14 October 2020

Napagbigyan ng pahinga nang
Tatlo hanggang limang pagtulak
Dahil sa ayaw na ipagkaloob na
Pagsalok ng 'di na mahalimuyak
'Pagkat sipaging unahin man ang
Sarili mula sa ibang walang sarili
Kundi ang kanilang mga sarili sa
Harapan ng mararami, ang sariling
Kubli sa karamiha'y sariling iwang
Mabuti na't wala na sa sarili, diling
Pinagbigyan marahil ng pahinga
Mula lima hanggang naging tatlo
Lamang. Itinulak habang nasalok
Kahit sipagin mang unahin ang
Hindi naman kani-kaniyang sarili.

07 October 2020

Sa asal mong iyan maski pa
Pati ng iyong mga kasama,
Bakit sa tuwing may hinging
Pag-intindi, hinging paluwag
Sa atin-atin lamang na mga
Piring ay bigla-biglang yumi't
Maglilikot at mananadyang
Parang wala na naman na 
Yata pang iniinda, kahit pang
Sumabat ang kahit na sinong

Ina.

Mutang pabalik-balik 'pagkat
Anumang igulo ng mga igpaw
Sa taingang pagod at tulog
Ang balikatang pinagkaibigan,
Dinudulong umasa pang kuwit,
Hindi man lang humawig pang
Kusa sa kung waring aakyat at
Bababa rin matapos salubungin
At sabihan ng nag-iisang tinig,
Nagmumurang mga gilagid,
Hindi na maaawat pang hampas
Mulang kaliwa, sasalubungin
Naman sa kanan. May pekeng
Mga pag-iling, paunting mga
Konyat sa puso, mumunting 
Kantahang daig pa ang karaoke
Sa tapat ng simbahang sarado.

Lalampas ang sandali. Lalabian
Ka pa ng guhit nang idinikit ay
Sa kisame't sahig. Dumating din
Ang araw na mamamali ka ng
Tantya sa kani-kanilang mga
Ipinakikitang maskara. Sa mga
Abong kanyang pipitikin sa 
Umpisa, sa mga iniwan nang
Mga alaalang sinusuyod at 
Tuluyan nang naiwang apat na
Sumbat ng hudyatang hangin,
Tumba pa ring hinga sa tabi ni

Ina.

28 September 2020

Kung sa bakit bang sa
Tuwing nagkakaroon ng
Magkabilang 'di naman
Magkatunghayan kung
Araw-araw, ay bakit sising
Agaran ng pagkakamali
Kahit na may sa hindi rin
Naman katarungang tila.

Hindi namang nauulit
Ang mga napag-aralan
Nang sana ngunit bakit
Nauulit pang dapat na
Pangaralan ang mga
Hindi naman na dapat
Sana. Kailan kaya na
Mag-uumpisang umanib
Sa puwersang pakandili,
Pakumbaba ang mga
Buo naman ang loob
Pero nasa 'di katiwasayan
Ang pag-ibig sa kapuwa?

Sarili ang mas mahalaga
Kaysa sariling maiiwan.

Bakit nauuwi na lang sa
'Di na baleng ubos ang
Ang natitirang agnas
Basta't 'di balewalang
Ubos ang lahat ng sa
Makakalaban. Anong
Tipan ang narapat na
Mag-ipon ng makaaway
Kaysa katipan sa pag-ibig
Sa bayan at sa kapuwa?

Alin ang mas mahalaga?

21 September 2020

Miss ko na ang amoy mo
Pati mga patimplang minsang
Kape sa umaga, minsan din
Sa tanghali sa kung madaling
Maghahanapan ng bagong
Palipas-pangarap, palublob sa
Iba-ibang parikit ng ating
Nag-iisang kumot, nag-iisang
Init sa ginaw na dulot lang
Din naman ng air-con at fan. 

Bibingwit, babaliko, titingin
Sa magkabilang sulok bago
Magsindi ng pangungulila mo
Sa iyong mumunting mga stick

Sabay tawag sa pangalan ko,
Hugis kong sabik sa hugis mo.
Mamaya na kaya ang ibang
Ulam, mamaya na rin kumain.
Akin na muna ang mga usok
Galing sa naghihikahos nang

Muntik pang ipahid sa pader,
At hintay ka, saglit, sinabing
Huwag kang makulit, huwag
Mong itapon at baka may 
Makakita sa iyo, sa 'ting dal'wa.

