25 November 2011

Tree-Chop

Game. Kaunting kabanuan naman.

Ano ang konsepto ng buhay na tao? Paano mong masasabing buhay ang isang tao? Kung gumagalaw ba ito at nag-iisip, buhay na agad ito? Ang buhay na bagay ba, kailangan ng pagkain para mapanatili ang kanyang sarili na mabuhay? Masasabi bang buhay ang isang tao kung hindi natin siya kilala ni hindi natin alam kung anu-ano ang kanyang mga nais, ang kanyang mga saloobin? Buhay ba ang taong hindi maisaad ang kanyang mga kaisipan tungkol sa buhay? Patay ka ba kung hindi ka nag-iisip? Pagkain lang ba ang nagbibigay-buhay?


Ang panitikan ang sumasalamin sa bawat karanasan ng tao. Dito makikita ang kanyang mga saloobin, mga kaisipan, mga ideolohiya, mga paniniwala at mga pagpapahalaga. Kung may ganitong kahulugan ng panitikan, masasabing ang panitikan ay nilikha ng tao, ang panitikan ay galing sa tao. Mula rito, masasabi nating ang tao, kung aalalahanin niya ang kanyang mga karanasan, kung babalikan niya ang mga nabuo niyang ideolohiya, kung nauunawaan niya ang kanyang mga saloobin, siya ay nag-iisip. Ang buhay, nag-iisip. Buhay ang kanyang diwa, may ibig sabihin ang bawat kilos na kanyang mga binibitawan at naiintindihan ng kanyang kapwa ang kanyang mga sinasabi at ginagawa. Nakadepende halos lahat ng kanyang mga ipinararating sa kanyang mga karanasan, sa kanyang mga kaalaman. Sa panitikan naipahahayag ng isang tao ang kanyang mga naiisip. Isang ebidensya ang panitikan na buhay ang mga mamamayan ng isang lipunan.


Sinabi na kaninang sa panitikan naipahahayag ng isang tao ang kanyang sarili. Kasama rito siyempre ang emosyon ng isang nilalang. Ang buhay na tao, may emosyon. Nagagamit ng tao ang panitikan sa paghahayag ng iba't ibang emosyong ito, nabibigyan ng kulay ang buhay ng isang tao. Hindi lang naman masaya kapag makulay. Ang makulay, nakararamdam ng maraming emosyon. Hindi ko sinasabing kailangang sabay-sabay silang mararamdaman ngunit mahalaga na ring maramdaman ang bawat isa ng isang taong nabubuhay. Buhay ang isang bagay kung nagbabagu-bago ito. Ang nananatili lamang sa iisang lugar o puwesto ay patay. Sa pamamagitan ng panitikan, nakikita ng lahat ang pagbabagu-bago ng isip ng tao, ang paglilipat-lipat niya ng kanyang mga pinipili sa buhay, ang pag-iiba-iba niya ng kanyang mga saloobin. Buhay ang panitikan sapagkat buhay ang tao. Buhay ang tao sapagkat buhay ang panitikan. Nasasabi ng panitikan ang bawat pagbabagong ito na ikinikilos, ipinapakita at ipinararamdam ng isang buhay na tao. Kung hindi dahil sa panitikan, walang pagkakaunawaan, walang magtutulungan, walang buhay ang isang lipunan. Mahirap mamuhay nang nag-iisa lamang at nagsisimula ang pagkakaibigan at pakikipagkapwa-tao sa paghahayag ng sari-sariling damdamin sa iba.


Kilala na ba natin ang mga sarili natin? Mauugat sa panitikan ang pinagmulan ng isang lahi. Ang panitikan ang maaaring magsabi kung saan nanggaling ang isang lipunan at kung anong mayroon sa kanilang nakaraan. Kung inuukit sa panitikan ang bawat karanasan ng isang lipunan, masasabi nating malalaman ng mga susunod na henerasyon ang kanilang pinagmulan. Hindi kumpleto ang iyong pagkatao kung hindi mo nalalaman ang iyong pinagmulan. Ang buhay, kilala ang sarili. Sa panitikan nakasalalay kung paano mong titingnan ang iyong sarili, kung paano kang makikibagay sa iba o kung makikibagay ka, o kung kani-kanino ka lamang makikibagay. Mahalagang makilala mo ang iyong sarili nang hindi ka mapahamak at mapunta sa hindi mo naman gusto. Ang panitikan ang nagpapakilala sa iyo ng iyong sarili, ng lipunang iyong ginagalawan, ng kalinangang iyong kinagisnan ngunit hindi pa lubos na nauunawaan. Buo ka, kumpleto ka, kung kilala mo ang iyong sarili.


Nabubuhay ang tao sa panitikan. Ang panitikan ang ebidensya na buhay ang tao.


ipinasang sanaysay sa "Wala mang praktikal na gamit, bakit mas mahalaga ang panitikan sa pang-araw-araw na kinakain ng isang tao?

Naman

Para lang sa mga hindi ko masabi na gusto kong sabihin, magsasalita na muna ako nang walang sense. Susubukan kong hindi maintindihan ng ibang tao ang sarili ko habang may nakauunawa pa rin. Susubukan kong may magalit at may matuwa rin at the same time. Hindi naman para sa mga taong walang kuwenta at nagpapapansin lang kundi may dating at parating nagpapatakbo ng diwa at damdamin ko. Siya lang naman yata yun. Siya lang sa ngayon. Siya na sana parati. Siya na.

Si Em. Kilala mo naman na siguro siya. Mahal na mahal ko siya pero hindi ko alam kung paano ko palulupitin 'tong post ko tungkol sa kanya. Baka nga maikli lang ang mailagay ko rito. May mga bagay ba naman kasi na hindi ko nasasabi sa kanya nang harapan? Nasabi ko naman na siguro yung mga gusto kong sabihin. Pero sana, sana ngayon, ngayong may pagkakataon na ulit ako sa simula, sana hindi na ako magkamali. Ayoko na talagang magkamali sa ganito. Ayoko nang niloloko ang sarili ko. Ayoko na siyang pahirapan. Hindi ko pa naman yata siya pinapahirapan kung hindi niya ika-count yung makailang beses ko nang pangingiliti sa nakaaakit niyang katawan. Masaya na rin naman siguro kung hindi niya titingnang pang-iinsulto ang pagtingin ko sa maliit ngunit cute niyang height. Aaminin ko, mas gusto ko yung mas maliit sa akin. Mabilis akong makyutan sa mga cute na bagay. Mabilis akong makyutan sa kanya.


Kung anu-ano na lang ba sinasabi ko? Hindi ko na rin mapigilan yung mga sinasabi ko. Gustung-gusto ko siya. Mabilis ko siyang ma-miss. Kapag nag-text siya sa akin bago matulog, parang gusto ko na ulit siyang makita. Kahit ilang oras na kaming magkasamang nakaupo at naghihintay sa improvement ng players sa track oval, hinding-hindi ako nagsasawang makasama siya. Madalas naming hilinging tumigil sana ang oras para lang magkasama pa kami nang matagal. Kapag nakayakap na siya sa akin, ayoko nang tumakbo pa ang oras, ang pesteng realidad. Ayoko nang bumalik sa realidad. Masaya na ako sa ganoon. Masaya na kami. Kapag gumigising ako sa umaga, siya yung hinahanap ko. Kapag nagising ako sa umaga at siya yung napanaginipan ko, gusto kong magwala. Para akong inagawan ng kung ano. Bad trip, ang aga-aga.


Galit siya sa mga tao. Galit ako sa mga tao. Galit siya sa peoplettes. Ayaw niya sa kanila. Maingay kasi sila, tapos nakapaligid pa sila sa amin. Gusto niya, kaming dalawa lang ang magkasama. Makulit siya. Ayaw niyang tumigil sa pangungulit sa akin na hindi ko rin naman pinipigilan. Masaya ako, kaya kahit na anong gawin niya sa akin, okay lang. Kahit sampal-sampalin niya ako, itulak, sabunutan, magpalibre, utusan, tapakan, magpabuhat, lahat, okay lang, basta kasama ko siya. Masaya naman na ako kapag kasama ko siya. Gusto ko siyang kasama parati. Lahat puwede sa akin, huwag niya lang akong sasaktan. Alam niya na siguro kung anong klaseng sakit yun. Alam na namin yun.


Alam naman na namin yun kasi nag-usap na kami dati. Sana maalala niya yung nagkuwentuhan kami, habang magkayakap, nang sobrang tagal sa hindi ko maalalang street. Doon sa street ng Main Lib at malapit yata sa Yakal. Alam niya na yun. Ang tagal namin dun. Kahit sa sobrang sakit na ng mga binti namin, ayaw pa rin naman paawat. Ang tagal naming nagkuwentuhan nang nakatayo, magkayakap. Ayaw na naming maulit ang mga nangyari sa amin noon. Sisikapin naming maging tama lahat ng gagawin namin, nagkasundo sa maraming bagay na mga korning tao lang ang gumagawa at naparami ng tawa, yakap, sandal, halik, kuwento, ngiti. Pero kapag tinuloy ko pa ang pag-alala sa mga ganyang bagay, lalo ko lang siyang mami-miss. Obvious naman kasing hindi ko siya kasama ngayon. Hindi ko rin siguro 'to maita-type kung katabi ko siya, o kung may katabi ako. Hindi rin naman siya makagagawa nang seryoso kapag may nanonood.


Wala siyang pakialam sa mundo. Kapag kasama niya ako, hindi siya nahihiya sa mga tao sa paligid. Gusto ko rin yung part niyang iyon. Malikot masyado, pero masaya. Kahit saan, kahit kailan, keri lang siya sa pagyakap at paghalik sa akin. Hindi man maipakita ng lubhang seryoso kong mukha parati, kinikilig ako. Hindi man karaniwan para sa akin, na para sa lalaki ang magsabi na kinikilig siya, kinikilig din kaming mga lalaki no. Kapag napangiti niya ako, alam niya na yun. Hanggat hindi ako sumisimangot, okay lang sa akin. Hindi niya ako kinakahiya. Mahal na mahal niya ako. Mahal na mahal ko rin siya.


Hindi ko na talaga alam ang daloy ng mga pinagsasasabi ko rito. Madalas niyang ipaalala sa akin na sa kanya lang ako. "Hoy, akin ka lang ah!" Araw-araw ko yata yan naririnig mula sa kanya. Ayaw niyang mawala ako sa kanya. Ayaw ko ring mawala siya sa akin. Masakit kapag may crush siya, kahit normal lang iyon sa lahat ng tao. Exaggerated ba kapag nagselos ako sa crush niya kahit na alam kong hindi niya ako kayang iwan? Siguro. Masakit naman talaga kasi, kahit sabihin nating crush lang. Masakit talaga. Subukan mong magkaroon ng girlfriend at may crush siya na iba. Masakit nga.


Galit siya sa mga tao. Sinabi ko na kanina. Wala siyang pakialam kahit saan kami. Wala siyang pakialam sa paligid niya, sa mga taong nasa paligid namin. Para sa kanya, nawawala lahat sila, lahat ng nakapalibot sa amin, kapag kasama niya na ako. Wala na siyang ibang nakikita kundi ako. Hindi ko alam kung nagfi-feeling ako. Pero kapag ganoon na siya kumilos, na parang wala nang bukas, wala nang pakialam sa mga tao, ganoon ang nararamdaman ko. Ako lang ang nakikita niya, ako lang. Masaya na ako sa ganoong feeling. Masaya na akong kasama ko siya. Nakaaalis siya ng mga problema. Hindi ko kayang magalit kapag kasama ko siya. Araw-araw akong nakukyutan, natutuwa, naiinlab sa kanya.


Para kay Em. Para sa best friend ko.

Paglalapi - Filipino

Putang ina. NANDITO AKO PARA MAGPALIWANAG KAYA BASAHIN NIYO 'TO, PLEASE.

Oo. Alam ko sa sarili kong marami pa akong dapat na malaman. Aaminin ko ring marami akong inimbento pero hindi ko naman inisip na gagayahin na naman ninyong lahat. Nako. HAY NAKO. NAIIRITA NA AKO SA INYO. Pero wait. Sa akin na lang ako maiirita. Kung hindi dahil sa nagpauso na naman ako ng bago, susunod yung iba, hanggang sa ma-exaggerate na ng lahat ng tao. Katatanga niyong lahat. Hindi ko alam kung bakit kailangan niyong dagdagan kaming mga tanga sa mundo e ang tatalino niyo na. Kung lahat ng tao sa mundo matatalino, sino na lang ang magbibigay sa 'yo ng in-order mong chicken fillet?


