07 September 2026

Passage

Maski papaano, hindi ako dinadapuan ng kahit na ano mang huwisyo na magmadali. Hindi rin ako binabagabag ng pabugso-bugsong kaba. Tuloy-tuloy lamang ang aking mga hakbang tungo sa direksiyong walang sino man ang namili kung hindi ako.

Sa maya't maya kong mga paglingon, yaring tanaw ko lamang ay ang bagtas na aking nabubuo. Sa ilang oras ko nang paglalakad, maliban sa naiibsang uhaw at nagmumulto lamang na pawis, napapansin ko ring mukhang malabong dapuan ako ng kahit ano mang pigil ng pagkapagod. Hindi pa rin kumakalam ang aking sikmura, pero hinding-hindi mawawala ang hilig ko sa pagkain. Napaisip tuloy ako nang maigi kung ano sa ngayon ang aking kinasasabikan. Natakam ako sa mga amoy at lasa na nanghihimasok kaya napalunok pa ulit ako ng laway.

Mamaya-maya'y may maitim na tuldok akong naaaninag sa direksiyong aking hinahakbangan. Ngayon lang siguro ulit napakunot ang aking mga kilay. Dahan-dahang lumalaki ang hugis na mukhang napili namang humakbang tungo sa aking direksiyon.

06 September 2026

Freeborn

Umihip muli ang hangin sa aking mukha, saka ako nagpunas ng halos wala naman talagang pawis sa aking noo at mga pisngi. Limot ko na yata ang latak ng nanlilimahid na lagkit sa aking balat kapag naglalakad sa kawalan na ganitong may init. Gising na gising na rin ang araw ngunit malayong magsimula ang kahit ano man na tulo o tagaktak.

Bahagya lamang din ang aking hingal kasabay ng uhaw kong hindi naman inip na inip. Dumudulas ang mahinay na ibis sa mga paglunok ko lamang, at kuntento na agad akong magpatuloy sa aking mga iniiwanan.

Hindi na ako nabibigla pa, at wala nang may babalang nakaantabay. Kung babalik pa ako at bibigay, baka hindi na bumira pang muli ang burdado nang buhay. Bistado na ang mga balikwas, at binitawan na ang mga kabaliwan. Bulol mang bumisita sa bara-barang pagbuo ng iba't ibang kabuluhan ng mga bagay-bagay, buong loob na mababanggit na baliktad nang pababayaan ang buwisit lamang na babaran at batis ng kabobohang imbes na ibida ang pag-ibig ay nagbalatkayo na lamang nang may mapag-imbot na aberya.

05 September 2026

Sanctuary

May ginhawa at kalma sa aking bawat pagtapak tungo sa kung saan. Paniguradong walang kasiguraduhan. Bawat sagitsit na nililikha ng aking mga hakbang ay tanda sa bawat naiiwanan nang nakasanayan.

Mabigat ang mga simulang matagal na bumagabag sa kalamnan, mula sa unang araw ng pagkaputol ng pahinga hanggang sa pagtatalaga na ng malagim na umpisa. Ngunit sa kabila ng lahat ng pangingilabot na ihinahatid maya't maya ng sunod-sunod din na mga agam-agam, ganoon din kaiglap bumabaliktad ang lahat na minsan pa nga'y hindi na napipigilan pang ngumiti't magpasalamat sa gulo na naidulot ng isa pang gulo.

Hindi ito dahil sa ayaw ko nang bumalik, ngunit ito ay sa ayaw ko na sa hindi tahimik. May payapa at lumanay sa bawat yapak papunta sa puwang na wala pang may ibang nagmamay-ari, at mabuti na lamang at hindi na ako nagmamadali. Nagkasundo na kami ng aking sarili, hindi naman namin matatakasan ang isa't isa. Ipinagkaloob na ang hindi naman talaga inasam ngunit tumuldok na sa lahat ng hindi napagbigyan.

04 September 2026

Drifter

Sinalo lamang ng kawalan ang aking boses. Hindi ko na pinahirapan pa ang sarili sa tanong na hindi masasagot sa ngayon kaya nagkibit na lamang ako ng balikat saka bumuntonghininga.

