28 January 2012

Urbana at Feliza


Freshie: Ate, kinakabahan po talaga ako. Isang week pa lang, takot na takot na ako. Haha. Patulong naman po. Kahit konting advice lang po. Hehe.


Upper: O ano, kumusta naman ang first week mo sa klase, sa school? Hassle no? Ang daming kailangang ipasa na feeling mo e hindi mo naman magagamit nang buo at nagsasayang ka lang ng pera. Pero, sinasabi ko sa iyo, kailangan mong gawin, ang dami mo ring dapat bilhin, lahat ‘yan ay kailangang matupad sa ayaw at sa ayaw mo kasi ayaw nating lahat na napapagalitan at napapahiya.


At dahil matagal na akong nag-aaral dito, (Huwag mo nang itanong kung ilang years na! Mahirap lahat dito! Mahirap makapasok, mahirap sa loob, mahirap din makalabas!) at alam ko naman na kung anong oras na naman ako matatapos magpo-procrastinate, bibigyan na lang kita ng mga advices na sa tingin ko e makakatulong para maka-survive ka naman kahit papano at heads up na rin sa nakakagulat at nakakaasar na mga pangunahing ipinapatupad sa school, para ngayon pa lang magsisi ka na at makapag-isip nang maaga kung ayaw mo ng ganitong buhay.


Huwag na huwag mong kalilimutang magsuot ng ID, unless kilala ka na ni Papa Guard. Dahil sa dinami-dami nang pumapasok dito para sa mga kung anu-anong bagay, maganda na rin yung hindi ka pinaghihinalaan ng mga tao sa loob ng campus, lalung-lalo na ng mga prof at ng mga papa guards. Hindi naman sigurong nakakatuwa kung haharangin ka na lang maya’t maya ng mga matatanda.


Huwag mong masyadong gawing bonggacious nang bonggang-bongga ang iyong hairstyle. Yung tipong, kulay parrot (huwag ka na lang magpakulay kung hindi naman talaga kinakailangan), sintaas ng mga punk sa internet, sintigas ng buhok na parang sa Statue of Liberty. Una sa lahat, nakaka-distract kang tingnan at ayaw ng mga prof dito na nakaka-distract kang tingnan. Pangalawa, gusto ng council dito na iisa lang ang nakikita nila sa mga estudyante. Ayaw nilang may bigla na lang naiiba. At diyan na rin papasok ang uniform kasi nga gusto nila ng ‘uniform’ na populasyon sa campus. Nako, ngayon pa lang ay magba-bye ka na sa mga alahas mo sa katawan, kahit yang mga baller na yan. Suwerte mo kung walang nakapansin sa mga iyan sa una mong linggo. Kapag nakita yan ng mga matatalas na mga mata, kukunin iyan sa iyo at puputulin sa harap mo. Kapag medyo mahal e baka kumpiskahin na lang nila at ibenta sa magpagkakakitaang presyo – pero teorya ko lang naman yan. Para na naman sa pagtataguyod nila ng iisang paniniwala at iisang pagtingin, huwag mo munang kulayan ang iyong katawan pag nasa campus ka na.


Syempre girl, kapag naka-PE uniform ka na, baka bumakat ang iyong bra. Baka naman may mga hindi ka rin colorful na bra. Bahala ka, baka ipatanggal sa iyo yung bra mo. Joke! Pero please, iwasan na lang natin talaga ang masita nang masita at magkaroon ng rekord sa office. Nako, ayaw natin ng ganyan!


And last, but not the least, para sa ikagaganda na rin ng reputasyon mo, maligo ka bago pumasok ng school. Dapat neat kang tingnan kaya para kahit nakalimutan mo ang ID mo, na sana’y hindi mangyari sa’yo, hindi ka pagsusupetsahan ng mga papa guard at mga taong naghahanap ng mapagtitripan sa campus bilang masamang tao o kung anupamang makapagpapapangit sa image ng school natin.


Napansin mo na siguro ang pagdadasal before and after class. Masanay ka na. Pero siguro naman, nung elem e tinuruan na rin kayo magdasal, before and after. Okay na rin siguro yung feeling na humihingi ka ng guidance from God sa mga makakasalamuha mo pang mga tao dito sa campus. Ipag-pray mo rin na sana hindi maalala ng prof na may quiz kayo that day, na submission niyo na pala ng requirements, may exam pala kayo or recitation, report, at malay mo, malay mo lang talaga, sagutin iyan at malimutan ng prof ang lahat, kasi, sa DAMI talaga ng gagawin mo rito, iwiwish mo talagang ma-delay ang ilan sa mga gawain. Siyempre dun sa prayer after class magpapasalamat ka, pero kapag naalala ng mga prof mo, baka tanungin mo si Lord kung bakit niya ginawa iyon sa iyo, kung bakit ang hirap-hirap ng quiz or exam. Bale makakapag-reflect ka sa sarili mong ang tamad-tamad mo pala at hindi ka talaga nakulangan sa oras. Masaya rin magdasal no? HUWAG na huwag ka ring gagalaw kapag Angelus time at 3 o’clock Prayer time kasi pagagalitan ka rin. Magbigay ka na lang ng paggalang, saka ka magwala sa bahay kapag nakauwi ka na.


Ang pagkuha ng 12 units of Theology ay requirement din kaya dehins ka makakaayaw sa mga subjects na yan. Pero malay mo, makaramdam ka ng ‘calling’ o ‘pagtawag’, para sa pag-aalay mo ng iyong sarili sa ating Panginoon. Huwag sanang ‘calling’ ng magulang mo kasi bagsak ka. Hahaha!


Marami ring fee ang mae-encounter mo rito – Donation Fee, Powerplant Fee, Energy Fee, and so on. Nako, kailangan mo talaga Magtim Fee sa mga fee na yan kasi required din sila. Kailangan bukal sa loob, pero required. Required na DONATION FEE. As in. Magbigay ka na lang kung gusto mong manatili sa school.


Kung may ‘calling’ ka naman sa ibang mga bagay tulad ng pagtataguyod ng iyong sariling Org or whatever council, lahat ng mga iyan ay dadaan sa Admin. Nako, kung ako sa’yo, hindi na ako makikipagkilala o makikipagbanggaan sa Admin. Pero kung gusto mo, sige, BAHALA KA. HUWAG MONG SABIHING HINDI KITA BINALAAN. MAGSISISI KA BAHALA KA.


Ay ito pa pala, may mga camera everywhere sa school. Huwag kayong magkukumpulang magkakaklase dahil oras na naabutan kayong magkakadikit at mukhang nagp-planong team sa basketball, muli’t muli, lagot na naman kayo sa mga papa guard, or council, or prof, or kung sinumang walang mapagtripan. Mag-smile ka na rin kung may time ka sa mga camera na madadaanan mo para magmukha ka namang mabait sa paningin nila. Pero huwag naman araw-araw kasi, kahina-hinala rin naman pag ganon.


Yung mga school supplies mo pala, sa susunod, sa school mo na bibilhin. Sayang lang yung mga pinamili niyo sa National kung ngayon mo lang ito nalaman. Gusto rin siguro ng pamunuan e pare-pareho lang tayo ng ginagamit. Parang wala na tayong pinagkaiba sa mga factory workers, iisa itsura, iisa ang gamit. Pero drama ko na lang yan, chos!


Huwag na huwag ka rin sasalampak o uupo sa mga corridors at hall ways. Pagtitingnan ka ng mga tao, kasi ikaw lang ang gagawa ng ganun, kahit na lahat naman tayo e gustong magpahinga kung saan dadapuan ng pagod. Marami namang benches sa campus e, kaso nasa initan. Ayaw lang nilang magmukha tayong pulubi, kahit na alam nilang hindi naman sila nagpapapasok ng pulubi. Ayaw nilang magmukhang makalat ang hall ways at corridors kahit na alam naman nilang naka-proper attire tayo at may ID at all times.


Kapag may discussion kayo sa loob ng classroom, huwag na huwag mong tatanggihan ang prof. Puwede kang magtanong pero ang tanong mo e dapat may hindi ka lang naintindihan o narinig o may gusto ka lang ipaulit. Hindi mo puwedeng i-engage sa isang debate ang isang prof para lang ma-prove mo na mas tama ang iniisip mo, kahit na feeling mo talaga, tama ka. LAGING tama ang mga prof dito. Sumunod ka na lang sa mga sinasabi ng modules at huwag nang kuwestiyunin ang kanilang mga sinasabi. Magbabasa ka na lang, makikinig at magtatanong ng hindi narinig. Kapag may assignment, sa module o book nilang ini-require ka na lang tumingin. Nandun naman na siguro yun. Huwag ka nang mag-research pa sa internet, dahil kahit na tama at may point ang mga isasagot mo, ang isasagot lamang na TAMA ng prof mo e yung mga itinuro niya at yung mga nakasulat sa module o book na memorize na niya cover to cover.


Huli sa lahat, pag aalis ka na sa school at nakatapos ka (na sana ay matupad naman sa takdang oras. Haha!), ibabalik mo nang bukal sa loob ang mga BINILI mong libro. O diba, ang saya-saya.


Sana manatili ka rito gaya ng mga ginawa ko para maka-survive in an environment like this school. Sinabi ko na ang ilan sa mga bagay na puwede mong magamit at matandaan para makatulong na rin sa iyo.


Freshie: Wow, Ate, thank you po!


Upper: Good luck!

25 January 2012

Buhat

Em,

Feeling ko, gusto mong magsulat. I mean, hindi mo siya hobby, pero from time to time, siguro, kapag may hindi ka ma-express sa pagdo-drawing, isusulat mo na lang. Katulad ng ginawa mo ngayon, sinulat mo. Ang sarap ng feeling di ba? Ang sarap ng feeling ng may inilalabas ka ng sobrang bigat sa feeling kapag patuloy mo siyang dinadala. Parang utot lang yan e. Sasakit tiyan mo kapag hindi mo ilalabas, mahihiya ka pa, e lahat naman ng tao umuutot. Malakas ang impact ng utot kapag walang tunog – na kadalasang nangyayari kapag matagal mo nang pinigilan o kaya masakit talaga sa tiyan. Tulad ng utot na mabahong iyan, napakalaki ng impact sa akin ng ginawa mong paglalabas ng saloobing ito. Hindi ko man inaasahan mula sa iyo, kasi nga, ayaw mong nagsusulat, hindi ko alam kung matutuwa ako o malulungkot. Para sa akin kasi, ikaw, okay pa yung pagsusulat mo, natutuwa pa ako sa mga sinasabi mo. Kapag ako na ang nag-drawing, baka tawanan mo na lang ako. Kunwari, gusto ko talagang ipakita kung gaano ako kasaya sa tuwing kasama kita, sa pagguhit ko gustong ipakita kasi nga sinulatan mo ako, baka mag-drawing na lang ako ng smiley face.

Iba rin kasi yung nakakapag-express ka sa salita, right? Marami kang puwedeng isingit nang isingit, makikita ng kausap mo yung mga gusto mong sabihin. E napakagaling mong visual artist, itinatago mo sa mga pagguhit mo ang iyong mga nais sabihin. Kailangan ko pang magtanong o di kaya ay titigan pa nang mabuti yung drawing mo. Kapag nag-drawing ka kasi, may memories agad yun. Isipin mo, after many years, kapag nakita ko ulit yung drawing mo sa ating dalawa na may hawak akong gitara at yung iyo naman ay drum sticks, marami na tayong maaalalang gunita. Siguro, nandun na yung a picture with a thousand words. Yung iyo, maraming kulay, mas masayang tingnan. Kapag ako nagsulat, black and white lang malamang, tapos babasahin mo pa bago ka makaalala. E ang drawing, isang tingin mo lang, BOOM! Sasabog agad lahat sa utak mo. Masuwerte akong nakilala kita, kasi magaling ka mag-drawing. Kapag may natuwa sa’yo em, ibig sabihin nun, magaling ka, at may igagaling ka pa.

Sa mga iniisip mo sa buhay, pareho lang naman tayo e. Gaya-gaya ka na naman. Pero dahil nagmamahalan tayo, siguro sasabihin ko na lang na mutual ang pag-iisip natin, o pareho, magkatuwang parati yung iniisip natin. Masaya sa pakiramdam yung nagkakasabay tayo ng sinasabi paminsan-minsan, tapos ngingiti tayo, tapos kiss na. Pero sa susunod na panahon na yung kiss. Pag-usapan natin yung nagkakasabay tayo magsalita, ng parehong pangungusap, ng parehong tono, ng bilis. Yung epic moment na ganyan, ang saya alalahanin, kasi ang dating sa akin, pareho tayo mag-isip, hindi mahirap kuwestiyunin kung para nga tayo sa isa’t isa.