Ganito kasi yan:


Kapag sa G o NG nagtapos ang unlapi na ginamit mo sa pandiwang trip mo, tapos patinig yung kasunod, saka ka lang gagamit ng gitling. Halimbawa na lang,


mag-ayos

nag-away
nang-away

Pero kapag katinig yung kasunod na titik sa unlapi mong nagtapos sa G o NG, hindi mo na kailangan ng katinig. Huwag kayong eengot-engot.


maglaba

nagluto

Kapag sa UM at IN nag-umpisa ang ginamit na pandiwa, hindi na kailangan ng gitling,

umalis
inaway


Kapag nagdodoble ka na ng pantig, kunwari para sa pangkasalukuyan, the same rules apply, hiwalay parati ang unang taal na pantig ng pandiwang nasa payak na anyo,


nag-aayos

nang-aaway

naglalaba

iniiwan
umaalis

Kapag nagdodoble ng unang pantig, hindi na kailangan pang gamitan ng gitling sa pagitan ng unang "first syllable" at pangalawang "first syllable" mula sa payak na pandiwa,
magtratrabaho
nang-iiwan

Kapag sa patinig nagtatapos ang unlapi, please, oh please, hindi na kailangan ng gitling,

nakaalis
nakadamit

Puwede yan sa lahat, hindi lang sa pandiwa.


GETS NIYO NA? Ngayong nakita niyo na ang katangahan niyo, kagaguhan ko naman ang ilalantad ko. Hindi dahil sa kailangan ko na namang magpauso, kinailangan ko lang talagang maintindihan kaagad ang mga sinusulat ko kaya naman gumagamit AKO ng gitling kapag foreign na salita ang kasunod sa mga ginagamit KONG panlapi,


nag-Playstation

nag-MRT
nag-enjoy
nag-swimming

nagpe-Playstation
nag-e-MRT
nag-e-enjoy
nagsu-swimming


Yan, yan yung naisip ko dati pa para lang sa akin. Para lang hindi ako malito (dahil sa sobrang katangahan ko) kung Filipino o Foreign yung nilalapian kong salita.


PLEASE. Huwag niyo na kaming dagdagan.

18 November 2011

Warm Wind

Em. Naaalala mo when we were on Life Party when you asked me kung okay lang ako? Well, medyo hindi. Pero ayaw ko lang talagang sirain yung mga gabing magkasama tayo. Alam mo naman ako, ayokong pinoproblema ang ibang tao ng problema ko. Kapag tahimik ako nang ganun, alam mo na rin yun, hindi ako okay. Pero dahil ayokong may tinatago ako sa 'yo at sa lahat ng fans ko, sasabihin ko kung ano yung iniisip ko noong mga panahong iyon. Suwerte mo kung maaga kang napadpad sa link na 'to. Hindi ko kasi alam kung trip kong i-send sa 'yo ang blog post na 'to. Okay na rin sigurong nagulat ka, nagugulat ka. Paminsan-minsan ang cute mo 'pag sinisinok. Ay, hindi. Parati kang cute 'pag sinisinok kahit na alam ko sa sarili kong ang panggugulat ang nakaaalis ng sinok. Ewan ko. Sininok na yata ako dati dahil sa pagkagulat. Madali akong magulat. Huwag na huwag niyo akong gugulatin.

Magkukuwento na lang ako. Sobrang ikli lang kasi kapag sinabi ko lang nang diretso yung iniisip ko. Masyado akong maraming iniisip. Minsan, naaasar na ako sa sarili ko, hindi dahil sa sobrang dami kong iniisip na malulupit, kundi dahil sa tinatamad akong isulat kaagad yung mga naiisip ko. Tapos nabubura na lang bigla. Sayang. Ang dami ko nang nasayang, pramis. Kahit anong lalim na hukay na ginagawa ko sa paghahanap sa aking kinakalawang na diwa, hindi ko ulit sila matagpuan. Suwerte na talagang sinisipag ako paminsan-minsan.

Para sa mga taong tinatamad nang pindutin ang Retry, ready nang maging tambay at natapos na lahat ng libro sa bahay. Game? Game.

Bad trip. Nanginginig ako. Nandito na ako sa first class ko para sa second sem. Actually, papunta pa lang ako. Nandito na ako sa ikalawang palapag. Paakyat na ako. Paakyat pa lang ako. Nanginginig talaga ako. Hindi naman ako late. Alam ko, hindi talaga ako late. Tiningnan ko yung relo ko. Hindi nga. Ikatlong palapag. Napapagod na puso ko. Napapagod na hindi dahil umaakyat ako gamit ang mga pesteng hagdan. Napapagod na ako sa labis na kaba. Ayaw mawala. Mababaliw na yata ako. Ikaapat na palapag. Palapag na ng first class ko. Unang klase para sa second sem. Ang sakit na ng tiyan ko. Pagod na pagod na ako. Natuyuan na ako ng pawis sa likod nang ilang beses. Bumibigat na ang mga nakikita ko. Bumibigat na rin yata pati bag ko. May humihila sa akin. Hinihila ko na naman yata sarili ko pababa. Gusto kong umupo sa hagdan. Wala nang hiya-hiya kapag nagsimula nang magdilim ang iyong paningin. Wala ka nang pakialam bigla kapag tinanggap mo na sa sarili mong babagsak ka na, kapag pumayag ka nang magpatalo. Ayoko na. Pero, wait. Dapat na nga ba akong sumuko? Wala pa nga e. Hindi ko pa nga alam ang mga mangyayari sa akin para sa sem na may anim na majors. Hindi ko pa naman kilala mga prof ko. Hindi ko pa naman naririnig ang mga boses na mang-iirita sa akin sa buong sem. Hindi ko pa naman nalalaman kung anu-anong pagpapahirap ang mararanasan ko mula sa kanila. Hindi ko pa naman alam kung matutuwa ako sa mga ipagagawa nila. Pagpapahirap na pisikal. Masisira ba utak ko? Isasabay nila pati mental. Kung saan-saan pa ako maglalakad. Marami pa akong tatakbuhin, babasahin, tatawanan, mumurahin. Marami pa akong kailangang gawin, pero bakit ang hinaharap na agad ang iniisip ko?

Hindi ko mapigilan ang pesteng utak na 'to sa pag-iisip ng mga negatibong bagay na maaaring mangyari sa akin. Nahihirapan na agad ako, wala pa nga. Mabilis akong magulat. Mabilis akong kabahan. Kapag hinamon niyo ako ng kahit na ano, iisipin ko agad na matatalo ako. Kasi iniisip ko, wala agad akong magagawa, kahit na alam ko rin na meron. Madali akong matatalo sa lahat, mabilis akong mag-panic. Huwag na huwag niyo akong tatakutin, mabilis akong maniwala. Ayokong nakaririnig ng mga nagkukuwentuhan ng nakakatakot, ng grades, ng terror na profs, ng kawalan ng pag-asa. Mabilis dumami ang mga issues na related sa mga ganyan sa utak ko. Hindi ko na sila mapigilang magparami, sige lang sa pagpapabigat ng saloobin ko, sa pagpapababa ng sarili ko. Kaya mahalaga sa akin ang kaibigan, kahit isa lang. Okay na yun. Masaya na akong may best friend ako, kahit babae. Kahit isa lang na makapagpapaligaya sa akin, na makapagpapagaan pansamantala ng mga dinadala kong ilusyon sa buhay. Nakagagaan din ang pagdadasal. Kailangan natin ng pinaniniwalaan sa buhay, malakas na faith, para sa matibay at buo na loob. Pero kahit na ganoon, umaatake pa rin sa paggising ko ang pesteng pessimism. Hindi pa ako tinatawag ng referee sa ring, umaatras na agad ako. Wala namang gustong mahirapan. Wala namang gustong bumagsak. Wala namang gustong mapahiya. Wala namang gustong masigawan at mamura in the face. Lahat gusto ng pera. Lahat gusto ng malulupit na talent, o kahit pretty face, basta kumita. Pero yung mga pinakamalulupit na bagay sa mundo, pinaghihirapan. Hindi mo sila makukuha nang ganun-ganon na lang. Hindi puwedeng hindi ka lalaban, mahihirapan. Puwede kang madapa. Huwag ka raw mag-expect na iaabot lang sa 'yo yung gusto mo. Siguro kung baby ka at mahilig mag-tantrums, baka pagbigyan ka pa ng tadhana. Pero sa panahon ngayon, hindi lahat ng baby na nagta-tantrums nakakakuha ng candy o bagong bisikleta, ikaw pa kaya? Magkakasugat ka raw muna bago lumupit ang buhay mong puno ng pasakit sa umpisa. Walang madaling boss fight. Maaaring mamamatay ka nang ilang beses pero baka puwede mo namang balik-balikan ang boss. Nandun lang yun parati, naghihintay.

Pero pepestehin ka pa rin talaga ng pag-iisip mo. Ikaw mismo ang hihila sa sarili mo pababa. Kahit anong sisi ang ipagtuturo mo sa iba, MAY KASALANAN KA PA RIN. Marami ka nang iniisip. Anong mangyayari sa 'yo paglaki mo? May trabaho ka kaya? Maibibigay ko ba sa mga anak ko ang naiparanas sa akin ng mga magulang ko? Kakayanin ko ba ang mga ipagagawa sa akin ng prof ko? Tatanggapin kaya ng lipunan ang mga pinagsasasabi ko? Sa dinami-dami nang nailimbag, may maidaragdag pa ba ako? Kailangan ba talaga malupit ang pagkaka-cite o document? Maaabot ko pa kaya ang mga pangarap ko? May pangarap pa ba ako? Nabura na ba nang tuluyan ang mga pangarap ko? O puwede ko pang isulat ulit ang pangarap kong unti-unti nang naglalaho? Gusto ko ba talaga ang gusto ko?

Siguro kasi, natatakot ako sa pagbabago. Marami naman yatang katulad ko. Oo, masayang magpalit ng desktop paminsan-minsan, pero nami-miss ko pa rin talaga yung gusto ko. Masayang mag-settle down na sa kung anong puwede na talaga, puwede na talaga 'to. Pero hindi ganoon gumana ang buhay. Lahat nagbabago. Kung may jejemon nang nangyari sa wika, aircon na mga jeep, nagsasalitang aso at lumilipad na bola sa Japan, kailangan talagang humabol ng tao sa kung ano ang tama, kung ano ang mga dapat gawin. Walang gustong magpahuli. Sulit naman siguro lahat ng mga nakamit sa pagpapahirap no? Hindi ganoon kasaya kapag nandaya. Mas masayang nadiskubre mo sa sarili mo kung saan makakakuha ng Poké Flute kaysa sa naghanap ka pa ng guide sa Google.

Paano kung bumagsak nang ilang ulit na? Paano kung hindi na gumradweyt? Paano kung maiwan ako? Paano kung nauubusan na ng pasensya? May darating namang tulong. Siguro, may tutulong naman din habang simula pa lang. Siguro, kaya ko naman.

30 minutes na ang lumipas. Hindi dumating ang prof ko para sa unang klase. Bad trip pa rin.

28 October 2011

N

Leche. Ang sakit ng batok ko. Kanina pa ako nakatitig sa laptop ko, hindi naman nagsasalita. Kulang na lang may magsalita, pero sana walang magsalita. Mag-isa na naman kasi ako. Hindi naman sa mag-isa lang talaga ako. Ako na lang siguro ang gising. Ako na lang nga. Gabi na. Wala akong makausap - sa internet. Ayoko namang bigla na lang may kumausap sa akin. Leche magugulat ako. Madali na nga akong magulat, matatakutin pa ako. Ayokong nakakarinig ng nakakatakot ni nakikisama sa mga nakakatakot na kuwentuhan. Alam kong takot na takot ako pero minsan kasi, malupit din sa feeling kapag nakikinig ka sa ganoong uri ng mga kuwento. Mga tipo ng bagay na hindi mo talaga sigurado kung totoo o may nagpauso lang na adik.

Kapag may nagkukuwento ng nakakatakot, iniisip ko kung saan ako uuwi at anong oras ako maliligo sa mga susunod na araw, kung sakaling makinig man ako sa ikukuwento. Apektado kasi yung bilis ng pagligo ko pati pagtae kapag fresh pa sa memory ko yung pesteng plot. Sunud-sunod yung mga naiisip kong mga kung anu-anong nakakatakot na bagay. Bumibilis yung tibok ng puso ko. Lahat na lang ng sulok tiningnan ko kahit na alam ko sa sarili kong ayokong makakita ng nakakatakot. Ayokong makakita pero tinitingnan ko, hindi ko alam kung bakit. Pagkabuhos, shampoo at sabon na agad ng buong katawan. Kapag tumatae, super tulak sa lecheng jebs. Kapag umiihi, lingon nang lingon, hindi na masikaso nang maayos ang target. In the end, nasasayang lang yung oras na pagmamadali ko, hindi ko nagawa nang maayos ang mga dapat kong gawin na sana nagawa ko naman talaga nang maayos kung hindi dahil sa mga pesteng naiisip ng utak ko. Abnormal na imagination. Nakaligo na sana nang kumportable sa sarili. Nakapagbawas sana nang hindi nagkakalat at walang natitirang sama ng loob.