Nakapalibot sa kaligiran ang mapayapang hangin na parang wala ring alam sa aking kahihinatnan. Mabuti nang maipit sa sang-angaw-angaw na mga yapakan kaysa siguro sa karaniwang gawian ng walang katapusan na panggagaya na hindi rin naman maikakailang mayroong palaging kasama na lulustay-lustay sa kaluluwa hanggang sa kusa na lamang nitong lagutan ang kaniyang pag-iral.

Walang leksiyon sa lahat ng danas, at hindi palaging mayroong kinakamit. Ang pagtatapos ng pagkamangha ay magsisilbing papel lamang na napuno nang sulatan na baka-sakaling balik-balikan pa, ngunit hindi para sa at parang sa katulad ng dati. Malayo nga ang aking bawat pagsipat, na may maiikling pagtanaw na lamang sa aking likuran. Burado na ang direksiyon pabalik at laking malas ko ba talaga na hindi ko na inaasam pa ang tagumpay?

03 September 2026

Bummer

Ibinalik ako ng sarili kong paghinga sa ulirat ng gising na umaga. Dahan-dahan kong hinila ang nakalubog ko na palang braso galing sa buhangin. Walang ano-ano'y bigla ko na lamang itong inamoy at naghintay na masuntok ng kabantutang ngayon ko lamang dapat na makikilala.

Wala. Umulit ang ilong ko ng isa pa, at sa may mas matindi pang pagsinghot hanggang sa may pumasok nang mangilang butil sa aking hingahan. Napaubo tuloy ako habang natatawa sa sarili kong kagaguhan, ngunit may naiwan pa ring pagtataka sa papatapos nang pagsalba sa aking lalamunan. Wala pa rin.

Hinayaan ko na lamang. Napangiti ako't nilamukos nang isang beses pa ang buhangin bago ako tumayo. Nag-unat-unat muna ako bilang dagdag na rin sa pagpapagising sa aking diwa at katawan. Tinanaw kong muli ang aking kaliwa at kanan, pati ang likod. Mukhang wala pa ring nagbabago. Wala pa rin akong kasama. Nasaan na nga ba ang iba? Mayroon nga bang iba, kung sakali? Humigop ako nang malalim, saka bumulalas ng pagkalakas-lakas na sigaw. Tila walang nakarinig sa akin.

02 September 2026

Far-out

Minabuti kong maupo muna't hintaying maganap ang paggising ng langit. Dinama ng aking mga palad ang maputlang buhanging tila mananatiling busilak hanggang sa magwakas ang panahon — kahit na magwakas pa ito. Walang bahid ng bato, ni ano pang dahon at mga labi ng kung ano pa mang nabuhay.

Wala ring dungis ng inis na dapat sanang nag-uumpisa na sa akin. Kilala ko na dapat ang buhangin, ngunit hindi ang buhanging ito. Sa muling pagsipat ng pasumalang may pasensiya namang maghintay sa akin, kinalabit ako ng sakaling napalilibutan ako ng buhangin na ito. Nababalot ang buong sangkalupaan saan man ang dagok na mapili.

Napahiga ako't hinayaan lamang mauntog ang aking ulo sa ubaya ng sasalo sa akin. Napapikit na lamang ako muli't kinilala nang isa pang beses ng aking mga palad ang buhangin. Unti-unti kong inilubog ang isa sa aking mga daliri. Bahagyang umasa na may masusundot na insekto o hindi kaya kayamanang hindi na mababalikan pa. Kung saan man ako patungo, tiyak na mas pipiliin ko ang mga labi ng insekto.

01 September 2026

Wandering

Nauuhaw ako. Kanina pa ako lumulunok ng laway. Napansin kong hindi naman ako pinagpapawisan ngunit may kung anong simoy na sumasangit sa aking leeg at mga braso na maya't mayang napapawi ng paihip-ihip na hangin. Pasikat pa lamang ang araw, tanaw ng mga matang bakas ang kalituhan sa kakulangan ng mga nasasalubong at sumasalubong.

Saan nga ba ako nanggaling?

