December 28, 2020

FlipTop - BLKD vs Fukuda

Round 1

BLKD

Ako'y magbabalik, mas nakamamatay, parang polyo at tigdas. Walang bakuna sa bakunawa. Sa kagat ko, walang ligtas. Matapang ang dura, makamandag ang bigkas. Mga linya mong pintas, pigtas sa mga bara kong bigwas. I'm just showing you the ropes nang magamit mong kwintas na bigla kong hihigitin, parang madaliang pagsintas. Sige, piglas, piglas. Lagot ka sa lalamunan mo. Gulay ka na lang na matatauhan sa katauhan ko. Ako'y choker na, choker pa. Kamatayan mo, kabiguan ko. 'Wag kang mag-alala, awa lang kakalimutan ko. 

Ba't ba Fukuda pangalan ng wirdong 'to? Nung una, 'kala ko Hapon, parang itsumo. Kagay-anon lang pala 'tong maiinjure ko. Uuwi 'tong dormitoryo. Patay ka sa senior mo. Magrarival kang mala-Righteous One sa videong 'to. Mapapahiya ka na lang na aking pabababaing lumpo. 

Zeus 'to. Zeus ko. Lintik 'to sa henyo. Limot na eksperto, Bourne sa engkwentro. Malalamon lang sa 1-on-1 'tong Fukuda kay Sendo. Nangknockout kaya knockout lang 'to pagconnect ko. Smash 'to sa right ko, sakto sa left ko. Balikan, salitan parang kwento, Memento. Wala nang defense 'to. Hindi na bitin 'to. Umalis ka na sa metro dahil wala ka naman sa tyempo. 

Panay claim lang sa Mindanao parang presidenteng ama. Ang tanong: Yung Mindanao, cineclaim ka ba? Akala mo pambato kung makaasta ka. May Mindanao event na bang nagheadline ka na? Anong Batas ng Mindanao? Si Dopee yun, tanga. Giba!

Round 2

BLKD

Panay generic diss na naman sa 'king pagkamakabayan. Sa dami kong ipinaglaban, wala kang mapangalanan. Panay paratang lang naman 'tong wala pang napatunayan. Anong ambag mong kahusayan? Sulat pangkinder? Mga ideyang mas kalat pa sa nasalanta ng twister? 'Yang 'stilo mo, minashup ng fucked up na mixer. Kinulang sa Kregga, sumobra sa Stifler. Pang-Chicser ang intel, ta's Hitler depiction? Marupok ang mga bara, matigas lang yung diction. Imelda ang tema ng Fukuda condition. Hanggang ngayon, walang bars. Puro lang conviction.

Kung mismong mga titik ang titiktikan, maiintindihang walang ititindi 'yan. Hanggang lisik at litid lang init na 'yan. Parang plumang natuyo na, pinilit na lang. Malabo ang sulat, dinidiinan. Kung magrap 'to, Rambo, mukha lang tanga. Full battle gear ang kargadang dala. Paglift ng machine gun, game over ka na. Galit na galit. Pagkalabit, water gun pala. Malakas lang ang sigaw, rap battler ka na? Paulit-ulit ang bitaw. Magbarker ka na lang. One-dimensional. Materyal, walang volume. Rap mo, mere volume. Rap ko, speaks volumes. Sakit ka lang sa tenga. Ako, abot-damdamin. Lampas na sa paangasan ang mga habol kong hangarin. Sigaw mo, pang-utak-hangin. Sigaw ko, pam-Pugad Lawin. Punit!

Round 3

BLKD

Sabi niya galing daw sa Negro ang konsepto ng FlipTop. Gago, sa mga Negro galing ang buong hip hop. Siya raw ang Uprising killer. Hayop sa branding. Paborito ka lang naming kalabanin 'pag sparring. Yung 'stilo mo at skills mo, consistent ang landing. Kaya saktong praktisan, saktong pangstand-in. Kaya mong manalo at sumapaw sa standing pero malabo kang umabot sa rurok ng ranking. Mga tulad mo, walang karapatan sa kategorya ko. Mga sulat mo, mas kulang-kulang pa sa memorya ko kaya tapos na 'to. Tamang lakas para maging brusko kami. Tamang wack para mainsulto kami. Who's who kami. Who you ka, pre. Sa hatol ng kasaysayan, walang may pake.

Kung ako, walang masabi, ito, walang sinatsat. Wala na ngang sinabi, wala pang binatbat. Dapat sa 'yo, binabat, binibitin patiwarik. Ipunin ang dugo sa ulo at hatawin pabalik. Basag ang bungo parang niyog na minaso. Wasak ang mukha parang obrang Picasso. Tanggap ko kung wala na 'ko sa top 5 niyo. Babalik rin ako sa top 5 ng mga top 5 niyo.

December 21, 2020

FlipTop - BLKD vs Frooz

Round 1

BLKD

Patawad na naman sa pagkadarang ko, sa pansamantalang pagsuko sa mga pasan-pasan ko. Sibak sa Isabuhay pero sakto bagsak ko. Talo kay Poison kaya hindi na threat kaharap ko.

Frooztreitted Hoemmizyd? Pangalan pa lang, failure na. Dapat Plagiarism na lang. Mas akma sa nature niya. Kung basag-ulo hanap niya, wasak ang cranium niya. 'Tong binangga mong BLKD, materyal, vibranium na. Alyas niya, perwisyo. Spelling, pampahilo. Ang hirap baybayin parang inaangkin ng Tsino. Mahirap pang spellingin sa pasibong agresibo, Parang pinaspell kay Badang tapos tinype gamit siko. Talino na presinto, nagkaalyas pa. Frooztreitted Hoemmizyd? Kaso na, bansag pa? Anong gusto mong iparating? Masama ka na, palpak pa? 'Di man wrong spelling, wrong, sa labang 'to, bagsak ka. 

Napilitan lang magname change para dignified naman. Inetsapuwera ibang letra para simplified naman. Kaya 'ko hinarap ng pacutiepie na 'yan, nagsawa nang manghomicide, nagsuicide na lang. Kawawa ka naman, may dekada mang head start. Binabata na lang ng bagong nag-angat ng benchmark 'tong dating bata ng bata ng bata ng bata ng bata ni Denmark. Kawawang utusan. Kutusan ka lang, kolokoy. Totoy, sunud-sunuran ka lang parang convoy. Kaya anong Frooztreitted Hoemmizyd? Baka Frustrated Homeboy. Go home, boy!

Round 2

BLKD

1-2-3 to the 4. F-R-double O-Z D-O-double G. 'Pag walang braids, mukhang sunog na broccoli. Prodigy ng napaglumaang comedy. Noveltyng gasgas na ang poetry. Pa'no mo 'to iisahan ng monotony. Saksakan 'to ng utak, lobotomy. 

Pwe! Pang-aliw ka lang sa stage. Nauna ka sa game pero iwan ka sa grades. Magkaiba timbang kasi magkaiba ang strains. Ako, kilala sa brains. Ikaw, kilala sa braids pero hairline, airline. Taas na ang naabot. Kawaii na LeBron, long back na panot. Anong hairstyle ba 'yan? R. Kellyng nabarat? Ignition sa likod? Conviction sa harap?

Bounce, bounce, bounce. Ako'y sanay sa kaliwaan parang south paw. Wala 'kong balak makascore mula sa past mo, sa mga tsismis na walang papel sa rap mo. Ang tanging hihimayin ko lang, 'yang pagkawack mo. Wala nang research-research pang magarbo. I'll just show you how I roll as I rap raw.

Sakto, ganado, kaya sorry ka. 'Tong Frooztreitted maya-maya, Vizconde na. Post-battle interviews, sa morgue na. 'Yang kalawakan ng utak mo kahit magtsongke pa, mas makitid pa sa pananaw mong matapobre ka. Mga pasabog ko, Big Bang, baka doble pa. Tamang neuron ko lang ang Andromeda. Ako nakikita ng aliens 'pag sabog sila. Corny ka!