Kapag sinuwerte naman ako, iniisip ko kung anong gagawin ko sa buhay ko. Madalas kapag nagsha-shower, pinipilit ko talaga yung utak ko na isipin kung anong mangyayari sa akin sa future. Hindi ko talaga alam kung anong mapapala ko kapag gumradweyt na ako. Hindi ko alam kung ano nang susunod kong gagawin. Hindi ko alam ang ginagawa ko sa ngayon. Gusto ko naman yung mga gusto ko talaga pero hindi ko alam kung gusto ko pa rin yung mga gusto ko dati. Sana talentado na lang ako tulad ng lahat ng tao sa buong mundo. Sana malakas ang loob ko. Sana malaki ang tiwala ko sa sarili gaya ng mga walang'yang palabas sa TV. Sana totoo na lang yung mga palabas sa TV, huwag lang yung mga nakakatakot.

Kapag nagkukuwento ako ng nakakatakot, natatakot din ako. Kinikilabutan man ako sa kaloob-looban ko, ngumingiti at tumatawa pa rin ako habang nagkukuwento ng nakakatakot. Madalas, ang ending ng mga nakakatakot na kuwento, nakakatakot talaga. Kapag ako na yung nagkuwento, pagkatapos ng nakakatakot na ending, dudugtungan ko na lang ng masayang twist. Kunwari na lamang, naka-costume yung best friend nung biktima sa kuwento, parang ganyan.

Masaya rin maglaro ng nakakatakot sa PS 3. Tapang-tapangan. May baril naman kasi. Hindi ka naman maabutan ng zombies sa TV. Marami kang balang mapupulot. Marami kang baril na mapupulot. Mabubuhay ka sa Red at Green Herbs kahit hindi mo alam kung paano ginagawang First Aid Sprays ang mga ito. Naaalala ko, noong nagtanong yung Geog prof namin kung sakaling nag-zombie apocalypse, saan raw kami unang pupunta. Aaminin ko, una kong naisip, wardrobe. Tahimik naman dun. Magdadala na lang ako ng walis tambo, panghampas, sabay takbo at lipat ng wardrobe ng ibang bahay. Walang kuwenta. Hindi ako magtatagal malamang. Yung mga nakaharap ko nang zombies iba-iba. Mas gusto kong zombies yung sa RE 3, naglalakad lang tapos napakababa ng accuracy at intelligence. Yung mga zombies sa RE 5, fuck, tumatakbo. Nakakatamad kayang tumakbo. Leche, kung ako, papapiliin ng zombie, yung nasa RE 3 na lang, matatawa pa ako. Run like fuck pag zombies ng RE 5. Hanggang ngayon nag-iisip pa rin ako ng mas gaganda pa sa naisip ng Geog prof ko sa tanong na ibinato niya sa amin tungkol sa zombie apocalypse. Ayokong sabihin, gagayahin mo e.

Tapang-tapangan din kapag nanonood ng horror movie. Maingay raw ako manood ng horror movie, halatang takot. Grabe. Bawat simula ng horror movie, OOPS, HINDI AKO MANONOOD NITO PROMISE, tapos uupo na lang ako, sabay nood. Pagkatapos ng pelikula, FUCK, BAKIT AKO NANOOD, NAIIHI NA AKO. Sobrang pagsisisi. Hindi mo talaga alam kung ginusto mo yung gusto mo. Minsan, magpapapansin ka lang, nagtatapang-tapangan ka lang, naghahanap ka lang ng kakausap sa 'yo. Sana kaibigan yung kakausap sa 'yo.

Wala lang talaga akong magawa at tinatamad na akong maghintay ng grades sa CRS kaya nagsulat na lang ako. At dahil Halloween naman daw, sumulat na lang ako ng isang napakaikling post tungkol sa takot.

24 September 2011

Sipon

Hindi, di, kasi, di ko pa natutuloy
Panda, Mungyo, Transformers, naaalala mo?
Hinihigop, lumulubog sa kumunoy
Pilit na huhugot, spam pa sa A button

Susubukan ko nang magsulat ng tula
Kahit na di ako matinong bumato
Sa larangang ito, pagtitripan ko na
Hanggang kainin ng zombies ang utak ko

Hindi. Ano. Paano bang sisimulan?
Ang pakiramdam na ito, pag-iisipan?
Mga nais sabihi'y halu-halo
Pero sana, tayo'y di magbago

'Pag maginaw, maulan, masaya ako
Ikaw naman kasi ang unang nayakap
Habang umuula't wala tayong payong
Yes, natupad, mababaw man ang pangarap

Oo na, ang arte na ng sinabi ko
Pero kasi, alam mo naman yung feeling
Na kahit cheesy ang nasabing eksena
Ito ay uluhating maituturing

Ayun, wala lang, gusto ko lang iutot
Na 'pag kasama kita, nais magwala
Tulog, nananaginip, kung maghahanap
Kung mawala, titigil, matutulala

09 September 2011

Pula

Ito, ginawa ko 'tong kababuyang 'to habang nagkaklase sa Arkiyoloji 1. 5:30 pm - 7 pm ang period tapos ang boring pa magsalita ng prof namin. Buti na lang talaga paminsan-minsan nagtatanong ako. Minsan kasi, sa buong period, ako lang yung nagtanong. Kung hindi ako nagtatanong malamang chinecheck ko ang phone ko kung may nag-text, nagdo-drawing ako ng Poring sa likod ng notebook ko o nagagawa ko na lang nang hindi inaasahan ang mga katulad ng pesteng composition na ito:

Ang sakit ng ulo ko. Ay, hindi, nahihilo lang pala ako. Pero kahit ano namang isigaw ko sa mga iyan e magmumukha lang akong nagpapapansin, naghahanap ng atensyon, jejemon. Jejemon. Putang ina. Hindi ko talaga tanggap na jejemon ako noon. Oo sa text, pati sa YM. Malayo na ito sa pagkakasingkahulugan ng jejemon at ng papansin. Direktang pagpapakahulugan na ito na ang jejemon ay papansin.


Papansin talaga ako. Minsan, iniisip ko, kaya ako nagsusulat ay dahil sa gusto kong mapansin ako. Hindi naman sa wala akong pakialam sa mambabasa pero kasi ako ang number 1 fan ko. Kaya ako nagsusulat kasi gusto kong may binabasa akong sinulat ko. Tapos matutuwa ako sa mga sinasabi ko. Masaya na ako para sa sarili ko kapag pinapatawa at pinapahiya ko ang sarili ko. Sunod ko na lang na priority yung mga mambabasa ko. Mas gusto kong sinusulat yung binabasa ko kaysa yung gustong mabasa ng iba. Okay nang walang pumapatok sa inyo, basta patok sa akin ang sinusulat ko. Hindi ko rin naman direktang sinasabing "Uy, basahin mo yung malupit na blog ko" kundi yung entry lamang na gusto kong ipabasa sa kanila. Pinapabasa ko lang sa taong gusto kong ipabasa kung para talaga sa kanya iyon. Masuwerte na siyang isa siya sa mga dahilan kung bakit ako nagsulat. Yung mga binabasa niyong hindi niyo nagustuhan, wala na akong pakialam, dahil unang-una, hindi ako nagsusulat para sa inyo. Pero masaya rin naman kapag positive yung comments ng mga tao. Masarap sa pakiramdam kaya nakalagay sa lahat ng info tab ko ng mga sinalihan kong pagsasayang sa kuryente ang link ng blog ko.


0 (zero) ang gamit ko na letter O kapag nagte-text ako. Ewan ko. Ganoon kasi mag-text yung mga nauna kong ka-text. Dapat hindi pantay-pantay, walang konsepto ng pagka-flat at mukha talagang nagtatalunan at nagwawala ang bawat titik ng pagpapapansin ng iyong text message. Simula naman noong naadik na akong magsulat sa Filipino, itinino ko na rin ang sarili ko sa pagte-text. Ayoko na rin namang matulad sa mga kaklase ko noong elementary na nagpapasa ng mga sulating kulang-kulang sa vowels. Ayoko na ring magmukha akong nagpapapansin kahit na natural na sa akin ang pagpapapansin at kahit na galit na galit ako sa mga papansin. Isa akong malaking ipokrito. Maipagtatanggol ko pa ba ang sarili ko?


Ibang klase naman kasi ako magpapansin. Tumatawa o natutuwa naman siguro yung mga tao kapag nagpapapansin ako. Kadalasang tanggap ng mga tao ang panghihimasok ko sa mga buhay nila at feeling ko talaga ang lupit-lupit ko. Yung ibang kulangot sa pader, ayun, kulangot. Trying hard ang paglabas, malagkit magsalita, marumi ang pakay. Ako, kapag nagpapansin, napasaya ko na sarili ko, napasaya ko pa ang iba. Ang mga kulangot, gusto talaga nilang hinahawakan sila kahit na ang dumi-dumi nila. Ang pagbatikos na ito ay hindi para sa mga tulad namin, mga katulad kong naghahanap ng bago, kundi para sa mga nagre-recycle ng mga bagay para lamang mapansin. Mabahong-mabaho na ang istilo ng mga kulangot. Magkakasundo man sila kapag sila ay nagpaka-KSP sa isa't isa, hindi pa rin talaga sila nakatutuwa, boring na talaga ang dating nila, ang awkward masyadong pakinggan o makita at minsan, gusto ko talaga silang pasabugan ng RPG.


Sinama ako ni Kuya, noong 3rd year high school pa lang ako, sa UP Fair. Iyon ang kauna-unahan kong pagkakataong makatapak sa UP Diliman. Gabi magsisimula yung fair kaya gabi na rin kami pumila at dahil diyan e mas matagal kaming nakapasok. Sabi sa akin ni Kuya, halos lahat ng JJ (Jumping Jologs) ay naka-black. Tinanong ko siya kung ano yung Jumping Jologs - makikita ko raw maya-maya kapag nagko-concert na. Edi nag-concert na nga. Nung pumasok na yung bandang Hilera e lumuluwag na lang bigla yung space sa concert grounds, tapos nakita ko na lang yung mga JJ e nagtatalunan habang tumutugtog na ang nasabing banda. Wala silang pakialam sa mga nakapalibot sa kanila. Lahat ng tao binabangga nila. Itong mga JJ na ito nga pala ay hindi UP students kaya apparently, kahit sino puwedeng mag-UP Fair. Kung babalik tayo sa mga nagtatalunang tukmol na ito, yung iba sa kanila ay may mga dala pang bandila o telang nakalagay ang pangalan ng kanya-kanyang grupo. Wala kaming pakialam. Halos kalahati ng performance ng Hilera e nakatuon ang pansin ko sa kanilang mga baliw. Habang nangyayari pa ang kaguluhang iyon, may mga nagliliparang mga C2 bottles at makapal na usok ng yosi. Hindi namin alam yung mga kanta ng Hilera so nakatayo lang kami roon, hinihintay na matapos ang kalbaryo nang biglang.. may nahulog na C2 bottle sa harap ni Kuya. Kinuha ng kapatid ko ang bote sabay hanap ng target. Nang ma-acquire na niya ang kanyang target e binato niya nang pagkalakas-lakas sa ulo ng target yung bote. Umikot nang pagkabilis-bilis ang bote sa ere at tinamaan nga sa ulo ang pesteng target na JJ. Nahilo ang tanga. Kinabahan naman ako para sa kapatid ko kasi maraming back-up ang tukmol kung sakaling i-locate niya ang lugar na pinanggalingan ng bomba. Mabuti na lang hindi. Hinimas niya lang nang sandali ang tuktok na tinamaan ng bote sabay talon na ulit nang bonggang-bongga.


Nasa jeep naman kami noon ng aking mga kapatid, pinag-uusapan ang laro namin kagabi sa Dota. Hindi naman sa nagpapapansin pero malakas kaming mag-usap ng aking mga kapatid sa jeep. Ewan ko. Siguro iniisip namin kung makaka-relate ang ibang tao tapos papasok din sila. Ganun naman siguro tayong mga Pilipino, tsismoso. Nilalakasan para sa iba, nakikinig din sa iba. Tungkol naman sa pinag-usapan naming game kagabi, binanggit namin ang paggaya sa mga nakalaban naming may letter H kapag nagta-type. Dahil asar na asar kami sa pagpapapansin nila, ginagaya namin sila at ine-exaggerate namin ang paggamit ng pesteng titik na sumikat sa wikang Jejemon. Hindi pa nababanggit noon ang Jejemon, hindi pa naiimbento ang salita, hindi pa napapansin ng media para pagkakitaan at gawan ng mga mas nakaba-bad trip pang segments sa ere. Biruin mo, may sarili nang wika itong mga papansing ito, nai-feature pa sa TV at marami na ring gumagawa ng papers tungkol sa kanila, nire-research kumbaga. Masaya na kayo? Kung hindi siguro dahil sa malakas na pag-uusap naming magkakapatid, hindi maririnig ng kapwa naming mga pasahero sa jeep ang aming pinag-uusapan. Hindi sila mangingiti, mapapansin ang kabaluktutan at kakulangan sa atensyon ninyo kung hindi na lang kami nag-usap. Hindi sana kakalat at sisikat ang kababawan ninyo kung hindi namin kayo pinag-usapan.