Maaalala ko lang, noong una kitang nakita, noong grade school, sinabi ko agad sa sarili kong crush na kita. Maliit pa lang tayo non. Tapos ngayon medyo maliit na lang. Pero ang tagal-tagal na non em, many, many years ago. Ipapasok mo pa yung fact na 4 years tayong hindi nagkakausap noong high school. Simpleng chat lang. Simpleng text lang. Simpleng paglalakad lang sa Festival. Pero kung susumahin, halos hindi talaga tayo nagkakilala. Pero last sem, nung nakita kita, iniisip ko, bakit gusto kitang kausapin? Bakit gusto kitang makatabi? Bakit gusto pa rin kitang makasama kahit na alam kong anim na taon tayong halos hindi nakapag-uusap? At sa tinagal-tagal nating panahong hindi man lamang nagkakilalahan ng bawat isa, sa anim na taong paggawa at pagpapakita ng wala sa isa’t isa, bakit may gusto pa rin ako sa’yo?

Gusto ko na sanang magbago. Gusto ko na sanang makakausap ng babae initially nang harapan. Ayoko nang magkamali sa chat, sa Facebook, sa text. Ayoko na ring magkamaling tumingin sa iba. Ayoko na ring mang-iwan, manakit, madapa, hindi mamansin. Noong nakita kita, hindi lang iyong simpleng pagtingin lang kung okay ka ba maging girlfriend. Hindi. Inuulit ko, gusto kong magbago. Gusto ko nang gawin yung hindi ko nagawa sa iyo noong grade school, yung mga dapat na ginawa ko na agad, yung mga bagay na hindi ko dapat gawin sa mga panahong nasa high school na tayo. Noong nakita kita ulit sa Geog room natin last sem, inisip kong gusto ko nang magbago. Ikaw ang dahilan kung bakit gusto kong magbago. Ikaw ang nagpakilala sa akin ng kakaibang mundo mo. Ikaw ang nagpakilala sa akin ng pagbalik, muling pagkilala sa sarili, muling paglasap sa sarap ng pag-ibig at yung feeling na may kaisa-isang nakaaalala sa’yo na kaedad mo.

Alam mo, mabilis din kitang ma-miss. Yung tipong alas diyes na, ay, time na. Kahit na naririnig mo akong ‘Hoy, alas eight na. Malapit na ang curfew mo.’ Hindi ako nagmamadaling umuwi. Kung puwede nga e, iuuwi kita. Haha. Pero many years from now pa iyan. Let’s not break the trust our parents have given us. Kaya kapag naaatat na akong umuwi ka na, e para rin sa ikabubuti natin. Para rin sa mga tao sa boarding house mo, na umuuwi ka naman before 10. Ayoko lang na magsumbong yung mga tao riyan sa boarding house mo sa mommy mo. Kapag nangyari yun, mas malala. Ayokong pagbawalan tayo. Ayokong paghiwalayin tayo. Ayokong mailayo ka sa akin. Ayokong pigilan nila ako para sa’yo, kasi ikaw na talaga yung gusto ko. Ikaw na yung gusto kong makasama. Ikaw yung gusto kong pakasalan. Ikaw na yung magiging purpose ko sa buhay paglaki ko. Ikaw yung gusto kong makasama sa mga karanasan pang dadapo sa akin. Ikaw na talaga. Ikaw na nga. Ikaw na.

Sana alam mo rin na magaling kang tao. Kaya parang ayaw kong sumagot kapag sinasabi mong hindi ka magaling, minsan kapag dina-down mo sarili mo, ngingiti na lang ako, kasi alam ko namang hindi totoo. Napapangiti rin ako kasi, kapag dina-down ko sarili ko, ayaw mo, tapos biglang ida-down mo sarili mo. Baliw ka ba em? Haha. Uulitin ko, kapag naelibs ako sa gawa mo, magaling kang tao. E ako nga na hindi visual artist, elibs na elibs na sa’yo, paano pa kaya yung mga naeelibs na mga ka-course mo sa’yo? E di hamak namang mas magaling silang mag-drawing sa akin, natatapakan nila yung mga comments at reactions ko sa mga gawa mo. Maging masaya ka na dahil magaling kang gumuhit. Ako ang kaya ko lang i-drawing e... ay... wala pala.

Naging malaking bagay ang pagkakakilala ko sa iyo. Ikaw yung nagbigay sa akin ng bagong pagtingin sa mundo. Naging iba ang tingin ko sa mga walang buhay na stuffed toy. Natatawa pa rin ako, sa tuwing binubuhay mo ang mga walang buhay na bagay. Ikaw ang nagpakita sa akin na hindi lang tayo ang maaaring mabuhay sa ating mundo. Maaari tayong magbigay-buhay sa iba. Ikaw ang nagpakita sa akin nun. Ikaw ang nagpakita sa akin na may mata ang mga kotse, na tamad ang mga pusa at aso. Noon, ang tingin ko lang sa paligid ko, background. Hindi ko na tinitingnan. Yung mga bagay na wala akong pakialam, bahagi na sila agad ng background sa akin. Ngayon, dahil sa mga simpleng pagturo mo lang sa mga bagay-bagay dahil sa nakyutan ka, dahil sa mga simpleng pagbibigay-boses sa mga stuffed toy mo, nag-iba ang pagtingin ko sa mundo. Lalong naging maliwanag sa akin, mas makulay, mas masayang tingnan. Masaya ka parati. Masaya ka kasama. Parati kang masaya. Nagdadala ka madalas ng kasiyahan sa mga taong kasama mo. Ikaw ang nagbigay sa akin ng bagong mata sa pagtingin sa, akala ko, boring na mundo natin.

Hindi mo na kailangang subukang maging karapat-dapat para sa akin. Kahit na anong gawin mong aksyon, magiging okay sa akin. Tanggap na kita. Hindi na tayo nagkakahiyaan, wala nang ilangang nangyayari sa pagitan nating dalawa. Wala na ring bilangan. Sana tanggap mo na rin ako. Alam kong hindi ko kaya ang isang araw nang hindi kita nakikita, or nakakausap. Kumpleto ang isang araw ko dahil lang sa iyo. Sana, magawa ko yung mga gusto mo. Sana, hindi kita masaktan. Sisikapin kong pasayahin ka, higit pa sa pagpapasayang ibinibigay mo sa akin sa tuwing magkasama tayo. Gusto ko, parati tayong masaya, nagbibigayan, nagtutulungan, nagkakaunawaan. Sa’yo ko na lahat gustong gawin lahat ng gusto kong pagpapasaya. Sisikapin ko ring alagaan ka, pasayahin ka, tulungan ka sa abot ng aking makakaya at tawag ng oras. At dahil ikaw lang ang best friend, girlfriend, friend ko rito sa UP, sa Mandarin, at sa kahit saan pa mang sulok ng universe, iingatan kita. Nag-iisa ka lang para sa akin. Alam kong hindi na ako makakahanap, AT HINDING-HINDI AKO MAGHAHANAP NG IBA, at NEVER DIN AKONG TITINGIN SA IBA, dahil masaya na ako sa’yo. Alam kong mahalaga ka sa akin. Alam kong kailangan kita. Alam kong isa kang malaking bahagi ng aking buhay. Iingatan kita hanggang sa makakaya ko – ay, iingatan na lang kita hanggang sa maubusan ako ng lakas – ay, iingatan kita kahit ubos na ang aking lakas. Handa kong ipaglaban yung nararamdaman natin sa isa’t isa. Hindi ako nagsisisi at sinubukan kitang yayaing manood ng Transformers 3.

Hindi pointless yung mga sinabi mo. Tulad ng sinabi ko kanina, matindi ang impact nito sa akin, dahil ang dami mo palang gustong sabihin, at marami rin akong gustong sabihin. Nagalak ako nang labis sa mga sinabi mo sa iyong sulat. Ang daming ngiti ang inihatid sa akin ng bawat pangungusap na pinagsilbi mong bahagi ng iyong mga nais sabihin sa akin. Masaya ako dahil masaya ka rin sa piling ko. Masaya ako dahil ako ang gusto mong makasama, dahil ikaw rin ang gusto kong makasama habambuhay. Masaya ako dahil masaya ka rin.

Ayoko na rin ng ‘sana’. Sabay nating ipaglaban ang pag-ibig na nararamdaman natin. Ang korni mang pakinggan ng pangungusap bago ito, seryoso ako. Sana, matutunan nating posible kung gusto natin. Ayokong magkahiwalay pa tayo.

Sorry kung inaasar kitang maliit ka. Ang cute mo kasi e. Iniisip ko, wala namang cute na matangkad. Kaya bagay yung height mo sa’yo kasi napaka-cute mo talaga. Lagi mong napapatalon yung puso ko sa tuwing nagpapakyut ka, sa tuwing sinasabi mong iyo lang ako, sa tuwing niyayakap mo ako, sa tuwing hinahalikan mo ako, sa tuwing napapaligaya mo ako.
Mahal na mahal kita.

Yung tipong inuna ko pa 'tong sulat na 'to kaysa sa mga kailangan kong isalin pa sa Tagalog at kakaibang mga payo ng isang upperclass man sa isang freshie sa bagong pasok na Catholic private school na scripted. Wala na. Tinamad na ako mag-acads ulit. Ang sarap magsulat ng hindi required.

19 December 2011

Pasko Na!

Tawad!!

Dagdagan natin, para dumami naman at magmukhang hindi ako walang kuwenta at gustung-gusto ang Pasko. Susubukan ko na ring magsulat for 8 minutes bago umalis at pumuntang Canada. Sorry. Hindi ko alam kung bakit ang hilig kong magsalita sa mga pangungusap na nagsisimula sa 'Hindi ko alam'. Hindi ko talaga alam. Kailangan ko lang talagang magsulat nang tuluy-tuloy, kung anong lumalabas sa utak ko, todo ratrat ang ipinagtatatambol ng mga daliri ko sa pagta-type. Naaalala ko, noong elementary kami, may subject na kami noon na Computer. Masaya kami, kasi, alam naming pupunta kami sa aircon at magdididikit lang kami ng kung anu-anong Word Art at Clip Art sa MS Powerpoint. Masaya na ako sa ganoon kahit na feeling ko noon, ang galing-galing ko na magkompyuter. Pero hindi yan yung talagang gusto kong pagbigyan ng punto. Gusto ko sanang alalahanin yung pinag-print kami dati ng keyboard para magpraktis daw kami mag-type o ituturo sa amin yung tamang placing ng fingers sa keyboard. Matatandaan naman siguro ng nakararami sa atin ang mga letters na A, S, D, F at J, K, L, pati character na ';'. Yan yung turo sa atin. Nandiyan dapat yung apat mong daliring maliliit tapos yung thumbs e nakapuwesto sa spacebar. Leche. Hindi naman ako nakapag-type nang mabilis dahil sa ganoon. Alam naman nating lahat na mas nakakapag-type tayo nang mabilis sa kung paanong pagta-type ang itinuro natin sa ating mga sarili.

Kagaya na rin sa lahat ng mga bagay na nangyayari sa atin. Sa mga karanasan natin tayo natututo, hindi sa mga walang kuwentang mensahe sa mga korning pages sa Facebook o yung mga pagpapapansin lamang na GMs sa text sa cellphone. Masayang matuto sa kung anong napapala mo. Maganda na rin yung tayo mismo ang nagtuturo sa ating mga sarili. Sabi nung isa kong prof, kahit na korni na ngayon yung nagko-quote mula sa mga prof, kapag may hindi ka alam, hindi lang ikinakamot ng ulo yon, hinahanap yon. Dapat palatanong ka. Mahirap na rin yung maging tanga kasi magkakalat ka ng katangahan kapag nakisalamuha ka na sa mga mas bata sa iyo. Huwag mong ipagpilitang isuksok sa kokote mo ang lahat ng nababasa mong akala mo e totoo kahit na maraming nag-like. Maging mapanuri at higit sa lahat huwag masyadong seryosohin ang mundo. Ayaw kong mamatay nang depressed. Ayaw kong lumingon sa buhay ko sa kahapon, kung ang makikita ko lang e ang sarili kong nagmumukmok at hindi sinusulit ang bawat segundong ibinibigay sa akin sa araw-araw. Maganda na rin yung nakaipon ako, at yung masasaya lang yung naipon at naaalala ko, kaysa mamatay ako nang malungkot at walang narating.

10 December 2011

Ikaw 'Yan?


