero, kahit habang nagkaklase yung teacher. Wala naman silang magagawa, ako lang naman yung tatawagin nila kapag wala nang makasasagot sa tanong nila. Tapos pagagalitan pa nila ako 'pag nakasumbrero ako? Ayun, hanggang sa namamawis yung ulo ko at hindi ko pa rin tinatanggal yung sumbrero. Hanggang sa kahit humaba na ulit yung buhok ko, nasanay na rin akong magsumbrero, na tumigil din noong high school. Tang ina, nag-gel dati tapos sumbrero. Barbero. 'Kala mo naman may epekto. O baka naman tamad akong magsalamin noon. Oo, nag-gegel ako nang walang sala-salamin. Ang weird nga e. Saka lang ako nagsasalamin kapag nagbubutones na ako ng polo, para malaman ko agad kung pantay. Pagkatapos no'n, gora na. Wala nang sala-salamin pa. Tamad talaga akong magsuklay, maski pa bago umalis ng bahay, pagkaligo, pagkaahon sa swimming pool, pagkagaling sa bugbugan, sa commute, sa laro, sa tulog. Wala akong pakialam dati sa buhok ko, hanggang sa humaba na ito nang humaba, este, lumago nang lumago. Saka ko lang napansin, na kulot pala ako, payabong, payabang. Mayabang ako. Kasi naranasan kong maging straight ang buhok at kulot. Pero magkasunod. At walang bayad. 

OFW ba ang Magulang Mo?



Ang maikling kuwentong Siya ba ang Inay ko? ni Segundo D. Matias, Jr. ay tumatalakay sa mga magulang na nagtatrabaho bilang OFW’s. Dagdag pa rito, ang nanay ng bidang si Carla ay hindi lamang iisa ang trabahong binabalikan kundi sa kanyang bawat pag-alis ay nagkakaroon siya ng trabahong iba sa pinanggalingan niya na trabaho, napupunta siya sa bansang iba sa pinanggalingan niya na bansa. Ang pagiging OFW man ng isang magulang ang nagmukhang pangunahing usaping maaaring mapansin ng batang mambabasa, may ilan pa ring isyu sa lipunan na nakapaloob sa akda ang nais ko sanang punahin maya-maya. Nais ko na munang unahin kung sa aling edad ng isang bata maaaring ipabasa ito at maunawaan na ang nasabing maikling kuwento.

Sa tingin ko, pasok sa mga edad apat hanggang lima, batay na rin sa mga development na inihain sa amin noong huli naming pagkikita, ang mga maaarin magbasa ng kuwento. Para muna sa Cognitive Development ng isang bata na maaaring itulong ng kuwento, binanggit sa ikalawang bahagi na nadaragdagan ang kakayahan ng bata na ihanay ang isang bagay sa kanyang kinabibilangang pangkat batay sa nakikita ng bata na mga katangian nito. Kung si Carla ang titingnan, ang kanyang pagtatanong sa sarili ng kung nanay niya ba talaga ang sinusundo nila sa airport ay makikitaan ng kanyang pagbabase sa hitsura nito. Hindi naman sa mga bagay na walang buhay lamang makikita ang ganitong development kundi makikitang bumabagay rin ito sa pagtingin ni Carla sa nanay niya na paiba-iba ang balat at istilo ng buhok. Dagdag pa rito ang muling pagtatanong sa kanyang sarili kung bakit ang mga nanay ng kanyang mga kalaro ay gumagawa ng mga bagay na hindi ginagawa ng kanyang nanay. Lalo pang napatindi ang tanong sa kanyang isipan dahil hindi lamang sa panlabas na kaanyuan nakabase ang pagiging ina, para sa kanya, kundi sa mga gampanin na rin nito sa kanilang pamilya, sa kanya. Binanggit din sa ikatlong bahagi ng Cognitive Development ang pagpapakilala ng konsepto ng oras sa bata at nagsisimula raw ito sa konsepto ng “ngayon” at “bago ngayon” na mapapansin din sa pabagu-bago ng hitsura ng nanay ni Carla.