Round 3

BLKD

Ang katawang lupa'y sadyang kulang upang tunay na mabuhat ang kalawakan ng aking diwang may bigat na 'di masukat. Parang nagpasipsip ng buong karagatan sa munting bulak. Kung maiisip mo naiisip ko, sasabog ang 'yong utak. "Blow!" sasambulat. Literal kang mind-blown. Mahula kang barong-barong sa sagasa ng cyclone. Magkaiba ating laban, iisa man ang war zone. Ika'y payasong nakatulala sa sugod ng bomb drone.

Oo, madalas makalimot ng mga dapat ibira. Sobrang lakas ng bara, makapigil-hininga. Kaya crowd ang nagchochoke basta't mayari ang atake. Ano ba espesyal dito? Tamo, wala silang masabi. Kaya marami mang mas consistent at mas desperado, ako pa rin ang cinacall out ng mga respetado. Pa'no, dagdag-kita lang sa 'yo 'tong competition. Wala ka na nga sa Blind Rhyme, wala ka pa ring vision. 'Pag wala nang maibara, nanlilimos-talino. Kawawang parang Sisa, panay tawag kay Basilyo.

Kaya hindi homicide. Homily ang mga bolang hinoard kasi mga sermon mo ay batay lang sa sulat ni Lord. Kapag 'di pinagbigyan, kumokopyang minimal. Umaasta na lang siyang sa pamilya, kriminal. Itinakwil tuloy ng family kasi crazyng literal. 

Animal, mascot ka ng wack rap. Habol lamang ay halakhak. Ako, walang takot mapahamak. Blast off. Mask off. Cumoclock back. Roots ko, Black Thought. Sa 'yo, Black Jack. Wack!

December 14, 2020

FlipTop - BLKD vs Poison13

Round 1

BLKD

Naisipan ko sanang magjoke rin. Alam niyo ba ang formula ng Poison13? Oil, coke, virgin, soy sauce, vetsin. Corny. Naisipan ko rin magcostume, may katauhang arborin. Parang Mokujin. Ano 'ko, gago rin? Ang porma ko, walang gimmicks. Wala mang armor, king. Kaya sinong tinakot mo sa simpleng tricks pang-Halloween? Hindi ako dinadaga sa Poison. Wa-epek 'tong Racumin.

Over na para sa poser na may bahid ng modtaks ko. Giyera na. Watch and learn. Maya-maya, biglang todas 'to. It's military time, 13. Bilang na ang oras mo. Olats 'to. Boplaks 'to. Kaya lang, in denial. Lamon sa 'kin 'tong Poison na parang suicidal. Hulmadong Loonie style niyan. Kay Sixth Threat rumarival. Pa'no ka naging Poison kung puro ka revival?

Tanong: Ang poison ba 'pag expired na, pumapatay pa rin? Kung oo, yung poison ba, o expiration ang salarin? Bawat bala ko, may punto, may puntong babalangkasin. Iba ang tunay na mabisa sa tsambahan ang galing kaya matapang man 'tong Poison, sa 'kin, panis pa rin. Sasadistahin hanggang maging labintatlong ulit sinunog, hanggang 'di na maatim. All rounds, matalim pa sa lanseta 'pag sumayad ang lagim. 

'Tong beteranong up-and-comer, bagsak sa 'king dating kaya galaw-Lupin ka man, wala kang takas, Poison, sa mga tira kong tutok-Jigen at talas-Goemon. Bawat diss, play. Laruan ko, pangtoycon.
Pagtama ng hampas, kalas-kalas ka parang Voltron.

Round 2

BLKD

Socrates, patay sa Poison? Ninakaw mo lang kay Abra yung play mo. Kaya kong sumabay kay Aristotle. Kaya kong basagin si Plato.

'Tong Isabuhay, biglang buhay sa mga career na tulad mo, wala na talagang igagaling pa kaya naman galing niya, sa kanya, proud na proud - proud na proud sa panggagaya. Taktika raw 'yan. Wala raw pandaraya. Talent niya 'yan. Proud sa panggagaya. Talagang talent niya 'yan. Wala raw pandaraya. Taktika lang.

Mokujin, Mokujin. Proud na proud sa panggagaya. Talent raw 'yan. Wala raw pandaraya. Taktika lang. Para iwas-batikos, inamin na lang. Ginamit niya pang branding na lang. Nung Round 1 ko kay Dello, nasabi na 'yan. Mismong titulo mo, nakaw. Akin na 'yan. Marami kang nalilinlang sa panggagayang ginawang forte. Halatang-halata na talagang sobra na 'tong 13 sa pang-oonse.

Round 3

BLKD

Iba ang fist bump sa fist pump. Mali ka ng kalikot. Parang bars ko nung round 2, ibabaon kita sa limot. 

Kaya malabong maging close fight 'tong all hype sa all might. Epileptic kang napagimik, at napatitig ka sa strobe light. Pangshort time kanyang foresight. May sore eyes ang foresight. Sa battle rap, parehong wack ang mag- at magpaghostwrite. Kaya bago ka magmataas, umayon ka sa short height. 'Pag 'di kita natantya, hahatulan ka ng .45, o kaya naman long pipe, scope-night, tututukan ka all night. Pagbite ng Poison, bagsak agad parang Snow White.

Siya raw ang bata ng Bataan. Handa na raw mangmama. Natuto lang sa panggagaya. Talagang galawang bata. Panay lunok naman sa takot sa utak kong pawala-wala. Ako ma'y may choking hazard, 'tong napasubo, bobong bata. 

Bars mo, panghahamak. Bars ko, kapahamakan. Hamak kang bataan. Ako, ganap nang batayan. 'Di ko na nga minarathon yung laban mo. Sa ilan lang, secure na. Inunti-unti ko yung Poison kaya immune na. Aral ko na 'tong Poison parang med school. Mahusay lang pumlaka parang Tres Kul. Kulang ka pa sa lakas kaya ka walang talab sa Deadpool.

December 7, 2020

ilang punto sa grammar ng tagalog


'Di ba at na lang

Dalawang salita ang 'di ba from hindi ba. Isa pang patunay is puwede siyang singitan ng po, 'di po ba?

Walang salitang nalang. Dalawang salita rin yun. Na at lang. May pa, ba, na, din/rin, lang, pala, nga, at naman tayo sa Tagalog.

Din/Rin, Dito/Rito, etc.

Kahit ano ang puwedeng gamitin actually. Mas madulas lang sa pagbigkas kapag /r/ sound yung gagamitin after a vowel/semi-vowel (/y/ or /w/) sound.

e.g.

ako rito
bahay riyan
lugaw rin

Hindi rin naman mali kung /d/ ang gagamitin.

ako dito
bahay diyan
lugaw din

Maylapi

Laging nakakabit ang panlapi sa salitang ugat, maging sa maylapi, o sa kahit na ano. Hindi puwedeng hindi nakakabit ang isang panlapi.

May hyphen 'pag nagtapos sa consonant ang prefix tapos nag-umpisa sa vowel ang root word.

pag-asa
pagtulong

nag-isip
nagtanan

mang-away
manggulo

'Pag nagtapos sa vowel yung prefix, walang hyphen sa kahit na ano.

paayos
pagamit

maayos
mataray

naiyak
natapon

napaiyak
napasulat

iayos
ibigay

pakiiwan
pakibigay

nakiisa
nakitulog

kauhaw
kabusog

tagaigib
tagakuha

pinakaayaw
pinakamapagkakatiwalaan

Exception yung um- at in- dahil sa pagpapantig/syllabication.

umasa
inisip

Exception din yung mga hiram na salita or pantanging pangngalan.

nag-Japan
ka-ML
ka-college
taga-Japan

Pero minsan, may ibang writers na sinusunod pa rin yung consonant-to-consonant rule 'pag hindi pantangi.

nag-Japan
kacollege

Disrupted kasi yung pagbasa kapag gitlapi sa hiram na salita.

chinarge
ch-in-arge (?)

Pangkasalukuyan / Panghinaharap

umaasa / aasa
iniisip / iisipin

nakikiisa / makikiisa
nakikitulog / makikitulog

nag-iisip / mag-iisip
nagbibigay / magbibigay

NG at NANG

Basta kapag noun yung tutukuyin, ng.

e.g.

Kumain ng masarap. (noun; Hindi pang-uri kasi walang salitang inilarawan.)