So iyon, walang ending. Hindi ko na rin alam kung paano ko ito tatapusin. Sunud-sunod lang naman kasi yung pagpasok ng inis sa akin tapos biglang.. time na pala.

10 August 2011

Baraha

Yes. Please. Tapusin mo na. Okay na 'tong laway na 'to. Tantsa ko, sa lapot kong 'to, malapit nang mag-time. Joke lang. Kanina pa kasi ako tumitingin sa relo ko. Ang relo kong na-miss ko for 1 week. Grabe as in last week, tingin ako nang tingin sa left wrist ko. Tapos nabaliw pa ako kasi tinanong ko pa yung sarili ko kung anong Tagalog ng wrist. Sobra akong nabaliw.

Tinapos na rin ang pagtatalumpati at walang katapusang headbangs. Sana lang maalala kong kailangan kong kumuha ng readings na naman kay Ate Jophel. Minsan may hiningi akong readings na pinapakuha galing kay Ate, wala naman daw. Kaya minsan, tinatamad na rin akong kumuha ng readings. Kailangan ko rin palang mag-refresh ng mga lalawigan sa ating bansa. Grabe. Ito pa isa. Last last week ko pa siyang inaaral. Mabuti na lang talaga last last week ko pa siyang inaral, para magre-review na lang talaga ako. May blank map kami sa Friday. Buti na lang talaga.


Lumabas na ako mula sa pesteng classroom at nagmadaling pumunta sa CASAA. Wala na kasi akong barya. Sasakay kasi ako ng jeep para makapag-MRT at makapunta sa office ni Nanay. Pinadala ko kasi yung camera para may gagamitin ako sa Geog camp namin sa Sabado. Sabi ko mga 1 pm ako dadating. 11:30 am sakto tinapos yung klase - akala ko mga 11:20 ~ nairita na talaga ako. Ang taas pa naman ng sikat ng araw kanina, e tapos wala pang jeep mula CAL hanggang CASAA. Nahihilo na ako. Bumili ako ng pasta sa Pipanganan nang mabaryahan yung isanlibo ko, kung hindi, isanlibo ang ibabayad ko sa jeep. Ayaw ko rin namang mabaliw si Manong Drayber. Tinake out ko na yung pesteng pasta at kinain ko na sa jeep.


Pagsakay ko ng MRT, natuwa naman ako sa air con. Lecheng init sa labas yan. Pero nung nadagdagan na nang nadagdagan yung mga pasahero, e bumaho na nang bumaho yung naaamoy ko. Hindi ko naman alam kung paano ko ipupuwesto yung ulo ko. Panay ihip na lang ako. Hindi ko siya carry, yung amoy. Grabe. Hindi ko alam kung makahihinga ako nang maluwag paglabas ko ng tren kasi nga ang init, tapos air con ang habol ng kalbo ko na namang ulo.


12:40 ako dumating ng Ayala Station. Super mother fucking nagmamadaling paglakad ang ginawa ko. Kunwari talaga natatae ako. Tinamad akong tumakbo kasi nga ang init. Lalo lang akong mahihilo. Tumatakbo-takbo ako kapag may nabubuksang space mula sa mga tao para makasingit ako. Nakarating naman ako nang ala una sa tapat ng office ni Nanay. 1:30 pm pa naman yung meeting na a-attendan niya so nilibre niya muna ako sa canteen nila.

Yung in-order niya sa akin? Chicken + talong + kamatis + boiled egg. Solb. Nabaliw lang yung tiyan ko sa pineapple juice. Habang kumakain..


..tinanong ko si Nanay. Sabi ko, kung may anak man siyang babae, anong mas okay sa kanya: magpapaalam sa kanya yung manliligaw sa anak niya o bigla na lang sinabi sa kanyang may boyfriend yung anak niyang babae? Sabi ni Nanay hangga't maaari dapat open ang mga anak sa kanilang mga magulang. Mas okay raw sa kanya yung magpapaalam yung boyfriend. Tapos tinanong niya naman ako kung marunong akong manligaw. Ngumiti ako sabay iling. Sabi ni Nanay, wala lang naman yun, mag-uusap lang naman daw kami ng nililigawan ko. So ganun lang pala kasimple yun. As in napa-THE FUCK?!!?!!? ako sa isipan ko. Mag-uusap lang ba talaga? Ang dami talagang kaartehan ng mga babae ngayon.


Buti nag-uusap lang tayo. Ni wala tayong sinunod na gimik na kung ano. Sana magkaroon na ng araw na makapagpapaalam na ako sa makulit mong mommy at pagkalupit-lupit mong daddy. Kailangan ko ng super powers para sa araw na iyon. Haha.

Nagpabili na ako ng banana cake para sa ating dalawa at umuwi na akong hilong-hilo pabalik sa Rm 328-A.


May nakasabay nga pala ako sa jeep na matanda kanina. Ingat na ingat yung mga pasahero sa kanya. May gusto sana akong i-type tungkol sa matatanda. Aawayin ko sanang sana hindi na sila iniingatan. Pero nagkamali ako. Bigla ko kasing naalala si Mama, yung lola kong nagpalaki sa amin ni Kuya at Mig at nagturong matulog kami nang hapon kahit ang taas-taas ng energy namin at nagpakain sa amin ng gulay. Noong maliit ako, ayaw na ayaw ko talaga ng gulay. Dahil kay Mama, natuto akong kumain ng gulay, naging masarap para sa akin ng gulay. Huwag lang talaga okra.

Nahiya tuloy ako sa naisip ko. Sa naisip kong sana hindi na lang sila iniingatan kasi baka naman hinihintay na lang nilang mamatay sila. May napanood kasi ako sa South Park. Pinipilit niyang barilin siya ng apo niya kasi gusto niya na talagang mamatay. Kapag namatay si Mama, iiyak talaga ako. As in. Na-miss ko tuloy si Mama. Sorry. Alam kong malulungkot kaming lahat. Alam kong malulungkot ako. Alam kong ang mga astig na lolo at lola ay binibigyan ng halaga. Masaya makipagkuwentuhan, makipagbiruan kay Mama. Minsan, siya pa mismo ang nagpapatawa sa bahay. Iniisip ko talaga paminsan-minsan, kay Mama ako nagmana. Singkit, masayahin, astig, walang kakupas-kupas. Sana matuto rin akong magluto nang masarap.


Para sa mga astig na lolo at lola.

09 August 2011

Kill Us All

Kunwari naghihintay ako. Excited na naman ako. Natuwa talaga ako doon sa ginawa kong comic strip sa Pan Pil 17. Hindi nagbigay ang prof namin ng kahit na anong paksang gagamitin para sa iguguhit na comic strip. Hindi ko alam kung bakit ako nasabik gumawa ng comic strip kahit na alam ko sa sarili kong kahit bundok at palayan e hindi ko ma-drawing nang matino - tao o hayop pa kaya. Hindi ko naman puwedeng pasalitain ang mga bundok at halaman, masyadong korny. Mas masayang makita ang mga ekspresyon ng mukha sa mga tao. Gusto ko silang pinag-oobserbahan, sa malayo man o sa malapit. Ang sarap ng feeling kapag nawiwirduhan ako sa mga ikinikilos ng mga tinititigan kong tao. Yung tipong mga kilos nila ay dumdepende sa kung anong uri ng mga tao ang nakapaligid sa kanila. Hindi ako kuntento sa pagtitig sa isang tao kapag nasa iisang lugar lang siya. Kailangang may record ako sa gunita ko kung anu-ano ang mga ginagawa niya sa bawat lugar na inuupuan niya at sa bawat grupo ng taong nakakasalamuha niya. Iba-iba. Alam kong ganoon din ako, ganoon tayong lahat. Isang magandang halimbawa na lang ay yung kapag nasa school tayo at kapag nasa bahay tayo. Magkaiba talaga.

Ibang-iba rin kapag alam na nilang tinititigan ko sila. Nagbabago na ang kilos ng tao kapag alam na nilang inoobserbahan na sila ng tao. Nagiging conscious na sila kapag pinapanood na sila. Nag-iiba ang kilos, nagpupunas ng panyo, pasimpleng retouch ng make up, lumalakas ang boses, nag-iisip ng witty statements or arguments na wala namang saysay sa naunang pinag-uusapan. Wala na silang paki sa kanilang mga kausap, sa grupong kanilang kinabibilangan, sa lugar na kanilang pinaghintayan, pinagtagpuan, pinagpahingahan. Nakafokus na ang kanilang atensyon sa kanilang manonood. Mas kailangan nilang i-satisfy ang mga tao sa paligid nila, na pakiramdam nila ay nakatingin sa kanila. Mas mahalaga ang mga taong hindi kilala.


Marami-rami na ring kakatuwang senaryo ang aking mga napanood sa malaking TV na aking kasabay tuwing ako ay nagko-commute. Masaya paminsan-minsan mag-ordinary na bus. Mas maingay, mas masalita ang mga kasabay ko, mas nakikita ko kung ano talaga sila. Walang hiya ang mga tao sa ordinary bus. Hindi ako makaamoy ni kaunting kaplastikan sa mga nakasasabay ko sa ordinary bus. Hindi man pabor ito sa mga naunang kong nabanggit na kailangan ko silang makasama sa iba't ibang lugar, masasabi ko pa ring alam ko kung totoo sa mga tao kung gusto talaga nila ang kanilang mga ikinikilos.


Na-miss ko tuloy ang Taft Avenue. Gusto ko na ulit malanghap yung usok, marinig ang busina ng mga jeep. Gusto ko na ulit makarinig ng mga nagsisigawang driver at ang pagdaan ng LRT. Gusto ko na ulit makita yung mga vendors ng candy, yosi, dos tres, isaw, hotdog, fishball, squidball, kikiam, banana cue. Gusto ko na ulit maglakad sa mga marurumi at di pantay na mga kalsada. Gusto ko nang makipagsabayang tumawid ulit sa mga tao kapag papasok ng aming paaralan o pauwi. Gusto ko na ulit makasakay ng ordinary bus. Gusto ko na ulit makatulog habang nasa biyahe. Gusto ko na ulit maramdaman yung feeling na pinag-iisipan ko habang nasa biyahe ako kung gagawa ba ako ng assignment pagdating sa bahay o matutulog na lang ako, o kakain, o maglalaro, o manonood ng.. video sa Youtube, o magsusulat. Gusto ko na ulit isandal yung ulo ko sa bintana. Gusto ko nang matulog nang nakapatong yung ulo ko sa sandalan ng upuan at nakanganga ang bibig ko. Gusto ko nang ipatong at idikit ang aking ulo sa likod ng upuan sa harap ko habang nanginginig ang aking utak. Gusto ko nang pagulat na magising ulit kapag tinatanong na ako ng konduktor kung saan ako bababa.


Yung ginawa kong comic strip e yung kapag nagtatanong ang konduktor sa mga pasaherong may kasamang bata kung ibabayad ba nila yung bata. Nakakatawa kasi. Natatawa talaga ako sa isipan ko kapag naririnig ko 'tong tanong na 'to. Hinding-hindi siya kumupas sa pandinig ko. Napapangiti ako kapag ganoon talaga yung pagkakatanong. Parati ko na ngang inaabangan e.


Inaabangan ko na talaga. Kanina pa kasi malakas ang ulan, kanina pa ako naghihintay. Excited na akong ma-suspend na naman ang klase. Kanina pa ako nakaupo sa library, habang minamadali ang reviewer para sa quiz na magsisimula after 2 hours. Gusto ko na talaga ma-suspend kasi hindi pa talaga ako nakakapag-aral. Mabuti na lang interesante yung paksang pinapabasa sa amin. Buti na lang talaga tawa ako nang tawa habang binabasa ko yung essay na may pesteng quiz. Minsan nakalulungkot kahit gaano pa kalupit yung binasa mo, may quiz naman. Pero wala akong magagawa. Kahit itinatanggi ko sa sarili kong GC ako e kailangan ko pa ring mag-aral para sa pesteng quiz, habang naghihintay.


Tapos may lumapit sa akin. Tumayo sa harap ko. Babae. Hindi ko alam kung bakit namumukhaan ko siya. Hindi ko rin alam kung anong sasabihin ko. Yumuko. Ako na ang unang nagsalita. "Anong subject ka?", sabay turo sa mukha niya. "Uh.. Pan Pil 17", sabay ngiti. Napakunot yung noo ko, tapos isip.. isip.. isi- .. . ... "Uh.. Ah! AHHHH!!!" *facepalm Nakakahiya. Pero hindi naman siya nagalit. Lumapit siya sa akin kasi nakilala niya ako malamang. Habang hawak din ang pesteng essay, inihatid na niya ang mensaheng gustung-gusto at na-miss ko rin.


CLASSES SUSPENDED.


Nagsigawan din ang mga masusungit na librarian. Nagagalit sila sa amin kapag nag-uusap kami pero sila, nagsisigawan talaga ng


CLASSES SUSPENDED.


Na-miss ko talaga 'to. Noong nakaraang taon kasi, halos mabasag na yung mga bintana sa kuwarto, nililipad na papaloob ng kuwarto yung mga butterflies na kawawa, may mga nahuhulog na ngang branches sa Acad Oval, hala, sige, klase.