Sa Language Development naman, mula sa ikatlong bahagi, tinalakay ang paggamit ng isang bata sa mga tanong na bakit at paano, na kitang-kita naman kay Carla. Itinatanong niya kung bakit paiba-iba ng hitsura ang kanyang nanay at kung bakit hindi niya (nanay) ginagawa ang mga ginagawa ng mga nanay ng mga kalaro niya, at kung paano nangyayari ang mga ito hanggang sa bumabalik siya sa kanyang pangunahing tanong na kung siya (nanay) ba talaga ang nanay niya.

Sa bahaging Social Development naman, sa pangatlong bilang nito nakasaad ang paminsan-minsang paglalaro ng isang bata nang mag-isa ngunit nagsisimula nang kumilos nang walang kasama. Kung babalikan ang kuwento, sa pakikipag-usap sa kanyang mga kalaro niya nalamang hindi kagaya ng kanayng nanay ang ibang mga nanay. Dito na siya nagsimulang kumilos at tanungin nang paulit-ulit ang sarili kung totoo niya nga bang nanay ang umuuwi sa kanila. Kapag niyayaya siya ng kanyang nanay na sumabay sa kanyang ginagawa, iniiwasan niya lamang ito. Hindi niya ito nakuha dahil sa inutos sa kanya ng kanyang mga kaibigan, ni hindi itinanong muna sa kanyang tatay ang kanyang problema. Nagkusa na muna siyang kumilos sa kanyang sarili, mula sa naunawaan niya mula sa pagsusundo sa airport hanggang sa pakikipaglaro, bilang tugon sa tanong niya. Sinagot na niya sa kanyang sarili: Maaaring hindi niya nanay ang nagyayaya sa kanya. Mabuti na lang, nasagot ito nang maliwanag nang papaalis nang muli ang kanyang ina. Nang yumuko si Carla at umiling nang humingi ng huling yakap ang kanyang nanay, nagsimula na itong magsabi na siya ang kanyang nanay at umaalis siya patungong abroad dahil sa kailangan ng pamilya nila ng dagdag na pera, hanggang sa unti-unti nang nasagot ng kanyang ina kung bakit paiba-iba siya ng hitsura at kung bakit hindi siya kagaya ng ibang nanay. Sa pang-apat na bilang ng nasabing development, sinabi na nadaragdagan ang pagwawari ng mga tungkol sa iba’t ibang papel ng mga tao na kanilang ginagampanan – sa pagkakataong ito ay ang mga naging trabaho na ng nanay ni Carla na maging domestic helper, trabahador sa pabrika, saleslady, at isa pang trabaho sa loob ng isang ospital. Naipakilala na kay Carla na hindi lamang nakadikit sa gawaing bahay ang mga nanay ng pamilya. May mga nanay, katulad ng sa kanya, na lumalabas ng ibang bansa hindi para gawin ang ginagawa ng mga nanay ng mga kalaro niya kundi gampanan ang iba pang maaaring papel nila sa lipunan, para sa kanyang pamilya.

At sa huling bahagi, ang Personality Development, nabanggit sa ikalawang bahagi na pinauunlad ng mga bata ang kanilang kakayahang bitbitin at tugunan ang kanilang mga sariling emosyon gamit ang kanilang sariling produktibong paraan. Nabanggit na nga kanina pa kung paanong tinugunan ni Carla ang kanyang nararamdamang alinlangan sa kanyang ina sa pamamagitan ng hindi pagpansin dito. Kakabit na rin ito ng ikaapat na bahaging tumatalakay sa likas na pagbibigay ng motibo sa kanyang sarili, base na rin sa kanyang mga nakikita at naririnig. Sinabi rin sa ikalimang bahagi na kinakailangan ng isang bata ng mga kapaligirang matiwasay at ligtas, na kung titingnang ulit ang kuwento, naibigay naman sa huli ng kanyang ina dahil sa pagsagot nito sa kanyang bumabagabag na tanong, hindi man niya ito direktang sinabi sa kanyang ina.