Unang araw sa kolehiyo. Dapat poging-pogi. Dapat mukhang matalino. Hindi dapat pahuhuli, hindi dapat magmukhang gago. Nahanap ko na ang room ko sa building na bagung-bago sa paningin ko. Bagong feeling, bagong uniform, bagong mga tao. Naghanap na ako ng upuan, default na sa unang araw ang pumunta sa pinakalikod na mga upuan, baka sakali kasing terror ang prof at ayaw lahat nang natatawag at walang gustong napahihiya sa klase. Minabuti ko nang sundan ang ginagawa ng nakararami kahit na magmumukha talagang paharap na mapupuno ang mga upuan sa silid.

Hindi ko alam kung masasabik ako sa prof at subject na pinasukan ko kapag natatakot ako sa mga posibleng mangyari, kaya pinasabik ko na lamang ang sarili ko sa mga makatatabi ko o mga posibleng kaibigan. Unti-unti nang napupuno ang silid, papalapit na kasi ang oras, malaki na rin ang tsansang magkaroon ako ng katabi. Tingin sa dingding, tingin ulit sa pisara, pinto, desk, dingding. Ayos ng buhok, ilong, pisngi, kilay, tingin sa mga kaklase. May papalapit na magandang babae sa puwesto ko, mukhang mas matanda sa akin, mukha namang mabait at madaling kausapin. Di hamak na tumabi siya sa akin. Feeling ko naman ang pogi-pogi ko dahil sa iba pang bakanteng upuan, harap na lang ang tigang sa estudyante. Wala na akong pakialam.

"Freshie ka po?" tanong sa akin ng babae. Hayop. Bumilis ang takbo ng puso ko. Perotekawait, nag-'po' siya sa akin? Alam kong medyo masungit ang dating at unang impresyon sa akin ng mga tao pero hindi naman talaga ako mas mukhang matanda sa kanya. Alam kong alam niya iyon dahil inisip niyang freshman nga ako at di hamak ngang malaki ang posibilidad na mas matanda siya sa akin. Bakit? Bakit siya nag-'po'? Kailangan bang gumalang nang ganyan kapag hindi mo pa kilala ang isang tao? Iniisip ba niyang isipin kong mabuti siyang tao kahit na alam ko sa sarili kong pamamlastik lang ang paggamit ng 'po' sa mga mas bata o kaedad niya?

Kahit na anong sabihin ng mga taong gumagalang nang ganito sa akin, isa na agad ang pumapasok sa isipan ko: Hindi ka ganyan magsalita, alam ko. Walang kabataan ngayon ang nagsasalita nang may nakaiiritang ‘po’ para gumalang talaga. Hindi nila ako ginagalang, binibilog lamang nila ako na tingnan silang magalang, mabait at pakyut kunwari. Kunwari tunog mas bata sila sa akin kahit na hindi naman talaga sila ganoon makipag-usap sa mga matatagal na nilang kaibigan. Kung kakausapin ako ng babaeng ito para makipagkaibigan, para lang may makakausap siya nang matino kapag nakikipagdiskusyon na ang prof namin sa blackboard, bakit hindi niya lantarang ipakilala ang kanyang sarili sa mga unang salitang matatanggap ko mula sa kanya? Hindi ba’t mas maiging makipag-usap nang natural para mas madali kang makilala ng hindi mo pa kilala? Bakit kailangang may makita munang magandang side na hindi totoo? Banal ba ako para igalang nila ako nang ganoon? Gusto ba nilang magustuhan ko sila dahil feeling nila mabait sila sa paningin ko?

Ayaw nating napapahiya, ayaw nating nakikita tayong tanga, pero mas okay bang unang makita tayo ng mga tao sa paligid natin bilang isang nagpapakyut lamang na bata? Okay bang maging plastik? Bakit? Bakit nila ito ginagawa? Bakit ganito sila magsalita?

Hindi ako nauuto sa ganyan. Kahit anong subok, may pahapyaw ka nang pagkilala sa isang tao kung paano ka niyang kakausapin. Kung gusto ka ba niya o hindi, kung nagpapapansin lang ba siya o ginagalang ka niya talaga, lalo na kung kaedad o kahenerasyon mo lang siya.

Gumising na kabataan! Ipakilala nang maayos ang sarili. Huwag iisipin ang sasabihin ng iba sa’yo kung sakaling ayaw nila ang trip mo. Kanya-kanyang trip lang yan. Malamang sa malamang, may mga makaka-vibes tayo at sila ang mga taong hinding-hindi natin makalilimutan. Huwag intindihin ang iba, intindihin ang gusto, ang sariling pagkatao nang walang bahid ng pagpapakyut lamang at kunwaring paggalang.

“Oo.”

09 December 2011

Tuldok

Matagal na akong tinataranta
Sa tuwing titingin na lang ako
Ng tula
Tutukuyin nang tusung-tuso
Ang mga tagong temang di makita
Ang katuturan
Titigil na talaga ako
Sa pagtula
Tae

Ayoko na
Ayoko nang tumula
Itatapon ko na ballpen ko
Wala naman akong ma-gets
Wala na
Akong
Ma-gets
Kailan ba ako naka-gets?
Ayokong intindihin
Ayokong maghanap ng wala
Ayoko mag-imbento

Ayoko na
Ayoko nang tumula
Wala na akong makamot sa ulo
Wala na akong maramdaman
Hindi ko sila
Mapakiramdaman
Babae ba lahat ng makata?
Utak ko hindi makata?
Katha
Katha
Katha
Ayoko nang tumae
Wala akong maramdaman

Ayoko nang tumula
Itatapon ko na papel ko
Ayoko nang magpapansin
Hindi naman ako natuto
Hindi na ako natuto
Bobo!
Ayoko na.
Putang ina
Bakit?
O bakit ganyan?
Puro kulay lang ang nakikita
Umiikot
Itim
Buwisit

Perfect
Gusto nila ng perfect
Lilipad na lang ako
Putang ina, wala akong ticket
Madamot ba sila?
Tinatamad lang ako.
Mascot
Akin na ang mascot ni Jollibee

26 November 2011

Pakiusog Pa Banda Rito. 'Yan! Thanks!

Kapapagupit ko pa lang, hindi dahil sa kagustuhan ko kundi dahil sa kagustuhan ng nanay ko. Ayaw kong nagpapagupit. Ang lambot kasi ng buhok ko kapag malago. Kapag nagpapagupit ako, tusok-tusok ang nakakapa ko kapag hinihimas ko ang tuktok ng ulo ko. Ayaw na ayaw ng nanay kong nakikitang malago na ang buhok ko. Oo, malago ang ginamit kong paglalarawan sa aking buhok. Hindi ko naman kasi ito nakikitang humahaba pababa. Pataas ang paglago ng aking buhok. Kulot ako.

Kung madalas kong makita sa mga tao ang kanilang mga mata at tiyan, buhok ang unang napapansin sa akin ng mga tao, kapag malago na ito. Sinabayan pa ng kutis kong hindi maputi ngunit hindi naman sobrang itim, hindi matangos na ilong na nasa hindi katangkarang katawan. Siguro, kung hindi ako kulot, hindi ako magmumukhang katutubo. Noong maliit ako e inaasar na ako sa elementarya na malapad ang aking noo. Sa itim ko ba namang ito, kumikintab ang aking noo sa tindi ng liwanag ng araw. Natutuwa ang mga kaklase ko sa kaaasar sa akin habang nilalasap nila ang aking pagtahimik at pag-intindi sa kanilang mga pang-aasar. Alam nilang nababad trip ako kaya tuloy pa rin sila sa pang-aasar. Kapag sinabayan pa ng pansin nila sa aking buhok, tiyak at panigurado, ita naman o negrito ang mga susunod na banat sa akin.

Gumradweyt naman kami ng aking mga kaklase sa elementarya nang walang sama sa loob. Hindi na rin naman ako nasasaktan kapag tinatawag akong ita. Kaya noong high school, nakikitawa na rin ako kapag sinasabihan nila ako ng ita, negrito, kulot at maitim. Tinanggap ko nang pangit ako sa paningin nila. Ganito man ang mga tawag nila sa akin, tinatanggap ko pa rin sila bilang mga kaibigan. Okey na sa akin yung nakikipagbiruan nang ganoon, hindi ko naman na dinaramdam. Minsan na rin nagkaroon ako ng kaaway at tinawag niya akong ita, kulot at pandak (ito yata yun). Tinanong niya na rin kung saang tribo ako nanggaling. Minabuti ko nang i-print screen ang aming pag-uusap at i-post sa aking blog ang nangyari. Natawa naman ang mga kaibigan ko, hindi sa akin, kundi dahil sa kababawan ng mga ibinabatong pang-aasar sa akin, sa kababawang ng pang-aasar na minsan ginagamit din nila sa akin. Silang mga kaibigan kong kapag nakikita ako e hinihimas nila ang malambot na carpet sa ibabaw ng aking malapad na noo.

Nakalaya na ako sa mataas na paaralan, nakalayo na ako mula sa pagkadami-daming patakaran. Puwede na akong magpalago ng buhok hanggang sa gusto ko - pero akala ko lang pala iyon. Gusto ng aking mga kapatid na pa-afrohin ang aking buhok, gusto ko rin. Ang kaso lang, ayaw talaga ng nanay kong lumalago ang aking buhok, pangit daw. Siya lang naman yung nagsasabi ng pangit. Kung lahat ng mga nanay sa mundo e pogi at maganda ang itinuturing nila sa kanilang mga anak, yung nanay ko e napapangitan sa akin sa tuwing malago na ang buhok ko, na hindi naman napapansin sa akin ng aking mga kaibigang mali. Gusto kong magmukhang African o buhok man lang ng African o ita paminsan-minsan.

Madalas akong pagupitan ng aking nanay. Madalas niya ring pinipilit na suklayin ang kulot kong buhok. Magulo raw. Natural, magulo, kasi nga kulot. Kailan pa naging tuwid at hindi nakamamanghang tingnan ang kulot? May mga anggulo pa ring magulo. Ang pangit daw ng hitsura ko kapag hindi ako nagsusuklay. Hindi naman ako nilalayuan ng aking mga kaibigan at mga kaklase sa paaralan. Panay himas naman sila sa buhok ko. Hindi naman sila nandidiri sa akin. Nanay ko pa ang nandiri sa akin. Kung kailan naman tanggap ko na sa sarili kong katutubo ang unang nakikita sa akin ng mga tao, pilit namang sinusuklay ng aking nanay ang aking buhok. Minsan, muntik pa kaming mag-away dahil sa hindi ako nagsuklay bago matulog. Bago na iyon matulog, magugulo na talaga ang buhok kong magulo, pinapaayos niya pa.

Masaya akong naging kulot ako. Unang-una sa lahat, hindi ko na kailangan pang magsuklay pa. Kapag nahuhuli ako sa klase, kahit hindi na ako maligo, pakiramdam ko maayos na ang buhok ko. Hindi ako nagtatagal sa harap ng salamin tuwing pagkatapos kong maligo. Hindi ko na kailangang i-check nang paulit-ulit ang aking repleksyon sa bawat salaming aking dinaraanan. Hindi nauubos ang oras ko sa paglalagay ng kung anu-ano sa buhok para ito'y tumayo, tumigas, kumaway at kumintab. Hindi ko na kailangang hawakan ang aking buhok, pahawi-hawi bawat minuto, paayos-ayos bawat hanging malakas na iihip habang nasa expressway ang sinasakyan kong jeep. Hindi ko na kailangang atupagin. Bahala na kung maamoy ako ng mga tao, maayos naman ang hitsura ko.

Alam kong halos kakulay ko naman ang tunay na Pilipino. May mga kulot, pango at maiitim din naman tayong naging ninuno. Masaya na akong Pilipino ang mukha at pangangatawan ko. Natutuwa ako kapag malago ang buhok ko. Tanggap kong kulot ako at gusto ko ito. Nami-miss ko nang himasin ang malambot ng tuktok ng aking ulo.

25 November 2011

Tree-Chop

Game. Kaunting kabanuan naman.

Ano ang konsepto ng buhay na tao? Paano mong masasabing buhay ang isang tao? Kung gumagalaw ba ito at nag-iisip, buhay na agad ito? Ang buhay na bagay ba, kailangan ng pagkain para mapanatili ang kanyang sarili na mabuhay? Masasabi bang buhay ang isang tao kung hindi natin siya kilala ni hindi natin alam kung anu-ano ang kanyang mga nais, ang kanyang mga saloobin? Buhay ba ang taong hindi maisaad ang kanyang mga kaisipan tungkol sa buhay? Patay ka ba kung hindi ka nag-iisip? Pagkain lang ba ang nagbibigay-buhay?


