Showing posts with label respite. Show all posts
Showing posts with label respite. Show all posts

15 September 2026

Hearth

Isang malaking bahay ang tila naghihintay sa aming pasukin siya sa gitna ng pagkalawak na disyerto. Matarik na rin ang sugod ng araw, kahit na hindi naman ako pinagpapawisan ni hapong-hapo. Mayroon lamang init na sumasaglit ang lapnos sa balat na nagdudulot ng pagkatiting na mas lito kaysa inis. Gayon pa man, mas kapili-pili pa ring magpalipas muna ng mapanagos na alalahanin kaysa magtiis ng maaari naman pala talagang maiwasan.

Nauna na siyang pumasok sa akin, bawas na ang pagmamadali. Maski mayroon pang pintuan ay walang nakakabit na pinto. Halos gawa sa kahoy ang kabuuan ng bahay hanggang sa ikalawang palapag pa nito. Halos lahat din ng mga kagamitan at kasangkapan sa loob ay yari sa iba-ibang materyales galing sa punongkahoy o iba pang matatayog at matitibay na halaman.

Mayroong kalumaan ngunit malayong-malayo pa sa kabulukan. Walang ibang sumasalo sa bawat langitngit na pinapakawalan ng aking bawat pagyapak sa makinis na sahig. Hindi rin kami nakahalata ng kahit na anong sangsang ni sulasok. Huminga ako nang malalim at hinayaan lamang siyang amuyin ang buong bahay.

14 September 2026

Hasten

Nagising ako sa tahol ng aking kasama. Pagdilat ko ay naabutan ko siyang tumatakbo patungo sa akin. Pagsampa niya sa aki'y tuloy-tuloy niya lamang akong dinila-dilaan hanggang sa tuluyan nang nagising ang aking diwa.

May kung anong pag-anyaya ang kaniyang sumunod na tahol kung kaya't tumayo na ako mula sa aking pagkakasandal. Hinimas ko sa huling pagkakataon ang malaking tipak ng bato at nagulantang at napangiti pa rin ako sa kakaibang lamig at kinis nito. Nagpaalam na ako't mukhang minamadali na talaga ako ng aking kasama.

Maya't maya siyang tumatahol habang sinisiguro kung nakasunod pa ba ako sa kaniya. Napapangiti lamang ako't sinisigurado siya na nakasunod lamang ako sa kaniya. Tuloy-tuloy lamang ang kaniyang paglalakad at hindi siya napapalingon ni kahit saglit sa bawat bagong bato na aming nasasalubong. Sa bagay, baka naamoy niya na rin ang mga ito noong umiidlip pa ako. Tumahol muli siya nang isa pang beses at bigla na lamang huminto't nangupo sa aking harapan. Hinimas ko ang tuktok ng kaniyang ulo at napangiti sa tumambad sa dulo ng aming biglaang pagmamadali.

13 September 2026

Lull

Mayroong malamig na boses na kumausap sa akin. Hindi pamilyar ang naging unang bagsak sa aking mga tainga ngunit hindi rin naman ako nabahiran ng takot ni ng kaba. May lumanay at nipis sa kaniyang pagsasalita at hindi ko naisip man lang na guluhin ang kaniyang pagkausap sa akin.

Matapos niya akong kumustahin, kinumusta niya rin ang aking kasama. Wala ni isa sa amin ang kaniyang pinangalanan at tila ito rin ang unang pagkakataon na kausapin niya ako. May bakas ng ngiti sa kaniyang bawat hayag na umaabot sa akin at wala ring pagmamadaling matapos kung ano mang tagubilin ang gusto niyang iwan sa akin kung sakali.

Hindi niya ako kailan man tinanong kung saan kami papunta ng aking kasama. Binanggit niyang nasa palugit pa ako ng panahon at hindi ko kailangang magmadali. Ipinaalala niya ring mayroong naghihintay sa akin sa alin mang dulo na aking mapili at hindi ko kailan man pang mangamba. Mahalaga raw na hindi ako iwan ng aking kasama at mahalaga rin daw ako para sa kaniya. Sa mga susunod pang landasin ay walang pagsusulit pero hindi niya sinasabing kalimutan na namin ang pag-iingat.

