03 July 2013

Filipinas ni Xiao

Pangalan: Xiaoyu Castro
Edad: 5 taong gulang
Ina: Reilyn Castro

Ina: "Bigla na lang siyang nag-i-English. Nakuha niya 'yon sa panonood ng cartoons sa TV. Nagsasalita na siya nang diretso simula noong isang taong gulang pa lang siya. Ipinasok siya sa paaralan noong tatlong taong gulang pa lang. Kapag nagustuhan niya ang isang kanta, nakakabisa niya ang chorus ng isang kanta. Naaalala niya agad ang tono ng chorus ng isang kanta at kaya niya na itong ulitin. Wala siyang problema sa pagsabi ng [p] at [f], pati sa [b] at [v]. Sa [s] lang siya merong problema. Tsaka ito (Xiaoyu), isang beses niya lang makita, kapag nagustuhan niya, madali niyang nagagawa. Halimbawa noon, yung sa hula-hoop. Isang beses pa lang naming ipinakita kung papa'nong gagamitin yung laruang hula-hoop, hiniram niya na agad sa akin. Sinubukan niya 'yon agad. Pagkatapos niya magkamali nang ilang beses, maya-maya e mas marami na siyang nagagawang paikot kaysa sa kaya kong gawin."

Obserbasyon: Matagal makabuo ng isang buong pangungusap ang bata. Mahilig siyang gumamit ng mga katagang tsaka at tas (tapos). Mahilig siya sa mga numero at kulay. Marahil ay iyon ang itinuturo sa kanya sa ngayon. Sinubukan niya ring ibahagi sa akin ang kanyang nalalaman tungkol sa mga araw sa isang linggo. Maaaring sinasabi niya sa akin ang mga natututunan niya sa paaralan at ang mga itinuturo na rin sa kanya ng kanyang Mommy.

Sinubukan kong ipabigkas sa kanya ang mga salitang fifty at pipti. Pareho niya silang nabibigkas nang maayos. Ngunit noong pinabigkas ko na ang filipinas, ang nasasabi niya'y filifinas o kaya nama'y pilipinas. Nagtutunog (th) ang kanyang [s], katulad ng luneth (Lunes) at muth-tatha (mustasa). Siguro, kung sa edad niya, maaaring nalilito pa siya kung magkasunod na ganitong mga halimbawang tunog (p-f/f-p) ang kanyang bibigkasin ngunit sa tingin ko'y makukuha niya naman ito nang tama sa kanya pang paglaki dahil kinaya niya namang makilala ang pagkakaiba ng tunog [p] sa [f].


Sumisigaw siya madalas sa bawat dulong linya ng kanyang inaawit na kanta. Mahilig siyang kumanta ng random na mga pantig gamit ang mga tonong kanyang naaalala. Halimbawa, sa tono ng Call Me Maybe ni Carly Rae Jepsen, ang kanyang mga binibigkas na liriko ay, "bar-ber-ber-bai-bai" ngunit kaya niya ring kantahin nang maayos ang chorus ng nabanggit na kanta.


Napansin kong mabilis ding mag-iba ang pinapaksa ng kanyang mga pangungusap na binibigkas. Ganoon siya gumamit ng mga katagang tas kahit na wala namang direktang kaugnayan ang susunod na sasabihin sa nauna. Halimbawa na lamang: (Tinanong ko kasi siya kung kailan ang kanyang kaarawan.) "May (Mayo) birthday ko. Tapos yung cake ko, chocolate, chocolate, pink. Okay. Dalawa yung chocolate e. Alright? Alright? Okay na (Sa tingin ko'y napapansin niyang itinatype ko ang bawat sinasabi niya kaya niya siguro ako hinintay sa bahaging ito. Ngunit matapos ang panandaliang pagtigil, tuluy-tuloy na ang kanyang pagsasalita.) Yan lang e. Sa birthday ko, meron akong chocolate cake at pink cake. Tapos kapag tinuturuan ako ni Mommy, ganto yung Castro (apelido niya, habang sinusulat niya ang kanyang pangalan sa isang papel). Okay, okay, okay na yan. Ang init!"


Minsan di'y sumasagot siya sa wikang Ingles. Halimbawa na lamang: Kapag tinanong ko siya ng isang oo-o-hindi na tanong, ang isasagot niya lamang ay yeth (yes) o kaya no. Sumisigaw rin siya ng Fire! paminsan-minsan sa kalagitnaan ng pagkanta niya ng random na mga pantig. Sinabi ko ring magbilang naman siya at ang isinagot niya sa akin ay, "No, not again!" Kinuwento rin sa akin ng kanyang Mommy na nagtupi siya ng kanyang mga damit noong araw na iyon. Noong tinanong ko si Xiaoyu kung ilan yung tinupi niyang damit, ang isinagot niya sa akin ay, "Lots some lots some lots some!"


Xiaoyu: "Isusulat ko pangalan ko ah. X. (Itatype ko na sana ang kanyang pangalan.) Hello, tulala ka. Yan. Yan yung pangalan ko. Yan lang yung pangalan ko. May (Mayo) birthday ko. Tapos yung cake ko, chocolate, chocolate, pink. Okay. Dalawa yung chocolate e. Alright, alright, okay na. Yan lang e. Sa birthday ko, meron akong chocolate cake at pink cake. Tapos tinuruan ako ni Mommy, ganto yung Castro (apelido niya, habang sinusulat niya ang kanyang pangalan sa isang papel.) Okay, okay, okay na yan. Ang init!


Cinolor namin kanina yung white, white cake, pink cake, brown cake, black cake. Bukas na daw yung gift tsaka yung cinolor pa namin yung hilahan pag gusto mong magdala ng toys. Tas umuwi na ako. Tas kumain kami ng chicken. Ha? Sabi mo? Kasi pag sinulat mo, erase-in ko yan e. Fire! Tug-tug-tug da-la-la! Fire! Ra-da-da-da! Ikaw, drawing mo rito yung pangalan mo.


Monday, Tuesday ba? Wednesday, Saturday, Linggo, Luneth (Lunes).


Pag wala akong school, pupunta si Kyle dito tas maglalaro kami ng mermaid tsaka Barbie tsaka adun kami sa kusina naglalaro kami ni Kyle tsaka nagtitinda kami nagtitinda sila Mommy tsaka si Daddy. Tsaka pag ano pag umalis na si Kyle tas bumaba- tas pag-a pag ayaw na ng Mommy ni Kyle tas ayaw niya na pumunta tas maglalaro na kami ng laruan ni Kyle, lutuan.


Gusto ko maglaba paglaki, tsaka mag-dryer. Takot ako sa gagamba na lumilipad. Tsaka ayaw ko niwe-wake up pag tulog ako. Inaantok ako pag tulog pa yung iba pag wala akong pasok e. Nakalimmutan ko pang sabihin yung ano yung pumunta kaming SM tas sumakay kami ng roller coaster, tas tinaas ko yung kamay ko tsaka nagtatablet kami. Okay, okay, okay.


Kaya kong magdrawing ng number 1 tsaka number 7, number 5, number 8, number 3. Tsaka number 4! (Magbilang ka.) No! Not again! (Anong favorite mong palabas?) Ahh, finesferb (Phineas and Ferb) tsaka sabi nung ano. Si Perry, may blue tsaka green. May blue at green. La la la-la-la-la, it's so wrong. 


Ang favorite kong color, pink, orange, sandali, sandali. Pink, purple, blue, green, red, orange, di masyado pink, di masyado blue, tsaka di masyado red, tsaka di masyado black, tsaka ginawa kong princess yung toy ko, tsaka socks to e (Ipinakita niya sa akin ang kanyang laruan.).


(Ano yung tinupi mo kanina?) Lots some lots some lots some damit. Pangarap kong magluto!"

22 June 2013

Malaki sa Maliit

click ]

Mababasa mula sa artikulo kung gaano kahalaga sa isang sanggol na may edad na isang taon at kalahati ang pagkatuto ng kanyang wika. Importante sa sanggol na ito ang patuloy na pakikipag-usap sa kanya ng kanyang mga magulang. Mula sa pakikipag-usap na ito'y maririnig ng sanggol ang mga basic na tunog ng mga patinig at katinig ng kanyang magiging pangunahing wika. Binanggit pa sa artikulo na hindi pinapansin ng sanggol o balewala sa kanya ang mga naririnig ng tunog na hindi naman likas sa wika ng kanyang mga magulang o sa wikang kanya nang nakagisnan. Hindi lamang mga tunog at kung paanong bigkasin ang mga salita ang natututunan ng sanggol kundi pati na rin ang grammar at bokabularyo ng kanyang magiging wika. Maaaring isiping madali nang mauunawaan ng isang sanggol kung tama ang pagkakabuo ng isang payak na pangungusap at kung mali rin ang pagkakabigkas ng isang salita. Hindi pa man direktang nakapagsasalita at nakabubuo ng mga salita, ni parirala at pangungusap ng kumpleto o may diwa ang isang sanggol, unti-unti nang natututunan ng kanyang utak ang mga tama at mali sa kanyang wikang kinagigisnan.

