31 January 2014

Pangangailangang Paghahanay

Naging malinaw ang punto ni U Win Pe sa kanyang kuwentong Clean, Clear Water na kahit anupamang mangyari, mananatiling inodoro ang isang inodoro, kasama malamang ang mga nilalaman nito, lalung-lalo na ang tubig na pinakakuminang na bahagi sa may bandang dulo ng nasabing naratibo. Dumidikit ang mga steryotipong katangian ng isang inodoro sa kanya kahit na napatunayan nang malinis at puro ang tubig nito (na maaari ngang mainom). Tila bagang kahit na anong gawing pagtatanggol ni Ba Gyi Kyaw, hinding-hindi mawala sa isip ng kanyang mga kaanak at kabaryo (maging mismo ng siyentipikong sumubok sa tubig ng inodoro!) na madumi ang tubig sa inodoro. Kung tutuusin, madaling paniwalaan na dapat dahil sa mga resulta ng mga eksperimentong naisagawa ngunit nahihirapan pa rin silang inumin ang tubig mula rito, maging si Ba Gyi. Ganito rin ang problema ng mga tao kadalasan  ng pakikitungo ng isang lahi sa isa pa. Mayroon nang nabuong steryotipong mahirap nang tanggalin sa isipan ng tao. Maaaring nagsimula ito sa isang isyu sa kasaysayan, na nagtagal at naikalat nang husto kung kaya’t kahit na iba ang ipakita ng isang tao sa ibang lahing teritoryong kanyang ginagalawan, magtataka at magtataka ang makakikita sa kanya.
          
Tumutubo at nalilinang ang konsepto ng pagiging kakaiba ng mga gawaing normal naman para sa isang taong lumaking “iba” sa kanyang hitsura. Gamitin nating halimbawa si Saya John mula sa kuwento ni Amitav Ghosh na Glass Palace. Ang hitsura niya’y Intsik. Ang kanyang pananamit ay Europeo. At marami siyang alam na wikang salitain. May mga taong nagsasabi sa kanyang wala na siyang pinanggagalingang lugar, dahil mismo sa lahat ng nakikita sa kanyang (hitsura, pananamit, wika) maaaring magdikta ng kanyang pinagmulan o katangian (steryotipo), ay nakapanlalabo sa paningin ng mga nakakikita sa kanya. Para bang atat na atat ang mga taong ilugar agad ang isang hindi kilalang tao sa isang kategorya, para lamang masabi o makapag-isip ng kanyang mga katangian habang at kahit na hindi pa nila ito nakikilala. Napapabilis ang pagtingin ng isang tao sa isa pang tao base na lamang sa kanyang pisikal na mga katangian. Napakagandang tauhan nitong si John sapagkat iniaangat niya ang boses na panahon na dapat at matagal na dapat, na tayong tumigil sa panghuhusga ng lahi ng isang tao. Uso naman na noon ang pagpasok ng iba’t ibang lahi sa Burma, katulad ng mga misyonaryo sa Europa, mga mangangalakal na Griyego, Armenian, Intsik, at Indian, maging ng mga manggagawa at tagapaglayag na galing naman sa Bengal, Malaya, at Coromandel Coast. Hindi malabong magkahalu-halo ng lahi ang mga tao sa Mandalay pa lamang at isang kongkretong halimbawa ay noong marinig ni Rajkumar ang pagtatalik nina Ma Cho at Saya John.
        