14 September 2020

Spit me some details.
You owe me some money.

We need to drop shit fast
For as this one night makes
The both of us shiver
As naked, fake-unhinged,
And ready to be flat,
Neither of us will ever
Be truly ready. Dead rats
Shine brighter as moonlit
Cement-narrows live as
Depressed mazes, creeping
Unto each stranger that
No one else should be
Outside tonight, as if every
Night should never be different.

But we both know how
We are not the same, not
At all, at the very least,
Unexpected parts of this
Stupid tackle of the order.

Because as both of us
Sweat as fuck balls
And still always lucky,
Coming around to play with
The self-proclaimed masters
Of the night will bring us to
Our truer selves, more than ever,

And a little upbeat, we wait until

Accepting any form of incline
From any form of monsters,
For every form of bad and hatred
We have ever been trashed into,
And not ever will be by us alone.

07 September 2020

Lalangitngit ang kalawang papasok
Sa halamanan. Inaantok na rin ang
Araw sa isang buong masid, isang
Buong hawig na hawig at hawig
Sa lahat ng mga iisa at nag-iisa.

Bakit pa nga ba akong muli't
Muling naghihintay ng tatabi?

Ay siya't mauupo na muna ako
Rito sa isa pang himlayang bakante.
Kukumustahin kong panigurado
Ang paulit-ulit kong paalalang
Natatapos ding managinip ng
Tubig-ulan ang mga patuloy na 
Nagpapasamyo ng aking pag-iisa.

Matatabig kong saglit ang mesa,
At mapapansin kong bigla na
Malamig na naman ang aking
Tinimplang kape. Oo nga pala.

Sabay, ewan ko, dukot sa may
Kaliwang bulsa. Saka lamang may
Pagtantong muli na andito na pala
Ako. Saan ka na? Andito na dapat
Tayo. Halika nang muli sa akin.

28 August 2020

Aba'y ngayun-ngayon lamang
Muling nakapagsaksak sa
Maririing pag-eensayo at siyang
Pagbabalik ng sakit ng totohanang
Mayroong paglaya kung daraan
Sa matagal-tagal na ring tinatanaw
Mula sa 'di naman din kalayuan.

Ang mga akala'y bulang naglaho,
Para bang sinayang lang ang bawat
Manong ipinaabot sa akin galing sa
Matatandang palabiro, palahingi ng
Mga sagot sa kanilang katanungang
Hiluhin lamang ako na parating
Puntirya bago pa man makapuslit.

Ano ba naman yung sana'y 'di na
Pangunahan pa ng panggugulat ng
Hinaharap nang maging masigasig
Naman din tayong tumakas sa ating
Sariling mga pagkakakulong, sariling
Gusto nating kilalanin, mga sariling
Ayaw sa ating magpakilala, at mga
Sariling pinaiikut-ikot lamang tayo.

Gayundin, makikita rin naman natin
Ang umpisa, ang ating sariling tila
Nais na nating tapusin agad nang
Hindi pa namamalayang hindi pa pala
Tayo nagkakamalay. Malay ba natin?

21 August 2020

Bago pa man pumatak
Ang aking mga gintong
Luha sa pira-pirasong
Lantad na mga patayog na
Minsan lamang magkatipon
Ay nakapanlulumo pang
Hintayin at pagkapanoorin,
Mangyaring may sasabat na
Kometang nagpalalim lalo
Sa gabing wala namang
Dapat pang pinaghihintayan.

Aalegruhin ng paligid na
Itigil na muna ang siyang
Pagtuldok sa katahimikang
Nais nang supilin papalubog
Pa lamang din ang mga ibon
Sa himpapawid. Mabuti pa't
Pauwi na sila't ako'y sarat na
Maginoong nagpapapasok pa
Rito sa aking maruming sala
Nang maengganyo ang mga
Panauhing paglalatagan pa ng
Aking pira-pirasong gintong luha.

May pag-akmang yakap na
Malawak pa sa dalampasigang
Hindi man lamang nag-anyaya
Sa akin kailanman ngunit madalas
Tambayan ng mga galang ibong
Paalala sa akin. Paalala ko rin sa
Paligid ko, na ako ang hihigop
At manlalasa kung bigyan man
Ako ng pagkakataong gastang
Patulan ang mga panauhing
Dapat nang mapahiran ng
Aking mga gintong luha
Sa loob ng pira-pirasong
Pagkaubod ng duming sala.