Napakagandang isiping kahit sa pinakamaliliit na detalye ay nauunawaan na ng isang napakaliit na sanggol ang kanyang  mga naririnig. Halimbawa na lamang, mula sa mga eksperimento at resultang ipinahayag sa artikulo, napansin ng mga sanggol ang pagpapahabang ginawa sa pagbigkas sa isang napiling salita. Pinapatunayan lamang nito kung gaano kadaling matuto ang utak ng  isang sanggol. Marahil ay kung susubukan na sa matatanda ang ganitong uri ng eksperimento gamit naman halimbawa ang dalawang halos magkasintunog na mga salita, kagaya ng nabanggit sa artikulo, mahihirapan sila. Mas madaling matututunan ng isang bata ang isang wika kaysa sa isang matanda. Maaaring responsibilidad iyon ng isang bahagi ng utak ng isang bata na mayroon pang kalakasan o masiglang-masigla pa kung kaya't mas madali ang pagkilala sa mga mali at tama sa kanyang natututunang wika.

20 June 2013

Talo Nga Ba?

"Ang pagmamapa ng mga kapangyarihang kolonyal ng daigdig ay pagtatangka rin ng pagmamapa ng kaisipan ng mga sinakop."


-- Sila na mga nagtangka at nagtagumpay sa pagsakop, ay hindi lamang lawak ng teritoryo ang nais na mapa sa kanila. Hindi lang din mga lantad na nais tulad ng mga hilaw na sangkap at "paglilinis" nila sa mga katutubo dahil hindi raw "sibilisado" ang mga ito. Habol din nilang maging sila tayo, nang hindi man lamang natin namamalayan. Hindi naman nila magagawang maging kalahi na lamang nila bigla ang kanilang mga kolonya kaya't idinaan na lamang nila sa paghubog ng mga kaisipan ng mga katutubo na tangkilikin ang kanilang lahi upang naising maging katulad nila, at sa mas malala pa'y hangaring maging dayuhan na talaga.

Halimbawa na lamang ng mga Espanyol na unang dumating sa mga isla ng Pilipinas. Noong una'y pinlano nilang huwag ituro sa atin ang kanilang banyagang wika sapagkat natatakot ang mga kolonisador na malaman ang kanilang tunay na mga pakay. Bagkus, inaral nila ang mga katutubong wika saka nila itinuro ang kanilang relihiyon. Nagkaroon ito ng epekto sa mga katutubo na kuwestiyunin kung bakit ibang wika ang ginagamit ng mga nagtuturong prayle at namamahala pang iba sa kanilang mga lugar. Tinawag pa silang Indio noon ng mga Espanyol. Maaaring magkaroon ito ng bisa sa mga katutubo na mas mataas ang wika ng mga mananakop kung kaya't aangat lalo ang pagtingin nila sa banyagang mananakop. Mag-iiba ang tingin sa sarili, magiging mababa, at maghahangad na pumuti at maging tulad ng isang Espanyol para makaangat sa ibang kanyang kalahi.

Ano naman ang ginawa ng mga Amerikano? Naiiba ba ang ginawa nila dahil lang sa kabaligtaran ang ginawa nila mula sa ginawa ng mga Espanyol? Kung aalalahanin natin, itinuro ng mga Amerikano ang Ingles sa mga Pilipinong sabik naman sa edukasyon. Muli, sa pamamagitan ng wika, inatake na naman ng mananakop ang diwa ng mga Pilipino. Unti-unti nilang sinubukang gawing mga "Amerikano" ang pag-iisip ng mga Pilipino gamit ang wikang Ingles, gamit ang edukasyon. Ang mga bagay na itinuro noon sa kanilang mga pampublikong paaralan ang nagsilbing bagong mga konsepto, na hindi naman halos lahat mauunawaan nang lubos ng mga Pilipino. Nasa wikang banyaga na nga, dayuhan pa ang mga konsepto. Nagkaroon man ng lantad na hangarin ang mga Amerikano na "inihahanda" lamang nila tayo para sa pagdating ng panahong iiwan na nila tayo, inihahanda na pala nila tayo maging mga Amerikano.

Nakaalis man ang mga mananakop, nananalaytay pa rin sa diwa ng karamihan sa mga Pilipino, na naipapasa pa sa sunud-sunod na mga henerasyon, ang kalapastanganan nila sa ating napakaganda sanang kultura. Hindi man nagtagumpay ang ninais nilang mapa ng kanilang teritoryo, mababakas pa rin ang mapa ng kanilang mga ideolohiya.

24 May 2013

Spoilers

Mga putang inang walang awa na nagpopost ng latest chapter ng Naruto. Pa'no yung mga naghahabol? E mga tarantado pala kayo e, mga sabik sa atensyon, masabi lang na nasa latest sila at makapagyabang. Gago kayo, mga gago kayo. Pati yung nagpost ng picture nung mother sa How I Met. Hinayupak. Alam niyo yung binibuild na tension ng creators, tapos may mga naghahabol, tapos masspoil lang? Puke ng ina niyo na pagkakapal ng bulbol. Updated naman ako pero inaalala ko lang yung mga naghahabol. Dumadaan sila ngayon sa mga nadaanan na natin. Malayo na tayo. Malayo na ang naabot natin. Hayaan nating iparamdam sa kanila yung naramdaman din natin. Kapwa tayong fans. Huwag nating sirain yung nagkakaisa sanang damdamin. Huwag kupaloids para lang sa atensyon. Itaas natin nang maayos yung mga hinahangaan natin, hindi lamang ito papuri para sa kanila kundi maging pagtanaw rin sana ito sa mga taong nagsisimula pa lamang kilalanin, o hindi pa lubos na kilala ang mga kinahihiligan natin.

04 May 2013

FlipTop - BLKD vs Gin

Round 1

BLKD

Unang round mo pa lang, alam ko nang akin ang panalo. Ba't hinahanapan mo 'ko ng kanta, nasa song writing contest ba tayo?

Isang buwan kang naghanda para sa araw na 'to pero isang buwan ka lang naman para sa araw na 'to dahil sisikat ka lang naman dahil sa 'king liwanag na humawa. Puwes, lalamunin ko lang 'yang isang buwan mo, bakunawa. Kaya takbo, takbo! Kapag may topak 'to, tiyak lahat, paplakda. Parang Machiavelli, hindi ako weak, kahit isang linggo lang maghanda.

Ano, Gin, kaya pa? Baka napasubo ka lang. Chinecheck ko lang. Baka gusto niyang sumuko na lang kasi nakapagtataka, ano nga kayang tinira nitong bagets na 'to, at naisipan niyang may tsansa siya sa tournament na 'to? Nang ako agad ang makatapat, siya'y napamurang gigil. Ano ba 'yang balat mo sa puwet, korteng pusang itim? 

Kasi ang malas mo, ang malas-malas-malas mo dahil hindi ka lang bagito, isang kang bobong batukan. Ni hindi ka tatapat sa mga tinalo ko nung ako yung baguhan. Si Shehyee? Pandidilatan ka lang no'n, at tatarayan nang bongga. Idadamay iyong nanay, at imaginary mong nobya. Si Mel Christ? Raratratin ka lang no'n ng panlalait para mapasama ka. Sisigaw-sigawan ka, may piyok pang kasama. Si Sayadd naman, balang wika'y halang. Tangkaing palagan, mabibitay ka lang. Ganito ang flow, ang tanong, why naman? Kasi 'yang sulat mo ay pangfreestyle niya lang. 

At ako? Ako ang pantas na matatas kaya 'wag mo 'kong susubukan. Ako ang bangungot ni Freddy Krueger kaya 'wag niyo 'kong tutulugan. Ako'y walang kapares parang guwantes ni MJ. Hindi mo 'ko maaabot parang fade away ni MJ. Bukambibig, nakamamatay, daig ko pa ang nagka-SARS. Nakakatawang ikaw 'tong Gin pero ako ang mas kilala sa bars.

Kaya sa lugar na 'to, at sa istilong 'to, dayuhan ka pa, Gin. 'Wag kang mag-astang mayor sa Maynila, 'wag kang maglalim. Sabi ko, 'wag kang mag-astang mayor sa Maynila, 'wag kang magla-Lim!

Round 2

BLKD

Lahat ng lait niya sa aktibismo, gasgas nang banggitin. Nakakatawang may gin sa originality pero walang originality si Gin. Puwede namang mag-ulit ng anggulo, basta yung bars, hindi basic. Yung sa 'yo kasi sobrang predictable, ano bang apelido mo, Gin? Neric?

I don't judge books by their covers kaso minsan, covers don't lie. Ikaw, literally, figuratively, hindi mo 'ko abot, go try. 'Di ka na lalampas sa basic, kahit mag-aral ng ComSci. Sa liit mong 'yan, obvious nang family tree niyo, bonsai. Pero siyempre, joke lang 'yon, katuwaang pantusta. Sabihin nating giveaway sa ibang judge na baka hirap sa paghusga. 

Hindi ako gano'n kajudgmental. In fact, I never underestimate. Buti pa kuwentuhan ko na lang kayo ng pangmamatang dapat ihate. Alam niyo ba kung ba't isa lang ang laban niyan? Sa Manila pa? Kasi 'ika niya, heavyweights lang ng Maynila ang kaliga niya. Iniwan niya raw ang Mindanao 'cause he can't make a name there. Hindi daw siya swak sa kanyang division so he didn't want to remain there.