Kung sa totoo lang, napakaipokrito ng papel na ito sapagkat panay gamit ng mga salitang lahi at katangian, hanay at akala. Ano pa bang magagawa ko? Nagpasimulang magkaroon ng mga konsepto ng lahi at paghahanay ng mga ito bilang kategorisasyon ng mga tao sa perspektiba ng mga mananakop. Madali nga namang magtukoy ng mga lugar kung ididikit ang mga nakatirang tao roon. Parati na lamang may pagmamadaling tawag sa pangalan ng isang bagay. Tila parating nangangailangan ng label o katawagan ang isang tao o bagay na sa mata ng mananakop ay “iba” sa kanya. Lahat ng iba sa kanya, hiwalay sa kanya. Pinangangalanang iba bilang pag-aktong superyor sa kanyang mga nasasakupan at ‘di na sila humamak pang lumapit at makihalubilo sa kanyang lahi. Baka kasi madungisan. Kung ihahambing sa Pilipinas, nagkaroon din naman ng ganitong klase ng mentalidad ang mga kolonisador at kinokolonisa. Parating mayroong mataas at mababa. Samakatuwid, nabubuo ang konsepto ng mataas at mababang lahi.
       
Liban kay Saya John, mayroon pang isang nakatawag sa aking pansin. Iyon ay ang pulis sa Shooting an Elephant ni George Orwell. Hindi niya masisi ang pagmamaltrato sa kanya ng Burman citizens sa lugar na kanyang pinapatrolan dahil sa mga kawalang-hiyaang nakikita niya na ginagawa ng kanyang lahi. Hindi siya nagbubulag-bulagan ni mataas ang pagtingin sa sariling bilang kabahagi ng lahing kumokontrol sa kinatatayuang imperyo. Nababasag muli ang mga naukit-na-sa-bato na “dapat” ng isang lahi, at sa usapang ito, ang kolonisador. Hindi lahat ng kalahi nila e kontrabida na. Ngunit sa naratibong ito, umapaw rin ang mga ugali ng isang kinokolonisa tungo sa isang kolonisador. Ayon sa pangunahing tauhan, maging mismo ang mga paring Budista (na kung tutuusin ang pinakamababait at pinakamalalawak dapat ang pang-unawa sa buhay) ang siya mismong pinakamalala sa pang-aaway sa nakadestino lamang na pulis.

Nang dahil lamang sa isang elepante, nagbagong bigla ang pakikitungo sa kanya ng mga Burman. Natuwa silang lahat nang napagdesisyunan niyang barilin na ang elepanteng nakapatay ng mga baka at isang lalaki. Natuwa ako sa sinabi niyang pareho lamang silang (British at Burman) naeengganyo sa pagpatay ng isang elepante. Maliban sa katotohanang maraming makukuha sa isang elepante, maging pantrabaho man ito, nagulat lamang ako sa pagkakapareho ng dalawang lahing ito. Inakala ko sa umpisa’y magagalit ang mga Burman dahil sa isa sa mga bansang mayroong natural na bilang ng mga elepante ang Burma. Hindi man lamang sila nag-atubiling pigilan ang pulis. Sumama pa nga mismo sila’t naghiyawan nang unti-unting naghihingalong maingay ang dambuhalang hayop. Nakalulungkot man ang tungo nila sa hayop na inosente sa moralidad ng mga tao’t nagtrabaho lamang at “nagkamali” bilang isang elepante, nakagagaan pa ring isiping mayroong pagkakatulad ang mga lahi. Dapat nga e, sa bahaging ito na ng papel, sinusubukan ko na bilang taga-argumento, na sirain na ang konsepto ng pagdidikit ng katangian sa hitsura ng isang tao – ang pagdidikit ng kanyang itsura sa kanyang lahi.

Oo, maaaring maging imposible ito, kaya maaaring magsimula na lamang ang mga tao sa pag-iwas sa pagdidikit. Ibig kong sabihin, simulan nang huwag mamalagay sa katangian ng isang tao base sa kanyang panlabas na kaanyuan. Tunog cliche man na linyang madalas banggitin ng mga artista sa telebisyon, umaakma pa rin sa puntong nais iparating ng mga inatas na babasahin.