12 September 2026

Pause

Hindi puwedeng hindi niya aamuyin ang bawat bagong bato na kaniyang nasisipat sa malayo. Bawat bato ay bagong kasasabikan para sa kaniya. Pinababayaan ko lamang din siya at walang ni isa sa amin ay may minamadaling matapos na gawain.

Hinawakan ko ang isa sa malalaking tipak ng bato na ngayo'y kalahating dipa na ang itinangkad mula sa akin. May kung anong kinis ito at lamig, na para bang mayroong anyaya ng tahimik munang pamamahinga mula sa umiinit na ring araw. Lumunok ako ng kaunting laway at minabuting umupo muna't sumandal. Sinilip ko ang aking kasama at may mangilan pang hindi pa niya naaamoy na abot ng sipat naming pareho kaya hinayaan ko na lamang muna siya.

Huminga ako nang malalim at pumikit. Wala ring inilabas na kakaibang amoy o sulasok ang tipak na aking napili. Hinimas kong muli ang lapat na kayang maabot ng aking palad. Hindi pa rin nagbago ang nipis ng kagaspangan at lumanay ng lamig nito. Huminga ako nang isa pang lalim saka hinayaang ako naman ang tangayin ng mga salitang hindi ko kailan man makila-kilala.

11 September 2026

Heel

Napansin kong mukhang hindi rin napapagod ni nagugutom ang aking kasama. Bakas din na hindi siya nababagot sa mga desisyong landas na aking napipili. Sa mga paisa-isang pagkakataon na nais niyang mauna, hinahayaan ko lamang siya at sumusunod lamang din ako sa kaniya.

Tiwalang kay hirap magkaroon sa pinagdaanan na ay mayroong dali na iabot sa aking napakasiglang kasama. Hinihintay niya rin akong walang pagmamadali o inis sa tuwing nauuna siya sa akin. Gayon din naman ang pakitungo ko sa kaniya.

Maya't maya'y may malalaking bato kaming nasasalubong na madali niyang kinasasabikang amuyin. Sa aming bawat pagsalubong sa mga eskulturang likas lamang na nagpapakita, inaabangan ko rin minsang kaniyang maihian. At hindi rin ito parating natutuloy. Kung sa bagay, ilang oras na rin akong naglalakad at hindi pa rin din ako dinaratnan ng ni isa sa dalawa. Ikinibit ko lang agad at hinanap ang sakaling direksiyon na aamuyin ng aking kasama. Sa paunti-unting naiipong minu-minuto ay mukhang dumadami na rin ang naglalakihang tipak ng bato na aming nasasalubong. Sa simula'y hanggang tuhod ko lamang sila pero ngayo'y nag-uumpisa na silang lumampas sa akin.

10 September 2026

Bond

Noong una'y nakatitig lamang siya sa akin, pumapayi-payipoy pa rin ang buntot, habang ako'y unti-unti nang papalayo nang papalayo sa kaniya. Napangiti na lamang ako't nagpaalam na sa kaniya habang patuloy pa rin sa paglalakad.

Nakailang hakbang lamang ulit ako't narinig ko siyang tumahol nang isang beses. Pagkalingon ko muli'y naabutan ko siyang tumatakbo papalapit sa akin. Hindi ko na namalayang nababasa na pala ng luha ang aking mga mata. Nang mahimas kong muli ang kaniyang bumbunan at baba, naririnig ko na lamang ang sarili kong nagpapasalamat sa kaniya.

Napaluhod na ang isa kong tuhod hanggang sa yakapin ko siya nang mahigpit. Dinig na dinig ko ang kaniyang paghingal. Hindi siya nagpupumiglas at tuwang-tuwa pa rin ang kaniyang buntot. Dinilaan niya ang aking pisngi saka ako natawa at huminga nang malalim. Inaya ko na siyang maglakad muli. Nakasunod lamang siya parati, malapit na agad, at malapit din, sa akin.