Totoo? Feeling mo, magaling ka pa kina Blackleaf, Rudic, G-Spot, at Maxford? Mahiya ka sa balat mo! Tumingin ka sa salamin, face the truth, literal na mahiya ka sa balat mo! Ang kapal mo, at hindi lang sa pagiging artist. Literal na makapal 'yang mukhang mong kutis-Marty's. At eto pa, ultimo mga kagrupo niya, iniwan niya. Hindi na niya binibigyang-pansin, kahit konti. Iniisnob na niya ang Speech kasi hindi daw dope e. You're so wrong, pre.

Kaya may basbas nila ang pagbangga ko sa 'yo, pagbody bag, at pagbaon. Wala akong paki kung sa'n ka nagmula, at kung tagasaan ka na ngayon. Taga-QC na raw siya! Welcome home, bulol. Taga-QC rin ako! Tagaquality control. Sanay ka naman sa ganyang feeling, 'di ba? 'Yang pamatay excitement? Isipin mo na lang, roller coaster 'tong may height requirement kasi ito'y tournament ng mga deserving, tumabi ka muna, at bago ka mangmaliit, lumaki ka muna.

Round 3

BLKD

Kailanma'y 'di ko inangking ako ang future of hip hop. You have NothingElse to blame. Hindi kasi ako katulad ng mga idolo niyong lahat ng titulo, self-proclaimed. Pero guilty rin naman ako, sa pagkukumpara sa 'king sarili sa mga mahuhusay pero tinitiyak kong merong kahit bakas ng pagkatunay. Hindi ako kasinggaling ni Rakim pero pareho kaming naninindigan sa pag-aangat ng hip hop, lampas pa sa paastigan.

E eto? Siya daw ang Filipino version ni Pat Stay, palakpakan. Ang tanong: Saan banda? Nacucurious ako kasi bilang long time Pat Stay fan, naiinsulto ako. 'Di tulad ng kanya, yung content mo, walang structure. Walang hugis, bro. Yung flow at delivery mo, hindi smooth, parang kutis mo. At 'yang boses mo, makabasag-eardrums. Hindi ka mukhang Pat Stay, mukha kang patweetums.

Kaya nga hindi ako bumilib nung unang laban ni punggok. Puro litanya, puro sermon, nakalimutan nang sumuntok. Nagpapakaconscious. Ako pa nga yata ang balak niyang iplease. Feeling mo, hindi ka kabilang sa mga inirereklamo mong wack emcees? Nagger, please!

Ang panata ng tunay na conscious: isip, salita, galaw. Kaya kung hanggang salita ka lang, you can't rep Davao. Kaya 'wag mo 'kong simulan ng beef, chicken lang sa 'kin ang mambaboy. Sanay akong mangaso ng mga tulad mong tupang palaboy. 'Tong mga saling-pusa sa liga, puwede bang pakiban? Walang lugar ang alagang bakuran sa gubat kong kaharian. In other words, sa vet ka lang. Nakakatawang ikaw ang Gin, pero battles ko ang pambasag, pet ka lang. Ako'y may braso ng oso, panga ng pating, at kamandag ng viper. Sa malapitan, ako'y tesla coil, sa malayua'y, ripleng sniper. Ako'y may liksi ng cheetah, sipag ng kalabaw, at asinta ng lawin. Supercomputer aking isip, black box ang damdamin. Kaya ang panonood sa 'king bumattle, ibang thrill 'yon. Ako'y halong halimaw at makina, Evangelion.

Pero 'wag na kayong magtaka kung atake ko, parang iba. Pang-FlipTop ang stratehiya ko, sa Isabuhay, taktika. Kaya kung napasobra sa physical jokes ang aking pagbira, gusto ko lang ipamukha sa 'yong
shortcut lang kita.

28 April 2013

Mula sa Dalawang Diksiyonaryo

Diksyonaryong Sentinyal ng Wikang Filipino (2011)

            Ang diksyonaryong nakuha ko mula sa Komisyon sa Wikang Filipino ay ang kanilang pang-ika-75 anibersaryong edisyon. May paunang mensahe sa simula si Pangulong Benigno “Noynoy” S. Aquino III na dahil daw sa multi-etniko at multi-kultural ang Pilipinas ay napakagandang ang diksyonaryong ito ng wikang Filipino ay nagbigay halaga sa lahat ng wikang umiiral sa buong kapuluan ng ating bansa mula Batanes hanggang Jolo. Tinawag niya pang Wikang Panlahat (lingua franca ng Pilipinas) ang wikang Filipino. Ibig sabihin, ang diksyonaryong nailimbag ay para sa mga taong marunong na ng Filipino, o nakapag-aral na at nakapagsasalita na ng Filipino. Nang tiningnan ko na ang bahating Daglat ng diksyonaryo, ito ang aking nakita:

            1.2 Mga diyalekto at wika
           
            Badyaw                                  Palawan
            (Bk.) Bikol                              (Png.) Pangasinan
            Bontok                                   Samal
            (Hlg.) Hiligaynon                  (Seb.) Sebuano
            Ibaloy                                     Sisang Siasi
            (Ig.) Igorot                              (S-L) Samar-Leyte
            (Ilk.) Ilokano                          Sulu
            (Is.) Islam                               (Tg.) Tagalog
            Isneg                                      Tawi-tawi
            Ivatan                                     (T’boli) Tiboli
            Kankanay                              Tagbanwa
            (Kpm.) Kapampangan         Tingguian
            Kinaray-a                               (Tau.) Tausug
            (Mar.) Maranao                     (Tir.) Tiruray
            (Mgd.) Maguindanao           (Vis.) Visaya
            Palawan Agta

            Una sa lahat, mukhang hindi malinaw para sa kanila ang pagkakaiba ng diyalekto at ng wika. Hindi ba’t ang wika’y mas malaki ang nasasakupan kaysa sa diyalekto bilang din namang ang diyalekto ay mas maliit na bahagi lamang ng isang wika. Paano na lamang kung hindi pa gaanong maalam sa wika ang gagamit ng kanilang diksyonaryo? Kahit na sabihin nating kung nasa opisina lamang nila o nasa College of Law ng UP Diliman lamang makikita ang diksyonaryo nilang ito, dapat ay maaari itong basahin ng kahit  sinumang taong matatas sa Filipino kahit na hindi siya nagme-major sa larangang nabanggit. Paano na lamang malalaman ng isang Engineering Major o ano pa mang major ng agham na larangan kung alin sa mga nakalista sa ibabaw ang diyalekto at kung alin ang wika? Ni hindi nga siguro nila alam kung ano ang pagkakaiba ng dalawa. Madali lang naman sigurong ilagay sa ilalim halimbawa ng wikang Palawan ang diyalektong Palawan Agta.  Mas maigi rin sana kung inihanay nila sa tatlong malalaking isla ng Pilipinas ang pagkakategorya ng mga wika (Luzon, Visayas at Mindanao).

Ikalawa, kung gagawin naman nila iyong paghahanay sa tatlong malalaking isla, lalong lilitaw ang kanilang kakulangan nila sa kaalaman tungkol sa mga wika ng Pilipinas. E hindi lang gaganyan kakakaunti ang mga wika ng Pilipinas. Hindi pa umaabot sa kalahati ng totoong dami ng wika ng Pilipinas ang kanilang inilista. Nasaan na halimbawa ang mga wikang Ibanag, Itneg, Romblomanon, at Waray? At hindi ba’t maraming ring diyalekto ang bawat malalaking wika tulad ng Ilokano, Bikolano at Tagalog? Nasaan ang mga ito? Maling sabihin sa simula pa lamang ng diksyonaryo na lahat ng wika ng Pilipinas ay makikita o nasaliksik nila para sa ilalagay na mga lahok. Maaari naman sigurong ilagay na lamang na lahat ng lingua franca sa malalaking etno-lingguwistikong grupo ay nailagay nila. O lahat ng malalaking wika ng malalaking etno-lingguwistikong grupo ay nasaliksik nila. Ngunit maaari lamang sila madali dahil sa konsepto pa lamang ng laki. Mas maigi na siguro ang paggamit na lamang ng tungkol sa lingua franca. Papaano na naman iyon e Hiligaynon nga, wala sa kanilang listahan.