Edukasyon ang magmumulat sa maraming tao tungkol sa mga bagay na ito. Maaaring nasa mataas na paaralan pa lamang, nililinaw na sa mga estudyante ang konsepto ng diskriminasyon. Kasabay pa nito ang paulit-ulit na pagpapahalaga sa hindi mabagong hanay ng kasaysayan ng pananakop sa Pilipinas. Malinaw na malinaw para sa mga Pilipino ang kasaysayan ng kanilang bansa, basta ang usapan ay tungkol sa pananakop. Hindi napagtatantong ni ang kabuuan ng bansa e hindi nadaanan ng mga mananakop kahit banyaga man lamang. Patunay lamang nito ang mga Pilipinong tumanggi at nagpakalayo sa katutubong Kristiyanismo kung kaya’t nananatili pa rin ang kanilang sinaunang paniniwala o relihiyon kung tatawagin ng marami sa atin. Marami rin sa atin ang hindi nakakikita sa tunay na kalagayan ng mga Pilipinong ito. Madalas marinig ang pang-iinsultong “katutubo!” nang hindi iniisip ang totoong kahulugan ng salita. Kung iisiping mabuti, mas Pilipino pa nga sila kaysa sa atin. Katulad ni Saya John, hindi Pilipino ang suot natin, marunong tayo mag-Ingles at halu-halo na ang mga hitsura natin! Kung babalikan natin ang mga Pilipinong hindi tumanggap ng Katolisismo, napakagaan minsan para sa akin isiping sila ang mga tunay na Pilipino dahil sila lamang ang nakapagpanatili ng ating (o ng kanilang) mga taal na tradisyon at kultura sapagkat hindi sila nagpagalaw sa impluwensiya ng mananakop. Kung naubos siguro tayong lahat noon pa lamang, sinunog na rin siguro lahat ang mga sinaunang panitikan ng mga Pilipinong namuhay sa pre-kolonyal na panahon o naputol na ang pagpapasang oral dahil sa pagkumbinsi sa karamihan sa mga Pilipino na lumipat sa Kristiyanismo.

Kung makapang-insulto ng katutubo, hindi ka ba tubo rito? Nililinaw mo ba sa aming hindi ka galing dito at hindi ka isang Pilipino? Isa pang problema: Kung kanina, pinagsasawaan na natin ang paghihiwalay ng lahi sa isa pang lahi, papansinin naman natin ngayon ang diskriminasyon sa loob lamang ng iisang lahi (na kanina pa naman siguro tinatamaan). Isa pang halimbawa ay ang paghihiwalay na ginagawa ng panahon sa mga Burman. Noon daw, ang Burman ay isang Budista, ngunit sa paglipas ng panahon, basta’t maeduka ang isang Burman, hindi na ganoong nagiging kalalim ang pagkapit sa paniniwala. Nasisirang muli ang kinagisnang identidad. Hindi ko naman sinasabing kinakailangang maging stagnant o atrasado ng isang kultura. Malinaw naman sa ating lahat na ang kultura dinamiko rin, tulad ng wika, kung kaya’t hindi malayong magbagu-bago ito sa paglipas ng panahon, lalo pa’t panahon na ngayon ng globalisasyon. Mahirap isipin para sa akin kung mayroong mamamatay na kultura. Nasa ilalim kasi ng mga kulturang ito ang mga tradisyon at gawain, mga impormasyon at kaalaman, kahit paniniwala’t iba’t ibang uri ng kaaliwan at panitikan. Maraming nasa ilalim ng isang kultura! Napakalaking sayang lamang kung mabubura, ‘di ba? Mahirap pa ring labanan ang magandang naidudulot ng edukasyon at modernong teknolohiya, pero hindi naman natin kailangang makalimot ni humiwalay.