14 August 2020

Dumating ako ngunit
Hindi pala kailangan.
Sana pumikit nang muli
Nang lumiwanag at matuloy,
Tumuloy mga sinaunang 
Himalang galing sa likod ng 
Iba-ibang halu-halong
Pabula, hiwaga, panggulo
Sa aking buhay. Akin ang 
Aking sarili ngunit
Sino itong akong parang
Pinabayaan na lamang at
Walang pakialam sa pabagu-
Bagong aakyatin, kay kupad
na mga pagtakbo sa mga
Burol ng mga di naman 
Makikilala pang mga patay.

Ako na lamang yata ang
Natitira pang buhay. Kung
Umuwi na lang kaya ako
Nang mapatid at sundan
Mga inilikong kadena, mga
Harurot na hindi pa tutok
Sa preno, sa alanganing
Pagbangga sa alas tres na
Subsob-tirang trip, na naman.

Akala'y totoo ang ibinatong
Kislap sa kabilang kintab ng
Maestrong tagahatid lamang.
Hindi namalayang may gaguhan
Nang naganap at wari'y may
Pagtapik sa pawising batok ang
Konsensyang ginising, gumising,
Sa likod ng mga likod, at muling

Harap sa iyo, maestro. Pasensya,
Aamin naman ako sa iyo ngunit
Sa hindi mo inaasahan ni
Maaalalang konteksto, paalam,
Paalam sa iyo, maestro, at
Hanggang sa muli. Mauna ka na,
Baka may hinahabol pa ang mga
Iikot pa sa bundok ng lilang 
Palaisipan pa rin sa mga sanggol.
Hindi bale't kadalasa'y lugmok
Naman sila sa pagod ng bagot.

Sige na, sige na. Hihimbing na
Akong muli. Maglalaro sa gamit,
Sa ganid ng sandali. Sige na, oo,
Babalik na ako. Sana hindi na 
Akong makabangong muli, muna.

07 August 2020

Nung mabubog ka nang lasing,
Ikaw rin mismo ang nagsabing
Hindi mo naman talaga kasalanan
Ang lahat ng nakikita nilang
May paggiring sa hindi inaasahan.

Hindi mo talaga kasalanan
Lahat ng binabato nila sa iyo,
Mula sa mga talang ayaw patulog
Hanggang sa mga punong
Nakikisabay rin sa mga paheleng
Hindi lang naman din ikaw ang 
Mayroong pakana,
Mayroong pasilbi,
At mayroon sanang hindi na
Matatapos pang pagdurugtung-
Dugtong na lagpakan ng bote
At salampak ng magkumpare.

At binulabog kang paggising
Pagkatapos ng hiyang gabi,
May limot bang nakatakas
O paskong maagang katabi?

Anuman ang nariyan, baka
Sakaling may gana pa.
Baka sakaling umahon pa
O mamayang tanghali na.

28 July 2020

Puta lang ako.
Puta mo lamang ako.
Igiit mo mang may
Pakunwaring laya
Sa iyong bawat pagbitaw
Sa akin, anong gaya sa iba
Ang dapat kong isangguni
Sa aking kaya lang abutin?

Puta lang ako.
Puta lamang ako.
Mamaya-maya'y
May guni-guning
Bibisita sa akin
Ngunit kailangan pa ring
Pagsilbihan - parang ikaw.
Aakbay sa akin pero
Parang ayaw ko na 
Munang maging ako.

Hindi naman ako yun.
Hindi naman totoo yun,
Sabay bigat pa
Nang kaunti
Hanggang sa

Baka naman ganito,
Baka naman ganyan.

Ano pa nga bang
Hindi ko dapat
Malimutan?

21 July 2020

Minsan nang pinapili
Kung alin ang mas uunahin
Mula sa may putuka't luha,
Habulan ng mga
Inubusan na ng silbi
Ngunit nagmamadali pa ring
Humabol sa kung anong
Responsibilidad na ipinipilit
ng nagmamabagong buhay na
Malayong-malayo na sa
Makamundong mundo

Laban sa pahimatay na
Pakikinig na lamang,
Paghihintay ng ibang liryong
Pagtulo at pagbutil ng mga
Pinagsama-samang lawak ng
Tipan, iba-ibang kislap,
Sabay-sabay na palakpak,
Maliligalig na pamamahinga't
Sunod sa awit ng duyang himlay

O kaya nama'y pagulung-gulong
na pag-aaring hindi kailanman
Maipinto kung sino ang patunay.