09 September 2026

Companion

Tinanong ko siya kung saan siya nanggaling. Hinihingal na siya sa lubos na kasiyahan. Dinilaan niya nang makailang ulit ang aking kamay, bilang pasasalamat siguro sa pagpansin sa kaniya na nagdulot din naman ng tuwa sa akin.

Tinapik ko na nang dalawang beses ang kaniyang tiyan bilang hudyat na magsisimula na uli kaming lumakad. Subukan kaya naming bagtasin ang landas na kaniyang pinanggalingan? Hindi rin naman siya makakapagreklamo sa aming mga plano kung sakali. At iyon ay kung susunod siya sa akin. Baka mamaya, mayroon pala siyang tinakasan o iniwasan kaya siya papalayo mula sa tunguhing papalapit naman ako.

Sinimulan ko nang lakarin ang daang nalampasan na niya. Kung babalakin niyang balikan ang lakbay na kabila ng aking liblib, hindi ko na siya pipilitin. Hahayaan ko siyang magdesisyon kung saan niya gustong sunod na pumunta, at nakapagdesisyon na rin akong huwag na siyang sundan kung sakali. Nakailang segundo lamang ako ng hakbang bago ko lingunin ang aking likuran.

08 September 2026

Encounter

Napahinto ako sa aking paglalakad nang makita ko ang isang puting asong nagmamadaling maglakad tungo sa akin. Hindi ito tumatahol at mukhang hindi rin naman niya ako kakagatin. Tuwang-tuwa ang kaniyang buntot nang umabot na siya sa akin.

Napaupo na muna ulit ako nang saglit nang mahimas ang kaniyang bumbunan. Sa tindi ng kaniyang likot ay napahiga na siya habang pumapayipoy pa rin nang walang kasawaan ang kaniyang buntot, akmang nagpapakamot ng kaniyang tiyan.

Sa isip-isip ko'y napakalinis naman ng asong ito. Mukhang alagang-alaga siya ng kaniyang amo. Napakalambot din ng kaniyang balahibo sa malusog na malusog na katawan. Kakikitaan siya ng kasanayang makihalubilo sa tao, maski sa unang pagkakataon pa lamang niya ito nakikilala. Hindi naman siya mukhang hapo ni gutom kung kaya't medyo nakahinga rin ako nang maluwag-luwag gawa ng wala akong maipapakain sa kaniya. Mahilig pa namang kumain ang mga aso. Sa ngayon, mukhang masaya naman na siya sa kaunting mga kamot at himas na matagal niya sigurong hindi naranasan.

07 September 2026

Passage

Maski papaano, hindi ako dinadapuan ng kahit na ano mang huwisyo na magmadali. Hindi rin ako binabagabag ng pabugso-bugsong kaba. Tuloy-tuloy lamang ang aking mga hakbang tungo sa direksiyong walang sino man ang namili kung hindi ako.

Sa maya't maya kong mga paglingon, yaring tanaw ko lamang ay ang bagtas na aking nabubuo. Sa ilang oras ko nang paglalakad, maliban sa naiibsang uhaw at nagmumulto lamang na pawis, napapansin ko ring mukhang malabong dapuan ako ng kahit ano mang pigil ng pagkapagod. Hindi pa rin kumakalam ang aking sikmura, pero hinding-hindi mawawala ang hilig ko sa pagkain. Napaisip tuloy ako nang maigi kung ano sa ngayon ang aking kinasasabikan. Natakam ako sa mga amoy at lasa na nanghihimasok kaya napalunok pa ulit ako ng laway.

Mamaya-maya'y may maitim na tuldok akong naaaninag sa direksiyong aking hinahakbangan. Ngayon lang siguro ulit napakunot ang aking mga kilay. Dahan-dahang lumalaki ang hugis na mukhang napili namang humakbang tungo sa aking direksiyon.