Ang panitikan ang sumasalamin sa bawat karanasan ng tao. Dito makikita ang kanyang mga saloobin, mga kaisipan, mga ideolohiya, mga paniniwala at mga pagpapahalaga. Kung may ganitong kahulugan ng panitikan, masasabing ang panitikan ay nilikha ng tao, ang panitikan ay galing sa tao. Mula rito, masasabi nating ang tao, kung aalalahanin niya ang kanyang mga karanasan, kung babalikan niya ang mga nabuo niyang ideolohiya, kung nauunawaan niya ang kanyang mga saloobin, siya ay nag-iisip. Ang buhay, nag-iisip. Buhay ang kanyang diwa, may ibig sabihin ang bawat kilos na kanyang mga binibitawan at naiintindihan ng kanyang kapwa ang kanyang mga sinasabi at ginagawa. Nakadepende halos lahat ng kanyang mga ipinararating sa kanyang mga karanasan, sa kanyang mga kaalaman. Sa panitikan naipahahayag ng isang tao ang kanyang mga naiisip. Isang ebidensya ang panitikan na buhay ang mga mamamayan ng isang lipunan.


Sinabi na kaninang sa panitikan naipahahayag ng isang tao ang kanyang sarili. Kasama rito siyempre ang emosyon ng isang nilalang. Ang buhay na tao, may emosyon. Nagagamit ng tao ang panitikan sa paghahayag ng iba't ibang emosyong ito, nabibigyan ng kulay ang buhay ng isang tao. Hindi lang naman masaya kapag makulay. Ang makulay, nakararamdam ng maraming emosyon. Hindi ko sinasabing kailangang sabay-sabay silang mararamdaman ngunit mahalaga na ring maramdaman ang bawat isa ng isang taong nabubuhay. Buhay ang isang bagay kung nagbabagu-bago ito. Ang nananatili lamang sa iisang lugar o puwesto ay patay. Sa pamamagitan ng panitikan, nakikita ng lahat ang pagbabagu-bago ng isip ng tao, ang paglilipat-lipat niya ng kanyang mga pinipili sa buhay, ang pag-iiba-iba niya ng kanyang mga saloobin. Buhay ang panitikan sapagkat buhay ang tao. Buhay ang tao sapagkat buhay ang panitikan. Nasasabi ng panitikan ang bawat pagbabagong ito na ikinikilos, ipinapakita at ipinararamdam ng isang buhay na tao. Kung hindi dahil sa panitikan, walang pagkakaunawaan, walang magtutulungan, walang buhay ang isang lipunan. Mahirap mamuhay nang nag-iisa lamang at nagsisimula ang pagkakaibigan at pakikipagkapwa-tao sa paghahayag ng sari-sariling damdamin sa iba.


Kilala na ba natin ang mga sarili natin? Mauugat sa panitikan ang pinagmulan ng isang lahi. Ang panitikan ang maaaring magsabi kung saan nanggaling ang isang lipunan at kung anong mayroon sa kanilang nakaraan. Kung inuukit sa panitikan ang bawat karanasan ng isang lipunan, masasabi nating malalaman ng mga susunod na henerasyon ang kanilang pinagmulan. Hindi kumpleto ang iyong pagkatao kung hindi mo nalalaman ang iyong pinagmulan. Ang buhay, kilala ang sarili. Sa panitikan nakasalalay kung paano mong titingnan ang iyong sarili, kung paano kang makikibagay sa iba o kung makikibagay ka, o kung kani-kanino ka lamang makikibagay. Mahalagang makilala mo ang iyong sarili nang hindi ka mapahamak at mapunta sa hindi mo naman gusto. Ang panitikan ang nagpapakilala sa iyo ng iyong sarili, ng lipunang iyong ginagalawan, ng kalinangang iyong kinagisnan ngunit hindi pa lubos na nauunawaan. Buo ka, kumpleto ka, kung kilala mo ang iyong sarili.


Nabubuhay ang tao sa panitikan. Ang panitikan ang ebidensya na buhay ang tao.


ipinasang sanaysay sa "Wala mang praktikal na gamit, bakit mas mahalaga ang panitikan sa pang-araw-araw na kinakain ng isang tao?

Naman

Para lang sa mga hindi ko masabi na gusto kong sabihin, magsasalita na muna ako nang walang sense. Susubukan kong hindi maintindihan ng ibang tao ang sarili ko habang may nakauunawa pa rin. Susubukan kong may magalit at may matuwa rin at the same time. Hindi naman para sa mga taong walang kuwenta at nagpapapansin lang kundi may dating at parating nagpapatakbo ng diwa at damdamin ko. Siya lang naman yata yun. Siya lang sa ngayon. Siya na sana parati. Siya na.

Si Em. Kilala mo naman na siguro siya. Mahal na mahal ko siya pero hindi ko alam kung paano ko palulupitin 'tong post ko tungkol sa kanya. Baka nga maikli lang ang mailagay ko rito. May mga bagay ba naman kasi na hindi ko nasasabi sa kanya nang harapan? Nasabi ko naman na siguro yung mga gusto kong sabihin. Pero sana, sana ngayon, ngayong may pagkakataon na ulit ako sa simula, sana hindi na ako magkamali. Ayoko na talagang magkamali sa ganito. Ayoko nang niloloko ang sarili ko. Ayoko na siyang pahirapan. Hindi ko pa naman yata siya pinapahirapan kung hindi niya ika-count yung makailang beses ko nang pangingiliti sa nakaaakit niyang katawan. Masaya na rin naman siguro kung hindi niya titingnang pang-iinsulto ang pagtingin ko sa maliit ngunit cute niyang height. Aaminin ko, mas gusto ko yung mas maliit sa akin. Mabilis akong makyutan sa mga cute na bagay. Mabilis akong makyutan sa kanya.


Kung anu-ano na lang ba sinasabi ko? Hindi ko na rin mapigilan yung mga sinasabi ko. Gustung-gusto ko siya. Mabilis ko siyang ma-miss. Kapag nag-text siya sa akin bago matulog, parang gusto ko na ulit siyang makita. Kahit ilang oras na kaming magkasamang nakaupo at naghihintay sa improvement ng players sa track oval, hinding-hindi ako nagsasawang makasama siya. Madalas naming hilinging tumigil sana ang oras para lang magkasama pa kami nang matagal. Kapag nakayakap na siya sa akin, ayoko nang tumakbo pa ang oras, ang pesteng realidad. Ayoko nang bumalik sa realidad. Masaya na ako sa ganoon. Masaya na kami. Kapag gumigising ako sa umaga, siya yung hinahanap ko. Kapag nagising ako sa umaga at siya yung napanaginipan ko, gusto kong magwala. Para akong inagawan ng kung ano. Bad trip, ang aga-aga.


Galit siya sa mga tao. Galit ako sa mga tao. Galit siya sa peoplettes. Ayaw niya sa kanila. Maingay kasi sila, tapos nakapaligid pa sila sa amin. Gusto niya, kaming dalawa lang ang magkasama. Makulit siya. Ayaw niyang tumigil sa pangungulit sa akin na hindi ko rin naman pinipigilan. Masaya ako, kaya kahit na anong gawin niya sa akin, okay lang. Kahit sampal-sampalin niya ako, itulak, sabunutan, magpalibre, utusan, tapakan, magpabuhat, lahat, okay lang, basta kasama ko siya. Masaya naman na ako kapag kasama ko siya. Gusto ko siyang kasama parati. Lahat puwede sa akin, huwag niya lang akong sasaktan. Alam niya na siguro kung anong klaseng sakit yun. Alam na namin yun.


Alam naman na namin yun kasi nag-usap na kami dati. Sana maalala niya yung nagkuwentuhan kami, habang magkayakap, nang sobrang tagal sa hindi ko maalalang street. Doon sa street ng Main Lib at malapit yata sa Yakal. Alam niya na yun. Ang tagal namin dun. Kahit sa sobrang sakit na ng mga binti namin, ayaw pa rin naman paawat. Ang tagal naming nagkuwentuhan nang nakatayo, magkayakap. Ayaw na naming maulit ang mga nangyari sa amin noon. Sisikapin naming maging tama lahat ng gagawin namin, nagkasundo sa maraming bagay na mga korning tao lang ang gumagawa at naparami ng tawa, yakap, sandal, halik, kuwento, ngiti. Pero kapag tinuloy ko pa ang pag-alala sa mga ganyang bagay, lalo ko lang siyang mami-miss. Obvious naman kasing hindi ko siya kasama ngayon. Hindi ko rin siguro 'to maita-type kung katabi ko siya, o kung may katabi ako. Hindi rin naman siya makagagawa nang seryoso kapag may nanonood.


Wala siyang pakialam sa mundo. Kapag kasama niya ako, hindi siya nahihiya sa mga tao sa paligid. Gusto ko rin yung part niyang iyon. Malikot masyado, pero masaya. Kahit saan, kahit kailan, keri lang siya sa pagyakap at paghalik sa akin. Hindi man maipakita ng lubhang seryoso kong mukha parati, kinikilig ako. Hindi man karaniwan para sa akin, na para sa lalaki ang magsabi na kinikilig siya, kinikilig din kaming mga lalaki no. Kapag napangiti niya ako, alam niya na yun. Hanggat hindi ako sumisimangot, okay lang sa akin. Hindi niya ako kinakahiya. Mahal na mahal niya ako. Mahal na mahal ko rin siya.


Hindi ko na talaga alam ang daloy ng mga pinagsasasabi ko rito. Madalas niyang ipaalala sa akin na sa kanya lang ako. "Hoy, akin ka lang ah!" Araw-araw ko yata yan naririnig mula sa kanya. Ayaw niyang mawala ako sa kanya. Ayaw ko ring mawala siya sa akin. Masakit kapag may crush siya, kahit normal lang iyon sa lahat ng tao. Exaggerated ba kapag nagselos ako sa crush niya kahit na alam kong hindi niya ako kayang iwan? Siguro. Masakit naman talaga kasi, kahit sabihin nating crush lang. Masakit talaga. Subukan mong magkaroon ng girlfriend at may crush siya na iba. Masakit nga.


Galit siya sa mga tao. Sinabi ko na kanina. Wala siyang pakialam kahit saan kami. Wala siyang pakialam sa paligid niya, sa mga taong nasa paligid namin. Para sa kanya, nawawala lahat sila, lahat ng nakapalibot sa amin, kapag kasama niya na ako. Wala na siyang ibang nakikita kundi ako. Hindi ko alam kung nagfi-feeling ako. Pero kapag ganoon na siya kumilos, na parang wala nang bukas, wala nang pakialam sa mga tao, ganoon ang nararamdaman ko. Ako lang ang nakikita niya, ako lang. Masaya na ako sa ganoong feeling. Masaya na akong kasama ko siya. Nakaaalis siya ng mga problema. Hindi ko kayang magalit kapag kasama ko siya. Araw-araw akong nakukyutan, natutuwa, naiinlab sa kanya.


Para kay Em. Para sa best friend ko.

Paglalapi - Filipino

Putang ina. NANDITO AKO PARA MAGPALIWANAG KAYA BASAHIN NIYO 'TO, PLEASE.

Oo. Alam ko sa sarili kong marami pa akong dapat na malaman. Aaminin ko ring marami akong inimbento pero hindi ko naman inisip na gagayahin na naman ninyong lahat. Nako. HAY NAKO. NAIIRITA NA AKO SA INYO. Pero wait. Sa akin na lang ako maiirita. Kung hindi dahil sa nagpauso na naman ako ng bago, susunod yung iba, hanggang sa ma-exaggerate na ng lahat ng tao. Katatanga niyong lahat. Hindi ko alam kung bakit kailangan niyong dagdagan kaming mga tanga sa mundo e ang tatalino niyo na. Kung lahat ng tao sa mundo matatalino, sino na lang ang magbibigay sa 'yo ng in-order mong chicken fillet?


Ganito kasi yan:


Kapag sa G o NG nagtapos ang unlapi na ginamit mo sa pandiwang trip mo, tapos patinig yung kasunod, saka ka lang gagamit ng gitling. Halimbawa na lang,


mag-ayos

nag-away
nang-away

Pero kapag katinig yung kasunod na titik sa unlapi mong nagtapos sa G o NG, hindi mo na kailangan ng katinig. Huwag kayong eengot-engot.


maglaba

nagluto

Kapag sa UM at IN nag-umpisa ang ginamit na pandiwa, hindi na kailangan ng gitling,

umalis
inaway


Kapag nagdodoble ka na ng pantig, kunwari para sa pangkasalukuyan, the same rules apply, hiwalay parati ang unang taal na pantig ng pandiwang nasa payak na anyo,


nag-aayos

nang-aaway

naglalaba

iniiwan
umaalis

Kapag nagdodoble ng unang pantig, hindi na kailangan pang gamitan ng gitling sa pagitan ng unang "first syllable" at pangalawang "first syllable" mula sa payak na pandiwa,
magtratrabaho
nang-iiwan

Kapag sa patinig nagtatapos ang unlapi, please, oh please, hindi na kailangan ng gitling,

nakaalis
nakadamit

Puwede yan sa lahat, hindi lang sa pandiwa.