Kung babasahin ang kuwento ng isang batang nasa edad na apat hanggang lima, maaari na niya itong maunawaan, lalung-lalo na kung parating umaalis ang isa sa kanyang mga magulang, o puwede ring pareho. Mula sa unang uri ng development, hindi na lamang naididikit sa mga bagay na walang buhay ang pagkaklasipika ng isang bata kundi pati na rin sa tao. Makatutulong ito sa pagtingin niya sa mga bagay-bagay na kahit iba-iba ay may pagkakapareho rin. Natatakot lamang ako dahil sa doon sa bahaging tinatanong ng mga kalaro ni Carla na kung bakit hindi gumagawa ng mga gawaing bahay, ‘di tulad ng ibang nanay, ang kanyang nanay. O dapat ba akong matuwa dahil ipinakilala na sa bata na hindi lamang nakadikit sa kasarian ng isang tao, sa ganitong kaso ang pagiging ina, ang kanyang mga maaaring gawin? Naisama na rin dito na nagsisimula nang makilala ng isang bata ang pagtingin sa oras dahil sa mga konsepto ng “ngayon” at “bago ngayon”. Natatanggap na rin ng mambabasa ang paggamit ng mga tanong na bakit at paano, na may ganito palang mga tanong o kaya’y alam niya na ang mga ito bago pa man niya buklatin ang akda at nadaragdagan ang mga paksang maaari nilang tanungin. Halimbawang hindi na lamang sa mga bagay sa labas, kundi sa loob mismo ng kanilang mga pamilya: kung paano nagkakaroon ng pera ang kanilang mga magulang at kung bakit iyon ang mga napiling propesyon ng kanyang mga magulang. Makakaugnay rin ang batang nagbabasa sa pagkakaroon ng mga kalaro at pagsagot sa sariling mga tanong na maaaring humantong sa maling pagtugon sa mga ito ngunit maliliwanagan din sa huli ng kanilang mga magulang. Oo, matututunan ng bata na subukan munang sagutin ang mga tanong sa kanila munang sariling mga paraan pero maaari nilang lapitan agad ang kanilang mga magulang dahil sa huli, sila (mga magulang) pa rin ang makasasagot ng mga ito. Mula naman sa iba’t ibang trabaho ng nanay ni Carla maaaring sumibol pa ang bagong tanong para sa mambabasa na kung ano nga ba ang gusto niyang gawin paglaki. Matututunan din ng bata mula sa kuwento na ang magulang ang makapagbibigay sa kanila ng ligtas na kaligiran, makasasagot sa kanilang mga tanong at nagtataguyod sa kanilang pamilya.

Ang maikling kuwentong binasa ay nagtataglay ng isyung puwede nang maunawaan ng isang bata, ng mga tanong din na maaaring tinatanong ng bata sa kanyang sarili tulad ng, “Bakit sumasakay ng airplane si Daddy para umalis?” Naipakilala rin ang isyung patungkol sa pagkakabit ng gampanin sa kasarian na nababasag sa huli dahil nga sa trabaho ng nanay ni Carla. Nagkaroon din ng mga pagkakataong may pag-uulit, katulad ng mga pag-uulit ng simula ng pangungusap gamit ang “Noong galing...”, “Nang...”, at “Sa..., isa akong...” Makikita rin ang pagkakaroon ng hawig na parte ng katawan ng isang bata mula sa kanyang mga magulang. Maaaring tanungin ng mambabasa ang kanilang mga magulang kung sino nga ba ang kamukha nito o kaya naman ay kung bakit parati na lamang nilang naririnig ang mga katagang, “Kamukha mo ang nanay mo.” o kaya, “Kamukha mo ang tatay mo.” Natulungan ang bahaging ito ng mga ilustrasyon dahil sa hindi nakangiti sa umpisa ang batang si Carla, para hindi lumabas ang dimple na namana niya sa kanyang nanay. Ang mga ilustrasyon ay nakatulong din, hindi lamang sa pagbabagu-bago ng hitsura ng nanay ni Carla, kundi naipakilala na ang mga bandila ng iba’t ibang bansa, na maaaring humantong sa paghahanap ng bata para sa bandila ng Pilipinas.

Tulad nga ng nabanggit kanina, ang maikling kuwento ay makasasagot sa mga tanong ng isang batang may mga magulang na OFW ngunit maaari na rin itong ipabasa sa kahit sinupamang bata dahil sa iba pang mga nabanggit na aral at para na rin sa mga ugali at kilos na maaari pang umunlad sa isang bata sa kanyang pagbabasa. Kailangan siguro niya ng may gabay para matapos na basahin ang akda dahil nasa may bandang dulo pa malilinawang hindi nararapat na padalus-dalos sa mga desisyon kung hindi pa naririnig ang dahilan ng mga magulang na nag-uudyok sa mga bata na magtanong.