06 September 2026

Freeborn

Umihip muli ang hangin sa aking mukha, saka ako nagpunas ng halos wala naman talagang pawis sa aking noo at mga pisngi. Limot ko na yata ang latak ng nanlilimahid na lagkit sa aking balat kapag naglalakad sa kawalan na ganitong may init. Gising na gising na rin ang araw ngunit malayong magsimula ang kahit ano man na tulo o tagaktak.

Bahagya lamang din ang aking hingal kasabay ng uhaw kong hindi naman inip na inip. Dumudulas ang mahinay na ibis sa mga paglunok ko lamang, at kuntento na agad akong magpatuloy sa aking mga iniiwanan.

Hindi na ako nabibigla pa, at wala nang may babalang nakaantabay. Kung babalik pa ako at bibigay, baka hindi na bumira pang muli ang burdado nang buhay. Bistado na ang mga balikwas, at binitawan na ang mga kabaliwan. Bulol mang bumisita sa bara-barang pagbuo ng iba't ibang kabuluhan ng mga bagay-bagay, buong loob na mababanggit na baliktad nang pababayaan ang buwisit lamang na babaran at batis ng kabobohang imbes na ibida ang pag-ibig ay nagbalatkayo na lamang nang may mapag-imbot na aberya.

05 September 2026

Sanctuary

May ginhawa at kalma sa aking bawat pagtapak tungo sa kung saan. Paniguradong walang kasiguraduhan. Bawat sagitsit na nililikha ng aking mga hakbang ay tanda sa bawat naiiwanan nang nakasanayan.

Mabigat ang mga simulang matagal na bumagabag sa kalamnan, mula sa unang araw ng pagkaputol ng pahinga hanggang sa pagtatalaga na ng malagim na umpisa. Ngunit sa kabila ng lahat ng pangingilabot na ihinahatid maya't maya ng sunod-sunod din na mga agam-agam, ganoon din kaiglap bumabaliktad ang lahat na minsan pa nga'y hindi na napipigilan pang ngumiti't magpasalamat sa gulo na naidulot ng isa pang gulo.

Hindi ito dahil sa ayaw ko nang bumalik, ngunit ito ay sa ayaw ko na sa hindi tahimik. May payapa at lumanay sa bawat yapak papunta sa puwang na wala pang may ibang nagmamay-ari, at mabuti na lamang at hindi na ako nagmamadali. Nagkasundo na kami ng aking sarili, hindi naman namin matatakasan ang isa't isa. Ipinagkaloob na ang hindi naman talaga inasam ngunit tumuldok na sa lahat ng hindi napagbigyan.

04 September 2026

Drifter

Sinalo lamang ng kawalan ang aking boses. Hindi ko na pinahirapan pa ang sarili sa tanong na hindi masasagot sa ngayon kaya nagkibit na lamang ako ng balikat saka bumuntonghininga.

Nakapalibot sa kaligiran ang mapayapang hangin na parang wala ring alam sa aking kahihinatnan. Mabuti nang maipit sa sang-angaw-angaw na mga yapakan kaysa siguro sa karaniwang gawian ng walang katapusan na panggagaya na hindi rin naman maikakailang mayroong palaging kasama na lulustay-lustay sa kaluluwa hanggang sa kusa na lamang nitong lagutan ang kaniyang pag-iral.

Walang leksiyon sa lahat ng danas, at hindi palaging mayroong kinakamit. Ang pagtatapos ng pagkamangha ay magsisilbing papel lamang na napuno nang sulatan na baka-sakaling balik-balikan pa, ngunit hindi para sa at parang sa katulad ng dati. Malayo nga ang aking bawat pagsipat, na may maiikling pagtanaw na lamang sa aking likuran. Burado na ang direksiyon pabalik at laking malas ko ba talaga na hindi ko na inaasam pa ang tagumpay?