Ang sa hindi kamukhang kabila'y
May hindi sinadyang pagpilit,
Mga kulay, bumuhol nang maayos,
May pagkaipit na sumasandali't 
Hahampas nang masinsinan.

Nagtagpo pa rin kung tutuusin,
May kaiba lamang sa kukong may
Hiwang humahawak, sa pag-aaway
ng mga pinipisil, hinahayaang magdala
Sa akin kung saan man patungo
Ang mga inipong pamikit, pabulag.

Saka mo na ako kausapin.

14 July 2020

Lahat ng makilala'y
Naluluma sa tingin
Ngunit sa tahanang bago,
Kay sarap mahalin.

Mayroong kasanayang
Hindi imposibleng umapaw
Sa landasing likha
Para sa yaring araw-araw.

Ang hindi pagbibilang ay
Palalampasin sa katagalan
Dahil ang mas mahalaga'y
Pagpansin sa katangiang

Hindi naiiba
At naiiba sa hindi.
Lahat ng kilala'y oo,
Lahat ng hindi ay hindi

Kaya't ano pang malaman mo
Sa mga talinghagang dinukot
Lamang kung saan-saan,
Madali rin nating malilimot.

07 July 2020

Tutuluy-tuloy galing aking pasya
Ang magpakalunod sa abo
ng mga ligalig at pantasya,
Mga ayaw ipaliwanag ngunit
Nais na maikuwento,
Salaysay na wala pang lamat,
May gustong ipamiyendo.

Gawa sa taling ihinulma
Nang paulit-ulit hanggang sa
Makitang marikit at hirayang
Mapamaslang sa siyesta.

Iduduyan kang paslit
Sa matandang punong mangga,
Sitsit ng ibo'y patay na,
Magpapausok na naman ang mama
ng kanyang mga winalis na dahon
Kaya't atupaging bumangon
Tuwing papasukin ng alon
ng mga pakalmang tadyak.

O, nasaan na ang tabak
na iniwan ko lamang
Kangi-kanginang layong
Patimpla ng maling kape?

Ina ko, o, ina ko,
Hindi na muna ako'ng bahala
Sa isip na mamahingang
Doon na muna sa malayo
Magkikita-kitang nagtatago
Katabi ng tintang lagkit sa ulirat.

28 June 2020

Kung walang pakundangan
Ang bigwas ng pananalita,
Pasaan pa't nariyan
Mga nakikinig nang mayroong
Mas ikaaayos kaysa sa iyo?

Pinasok ang rimarim
ng gusaling hitik naman
Sa kakintabang parangal
Ngunit bakit kumitid ang tindi
Nang sa desisyong kumitil
ay walang may balak na
Umalam, umunawa;
Sa panggalaiti ang badya.

Walang respeto siyang madla
Maski pang may ibinuhos nang
Mga araw, dugo, at impunto.

Kung sakaling may isang ayaw,
Lapnos na ang lahat ng niluto
'Pagkat ano pang kasalanan
ng mga hinusayang may alam
Kung hungkag lang din namang
Makikinabang nang walang dangal.

21 June 2020

Kung waring makipagpalitan
Ang mga isinulat na hindi titik,
Iigwa kaya ang takot
Sa bating iniwan sa init
Sa ilalim ng buwang kinakaya-
Kaya na lamang 
ng mga ayaw sa tulog,
Ayaw sa atin, ayaw sa layaw,
Ayaw sa himbing 
Dahil ang agnas na dulot
Mula sa ayaw lumimot,
Manggagaling lang din
Sa inumagang bangungot,
At kung pamamarisan
Ang paglalayasan,
Makakayanang maging mayaman
Kahit pang pumagitan
Sa singil ng diyablo't anghel,
Lumubos nawa sa papel
'Pagkat aanhin ang kakausap
Kung payag din namang umirap.

14 June 2020

Ilalagay ko ito rito
Nang magkaroon ako
ng paglalagyan
ng aking mga palagay,
Kalagayan, kalayaan.

