Inisip ko kung mayroon akong matatagpuang walis kung sakaling halughugin ko man ang bahay. Bumalik akong muli at dumeretso sa isa pang malaking silid na mayroong malaking bilog na lamesa at apat na upuan. Mayroong isang pinto papasok sa isa pang maliit na silid mula rito. Natagpuan ko kung saan nakalagay ang mga plato, kubyertos, at mga baso na walang bahid ng alikabok. Sa isang gilid naman ay may nakasandal na walis at kinuha ko na ito agad.
Bumalik na ako sa unang malaking silid mula sa harapan upang walisin ang mga butil ng buhangin na madali namang makikita sa pagkakaiba ng kulay nito sa madilim na kulay ng sahig. Mabuti't hindi masyadong hinangin at hindi masyadong nagkalat.