Kumain nang masarap. (adverb; paraan ng pagkain)

Kumain ng masarap na pagkain. (Pagkain yung tinukoy rito at hindi yung masarap.)

Pumasok ng lasing. (As in taong lasing yung pinasok.)

Pumasok nang lasing. (Lasing nang pumasok.)

Lasing nang pumasok. (Pumasok nang lasing.)

Lasing ng pumasok. (Pagmamay-ari ng pumasok ang lasing.)

What if 'di mukhang noun ang noun?

Madalas ay receiver/doer ito ng action, or may naglalarawan sa kanya na adjective.

Mukhang Verb

ex. Naghanap ng tuturuan.

Noun ang tuturuan dito. Imposibleng receiver ng action ang isa pang verb.

ex. Natuwa siya nang turuan ng guro.

Verb na ang turuan dito. Hindi na siya noun.

Mukhang Adjective o Adverb

ex. Kumain ng marami.

Hindi puwedeng tumanggap ng action ang adjective. Ang puwede lang maging ang marami rito ay isang noun.

ex. Kumain nang marami.

Paraan ng pagkain ang gustong ipabatid, kaiba ng nasa taas na ano naman ang kakainin.

ex. Kumain ng maraming pagkain.

Pagkain ang tinutukoy ng ng dito, hindi ang marami.

Iba pang Anyo o Parirala

ex. Kinain ang spaghetti ng nasa restaurant.

Doer ng action ang nasa restaurant.

ex. Kinain ang spaghetti nang nasa restaurant.

Bahagi ng adverb ang nasa restaurant, hindi doer ng kinain.

Alalahaning maaaring possession ang indikasyon ng ng depende sa mga salita/konteksto na nakapalibot dito.

e.g.

tae ng tae - pagmamay-ari ng tae ang tae
tae nang tae - sunud-sunod o maraming pagtae

wala ng pakialam - pagmamay-ari ng pakialam ang wala
wala nang pakialam - pagkawala ng pakialam

Iba rin ang wala na'ng pakialam (kung wala na ang pakialam ang nais ipabatid). Iba ito sa wala nang pakialam.

Mapapansing depende sa kung ano ang gustong ipabatid ang paggamit ng ng at nang. Iba rin ang na'ng (na + ang) sa nang.

O at U, Inuulit na Salita

Nagkaroon ng pagbabago sa rules pero dati, nagiging U yung O kapag nagkakaroon ng pag-uulit sa salita.

nagtulung-tulong

Ngayon, binago na yung rule. Kahit 'di na gawing U ang O.

nagtulong-tulong

Maliban sa payak at maylaping mga salita, mayroon din tayong inuulit na salita. Ginagamitan ng hyphen ito kapag inuulit ang isang payak na salita.

tulung-tulong
tulong-tulong

Ngunit kung walang nag-eexist na salitang payak kung 'di ulitin ang tunog, payak lamang itong salita.

paroparo
alaala

Walang mga salitang paro at ala.

magandang maganda - maganda na maganda
magandang-maganda - sobrang ganda
maganda-ganda - medyo maganda
ang ganda-ganda - sobrang ganda

Mayroon ding nangyayaring pagbabago sa baybay sa tuwing kakabitan na ng hulapi ang salitang ugat na nagtatapos sa U, o mayroong U bilang patinig ng dulong pantig.

upo + an = upuan
putok + an = putukan

Paki- at Paki

Iba ang paki mula sa pakialam, at iba rin ang paki- na prefix.

e.g. Pakihanap naman ng paki ko sa mga sinasabi mo.

Pagka- at Pagka, Pag- at 'Pag

Iba ang pagka- na prefix sa pagka na pangatnig. Ang pagka ay singkahulugan ng kapag.

e.g. Pagka ginaya mo ang pagkatao niya, sino ka na?

Iba rin ang 'pag mula sa kapag, at iba rin ang pag- na prefix.

e.g. 'Pag iisipin mo ang pag-iisip niya, mahirap isipin.

Pa- na Prefix at Pa na Enclitic Particle

Iba ang pa- na unlapi sa pa na particle sa Tagalog.

e.g. Pakuha naman ng walis at magwawalis pa ako.

Na- na Prefix at Na na Enclitic Particle

Iba ang na- na unlapi sa na na particle sa Tagalog.

e.g. Nakuha mo na ba ang sinasabi ko?

Pang- at ang Katinig na NG

Ang prefix na pang- ay somehow nagsasaad ng function, o iba pang action. Nagbabago ang tunog ng katinig na ng na bahagi nito depende sa puwesto ng dila, at puwede pang umabot sa antas na spelling.

pang + kuha = pangkuha

Nagiging panguha rin ito kung minsan.

P at B

pang + pusta = pangpusta = pampusta = pamusta
pang + baboy = pangbaboy = pambaboy

D, L, R, S, at T

pang + dinuguan = pandinuguan
pang + ligo = panligo
pang + sigang = pansigang

And so on, and so forth.

Pinaka- at Napaka-

Prefixes ang pinaka- at napaka-.

pinakamapagkakatiwalaan (root word: tiwala)
napakamatulungin (root word: tulong)

'ng vs. -ng

anong = ano + na
ano'ng = ano + ang

English vs. Tagalog

Mas okay kung grammar lang ng isang wika ang gagamitin at hindi yung pinagsasabay.

e.g.

mga chair
chairs

Mali ang mga chairs.

nabore
got bored

Mali ang nabored.

May kakayahang manghiram ng salita ang lahat ng wika. Kung nasa grammar pa rin nito ang ginamit, nasa ganoong wika pa rin ito at hindi sa Taglish.

e.g.

Kumain ako ng rice.

Hiram na salita ang rice pero hindi Taglish ang pangungusap kundi sa Tagalog pa rin.

I ate kanin.

Hiniram ng English ang kanin ngunit wala rin ito sa Taglish. Nasa English ang grammar kung kaya't wikang English lamang ang ginamit dito.

'Tang Ina

Walang salitang tangina. Dalawang salita ang 'tang ina mula sa putang ina. Ito ay murang may strukturang putang (puta + na) at ina.

Ang puta ay nangangahulugang prostitute sa wikang Espanyol. 

Kung murahin man ang ina  ay maaaring dahil sa ang isang ina ang isa sa mga pinakainiaangat na nilalang sa maraming kultura. Siguro ay dahil sa may kakayahan siyang magdala at magluwal ng panibagong buhay na lalang sa mundo.

May mga kultural ding pagtingin sa isang taong marami nang nakasalamuhang sekswal kung kaya't ang pangmamatang ganito ay naisasambit bilang pagmumura sa kapuwa.

Payo ko lamang ay huwag mumurahin ng putang ina mo ang iyong kapatid dahil pareho kayo ng nanay.

November 28, 2020

Life is somewhere.

Life is some here,
Life is some don't.
Oftentimes, life is I won't.

Still,

Life will bide its time
Where both endless meet.
No one always had enough
To let sick and tired sit.

Life goes nowhere,
And life may be gone.
Life may not go on
To as much as beyond.

November 21, 2020

Minsan nang naging okay
Sa akin ang mga paminsan.
'Di na bale ang mga paalala.
Basta kung 'di na maalala,
Nako, baka malala na, at 
Hindi na maaari sa maaari
Kung lalang babalikan pa.

Pagod lang siguro rito banda
Kung sakaling may lusot pa
Akong mga hiblang hayok sa 
Iyong makikitid na paalam.

Ipaalam nawa sa akin ang
Aking mga naiwang balikan,
At nang mabuong muli ang
Binaklas sa pira-pirasong
Mga luha at paghihintay,
Makasakay lamang at hindi
Lamang mag-iwan ng huling
Mga bakat, huling mga silay
Sa buwan, huling mga sinding
Simpalad ng mga alitaptap
Sa ginaw, sa koro ng mga
Palatusok na ararong ilaw.

Bigyan mong muli ng isang
Pagkakataong makahanap
Kaming muli ng paglalasapan
Ngayong gabing lakad lang
Ang nagpagising sa init, sa
Uhaw na dulot galing berso.

November 14, 2020

I love sadness... somehow.

