sa sumunod na kurap ng iyong mga mata na sumabit lamang sa segundong kagyat na nagdala sa iyo sa kawalan, malaki ang ikinagulantang mo sa lugar na kinatatayuan mo ngayon. iba na ang kulay ng iyong mga kasuotan. wala na rin ang pinakatatago mong maliit na papel. kahit saang direksiyon ka tumingin ay wala na ring mga poste ng ilaw. wala nang pila ng mga tao. wala nang mga nililipad na papel. wala nang usok. wala na siya.
may nag-iisa lamang na pinanggagalingan ang puting liwanag sa itaas ngunit nang tingalain mo ito'y mukhang hindi mo pa rin matutukoy kung eksaktong nasaan. hindi rin masukat kung hanggang saan natatapos ang kisame. sa lahat ng direksiyon, iwas na iwas rin sa iyong kokote kung saan may matatagpuang pader, kanto, tulay, eskenita, puwang, o maging libang. hindi mo mahanap kung saan nakalapag ang iyong anino. nang itinapak mo na sa unang pagkakataon ang iyong paa, bigla na lamang may kumausap sa 'yo na boses.