Gusto kong umuulan, lalo na kapag suspended. Ang sarap ng feeling.

07 August 2011

Press It For Glory

Nakatitig lang ako. Nakaharap sa pisara. Hindi ko alam kung bakit nakaupo ako sa pinakaharap. Ang tanga. Talagang pinakaharap na row yung pinili ko. Bakit? Hindi ko talaga alam. Siguro kasi feeling ko babagsak ako kapag nasa likod ako umupo. Feeling ko wala akong matututunan kapag nasa gitna ako umupo. Baka kasi lumipad na naman yung utak ko. Kahit nga nasa harap ako lumilipad pa rin yung utak ko. Nasa harap na nga ako, kung anu-ano pa rin ang iniisip ko. Nasa harap na nga ako, naririnig ko na nga yung malinaw at dahan-dahang pagsasalita ng aking prof e wala pa rin akong naiintindihan. Mabuti na lang talaga at umaga ang oras ng klaseng 'to. Mahirap magklase sa hapon ng boring na klase. Hindi naman siya ganoon ka-boring kaso ang bagal niya talaga magsalita. Buti na lang talaga sa hindi ako malapit sa bintana tumabi, baka kung anu-ano pa rin ang makita ko, lalong lumipad ang diwa ko.

Wala pa rin siyang tigil sa pagsasalita. Suwerte at malayo sa mukha ko ang inis, inis sa kawalang-kuwentahan na ng kanyang mga pinagsasasabi. Hindi rin naman ako sigurado kung alam niyang hindi talaga ako nakikinig. Minsan, madaling makuha yung nararamdaman o iniisip ng isang tao sa mata lang. Ayoko makipagtitigan sa kanya. Hangga't maaari e patingin-tingin lang ako sa mukha niyang patangu-tango. Hindi rin naman tumititig mga prof. Umiikot yung mga mata nila. Totoo kaya yung sinasabi nilang kita nila lahat kapag nasa harap sila? Kapag nagre-report kasi ako, hindi ko makita lahat. Mas nakikita ko nga kapag nakatuon lang sa isang point yung mga mata ko, ewan ko na lang talaga sa mga guro. Siguro kasi, matangkad sila.


Panay tingin ako ng oras. Mag-iisang oras nang kinakain ng upuan yung puwet ko. Ito mahirap kapag nasa harap - hindi mo alam kung mag-aayos ka ng puwet. Yung tipong pasimpleng paghila lang ng brief na kinakain na rin ng puwet mo. Mahirap. Gusto ko nang mag-stretch. Nagsasawa na ako sa mga sinasabi niya. Isa pang mahirap sa harap e yung tumatalsik yung laway niya. Hindi ko alam kung napapansin niyang naliligo na ako sa laway niya. Kung mapapansin ko lang talaga kasi, halos malalaking patak na talaga yung mga pinipilit kong ilagan. Ayaw ko namang ipakitang umiilag ako sa laway niya. Unang-una sa lahat, itatanong niya kung bakit ako umiilag sa laway niya. Sunod na doon ang pagtawa ng buong klase, kasabay ng pagngiti ko. Sasabihin ko, "E, Sir, laway niyo." Hindi ko lubos na maiisip kung mapapahiya ako dahil tumawa ang buong klase sa sinabi ko sa pagka-obvious ng pagpapaulan ng aking prof o matutuwa ako dahil sa tumawa rin ang aking prof dahil alam niya at nakikita niya mismo sa harap niya na may binabaha na siya ng kalaputan. Hindi ko alam. Baka sumikat pa ako sa buong klase.


Alam ko naman yung feeling kapag kilala na ako ng buong klase. Alam mo naman siguro yung feeling. Alam naman nating lahat kung paano maging kilala sa klase. Dapat lang may nagawa kang malupit. Hindi natin alam kung anong lupit ba. Depende pa rin sa guro yung pagkalupit mo. Maaari natin sabihing gusto-ng-prof malupit o lagot-ka-nainis-yung-prof-kaso-natawa-yung-buong-klase malupit. Pero kahit alin man diyan, dapat malupit. Pinakamadali na yung pagpapatawa ng klase. Isang simpleng punch line lang sa tinatalakay ng guro, puwede na. Isang malupit na joke lang para pampagising ng klase, oks na, sikat ka na. Minsan din, kahit hindi mo alam na nakakatawa talaga yung nagawa mo, ang dami mo nang ngiting matatanggap pagkatapos ng klase. Maraming titingin sa 'yo. Lahat pupuntahan ka, tumatawa pa rin dahil sa hindi maka-get over sa pinaggagagawa mo sa klase. Tapos ipaaalala pa nila yung nangyari sa Facebook, Twitter at Google +. Kailangang malaman ng lahat ng grupo ng indibidwal yung kalupitan mo. Pero dahil ibang tao ang nagkuwento ng tungkol sa 'yo, sila ang sisikat. Maraming magla-like sa post niya at halos pantay lang siguro kayo ng kasikatan. Hindi mo alam kung matutuwa ka kasi sikat ka na sa mga taong hindi mo pa siguro nakikita, pero sa kabilang banda e maganda yung pagkakasalaysay ng taong nagbanggit sa 'yo kaya siya yung kakausapin ng mga tao. Suwerte na lang kapag ikaw mismo yung piniem ng mga tao tapos tatawa pa rin sila. Kaso doon banda na talaga sila nag-uusap.


Puwede ring lumupit ang ihip ng hangin kapag ginalit mo yung teacher. Instant celebrity ka rin kapag pinalabas, sinigawan, pinahiya, pinatawag ang magulang, binato ng eraser o chalk, tinalikuran, binara, tinuro, hindi pinaupo, tinanong ng personal na tanong, pinagbasa ng mga linya, pinatawag sa harap ng teacher mo. Nag-eenjoy talaga ako kapag may mga ganitong eksena sa loob ng klase, lalo kapag hindi ako. Ang sarap talaga nilang panoorin. Yung tipong may bagong nangyayari para sa araw na iyon. Hindi yung ni-replay niyo lang yung ginawa niyo last week.


Kulang na lang talaga sabon pati tuwalya. Solb na solb na yung paligo ko. Kahit next rainy season na lang ulit ako maglinis ng katawan. Ang laput-lapot na ng mukha ko. Ang dami nang butil sa T-shirt ko. Gusto ko nang suntukin 'tong prof na 'to. Gusto ko ng isang malupit na uppercut. Isa lang. Tapos eksenang exit na expected ng excited ng klase sa eksplosibong execution ng eksperto kong pambo-boxing. Hindi ako siguro kung may tatalsik na pustiso o kung ano, basta ang gusto ko lang, masapak yung prof ko. Gusto ko na talaga siyang sapakin. Parang nasasayang na talaga ang oras ko. Hindi na talaga ako nakikinig. Paulit-ulit na lang yung naririnig ko. Nakakatuwa naman yung mga sinasabi niya, pero sa unang pagkakataon lang yun puwede. Kapag first time lang puwede. Suwerte na yung mga banat na nakakatawa pa rin sa second time. Legendary na kapag nakakatawa na siya sa third time to infinity. Pero kadalasan, kapag prof yung nagpatawa, o simpleng nagbigay ng astig na fact, sa unang beses lang siya malupit. Puwede mong ikalat sa ibang tao pero ibang bagay na iyon.


Nahihilo na ako. Sawa na ako sa laway at mga pinagsasasabi niya. Gusto ko nang magwala. Hindi ko na lang siya sasapakin. Ewan ko. Baka batuhin ko na lang siya, o kung ano man. Basta huwag lang ganito. Ayaw ko ng ganito. Gusto ko, kahit paminsan-minsan naman may bago. Baka gusto ko siyang sapakin hindi dahil ang lapot ko na talaga. Baka gusto ko siyang sapakin hindi dahil naaasar na ako sa pagmumukha niya. Baka gusto ko siyang sapakin dahil nagsasawa na ako. Baka gusto ko siyang sapakin kasi gusto ko ng bago. Ayaw ko ng normal. Ayaw kong walang nangyayaring malupit sa isang araw. Minsan talaga gusto kong manapak ng prof.


Paminsan-minsan,


gusto kong manigaw ng prof.

gusto kong mang-flip off ng mga tao sa MRT.
gusto kong nadidisgrasya yung mga nagp-perform sa circus.
gusto kong may nadadapa sa AS Steps.
gusto kong nakakikita ng nag-aaway.
gusto kong may nadadapa, natatalisod, natitisod, nasusubsob.
gusto kong mambalibag ng tray na puno ng pagkain sa CASAA.
gusto nating nasu-suspend ang klase kahit mahina ang ulan.
gusto kong mandapa ng joggers sa Acad Oval.
gusto kong sanggain ang mga ninja sa CASAA.
gusto kong may isang araw na walang ninja sa CASAA.
gusto kong maging ninja.
gusto kong may pumapasok na insekto sa loob ng classroom.
gusto kong nawawalan ng kuryente at tubig.
gusto kong yumakap ng di kilalang tao.
gusto kong mayakap ng ibang tao.
gusto kong hindi GM ang tinetext sa akin.
gusto kong nakukuryente.
gusto kong nagkakasabay kami ng tingin ng crush ko.
gusto kong may nababanggang kotse.
gusto kong nagkakamali yung mga aktor at aktres sa dula.
gusto kong pumipiyok yung mga nagsasalita sa harap.
gusto kong nakakalimutan ng guro sa harap yung dapat niyang sabihin.
gusto kong may sumasabay sa akin kumain ng malalaking bula.
gusto kong manipa ng mga nagp-plank.
gusto kong umorder nang galit sa kahit na anong restaurant.
gusto kong umorder ng Chickenjoy sa Mcdo.
gusto kong lumabas sa isang station ng MRT at papasok ulit sa susunod na tren.
gusto kong may nalalaglag na pustiso.
gusto kong makakita ng batang natae sa kanyang shorts.
gusto kong umutot sa elevator.
gusto kong naglalakad sa mga maninipis na kahoy, bakal o kung anuman.
gusto kong ginagawang adventure ang pagtakap sa iba't ibang kulay ng tiles.
gusto kong walang typo yung ginawa kong blog post.
gusto kong nawawalan ng mic ung emcee.
gusto kong may napapahiya.
gusto kong umakyat sa pababang escalator.
gusto kong bumaba sa paakyat na escalator.
gusto kong chine-check talaga ng guwardiya yung bag ko.
gusto kong nagha-hang yung PC, PS 3 o PSP habang naglalaro yung kapatid ko.
gusto kong may nauuntog.
gusto kong may nadudulas.
gusto kong may natatapong juice o kung anuman.
gusto kong may nakalilimutan ako.
gusto kong manapak ng paa.
gusto kong mangalabit ng di kilalang tao.
gusto kong makarinig o makakita ng malupit.

Hindi lang siguro ako yung nagsasawa sa mundong 'to. Hindi lang naman siguro ako yung nakikita yung pagkakapareho ng mga nangyayari sa paligid ko. Hindi lang naman na siguro ako yung nakakapansin ng mga gaya-gaya at lame na mga linya sa lahat ng mga teleserye sa prime time. Hindi lang naman siguro ako yung naiirita sa mga hindi realistic na scripts ng writers at pa-cute lang na pag-arte ng mga artista ngayon. Lalong hindi lang ako yung nakakita na maganda lang ang gusto ng mga manonood, na wala na silang paki sa talentong dapat na hinahanap sa isang totoong artista.

Paulit-ulit na lang naman na yung mga pinagsasasabi niyo. Hindi naman nagbabago mga ginagawa at pag-uugali niyo. Puro lang tayo protesta, pero sarap na sarap naman tayo sa paghiga sa kama habang yung assignment na kanina pa naghihintay e pinagpapabukas na ang paggawa.


Hindi lang ako yung nag-iisip ng ganito. Ayaw ko rin ng flat, ng pure, ng boring.

06 August 2011

Goku

Kailangan ko ng magic beans ngayon.
Gusto kong mag-Super Saiyan mode.
Kailangan ko ng special mode kapag malapit nang matalo.
Gusto ko bigla akong lumalakas kapag malapit na akong mamatay.
Gusto ko nakakapulot ako ng mga bala para sa shotgun ko.
Kahit ngayon lang.

Official Ulit, Medyo Parang Paminsan-minsan

Matutong iappreciate any genre of music. 
Except maybe Ang Bandang Shirley. Eww.