January 27, 2013

Kapag Nasa Ikot Jeep

Nagjijeep lang naman ako kapag tinatamad ako maglakad. O kaya trip ko'ng magpataba. O kaya kapag umaga, tapos bagong gising at hindi pa naliligo dahil late na sa klase. Pa'no na lang kung mga tanga pa yung nakasabay ko? Nakakainis yung mga taong nagpapara sa hindi naman babaan. Nagkalat naman yung mga waiting shed sa buong campus at mga obvious na babaan pero bakit may mga leche pa ring nagpapara sa kung saan-saang gitna ng dinaraanan ng maraming sasakyan? Minsan, kahit obvious nang narinig sila ng driver, sisigawan pa nila yung driver ng isa pang PARA para lang tumigil yung jeep sa hindi naman dapat na binababaan. Akala mo kung sinong may mas alam sa daloy ng trapiko e araw-araw nang dinaraanan ng mga driver ang mga iyon. Itatabi naman kung ipatatabi, bakit kailangan pang manigaw na para bang walang alam yung driver sa daan? Maliban na lang kung matindi yung bass ng jeep o may pagkabingi yung tao, o may mas malalim pa siyang problemang inaalala kaysa ibaba kang walang galang at atat makababa. Magtimpi naman minsan. Yung iba naman, uupo sa may bandang likod tapos ang hina-hina ng boses kapag nagpara. Tang ina naman, friends. Lakasan niyo kapag magpapara kayo. Hindi lang kayo yung napapagod, halos lahat naman na siguro ng nasa loob ng sasakyan e sawang-sawa na, pagod na pagod na, marami pang iniisip. Tapos may gana pang magdabog at bumulung-bulong kapag sa-wakas na itinigil na ang jeep? Mayroon pa. Paano naman yung nakita na nila yung bayad sa harapan nila tapos ayaw pa nilang abutin? Mga paarteng pasosyal na ayaw humawak ng pera ng iba. Akala naman nila yung pera nila e sila yung unang nakahawak. E yung mga umuupo nang patagilid, tapos minsan, ang hahaba pa ng buhok? Ang sakit kaya mamilantik ang dulo ng hibla ng mga 'yan. Puwede namang umayos ng upo. Lahat naman ng nasa loob e nadudumihan at nahihirapan, nasisikipan. Nakakainis din yung mga nagpapamadali kapag late na sila, dahil sa matagal na paghihintay ng jeep ng pasahero. Okay lang sana kung pauwi kayo e, medyo may rason pa kayo para magreklamo. Pero huwag na huwag niyong sisisihin ang driver ng jeep kung malelate na kayo papunta o papasok ng pupuntahan. Baka naman kasalanan niyong nalate kayo ng gising? Ta's magrerebut kayo na late na nga kayo nagising, mabagal pa yung jeep? Paano kung ilugar niyo muna yung sarili ninyo sa kalagayan ng isang jeepney driver? Yung pamilya marahil na kanyang tutustusan, yung mga utang na hindi nababayaran, o yung kakainin man lang niya sa buong maghapon, o kung kakain man siya. Naisip niyo na ba 'yon? Maaaring hindi ang pasaherong nasa loob lamang ang pagtutuunang pansin ng driver. Baka iniisip niya rin yung mga nasa labas, yung mga maaaring makadagdag sa kanyang kita, yung maaaring mga makatulong sa kanya. Hindi yung mga tulad niyong nakasisira lamang ng araw, simula pa lamang, sa kababangon lang ding katabing pasaherong kulot.