Palalayain ko ako
Nang magkaroon ako
ng sarili, ng repleksyon,
ng ako.

Itong aking ako,
Natatanging aking ako,
At inaakong ako
ay patlang dating
Inangking ako.

Ilalagay ko ito rito
Nang magkaroon ng ako
ng pinalayang ako,
Natatanging kalagayan,
At hindi sa iyo.

07 June 2020

May humampas siguro ng kape
Sa elevator na aking pinaglamayan
Kasama ng aking opisina, damay,
At isinilid na mga hahagkang
Mamaya na pilapil,
Sintapang sa loob ng isang buwan,
Sa loob pa ng mga susunod na araw.

Takot sa kutis na tumaba
Dahil ang ehemplo'y natitilamsikan.
Ang bisa ng kunwari ay
Sadyang malinis kahit kabilaan
Pang magsipahid, may hangganan sa amin.

Ang pinababayaang kitid ng yaman,
Nasa pag-uwi na lamang na 'di laging
Nakikitaan, ni dinaraanan
Sapagkat ang una'y mas matulin,
Takot nang mabawasan pa.
Sa sumunod ay pagpapawisan,
May asim pa't magmumura
Kung hindi sasalubong ang inabangan.

Pangyarihan man sana ng tuwa
Kung sakaling bisitahin ng pag-iwan.

Matapos pa rin sa lahat ng ginising
Ng kapeng tilamsik sa hapon at gabi,
Sa dalisay na antok na pag-uusapan
Ay balisang kwenta sa kalye.

28 May 2020

Ako ang minuto, ang oras
Kaya't manumbalik ka muna
Sa kung hanggang saan lamang
Arok ng maaari kang lumabas.

Makipag-isip, magkuro
Kung hindi pa lampas sa pangangapa.
May pag-ibig sa lasap na hanap
Ngunit ang tibay ng pangarap,
Magiging sakto lang
Kung ang saklay ay binabating
Kaibigan na lamang.

Iwan ang sadya, bawasan ang pakla.
Ang siyang tuklod ng mga animal,
Pagkakanulo kung tawagin.
Sapat lang na paikutin hanggang sa
Bumalik sa kung ano ang iyo,
Maging kung ano ang akin

Kaya't magsipag na humimbing muna't
Sakyan ang oras ng bayad,
Oras na para magbayad
At babalik ang oras para magbayad.

21 May 2020

Kung makakakita ng asul ay
Anong banggit na agaran
Sa kung lahat ng langit ay ganito,
Siya ring kintab ng karagatan,
Lahat ng mga ilog, mga sapa,
Sa kung kani-kanino pang larawan
Ngunit kung sisirin mang lalim
Nito'y maraming tinatagong kakulayan.
May lumot na madulas,
Angking 'di gagamit ng dahas
Sa pagkupkop ng mga dayuhang
Madalas humanap ng malas.
At kung sa kabilang ibayo
Magmadaling sumigla pa,
Naghihintay ang mas malalim na
Pakipag-ugnay ng likas sa banta.
Mga pagbabagong ayaw patipon,
Hindi naman talaga lumilihis,
At kung sakaling 'di pagbigyan,
Tao ang siyang naiinis
Sa papalit-palit ng sinumang anyo,
O, bakit ayaw raw tigilan?
E kung sariling ayaw papatid
Ay siya ring 'di pahulaan
Sa mga singkupal at maramot,
Maraming 'di pinaniniwalaan,
Maraming 'di sinusunod,
Maraming pinagkakakitaan.
At kung sakaling malabo pa rin,
Bigyang hustiya na lamang sana
Mga lalang na pinaslang sa lisik
Ng mga matang maghusgang gana.

14 May 2020

Kayo'y tila patotoong palatandaan
Galing sa inyong piniling pangalan.

Hindi nalalayong paghusayan
Mula sa baho at tambol na lumilindol,
Yumayanig sa aking kalamnan,
At sa pag-usig na manatili
Sa agos ng pandayan ng mga obra at kandili,
Maging masaya sa kalungkutan
Sa gitna ng malalakas na hangin,
Tila nagsasayawang mga puno sa disco.
Bahang kinaibigang tunay,
Ubod ng basura at amoy ng atraso,
Bagyong maya't mayang hinahanap,
Kay tamis na pamamatak sa kung miminsan.
Walang iwas sa lingon at paalam ngunit
Hindi papatabig kung pananahimik nang tulog,
Ituturing niyo ring kabaliwan.