03 August 2011

Perfect Dodge

At dahil nakatambay lang ako sa AS Lobby kanina, nagsulat na lang ako sa likod ng notebook ko. Kung noong maliit ako e puro drawing ng flashbang at HE grenade ang likod ng mga notebook e ngayon puro salita, titik at kabalastugan ng walang hiya kong utak ang naka-vandalize:

Baka kasi kailangan ng kung ano sa likod (ng notebook). Ano ba dapat yung mga nilalagay sa likod (ng notebook)? Madalas, kapag wala ka lang magawa talaga, binababoy mo yung likod ng notebook mo. Nababaliw ka sa pagkapresko, pagkalinis, pagkaputi ng dulong pahina ng iyong kuwaderno. Hindi mo talaga mapipigilan yung kamay mong may ballpen, lalo na't malinaw na malinaw pa ang tinta nito. Sige ka lang sa pagdumi, paglabas ng iyong saloobin, ng iyong mga naiisip, o sadyang malakas lang magpaantok yung gurong nakikipag-usap pa rin sa pisara. Naalala ko, may narinig akong nagsabing nakahahawa raw yung antok. Wala lang, share niya lang, at share ko lang din. Ano bang puwede kong isulat? Kahit ano naman siguro puwede kong isulat. Lahat ng gusto kong isulat, isusulat ko. Minsan mas madaling magprotesta kaysa umunawa, umintindi. May pipigil ba sa akin? Marami kaya ang pipigil sa akin?

A B C D E F G H I J K L M N O P Q R S
T U V W X Y Z

a b c d e f g h i j k l m n o p q r s
t u v w x y z


Nasa likod nga pala ng notebook ko lahat ng hindi naka-italicize. Wala lang. Ang cute pag naka-italicize lolAt dahil nabanggit ako sa isa sa mga blog entries ni Denielle..

Natutuwa ako. Sobrang natutuwa ako. Gusto at halos ibalibag ko na ang aking PSP sa labis-labis na saya. Perfect na naman kasi ang combo na nagagawa ko habang walang pakialam at walang muwang na patuloy na tinatanguan ang mga kaibigan ko kuno na walang kaide-ideya sa mundong aking nililiparan ngayon. Panay ngiti at pag-uusap ang nakikita ko sa kanila habang binibingi na ako ng aking earphones. Malapit nang matapos ang round, malapit nang matapos ang kanta. Handa na namang i-record ng memory stick ang malupit kong high score. Halos ibenta ko na ang mahihiwaga kong daliri at mata. Ramdam ko na ang finish line. Ito na, ito na talaga.

Tapos nag-hang sandali yung PSP - wala nang baterya. Peste. Gusto at halos ibalibag ko na ang aking PSP sa labis-labis na galit. Napansin kong isa-isa nang tumayo ang aking mga kasama at tinatapik na nila ang balikat ko. May mga klase na sila, samantalang ako e isa't kalahating oras pa ang hihintayin. Matapos tumango ulit ng ilan pang beses, itinabi ko na ang pesteng PSP at kinuha na ang aking cellphone. Hindi ko alam kung bakit naghihintay ako ng text message kahit na alam ko sa sarili kong wala naman akong kaaya-ayang matatanggap para sa araw na ito. Isinaksak ko na ang earphones sa cellphone at hinanap na ang Music Player. Pinindot ko na ang play, tapos next, tapos next. Nag-play ang intro ng kanta mula sa mga pinakaastig kong banda. Habang tumatagal ang kanta, sinasabayan ko ito, yung lyrics, yung gitara, yung rhythm. Kunwaring may gitara sa ere, habang ipinapadyak ang kanang paa, sabay headbang konti ng ulo at sigaw pabulong ng lyrics.

Napaluha ako. Napaluha ako hindi dahil walang nagte-text sa akin. Napaluha ako hindi dahil iniwan ako ng mga kasama ko, ni hindi man lamang ako nilibre ng Chicken Steak, habang silang lahat ay kumakain at ako naman ay binabantayan ang aking bag na laman ang pitong pesteng pelikulang aming pinagpuyatan. Napaluha ako hindi dahil hindi sila tumatanaw ng utang na loob. Napaluha ako hindi dahil itinatanggi ko talagang mga tunay silang kaibigan. Napaluha ako hindi dahil itinatanggi kong mga kaibigan ko sila. Napaluha ako kasi may naalala ako noong 3rd year high school, mga biglang pagsanggi ng mga ala-ala dala ng pinapakinggang kanta. Pasimpleng pinaalala ng pesteng kanta ng malupit kong banda ang kantang paulit-ulit kong pinakinggan dahil may nanakit sa puso ko. Ang korny man ng 'puso ko' e hindi pa rin ako natutuwa sa kantang 'to. Hindi sinadyang mapaluha, nabigla na lamang nang may naramdamang basa malapit sa mata, sa pisngi. Hindi sinadyang maramdaman ang lungkot, maalala ang lecheng nakaraan. Sa susunod, magdadala na ako ng charger ng PSP.

10 July 2011

Christmas Chocolate - Part VI

..assignment sa Pan Pil 17. Sobrang tinamad kasi akong gawin sa kadahilanang magsasalin lang naman ako. Pero okay na rin yung nangyari sa discussion namin sa klase dahil hindi ako tinawag ni Sir U. Pakiramdam ko, medyo idol ko na rin si Sir U kasi ang cool niya lang maging prof. Hindi ko alam kung kinakabahan talaga ako sa kanya pero ang gaan-gaan ng feeling ko simula noong narinig ko kung paano magsalita ang prof namin sa Pan Pil 17. Chill lang ang feeling, hindi masyadong nakakabaliw at nakakasunod naman na lahat ng estudyante. Makikinig naman lahat kasi hindi patapon ang binibitawang mga banat ni Sir U. Akmang-akma sa aking mga tenga yung mga naririnig ko, walang lumilitaw na awkward moments sa tuwing magpapatawa at pinapasigla niya ang aming mga diwa, parating may sense at malulupit ang kanyang mga tanong at parating na lang may back-up na mga tanong, at back-up para sa mga back-up na tanong. Nagpaiwan si Sir ng assignment na gumawa ng isang sariling comic strip. Baka magsulat na lang ako ng kung anong mga stick figure na nasa loob ng bus. Hindi nga pa pala tayo nagkikita o magkikita ngayong araw na ito kasi hindi naman TTh yung sked ng Geog 1 natin. Mabuti na lang at may nag-invite sa 'yo at hinugot naman ako ni Ate Hazel sa Life Part ng SOD. Nakapagkita pa ulit tayo kahit na hindi tayo magkatabi sa buong Life Party. Okay na rin siguro iyon kasi matagal naman na akong hindi nakakausap ng mga classmate ko last year. Sobrang kaunti lang ng mga kaibigan ko last year. Hindi ko nga alam kung mami-miss ko talaga sila pero matutuwa ako kung makita nila ako ulit at makita ko sila. Napepeste ako kapag hindi ako pinapansin kapag may binabati ako sa kanila. Pagkatapos ng nasabing event, inilibre tayo ni Ate Abby sa Mcdo. Pagkatapos magkuwentuhan at kumain sa Mcdo ay bumalik na tayo ng UP. Siyempre kahit anong mangyari, gugustuhin ko pa ring maglakad tayo nang sabay papunta sa ating mga boarding house.

Sa wakas at huling araw na naman ng pesteng linggo. Nakakasabik umuwi kasi wala akong last period at sabay tayong uuwi. Nagkita muli tayo sa shed at naglakad papuntang Ilang. Hindi pa nakalalayo ay may namataan na tayong maluwag na jeep pa-MRT. Nahirapan nga lang tayong sumakay at bumaba ng tren dahil sa nakikipagsiksikan na ang mga tayo. Paglabas mo pa nga ng tren e bigla nang tumunog ang alarm, senyas na magsasara ang mga pinto. Buti na lang, sa dami ng mga tao, marami nang nakadikit at pumipigil sa magkabilang pintuan. Nakalabas pa ako matapos makipaggitgitan sa mga taong akala mo'y mamamatay kapag natulog sila nang isang gabi sa Ayala Station. Suwerte dahil nakasakay agad tayo ng bus at maluwag pa! Kaya lang ay inunahan mo akong umupo malapit sa bintana. Sa lakas ng aircon ay nahirapan ka tuloy mag-text at nanlamig ang iyong kamay. Hinawakan ko ang iyong kaliwang kamay hindi lang dahil sa gusto ko lang mahawakan ang iyong kamay kundi para masigurado nga kung totoo ang sinasabing mong malamig nga ang iyong kamay kahit na alam ko sa sarili kong lalamig ang iyong kamay. Nagsimulang mag solemn low five ang ating mga kamay nang paulit-ulit hanggang sa magkahawak-kamay na ulit tayo. Isinandal mo na ang iyong ulo sa aking kaliwang balikat at natulog na ako. Pagmulat ko ng aking mga mata, napansin kong nakatingin ka pa rin sa bintana. Mukhang hindi ka natulog kahit na buong araw mong sinasabi sa aking inaantok ka na. Nakarating naman tayo sa Metropolis nang maayos at nakakain ka pa ng pakiramdam ko'y hindi masarap na hotdog. Matapos maghintay muli sa iyong kapatid ay sumakay na tayo ng jeep. Sabay tayong naglakad pauwi at nagpaalam pagsapit ng kantong lilikuan ninyo.

09 July 2011

Violet - Part V

..mapa kaya natulog akong muli. Nagising naman ako nang tama sa oras at madaling inihanda ang aking sarili. Nagtungo muna ako sa Coop pero walang mapa ng Pilipinas. Panay mapa ng Asya at mundo ang nakita ko. Matapos maghanap pa kahit na alam ko sa sarili kong tatlong beses ko nang paulit-ulit na sinuri ang mga hawak-hawak kong mapa, dumiretso na ako sa SC. Nakahinga naman ako nang maluwag dahil nakabili ako ng malaki, makulay at malinaw na mapa. Dahil tinatamad akong ilagay sa aking coin purse ang parteng barya ng aking sukli mula sa pagbili ng lecheng mapa at tinamad akong maglakad papuntang CAL ay sumakay na ako ng Katipunan na jeep. Umabot naman ako sa oras ng klase. Matapos mag-discuss ng kung ano ang aming prof at mag-iwan ng assignment ay pinalabas na kami. Wala na akong pakialam kung ano pa ang mga sumunod na nangyari. Pagkatapos ng aking huling klase ay lumabas na ako malamang ng aming kuwarto ng Arki 1. Unang-una sa lahat, masaya ako paglabas ko ng kuwarto kasi sabi ng aming prof na wala kaming klase sa Biyernes. Makakasabay na naman kita pauwi. Pangalawa, madadapa na naman ako sa aking daan pauwi kasi madilim ang daang tinatahak ko galing sa Arki. Pilit kong dinadaanan yung kahit gabi na kasi paliku-liko yung daan at wala sa kalsada. Bahala nang madapa ako, e umuulan pa noon. Bahala na ring may matapakang palaka at puddles. Dahil tinamad na naman akong maglakad pauwi at hugutin ang aking malupit na payong mula sa malupit kong bag ay sumakay na lang ako ng Ikot. Pangatlo, gusto na kitang makita ulit kahit na alam kong magkatabi tayo sa classroom ng Geog 1 noong mga oras bago sumapit ang aking huling klase. Habang nasa jeep pa lamang ay alam ko nang nasa Infirmary ka. Inisip kong magkikita pa ulit tayo kahit sandali lang. Buti na lang at may bibilhin ka sa Coop kaya doon na tayo nagkita. Hindi kita nakita sa 1st floor kaya malamang nakita kita sa 2nd floor. Matapos mong mabili ang iyong kailangan ay naglakad na tayo pauwi. Muli, hindi ko na naman maalala kung sino ang nagyaya pero ang naalala ko e kumain tayo ng siomai. Pagkaubos ng ating siomai ay umuwi na tayo sa kanya-kanyang mga boarding house.

Hindi ako mapakali. Gusto pa kitang makita pero may kailangan lang akong tapusin. Minadali ko na ang pagsasalin ko para sa Pan Pil 17 at pumorma na ng pang-jog. Naglakad na ako papuntang Acad Oval at pagdating ko sa tapat ng Kalay, nagsimula nang umambon. Hindi na ako nangahas pang ituloy ang aking pagtakbo kaya bumalik na lamang ako ng boarding house at tinext ka kung puwede ba tayong magkita. Hinubad ko na ang aking rubber shoes at lumabas muli ng boarding house. Sinabi kong magkita tayo sa kantong malapit sa track oval pero nakita ko sa iyong mga text na nasa kabilang kanto ka napadpad - ang cute. Nagsimula nang lumakas nang kaunti ang patak ng ambon pero hindi ko na ito inisip. Nahiya lang ako nang kaunti nang makita kitang may dala-dala pang reading para sa iyong major. Inasar na lang kita at sabay na tayong naghanap ng upuan sa track oval. Hindi ako natutuwa sa mga upuang punong-kahoy kasi masakit sa puwet pero iyon na lang pinili ko para sa atin kasi malapit lang sa kanto. Ayaw ko nang palakarin ka pa nang malayo. Umupo na tayo at nag-kuwentuhan. Wala akong makitang bahid ng pag-aalala, galit o hiya sa iyong boses. Pakiramdam ko masaya ka rin at nagkita tayo. Lumakas pa lalo ang buhos ng ulan at binuksan mo ang payong mong hindi ko alam gamitin. Sa patuloy na paglakas ng ulan, unti-unting nagdikit ang ating tagiliran... hanggang sa iniyakap ko na ang aking kaliwang braso sa likod mo... Kinabahan ko kasi baka tanggalin mo agad ang aking braso pero nakahinga naman agad nang maluwag nang nagpatuloy ka pa rin sa pagdaldal sa akin. Papalapit na nang papalapit ang oras ng iyong curfew pero paulit-ulit mong ipinaaalala sa aking ayaw mo pang umuwi kasi ayaw mo pang mag-aral. Hindi ko maintindihan sapagkat may dala kang readings, tapos ayaw mong mag-aral? Lumampas ka ng 30 minutes sa iyong curfew at nagulat ako dahil inabot pa tayo ng isang oras sa track oval nang nag-uusap lang at kinaya ng aking puwit ang parusa ng madaliang pagpili ng mauupuan. Sabay na tayong naglakad pauwi, nagkukuwentuhan pa rin at nagpaalam nang muli sa isa't isa pag-abot sa ating bahay. Nakatanggap ako ng mensahe mula sa 'yo paghiga ko sa aking kama - ikaw ay nagpapasalamat sa aking pagyakap. Ang awkward man ng pagkakasabi ko rito, hindi ko maikakailang nasiyahan naman ako at napasaya at napagaan ko ang iyong pakiramdam. Naastigan na naman ako sa mga nangyari para sa araw na ito bago matulog sa napakalupit kong kama.