Some of my times, and not
Some of your times, some
Of someone's times, my
Loving sadness knows me.
Sadness recognizes me,
Sadness hugs the shit

Out of me.

I am here, and sadness...
Sadness stays with me as if
Clouds weren't really made
Of water but just of dust
From my tears and flies,
Whispering through thin air,

And oh how I wish that
When the deepness of my
Calm starts to again frighten
Every intent of my bones,
Sadness finds every way
To match and make my
Sheets warmer, better,

And although sadness isn't
What's not often with my
Spares, 'tis truly sucked into
How sometimes has been

Enough.

November 7, 2020

Butas-butas ngunit tapos na,
Obrang halaw sa nakaraan.
'Di na masabi pa kung sino
Ang unang nagsabi ngunit
Walang galit sa kung bakit
Inumpisahan ang pagsasabi.

May pakialam sa paghusgang
Malapit sa nakalayo na pero
Paalalang may misteryong 
Kung anong paglikha ng isa-
Sa-isang pagtatagpo, walang
Agarang pagdiin; mayroon 
Lamang pagbakat sa kung
Sino ang may salarin sa mga
Bagay na bistado subalit may
Patagong pagharang. Galit na
Galit sa abo, suklam na suklam
Sa hibang dahil sino nga bang
Ehemplo, may tunay ang tagay?
Lihim pa ba ang mga goyo,
May paglambing na lumanay?

'Pagkat iwanan mang marka
Sa bawat pahinang ibubuklat,
Sakaling umeksenang pitik
Ang mga alikabok sa harap,
Sasaan ang mga mistulang
Pangingirap nating paglingon,
Pasalamat na siguro kumbaga
Para sa lahat ng pag-inom,
Paghithit hanggang pagbuga.

October 28, 2020

Kahit pang magtalukbong, magtago
Palayo sa'king dalawang palad na
Natitirang aking mga kaibigan, silang
Dadalawang nagpapairal ng aking
Mga tindi, aking mga nalalaman,
Kakalabitin at kakalabitin pa rin ako
Sa aking mga hindi mababantayang
Mga puwersa, aking pruweba na 
Wala naman na talaga akong hawak,
Ni walang masasalo, walang maisara
Kahit pa panay bukas ako, tingnan ito,
Mga nagbabalatkayo, mga walang
Sinasanto. E ako lang naman ito, may
Layang hindi tunay, may yamang 'di
Karamay hanggang lagpak sa halong
Semento, luha, lupa, at tubig-ulang
Yayakap sa ating mga pagtawid kung
May yari mang naglalakad at tapos ay
Sasaidsid sa gilid, maski pang saidsid
Tungong butas na hindi na kailangan
Pang talunin, hakbangan, kakalabitin
Akong sawa na pero babalik-balikan.

October 21, 2020

Hala ka! Ano na naman itong
Bagong pananggulo? Parang
Nagkaroon ng pagbabagong
Takot na sasalimuot sa aking
Kasisigla lamang na pamalay.

Ang sa aking alam, hindi ako
Tumakbong paruyan ni tilang
Away ay ibinanda ko nang sa
Layong puntang mga ulap na
Ginusto ko na lamang umayos,
Manahimik, gumitnang ayaw
Sumipot sa kahit ano pa mang
Mga pagtutunggali. Ako na
Lamang ito, akong may paki pa
Ngunit may yari nang taklob.

Kahapon, hindi matigil ang 
Paglalakad nang paikut-ikot.
Naghahanap ng paboritong
Pelikulang nakakatakot, patay-
Siyang pagwawalay rin na,
Paglalawayan ding paraya.

Huwag na sanang mag-alala,
Tatawang paluha, titindig ang
Pagwasiwas ng pinaglumaang
Mga tugtog nang makita ng
Aking mga paninging matagal
Nang nagbubulag-bulagan.

Hindi nang maiintindihan ng
Lupa, ng hanging may kalabit
Sa aking balahibo sa batok.
Ngingisian ako ng paglamig
Pababa dahil nalalaman niyang
Naghihintay lamang din akong
Matapos ang kani-kanilang
Mga gawain sa loob ng isang
Minuto, tatlumpung segundo.

Pagbabawalang batuhan ng
Patibong ang mga sigaw na 
Nang sigaw hanggang bumagal
Ang mga binting ito, hindi na
Gagana pa matapos kumaripas
Galing pag-aayos ng dilim, 
Pananampalatayang layo sa loob.

Payag na sa pagpapatotoo ng
Natitirang isang kilos na tuloy
Pang magpaparaya sa maraming
Kulit, pagbulong sa daluyang 
Lubid at itim. Salamat na lamang
Sa lahat, sa lahat ng ibang wikang
Pag-ibig, pag-unawa sa aking
Madalas na ginawing puso,
Akap-akap ang aking unan,
Halika't sumandali muna sa'kin.

October 14, 2020

Napagbigyan ng pahinga nang
Tatlo hanggang limang pagtulak
Dahil sa ayaw na ipagkaloob na
Pagsalok ng 'di na mahalimuyak
'Pagkat sipaging unahin man ang
Sarili mula sa ibang walang sarili
Kundi ang kanilang mga sarili sa
Harapan ng mararami, ang sariling
Kubli sa karamiha'y sariling iwang
Mabuti na't wala na sa sarili, diling
Pinagbigyan marahil ng pahinga
Mula lima hanggang naging tatlo
Lamang. Itinulak habang nasalok
Kahit sipagin mang unahin ang
Hindi naman kani-kaniyang sarili.

October 7, 2020

Sa asal mong iyan maski pa
Pati ng iyong mga kasama,
Bakit sa tuwing may hinging
Pag-intindi, hinging paluwag
Sa atin-atin lamang na mga
Piring ay bigla-biglang yumi't
Maglilikot at mananadyang
Parang wala na naman na 
Yata pang iniinda, kahit pang
Sumabat ang kahit na sinong

Ina.

Mutang pabalik-balik 'pagkat
Anumang igulo ng mga igpaw
Sa taingang pagod at tulog
Ang balikatang pinagkaibigan,
Dinudulong umasa pang kuwit,
Hindi man lang humawig pang
Kusa sa kung waring aakyat at
Bababa rin matapos salubungin
At sabihan ng nag-iisang tinig,
Nagmumurang mga gilagid,
Hindi na maaawat pang hampas
Mulang kaliwa, sasalubungin
Naman sa kanan. May pekeng
Mga pag-iling, paunting mga
Konyat sa puso, mumunting 
Kantahang daig pa ang karaoke
Sa tapat ng simbahang sarado.

Lalampas ang sandali. Lalabian
Ka pa ng guhit nang idinikit ay
Sa kisame't sahig. Dumating din
Ang araw na mamamali ka ng
Tantya sa kani-kanilang mga
Ipinakikitang maskara. Sa mga
Abong kanyang pipitikin sa 
Umpisa, sa mga iniwan nang
Mga alaalang sinusuyod at 
Tuluyan nang naiwang apat na
Sumbat ng hudyatang hangin,
Tumba pa ring hinga sa tabi ni

Ina.

September 28, 2020

Kung sa bakit bang sa
Tuwing nagkakaroon ng
Magkabilang 'di naman
Magkatunghayan kung
Araw-araw, ay bakit sising
Agaran ng pagkakamali
Kahit na may sa hindi rin
Naman katarungang tila.

Hindi namang nauulit
Ang mga napag-aralan
Nang sana ngunit bakit
Nauulit pang dapat na
Pangaralan ang mga
Hindi naman na dapat
Sana. Kailan kaya na
Mag-uumpisang umanib
Sa puwersang pakandili,
Pakumbaba ang mga
Buo naman ang loob
Pero nasa 'di katiwasayan
Ang pag-ibig sa kapuwa?

Sarili ang mas mahalaga
Kaysa sariling maiiwan.

Bakit nauuwi na lang sa
'Di na baleng ubos ang
Ang natitirang agnas
Basta't 'di balewalang
Ubos ang lahat ng sa
Makakalaban. Anong
Tipan ang narapat na
Mag-ipon ng makaaway
Kaysa katipan sa pag-ibig
Sa bayan at sa kapuwa?

Alin ang mas mahalaga?