22 January 2014

Hindi Ka Pa Puwede, Hindi Ka Na Puwede

Posible pa kayang magkaroon ng unibersal na panitikang pambata? Yung panitikan para sa lahat ng bata? Kahit yung panitikang pambata na lang na maaaring maunawaan ng lahat ng bata sa Pilipinas? Maaga kasing tinalakay sa klase sa unang bahagi na ang mga bata ay mayroong magkakaparehong mga angking katangian. Nandiyan yung, halimbawa, pagiging malikhain ang isip, inosente at utu-uto, at marami pang iba, na nakatutuwa kung iisipin, sapagkat pinagdaanan din naman natin. Kasabay nito, inalam ding ang panitikang pambata ay mayroon ding mga angking katangian, halimbawa, may aral at aliw, nakatatawa o nakatutuwa, madalas na bida ang bata, mayroong masayang wakas, na matingkad din naman sa halos lahat ng mabibilhang bookstore. Hindi rin maisasantabi ang binanggit sa klase na ang panitikang pambata ag siyang panitikang mayroong tiyak  na mambabasa. Anong tiyak nga ba ang tinutukoy rito?

Sa sumunod na bahagi ng mga pagtalakay, saka nagsimulang magkaroon ng kontradiksyong mga pahayag laban sa mga binanggit kanina. Lumitaw ang paksang mayroong mga sentrong panitikang pambata, at dahil gayon, mayroong mga naisantabing maaari, hindi napapansin o pinapansin, o pupuwede ring hindi na talaga naisulat para maipamahagi sa higit pang nakararami.

Malinaw sa talakayan na dahil sa pagiging kapuluan ng Pilipinas, hindi malayong magkaroon ng iba't ibang wika, iba't ibang kultura, magkakaibang kongkretong karanasan. Hindi lamang sa wika maaaring magkaroon ng pagkakaiba-iba ang mga batang Pilipino, kundi maging mismo sa edad, sa relihiyon, sa kasarian, pati na rin sa uri. Tanggihan ko man, lalabas at lalabas pa rin ang pagkakaiba ng karanasan ng mga batang Pilipino.

Madaling tumigil nang maaga ang pagkamalikhain ng isang bata dahil sa perang kikitain na lamang ang tanging habol niya sa isang araw sa pamamagitan lamang ng paulit-ulit-ulit na pagtratrabaho, o kalakal o limos, o kahit sa simpleng pagpipigil lamang ng mga relihiyosong magulang na maaaring magpakitid sa isip niya. Marami ring maagang nadedeinosentehan sa lipunang kanilang pinaggagalaan, na maagang nagmulat sa kanilang mayroon ding sad endings. O kahit mangalutkot lang siya sa internet, insta-Mulat na kaagad. Kung babalik tayo, e paano  na lamang ang panitikan nila, ang panitikang tungkol sa at para sa kanila? Titindig pa ba sa mga binanggit na pamantayan kanina (bata at panitikan) o kinakailangan nang titiwalag para sa mas nakararami? Pamantayang mga katangian ba ang mga ito, o pagpupumilit na lamang ng isang "dapat" na bata, o simpleng paglalarawan lamang ito ng isang katiting na bahagdan ng populasyon ng batang Pilipino?

Katotohanan ba dapat ang nakapaloob sa kanilang panitikan? O malikhaing mundo ng reyalidad na binuo ng mga manunulat na kaya naman nilang (ng mga bata) likhain? At para ano? Para magbigay-pag-asa? O pagtakas na lamang sa lipunang kay-hirap takasan? Maaari nang magkaroon ng aral nang 'di naaaliw. Nagmumukhang kontrabida o supporting actors o actresses, o extra ang mga naisasantabing bata. May sad at scary endings. At may mga bata ring 'di nakapapasok ni pinapapasok sa National Bookstore.