Ikatlo, para sa bahaging ito, hindi lahat ng lahok ay nilinaw kung saang wika o diyalekto sila nanggaling. Paraan ba ito ng pagsasabi na hindi naman na nila kailangan pang ilagay kung anong wika ang pinagmulan ng isang lahok para mas lalong tumibay ang pagtingin sa wikang Filipino bilang wikang ibinase sa maraming wika ng Pilipinas ngunit kailangang tingnan bilang para sa lahat? O halos lahat ba sa kanilang mga lahok ay nanggaling sa wikang Tagalog kaya hindi na lang nila nilagay ang wikang pinanggalingang wika bilang din namang malaking porsyento ng Filipino ay Tagalog? Maiintindihan ba agad ng mga mambabasa iyon? O napakalaking porsyento ng bilang ng mga lahok ay nanggaling sa wikang Tagalog? Kung galing nga sa Tagalog, bakit hindi pa rin nila inilagay katabi ng salita gayong nasa mga dagli ang Tagalog (Tag.)? Paano na lamang ang mga wikang nanggaling sa wikang Espanyol na matagal nang ginamit ng mga Tagalog at hindi nila alam na banyaga pala ang etimolohiya ng salitang iyon? Mahalagang maipalam sa mga gagamit ng diksyonaryo ang pinagmulang wika ng isang salita kung sasabihin lang din naman nila sa simula na multi-etniko tayong bansa. Hindi ito pag-aangat ng konsepto ng rehiyunalismo o pagkakaroon ng pagkakaiba-iba kahit na nasa ibang bansa tayo at may mga nagkakatagpong mga ideolohiya. Bagkus, ang simpleng paglahad lamang ng pinanggalingang wika ng isang salita ay mabisa nang pagkilala sa wikang iyon, para malaman niyang may naiambag siya sa pambansang lingua franca, at iyon ay kung nais nga nilang patingkarin na pambansang effort ang pagbuo at paglinang sa wikang Filipino. Hindi ba’t hindi gaano kagandang makitang nailagay sa diksyonaryong iyong binabasa ang isang salitang taal sa iyong bayan, kung hindi rin man lang iaacknowledge ang pinanggalingan nitong wika, samantalang ang ibang salita naman ay nalalagyan? Hindi ba nila naisip na hindi naman lahat ng Pilipino ay alam kung Tagalog nga ba nagmula ang isang salita o Sebuano o Waray? Narito ang halimbawa ng isang lahok na may nakalagay na pinagmulang wika (Note: Nahirapan akong maghanap ng salitang ganito. Halos lahat kasi ay walang inilagay na pinagmulang wika.):

gu.sôk (Bk., Hlg., S-L., Sb., Tau.) png. Tadyang.

 Magandang bagay naman ng paglagay nila para sa salitang ito. Marami naman sigurong hindi nakaaalam ng salitang gusok ngunit bilang tadyang ang kahulugan ng salita ay malamang sa malamang ay alam ng mga Bikolano, Hiligaynon, taga-Samar at Leyte, pati na rin ng mga Tausug ang salitang ito. Bahagi ito ng katawan at hindi naman siguro maaaring hindi nila alam ang ibig sabihin ng gusok dahil sa wika nila mismo ito kinuha. Marami bang gumagamit ng salitang gusok? O tadyang pa rin ang madalas pa ring gamitin? Pasimple lamang ba ang paglalagay nila ng lahok na ito? Basta lamang ba iniligay nila ang salitang ito para lamang masabing bahagi ng paglinang sa wikang Filipino ang mga wika ng Bikol, Silangang Visayas at Timog Mindanao? Hindi kasi makikitang mabigat ang pakitungo nila sa pagsasabi nila sa unang bahagi pa lamang ng diksyonaryo na para sa maraming wika ng Pilipinas ang Filipino na sinaliksik nila para rito. Lubhang kakaunti lamang ang bilang nga mga ganitong lahok. Halos lahat ay walang ganitong paglalagay o paglilinaw, o maaari ring napakalaking bahagi ng kanilang diksyonaryo ang wikang Tagalog. Kung ilalagay nila ang ganitong paglalahok, bakit hindi nila gawin sa Tagalog? Mga Tagalog lamang ba ang alam nilang pinakagagamit ng kanilang binuong aklat? Hindi naman kasi lahat din ng salita ay taal lamang sa Tagalog. Halimbawa na lamang sa lahok nila na guniguni:

gu.ní.gu.ní png. 1. Pagbubuo ng mga larawang pangkaisipan o mga palagay tungkol sa mga bagay na hindi naman tunay na nangyayari. 2. Kapangyarihan  ng isip na bumuo ng gayong larawan at palagay. 3. Bunga ng imahinasyon; palagay o anumang likha ng pag-iisip na karaniwan ay walang batayan at hindi nakikita. –gu.ni.gu.ni.hin, ma.gu.ni.-guni pd. laman ng guniguni idy. Nasa isip. –wala sa guniguni idy. Hindi man lamang nagugunita o naiisip. sk: imahinasyon, hinagap, haraya.

 Una, para sa bahaging ito, ayon muna sa UP Diksiyonaryong Filipino: Binagong Edisyon (2010) na ang salitang guniguni ay nanggaling o ginagamit na noon pa sa mga wikang Aklanon, Kapampangan at Tagalog. Kita-kita ang kakulangan sa kaalaman ng mga gumawa ng diksiyonaryo tungkol sa mga wika ng Pilipinas. Pangalawa, gusto ko sanang kumentuhan ang tungkol sa kanilang pagbabaybay. Kung gagamit ka pa lamang sa simula ng iyong lahok ng ibang simbolo, halimbawa sa kasong ito sa simbolong i, para magkaroon ng emphasis sa pagbigkas, bakit sa bahaging gunigunihin, maguniguni, etc., ay hindi na isinaalang-alang ang tamang simbolo/titik? Maganda na sana ang ipinakitang mga gabay sa paggamit ng diksiyonaryo na isinulat sa may bandang unahan, katulad na nga ng nabanggit na tungkol sa tamang pagbigkas ngunit bakit hindi na naging masinsin ang paggamit sa tamang simbolo para sa tamang pagbigkas? Isa pang napansin ko ay ang pagkakaroon ng gitling sa bahaging maguni-guni. Bakit hindi rin masinsin ang paggamit ng bantas para sa mas mapagkatitiwalaang baybay? At  isa pa, mula naman sa halimbawang pangungusap mula sa sinusuring lahok, nagkaroon ng pagkakamali sa sulat na Waka imbes na Wala ang nakasulat. Wala bang nagproofread ng kanilang diksiyonaryo? Sana’y ginawang malinis man lamang nila ang pagsusulat bilang pang-anibersaryo nila itong edisyon. Palalampasin lang sana itong maliit na bagay na ito kung mga Pilipino lang ang gagamit, ngunit papaano na ang mga banyaga? Kinakailangan pa ba nilang hanapin ang salitang waka para lamang mapagtanto nilang baka typographical error lamang ito para sa wala para magkaroon na ng diwa ang ginamit na halimbawang pangungusap? Ang isang diksiyonaryo ay nararapat lamang na maging isang reference material na kung gagamitin ay mabilis at madalian para sa mambabasa o nananaliksik. Hindi na nito kinakailangan pang nililito ang gagamit sa kanya. Kahit na maraming salita pa ang nakapasok bilang mga lahok sa kanyang bawat pahina, hindi dapat maging abala ang baybay, pagbigkas, at iba pang mahahalagang detalye para sa gumagamit.

Narito ang isa pang halimbawa ng lahok mula sa Diksiyonaryo ng KWF:

i.a.bot [abot] pd. Ibigay sa pamamagitan ng pag-aabot.
ang bote ng patis.>


Isang rule ang pinaalala sa amin ng aming guro na hindi dapat maging bahagi ng kahulugan ng isang salita ang mismong salita. Sa halimbawang ito pa lamang ay malilito na ang gumagamit ng diksiyonaryo. Sayang lamang sa espasyo ang lahok na mga katulad nito. Inilagay ko naman ang aking sarili bilang baguhan sa wika kaya sinubukan ko na ring puntahan ang sinasabi ng diksiyonaryo na [abot] na dapat kong puntahan:

1a.bot png. 1. Lawak, laki, sakop ng anuman. 2. Ang pagbibigay sa pamamagitan ng kamay. 3. Pagkuha, pagdaiti, o paghipo sa pamamagitan ng dukwang; nakaunat na kamay, sungkit, atb. 4. Ang nasasakop ng isip, pang-unawa o kaalaman. pag.a.a.bot, ta.ga.a.bot png. a.bu.tan, a.bu.tin, i.a.bot, ma.a.bot, mag.a.bot, u.ma.bot pd. a.bot-a.bot pr. sk: 1. saklaw; kaya

           Kapag hindi na ginamit ang kamay, hindi na abot ang tawag doon? Paano kung naiabot gamit ang paa? Marami pa namang gumagawa ng ganoon sa bahay, lalung-lalo na ang mga nanay. Ano ang gagamiting salita kapag nagkagano’n? Pagbibigay ba talaga ang salitang abot? Paano kapag tinanong ako ng isang kong kaibigan kung abot ko ang isang bagay? Kailangan ko pa ba itong ibigay sa kanya? Hindi. Ang abot ay kung kayang mahawakan o mahipo ng kahit na anumang bahagi ng katawan ng tao ang isang bagay, kung sa literal na abot ang pag-uusapan. Hindi gaanong nakatulong ang [abot] na inilagay sa lahok na iabot para sa mas tiyak na kahulugan. Lalu lamang malilito ang gumagamit ng diksiyonaryo, lalo na kung hindi siya isang native speaker ng Filipino. Maigi siguro kung inihanay sa pandiwa ang salitang abot at inilagay sa ibaba ang mga maaaring gamiting panlapi. Iba rin naman kasi ang pakahulugan kapag umabot na, bilang ang abot rito ay ang pagdating o pagsapit. Maaaring mag-iba ang pinakakahulugan ng salita base sa ginamit na panlapi sa salitang-ugat, lalung-lalo na sa mga pandiwa.
      