GETS NIYO NA? Ngayong nakita niyo na ang katangahan niyo, kagaguhan ko naman ang ilalantad ko. Hindi dahil sa kailangan ko na namang magpauso, kinailangan ko lang talagang maintindihan kaagad ang mga sinusulat ko kaya naman gumagamit AKO ng gitling kapag foreign na salita ang kasunod sa mga ginagamit KONG panlapi,


nag-Playstation

nag-MRT
nag-enjoy
nag-swimming

nagpe-Playstation
nag-e-MRT
nag-e-enjoy
nagsu-swimming


Yan, yan yung naisip ko dati pa para lang sa akin. Para lang hindi ako malito (dahil sa sobrang katangahan ko) kung Filipino o Foreign yung nilalapian kong salita.


PLEASE. Huwag niyo na kaming dagdagan.

18 November 2011

Warm Wind

Em. Naaalala mo when we were on Life Party when you asked me kung okay lang ako? Well, medyo hindi. Pero ayaw ko lang talagang sirain yung mga gabing magkasama tayo. Alam mo naman ako, ayokong pinoproblema ang ibang tao ng problema ko. Kapag tahimik ako nang ganun, alam mo na rin yun, hindi ako okay. Pero dahil ayokong may tinatago ako sa 'yo at sa lahat ng fans ko, sasabihin ko kung ano yung iniisip ko noong mga panahong iyon. Suwerte mo kung maaga kang napadpad sa link na 'to. Hindi ko kasi alam kung trip kong i-send sa 'yo ang blog post na 'to. Okay na rin sigurong nagulat ka, nagugulat ka. Paminsan-minsan ang cute mo 'pag sinisinok. Ay, hindi. Parati kang cute 'pag sinisinok kahit na alam ko sa sarili kong ang panggugulat ang nakaaalis ng sinok. Ewan ko. Sininok na yata ako dati dahil sa pagkagulat. Madali akong magulat. Huwag na huwag niyo akong gugulatin.

Magkukuwento na lang ako. Sobrang ikli lang kasi kapag sinabi ko lang nang diretso yung iniisip ko. Masyado akong maraming iniisip. Minsan, naaasar na ako sa sarili ko, hindi dahil sa sobrang dami kong iniisip na malulupit, kundi dahil sa tinatamad akong isulat kaagad yung mga naiisip ko. Tapos nabubura na lang bigla. Sayang. Ang dami ko nang nasayang, pramis. Kahit anong lalim na hukay na ginagawa ko sa paghahanap sa aking kinakalawang na diwa, hindi ko ulit sila matagpuan. Suwerte na talagang sinisipag ako paminsan-minsan.

Para sa mga taong tinatamad nang pindutin ang Retry, ready nang maging tambay at natapos na lahat ng libro sa bahay. Game? Game.

Bad trip. Nanginginig ako. Nandito na ako sa first class ko para sa second sem. Actually, papunta pa lang ako. Nandito na ako sa ikalawang palapag. Paakyat na ako. Paakyat pa lang ako. Nanginginig talaga ako. Hindi naman ako late. Alam ko, hindi talaga ako late. Tiningnan ko yung relo ko. Hindi nga. Ikatlong palapag. Napapagod na puso ko. Napapagod na hindi dahil umaakyat ako gamit ang mga pesteng hagdan. Napapagod na ako sa labis na kaba. Ayaw mawala. Mababaliw na yata ako. Ikaapat na palapag. Palapag na ng first class ko. Unang klase para sa second sem. Ang sakit na ng tiyan ko. Pagod na pagod na ako. Natuyuan na ako ng pawis sa likod nang ilang beses. Bumibigat na ang mga nakikita ko. Bumibigat na rin yata pati bag ko. May humihila sa akin. Hinihila ko na naman yata sarili ko pababa. Gusto kong umupo sa hagdan. Wala nang hiya-hiya kapag nagsimula nang magdilim ang iyong paningin. Wala ka nang pakialam bigla kapag tinanggap mo na sa sarili mong babagsak ka na, kapag pumayag ka nang magpatalo. Ayoko na. Pero, wait. Dapat na nga ba akong sumuko? Wala pa nga e. Hindi ko pa nga alam ang mga mangyayari sa akin para sa sem na may anim na majors. Hindi ko pa naman kilala mga prof ko. Hindi ko pa naman naririnig ang mga boses na mang-iirita sa akin sa buong sem. Hindi ko pa naman nalalaman kung anu-anong pagpapahirap ang mararanasan ko mula sa kanila. Hindi ko pa naman alam kung matutuwa ako sa mga ipagagawa nila. Pagpapahirap na pisikal. Masisira ba utak ko? Isasabay nila pati mental. Kung saan-saan pa ako maglalakad. Marami pa akong tatakbuhin, babasahin, tatawanan, mumurahin. Marami pa akong kailangang gawin, pero bakit ang hinaharap na agad ang iniisip ko?

Hindi ko mapigilan ang pesteng utak na 'to sa pag-iisip ng mga negatibong bagay na maaaring mangyari sa akin. Nahihirapan na agad ako, wala pa nga. Mabilis akong magulat. Mabilis akong kabahan. Kapag hinamon niyo ako ng kahit na ano, iisipin ko agad na matatalo ako. Kasi iniisip ko, wala agad akong magagawa, kahit na alam ko rin na meron. Madali akong matatalo sa lahat, mabilis akong mag-panic. Huwag na huwag niyo akong tatakutin, mabilis akong maniwala. Ayokong nakaririnig ng mga nagkukuwentuhan ng nakakatakot, ng grades, ng terror na profs, ng kawalan ng pag-asa. Mabilis dumami ang mga issues na related sa mga ganyan sa utak ko. Hindi ko na sila mapigilang magparami, sige lang sa pagpapabigat ng saloobin ko, sa pagpapababa ng sarili ko. Kaya mahalaga sa akin ang kaibigan, kahit isa lang. Okay na yun. Masaya na akong may best friend ako, kahit babae. Kahit isa lang na makapagpapaligaya sa akin, na makapagpapagaan pansamantala ng mga dinadala kong ilusyon sa buhay. Nakagagaan din ang pagdadasal. Kailangan natin ng pinaniniwalaan sa buhay, malakas na faith, para sa matibay at buo na loob. Pero kahit na ganoon, umaatake pa rin sa paggising ko ang pesteng pessimism. Hindi pa ako tinatawag ng referee sa ring, umaatras na agad ako. Wala namang gustong mahirapan. Wala namang gustong bumagsak. Wala namang gustong mapahiya. Wala namang gustong masigawan at mamura in the face. Lahat gusto ng pera. Lahat gusto ng malulupit na talent, o kahit pretty face, basta kumita. Pero yung mga pinakamalulupit na bagay sa mundo, pinaghihirapan. Hindi mo sila makukuha nang ganun-ganon na lang. Hindi puwedeng hindi ka lalaban, mahihirapan. Puwede kang madapa. Huwag ka raw mag-expect na iaabot lang sa 'yo yung gusto mo. Siguro kung baby ka at mahilig mag-tantrums, baka pagbigyan ka pa ng tadhana. Pero sa panahon ngayon, hindi lahat ng baby na nagta-tantrums nakakakuha ng candy o bagong bisikleta, ikaw pa kaya? Magkakasugat ka raw muna bago lumupit ang buhay mong puno ng pasakit sa umpisa. Walang madaling boss fight. Maaaring mamamatay ka nang ilang beses pero baka puwede mo namang balik-balikan ang boss. Nandun lang yun parati, naghihintay.

Pero pepestehin ka pa rin talaga ng pag-iisip mo. Ikaw mismo ang hihila sa sarili mo pababa. Kahit anong sisi ang ipagtuturo mo sa iba, MAY KASALANAN KA PA RIN. Marami ka nang iniisip. Anong mangyayari sa 'yo paglaki mo? May trabaho ka kaya? Maibibigay ko ba sa mga anak ko ang naiparanas sa akin ng mga magulang ko? Kakayanin ko ba ang mga ipagagawa sa akin ng prof ko? Tatanggapin kaya ng lipunan ang mga pinagsasasabi ko? Sa dinami-dami nang nailimbag, may maidaragdag pa ba ako? Kailangan ba talaga malupit ang pagkaka-cite o document? Maaabot ko pa kaya ang mga pangarap ko? May pangarap pa ba ako? Nabura na ba nang tuluyan ang mga pangarap ko? O puwede ko pang isulat ulit ang pangarap kong unti-unti nang naglalaho? Gusto ko ba talaga ang gusto ko?

Siguro kasi, natatakot ako sa pagbabago. Marami naman yatang katulad ko. Oo, masayang magpalit ng desktop paminsan-minsan, pero nami-miss ko pa rin talaga yung gusto ko. Masayang mag-settle down na sa kung anong puwede na talaga, puwede na talaga 'to. Pero hindi ganoon gumana ang buhay. Lahat nagbabago. Kung may jejemon nang nangyari sa wika, aircon na mga jeep, nagsasalitang aso at lumilipad na bola sa Japan, kailangan talagang humabol ng tao sa kung ano ang tama, kung ano ang mga dapat gawin. Walang gustong magpahuli. Sulit naman siguro lahat ng mga nakamit sa pagpapahirap no? Hindi ganoon kasaya kapag nandaya. Mas masayang nadiskubre mo sa sarili mo kung saan makakakuha ng Poké Flute kaysa sa naghanap ka pa ng guide sa Google.

Paano kung bumagsak nang ilang ulit na? Paano kung hindi na gumradweyt? Paano kung maiwan ako? Paano kung nauubusan na ng pasensya? May darating namang tulong. Siguro, may tutulong naman din habang simula pa lang. Siguro, kaya ko naman.

30 minutes na ang lumipas. Hindi dumating ang prof ko para sa unang klase. Bad trip pa rin.

28 October 2011

N

Leche. Ang sakit ng batok ko. Kanina pa ako nakatitig sa laptop ko, hindi naman nagsasalita. Kulang na lang may magsalita, pero sana walang magsalita. Mag-isa na naman kasi ako. Hindi naman sa mag-isa lang talaga ako. Ako na lang siguro ang gising. Ako na lang nga. Gabi na. Wala akong makausap - sa internet. Ayoko namang bigla na lang may kumausap sa akin. Leche magugulat ako. Madali na nga akong magulat, matatakutin pa ako. Ayokong nakakarinig ng nakakatakot ni nakikisama sa mga nakakatakot na kuwentuhan. Alam kong takot na takot ako pero minsan kasi, malupit din sa feeling kapag nakikinig ka sa ganoong uri ng mga kuwento. Mga tipo ng bagay na hindi mo talaga sigurado kung totoo o may nagpauso lang na adik.

Kapag may nagkukuwento ng nakakatakot, iniisip ko kung saan ako uuwi at anong oras ako maliligo sa mga susunod na araw, kung sakaling makinig man ako sa ikukuwento. Apektado kasi yung bilis ng pagligo ko pati pagtae kapag fresh pa sa memory ko yung pesteng plot. Sunud-sunod yung mga naiisip kong mga kung anu-anong nakakatakot na bagay. Bumibilis yung tibok ng puso ko. Lahat na lang ng sulok tiningnan ko kahit na alam ko sa sarili kong ayokong makakita ng nakakatakot. Ayokong makakita pero tinitingnan ko, hindi ko alam kung bakit. Pagkabuhos, shampoo at sabon na agad ng buong katawan. Kapag tumatae, super tulak sa lecheng jebs. Kapag umiihi, lingon nang lingon, hindi na masikaso nang maayos ang target. In the end, nasasayang lang yung oras na pagmamadali ko, hindi ko nagawa nang maayos ang mga dapat kong gawin na sana nagawa ko naman talaga nang maayos kung hindi dahil sa mga pesteng naiisip ng utak ko. Abnormal na imagination. Nakaligo na sana nang kumportable sa sarili. Nakapagbawas sana nang hindi nagkakalat at walang natitirang sama ng loob.

Kapag sinuwerte naman ako, iniisip ko kung anong gagawin ko sa buhay ko. Madalas kapag nagsha-shower, pinipilit ko talaga yung utak ko na isipin kung anong mangyayari sa akin sa future. Hindi ko talaga alam kung anong mapapala ko kapag gumradweyt na ako. Hindi ko alam kung ano nang susunod kong gagawin. Hindi ko alam ang ginagawa ko sa ngayon. Gusto ko naman yung mga gusto ko talaga pero hindi ko alam kung gusto ko pa rin yung mga gusto ko dati. Sana talentado na lang ako tulad ng lahat ng tao sa buong mundo. Sana malakas ang loob ko. Sana malaki ang tiwala ko sa sarili gaya ng mga walang'yang palabas sa TV. Sana totoo na lang yung mga palabas sa TV, huwag lang yung mga nakakatakot.