Mabuti Pa Sila

Mahalaga ang mass media. Mahalagang nalalaman ng nakararami kung ano talaga ang nangyayari. Hindi yung umaabot lang sa halos bente minutong pag-alam kung bakit nga ba bata ang asawa ng nagpaconvert ng relihiyong musikero o pagpapapogi lang ng ating presidente noong high school pa lang siya. Nadistract lang panumandali ng Yolanda, nakalimutan na agad sina Napoles at kanyang mga tropa. Isang napakagandang paraang ang paggamit ng musika para mabawing muli ang atensyon ng masa. Ang mga ipinakitang bansa sa dokyumentaryong Rebel Music Americas ay nagpapakita ng hindi lamang ng kahusayan ng mga artista sa pagkilatis sa mga hindi madaling mapansing nangyayari sa kani-kanilang mga lipunan kundi isang napakamalikhaing paglalapat ng kanilang talento – talentong hinasa para sa kapakanan nila, ng iba, at ng kinabukasan.

Magandang madaling maaliw sa ganitong uri ng demonstrasyon pati na ang mga bata. Mayroong iilang mga nagsiawit pa sa harap mismo ng camera. Alam nilang delikado marahil dahil sa panghuhuli umano ng mga napipikon sa administrasyon ngunit walang nakitang ni katiting na takot mula sa mga batang artistang ito. Nakalulungkot minsang isiping kung sa kanila nga, nakabubuo na ng ganoong kamulat na awit ang mga bata habang sila’y nagtratrabaho’t naghihirap, nahihirapan akong ikumpara nang may pantay na antas kung ihahambing sa mga bata sa Pilipinas.

Ngunit kahit na ganoon, hindi rin naman maitatangging ginawa na natin yung ganitong pagkamalikhain para isigaw ang tunay na boses ng nakakikitang masa, ng masang matalino, ng masang hindi natatakot. Sana’y lumawak nga lang. Hindi natatapos sa pagkakariton o pagbebenta na lamang ng mga tali sa buhok o sampagita ang kabataang Pilipino. Panahon na rin sigurong ang pinapapanood sa kanila ay mga ganitong uri ng dokyumentaryo (kung maisalin man) at hindi yung balita na naman sa dating life ng kung sinuman. Panahon na dapat, matagal na, na hindi na keyboard ng computer o balisong ang hawak kundi mga lapis at papel, tanda ng edukasyon at pagsulat nila ng kanilang hinanaing. Akala ko ba mahilig din sa musika ang mga Pilipino? Panahon na dapat ng pag-angat ng boses ng masa, at ‘di malimutang dapat na bahagi ng masang ito ang kabataan.

01 January 2014

Noo Gah

11 Galit na galit ka e inggit ka namang gusto mo ring sumali. Kaya mo ako binigyan ng number. Ano pa bang maaaring sabihin ko sa 'yo? Kahit na madalas naman tayong magkasama. Kahit na parati naman tayong magkausap. Kahit na mahirap dumaan ang isang araw nang hindi nag-uusap kahit katiting lamang. Sinubukan na natin yun dati 'di ba? Bakit ganon? Sanayan lang siguro e no? Sanay naman na tayong kung anu-ano na lang ang pag-usapan natin. Alam mo ba dati, talagang nag-iisip ako ng listahan ng mga maaaring paksa ng ating mga pag-uusapan. Para bang obligado ako bilang lalaki na paandarin lang nang paandarin yung convo natin. Mapatext, chat, live. Kinakabahan ako dati sa dead silence habang magkatabi tayo. Nagulat lang ako na mas madaldal ka pala sa akin. Hindi tulad ng kapag nag-aapply ka sa isang org, kailangan, nakaready na talaga lahat. O kaya dapat, napakatalentado mong interviewer slash thinker / entertainer. Ikaw yung mas nag-oopen, ako yung mas nakikinig. Noong elementary naman kasi, pansin ko namang mas maingay ako sa 'yo. Pansin ko ring mas tahimik ka sa karamihan ng mga babae. Ang alam ko nga, minsan lang kitang makausap ni marinig ang boses mo noong elementary pa tayo. Magic nga yung madalas na kitang marinig. Naririnig kong madalas yung boses mo sa isipan ko. Naririnig ko yung boses mo sa chat, sa text. Madaling maalala yung boses mo. Nakakamiss. Kapag may namimiss kang tao, alalahanin mo lang yung boses niya, medyo makakaraos ka na. 