Nakakapit sa gitara, anyong hihiling ng awit.
Akmang lirikong tatapusin
Kahit nagmamadaling sumikat sa hangin.
May tulak ang konsensya ngunit
Mas malakas lumibog ang husay.

Kung sakaling papanindigang tunay,
May hawig sa pagkaing inihanay ang sarili,
O maaaring sabihing ipinantay, ipinatong, inihain
Dahil sa yari ng pagkakaiba ng tunog at lasa,
Tulad ng pagkakaibang panuto at tsansa,
Sa mga tsambang kaya, mga ginamit na rekado,
Ang paghihiwalay ang siyang himig na nagdikit,
Bumisang lagkit sa entablado, radyo, at singit,
Sa kasuluk-sulukan ng mga tainga kong ganid
Sa 'di-maaagaw na meryendang inilatag
Sa bawat piyesang may-paksang dawit.

Aking ngunguyaing landasin pang
Umarangkada sa akin ang latik.
Maging masaya sa isang hapon
Habang nakasakay sa nag-iisang jeep
Papuntang aming tahanan diyan sa may
Minsan ko na ring nilakad pauwi.

07 May 2020

Kailan ako mapahihintulutang
Magamit ang naiibang wika,
Malayo sa nakagisnan,
May pagtitimping kusa.
Takot pa rin akong mawalan
Ng gana maski papaano.
Ano na nga bang ginagawa ko
Sa malayang paglalaan
Sa mga bagay na dapat ay
Hinding-hindi pinababayaan?

Paanong magiging mayaman
Sa ritmo at kasaysayan
Ang mga himig ng bagsik,
Mga taludtod ng aking bayan
Kung ang pag-ibig ay salat pa rin
Sa kapangyarihang umunawa't
Magtanggol, maglagay sa alanganin?
Sinisiyasat ba nang maigi
Ang siyang ayaw umamin
Sa pag-ibig na nariyan naman,
Noon pa man di'y masigla.
May tapang, may isip,
Katuwang ng siyang dila
Upang huwag nang magpasakop
Sa hindi dapat kinilala.

Kaya ano na, ano na?
Ano pa ang siyang pumipigil
Kung ang sadyang kalayaan ay
Sanlang dusa't sa pangil.

28 April 2020

Walang ibang puwersang lohika
Ang hinihingi ng pagbangon
Mula sa pahalikang pagbalik
Sa malayang kadiliman.
Hindi pinauumpisahan
Ang umagang mangyari
Nang walang hinihintay
Kundi pagbangong mag-isa.
May galit sa hapon,
Tatanghaliin ang pari
Ngunit kung magsarili siyang hamon,
Wala ring mangyayari
Sa mga pinauusad ng rosaryo,
Luluhod sa ilalim ng mga kahoy,
Mga alamat, at mga takot
Sa mga manggagamot.
Iniwasan na ang mga tinta
Nang makitang muli sa iba
Ang pinahihingahang kanta,
Natagpuan lamang sa mata
Mula sa pag-igting na tahimik
At paghihintay nang pagod.
Ang tanging puwersang ibig
Sabihi'y hinihingi nang tulog.

21 April 2020

Ang akin lang,
Ang ganda mo.

Ganda mo lang ang akin.
Ang ganda-ganda mo.

Akin ang ganda mo -
Ang ganda lang.

Ang ganda mo lang.
Ang ganda-ganda.

Akin lang ang ganda.
Ganda mo ang akin lang.

Ang ganda -
Akin lang ang ganda mo.

Ang ganda mo, akin.
Akin lang.

Ang ganda mo, akin lang.
Ang akin lang, akin lang.