Kapag nagkukuwento ako ng nakakatakot, natatakot din ako. Kinikilabutan man ako sa kaloob-looban ko, ngumingiti at tumatawa pa rin ako habang nagkukuwento ng nakakatakot. Madalas, ang ending ng mga nakakatakot na kuwento, nakakatakot talaga. Kapag ako na yung nagkuwento, pagkatapos ng nakakatakot na ending, dudugtungan ko na lang ng masayang twist. Kunwari na lamang, naka-costume yung best friend nung biktima sa kuwento, parang ganyan.

Masaya rin maglaro ng nakakatakot sa PS 3. Tapang-tapangan. May baril naman kasi. Hindi ka naman maabutan ng zombies sa TV. Marami kang balang mapupulot. Marami kang baril na mapupulot. Mabubuhay ka sa Red at Green Herbs kahit hindi mo alam kung paano ginagawang First Aid Sprays ang mga ito. Naaalala ko, noong nagtanong yung Geog prof namin kung sakaling nag-zombie apocalypse, saan raw kami unang pupunta. Aaminin ko, una kong naisip, wardrobe. Tahimik naman dun. Magdadala na lang ako ng walis tambo, panghampas, sabay takbo at lipat ng wardrobe ng ibang bahay. Walang kuwenta. Hindi ako magtatagal malamang. Yung mga nakaharap ko nang zombies iba-iba. Mas gusto kong zombies yung sa RE 3, naglalakad lang tapos napakababa ng accuracy at intelligence. Yung mga zombies sa RE 5, fuck, tumatakbo. Nakakatamad kayang tumakbo. Leche, kung ako, papapiliin ng zombie, yung nasa RE 3 na lang, matatawa pa ako. Run like fuck pag zombies ng RE 5. Hanggang ngayon nag-iisip pa rin ako ng mas gaganda pa sa naisip ng Geog prof ko sa tanong na ibinato niya sa amin tungkol sa zombie apocalypse. Ayokong sabihin, gagayahin mo e.

Tapang-tapangan din kapag nanonood ng horror movie. Maingay raw ako manood ng horror movie, halatang takot. Grabe. Bawat simula ng horror movie, OOPS, HINDI AKO MANONOOD NITO PROMISE, tapos uupo na lang ako, sabay nood. Pagkatapos ng pelikula, FUCK, BAKIT AKO NANOOD, NAIIHI NA AKO. Sobrang pagsisisi. Hindi mo talaga alam kung ginusto mo yung gusto mo. Minsan, magpapapansin ka lang, nagtatapang-tapangan ka lang, naghahanap ka lang ng kakausap sa 'yo. Sana kaibigan yung kakausap sa 'yo.

Wala lang talaga akong magawa at tinatamad na akong maghintay ng grades sa CRS kaya nagsulat na lang ako. At dahil Halloween naman daw, sumulat na lang ako ng isang napakaikling post tungkol sa takot.

24 September 2011

Sipon

Hindi, di, kasi, di ko pa natutuloy
Panda, Mungyo, Transformers, naaalala mo?
Hinihigop, lumulubog sa kumunoy
Pilit na huhugot, spam pa sa A button

Susubukan ko nang magsulat ng tula
Kahit na di ako matinong bumato
Sa larangang ito, pagtitripan ko na
Hanggang kainin ng zombies ang utak ko

Hindi. Ano. Paano bang sisimulan?
Ang pakiramdam na ito, pag-iisipan?
Mga nais sabihi'y halu-halo
Pero sana, tayo'y di magbago

'Pag maginaw, maulan, masaya ako
Ikaw naman kasi ang unang nayakap
Habang umuula't wala tayong payong
Yes, natupad, mababaw man ang pangarap

Oo na, ang arte na ng sinabi ko
Pero kasi, alam mo naman yung feeling
Na kahit cheesy ang nasabing eksena
Ito ay uluhating maituturing

Ayun, wala lang, gusto ko lang iutot
Na 'pag kasama kita, nais magwala
Tulog, nananaginip, kung maghahanap
Kung mawala, titigil, matutulala

09 September 2011

Pula

Ito, ginawa ko 'tong kababuyang 'to habang nagkaklase sa Arkiyoloji 1. 5:30 pm - 7 pm ang period tapos ang boring pa magsalita ng prof namin. Buti na lang talaga paminsan-minsan nagtatanong ako. Minsan kasi, sa buong period, ako lang yung nagtanong. Kung hindi ako nagtatanong malamang chinecheck ko ang phone ko kung may nag-text, nagdo-drawing ako ng Poring sa likod ng notebook ko o nagagawa ko na lang nang hindi inaasahan ang mga katulad ng pesteng composition na ito:

Ang sakit ng ulo ko. Ay, hindi, nahihilo lang pala ako. Pero kahit ano namang isigaw ko sa mga iyan e magmumukha lang akong nagpapapansin, naghahanap ng atensyon, jejemon. Jejemon. Putang ina. Hindi ko talaga tanggap na jejemon ako noon. Oo sa text, pati sa YM. Malayo na ito sa pagkakasingkahulugan ng jejemon at ng papansin. Direktang pagpapakahulugan na ito na ang jejemon ay papansin.


Papansin talaga ako. Minsan, iniisip ko, kaya ako nagsusulat ay dahil sa gusto kong mapansin ako. Hindi naman sa wala akong pakialam sa mambabasa pero kasi ako ang number 1 fan ko. Kaya ako nagsusulat kasi gusto kong may binabasa akong sinulat ko. Tapos matutuwa ako sa mga sinasabi ko. Masaya na ako para sa sarili ko kapag pinapatawa at pinapahiya ko ang sarili ko. Sunod ko na lang na priority yung mga mambabasa ko. Mas gusto kong sinusulat yung binabasa ko kaysa yung gustong mabasa ng iba. Okay nang walang pumapatok sa inyo, basta patok sa akin ang sinusulat ko. Hindi ko rin naman direktang sinasabing "Uy, basahin mo yung malupit na blog ko" kundi yung entry lamang na gusto kong ipabasa sa kanila. Pinapabasa ko lang sa taong gusto kong ipabasa kung para talaga sa kanya iyon. Masuwerte na siyang isa siya sa mga dahilan kung bakit ako nagsulat. Yung mga binabasa niyong hindi niyo nagustuhan, wala na akong pakialam, dahil unang-una, hindi ako nagsusulat para sa inyo. Pero masaya rin naman kapag positive yung comments ng mga tao. Masarap sa pakiramdam kaya nakalagay sa lahat ng info tab ko ng mga sinalihan kong pagsasayang sa kuryente ang link ng blog ko.


0 (zero) ang gamit ko na letter O kapag nagte-text ako. Ewan ko. Ganoon kasi mag-text yung mga nauna kong ka-text. Dapat hindi pantay-pantay, walang konsepto ng pagka-flat at mukha talagang nagtatalunan at nagwawala ang bawat titik ng pagpapapansin ng iyong text message. Simula naman noong naadik na akong magsulat sa Filipino, itinino ko na rin ang sarili ko sa pagte-text. Ayoko na rin namang matulad sa mga kaklase ko noong elementary na nagpapasa ng mga sulating kulang-kulang sa vowels. Ayoko na ring magmukha akong nagpapapansin kahit na natural na sa akin ang pagpapapansin at kahit na galit na galit ako sa mga papansin. Isa akong malaking ipokrito. Maipagtatanggol ko pa ba ang sarili ko?


Ibang klase naman kasi ako magpapansin. Tumatawa o natutuwa naman siguro yung mga tao kapag nagpapapansin ako. Kadalasang tanggap ng mga tao ang panghihimasok ko sa mga buhay nila at feeling ko talaga ang lupit-lupit ko. Yung ibang kulangot sa pader, ayun, kulangot. Trying hard ang paglabas, malagkit magsalita, marumi ang pakay. Ako, kapag nagpapansin, napasaya ko na sarili ko, napasaya ko pa ang iba. Ang mga kulangot, gusto talaga nilang hinahawakan sila kahit na ang dumi-dumi nila. Ang pagbatikos na ito ay hindi para sa mga tulad namin, mga katulad kong naghahanap ng bago, kundi para sa mga nagre-recycle ng mga bagay para lamang mapansin. Mabahong-mabaho na ang istilo ng mga kulangot. Magkakasundo man sila kapag sila ay nagpaka-KSP sa isa't isa, hindi pa rin talaga sila nakatutuwa, boring na talaga ang dating nila, ang awkward masyadong pakinggan o makita at minsan, gusto ko talaga silang pasabugan ng RPG.


Sinama ako ni Kuya, noong 3rd year high school pa lang ako, sa UP Fair. Iyon ang kauna-unahan kong pagkakataong makatapak sa UP Diliman. Gabi magsisimula yung fair kaya gabi na rin kami pumila at dahil diyan e mas matagal kaming nakapasok. Sabi sa akin ni Kuya, halos lahat ng JJ (Jumping Jologs) ay naka-black. Tinanong ko siya kung ano yung Jumping Jologs - makikita ko raw maya-maya kapag nagko-concert na. Edi nag-concert na nga. Nung pumasok na yung bandang Hilera e lumuluwag na lang bigla yung space sa concert grounds, tapos nakita ko na lang yung mga JJ e nagtatalunan habang tumutugtog na ang nasabing banda. Wala silang pakialam sa mga nakapalibot sa kanila. Lahat ng tao binabangga nila. Itong mga JJ na ito nga pala ay hindi UP students kaya apparently, kahit sino puwedeng mag-UP Fair. Kung babalik tayo sa mga nagtatalunang tukmol na ito, yung iba sa kanila ay may mga dala pang bandila o telang nakalagay ang pangalan ng kanya-kanyang grupo. Wala kaming pakialam. Halos kalahati ng performance ng Hilera e nakatuon ang pansin ko sa kanilang mga baliw. Habang nangyayari pa ang kaguluhang iyon, may mga nagliliparang mga C2 bottles at makapal na usok ng yosi. Hindi namin alam yung mga kanta ng Hilera so nakatayo lang kami roon, hinihintay na matapos ang kalbaryo nang biglang.. may nahulog na C2 bottle sa harap ni Kuya. Kinuha ng kapatid ko ang bote sabay hanap ng target. Nang ma-acquire na niya ang kanyang target e binato niya nang pagkalakas-lakas sa ulo ng target yung bote. Umikot nang pagkabilis-bilis ang bote sa ere at tinamaan nga sa ulo ang pesteng target na JJ. Nahilo ang tanga. Kinabahan naman ako para sa kapatid ko kasi maraming back-up ang tukmol kung sakaling i-locate niya ang lugar na pinanggalingan ng bomba. Mabuti na lang hindi. Hinimas niya lang nang sandali ang tuktok na tinamaan ng bote sabay talon na ulit nang bonggang-bongga.


Nasa jeep naman kami noon ng aking mga kapatid, pinag-uusapan ang laro namin kagabi sa Dota. Hindi naman sa nagpapapansin pero malakas kaming mag-usap ng aking mga kapatid sa jeep. Ewan ko. Siguro iniisip namin kung makaka-relate ang ibang tao tapos papasok din sila. Ganun naman siguro tayong mga Pilipino, tsismoso. Nilalakasan para sa iba, nakikinig din sa iba. Tungkol naman sa pinag-usapan naming game kagabi, binanggit namin ang paggaya sa mga nakalaban naming may letter H kapag nagta-type. Dahil asar na asar kami sa pagpapapansin nila, ginagaya namin sila at ine-exaggerate namin ang paggamit ng pesteng titik na sumikat sa wikang Jejemon. Hindi pa nababanggit noon ang Jejemon, hindi pa naiimbento ang salita, hindi pa napapansin ng media para pagkakitaan at gawan ng mga mas nakaba-bad trip pang segments sa ere. Biruin mo, may sarili nang wika itong mga papansing ito, nai-feature pa sa TV at marami na ring gumagawa ng papers tungkol sa kanila, nire-research kumbaga. Masaya na kayo? Kung hindi siguro dahil sa malakas na pag-uusap naming magkakapatid, hindi maririnig ng kapwa naming mga pasahero sa jeep ang aming pinag-uusapan. Hindi sila mangingiti, mapapansin ang kabaluktutan at kakulangan sa atensyon ninyo kung hindi na lang kami nag-usap. Hindi sana kakalat at sisikat ang kababawan ninyo kung hindi namin kayo pinag-usapan.


So iyon, walang ending. Hindi ko na rin alam kung paano ko ito tatapusin. Sunud-sunod lang naman kasi yung pagpasok ng inis sa akin tapos biglang.. time na pala.