Kung dati, kinakabahan akong wala akong masasabi, ngayon e obvious nang sasaluhin mo lahat ng kuwento. Alam mo namang hindi ako makuwento pero kaya ko namang magpatagal ng usapan kapag interesante. Pero kapag walang nagsasalita, doon ko napansing mas gusto ko rin yung mga ganoong uri ng silence paminsan-minsan. Mas hindi pala nakakakaba. Mas sincere. Wala kasing hiyaan. Nakaupo. Nakaharap sa maraming halaman. Sa isang halos halamanang lugar. Patapos na ang mga nagpapraktis ng sipaang-bola na mga babaeng varsity players. Unti-unti nang sumasara yung naglalakihan at nagtatangkaraang mga ilaw. Nakaharap sa damuhan, masimoy na hangin. Mga nag-iingay na 'di naman estudyante ng UP sa ilang mga puwesto. Mayroon ding mga naglalandian sa ilang mga bench sa harap. Nakaupo lang tayo. Mabagal-bagal na lilipad-lipad ang mga paisa-isa nang lumalabas na alitaptap. Titingin akong pansumandali sa langit. Maraming bituin. Mukha namang hindi uulan. Titingin pa ako sa ibang bahagi, maliwanag naman ngayon ang ilaw ng buwan. Kahit 'di na buksang muli yung mga streetlight na orange. 

Mararamdaman ko yung yakap mo. Ipapatong mo na yung mga binti mo sa hita ko. Hahalikan mo ako sa kanang pisngi. Magpapakyut muli. Aamoy. Hahalik muli. Haharap ako sa 'yo. Yayakapin ka rin. Titingin sa mga mata mong parati na lamang tumutunaw sa akin. Ilalapit ko yung ilong ko sa mukha mo. Sabay halik sa noo, sa ilong, sa labi. Masaya na ako noon. Titingin muli sa iyong mga mata. Hahalik nang panghuli sa pisngi. Hihigpit pa lalo ang yakap...

Alas diyes.

28 December 2013

Mag-isa Ka! Mag-isa Tayo!

Hindi ko alam. Hindi ko na naman alam. Pansinin mong mabuti ang iyong sarili. Tumahimik ka't paingayin ang boses sa loob ng iyong utak. Yung isa mo pang boses. Alam ko, alam mo, alam nating lahat na higit pa sa iisa ang iyong boses. Mayroon kang boses na alam nating dalawa. Mayroon kang boses na tayong dalawa lamang ang nakaaalam. Mayroon kang boses na marami ang nakaaalam. Mayroon ding lahat ang nakaaalam. At alam mong mayroon ding ikaw lamang ang nakaaalam. Paganahin ang boses na ito. Kausapin ang sarili. Subukang kausaping muli ang sarili. Tulad ng pagkausap sa sarili sa tuwing may nakapanghihinayang na pambawi sana sa tuwing natatalo sa duwelo. Tulad ng pagkausap sa sarili sa tuwing may naisip na napakalupit na bagay ngunit nang malingat lamang nang sobrang sandali'y nakalilimutan agad-agad ang malupit na bagay na iyon. TULAD ng pagkausap sa sarili sa tuwing naliligo sa banyo, sa bahay niyo. Tulad ng pagkausap sa sarili sa araw-araw na pagiging mag-isa't malungkot sa harap ng kung anu-anong kuwadradong bagay.