14 April 2020

Noong silaba'y may pagkukunwaring
Lumiliwanag nang walang katapusan.
Sinubukan kong unawain
Ngunit hindi nararapat madaliin
Ang pagbabasa, ang paghahanap ng
Natutulog na pipa, pariwara,
Gunita ng pagpapaikot at matuling kislap.
May sumasambit sa napabayaang mga balikat,
Diyos mo ako, at ikaw ang bahala
Sa aking paglikha sa iyo, at iyong lilikhain pa.
Hindi niya mailatag sa akin kung nasaan
Ang mga propetang dapat tumulong
At magpakilala sa akin
Subalit dunung-dunungan pa rin
Ang mga takot sa dilim at puno ng pamumunga
Sapagkat anong magagawa ng pagsaklolo
Sa ilalim ng aking mga bintanang
Pinuno ng malalambot na pader ng kapatiran
Kung ang mismong nagpapairal
Sa aking binuong kamunduhan
Ay pinatatakbo ng siya ring sisira sa akin?

Iparating mong nagkakamali ka,
Saka kita sisibakin at ipanggugulat
Sa papalit-palit kong mga kaibigan.

At nang magalit, sinipsip pagulumihanan
Ang lahat ng bumuhay at tumuklas
Sa aking hindi nag-iisang kamalayan sa mundo.
Umiral ang kaba at sustansya ng pagkaunawa
Sa ligalig ng pagtawid sa kabila ng
Kanyang mga ipinaglalaban.

Pinalayas ako nang dahil sa galit at labo
Mula sa ipinahiram na piglas sa kuntento.
Inibig kong muli ang aking sarili,
Ang aking binuong kamunduhan,
Ang aking pinaagos na kaligtasan,
Aking bingit sa katalagahang pagtampok.

07 April 2020

May pagtambad kang
Mahirap malimutan.
Bigla na lamang lalarga
Ang aking pagkamuhi sa sarili
Sa tuwing ika'y magpapamalas ng
Iyong sariling walang muhi.

Sa gitna ng sigawan at pawis ng
Mapangibabaw na katamarang tunay
Sa init ng hapon,
Papagitnaan ng mga titig
Galing sa mga dahong
Walang ibang inatupag
Kung hindi makipagtanungang
Tulad ng mga pagod sa silid na
Hindi na yata matatapos pa
Ang pagmamasid at pakikipagpalitan
Hanggang sa muling halik ng hibla,

Ipinaalalang panimula ng
Iyong mga mata
Ang hindi na makukuntentong
Paggiliw ko na tanging iyo.
Mahaplos sa akin
Ang iyong pakilig na tinig,
O, himig sa akin,
At ibig kong hamakin
Ang lahat-lahat ng papatol,
Lahat-lahat ng palibot
Silang lahat na walang malay.
Ikaw na nakapangingilabot,
At ikaw na walang malay.

Hindi ko na napansin pa
Ang paghila sa atin ng oras,
Pakagyat na matauhang
Makilalang muli kung sino ang dapat
Maghiwalay ng langit sa lupa,
Maging ng kuntento sa hindi.
Malayo na sa katotohanang
Makapagpapaalam pang pangako
Nang dahil lang sa pagkadapa sa dumi,
Sapagkat ano itong paraisong
Gumugulo sa aking guni-guni?
Ako nawa'y huwag nang balikan
At sulasukin pa ng sidhi ng malay.

28 March 2020

Hindi na mahanap pa
Ang alanganing umaga
Habang nakikipaglaro ako
Sa iyo at aking mga usok.
Medyo manilaw-lungti,
At ayaw paubos
Kahit pa makipagpalitan
Nang paulit-ulit
Kung makikipagsapalaran
O tatabi nang muli
Sa nakakainis mong pisngi.

Mahal kita.

Aray! Hampas mong agad sa akin
Sabay talikod at humihingi
Ng pakiusap sa oras na
Mamaya na tayong sigawan.
Ang buhok mo'y dumudulas
Sa balat mong 'pag pinisil ay
Magsisiwalat ng pagtatagpong muli
Ng ating mga puso.
Babaluktot nang kaunti
Hanggang sa pumiglas sa ipit
Tungo sa isang panakaw na
Mahal mo rin sana ako.

21 March 2020

Tuluyan nang umukit
Ang iyong pangalan
Sa akin na tila yata
Hindi patatalo
Sa sugat na ikaw rin
Ang nag-iwan.

Bakit hindi mo pa rin
Ako tinitigilan?
Bahagya kang dumaan
Ngunit bakit pailalim
Nang pailalim itong
Hiwang binulungang
Huwag sana maghilom.

Dahil kung handang muli
Ang pait bumaon ngunit
Sa hindi inasahang lunas,
Ikaw na mismo, pakiusap,
Ang tumapos sa 'king danas.