      Ikaapat, kung babalikan na ang nauna kong tinatalakay tungkol sa mga wikang isinama sa diksiyonaryo, paano na lamang ang mga lahok na nasa wikang banyaga? Hindi naman din sila naglagay ng Ingles ni Espanyol sa kanilang listahan. Alam ba talaga nila ang esensya ng iba’t ibang wikang nakapaloob sa isinusulong na wikang Filipino sa bansa na base sa maraming wika? Hindi lamang kasi wikang taal sa Pilipinas ang kasama sa Filipino ngayon kundi pati na rin ang mga banyagang wikang nagkaroon na ng malaking epekto sa ating kultura gaya na lamang ng mga wikang Ingles, Espanyol at Intsik. Hindi nalilimitahan sa wikang Filipino, patuloy itong nagbabago, at sa patuloy na ginagawang paglinang sa pambansang lingua franca ay hindi sana malimutang kilalanin ang mga wikang nag-ambag, kahit na sinabi pang inangkin na natin ang mga ito. Tanggapin ng mga leksikograpo na wala nang purong wika, ngunit kailangan pa ring alalahanin ang mga salitang naging pundasyon ng isang wika.
       
     Magandang bagay naman na isinama nila ang mga gabay tungkol sa pag-uulit ng pantig. May mga salita kasing mukhang inuulit ngunit kapag tinanggal na mula sa anyong ito ay nagmumukhang wala namang kahulugan ang salitang naiwan na parang salitang-ugat. Tungkol naman sa pagbabaybay ng mga salita may vowel clusters halimbawa na lamang sa mga katagang piyano, pyano at piano, tatlong variants ng baybay ang ipinakita nila bilang paglilinaw sa mga maaaring pagbabago sa salita kapag inaadapt na ng naturang pagbigkas ng isang wika. Mabuting isinama nila ito sa diksyionaryo upang hindi malito ang gumagamit sa mga batas ng pagbabaybay sa wikang Filipino. Kaakibat na rin nito ang mga gabay tungkol sa mga pagbabagong morpoponemiko sa wikang Filipino na hindi naman naituturo nang masinsinan sa elementarya o iba pang mga kurso sa kolehiyo, pati na rin ang kasaysayan ng ortograpiyang Filipino bilang mas makatutulong na mapalinaw ang sistema ng ating pagsulat.
       
     Ipinagtataka ko lamang kung bakit kinakailangan pa nilang ilagay ang dami ng kanilang lahok mula sa pinanggalingang edisyon patungo sa kanilang edisyon na ito. Hindi naman siguro ito magagamit ng mga maghahanap lamang ng mga kahulugan. Ito ba ay para mas mapagkatiwalaan ng tao ang kanilang libro dahil sa sinasabi nilang signipikanteng dami ng dagdag sa kanilang mga lahok? Ang kailangan lamang nila ay mas lubusang pag-eedit impormasyon lalung-lalo na sa mga maliliit na detalye. Kailangan din nilang pagtuunan pa ng pansin kung makalilito lamang ba ang isang lahok na makatatagpo ng gumagamit.

UP Diksiyonaryong Filipino: Binagong Edisyon (2010)

            Katulad ng Diksiyonaryong Sentinyal, ang UP Diksiyonaryong Filipino ay may pagpapahalaga rin sa mga katutubong wika ng Pilipinas. Nang aking silipin ang listahan ng mga dagli ay nagulat ako sa dami ng wikang isinama nila ngunit magkahalong mga emosyon liban sa pagkasindak ang nagpaisip sa akin. Una, natuwa ako sa mukhang kumpleto o mas matinding pananaliksik na ginawa para sa mga wikang nakapag-ambag na sa Filipino. Maraming wika ang nanggaling sa Luzon, sa Visayas pati na rin sa Mindanao. Nariyan din ang mga wikang Ingles at Espanyol pati na rin halimbawa ng Hapon at Italyano. Hindi lamang matututo ng kahulugan ang mga gagamit ng diksiyonaryo kundi magkakaroon pa sila ng maliit na bahagi ng kasaysayan ng salitang isinama. Maganda bagay sana rin kung nagsama pa sila ng mga diyalekto ng malalaking wika dahil may mga salitang ginagamit sa isang diyalekto ng isang wika ngunit wala sa isa pa. Hindi na nila pa siguro isinama pa ang mga diyalekto dahil magpapahaba lamang ito sa magiging espasyo para sa lahok. Ang ikinabahala ko lamang ay nakapaloob din sa listahan ng mga dagli ang mga kaalamang siyentipiko, halimbawa ang Zoology at Botany, na nakapaloob din sa listahan ng mga dagli. Mas maganda sana kung ikinategroya rin nila ang mga dagli para mas madaling malaman kung anong bahagi ang nakapaloob sa lahok. Ngunit nang silipin ko naman ang lahok ay nalaman kong hindi naman pala nakapaloob sa panaklong na [ ] ang Zoo, Bot, etc. Magandang bahagi ito ng lahok bilang dagdag na impormasyon tungkol sa mga salita.

Mabuti ring detalyadong kumpleto ang gabay na mga isinulat para sa paggamit ng mga diksiyonaryo. Katulad na lamang ng mga varyant na maaaring makatulong sa mga maaaring pagkalito sa pagbabaybay gayundin sa mga salitang inayos ang tamang pagbibigkas. Magandang bagay na isinama nila ang lahat ng posibleng pagbigkas sa isang lahok. Sa bawat varyant ng pagbigkas ay nagkakaroon kasi ng bagong salita. Kapuri-puri ang masinsinang paggamit ng mga tamang simbolo para sa ganap na pagbigkas. Ang pagbigkas na mga ito ay nakapaloob sa mga panaklong ( ) bilang hiwalay na makita mula sa ganap namang baybay ng lahok.  Mayroon ding mga pagbigkas na diretso nang nakasama sa lahok mismo. Ang mga nakapaloob sa mga panaklong ibig sabihin ay malaking tulong sa mga salitang posibleng hindi alam ng gumagamit ang bigkas. Nilinaw rin sa mga gabay na may mga hiram naman talagang mga salita ang wikang Filipino, kaya nga pagdating sa dagli ay may mga isinamang banyagang wika.

Nang pasadahan ko na ang mga lahok ng nasabing diksiyonaryo, halos lahat ng mga salita ay mayroong pinanggalingang wika. Napakamabuting malamang hindi lamang pala sa Tagalog mayroon ng mga ibang salita. Itinuro pa ng diksiyonaryo na mayroong pagkakahawig sa mga wika ng Pilipinas. Naituturo sa kamalayan ng gumagamit na magkakaugnay ang mga wika ng Pilipinas na hindi dapat magkaroon ng ibang pagtingin kapag hindi Tagalog ang napakikinggan. Dapat mas lalong maunawaan ng mambabasa na magkakapantay ang mga wika at hindi dapat bumababa ang pagtingin sa hindi Tagalog. Hindi na lamang kahulugan ang maaaring mapulot ng gumagamit sa diksiyonaryong ito kundi iba pang makabuluhang impormasyon tungkol sa wika at sa mga wika ng Pilipinas.

Dahil sa dami ng wikang isinama sa diksiyonaryong ito ay lalong nagmultiply ang dami ng lahok. Mabuti pa ito o masama para sa espasyo? Makabubuti naman ito sapagkat nakapagpapakilala ng bagong wika, ibig sabihin ay bagong mga salita, ang diksiyonaryo sa mambabasa kahit na sabihin nating patungo lamang siya sa isang lahok. Hindi malayong maraming-maraming salita siyang mapapasadahan dahil sa tatlong column ng mga lahok. May mga lahok ding katulad ng abokado at avocado na mahahalatang magkalayo kung hahanapin pa. Nasa lahok na abokado ang kahulugan ng dalawa dahil sa idederetso ka ng lahok na avocado sa abokado. Maling bagay ba ito na nakasasayang lamang ng espasyo kung halos magkasingbigkas at magkasingbaybay lamang ang dalawang salita? May mga salita nga na pareho ng baybay ngunit ibahin lamang ang bigkas ay magkakaiba at malaki na ang pagkakaiba sa kahulugan. Mabuti na sigurong isinama nila pareho ang dalawang lahok na ito para sa mga nakaaalam baybay sa Ingles. Maaari rin itong makatulong sa mga banyagang nag-aaral pa lamang ng wikang Filipino. Ngunit magmumukha ba itong kasayangan sa espasyo kung binanggit ko ang tungkol sa isang bilingual dictionary? Bakit napakadami ng ganitong halimbawa gaya na lamang ng abortionist at abortionista? Binabasag na ba ng diksiyonaryong ito ang mga papel ng isang bilingual dictionary? O minimithi na rin nilang pagsabayin ang dalawa sa iisang reference material? Maraming salita na kasi na nanggaling sa Ingles ang maaari namang makuha ang kahulugan sa isang Ingles na diksiyonaryo o kaya naman ay kung patungkol pa man ito sa Zoology o Botany ay mayroong iba pang reference material tulad ng almanac at encyclopedia. O sinusubukan ding maisama sa diksiyonaryong ito ang mga katangiang taglay o impormasyong pinagtutuunang pansin ng ibang reference material? Ang mga ganitong malalaking pagsakop ba ng espasyo sa iisang reference material ay maaaring tingnan bilang pagtitipid na rin sa mga maaari pang buuing materyal? O mas maiging gumawa rin ng ibang reference material sa wikang Filipino para lamang makatipid sa espasyo ng diksiyonaryong bubuuin?

