Nakapalibot sa kaligiran ang mapayapang hangin na parang wala ring alam sa aking kahihinatnan. Mabuti nang maipit sa sang-angaw-angaw na mga yapakan kaysa siguro sa karaniwang gawian ng walang katapusan na panggagaya na hindi rin naman maikakailang mayroong palaging kasama na lulustay-lustay sa kaluluwa hanggang sa kusa na lamang nitong lagutan ang kaniyang pag-iral.
Walang leksiyon sa lahat ng danas, at hindi palaging mayroong kinakamit. Ang pagtatapos ng pagkamangha ay magsisilbing papel lamang na napuno nang sulatan na baka-sakaling balik-balikan pa, ngunit hindi para sa at parang sa katulad ng dati. Malayo nga ang aking bawat pagsipat, na may maiikling pagtanaw na lamang sa aking likuran. Burado na ang direksiyon pabalik at laking malas ko ba talaga na hindi ko na inaasam pa ang tagumpay?