10 August 2011

Baraha

Yes. Please. Tapusin mo na. Okay na 'tong laway na 'to. Tantsa ko, sa lapot kong 'to, malapit nang mag-time. Joke lang. Kanina pa kasi ako tumitingin sa relo ko. Ang relo kong na-miss ko for 1 week. Grabe as in last week, tingin ako nang tingin sa left wrist ko. Tapos nabaliw pa ako kasi tinanong ko pa yung sarili ko kung anong Tagalog ng wrist. Sobra akong nabaliw.

Tinapos na rin ang pagtatalumpati at walang katapusang headbangs. Sana lang maalala kong kailangan kong kumuha ng readings na naman kay Ate Jophel. Minsan may hiningi akong readings na pinapakuha galing kay Ate, wala naman daw. Kaya minsan, tinatamad na rin akong kumuha ng readings. Kailangan ko rin palang mag-refresh ng mga lalawigan sa ating bansa. Grabe. Ito pa isa. Last last week ko pa siyang inaaral. Mabuti na lang talaga last last week ko pa siyang inaral, para magre-review na lang talaga ako. May blank map kami sa Friday. Buti na lang talaga.


Lumabas na ako mula sa pesteng classroom at nagmadaling pumunta sa CASAA. Wala na kasi akong barya. Sasakay kasi ako ng jeep para makapag-MRT at makapunta sa office ni Nanay. Pinadala ko kasi yung camera para may gagamitin ako sa Geog camp namin sa Sabado. Sabi ko mga 1 pm ako dadating. 11:30 am sakto tinapos yung klase - akala ko mga 11:20 ~ nairita na talaga ako. Ang taas pa naman ng sikat ng araw kanina, e tapos wala pang jeep mula CAL hanggang CASAA. Nahihilo na ako. Bumili ako ng pasta sa Pipanganan nang mabaryahan yung isanlibo ko, kung hindi, isanlibo ang ibabayad ko sa jeep. Ayaw ko rin namang mabaliw si Manong Drayber. Tinake out ko na yung pesteng pasta at kinain ko na sa jeep.


Pagsakay ko ng MRT, natuwa naman ako sa air con. Lecheng init sa labas yan. Pero nung nadagdagan na nang nadagdagan yung mga pasahero, e bumaho na nang bumaho yung naaamoy ko. Hindi ko naman alam kung paano ko ipupuwesto yung ulo ko. Panay ihip na lang ako. Hindi ko siya carry, yung amoy. Grabe. Hindi ko alam kung makahihinga ako nang maluwag paglabas ko ng tren kasi nga ang init, tapos air con ang habol ng kalbo ko na namang ulo.


12:40 ako dumating ng Ayala Station. Super mother fucking nagmamadaling paglakad ang ginawa ko. Kunwari talaga natatae ako. Tinamad akong tumakbo kasi nga ang init. Lalo lang akong mahihilo. Tumatakbo-takbo ako kapag may nabubuksang space mula sa mga tao para makasingit ako. Nakarating naman ako nang ala una sa tapat ng office ni Nanay. 1:30 pm pa naman yung meeting na a-attendan niya so nilibre niya muna ako sa canteen nila.

Yung in-order niya sa akin? Chicken + talong + kamatis + boiled egg. Solb. Nabaliw lang yung tiyan ko sa pineapple juice. Habang kumakain..


..tinanong ko si Nanay. Sabi ko, kung may anak man siyang babae, anong mas okay sa kanya: magpapaalam sa kanya yung manliligaw sa anak niya o bigla na lang sinabi sa kanyang may boyfriend yung anak niyang babae? Sabi ni Nanay hangga't maaari dapat open ang mga anak sa kanilang mga magulang. Mas okay raw sa kanya yung magpapaalam yung boyfriend. Tapos tinanong niya naman ako kung marunong akong manligaw. Ngumiti ako sabay iling. Sabi ni Nanay, wala lang naman yun, mag-uusap lang naman daw kami ng nililigawan ko. So ganun lang pala kasimple yun. As in napa-THE FUCK?!!?!!? ako sa isipan ko. Mag-uusap lang ba talaga? Ang dami talagang kaartehan ng mga babae ngayon.


Buti nag-uusap lang tayo. Ni wala tayong sinunod na gimik na kung ano. Sana magkaroon na ng araw na makapagpapaalam na ako sa makulit mong mommy at pagkalupit-lupit mong daddy. Kailangan ko ng super powers para sa araw na iyon. Haha.

Nagpabili na ako ng banana cake para sa ating dalawa at umuwi na akong hilong-hilo pabalik sa Rm 328-A.


May nakasabay nga pala ako sa jeep na matanda kanina. Ingat na ingat yung mga pasahero sa kanya. May gusto sana akong i-type tungkol sa matatanda. Aawayin ko sanang sana hindi na sila iniingatan. Pero nagkamali ako. Bigla ko kasing naalala si Mama, yung lola kong nagpalaki sa amin ni Kuya at Mig at nagturong matulog kami nang hapon kahit ang taas-taas ng energy namin at nagpakain sa amin ng gulay. Noong maliit ako, ayaw na ayaw ko talaga ng gulay. Dahil kay Mama, natuto akong kumain ng gulay, naging masarap para sa akin ng gulay. Huwag lang talaga okra.

Nahiya tuloy ako sa naisip ko. Sa naisip kong sana hindi na lang sila iniingatan kasi baka naman hinihintay na lang nilang mamatay sila. May napanood kasi ako sa South Park. Pinipilit niyang barilin siya ng apo niya kasi gusto niya na talagang mamatay. Kapag namatay si Mama, iiyak talaga ako. As in. Na-miss ko tuloy si Mama. Sorry. Alam kong malulungkot kaming lahat. Alam kong malulungkot ako. Alam kong ang mga astig na lolo at lola ay binibigyan ng halaga. Masaya makipagkuwentuhan, makipagbiruan kay Mama. Minsan, siya pa mismo ang nagpapatawa sa bahay. Iniisip ko talaga paminsan-minsan, kay Mama ako nagmana. Singkit, masayahin, astig, walang kakupas-kupas. Sana matuto rin akong magluto nang masarap.


Para sa mga astig na lolo at lola.

09 August 2011

Kill Us All

Kunwari naghihintay ako. Excited na naman ako. Natuwa talaga ako doon sa ginawa kong comic strip sa Pan Pil 17. Hindi nagbigay ang prof namin ng kahit na anong paksang gagamitin para sa iguguhit na comic strip. Hindi ko alam kung bakit ako nasabik gumawa ng comic strip kahit na alam ko sa sarili kong kahit bundok at palayan e hindi ko ma-drawing nang matino - tao o hayop pa kaya. Hindi ko naman puwedeng pasalitain ang mga bundok at halaman, masyadong korny. Mas masayang makita ang mga ekspresyon ng mukha sa mga tao. Gusto ko silang pinag-oobserbahan, sa malayo man o sa malapit. Ang sarap ng feeling kapag nawiwirduhan ako sa mga ikinikilos ng mga tinititigan kong tao. Yung tipong mga kilos nila ay dumdepende sa kung anong uri ng mga tao ang nakapaligid sa kanila. Hindi ako kuntento sa pagtitig sa isang tao kapag nasa iisang lugar lang siya. Kailangang may record ako sa gunita ko kung anu-ano ang mga ginagawa niya sa bawat lugar na inuupuan niya at sa bawat grupo ng taong nakakasalamuha niya. Iba-iba. Alam kong ganoon din ako, ganoon tayong lahat. Isang magandang halimbawa na lang ay yung kapag nasa school tayo at kapag nasa bahay tayo. Magkaiba talaga.

Ibang-iba rin kapag alam na nilang tinititigan ko sila. Nagbabago na ang kilos ng tao kapag alam na nilang inoobserbahan na sila ng tao. Nagiging conscious na sila kapag pinapanood na sila. Nag-iiba ang kilos, nagpupunas ng panyo, pasimpleng retouch ng make up, lumalakas ang boses, nag-iisip ng witty statements or arguments na wala namang saysay sa naunang pinag-uusapan. Wala na silang paki sa kanilang mga kausap, sa grupong kanilang kinabibilangan, sa lugar na kanilang pinaghintayan, pinagtagpuan, pinagpahingahan. Nakafokus na ang kanilang atensyon sa kanilang manonood. Mas kailangan nilang i-satisfy ang mga tao sa paligid nila, na pakiramdam nila ay nakatingin sa kanila. Mas mahalaga ang mga taong hindi kilala.


Marami-rami na ring kakatuwang senaryo ang aking mga napanood sa malaking TV na aking kasabay tuwing ako ay nagko-commute. Masaya paminsan-minsan mag-ordinary na bus. Mas maingay, mas masalita ang mga kasabay ko, mas nakikita ko kung ano talaga sila. Walang hiya ang mga tao sa ordinary bus. Hindi ako makaamoy ni kaunting kaplastikan sa mga nakasasabay ko sa ordinary bus. Hindi man pabor ito sa mga naunang kong nabanggit na kailangan ko silang makasama sa iba't ibang lugar, masasabi ko pa ring alam ko kung totoo sa mga tao kung gusto talaga nila ang kanilang mga ikinikilos.


Na-miss ko tuloy ang Taft Avenue. Gusto ko na ulit malanghap yung usok, marinig ang busina ng mga jeep. Gusto ko na ulit makarinig ng mga nagsisigawang driver at ang pagdaan ng LRT. Gusto ko na ulit makita yung mga vendors ng candy, yosi, dos tres, isaw, hotdog, fishball, squidball, kikiam, banana cue. Gusto ko na ulit maglakad sa mga marurumi at di pantay na mga kalsada. Gusto ko nang makipagsabayang tumawid ulit sa mga tao kapag papasok ng aming paaralan o pauwi. Gusto ko na ulit makasakay ng ordinary bus. Gusto ko na ulit makatulog habang nasa biyahe. Gusto ko na ulit maramdaman yung feeling na pinag-iisipan ko habang nasa biyahe ako kung gagawa ba ako ng assignment pagdating sa bahay o matutulog na lang ako, o kakain, o maglalaro, o manonood ng.. video sa Youtube, o magsusulat. Gusto ko na ulit isandal yung ulo ko sa bintana. Gusto ko nang matulog nang nakapatong yung ulo ko sa sandalan ng upuan at nakanganga ang bibig ko. Gusto ko nang ipatong at idikit ang aking ulo sa likod ng upuan sa harap ko habang nanginginig ang aking utak. Gusto ko nang pagulat na magising ulit kapag tinatanong na ako ng konduktor kung saan ako bababa.


Yung ginawa kong comic strip e yung kapag nagtatanong ang konduktor sa mga pasaherong may kasamang bata kung ibabayad ba nila yung bata. Nakakatawa kasi. Natatawa talaga ako sa isipan ko kapag naririnig ko 'tong tanong na 'to. Hinding-hindi siya kumupas sa pandinig ko. Napapangiti ako kapag ganoon talaga yung pagkakatanong. Parati ko na ngang inaabangan e.


Inaabangan ko na talaga. Kanina pa kasi malakas ang ulan, kanina pa ako naghihintay. Excited na akong ma-suspend na naman ang klase. Kanina pa ako nakaupo sa library, habang minamadali ang reviewer para sa quiz na magsisimula after 2 hours. Gusto ko na talaga ma-suspend kasi hindi pa talaga ako nakakapag-aral. Mabuti na lang interesante yung paksang pinapabasa sa amin. Buti na lang talaga tawa ako nang tawa habang binabasa ko yung essay na may pesteng quiz. Minsan nakalulungkot kahit gaano pa kalupit yung binasa mo, may quiz naman. Pero wala akong magagawa. Kahit itinatanggi ko sa sarili kong GC ako e kailangan ko pa ring mag-aral para sa pesteng quiz, habang naghihintay.


Tapos may lumapit sa akin. Tumayo sa harap ko. Babae. Hindi ko alam kung bakit namumukhaan ko siya. Hindi ko rin alam kung anong sasabihin ko. Yumuko. Ako na ang unang nagsalita. "Anong subject ka?", sabay turo sa mukha niya. "Uh.. Pan Pil 17", sabay ngiti. Napakunot yung noo ko, tapos isip.. isip.. isi- .. . ... "Uh.. Ah! AHHHH!!!" *facepalm Nakakahiya. Pero hindi naman siya nagalit. Lumapit siya sa akin kasi nakilala niya ako malamang. Habang hawak din ang pesteng essay, inihatid na niya ang mensaheng gustung-gusto at na-miss ko rin.


CLASSES SUSPENDED.


Nagsigawan din ang mga masusungit na librarian. Nagagalit sila sa amin kapag nag-uusap kami pero sila, nagsisigawan talaga ng


CLASSES SUSPENDED.