Nagmukhang masikip man o paulit-ulit ang mga salita para sa gagamit na Pilipino ng diksiyonaryong ito (kung hihinalaing edukado ang gagamit at marunong ng Filipino at Ingles), maganda bagay pa rin naman ang pagiging siksik ng mga lahok sa detalye, kahit sa maliliit at mga makabuluhang impormasyon.



Mga diksyunaryong sinuri:

UP Diksiyonaryong Filipino: Binagong Edisyon. UP Sentro ng Wikang Filipino – Diliman.
Anvil Publishing Inc. 2010.

Diksyonaryong Sentinyal ng Wikang Filipino: Pang ika-75 na Anibersaryong Edisyon.
Komisyon sa Wikang Filipino. 2011.

21 April 2013

Stative Verbs & Dynamic Verbs

Stative Verbs

Ang papel na ito ay nais sanang talakayin, at susubuking kuwestiyunin ang ikalimang kabanatang may pamagat na Verbal Classification in Filipino: Dynamic vs. Stative. Nilinaw ng artikulo na nagkaroon na ng iba’t ibang pag-aaral tungkol sa mga pandiwa na humantong sa pagkakaroon ng klasipikasyon sa mga ito. Mula sa case study ni Blake noong 1906 hanggang sa syntactical derivation study ni De Guzman noong 1978, ang iba man ay kumplikado, nakatulong umano ang mga tarok ng isip mula sa mga pag-aaral na ito sa pagpapasimpleng bumuo ng klasipikasyon ng mga pandiwa ang may-akda. At iyon na nga ang Stative at Dynamic verbs. Inunang talakayin ng akda ang tungkol sa mga stative verb na nauukol sa kondisyon. Mula sa walong klase, gusto ko munang talakayin ang unang dalawa. Pumili ako ng isang halimbawang maaaring bigyang-suri mula sa unang klaseng (1) mga pandiwa na nauukol sa pagbabago ng condition o pagiging:

            10. Naging maliwanag ang paningin niya.
            ‘His/Her vision became clear.’

            11. Naging prinsipe ang palaka.
            ‘The frog turned into a prince.’

           
Nilinaw sa mga paliwanag na nagkaroon ng pagbabago sa kalagayan ng paningin ng nauna, at pangangatawan at hitsura ng sumunod. Nagkaroon ng pagdidiin sa pandiwang naging bilang pagpapaalala na ito ay para lamang sa unang klase. Nagbago ang paningin. Nagbago ang pangangatawan ang hitsura. Nagkaroon diumano ng pagbabago sa kondisyon o becoming, tulad ng isinasaad ng artikulo na kahulugan. Ngunit tingnan naman natin ang mga halimbawa ng ikalawang klase (2) Destructive Verbs, na isang klase ng pandiwa na nagtatanda ng pagkagunaw o pagkawasak sa pamamagitan ng insekto, ng natural na puwersa, o ng aksidente, o sa madaling salita ay mula sa isang normal na kalagayan patungo sa pagkasira. Narito ang ilan sa mga halimbawang ginamit:

            15. Kakalawangin ang kutsara kung ibabad sa suka.
            ‘The spoon will turn rusty if it is soaked in vineger.’

           
16. Nagiba ng bagyo ang bahay.
            ‘The house was destroyed by the storm.’

           
Simpleng-simple. Nasira ang kutsara. Nasira ang bahay. Nagkaroon din ng pagbabago sa kalagayan, tulad ng nauna. Mayroong negatibong epekto, bilang kaibahan, para sa ikalawa. Kung titingnang mabuti, mayroon ba itong ipinagkaiba sa ikalawa? Paano kapag bumuo ng pangungusap na ‘Naging makalawang ang kutsara.’ o ‘Naging sira ang bahay.’? Malinaw na sinabi ng akda na ang kahulugan ng unang klase ay nauukol sa pagbabago ng condition o becoming. Ang ikalawa naman ay nagbago ang kalagayan patungo sa pagkasira. Sa aking mga ibinigay na halimbawa, paano nang maihahanay ang pandiwang naging? Bakit ihiniwalay pa ang Destructive Verbs sa unang klaseng tungkol sa pagbabago naman pala ng kondisyon o becoming? Hindi ba’t ang pagkakaroon ng kalawang ng isang bakal na bagay ay pagbabago rin ng kondisyon kung titingnang mabuti? Ano ang ipinagkaiba nito sa isang halimbawa mula sa unang klase na ‘Nangitim siya sa init.’ na mayroong pagbabago sa hitsura katulad ng pagkakaroon ng kalawang? Ano rin ang pinagkaiba nito sa ‘Namutla siya.’ na mayroong pakiramdam nang may sakit, at kung may sakit ay mayroon ding paunti-unting pagkasira ng katawan ng isang tao, ano pa’t nagmamarka ng pagiging destructive verb nito? May pinagkaiba rin kaya ito sa ‘Nagutom ang pusa.’ bilang pagkasira ng kalusugan? Paano kung sinabing ‘Nawala ang bubong ng bahay dahil sa bagyo.’ na maaaring magsabi ng pagkasira?

Nagbago ang kondisyon. Ito ang kahulugan ng unang klase. Nauukol sa kondisyon naman ang kahulugan ng stative verb. Kapag kinalawang ang isang bagay, hindi naman ito nalalayo sa pagkakaroon ng pagbabago ng kondisyon. Tama lamang na ikinategorya ito sa ilalim stative verb dahil sa nauukol nga naman ito sa kondisyon ng bagay na yari sa bakal ngunit nakalilito lamang isiping maaari itong ihanay sa unang klase (pagbabago ng kondisyon o becoming) dahil sa nagbago nga naman ang kondisyon. Mas mabuti kayang tanggalin na lamang ang ikalawang klase na destructive verbs dahil halos pareho lang din naman ang pinag-uukulan ng mga ito sa unang klase? Mula sa ‘Nabago ang tanawin.’ ng unang klase, magiging destructive pa ba ang ‘Nabago ng lindol ang tanawin.’? Nakabase na lamang ba sa konteksto ng pangungusap ang pagkakahanay ng pandiwa sa kanyang nararapat na klase? O ang pagdidiing ginawa sa mga pandiwa ay nakapaloob na sa kanya mismong kahulugan sa diksyonaryo?

Pareho namang nagbabago ang kondisyon sa dalawa, mayroong pagbabago sa hitsura at ang ibang pandiwa mula sa unang klase ay maaaring gamitin bilang destructive. Mas maigi siguro kung pagsamahin na lamang ang dalawang klase para maging iisa na lamang. Ang ganitong pagmumungkahi ay para sa mas kaunting mga kategorya para maiwasan ang pagkalito kung may mga nagkakahawig sa halimbawa at posibleng sa mga kahulugan

Isa pang klase ng klase ng stative verb na nais kong kuwestiyunin ay ang phenomenal verbs. Base sa artikulo, ang mga pandiwang ito ay may kaugnayan sa kagagawan ng kalikasan, tulad ng pagsikat ng araw, pag-ihip ng hangin at pagkislap ng mga bituin. Narito ang ilang halimbawa:

36. Inulan ang parada kahapon.
‘The parade was rained upon yesterday.’

37. Bumaha ng dugo sa digmaan.
‘There was bloodshed in the war.’


Malinaw naman sa lahat na ang klima at panahon ay dulot o natural lamang na gawa ng kalikasan. Hindi ito mapipigilan. Ngunit paano kung sinabi ko namang ‘Binaha ng bagyong Ondoy ang maraming kabundukan na nagdulot ng landslide.’? Nagkakaroon ba ito ng destructive na katangian dahil sa pagkasira ng lupa? Hindi ba’t dito sa konteksto ng Pilipinas, malimit na nakasisira ang baha, lalung-lalo na kung napakalakas nito? Maaari itong makasira ng lupa, ng mga daanan, ng mga tahanan, dahil lamang sa umaagos nitong tubig. Kapag nagkaroon ng baha, negatibo agad ang konotasyon para sa ating mga Pilipino, marami kasing nasisira o nababalitang nasisira. O mapupunta pa rin ito sa kategoryang phenomenal dahil sa natural namang umuulan kahit na maraming nagsasabing maaaring maagapan ang pagbaha? Maaari rin namang bumaha sa mga lokasyong walang nakatirang tao kaya pupuwede kayang maging natural na sakuna pa rin ang pagbaha?