September 21, 2020

Miss ko na ang amoy mo
Pati mga patimplang minsang
Kape sa umaga, minsan din
Sa tanghali sa kung madaling
Maghahanapan ng bagong
Palipas-pangarap, palublob sa
Iba-ibang parikit ng ating
Nag-iisang kumot, nag-iisang
Init sa ginaw na dulot lang
Din naman ng air-con at fan. 

Bibingwit, babaliko, titingin
Sa magkabilang sulok bago
Magsindi ng pangungulila mo
Sa iyong mumunting mga stick

Sabay tawag sa pangalan ko,
Hugis kong sabik sa hugis mo.
Mamaya na kaya ang ibang
Ulam, mamaya na rin kumain.
Akin na muna ang mga usok
Galing sa naghihikahos nang

Muntik pang ipahid sa pader,
At hintay ka, saglit, sinabing
Huwag kang makulit, huwag
Mong itapon at baka may 
Makakita sa iyo, sa 'ting dal'wa.

September 14, 2020

Spit me some details.
You owe me some money.

We need to drop shit fast
For as this one night makes
The both of us shiver
As naked, fake-unhinged,
And ready to be flat,
Neither of us will ever
Be truly ready. Dead rats
Shine brighter as moonlit
Cement-narrows live as
Depressed mazes, creeping
Unto each stranger that
No one else should be
Outside tonight, as if every
Night should never be different.

But we both know how
We are not the same, not
At all, at the very least,
Unexpected parts of this
Stupid tackle of the order.

Because as both of us
Sweat as fuck balls
And still always lucky,
Coming around to play with
The self-proclaimed masters
Of the night will bring us to
Our truer selves, more than ever,

And a little upbeat, we wait until

Accepting any form of incline
From any form of monsters,
For every form of bad and hatred
We have ever been trashed into,
And not ever will be by us alone.

September 7, 2020

Lalangitngit ang kalawang papasok
Sa halamanan. Inaantok na rin ang
Araw sa isang buong masid, isang
Buong hawig na hawig at hawig
Sa lahat ng mga iisa at nag-iisa.

Bakit pa nga ba akong muli't
Muling naghihintay ng tatabi?

Ay siya't mauupo na muna ako
Rito sa isa pang himlayang bakante.
Kukumustahin kong panigurado
Ang paulit-ulit kong paalalang
Natatapos ding managinip ng
Tubig-ulan ang mga patuloy na 
Nagpapasamyo ng aking pag-iisa.

Matatabig kong saglit ang mesa,
At mapapansin kong bigla na
Malamig na naman ang aking
Tinimplang kape. Oo nga pala.

Sabay, ewan ko, dukot sa may
Kaliwang bulsa. Saka lamang may
Pagtantong muli na andito na pala
Ako. Saan ka na? Andito na dapat
Tayo. Halika nang muli sa akin.

August 28, 2020

Aba'y ngayun-ngayon lamang
Muling nakapagsaksak sa
Maririing pag-eensayo at siyang
Pagbabalik ng sakit ng totohanang
Mayroong paglaya kung daraan
Sa matagal-tagal na ring tinatanaw
Mula sa 'di naman din kalayuan.

Ang mga akala'y bulang naglaho,
Para bang sinayang lang ang bawat
Manong ipinaabot sa akin galing sa
Matatandang palabiro, palahingi ng
Mga sagot sa kanilang katanungang
Hiluhin lamang ako na parating
Puntirya bago pa man makapuslit.

Ano ba naman yung sana'y 'di na
Pangunahan pa ng panggugulat ng
Hinaharap nang maging masigasig
Naman din tayong tumakas sa ating
Sariling mga pagkakakulong, sariling
Gusto nating kilalanin, mga sariling
Ayaw sa ating magpakilala, at mga
Sariling pinaiikut-ikot lamang tayo.

Gayundin, makikita rin naman natin
Ang umpisa, ang ating sariling tila
Nais na nating tapusin agad nang
Hindi pa namamalayang hindi pa pala
Tayo nagkakamalay. Malay ba natin?

August 21, 2020

Bago pa man pumatak
Ang aking mga gintong
Luha sa pira-pirasong
Lantad na mga patayog na
Minsan lamang magkatipon
Ay nakapanlulumo pang
Hintayin at pagkapanoorin,
Mangyaring may sasabat na
Kometang nagpalalim lalo
Sa gabing wala namang
Dapat pang pinaghihintayan.

Aalegruhin ng paligid na
Itigil na muna ang siyang
Pagtuldok sa katahimikang
Nais nang supilin papalubog
Pa lamang din ang mga ibon
Sa himpapawid. Mabuti pa't
Pauwi na sila't ako'y sarat na
Maginoong nagpapapasok pa
Rito sa aking maruming sala
Nang maengganyo ang mga
Panauhing paglalatagan pa ng
Aking pira-pirasong gintong luha.

May pag-akmang yakap na
Malawak pa sa dalampasigang
Hindi man lamang nag-anyaya
Sa akin kailanman ngunit madalas
Tambayan ng mga galang ibong
Paalala sa akin. Paalala ko rin sa
Paligid ko, na ako ang hihigop
At manlalasa kung bigyan man
Ako ng pagkakataong gastang
Patulan ang mga panauhing
Dapat nang mapahiran ng
Aking mga gintong luha
Sa loob ng pira-pirasong
Pagkaubod ng duming sala.

August 14, 2020

Dumating ako ngunit
Hindi pala kailangan.
Sana pumikit nang muli
Nang lumiwanag at matuloy,
Tumuloy mga sinaunang 
Himalang galing sa likod ng 
Iba-ibang halu-halong
Pabula, hiwaga, panggulo
Sa aking buhay. Akin ang 
Aking sarili ngunit
Sino itong akong parang
Pinabayaan na lamang at
Walang pakialam sa pabagu-
Bagong aakyatin, kay kupad
na mga pagtakbo sa mga
Burol ng mga di naman 
Makikilala pang mga patay.

Ako na lamang yata ang
Natitira pang buhay. Kung
Umuwi na lang kaya ako
Nang mapatid at sundan
Mga inilikong kadena, mga
Harurot na hindi pa tutok
Sa preno, sa alanganing
Pagbangga sa alas tres na
Subsob-tirang trip, na naman.

Akala'y totoo ang ibinatong
Kislap sa kabilang kintab ng
Maestrong tagahatid lamang.
Hindi namalayang may gaguhan
Nang naganap at wari'y may
Pagtapik sa pawising batok ang
Konsensyang ginising, gumising,
Sa likod ng mga likod, at muling

Harap sa iyo, maestro. Pasensya,
Aamin naman ako sa iyo ngunit
Sa hindi mo inaasahan ni
Maaalalang konteksto, paalam,
Paalam sa iyo, maestro, at
Hanggang sa muli. Mauna ka na,
Baka may hinahabol pa ang mga
Iikot pa sa bundok ng lilang 
Palaisipan pa rin sa mga sanggol.
Hindi bale't kadalasa'y lugmok
Naman sila sa pagod ng bagot.

Sige na, sige na. Hihimbing na
Akong muli. Maglalaro sa gamit,
Sa ganid ng sandali. Sige na, oo,
Babalik na ako. Sana hindi na 
Akong makabangong muli, muna.

August 7, 2020

Nung mabubog ka nang lasing,
Ikaw rin mismo ang nagsabing
Hindi mo naman talaga kasalanan
Ang lahat ng nakikita nilang
May paggiring sa hindi inaasahan.

Hindi mo talaga kasalanan
Lahat ng binabato nila sa iyo,
Mula sa mga talang ayaw patulog
Hanggang sa mga punong
Nakikisabay rin sa mga paheleng
Hindi lang naman din ikaw ang 
Mayroong pakana,
Mayroong pasilbi,
At mayroon sanang hindi na
Matatapos pang pagdurugtung-
Dugtong na lagpakan ng bote
At salampak ng magkumpare.

At binulabog kang paggising
Pagkatapos ng hiyang gabi,
May limot bang nakatakas
O paskong maagang katabi?

Anuman ang nariyan, baka
Sakaling may gana pa.
Baka sakaling umahon pa
O mamayang tanghali na.