Madali lang naman iyon. Subukan nang tumahimik lalo ang labas. Mas makabubuti siguro kung pumikit o tumitig sa kawalan. Magkakaroon ng mayroon mula sa kawalan. Subukang maghanap ng mayroon sa wala. Mayroong mayroon sa wala. Kausapin ang sarili. Hatiing muli ang sarili tulad ng pagkakahating ipinaunawa kanina. Hati ang iyong sarili. Kausapin ang totoong sarili. Tanungin ang sarili -

Bakit ko iyon sinabi? Bakit ko iyon inisip? Bakit ko ito ginawa? Bakit ko iyon ginawa? Bakit ganito ang gusto ko? Bakit kaya ayaw ko ng ganito? Bakit mahilig ako sa ganito? Bakit natatakot ako sa ganito? Bakit ganito ang pangalan ko? Alin ang mas gusto ko? 

Saan ko ba gustong pumunta? Bakit ko gustong pumunta roon? Gusto ko nga ba talagang pumunta roon? Gawing pang-araw-araw na bukambibig ang, "E ANO NGAYON?" para sa sarili at sa lahat ng mga bagay.

Bakit ko iyon sinabi? Sinabi ko ba iyon para lang sa ikatutuwa ng iba? Para lamang sa pagpapanggap? Sinabi ko ba iyon para lang mapansin ako? Yung sinabi ko ba na iyon, ako ba iyon? O ibang ako? Mayroon pa nga bang ibang ako? O iisa lamang ako?

Bakit ko iyon inisip? Apektado ba ako ng mga nasa paligid ko? O iyon lang talaga yung gusto kong isipin nang kusa? Maaari lamang ba ako mag-isip nang hindi labag sa idinidiktang-pakilala ng paligid ko? Maaari rin ba akong mag-isip ng mga bagay na hindi naman talaga maaaring tingnan para makilala ang sarili ko? Abstraktong halimbawang maaari ba akong mag-isip ng bagay na ayaw ko naman maging pero gusto ko lang isiping ganoon ako kasi nga, trip ko lang?

Bakit ko iyon ginawa? Ginawa ko ba iyon kasi gusto ko? O sa gusto ng iba? Para matuwa na naman ang iba? O para matuwa naman ako? Ginagawa ko ba iyon kasi nakasanayan ko lamang o gusto ko lang talaga? Ginagawa ko ba iyon kasi may mangyayaring maganda, o hindi siguradong may mangyayaring maganda? Ginagawa ko nga ba iyon para may mangyari o nangyayari? O kasi dahil may nangyayari? Gagawin ko pa ba iyon sa mga susunod na panahon ngayo'y nakikipag-usap na ako sa aking sarili? 

Bakit ganito ang gusto ko? Kasi gusto ng iba? Kasi uso? Kasi maraming may gusto? O gusto ko talaga? Pero bakit ko nga gusto? Bakit ko iyon sinabi? Bakit ko iyon inisip? Bakit ko iyon ginawa? Bakit ko nga ba ito gusto? Kasi bago? O kasi luma? Gusto mo minsan ng pagbabago. Minsan din naman, ayaw mo. Bakit paiba-iba ka ng gusto? May gusto ka pa ba talaga?

Bakit ayaw ko sa ganito? Dahil ba sa isang karanasan? Dahil ba sa genes at hindi mo maipaliwanag? Madalas lang makatulong ang Google, hindi parati. Bakit ayaw mong hindi mo alam? Gusto mo bang alam mo parati? Sabi nila, may mga katotohanan daw na hindi mo na kailangan o dapat pang malaman. ALAM mo sa sarili mong magkaibang-magkaiba ang KAILANGAN sa DAPAT. Pero alam mong ayaw mo rin sa ganyang mga salita. Pero bakit nga?

Bakit natatakot ka sa ganito? Kasi sobrang lupit ng utak mo na advanced mag-isip at kung anu-ano nang nalaro sa hinaharap? O dahil lang sa isa pang karanasan? Gusto mo bang malampasan yung takot na iyon? O cute lang ikuwento sa crush mo na takot ka sa ganito? At takot ka sa ganyan? Pero paano mong ikukuwento kung hindi mo alam kung bakit? Boring mo namang tao kung puro EWAN KO at HINDI KO ALAM na lang ang sinasabi mo. Hindi mo na naman alam?