Lumingon ako't sukdol din sa lawak ang kaya lamang maabot ng aking paningin. Huminga ako nang malalim. Tumingala sa langit. Pumikit. Huminga ng isa pa. Hindi ako hinintay kailanman ng araw, at patuloy lamang siya sa napipinto niyang paglibot sa aking kamangmangan. Hindi ko rin naman siya masisisi. Kailangan ko rin matutunang huwag manahan sa mga lugar na hindi naman kailangang bantayan. Kung labas siya sa aking kakayahan, ano pa ang magiging silbi kundi magiging aksaya lamang? Mabuti pa ang manghuhula dahil may laya siyang lumipad nang walang kinakapitan. Ito lamang ako't ipit sa hakbang ng aking mga paa. Tiningnan ko ang aking mga tsinelas, at nabigla ako sa buhanging tinatapakan ko pala.

11 July 2026

Mga Salitang Wala pa rin sa KWF

Mga salitang hinanap ko sa KWF (kwfdiksiyonaryo.ph) pero walang maipakita.

as of 2 September 2026

ancha / antsa, anda, basted, betlog, bolilyaso, bully, burloloy, chaka (ugly), dedma, dis-oras, diyoga, gets, hanep, kontsaba, komplikado, krompal, kustodiya, maano, matik (automatic), miss (to long for), patay-malisya, prayoridad, porke, puntirya, rambol, (anak ng) teteng, trip, tsansing

23 June 2026

oh, snap

bro, i was also bullied
back when i was in school
kung saan ang nakararami
sa 'tin ang nanggaling.

hindi mo alam ang hatak
ng ill intent kapagka nagdilim na
ang iyong paningin;
lahat na ng manner of logic
and motherfuckery, hindi mo na
maririnig, habang ika'y
pababa na nang pababa
towards this spiral of endlessness

of ending things that do not matter
maski pa may sumubok sa 'yong
hablutin ka't ibalik ang iyong sarili,

dahil ano pa nga ba babalikan mo
kung wasak ka nang iniwan
by your bullies nang sinasadya,
back when you were still in school
kung saan marami sa kanila
ang manggagaling pa?

24 May 2026

fragment 42

maya-maya'y binanggit niya ang iyong ngalan, hitik na sa lamig at kawalan ng kalooban. ibinaba mo na ang iyong ipinansenyas at nag-abang sa mga susunod na madirinig.

sinigurado ng boses kung sinigurado mo na ba sa iyong sarili ang iyong susunod na desisyon. binalaan ka niyang kung sakaling bumalik ka man sa naunang pook o umabante sa ikatlo, hindi mo na mababawi pa ang pinili mong tahakin. isiniwalat din niyang hindi mo puwedeng malaman ang kahihinatnan mo, sakaling piliin mo ang lugar matapos ng kuwarto ng dambuhalang mapa. at ang tanging paraan lamang para makilala ito ay ang maranasan nang tuwiran.

may mangilang saglit na dumaan upang sapat mong matimbang ang dalawang nagsasagupaang destinasyon na magdidikta kung anong klase kang insulto sa mga puwang na hindi naman dapat punan. huminga kang muli nang malalim, at ibinalik ka muli ng boses sa tanong kung sigurado ka na ba sa iyong piniling pupuntahan. tumango ka sa kawalan. saka sinabi ng boses na maaari ka nang magsalita. siya lamang ang nakarinig ng pinakawalan mong pasya.

23 May 2026

fragment 41

sa iglap na nanlaki ang iyong mga mata, kabit-kabit na nanumbalik ang mga alaala na nakasama mo siya. hindi mo labis na mapatotoo ang mga katanungang sunod-sunod na gumugulantang sa iyong tila papaliit nang paggunita sa mga ipinangyari sa kung nasaan ka na ngayon, alinsunod sa kung nasaan ka naman kaya kung saka-sakali.

hindi mo na alam kung may mga paghingi pa kaya ng tawad na magiging alanganin lamang kung ang kalagayang ibinahagi sa kaniya-kaniya ay tunay pa nga bang labas sa alin man na inyong sakop. pilit mo mang balu-baluktutin sa isip, malinaw ang pasakit at gaan na humulma sa inyo noong sandaling pinagtagpo na kayo ng inyong mga sarili.