July 28, 2020

Puta lang ako.
Puta mo lamang ako.
Igiit mo mang may
Pakunwaring laya
Sa iyong bawat pagbitaw
Sa akin, anong gaya sa iba
Ang dapat kong isangguni
Sa aking kaya lang abutin?

Puta lang ako.
Puta lamang ako.
Mamaya-maya'y
May guni-guning
Bibisita sa akin
Ngunit kailangan pa ring
Pagsilbihan - parang ikaw.
Aakbay sa akin pero
Parang ayaw ko na 
Munang maging ako.

Hindi naman ako yun.
Hindi naman totoo yun,
Sabay bigat pa
Nang kaunti
Hanggang sa

Baka naman ganito,
Baka naman ganyan.

Ano pa nga bang
Hindi ko dapat
Malimutan?

July 21, 2020

Minsan nang pinapili
Kung alin ang mas uunahin
Mula sa may putuka't luha,
Habulan ng mga
Inubusan na ng silbi
Ngunit nagmamadali pa ring
Humabol sa kung anong
Responsibilidad na ipinipilit
ng nagmamabagong buhay na
Malayong-malayo na sa
Makamundong mundo

Laban sa pahimatay na
Pakikinig na lamang,
Paghihintay ng ibang liryong
Pagtulo at pagbutil ng mga
Pinagsama-samang lawak ng
Tipan, iba-ibang kislap,
Sabay-sabay na palakpak,
Maliligalig na pamamahinga't
Sunod sa awit ng duyang himlay

O kaya nama'y pagulung-gulong
na pag-aaring hindi kailanman
Maipinto kung sino ang patunay.

Ang sa hindi kamukhang kabila'y
May hindi sinadyang pagpilit,
Mga kulay, bumuhol nang maayos,
May pagkaipit na sumasandali't 
Hahampas nang masinsinan.

Nagtagpo pa rin kung tutuusin,
May kaiba lamang sa kukong may
Hiwang humahawak, sa pag-aaway
ng mga pinipisil, hinahayaang magdala
Sa akin kung saan man patungo
Ang mga inipong pamikit, pabulag.

Saka mo na ako kausapin.

July 14, 2020

Lahat ng makilala'y
Naluluma sa tingin
Ngunit sa tahanang bago,
Kay sarap mahalin.

Mayroong kasanayang
Hindi imposibleng umapaw
Sa landasing likha
Para sa yaring araw-araw.

Ang hindi pagbibilang ay
Palalampasin sa katagalan
Dahil ang mas mahalaga'y
Pagpansin sa katangiang

Hindi naiiba
At naiiba sa hindi.
Lahat ng kilala'y oo,
Lahat ng hindi ay hindi

Kaya't ano pang malaman mo
Sa mga talinghagang dinukot
Lamang kung saan-saan,
Madali rin nating malilimot.

July 7, 2020

Tutuluy-tuloy galing aking pasya
Ang magpakalunod sa abo
ng mga ligalig at pantasya,
Mga ayaw ipaliwanag ngunit
Nais na maikuwento,
Salaysay na wala pang lamat,
May gustong ipamiyendo.

Gawa sa taling ihinulma
Nang paulit-ulit hanggang sa
Makitang marikit at hirayang
Mapamaslang sa siyesta.

Iduduyan kang paslit
Sa matandang punong mangga,
Sitsit ng ibo'y patay na,
Magpapausok na naman ang mama
ng kanyang mga winalis na dahon
Kaya't atupaging bumangon
Tuwing papasukin ng alon
ng mga pakalmang tadyak.

O, nasaan na ang tabak
na iniwan ko lamang
Kangi-kanginang layong
Patimpla ng maling kape?

Ina ko, o, ina ko,
Hindi na muna ako'ng bahala
Sa isip na mamahingang
Doon na muna sa malayo
Magkikita-kitang nagtatago
Katabi ng tintang lagkit sa ulirat.

June 28, 2020

Kung walang pakundangan
Ang bigwas ng pananalita,
Pasaan pa't nariyan
Mga nakikinig nang mayroong
Mas ikaaayos kaysa sa iyo?

Pinasok ang rimarim
ng gusaling hitik naman
Sa kakintabang parangal
Ngunit bakit kumitid ang tindi
Nang sa desisyong kumitil
ay walang may balak na
Umalam, umunawa;
Sa panggalaiti ang badya.

Walang respeto siyang madla
Maski pang may ibinuhos nang
Mga araw, dugo, at impunto.

Kung sakaling may isang ayaw,
Lapnos na ang lahat ng niluto
'Pagkat ano pang kasalanan
ng mga hinusayang may alam
Kung hungkag lang din namang
Makikinabang nang walang dangal.

June 21, 2020

Kung waring makipagpalitan
Ang mga isinulat na hindi titik,
Iigwa kaya ang takot
Sa bating iniwan sa init
Sa ilalim ng buwang kinakaya-
Kaya na lamang 
ng mga ayaw sa tulog,
Ayaw sa atin, ayaw sa layaw,
Ayaw sa himbing 
Dahil ang agnas na dulot
Mula sa ayaw lumimot,
Manggagaling lang din
Sa inumagang bangungot,
At kung pamamarisan
Ang paglalayasan,
Makakayanang maging mayaman
Kahit pang pumagitan
Sa singil ng diyablo't anghel,
Lumubos nawa sa papel
'Pagkat aanhin ang kakausap
Kung payag din namang umirap.

June 14, 2020

Ilalagay ko ito rito
Nang magkaroon ako
ng paglalagyan
ng aking mga palagay,
Kalagayan, kalayaan.

Palalayain ko ako
Nang magkaroon ako
ng sarili, ng repleksyon,
ng ako.

Itong aking ako,
Natatanging aking ako,
At inaakong ako
ay patlang dating
Inangking ako.

Ilalagay ko ito rito
Nang magkaroon ng ako
ng pinalayang ako,
Natatanging kalagayan,
At hindi sa iyo.

June 7, 2020

May humampas siguro ng kape
Sa elevator na aking pinaglamayan
Kasama ng aking opisina, damay,
At isinilid na mga hahagkang
Mamaya na pilapil,
Sintapang sa loob ng isang buwan,
Sa loob pa ng mga susunod na araw.

Takot sa kutis na tumaba
Dahil ang ehemplo'y natitilamsikan.
Ang bisa ng kunwari ay
Sadyang malinis kahit kabilaan
Pang magsipahid, may hangganan sa amin.

Ang pinababayaang kitid ng yaman,
Nasa pag-uwi na lamang na 'di laging
Nakikitaan, ni dinaraanan
Sapagkat ang una'y mas matulin,
Takot nang mabawasan pa.
Sa sumunod ay pagpapawisan,
May asim pa't magmumura
Kung hindi sasalubong ang inabangan.

Pangyarihan man sana ng tuwa
Kung sakaling bisitahin ng pag-iwan.

Matapos pa rin sa lahat ng ginising
Ng kapeng tilamsik sa hapon at gabi,
Sa dalisay na antok na pag-uusapan
Ay balisang kwenta sa kalye.

May 28, 2020

Ako ang minuto, ang oras
Kaya't manumbalik ka muna
Sa kung hanggang saan lamang
Arok ng maaari kang lumabas.

Makipag-isip, magkuro
Kung hindi pa lampas sa pangangapa.
May pag-ibig sa lasap na hanap
Ngunit ang tibay ng pangarap,
Magiging sakto lang
Kung ang saklay ay binabating
Kaibigan na lamang.

Iwan ang sadya, bawasan ang pakla.
Ang siyang tuklod ng mga animal,
Pagkakanulo kung tawagin.
Sapat lang na paikutin hanggang sa
Bumalik sa kung ano ang iyo,
Maging kung ano ang akin

Kaya't magsipag na humimbing muna't
Sakyan ang oras ng bayad,
Oras na para magbayad
At babalik ang oras para magbayad.