Paggising ko ng Huwebes ng umaga ay kinakabahan na naman ako para sa aking..

You Betrayed Your Self - Part IV

..CAL. Sa wakas, at malalaman ko kung tama ang mga pinagsususulat ko sa papel ko. Nagtawag ang aming professor kung sinu-sino ang gumawa ng reaksyon para sa dokyu ng El Dorado. Itinanong na rin niya ang mga nagsulat para sa Cultures of Resistance at iba pang mga natirang dokyu, saka sila igrinupo. Doon pa lamang sa pagtatanong ay napagtanto kong mali nga ang aking ginawa dahil sa lahat ng napanood kong dokyu ay nasulatan ko ng reaksyon, pero hindi na rin ganoon kabigat sa pakiramdam sapagkat nang tinanong ni Sir kung sino yung mga masisipag na hindi marunong sumunod sa kanyang mga panuto ay marami naman kaming mga nagsitaas ng kamay. Ngiting-ngiti talaga ako kasi buti na lang hindi kami pinagalitan at ayaw kong mapagalitan sa araw na iyon. Ayaw kong masira ang aking araw dahil sa isang pesteng reaction paper. Ayaw kong masira ang aking araw kasi hindi pa kita nakikita. Matapos ang brainstorming na naganap sa bawat grupo, hiningi na ni Sir ang aming mga papel. Laking gulat ko naman nang tawagin ang akin pangalan, hindi dahil sa sobrang lupit ko magsulat kundi dahil malupit ang ginawa ko kay Sir.

Sir U: Tabilin, sa susunod ah (sabay pakita sa harap ng klase ang aking papel na wala man lang pagkakahati ng mga talata at nasa 9 pt na font sabay react ng mga kaklase kong nakakita). Sa susunod.. ha-


Ako: Sir, hindi niyo po ba nababasa? (Sana sumang-ayon na lang ako sabay ngiti. Bakit ba hindi ko mapigil ang aking sarili sa pagtanggol ng mga bagay na iniharap at alam ko namang mali?) Sir, gusto niyo po bang magpasa ako next meeting ng mas mala-


Sir U: Hindi, hindi. Makinig ka ah. Dapat-


Ako: Sir, lalakihan ko po. Akin na po para maba- (tumahimik na ang klase)


Sir U: Hindi. Makinig ka. Dapat smooth. Smooth ba yung ginawa mo?


Ako: ... (puwede na 'kong mamatay sa katahimikang ginawa ng mga kaklase ko na tila pinagtitripan na nila ako) ...


Sir U: Tabilin?


Ako: Hindi po.


Sir U: Sa susunod smooth, ah?


Ako: Opo. Haha. (natawa talaga ako, sabay may ilan ding mga nakitawa)


Naging mapayapa man ang unang pag-uusap namin ng aking prof sa Pan Pil 17, hindi pa rin mawala ang galit ko sa aking sarili. Bakit ba kasi nasanay akong magsulat nang hindi naghahati ng talata? Pesteng blog. Pinalabas na kami ng room pagkatapos i-discuss ang mga napag-usapan ng bawat grupo tungkol sa mga dokyung kinalaglagan nila. Sobrang lakas ng buhos ng ulan noon pagdating ko AS. Buti na lang pagdating ko ng lobby, saka tinodo ng ulan ang kanyang pagbuhos. Tinamad kasi akong magbukas ng payong paglabas ko ng CAL. Matiyaga akong naghintay sa 'yo habang nasa lobby. Inabutan ko na nga yung mga bagong isyu ng Kule. Ang tagal ko nang naghihintay, panay tingin na ako sa akin relo, nauubos na naman ang pag-asang makakapanood pa tayo sa oras, dahil sa pesteng curfew ng ibang boarding house. Sa wakas, ikaw ay nag-text na papunta ka na rin ng AS. Tumayo na ako mula sa aking kinauupuan sa may bandang gita ng lobby saka naghintay muli malapit sa harap ng main entrance ng AS. Lahat ng maaaring labasan mo ay inantabayanan ko, palakad-lakad, patingin-tingin sa aking cellphone at relo. Wala akong natatanggap na sumunod pang mga mensahe. Todo bantay pa rin ako sa mga posibleng daang makita kita. Matapos ang siguro'y 15 minutes pa e dumating ka na, sa wakas. Matapos sabihan ka kung gaano ka katagal (nang hindi naman ako galit), pumunta na tayo sa FC Shed. Wala tayong masakyang SM North Trinoma na jeep. Lalong lumubog yung puso ko, sa bawat minutong nasasayang, sa patuloy na pagbuhos ng ulan, sa bawat jeep na dumadaang puno kaya tinanong kita kung may jeep pa-Trinoma kapag bumaba tayo sa Philcoa. Sabi mo naman meron kaya Philcoa na jeep na lang ang sinakyan natin. Pagdating natin ng Philcoa, sumakay tayo ng FX na patungong Trinoma. Sa FX. Sa FX. Mabuti na lang at malawak yung FX na nasakyan natin. Dikit-dikit na ang mga sasakyan, at nasa Philcoa pa rin ang sasakyan natin. Patuloy ka pa rin sa pagsatsat, pero enjoy naman. Iba naman ang paksa kasi sinimulan mo naman ako ng mga design sa mga upuan at gusali. Tapos biglang..


..naiintindihan kong dad mo ang pinag-uusapan natin. Tapos hinawakan mo yung kaliwang kamay ko. Ang lamig ng kamay mo noong mga panahong iyon. Umakmang nag-holding hands ang ating mga kamay, saka mo pinisil-pisil ang aking kamay habang nagsasalita ng kung ano tungkol sa tibok ng puso habang nakatingin sa akin. Hindi ko na maintindihan yung sinasabi mo kaya kawalang kuwentahan na lang ang lumabas sa aking bibig. Naghahalu-halo na yung mga iniisip ko, wala na akong masabing matino, hawak-hawak ko ang kamay mo! Patuloy ka pa rin sa pagpisil at pagsabi ng kung ano tungkol sa puso hanggang sa nakarating na rin tayo sa Trinoma. Madali na tayong umakyat sa patungong sinehan. Mabuti na lamang at may isa pang showing na 10 minutes na lang ay magsisimula na at marami pang mga bakanteng upuan sa gilid na mga parte ng tanghalan. Bumili na tayo ng ticket at pumasok na tayo sa sinehan. Nang magsimula ang palabas, hindi na ako natuwa agad. Naramdaman kong magiging pangit ang istorya pero pinilit ko pa rin ang aking sarili na papanoorin ko nang buo ang Transformers 3. Abala na tayo bigla sa pag-away sa babaeng partner ni Shia. Hindi talaga tayo natutuwa sa kanyang accent at labi. Tapos biglang..


..tumalikod ako sa 'yo at hindi ko na maalala kung bakit. Nagpahayag ka ng kaunting lungkot at pagpupumilit, saka mo kinuha ang aking kaliwang braso. Humarap naman akong muli sa screen at kumapit ka naman sa aking braso. Dumaan ang ilang segundo at ibinaba mo ang iyong kanang kamay sa aking kaliwa. Hinawakan mo ito nang mahigpit, saka pinisil-pisil, na naman. Buong pelikula tayong magkahawak-kamay. Sobrang ligaya ang naramdaman ko. Okay lang sa aking makatulog ako doon, kahit hindi na ako pumasok sa klase kinabukasan. Hindi ko sukat akalaing gusto mo rin palang hawakan ang aking kamay. Mabuti na lang may mga taong tulad mong kayang gawin ang mga bagay nang wala nang tanong at paalam, lalo na at natataranta ako kapag malapit ako sa crush ko. Masigla at nakangiti tayong umuwi, walang halong hiya sa ating pag-uusap hanggang sa paglalakad papalapit sa ating street. Nagpaalam na tayo sa isa't isa pagdating natin sa tapat ng iyong boarding house. Nakangiti kong ipinikit ang aking mga mata paghiga sa aking kama.


Nagising ako sa aking alarm kinabukasan. Mas maaga kasi ng isang oras ang aking isinet para sa araw na iyon. Kailangan ko kasing bumili ng mapa para sa Aral Pil 12. Napagtanto kong sandali lang naman ako bibili ng..

Ballpen - Part III

..Pan Pil 17. Matapos makapaghanda ng aking sarili at ibulsa ang aking pitaka at cellphone, pumunta na ako sa FI. Alam kong 9 magsisimula ang palabas pero pagdating ko doon nang mga 8:30 yata e nagulat ako sa sobrang haba ng pila. Mabuti na lang at madali kong nahanap ang pila ng bilihan ng ticket at buti na lang talaga at may ticket pa. Noon ko lang din nalamang napakalaki talaga ng sakop ng FI kasi dati, kaunti lang yung mga taong nakakasabay kong manood sa sinehang nabanggit, kaya maliit at chipipay pa noon ang tingin ko sa FI. Ngunit noong nakita kong ang haba-haba talaga ng pila papasok ng tanghalan, nakita ko ang istraktura bilang isang napakalaking gusali. Pagkabili ko ng aking ticket ay matagal kong hinanap ang dulo ng pila papasok. Sa simula ay akala ko nakita ko na ang dulong aking hinahanap ngunit nalampasan ko na pala at malapit lamang sa lugar na aking napagtanawan ng inakala kong dulo ang puwestong hinahanap kong patuloy pang nadadagdagan sa dami ng mga professor na nagpa-require ding magpapanood ng mga documentary films. Panibagong pila, panibagong oras na naman ang kailangan kong patayin para sa paghihintay. Mabuti na lamang at ka-text kita dahil sa unlimited ako for 5 days sa bagong sim ko na Globe. Mabuti na lang din at, napagtiyatiyagaan at nasasagot mo ang mga reply kong smiley lamang. Kahit na patuloy kitang inaasar at kinukulit ay sinusulit mo ang 80 pesos na ginastos ko para sa pesteng sim na hindi nakakakuha ng signal dito sa Cavite at mas mahal pa kumpara sa 60 pesos na ginagastos ko dati para mag-unli para sa isang linggo sa Smart. Hindi na rin masama.

Matapos lamunin ng napakakumportableng upuan ang aking puwet ay lumabas na ako ng FI, malamang. Halos tingin nang tingin na kasi ako sa aking relo at patuloy na nananalanging matapos na ang huling dokyung aming pinapanood. Balak kong ilagay ang aking reaksyon sa aking mga napanood sa mga susunod kong posts. Pagdating ko ng boarding house ay pagod na pagod talaga ang aking puwit kaya tinamad na akong magpalit agad bago humiga sa aking kama. Pinilit ko ang aking sariling makapagsulat agad ng takdang-aralin sa Pan Pil 17 para humaba-haba ang aking mga nalalabing oras ng Lunes na iyon. Sinimulan ko nang mag-type sa Word at buti na lang preskong-presko pa ang aking mga reaksyon sa mga napanood at nagtuluy-tuloy ang aking mga daliri sa paglikha ng mga walang kuwentang pangungusap. Binigyan kong lahat ng reaksyon ang napanood kong tatlong dokyu. Tinapos ko na ang aking huling pangungusap (isa sa mga parte ng compositions na hirap na hirap talaga ako kung saan nangunguna ang pamagat) saka humigang muli sa aking kama. Sobrang lupit kasi maya-maya lang ay bumuhos ang malakas na ulan: lalamig na naman ang aking kama at kumot. Hindi ko alam kung matutuwa ako kasi paboritong panahon ko para sa pagtulog ang pumalit sa pagod ng aking puwitang pupuwedeng nang magpumiglas sa pesteng upuang pinili ng aking puso o maba-bad trip lang ako dahil kung kailan ako magpa-print ng aking papel ay saka pumatak ang halos kumpol na ulang para sa aki'y nagpapapansin lang upang ipagpaliban ang puntong aking nais ipahayag sa pagnood ng pelikulang pinalabas sa pesteng Film Institute. Binayaan ko na lamang ang ulan at ipinikit ko na ang aking mga mata.