naakay kang umusad, walang pagkakamali roon. sa puntong aksayahin kaya ang kayod o manatili sa isang angaw-angaw na paglimot ngunit paglaya, hindi na sa hirang pa ang magpakakubli sa panonood na lamang at panunuro. lahat ng hiningang nabitin ay ibinuga mo sa isang bulalas at sumenyas ka na sa boses sa kung saan, umaasang pinanonood ka lamang din niya sa iyong masalimuot na panunukso sa pagkatao.

22 May 2026

fragment 40

napatulala ka na lamang sa huling labi na nawala rin hanggang sa wala ka na palang tinitingnan. dahan-dahan kang huminga nang malalim habang sinusubukang pigilan ang panibagong kutob na nais manghimasok sa iyong isipan.

bago ka pa man magpakatihulog sa malalim na balon ng kabuktutan, bigla na lamang nagsalitang muli ang boses. kagaya ng kaniyang nakagawian, kinumusta ka niyang muli't naglaan ng katamtamang patlang bago magpatuloy sa kaniyang sasabihin. tumikhim lamang siya nang isang beses at humuli ng segundong tatapos sa iyong katahimikan.

hindi ka man lang niya inihanda sa sumunod na pagbagsak kung kaya't napalunok ka na lamang ng laway nang banggitin ng boses na maaari kang bumalik sa naunang lugar kung saan nandoon pa ang iyong kaibigan. o kaya naman, maaari ka nang umusad sa susunod na lugar matapos sa kuwarto ng mapa na kasalukuyan mong inuupuan. sakaling bumalik ka, binalaan ka ng boses na wala kang maaaring ipahiwatig kahit kanino na ika'y nagbalik lamang kung ayaw mong maglaho gaya ng pinanood mong maliit na papel. sinigurado rin niyang walang makakaalala sa 'yo.

21 May 2026

fragment 39

lumipat ka nang lumipat muli ng tanaw mula sa iba't ibang poste. hindi mo na siya nahabol pa sa mga sumunod na pagpitik, saka ka bumuntonghininga na lamang sa huli. tinasa mong mukhang sa pagka-pagkakataon lamang ang pagkahuli sa kaniya kaya't hindi ka na nagmadali pang muli.

mahinahon ka nang tumatalaktak sa kalawakan ng dambuhalang mapa, malay na mayroong buong sakali na hindi mo na siya ulit na makikita pa. may mga tanaw na tila nalakaran mo na dati ngunit hindi mo rin masiguradong tunay. may ilang mga lunan din na hindi nakapila ang mga tao kundi nakaupo lamang. ang iba'y mag-isa pa rin. mayroong mga tumatalon-talon, nakikipaghabulan, mga nakapamilog at naglalaro gamit ang kanilang mga kamay, at iba pang mga gawaing hindi mo na naranasan sa tala ng iyong pamamalagi roon.

liban sa mga tao, mayroon ka ring bigla na lamang sinundang kulumpon ng maliliit na papel na tinatangay-tangay ng hangin. ipinagtataka mong tila lumiliit ito kaya't nilakihan mo pa ang iyong kita. sinundan mo itong tahimik hanggang sa maagnas sa kawalan ang pinakahuling maliit na papel.

20 May 2026

fragment 38

hindi mo napigilang mapangiti rin nang makita mong bumalik ang kaunting sigla sa kaniyang mga mata. tiningnan mo ang lagay ng kaniyang mga kasama na mukha ring magaan ang loob sa pangkat na kanilang nabuo.

napansin mong mas maliwanag ang mga poste ng ilaw na nakapalibot sa kanila ngayon, kaiba sa mga nalampasan lamang kanina na mga puwesto. minabuti mong iwan muna siyang lumandas at sinubukan mo kung maaaral mo pang silipin ang ilan pang kayang pakiwari ang maipapakita ng dambuhalang mapang kaharap mo.

malayo't lawak mong muli ang tuon, pabalik malapit sa umpisang kusa at nakitang may iba't ibang kaliwanagan ngang ipinapakita sa iyo itong pangkalahatang nakakapagtuos. may mga bahaging madidilim, mayroong mga ubod ng liwanag. padalang-dalang ding dumadaan ang mga itim na itim na umano'y bilog na akala mo'y mga butas lamang noong unang beses mong nakita. binalikan mo ang maliwanag na bahagi kung saan mo siya huling nasilayan ngunit wala na sila ng mga kasama niya roon.

