09 May 2026

fragment 27

ilang minuto lamang ng paghahanap ng pandiwa, medyo natutukoy mo na rin sa wakas ang tumutukol sa 'yong imposible mo nang mailagan. muli mong hinawakan ang kaniyang kamay at hinayaan lamang niya ang kaniyang sarili na tangayin ng agos na buhay at walang ni ibang kayang patulan.

habang papalakas nang papalakas ang upos na ugong sa iyong panay na pananakop, tumutulin na rin nang tumutulin ang habulan ng inyong mga paa. hindi mo na pinagbibigyan pa ang bawat lingat na nais bumembang sa pangungusap na gusto mo nang tuldukan. todo rin sa tahimik na pagsuporta ang hinihila-hila mo kaya maya't maya mo ring inaalalayan maski papaano ang iyong hindi na matitibag pang pagbagtas.

lumilinaw na ang katiningang hanggang sa nabubuo na pala itong umpisa ng isang himig na kuwit lamang ang pagkakalikha. sa hindi gaanong kalayuan, may kung anong liwanag ng poste na tila tumatawag sa iyong pangalan na hindi mo na naaalala pang mabanggit. dumagundong nang malala ang puso sa iyong dibdib.