May 21, 2020

Kung makakakita ng asul ay
Anong banggit na agaran
Sa kung lahat ng langit ay ganito,
Siya ring kintab ng karagatan,
Lahat ng mga ilog, mga sapa,
Sa kung kani-kanino pang larawan
Ngunit kung sisirin mang lalim
Nito'y maraming tinatagong kakulayan.
May lumot na madulas,
Angking 'di gagamit ng dahas
Sa pagkupkop ng mga dayuhang
Madalas humanap ng malas.
At kung sa kabilang ibayo
Magmadaling sumigla pa,
Naghihintay ang mas malalim na
Pakipag-ugnay ng likas sa banta.
Mga pagbabagong ayaw patipon,
Hindi naman talaga lumilihis,
At kung sakaling 'di pagbigyan,
Tao ang siyang naiinis
Sa papalit-palit ng sinumang anyo,
O, bakit ayaw raw tigilan?
E kung sariling ayaw papatid
Ay siya ring 'di pahulaan
Sa mga singkupal at maramot,
Maraming 'di pinaniniwalaan,
Maraming 'di sinusunod,
Maraming pinagkakakitaan.
At kung sakaling malabo pa rin,
Bigyang hustiya na lamang sana
Mga lalang na pinaslang sa lisik
Ng mga matang maghusgang gana.

May 14, 2020

Kayo'y tila patotoong palatandaan
Galing sa inyong piniling pangalan.

Hindi nalalayong paghusayan
Mula sa baho at tambol na lumilindol,
Yumayanig sa aking kalamnan,
At sa pag-usig na manatili
Sa agos ng pandayan ng mga obra at kandili,
Maging masaya sa kalungkutan
Sa gitna ng malalakas na hangin,
Tila nagsasayawang mga puno sa disco.
Bahang kinaibigang tunay,
Ubod ng basura at amoy ng atraso,
Bagyong maya't mayang hinahanap,
Kay tamis na pamamatak sa kung miminsan.
Walang iwas sa lingon at paalam ngunit
Hindi papatabig kung pananahimik nang tulog,
Ituturing niyo ring kabaliwan.

Nakakapit sa gitara, anyong hihiling ng awit.
Akmang lirikong tatapusin
Kahit nagmamadaling sumikat sa hangin.
May tulak ang konsensya ngunit
Mas malakas lumibog ang husay.

Kung sakaling papanindigang tunay,
May hawig sa pagkaing inihanay ang sarili,
O maaaring sabihing ipinantay, ipinatong, inihain
Dahil sa yari ng pagkakaiba ng tunog at lasa,
Tulad ng pagkakaibang panuto at tsansa,
Sa mga tsambang kaya, mga ginamit na rekado,
Ang paghihiwalay ang siyang himig na nagdikit,
Bumisang lagkit sa entablado, radyo, at singit,
Sa kasuluk-sulukan ng mga tainga kong ganid
Sa 'di-maaagaw na meryendang inilatag
Sa bawat piyesang may-paksang dawit.

Aking ngunguyaing landasin pang
Umarangkada sa akin ang latik.
Maging masaya sa isang hapon
Habang nakasakay sa nag-iisang jeep
Papuntang aming tahanan diyan sa may
Minsan ko na ring nilakad pauwi.

May 7, 2020

Kailan ako mapahihintulutang
Magamit ang naiibang wika,
Malayo sa nakagisnan,
May pagtitimping kusa.
Takot pa rin akong mawalan
Ng gana maski papaano.
Ano na nga bang ginagawa ko
Sa malayang paglalaan
Sa mga bagay na dapat ay
Hinding-hindi pinababayaan?

Paanong magiging mayaman
Sa ritmo at kasaysayan
Ang mga himig ng bagsik,
Mga taludtod ng aking bayan
Kung ang pag-ibig ay salat pa rin
Sa kapangyarihang umunawa't
Magtanggol, maglagay sa alanganin?
Sinisiyasat ba nang maigi
Ang siyang ayaw umamin
Sa pag-ibig na nariyan naman,
Noon pa man di'y masigla.
May tapang, may isip,
Katuwang ng siyang dila
Upang huwag nang magpasakop
Sa hindi dapat kinilala.

Kaya ano na, ano na?
Ano pa ang siyang pumipigil
Kung ang sadyang kalayaan ay
Sanlang dusa't sa pangil.

April 28, 2020

Walang ibang puwersang lohika
Ang hinihingi ng pagbangon
Mula sa pahalikang pagbalik
Sa malayang kadiliman.
Hindi pinauumpisahan
Ang umagang mangyari
Nang walang hinihintay
Kundi pagbangong mag-isa.
May galit sa hapon,
Tatanghaliin ang pari
Ngunit kung magsarili siyang hamon,
Wala ring mangyayari
Sa mga pinauusad ng rosaryo,
Luluhod sa ilalim ng mga kahoy,
Mga alamat, at mga takot
Sa mga manggagamot.
Iniwasan na ang mga tinta
Nang makitang muli sa iba
Ang pinahihingahang kanta,
Natagpuan lamang sa mata
Mula sa pag-igting na tahimik
At paghihintay nang pagod.
Ang tanging puwersang ibig
Sabihi'y hinihingi nang tulog.

April 21, 2020

Ang akin lang,
Ang ganda mo.

Ganda mo lang ang akin.
Ang ganda-ganda mo.

Akin ang ganda mo -
Ang ganda lang.

Ang ganda mo lang.
Ang ganda-ganda.

Akin lang ang ganda.
Ganda mo ang akin lang.

Ang ganda -
Akin lang ang ganda mo.

Ang ganda mo, akin.
Akin lang.

Ang ganda mo, akin lang.
Ang akin lang, akin lang.

April 14, 2020

Noong silaba'y may pagkukunwaring
Lumiliwanag nang walang katapusan.
Sinubukan kong unawain
Ngunit hindi nararapat madaliin
Ang pagbabasa, ang paghahanap ng
Natutulog na pipa, pariwara,
Gunita ng pagpapaikot at matuling kislap.
May sumasambit sa napabayaang mga balikat,
Diyos mo ako, at ikaw ang bahala
Sa aking paglikha sa iyo, at iyong lilikhain pa.
Hindi niya mailatag sa akin kung nasaan
Ang mga propetang dapat tumulong
At magpakilala sa akin
Subalit dunung-dunungan pa rin
Ang mga takot sa dilim at puno ng pamumunga
Sapagkat anong magagawa ng pagsaklolo
Sa ilalim ng aking mga bintanang
Pinuno ng malalambot na pader ng kapatiran
Kung ang mismong nagpapairal
Sa aking binuong kamunduhan
Ay pinatatakbo ng siya ring sisira sa akin?

Iparating mong nagkakamali ka,
Saka kita sisibakin at ipanggugulat
Sa papalit-palit kong mga kaibigan.

At nang magalit, sinipsip pagulumihanan
Ang lahat ng bumuhay at tumuklas
Sa aking hindi nag-iisang kamalayan sa mundo.
Umiral ang kaba at sustansya ng pagkaunawa
Sa ligalig ng pagtawid sa kabila ng
Kanyang mga ipinaglalaban.

Pinalayas ako nang dahil sa galit at labo
Mula sa ipinahiram na piglas sa kuntento.
Inibig kong muli ang aking sarili,
Ang aking binuong kamunduhan,
Ang aking pinaagos na kaligtasan,
Aking bingit sa katalagahang pagtampok.

April 7, 2020

May pagtambad kang
Mahirap malimutan.
Bigla na lamang lalarga
Ang aking pagkamuhi sa sarili
Sa tuwing ika'y magpapamalas ng
Iyong sariling walang muhi.

Sa gitna ng sigawan at pawis ng
Mapangibabaw na katamarang tunay
Sa init ng hapon,
Papagitnaan ng mga titig
Galing sa mga dahong
Walang ibang inatupag
Kung hindi makipagtanungang
Tulad ng mga pagod sa silid na
Hindi na yata matatapos pa
Ang pagmamasid at pakikipagpalitan
Hanggang sa muling halik ng hibla,

Ipinaalalang panimula ng
Iyong mga mata
Ang hindi na makukuntentong
Paggiliw ko na tanging iyo.
Mahaplos sa akin
Ang iyong pakilig na tinig,
O, himig sa akin,
At ibig kong hamakin
Ang lahat-lahat ng papatol,
Lahat-lahat ng palibot
Silang lahat na walang malay.
Ikaw na nakapangingilabot,
At ikaw na walang malay.