19 May 2026

fragment 37

natigilan kang saglit at binalikan ang ilang mga nakaraan. may posibilidad na mayroon siyang mga narinig nang hindi mo namamalayan. lalo ka lamang nanlumo nang mapagtanto mong maaaring nalansag mo na kung minsan ang kaniyang sariling paghahanap, na mayroon siyang sariling maliit na papel, sariling poste ng ilaw, sariling ugong, na mayroon nga pala siyang sarili.

huminga ka nang malalim. tumingala ka sa kawalan. sa una muling pagkakataon, wala na munang pumasok sa isipan mo.

nabigti ang pinasok na kawalan nang bumalik na ang bigat ng iyong ulong nakakabit sa iyong leeg. tinulak mo ang iyong sarili na itulak muli ang siyang sinimulan. walang kasiguraduhan ang lahat hangga't hindi pa talagang natatapos ang lahat. inilipat mo nang inilipat ang mga baling ng mga poste. may mga lugar na walang katao-tao, mga lugar na punong-puno ng mga pila. natatakot kang baka hindi mo na siya makita pang muli. muling bumilis ang iyong paglilipat ng tanaw. hindi na mabibilang pa ang dami ng iyong mga nalampasan. paubos nang pabuntong ang natitirang pag-asa sa iyong kalamnan nang makita mo siyang muli na may kasamang iba.

18 May 2026

fragment 36

pagkatapos na pagkatapos na bitawan ng boses ang huling salita, sumakto ito halos sa iyong sumunod na paglipat ng poste. nanlaki bigla ang iyong mga mata nang bumalandra sa harapan mo ang kaniyang mukha na maigi marahil na pinagmamasdan ang mga nakasulat sa kasalukuyan mong poste na pinapanooran.

ilang segundo lamang din ang lumipas at nakita mo sa kaniyang mga mata na hindi tugma ang posteng hawak mo sa hawak niyang maliit na papel. wala kang ibang nagawa kundi panoorin siyang mawala nang tuluyan sa abot ng paningin na abot lamang ng tayog ng iyong puwesto.

muling naglawa ang iyong mga mata, sabay nagsalitang bigla rin ang boses. ipinaliwanag niyang bawat isang tao sa ibaba ay may magkakaibang danas sa kanilang mga naririnig at nakikita. maaaring kapareho sa kasama nila ang sagap ng kanilang mga mata at tainga, maaari ring hindi, at walang paraan para mapatotoo ito. maaaring iisang bagay lamang ang inyong nakikita o naririnig ngunit walang-walang makapagsasabi kung iisa rin ang nananalaytay sa inyong mga katuturan.

17 May 2026

fragment 35

"nagtataka ka marahil kung bakit ka napadpad dito, at kung saan ka nga bang nanggaling. sigurado rin akong may mga kutob kang patuloy mo pa ring iniinda magpahanggang sa ngayon ngunit walang ibang kahit na ano o sino ang kayang ibsan maski pang anong higpit sa kokote mo ang iyong ipihit.

huwag kang mag-alala. hindi na kailan man pa magiging mahalaga ang mga iyon. mananatili ang iyong sarili, at ang iyong sarili ay mananatiling naghahanap. baklasin man nang baklasin hanggang sa ibutod na lamang ang maiwan, may puwersang magkakabit sa 'yo sa mga puntang naghihintay lamang matuklasan at iba pang mga sariling ikaw rin mismo ang siyang hanap.

ang paghahanap ay walang hanggan, umabot man sa mga guhit ng alangan, ng layunin, o ng kapalaran. mayroong mga hindi na natagpuan, mayroong mga nakaligtaan na, at maaari rin kung minsan, may mga mapahihintulutang mahanap ng hindi inaasahan, nang hindi inaasahan."