Hindi naman lahat ng phenomenal na pandiwa ay destructive pero may mga iilan pa ring maaaring isama sa destructive verbs. Maaarin umulan ng acid rain na destructive, maaaring humangin nang pagkalakas-lakas na makapagpapalipad ng mga bubong at makapagpapagalaw ng malalaking tangkay, maaaring umaaraw lang pero pagkainit-init na maaaring makapagpatuyo ng lupa at makasira rin. At papaano pa ang mga pagputok ng bulkan, paglindol at pagbagsak ng bulalakaw galing sa kalangitan na kapwa mga natural na sakuna? Lahat ng mga ito ay destructive at hindi rin naman mailalayo sa pagiging phenomenal. Paano na lamang silang maihahanay? Dedepende na lamang ba ang pagkaklase ng isang pandiwa sa  antas o grado ng pagkasirang idudulot nito? Maaari rin naman kasing bumaha o lumindol ngunit walang nasira. Kaya ba ihiniwalay na lamang ang mga natural na kalamidad para hindi na lamang pag-usapan pa ang antas ng pinsalang maaari nitong dalhin? Nagkakaroon kasi ng pagkakatagpo o pagkakapareho sa ilang mga pandiwa katulad ng mga nabanggit kong halimbawa sa pakahulugan ng destructive verbs. O babalik na naman tayo sa konseptong ang pagkakategorya ng isang pandiwa ay nakabase pa rin sa konteksto ng pangungusap at hindi na lamang sa kanyang kahulugan?

Atin namang pag-usapan ang tungkol sa mental at psychological verbs. Ipinakahulugan ng artikulo na ang mental verbs ay nauukol sa mga prosesong nangyayari sa loob ng kaisipan, tulad ng pagkatuto, pagkaunawa, o pagiging maalam. Isinama pa rito ang pagkukunwari bilang ibang tao ay isa ring mental na proseso. Para naman sa psychological verbs, ito raw ay mga pandiwang may kaugnayan naman sa kalagayan ng mga damdamin tulad ng galit o lungkot. Kapag mayroon ding kinokonsidera ang isang tao na bagay bilang mabuti o madali ay sinasabi ring isang psychological na pangyayari. Nais kong kuwestiyunin ang bahaging ito sapagkat ang sikolohiya ay hindi lamang nalilimitahan sa takbo ng damdamin. Hindi rin naman maitatangging ang mga nararamdaman ng isang tao ay may kaugnayan din sa kanyang mga iniisip. Kaya paanong maiihiwalay ang damdamin o pagkokonsidera ng isang bagay na mabuti sa mga proseso ng kaisipan? Ang sikolohiya ay mayroong malaking sakop kung saan nakapaloob din ang mga mental na proseso. Maaari sigurong palitan ang katawagan ng psychological verbs o kaya naman ay pagsamahin na lang din ang dalawa at ikategorya na lamang bilang simpleng psychological na mga pandiwa bilang nasa ilalim din naman ang mental na proseso sa larangang ito.

Mayroong mga pagkakahawig sa kahulugan. Mayroon ding mga pandiwang maaaring ihanay sa dalawang klase, at depende rin ito sa kung gaano katindi ang nakapaloob sa konteksto ng pangungusap. Hindi malinaw sa mga ibinigay na kahulugan at halimbawa kung ibabase ba ang paghahanay ng isang pandiwa sa kanyang kahulugan o sa kontekstong kanyang kinabibilangan. Ang mga ito ay nagdudulot lamang ng mga pagkalito na maaaring makasira sa nabuong mga klasipikasyon. Magkaroon sana ng mas malinaw o mas detalyadong pagpapakahulugan. Subukan ding gumamit ng ibang bagay bilang object kung magbabago pa ba ang klase ng isang pandiwa. Maaari ring tingnan ang mga posible pang mga halimbawa kung maaaring ihanay o tumutugma ang pagpapakahulugan sa bawat depinisyon ng bawat klase ng stative verb.

Dynamic Verbs

            Kaiba naman sa stative verbs, ang dynamic verbs ayon sa artikulo ay sinasabing mga pandiwang naghahayag ng aksyon. Narito ang ilang halimbawa ng objective verbs (sa ilalim ng dynamic verbs) na sinasabing mga pandiwang mayroon parating direct object o tagatanggap ng aksyon:

4. Magluluto ang nanay ng ulam.
            ‘Mother will cook the main dish.’
           
            5. Kumuha siya ng pagkain.
            ‘He got some food.’


            Kitang-kita naman na tinanggap ng ulam ang aksyong magluluto at ng pagkain ang pandiwang kumuha. Kapag bumuo ako ng pangungusap na ‘Niluto ang ulam.’ o kaya ‘Kinuha ang pagkain.’, objective pa rin ang mga nagamit na pandiwa kahit na walang tagagawa ng kilos dahil meron pa ring tagatanggap. Nakadiin sa tumatanggap ng kilos, hindi man malinaw ang may dahilan, ang mga objective verb. Ngayon, tingnan ang halimbawang kinuha ko naman sa phenomenal verbs (mula sa stative verbs):

            36. Inulan ang parada kahapon.
            ‘The parade was rained upon yesterday.’


            Maaari rin akong bumuo ng iba pang pangungusap katulad ng ‘Binaha ang lungsod.’ o kaya naman ay ‘Hinangin ng bagyo ang bubong nila.’ Ang mga pangungusap na ito ay phenomenal, base sa mga depinisyong inilatag kanina sa mga naunang bahagi at kasabay niyan ay ang pagiging objective. Napapailalim sa dalawang nangungunang klase ng pandiwa mga inihaing halimbawa ng pandiwa. Kapwang mayroong nakapaloob na aksyon at kagagawan ng kalikasan. Paano na lamang sila maihahanay? Maaari bang nasa dalawang pinakaklase ng mga pandiwa sa Filipino ang isang pandiwa? Narito pa ang ilang halimbawa na galing naman sa destructive na klase:
           
16. Nagiba ng bagyo ang bahay.
            ‘The house was destroyed by the storm.’

            17. Tinupok ng malaking sunog ang sambayanan.
            ‘The big fire burned down the whole town.’


            Maaaring pan-stative pa rin ang dating ng mga inilagay kong mga kasunod na pandiwa dahil mukhang wala nga namang nangyaring aksyon ngunit mayroon pa ring mga tumanggap ng kilos. Tinanggap ng sambayanan ang tinupok at ng bahay ang nagiba. Kung malinaw sa mga pangungusap na mayroong aksyon at mayroong tumanggap ng aksyon, maaari kayang ihanay ang marami sa destructive verbs sa ilalim ng objective verbs? Masisira ba nito ang binuo pang dalawang magkaibang klase ng mga pandiwa (stative vs dynamic) kung maaaring ihanay sa dalawa ang ilang salita? May malaki bang pagkakaiba ang ‘Kinagat ang burger.’ at ‘Giniba ang bahay.’? Paano naman ang halimbawang ito na nasa ilalim ng directional verbs (dynamic):

            16. Hinugasan niya ang pinggan.
            ‘He/She washed the plate.’


            Ayon sa artikulo, ang directional verb ay isang pandiwa na patutunguhang direksyon. Madali rin daw itong malaman kung -an-verb ang nangyayaring kilos. Lahat ng mga natirang halimbawa sa ilalim ng directional verbs ay mayroong direksyong patutunguhan. Inihahayag ba ng hinugasan na patungo ang aksyon sa pinggan? Ano pang pinagkaiba ng halimbawang ito sa objective verbs? At ito pa na galing naman sa locative verbs (dynamic):

            36. Naghugas siya ng mga baso (sa palanggana).
            ‘He/She washed the glasses (in the basin).’


            Inilahad ng kahulugan ng locative verbs (dynamic) na may mga halimbawang pandiwang naghahayag ng aksyon na kailangang mangyari sa isang lugar. Ibig sabihin, may mga pandiwa raw na kumakailangan ng lugar na pangyayarihan. Sa pagkukuwestiyong ito, iisang pandiwa lamang ang aking napuna (hugas). At kung susundin natin ang marahil na pinag-uukulang atensyon ng stative verbs para sa kanyang kahulugan, na base na rin sa kanyang mga ibinigay na halimbawa, maaari bang tingnan ang pandiwang hugas  sa kanyang kahulugan sa diksyonaryo para mas madaling maihanay sa kanyang tamang klase? Bakit noong hinugasan ang pinggan ay hindi kinailangan ng lugar ng paghuhugasan? Kapag naging nag- verb na lamang ba puwede ito katulad ng ‘Nagluto ng litson sa kawali (sa kusina)? E papaano naman ang ibinigay na halimbawa galing sa objective verbs na ‘Magluluto ang nanay ng ulam.’? Mauulit na naman ba ang paglalagay sa dalawang klase ng iisang pandiwa? Nakalilito kung titingin ba sa kahulugan ng pandiwa, o sa tatanggap ba ng aksyon, o sa kahulugan pa ba ng klase ng pandiwa. Nililinaw din ng artikulo na maaari pang makatulong ang pagtingin sa panlapi ng mga pandiwa:

            Pandiwa                        Panlapi

  objective               mag-, -um-, mang-, mag-...-an, -in-, 
                                    makipag-...-an
           
  directional                    mag-, -um-, mang-, i-, -an, -in-

 benefactive                    i-, ipag-

 causative                      pa-, ika-, ikina-, na-, ipina-, 
                                        nagpa-, nag-

 instrumental                 ipang-, ipinang-, nag-

locative                         nag-, -um-, -in-, ipa-, i-...-in-

           
May mga pandiwang madaling matandaan dahil sa angking kahulugan katulad ng nanggaling para sa locative at nagbigay para sa directional. May mga pandiwa namang makikita sa anyo dahil sa taglay na panlapi katulad ng ipag- para sa benefactive at ipang- para sa instrumental. Ang iba naman ay maaaring matukoy depende sa konteksto o iba pang bahagi ng pangungusap tulad ng sa pamamagitan ng- para sa instrumental at dahil sa- para sa causative. Maaaring alamin ang klase ng pandiwa sa iba’t ibang paraan kung titingnang mabuti ang mga ibinigay na halimbawa at kahulugan ng artikulo.
           