Hindi ko na napansin pa
Ang paghila sa atin ng oras,
Pakagyat na matauhang
Makilalang muli kung sino ang dapat
Maghiwalay ng langit sa lupa,
Maging ng kuntento sa hindi.
Malayo na sa katotohanang
Makapagpapaalam pang pangako
Nang dahil lang sa pagkadapa sa dumi,
Sapagkat ano itong paraisong
Gumugulo sa aking guni-guni?
Ako nawa'y huwag nang balikan
At sulasukin pa ng sidhi ng malay.

March 28, 2020

Hindi na mahanap pa
Ang alanganing umaga
Habang nakikipaglaro ako
Sa iyo at aking mga usok.
Medyo manilaw-lungti,
At ayaw paubos
Kahit pa makipagpalitan
Nang paulit-ulit
Kung makikipagsapalaran
O tatabi nang muli
Sa nakakainis mong pisngi.

Mahal kita.

Aray! Hampas mong agad sa akin
Sabay talikod at humihingi
Ng pakiusap sa oras na
Mamaya na tayong sigawan.
Ang buhok mo'y dumudulas
Sa balat mong 'pag pinisil ay
Magsisiwalat ng pagtatagpong muli
Ng ating mga puso.
Babaluktot nang kaunti
Hanggang sa pumiglas sa ipit
Tungo sa isang panakaw na
Mahal mo rin sana ako.

March 21, 2020

Tuluyan nang umukit
Ang iyong pangalan
Sa akin na tila yata
Hindi patatalo
Sa sugat na ikaw rin
Ang nag-iwan.

Bakit hindi mo pa rin
Ako tinitigilan?
Bahagya kang dumaan
Ngunit bakit pailalim
Nang pailalim itong
Hiwang binulungang
Huwag sana maghilom.

Dahil kung handang muli
Ang pait bumaon ngunit
Sa hindi inasahang lunas,
Ikaw na mismo, pakiusap,
Ang tumapos sa'king danas.

March 14, 2020

Ikaw na nagsasabing
Hindi ka naging malibog,
E hindi ba't malibog din
Ang mama at papa mo
Kaya ka nila nabuo?

Pasensya ka na -
Binuo pala.

Saka ba't nasasabing
Maaari pa ring bumawi
Kahit na nagalit na,
E hindi ba't ang siste,
Hindi ka naman binawi ng
Mama at papa mo,

Hindi ba?

Pasensya ka na.
Ikaw naman din kasi
Ang nagsabing
Isa ka lamang
Inarugang palusot,
Pinakain ng masusustansya,
At busog na busog
Sa mga ideolohiya ng
Iyong mama at papa.

Pagpasensyahan mo sila
Dahil nauuna ang isip
Kaysa sa pagkain at pera.
Kung pagkakasyahin
Sa kainipang makasat ng
Iyong hiram na kandila,
Pasaan pa't matutukso rin
Sa ningas ng bumbilya.

March 7, 2020

Ay, basta't kung papayak ng isa,
Sunud-sunod na kung bibira.
Sa dadalas nang pagkilala,
Magbabalik sa umpisa.
Mangyaring sasalpok ang alon
Sa naglalakihang mga bato,
Tirik ng araw at yamot,
Mahilig pang umayaw sa limot.
Araw-araw mag-aabang,
Araw-araw kung makapansing
Ang mga ulap ay dumaraang
May ihip na iparating na
Sa kung sakaling bibira,
Hayaang manaig ang timpla
Nang maghalong muli ang saya,
Lungkot, galit, at pahinga.

February 28, 2020

Sa bawat sulyap,
May nililikhang pira-pirasong 
Alaala na kung ipuni’y
Kusang magkakabit-kabit,
Parang siksikan sa pila
Kung saan kita muli
At huling nakita.

‘Pasaan ka?’
Magaang tanong sa sarili. 
Hihiwalay na naman
Kahit hindi talaga nagsama,

Kahit pa pumagitan
Sa siksikan ng pila
Kung saan hindi na kita nakita.

February 21, 2020

Aakuhin ang lahat,
Gagalamayin bawat tagong tiklop
Umiwas man ang mga bantog sa dilim.
Ririkit nang hindi kailanman,
Humalika man ang hari.
Ang lahat ng mga alalay,
Maglilingkod nang hindi natatapos,
Hinding-hindi matatapos,
Hanggang sa kung may susundan pa
Kung sino ba ang bantog na
Umako ng lahat.

February 14, 2020

Pabigat nang pabigat na
Ang mga pagkakataon. 
Siguraduhin mong papalag pa
Hanggang bukas ay bumati sa’kin,
Bumating may paghangong
Piglas pa magwala tungong kanto,
Sa gilid, sa hapag,
Sa gitna ng galit at ganid. 
Patirapang may nagbabalak
Sumabak muli sa salimuot ng
Paghaharang sa mga sandaling
Inaasam-asam noong walang muwang
Sa pandaraya ng mundo,
Sa inis ng mga kahapon,
Sa sakit na hihiwang walang sugat
Pero kailangan pa ring indahin.

Ano pa man ang aking hingin,
Mamilit man sa dulas ng sahig
Ang lilim ng kumot,
Yumakap man ang init sa ginaw ng
Pagtigas, ang paghiwalay ng talulot
Sa natuyong sinimulan, magtatapos
Sa isang saglit na walang katapusan.

February 7, 2020

Sinlagkit ng nangagtutulong unahan,
Papauwi na namang pinanggalingan. 
May mga punong kay tatayog,
Kalsadang kinalakhan sa uma-umaga. 
May mga palasak pa ring
Ibinibida ang kanilang mga sarili. 
Hindi naman maikakaila
Ang panunumbalik sa dati-rating anyo.

May kung anong himutok-pagbabago.

At sa kabila pa rin ng mga naganap,
Nabubuong pamuli’t muli ang hugis. 
Pabayaan ang mga tinapakan ‘pagkat
Dumating sa wakas, ipinalanging luha,
Upang hugasan ang pagsalang-pait.

Ang huminahon ay paabuting saglit.

January 28, 2020

Pasensya ka na
Kung hindi ko iniibig
Ang ‘yong mga ibig.
Hindi ko man maipakita,
Maipakilalang maringal,
Hayaan mong palampasin
Ang mga ibig kong palagay,
Pasya, mga tanging kasya
Sa aking napaglumaang silid.

Pinagkaitan ng kausap,
Kulang sa mga danas,
Kulang sa mga sangkap.

Saan mo man ako palayain,
Tatanggaping may pasalamat,
At paumanhin pa rin
Kung hindi rin kita iniibig.

January 21, 2020

Siyang mali rin naman sa sakaling
Kay hirap bumalik at tumanaw
Sa mga utang at pagkakautang ng
Kung anong ipinakling paghiyaw.

Salamat na lamang, aking sininta. 
Araw-araw na paglimot sa lupit ng
Hirayang walang may ibang alam
Kundi ang usiyosong pintig ng langit,
Pariwarang may direksyon.

Kulang pa rin ang sukbit ng tensyon. 
Maagang panaglit, maayang sambit ng
Paalam, o paalam... Saka na lamang
Ang lahat ay isisilid sa paglakip.

January 14, 2020

Kumintal ang kislap ng kulit. 
Nakasasabik, nakagugulat
Ang mga ngiting bawat bitaw. 
Bintang sa akin ng kapalara’y
Magpatuloy sa mga ngiting
Ibinabalik sa akin.

Mananatiling mapagkubli. 
Sa mga ningning ng kislap mo’y
Mabuti pang hiyasa’t masawi.

January 7, 2020

Pahinging pahintulot,
Mangyaring maligalig,
Hungkag, nangagtatala,
Himyas tungong kahig.

Tulala siyang turingan,
Saka lamang makaalalang
Ang mga hamak na sobra,
May kung anong hiwaga.

Sundan ang mga balang
May liwanag at may dilim. 
May nagpapatawang
Kailangang maatim, intindihin,
Bigyang-paliwanag at kalinga.

Hindi sadyang maiintindihan
Ang pagtalikod sa hinaharap.