Valentine's Day 13

Malapit na naman mag-Valentine's Day. Kasi malapit na naman mag-February. Ano na naman bang balak mo? Dating gawi na naman? O meron ka na ngayong kadate? Suwerte mo naman. E pano yung mga wala? Ikaw, ngayon, wala ka ba ngayon? Pa'no 'yan? Kakalungkot ba? Ano kayang puwede mong gawin? Gusto mo, maiba naman? Gusto mo bang mantrip na lang? Dapat may sipon ka muna, o kahit sakit na lang, na nakahahawa. Pumasok ka sa canteen, yung canteen na may water dispenser. O kung sa mall, dun sa food court. Malamang sa malamang maraming ganun dun. Yung gagamitin mong baso, nakataob dapat kapag sinauli mo. O 'di ba? Nasayang lang yung oras mo sa pagbabasa ng post na 'to. Pero hindi na rin masamang subukan yung naisip ko. Minsan, gusto ko siyang subukan. Para lang may mahawa sa sakit ko. Sa sakit ng maraming tao. Kahit na alam ko namang halos magkakapareho lang kami ng mga sakit. Masakit. Masakit siguro ang walang kasama sa Valentine's Day. Pero mas masakit yung 'di makalalabas ng bahay dahil sa sakit na ikinakalat mo. Pero mas masakit siguro yung pupuntahan yung nahawaan mo ng kanyang valentine. Paano pa kung sa'yo nangyari 'to? Magpapahuli ka pa ba? Magpahuli ka na lang. Yung tipong tatamarin ka na naman gumawa ng bago, ng kakaiba. Nasa bahay mo na naman ikaw, nagbabasa ng mga walang kuwentang nakasulat sa internet, magsusulat ng mga walang kabuluhan at 'di malupit.

January 26, 2013

Bakit?

Sabi nung isa kong prof, ang huling tanong daw, mula sa limang basic na tanong (ano, sino, saan, kailan, bakit), na matututunan ng isang bata ay ang Bakit. Bakit nga ba? Hindi ko na alam. Baka teacher o psychologist e masasagot na ang tanong na iyan. Tinamad na rin akong mag-Google ng sagot para lang mailagay rito kung sakali kasi hindi naman iyon ang nais ko na ipunto sa inyo. May nakasabay kasi ako na pamilya sa jeep noong isang linggo: may magulang, may dalawang maliit na anak, ang isa ay babae at ang isa naman ay lalaki. Ngayon, itong batang lalaki ay tanong lamang nang tanong ng Bakit Questions. Hindi ko na sila maalala kasi... kasi... may hangover pa ako ngayon. Ngayon ko na rin ginawa ito para lang maipalusot kung may tatanga-tanga akong sinasabi, which is all the time, by the way, at maipartida para kung sakaling may astig akong naisulat. Baka lang naman. Pero balik na tayo kay batang maliit. Sinasagot naman yung mga tanong niya ng kanyang mga magulang.

Pagdating ko sa bahay,  tinanong ko agad ang aking nanay kung noong bata ba ay palatanong ako. Sabi ng nanay ko, hindi raw. Depektibo ba ako? Matagal na. Siguro kasi, nung bata pa ako, pinagbabasa kami nang pinagbabasa ng tatay namin kapag wala kaming pasok at wala kaming klase. Kung anu-anong mga libro lang, maaaring fiction, non-fiction. Marami kaming libro sa bahay. Kaya siguro pagsusulat lang yung kaya kong gawin at may kaya akong patunayan. Kapag mas marami ka na kasing nabasa, mas nagiging tolerant ka sa mga bagay-bagay. Hindi mo na kakailanganin pang awayin yung mga inaaway mo dati. Maiintindihan mo na ang maraming bagay na hindi mo maunawaan dati. Mas marami ka nang masasabi tungkol sa buhay, mas makapag-iisip ka na nang malalim, mas makapagtatanong ka pa ng mas maraming Bakit Questions nang hindi lumalapit sa nakatatanda. Kayang-kaya mo na silang sagutin nang mag-isa lamang.