Kung mukhang nakatuon sa taglay na kahulugan ng pandiwa ang magkaklasipika sa stative verbs, bakit sa iilang halimbawa lamang ng dynamic verbs ito magagamit? Babalik at babalik pa rin ba sa konseptong makatutulong ang ibang bahagi ng pangungusap para mas madaling matukoy ang klase ng pandiwa? Nagmumukha kasing sa kalakhan ng mga halimbawang pangungusap na inihain ng artikulo para sa bawat klase ng pandiwa, mula sa mga stative patungo sa mga dynamic, magkaibang-magkaiba ang basehan sa pagtukoy ng klase ng isang pandiwa. Nilinaw na kanina na mayroong iba’t ibang paraan. Ngunit iisa o dadalawa lamang sa mga paraang ito ang makikita sa mga halimbawa ng stative na halos lahat ay purong kahulugan ang pinagtuunan ng pansin. Mas nakikita ang pokus ng pandiwa sa mga klase ng dynamic verbs. Kinakailangan pang tingnan ang panlapi o mga kasama nitong salita sa loob ng pangungusap para lamang malaman kung saan ihahanay ang pandiwa. Sinisira ng ganitong pagbibigay-pakahulugan ng dynamic verbs ang naunang inilahad ng stative verbs. Maraming pandiwa tuloy ang maaaring maisama sa higit sa isang grupo. Maaari naman pero ang proseso sa kung paano natukoy ang iba’t ibang klase ay hindi nagtutugma.


Kabanatang sinuri:

Cubar, E. H., Cubar, N. I. “Chapter 5: Verbal Classification in Filipino: Dynamic vs. Stative”. Writing Filipino Grammar: Traditions & Trends. Quezon City: New Day Publisher. 1994.

14 April 2013

Exit to Existence

Ops! Teka lang! Subukan mo 'to. Please. Alam kong kaya mo 'to. Madali lang. Pakiramdaman mo muna yung inuupuan mo. Tapos yung mouse. O yung touchpad. O yung keyboard. Tapos yung tinitingnan mo. Tumigil ka. Pansinin mo na ang iyong paghinga. Mapapansin mo na. Napapansin mo na ba? Tumigil kang mag-isip. Subukan mo. Basahin mo ang. Bawat. Salita. Sa. Bawat. Linya. Nang. Maunawaan. Mo. Tigil.
.
.
.
Subukan mong tingnan ang iyong palad. Madali lang. Huwag ka nang mahiya. Tingnan mo na ang iyong palad. Tiningnan mo na? Tingnan mo na. Mabilis lang. Pero nang hindi nagmamadali. Hindi kita inuuto. Magandang bagay ito. Subukan mo lang. Astig. Ngayon. Handa ka na talaga. Pansinin mong muli ang iyong paghinga. Pansinin mong muli na nakakikita ka pala. Tumitig ka lamang, ngunit 'wag kang mag-isip. Tumingin. Ka. Lang. Subukan mong muli. Isa pa: Tingnan mo ang iyong palad.
.
.
.
Buhay. Isa kang nilalang. Humihinga. At araw-araw nag-iisip. Subukan mong pansinin ang sarili mo. Mas maraming beses kang mag-isip kaysa makita ang nasa harapan mo. Ngayon, subukan mong 'wag mag-isip. Ngayon lang. Pansining muli ang paghinga. Tumitig. Huwag mag-isip. Tingnan ang palad. Buhay ka nang muli.

13 April 2013

Weird

Ang weird mo. Ang weird ko. Ang weird naman nila. Ay, ang weird niya! Sobrang weird talaga! Ang weird niya kanina. Ang weird naman niya! Ang weird ko kanina!

Weird.


Gusto ko sana 'tong bigyang-kahulugan, nang totoo, walang bias, at siyempre, pabarbero. Barbero naman kasi ako. Pero ibang kuwento na iyon. Weird. Strange. Kakaiba. Hindi mo sigurado kung magugustuhan mo o hindi. Maaaring gusto mo, pero hindi naman gusto ng iba. Maaari ring kakaunti lang kayong may gusto, at mas maraming ang tingin sa inyo ay weird. Weird. Strange. Kakaiba kayong kakaunti lamang. Paano kapag dumami kayo, tapos lumawak ang impluwensiya, kayo pa ba ang weird? Nakabase ba sa social na mas maraming gumagawa, hindi na weird? Binabasag ba ng kaisipang ito na kailangang may bilang ang pagiging tanggap o hindi mukhang weird? Nakadikit nga ba ang pagiging kakaiba ng isang bagay sa bilang ng nakauunawa sa mga ganitong bagay? Weird. Strange. Kakaiba. Babalik tayo sa tanong na, "Ano nga ba ang weird?" 

Ano nga ba talaga? Nasira ko na ba ang assumption na nakaangkla sa dami ng taong tumatangkilik. Ano pa ba ang pupuwedeng tingnan at suriin? Weird. Nakikinig daw kasi ako sa steampunk genre ng music. Masarap sa tenga ko e. Dalawa kaming alam kong nakikinig kami. And from the rest of our circle of friends, think na weird yung music na iyon. Pero para sa aming dalawa, hindi weird ang tingin namin sa kanila. Hindi ko alam. Alam ko ang konsepto ng pagiging weird pero, hindi talaga weird ang steampunk genre sa akin. Siguro kasi nagustuhan ko? Kapag naging bahagi na ako ng kalingang aking pinagbuksan ng pinto at pinapasok e, hindi na ito magiging weird para sa akin? Siguro. Baka. Malamang. Marahil. Hindi ko pa rin talaga alam. Kasi, tingnan mo, weird para sa akin ang mga jejemon. Hindi na iyong mge jejemon na nakakabit sa pagtetext na lamang. Later on kasi, inihanay na rin sila sa pagigiging jologs, Jolina's Organization? Jejelogs? Jejelogz? O ako lang nag-iisip ng gano'n? Kung sa bagay, halos lahat, I mean lahat pala ng nakalagay rito, opinyon ko lang naman. Alam mo naman sa sarili mong hindi mo kailangang maniwala sa sinasabi ko. Pero kahit na may ipinupuwestong ganyang pagbababala sa harapan, sinisikap ko pa rin naman kahit papa'no na maging maayos, malaman at medyo may sipa ng pinag-isipang usapan bago ko isulat. Nagmuni man lang naman ako kahit kaunti, no? 

Pero babalik: May binanggit na isang wika ang isang kong professor sa rehiyunal na panitikan na weird. Wikang weird. Kakaibang language. Strange language. Strange na language. Ang 'strange language' ay English. At ang 'strange na language' ay Filipino. At ang 'ang strange language' ay Filipino. Huwag kang mag-alala. Wala akong panahong ipaliwanag ang mga ibinigay kong halimbawang pangungusap dahil wala naman silang kinalaman sa tatalakayin ko'ng kasunod. Weird. Strange. Kakaiba. Paano nga bang nagkakaroon ng kakaibang wika? Take note: Wika. Wika na ito. Isang malaking bahagi na ito ng kultura. To put it simply, hindi maihihiwalay ang kultura sa wika, ang wika sa kultura. Katatapos ko lang mag-Taglish. Going back: Paanong naging weird ang isang wika? Kasi hindi mo ginagamit? Kasi hindi ka native speaker? Parang kapag nakarinig ako ng French, for the first time, weird? Ang French language ba, para sa mga French people, weird? Ang Tagalog ba, para sa isang tubong-Manila o tubong-Cavite, weird? Hindi naman 'di ba? Ang Spanish ba, weird para sa iyo? Maaaring oo, maaaring hindi. Maaari ring walang nagbabasa nito. 

Ibig sabihin, kapag tinanggap ko na ang isang bagay sa sarili ko, hindi na ito magiging weird para sa akin? Bale, ang pagiging weird ay nakadepende sa isang tao. Paano na natin ito maipapasakahulugan? Kayo na ang humusga kung ano ang weird. Trabaho ko pa ba iyon? Nakadikit ang weirdness ng isang bagay o konsepto sa panlasa mismo ng isang tao. Hindi maaaring maggeneralize, siguro, ng isang weird na bagay. Maaaring wala nang matatanggap ng universal fact na pagiging weird ng isang bagay o konsepto. Weird. Strange. Kakaiba.