Na-miss ko talaga 'to. Noong nakaraang taon kasi, halos mabasag na yung mga bintana sa kuwarto, nililipad na papaloob ng kuwarto yung mga butterflies na kawawa, may mga nahuhulog na ngang branches sa Acad Oval, hala, sige, klase.


Gusto kong umuulan, lalo na kapag suspended. Ang sarap ng feeling.

07 August 2011

Press It For Glory

Nakatitig lang ako. Nakaharap sa pisara. Hindi ko alam kung bakit nakaupo ako sa pinakaharap. Ang tanga. Talagang pinakaharap na row yung pinili ko. Bakit? Hindi ko talaga alam. Siguro kasi feeling ko babagsak ako kapag nasa likod ako umupo. Feeling ko wala akong matututunan kapag nasa gitna ako umupo. Baka kasi lumipad na naman yung utak ko. Kahit nga nasa harap ako lumilipad pa rin yung utak ko. Nasa harap na nga ako, kung anu-ano pa rin ang iniisip ko. Nasa harap na nga ako, naririnig ko na nga yung malinaw at dahan-dahang pagsasalita ng aking prof e wala pa rin akong naiintindihan. Mabuti na lang talaga at umaga ang oras ng klaseng 'to. Mahirap magklase sa hapon ng boring na klase. Hindi naman siya ganoon ka-boring kaso ang bagal niya talaga magsalita. Buti na lang talaga sa hindi ako malapit sa bintana tumabi, baka kung anu-ano pa rin ang makita ko, lalong lumipad ang diwa ko.

Wala pa rin siyang tigil sa pagsasalita. Suwerte at malayo sa mukha ko ang inis, inis sa kawalang-kuwentahan na ng kanyang mga pinagsasasabi. Hindi rin naman ako sigurado kung alam niyang hindi talaga ako nakikinig. Minsan, madaling makuha yung nararamdaman o iniisip ng isang tao sa mata lang. Ayoko makipagtitigan sa kanya. Hangga't maaari e patingin-tingin lang ako sa mukha niyang patangu-tango. Hindi rin naman tumititig mga prof. Umiikot yung mga mata nila. Totoo kaya yung sinasabi nilang kita nila lahat kapag nasa harap sila? Kapag nagre-report kasi ako, hindi ko makita lahat. Mas nakikita ko nga kapag nakatuon lang sa isang point yung mga mata ko, ewan ko na lang talaga sa mga guro. Siguro kasi, matangkad sila.


Panay tingin ako ng oras. Mag-iisang oras nang kinakain ng upuan yung puwet ko. Ito mahirap kapag nasa harap - hindi mo alam kung mag-aayos ka ng puwet. Yung tipong pasimpleng paghila lang ng brief na kinakain na rin ng puwet mo. Mahirap. Gusto ko nang mag-stretch. Nagsasawa na ako sa mga sinasabi niya. Isa pang mahirap sa harap e yung tumatalsik yung laway niya. Hindi ko alam kung napapansin niyang naliligo na ako sa laway niya. Kung mapapansin ko lang talaga kasi, halos malalaking patak na talaga yung mga pinipilit kong ilagan. Ayaw ko namang ipakitang umiilag ako sa laway niya. Unang-una sa lahat, itatanong niya kung bakit ako umiilag sa laway niya. Sunod na doon ang pagtawa ng buong klase, kasabay ng pagngiti ko. Sasabihin ko, "E, Sir, laway niyo." Hindi ko lubos na maiisip kung mapapahiya ako dahil tumawa ang buong klase sa sinabi ko sa pagka-obvious ng pagpapaulan ng aking prof o matutuwa ako dahil sa tumawa rin ang aking prof dahil alam niya at nakikita niya mismo sa harap niya na may binabaha na siya ng kalaputan. Hindi ko alam. Baka sumikat pa ako sa buong klase.


Alam ko naman yung feeling kapag kilala na ako ng buong klase. Alam mo naman siguro yung feeling. Alam naman nating lahat kung paano maging kilala sa klase. Dapat lang may nagawa kang malupit. Hindi natin alam kung anong lupit ba. Depende pa rin sa guro yung pagkalupit mo. Maaari natin sabihing gusto-ng-prof malupit o lagot-ka-nainis-yung-prof-kaso-natawa-yung-buong-klase malupit. Pero kahit alin man diyan, dapat malupit. Pinakamadali na yung pagpapatawa ng klase. Isang simpleng punch line lang sa tinatalakay ng guro, puwede na. Isang malupit na joke lang para pampagising ng klase, oks na, sikat ka na. Minsan din, kahit hindi mo alam na nakakatawa talaga yung nagawa mo, ang dami mo nang ngiting matatanggap pagkatapos ng klase. Maraming titingin sa 'yo. Lahat pupuntahan ka, tumatawa pa rin dahil sa hindi maka-get over sa pinaggagagawa mo sa klase. Tapos ipaaalala pa nila yung nangyari sa Facebook, Twitter at Google +. Kailangang malaman ng lahat ng grupo ng indibidwal yung kalupitan mo. Pero dahil ibang tao ang nagkuwento ng tungkol sa 'yo, sila ang sisikat. Maraming magla-like sa post niya at halos pantay lang siguro kayo ng kasikatan. Hindi mo alam kung matutuwa ka kasi sikat ka na sa mga taong hindi mo pa siguro nakikita, pero sa kabilang banda e maganda yung pagkakasalaysay ng taong nagbanggit sa 'yo kaya siya yung kakausapin ng mga tao. Suwerte na lang kapag ikaw mismo yung piniem ng mga tao tapos tatawa pa rin sila. Kaso doon banda na talaga sila nag-uusap.


Puwede ring lumupit ang ihip ng hangin kapag ginalit mo yung teacher. Instant celebrity ka rin kapag pinalabas, sinigawan, pinahiya, pinatawag ang magulang, binato ng eraser o chalk, tinalikuran, binara, tinuro, hindi pinaupo, tinanong ng personal na tanong, pinagbasa ng mga linya, pinatawag sa harap ng teacher mo. Nag-eenjoy talaga ako kapag may mga ganitong eksena sa loob ng klase, lalo kapag hindi ako. Ang sarap talaga nilang panoorin. Yung tipong may bagong nangyayari para sa araw na iyon. Hindi yung ni-replay niyo lang yung ginawa niyo last week.


Kulang na lang talaga sabon pati tuwalya. Solb na solb na yung paligo ko. Kahit next rainy season na lang ulit ako maglinis ng katawan. Ang laput-lapot na ng mukha ko. Ang dami nang butil sa T-shirt ko. Gusto ko nang suntukin 'tong prof na 'to. Gusto ko ng isang malupit na uppercut. Isa lang. Tapos eksenang exit na expected ng excited ng klase sa eksplosibong execution ng eksperto kong pambo-boxing. Hindi ako siguro kung may tatalsik na pustiso o kung ano, basta ang gusto ko lang, masapak yung prof ko. Gusto ko na talaga siyang sapakin. Parang nasasayang na talaga ang oras ko. Hindi na talaga ako nakikinig. Paulit-ulit na lang yung naririnig ko. Nakakatuwa naman yung mga sinasabi niya, pero sa unang pagkakataon lang yun puwede. Kapag first time lang puwede. Suwerte na yung mga banat na nakakatawa pa rin sa second time. Legendary na kapag nakakatawa na siya sa third time to infinity. Pero kadalasan, kapag prof yung nagpatawa, o simpleng nagbigay ng astig na fact, sa unang beses lang siya malupit. Puwede mong ikalat sa ibang tao pero ibang bagay na iyon.


Nahihilo na ako. Sawa na ako sa laway at mga pinagsasasabi niya. Gusto ko nang magwala. Hindi ko na lang siya sasapakin. Ewan ko. Baka batuhin ko na lang siya, o kung ano man. Basta huwag lang ganito. Ayaw ko ng ganito. Gusto ko, kahit paminsan-minsan naman may bago. Baka gusto ko siyang sapakin hindi dahil ang lapot ko na talaga. Baka gusto ko siyang sapakin hindi dahil naaasar na ako sa pagmumukha niya. Baka gusto ko siyang sapakin dahil nagsasawa na ako. Baka gusto ko siyang sapakin kasi gusto ko ng bago. Ayaw ko ng normal. Ayaw kong walang nangyayaring malupit sa isang araw. Minsan talaga gusto kong manapak ng prof.


Paminsan-minsan,


gusto kong manigaw ng prof.

gusto kong mang-flip off ng mga tao sa MRT.
gusto kong nadidisgrasya yung mga nagp-perform sa circus.
gusto kong may nadadapa sa AS Steps.
gusto kong nakakikita ng nag-aaway.
gusto kong may nadadapa, natatalisod, natitisod, nasusubsob.
gusto kong mambalibag ng tray na puno ng pagkain sa CASAA.
gusto nating nasu-suspend ang klase kahit mahina ang ulan.
gusto kong mandapa ng joggers sa Acad Oval.
gusto kong sanggain ang mga ninja sa CASAA.
gusto kong may isang araw na walang ninja sa CASAA.
gusto kong maging ninja.
gusto kong may pumapasok na insekto sa loob ng classroom.
gusto kong nawawalan ng kuryente at tubig.
gusto kong yumakap ng di kilalang tao.
gusto kong mayakap ng ibang tao.
gusto kong hindi GM ang tinetext sa akin.
gusto kong nakukuryente.
gusto kong nagkakasabay kami ng tingin ng crush ko.
gusto kong may nababanggang kotse.
gusto kong nagkakamali yung mga aktor at aktres sa dula.
gusto kong pumipiyok yung mga nagsasalita sa harap.
gusto kong nakakalimutan ng guro sa harap yung dapat niyang sabihin.
gusto kong may sumasabay sa akin kumain ng malalaking bula.
gusto kong manipa ng mga nagp-plank.
gusto kong umorder nang galit sa kahit na anong restaurant.
gusto kong umorder ng Chickenjoy sa Mcdo.
gusto kong lumabas sa isang station ng MRT at papasok ulit sa susunod na tren.
gusto kong may nalalaglag na pustiso.
gusto kong makakita ng batang natae sa kanyang shorts.
gusto kong umutot sa elevator.
gusto kong naglalakad sa mga maninipis na kahoy, bakal o kung anuman.
gusto kong ginagawang adventure ang pagtakap sa iba't ibang kulay ng tiles.
gusto kong walang typo yung ginawa kong blog post.
gusto kong nawawalan ng mic ung emcee.
gusto kong may napapahiya.
gusto kong umakyat sa pababang escalator.
gusto kong bumaba sa paakyat na escalator.
gusto kong chine-check talaga ng guwardiya yung bag ko.
gusto kong nagha-hang yung PC, PS 3 o PSP habang naglalaro yung kapatid ko.
gusto kong may nauuntog.
gusto kong may nadudulas.
gusto kong may natatapong juice o kung anuman.
gusto kong may nakalilimutan ako.
gusto kong manapak ng paa.
gusto kong mangalabit ng di kilalang tao.
gusto kong makarinig o makakita ng malupit.

Hindi lang siguro ako yung nagsasawa sa mundong 'to. Hindi lang naman siguro ako yung nakikita yung pagkakapareho ng mga nangyayari sa paligid ko. Hindi lang naman na siguro ako yung nakakapansin ng mga gaya-gaya at lame na mga linya sa lahat ng mga teleserye sa prime time. Hindi lang naman siguro ako yung naiirita sa mga hindi realistic na scripts ng writers at pa-cute lang na pag-arte ng mga artista ngayon. Lalong hindi lang ako yung nakakita na maganda lang ang gusto ng mga manonood, na wala na silang paki sa talentong dapat na hinahanap sa isang totoong artista.

Paulit-ulit na lang naman na yung mga pinagsasasabi niyo. Hindi naman nagbabago mga ginagawa at pag-uugali niyo. Puro lang tayo protesta, pero sarap na sarap naman tayo sa paghiga sa kama habang yung assignment na kanina pa naghihintay e pinagpapabukas na ang paggawa.


Hindi lang ako yung nag-iisip ng ganito. Ayaw ko rin ng flat, ng pure, ng boring.

06 August 2011

Goku

Kailangan ko ng magic beans ngayon.
Gusto kong mag-Super Saiyan mode.
Kailangan ko ng special mode kapag malapit nang matalo.
Gusto ko bigla akong lumalakas kapag malapit na akong mamatay.
Gusto ko nakakapulot ako ng mga bala para sa shotgun ko.
Kahit ngayon lang.

Official Ulit, Medyo Parang Paminsan-minsan

Matutong iappreciate any genre of music. 
Except maybe Ang Bandang Shirley. Eww.