January 25, 2013

Mabaho Na Nga E

Bakit kapag may narinig tayong nagsabi ng "Ang baho!", sumisinghot pa rin tayo? Ito ba ay dahil sa gusto nating umaamoy ng mabaho? Tapos tatakpan din naman yung ilong agad. Bakit ba natin ginagawa iyon? Kasi lahat na lang ng taong magsasabi no'n, hindi natin pinagkakatiwalaan, maging sino pa man sila? Bakit gano'n? Simpleng bagay, mahirap paniwalaan? Yung mga sisimpleng bagay pa yung hindi natin kayang paniwalaan? Bakit kaya? Baka naman gusto lang nating nadaragdagan yung alam nating amoy? Bakit hindi? Parang puwede rin naman 'di ba? Ikaw? Bakit ba sumisinghot ka  pa rin kapag may nagsabi na ng "Ang baho!"? Tayo ako nang tayo tapos tatanungin pa rin kita kung ginagawa mo iyon? Bakit kaya? Tanga ba ako? Papalitan ko pa ba yung una kong ginamit na panghalip? Huwag na. Huwag na lang. Tutal, aamuyin at aamuyin mo pa rin naman kahit na narinig mo na.

January 24, 2013

Makaaasa Ka?

Alam niyo, puwede niyo namang ibato agad sa'kin yung responsibilidad na hinahanap niyo sa akin e. Yung tipong direkta niyo nang inuutos sa akin. Okay lang sa akin yun. Hindi yung hinihintay niyong magets ko yung mga bagay na ipinahihiwatig niyo. Akala niyo naman gano'n ako katalino para lang gawin yung mga bagay na inaasahan niyo sa akin. Huwag gano'n. May isa lang yata akong dahilan. Iniisip kong may sarili kayong desisyon sa mga bagay-bagay kaya minsan, hindi ako nagkukusa. Kapag tinanggap niyo, edi sige. Kapag tinanggihan ninyo, kailangan ninyong sumigaw, isigaw na ayaw niyo. Kasi nga ayaw niyo naman talaga. Mauunawaan naman siguro kung sobra-sobrang pamimilit ang inyong gagawin. Wala rin namang hiya ang maraming tao, minsan, makisabay rin kayo, kasi tao rin naman kayo. Huwag kayong magpakaplastik na kailagan, kailangan niyong gawin ang hindi kayang gawin ng iba, kasi iba ang sinabi ng iba. Kapag hindi sila nakinig sa inyo, lakasan niyo pa. Kapag hindi pa rin, sigawan niyo na. Kapag ayaw pa rin talaga, bulyawan niyo na nang pagkalakas-lakas hanggang sa umalingawngaw na nang matagal sa dalawang butas ng kanilang mga tenga. Kasi sino pa bang magtatanggol sa inyo sa huli kundi ang mga sarili ninyo? Kapag namatay o nalayo ang lahat ng taong kilala mo sa inyo, may gagawa pa ba ng mga inaasahan niyo? May aasahan pa rin ba kayo? May kanya-kanya tayong inaasahan, oo, katulad ng nabanggit sa itaas kanina na inassume kong kaya ninyo kaya 'di kayo tumanggi nang bongga o inassume niyong nagegets ko ang lahat kaya baka naman magkusa ako. Mahirap talagang umaasa pero sana, kung ako lang din naman yung titirahin, sabihin na lang nang direkta sa akin para wala nang nangyayaring pagkayamot, pagkarimarim.

January 23, 2013

Okay Lang Ako

Gusto mo bang maging okay lang? Gusto mo ba? O gusto mong maging sobrang ganda? O sobrang guwapo. Ano ba talagang gusto mo? Kasi kung guwapo o maganda ka nga naman, maraming magkakagusto sa'yo. Gano'n kadalas kababaw yung mga tao e. E tao ka rin naman. Gano'n ka rin naman kababaw. Kalabaw. Jeep. Paano kung nasa jeep ka, tapos may sobrang ganda na kapwa pasahero mo? Kung ako ang tatanungin, hindi ko siya tatabihan. Kasi nahihiya ako sa kanya. Torpe ako e, kahit na wala naman talaga akong planong kausapin siya. Basta. Nakakahiya. Doon na lang ako tatabi sa okay lang. Yung okay lang. Yung okay lang? Yung hindi panget, pero hindi rin maganda. Yung okay nga lang. Paano kung guwapo? Hindi ko pa rin tatabihan. Kasi baka magmukha akong bading. Ang daming bading ngayon na sayang. Ang dami ring lesbian ngayon na mas astig pa sa akin. Kasi nga nasa okay lang ako. Ikaw? Gusto mo bang natatabihan sa jeep? O yung nahihiya na lang sa'yo madalas yung tao sa sobrang kinang ng iyong pagkatao kaya lumalayo na lang sila sa iyo. Maliban na lang kung artista ka. Pero kung artista siya, ididikit mo ba yung balat mo sa balat niya? Kung ako ang tatanungin, mahihiya na lang din talaga ako. Mas okay pa sa'king masagi ang balat ng taong okay lang, kaysa sa balat ng diyos o diyosa. Parang nakakahiya. Parang 'di ko sila kapantay kahit na mas matalino pa ako sa kanila. Kasi nga okay lang ako. Ikaw, okay ka lang ba?