16 May 2026

fragment 34

sa mga naunang pitik sa mapa, bawat kagyat na paglipat ay mga sabik na unti-unti ring lumumanay sa haba at tagal ng mga akalang natatanggap na ring walang kahahantungan kahit na ipilit pa nang ipilit ang mga naising walang ibang nakakaalam.

sa lahat ng mga bagay na labas sa iyong hawak, may mga gigil pa rin talaga na mahirap pakawalan. may ilang mga pagsaling sumasalo ng hindi napigilang mga diin at dabog kasama ng paninging lumalabo na sa lawa ng luhang agad-agad namang napupunasan.

muling nagsalita ang tinig matapos mong punasan ang iyong mga mata. napamadali ka pa nga kahit wala kang kasiguraduhan kung nakikita ka pa ba niya o kanina ka pa ba niyang pinanonood. matapos ka niyang kumustahin (kahit na hindi ka naman makakasagot), narinig mong tumikhim ang tinig na bahagyang nagpakunot sa iyong mga kilay habang patuloy pa rin ang iyong pagbabaka-sakali. sumaglit ang ilan pang segundong tahimik ang paligid bago niya banggiting muli ang iyong ngalan.

15 May 2026

fragment 33

bawat gawi sa dambuhalang mapa ay kumakatawan sa isang malawak na pook mula sa iyong pinanggalingan. bawat tatsulok ay iyong paisa-isang pinindot at isa-isa ring lumipat-lipat ang tanawing ipinapakita sa iyo. maaari mong manipulahin ang lawak ng mapang nakatambad lamang sa iyong harapan. puwede mong itulak sa iba't ibang direksiyon ang pag-ikot at pagdulas nito.

sa bawat pagtulak at pagliko ng mapa, pagliit at paglaki ng mga tanawin, unti-unti mong napagtatantong lubos-lubos ang kalawakan ng ipinakikitang lugar ng isang napakakatiting na tatsulok. halos mahigop sa ibang dimensiyon ng kaululan at kalulaan ang iyong diwa nang unti-unti mo ring nauunawaan na ang bigat at lalim ng mga inutas mong paglalakbay ay biglang kakarampot lamang pala na pitas kumpara sa kabuuang niyayari na't yumayanig na sa iyong kaisipang hindi mo na rin matatantiya kung kinakaya at kakayanin mo pa.

sa muli't muling paglilipat ng tanaw, napansin mong nakaharap ang mga pila ng tao sa iyo mula sa isang mataas na puwesto at nakatatango ka pa nang pababa. maaaring nakalagak sa isang ilaw ng poste ang iyong bawat paglipat. sakaling ituloy mo pa ito, gaano kaliit ang tsansang makita mo siyang muli?

14 May 2026

fragment 32

nakakapagtakang hindi ka man lang dinapuan ng kahit na anong anyo ng kaba nang marinig mo itong boses na tumawag sa iyong ngalan na matagal mo nang hindi naririnig at saka mo lamang din naalala nang mga sandaling iyon. itinuloy mo lamang ang iyong paglalakad.

maya-maya'y binanggit ng boses sa iyo na maya-maya lamang din ay may matatagpuan kang upuan sa pagbagtas na iyong tinatahak. ilang saglit lamang ang lumipas at iyon nga, natagpuan mo rin ang isang puting upuan. pagkalapit mo rito'y unti-unting namumuo sa harapan ang tila isang napakalaking mapa.

umupo ka na habang pinagmamasdang mabuo ang dambuhalang impormasyong tikwas lamang ng iyong mga daliri. nang mukha nang tapos masulit ng mapa ang kaniyang pagkalalang, pinindot ng iyong kating-kati na hintuturo ang isa sa mga bahagi nito. bigla na lamang nitong inilapit ang pangitain sa iyong harapan. ipinakita nito ang isang lugar na may mga poste, mga tinatangay na maliit na papel, at mga taong nakapila — ito ang mapa ng iyong pinanggalingan.