03 September 2026

Bummer

Ibinalik ako ng sarili kong paghinga sa ulirat ng gising na umaga. Dahan-dahan kong hinila ang nakalubog ko na palang braso galing sa buhangin. Walang ano-ano'y bigla ko na lamang itong inamoy at naghintay na masuntok ng kabantutang ngayon ko lamang dapat na makikilala.

Wala. Umulit ang ilong ko ng isa pa, at sa may mas matindi pang pagsinghot hanggang sa may pumasok nang mangilang butil sa aking hingahan. Napaubo tuloy ako habang natatawa sa sarili kong kagaguhan, ngunit may naiwan pa ring pagtataka sa papatapos nang pagsalba sa aking lalamunan. Wala pa rin.

Hinayaan ko na lamang. Napangiti ako't nilamukos nang isang beses pa ang buhangin bago ako tumayo. Nag-unat-unat muna ako bilang dagdag na rin sa pagpapagising sa aking diwa at katawan. Tinanaw kong muli ang aking kaliwa at kanan, pati ang likod. Mukhang wala pa ring nagbabago. Wala pa rin akong kasama. Nasaan na nga ba ang iba? Mayroon nga bang iba, kung sakali? Humigop ako nang malalim, saka bumulalas ng pagkalakas-lakas na sigaw. Tila walang nakarinig sa akin.

02 September 2026

Far-out

Minabuti kong maupo muna't hintaying maganap ang paggising ng langit. Dinama ng aking mga palad ang maputlang buhanging tila mananatiling busilak hanggang sa magwakas ang panahon — kahit na magwakas pa ito. Walang bahid ng bato, ni ano pang dahon at mga labi ng kung ano pa mang nabuhay.

Wala ring dungis ng inis na dapat sanang nag-uumpisa na sa akin. Kilala ko na dapat ang buhangin, ngunit hindi ang buhanging ito. Sa muling pagsipat ng pasumalang may pasensiya namang maghintay sa akin, kinalabit ako ng sakaling napalilibutan ako ng buhangin na ito. Nababalot ang buong sangkalupaan saan man ang dagok na mapili.

Napahiga ako't hinayaan lamang mauntog ang aking ulo sa ubaya ng sasalo sa akin. Napapikit na lamang ako muli't kinilala nang isa pang beses ng aking mga palad ang buhangin. Unti-unti kong inilubog ang isa sa aking mga daliri. Bahagyang umasa na may masusundot na insekto o hindi kaya kayamanang hindi na mababalikan pa. Kung saan man ako patungo, tiyak na mas pipiliin ko ang mga labi ng insekto.

01 September 2026

Wandering

Nauuhaw ako. Kanina pa ako lumulunok ng laway. Napansin kong hindi naman ako pinagpapawisan ngunit may kung anong simoy na sumasangit sa aking leeg at mga braso na maya't mayang napapawi ng paihip-ihip na hangin. Pasikat pa lamang ang araw, tanaw ng mga matang bakas ang kalituhan sa kakulangan ng mga nasasalubong at sumasalubong.

Saan nga ba ako nanggaling?

Lumingon ako't sukdol din sa lawak ang kaya lamang maabot ng aking paningin. Huminga ako nang malalim. Tumingala sa langit. Pumikit. Huminga ng isa pa. Hindi ako hinintay kailanman ng araw, at patuloy lamang siya sa napipinto niyang paglibot sa aking kamangmangan. Hindi ko rin naman siya masisisi. Kailangan ko rin matutunang huwag manahan sa mga lugar na hindi naman kailangang bantayan. Kung labas siya sa aking kakayahan, ano pa ang magiging silbi kundi magiging aksaya lamang? Mabuti pa ang manghuhula dahil may laya siyang lumipad nang walang kinakapitan. Ito lamang ako't ipit sa hakbang ng aking mga paa. Tiningnan ko ang aking mga tsinelas, at nabigla ako sa buhanging tinatapakan ko pala.