January 13, 2013

Karapatan Nila, Natin

Ang sampung karapatan ng mga bata ay binuo para lumaki nang maayos ang mga magpapatuloy ng nasimulan ng mga nauna. Dapat silang ingatan, hindi lamang para hindi masayang ang pinagpaguran ng kanilang mga susundan kundi ang lahat ay mayroong karapatang maranasan at maunawaan kung paano mabuhay. Mula sa sampung karapatan ng mga bata, nais kong unang pansinin ang karapatan nila na magkaroon ng sapat na edukasyon upang mapaunlad ang kanilang kakayahan at talento. Hindi lamang ito naididikit sa paaralan at iba pang institusyong labas sa kanilang tahanan. Kasama na rin ang mismong ginagawa ng kanilang mga magulang para matuto ang kanilang anak na tumuklas at mamulat sa mga bagay-bagay. Hindi rin naman lahat ay kayang ituro ng mga magulang kaya mayroong karagdagang gabay ng paaralan. Ang pagpasok ng bata sa paaralan naman ay kailangan pa rin ng patuloy na suporta ng magulang  hanggang sa kanyang paglaki. Nabanggit din ang tungkol sa talento ng isang bata na sana’y hindi pinipigilan ng mga guro o magulang na kung saan maging sana’y napahuhusay ng mag-aaral kung ano ang gusto niyang ginagawang hindi naman labag sa moral ng nakararami. Ang isa pang karapatang nais kong pansinin ay ang karapatan ng isang bata na mapangalagaan at matulungan ng gobyerno. Dito na kasali ang paglalaan ng gobyerno ng panahon at pera para matugunan ang ilan pa sa mga karapatan ng bata na malapit sa mga pangunahing pangangailangan ng tao. Dito nga lang kaso sa Pilipinas, marami pa ring palaboy na kabataang kumikita na lamang sa pag-aabot ng envelope sa mga pasahero ng jeep, pagtugtog ng tambol sa mga bungad o pabiglang pagnanakaw ng mga hikaw. Hindi naman sa nakaiistorbo sila’t mababaho sa pang-amoy ng mga nagcocommute tulad ko ngunit nasaan na ang aksyon ng gobyerno para sa mga ganitong problema? Hindi ko rin naman sigurado kung may magagawa ako, natatakot na hindi mapakinggan o tinatamad tumulong at puro hanggang sa salita na lamang. Ang huling karapatang  nais kong banggitin at punahin ay ang karapatan ng isang bata na maipahayag niya ang kanyang saloobin, opinyon at ideya. Totoo nga bang ang lahat ng opinyon ay tama? Magandang nahahasa ng bata ang ganitong mga bagay para malaman nila kung tama ba ang kanilang iniisip. Ang pakikilahok ng isang bata sa isang maliit na debate lamang ay malaking bagay na hindi lamang sa pagtulong sa mahusay na pakikipagtalastasan at talas ng pag-iisip ng isang bata kundi nang kanyang maagang matutunang wala sa edad ang pagtatanggol sa sarili, o kahit sa kapuwa o sa ano pa man. Maaga nilang mapagtatanto sa ganitong karapatan na mayroong tama at mali. Kaya dapat, hindi sila pinipigilan o nililimitahan sa kanilang pag-iisip. Kailangan lamang silang gabayan. Kaya dapat, hindi lamang ang suporta ng kanilang mga magulang at ng paaralan ang natatanggap nila, kailangan din nila ang kalinga ng gobyerno. Kaya dapat, maaga silang natutulungan, namumulat. Dapat alam nila ang kanilang mga karapatan.