Malapit nang gumabi noon ngunit wala ka pa rin sa iyong boarding house dahil nanggaling ka pa sa bahay ng iyong classmate para, mag-scan. Nakahigang muli ako matapos makapagpa-print ng pesteng reaction paper. Nang sinabi mong papauwi ka na, bumangon na ako at nag-isip ng kakaibang palusot para makita kita para sa araw na iyon. Gusto talaga kitang makita, ewan ko. Okay na yung kahit saglit lang, datdatin mo lang ulit ako ng kung anu-ano. Ayaw ko yung nagtatanong sa akin kung anong nangyari sa akin sa isang araw o pinipilit akong magkuwento tungkol sa kung ano. Mas sanay at gusto ko yung dinudugtungan ko ang mga banat ng aking kausap, mas normal, mas malupit, mas okay. Binuksan ko ang aking filecase at nakita ko ang mga pesteng ballpen na nagpapahirap sa akin. Biruin mo, pagkabago-bagong mga ballpen, ayaw sumulat nang matino. Makakailang strokes pa ako bago pa tuminta sa papel. Nainis lang ako lalo. Kailangan kong bumili ng bagong ballpen. Ang paborito kong ballpen ay Pilot BS Fine, o kung ano man yan. Basta kapag nakakuha ako ng matinong picture siguro ipo-post ko na rin dito. Sobrang diin ko magsulat kaya masaya na ako sa mga mapapayat na mga ballpen. Dumudulas kasi yung kanang kamay ko kapag matabang ballpen yung.. Tsaka sino bang natutuwa sa mga matatabang ballpen? Mga bata lang matutuwa sa mga ganon kaya sa lapis lang dapat ginagamit ang design na nasabi. Tinanong kita kung may kailangan kang bilhin sa SC. Hindi ko na nahintay ang reply mo kaya bumaba na ako ng boarding house at nagsimula nang maglakad. Buti na lang at dinala ko ang aking cellphone at paulit-ulit akong tumitingin kung nag-reply ka na. Sinabi mong hindi ka sigurado kung may bibilhin ka pero sasama ka pa rin sa aking pagbili ng mahiwagang ballpen. Mabuti na lang din dahil kahit sa paglakad ay tamad na tamad ako kaya hindi pa ako umaabot sa SC ni sa kanto ng ating street nang matanggap ko ang iyong sagot. Matiyaga akong naghintay sa 'yo. Syempre, natuwa na naman ako noong nakita kita. Sabay na tayong naglakad papuntang bilihan ng ballpen at ayon, bumili ako ng ballpen, ng ballpen na gusto ko. Okay na sa akin yung pauwi na tayo, kahit saglit lang tayong naglakad nang sabay, masaya na ako. Simple lang pero hanggang ngayon medyo naaalala ko pa rin at okay pa para balik-balikan ko. Pinili kong isulat ang mga araw na ito para lang, baka sakali, hindi mo man makita sa mukha kong palabiro at palaasar sa tuwing nagkakasama tayo e mabasa mo sa mga walang kuwentang pangungusap na ito yung sabik at galak na ibinubuhos mo sa mundo kong walang ibang hinangad kundi ang simpleng pamumuhay, pamumuhay na walang nagpipilit sa akin, buhay na walang problema, mga araw na paghanap lamang ng oras na makita ka at hindi pahirap na paghugot sa utak kung ano ang maaaring sabihin ng natataranta kong dila sa tuwing tinitingnan mo ako sa aking mga mata. Malapit na tayong dumating sa ating street pero sinabi mong ayaw mo pang umuwi. Ayos lang sana kung nakamaong na shorts ako e kaso pambahay na shorts lang ang suot ko. Hindi ko alam kung matutuwa akong dalhin ang cellphone, sukli at ballpen na aking mga dala pero sige, sasamahan pa rin kita. Dineretso natin ang Siomai St. hanggang sa kabilang kanto, nag-uusap, nagkukuwentuhan, nagtatawanan. May mga oras na gusto kong hawakan ang iyong kamay kapag nagkakabanggaan ang ating siko o braso. Pero dahil mahina ang aking loob, lalo na sa mga babae ay hindi rin ako nakapag-isip at nakagalaw nang maayos. Naging maayos pa rin naman ang ating paglalakad. Nakarating tayo sa tapat ng pesteng FI, at dineretso ang kantong papunta sa likod ng Eng'g Building, malapit sa School of Statistics. Umabot din tayo sa College of Law at Ilang-ilang saka kumaliwa na sa kanto ng simbahan. Papalapit na tayong muli sa ating street pero nagpumilit ka pang maglakad pa habang napapasma na aking mga kamay sa pagbitbit ng aking bagong ballpen, cellphone at sukli. Pinabulsa ko na ang aking cellphone sa 'yo nang umabot sa malapit sa Kalay. Iminungkahi kong mandapa tayo ng joggers sa Acad Oval kaya iyon, imbis na malapit lang ang ating lalakaran e napahaba pa ang oras ng ating pag-uwi. Pagdating natin ng Acad Oval ay nagsimula na tayong maglakad sa sidewalk. Hindi man natuloy ang masamang balak para sa mga nagtatakbuhang mga itik ay masaya pa rin kasi tuloy pa rin ang daldal mo sa akin. Nagsimula tayo malapit sa Eng'g at umikot tayo't dumaan sa Tres Marias ngunit nawalan ng ilaw ang ating mga nais na madaanan kaya itinuloy natin ang pag-ikot hanggang sa makarating tayo ng Quezon Hall at tapat ng Vargas Museum. Niyaya kitang umupo sa isa sa mga benches hindi lang para magpahinga dahil napagtanto kong mahaba pa ang ating lalakarin kung tatapusin natin ang Acad Oval at para mas tahimik at wala akong masyadong taong nakikita kapag tumigil na tayo at nagkatabi. Nagpatuloy ka sa iyong pagkuwento at pagte-text. May mga maiikling mga minuto man tayong namamangmang sa tahimik na paligid, masaya na rin ako kasi katabi kita. Hindi ko man mahawakan ang iyong kaliwang kamay ni mayakap ka noong gabing iyon e masayang-masaya na ako. Umabot ang ating usapan sa mga nakakatakot na bagay kaya nagyaya na akong umuwi. Kasalanan ko man ang pagputol ng masasayang mga kuwento, ginusto ko na ring maitago ang aking ballpen kasi baka mawala pa. Dumaan na tayo sa Freshie Walk patungo sa ating street.


Kinakabahan ako paggising ko kinabukasan kasi hindi ko tiyak kung tama yung ginawa kong reaction paper. Pakiramdam ko talaga may mali akong ginawa sa papel ko sa Pan Pil 17. Hindi naman ganon kabigat ang pasaning nabanggit kaya magaan pa rin ang pagbati ko sa araw na iyon. Martes na naman, makuwelang discussion na naman sa Fil 40, nakakasabik na reporting sa Kom 1 at matinding hintayan na naman sa Pan Pil 17. Oras na ng huli kong klase at pumunta na ako sa ikaapat na palapag ng..

Mungyo - Part II

..si Gela. Si Gela, yung unang aso namin. Matagal ko na kasing gustong maranasang magpaligo ng aso, pero nakakatamad talaga. Buti na lang at nagpagawa ng assignment sa Geog 1 na gumawa ng isang bagay na hindi pa nagagawa at sumulat ng kung ano tungkol dito. OMFG! Ngayon ko lang napagtanto!! Walang sinabi si Ma'am kung paragraph form yung kailangan naming ipasa (o hindi lang ako nakikinig). Pero kung ganito nga, sana tinula ko na lang yung akin kasi sobrang ikli lang nung karanasan, kahit masaya, at naubusan talaga ako ng mga nakatutuwang isulat. Anyway, sinabi ni Ate na hindi pa naman napapaliguan si Gela, kaya lumabas na ako habang tinatali na ang aso. Ibinigay na sa akin ang dog soap, balde at tabo. Ipinantay ko na ang balde sa gripo, binuksan ito, at tumingala sa sikat ng araw matapos ipatong ang sabon sa semento. Nag-unat-unat muna ako ng aking katawan, hindi dahil tamlay na tamlay pa rin ang aking pag-iisip at pagkilos kundi kinakabahan talaga ako. Hindi ko alam kung bakit kailangang kabahan ako sa pagpapaligo ng aso na matagal na akong kilala. Malamang, hindi naman niya ako kakagatin pero kasi, unang pagkakataon, ayaw kong magkamali, may makalimutang gawin, hindi magmukhang pinaliguan si Gela, kahit na walang nanonood sa akin. May halong sabik naman ang nararamdaman kong takot sa magiging resulta ng aking pesteng assignment kaya kinuha ko na ang tabo at sumalok na ng tubig. Natawa ako kasi hindi naman sumubok na kumawala si Gela sa kanyang pagkakatali (parang gusto niya pa ngang mapaliguan e) pero walang tinamaan yung una kong buhos ng tubig. Nabasa lang yung semento kasi umilag lang si Gela. Gusto ko sanang unahin yung ulo niya para basa na yung mukha niya bago ko basain ang kanyang katawan at mga binti. Nasasagwaan ako sa hitsura ng asong basa ang katawan at tuyo ang ulo, eww. Matapos paliguan ang semento ay natamaan ko na rin ang ulo niya. Nung nabasa na ang ulo niya, tumigil na siya sa pag-ilag. Binuhusan ko na rin ang buong katawan niya at nagpatuloy na sa dapat kong tapusin. Matapos kong paliguan ang aming aso, pumasok na ako sa bahay para magpalit ng damit. Hindi ko na maalala ang mga sumunod kong ginawa. Ang naaalala ko lang ay magkikita na tayo nang ala una sa kanto. Matapos ihanda ang aking gamit at sarili, nagpaalam na ako sa aking tahanan at lumabas na ng gate. Nakita kita agad sa kanto at hindi ko na inisip na mabigat ang aking mga dala. Naglakad na tayo patungo sa sakayan ng tricycle, na maghahatid sa atin sa sakayan ng jeep. Hindi pa rin maawat ang pagiging madaldal mo, mabuti na lang at mahilig ako magtanong. Tuwing nagkikita na lang tayo, hindi ka nauubusan ng mga nakakatuwa at nakakaaliw na mga sasabihin. Kapag naubusan ka na ng bala ay magtatanong agad ako para mas mahaba pa ang usapan. Masaya na akong marunong akong makipag-usap. Kahit na wala naman ako masyadong nasasabi at nagmumukha lang akong interviewer. Sumakay na tayo ng jeep, ng bus tapos MRT na. Sinabi mong may bibilhin kang kagamitan para sa iyong course. Hindi ko na maalala kung sino ang nagyaya sa ating dalawa pero gusto kong sumama sa 'yo patungong SM North, kapag naibaba na natin ang ating mga pesteng gamit sa boarding house. Hindi ko rin maalala kung sino ang nagyaya pero ang alam ko gusto nating manood ng Transformers 3 noong mga oras na iyon. Pagbaba natin ng ating mga gamit sa kanya-kanyang mga boarding house ay nagkita na tayo sa shed. Sinabi ko na manood na muna tayo ng sine sa Trinoma bago tayo bumili sa SM North ng mga pabigat mo sa bag. Pumayag ka naman. Pagdating natin sa palapag ng sinehan ay bumati sa atin ang pagkahaba-haba at pagkakapal-kapal na mga pila. Kahit na alam nating wala tayong pag-asa pang makabili ng ticket ng Transformers 3, nakipila pa rin tayo. At dahil sa matagal tayong nakatayo sa pila, siyempre magpapatawa na naman ako. Mabuti na lang at mababaw nang kaunti ang iyong kaligayahan kaya ibinabato ko na agad ang aking mga biro at inis, kahit na hindi ko pa iniisip kung masagwa ang magiging dating kasi madalas e tatawa ka na lang sa aking mga sasabihin, kahit na paulit-ulit na lang sila. Pumila tayo nang 15 minutes at saka lang natin napansing talagang tunay at totoong taos na tayong tinatarantado ng mga tumatayong matatatag na tila 'di tanggap ang tadhana kung tutulan sila ng tickets ng Transformers 3. Umalis na tayo sa pila at napagdesisyunan na lang na manood nang Tuesday dahil sabay ang ating uwian. Pumunta na tayo sa National Bookstore para sa isang itim na cartolina at nagtungo na ng SM North para sa iba pang pampabigat mo ng bag. Sa SM North na rin tayo kumain, kahit na wala ako sa mood kumain noong mga panahong iyon. Pero masaya na rin kasi nagkuwento ka tungkol sa iyong kuwelang tatay. Na-miss ko rin tuloy si Tatay. Matapos magpataba sa Burger King e umuwi na tayo sa kanya-kanyang boarding house.

Kinabukasan ay maaga talaga akong gumising, mga 8. May kailangan kasi akong panooring palabas para sa subject na..