Bakit ganoon ang pangalan ko? Kilala mo na ba talaga ang sarili mo? Kilala ko ba ako? Kilala ko ba ikaw? Kilala mo ba ako? Ako? Ito ang pangalan ko. Bigay ng magulang ko. Bakit nila iyon binigay? Trip lang? Okasyon? Nakikiokasyon? Kakilalang tao? Napanood sa TV? Sa sine? Paboritong pagkain? Pulutan? Ballpen? Alahas? Pangalan ng kaanak? Malupit pakinggan? Pinagsanib na mga pangalan? Trip lang ulit? Trip ka lang ba? Trip ka lang pala e. Kanina pa malakas ang trip mo. Kausapin mo ba naman sarili mo e.

Alin ba ang gusto mo? Ikaw? Ako? Tayong dalawa? Tayong isa? Tayong isa.

21 December 2013

Kalokohang Kontradiksyon

Ipinakilalang tuwang-tuwa ang pangunahing bida, si Minke, bilang isang Katutubong Javanese na mayroong matinding pagkahumaling sa teknolohiya at agham ng kumokonolisang bansa sa kanyang tubong lupain. Maaaring kakaiba ito, mula sa isang perspektiba marahil ng opresibong pananaw ng pananakop ng mga kolonisador, hindi lamang sa mental at pisikal, kundi pati na rin sa sosyolohikal, sikolohikal lalung-lalo na sa kultural na mga aspeto. Maaaring makitang  hindi ganoon kawasto ang iniaasta nitong si Minke sapagkat kung tutuusin, mula sa isang kinonolisang bansa  rin, ang isang Pilipino’y marahil naghahanap ng pag-aalsa mula sa bida pa naman ng isang kuwento. Ngunit hindi. Ito ang mas nagpatingkad para sa akin, bilang isang mambabasang Pilipino, sa pagkakaroon ng tauhang hindi ganoong lumalabag sa mga naisin ng kolonisador. Kung tutuusin, hindi naman mailalayo itong si Minke kay Rizal na sa simula’y naghangad lamang naman ng mga reporma. Ngunit kung babalikan ding lalo itong si Rizal, makikitang ang El Filibusterismo ay pasadya nang naising magrebolusyon ni Simoun laban sa mga Kastila, na labag sa mga unang hangarin niya (Rizal) na nasa Noli Me Tangere na mga pagbabago lamang. Bilang pagtinging-kaiba sa unang nobela ng The Buru Quartet ni Pramoedya, ang mga katangian ng mga tauhan sa kuwento mismo’y nagkakaroon ng paglalaban-laban, hindi lamang sa pagitan ng bawat isa, kundi maging sa kanilang mga sarili mismo, mga tunggaliang pansarili’t panloob.

Katulad ng nabanggit kanina, bilang isang katutubong pinagbababaan na mismo ng tingin, na hango na mismo’t sa unggoy ang palayaw, ay sige pa rin sa pagtanggap ng dayuhang kaalaman. Marahil ay ang paglimot niya sa kanyang taal na kaakuhan at pagtingin sa salamin bilang isang Europeong indibidwal ang nagbibigay kay Minke ng simpleng balat-kayo lamang na hindi na masaktan sa panlalait dahil tinatanggap pa sa sarili niyang siya’y isang ganap na indibidwal ng wikang Dutch. Ayaw niyang aminin na siya’y isang Katutubo, at galit din siya sa katutubong wika, kahit na nauunawaan niya naman ito. Mapagkunwari. Mapagkunwari sapagkat kapansin-pansin ang ilang mga kontradiksyon ng tauhan, sa kanyang parehong winiwikang ayaw, gusto at maging ng kusang pagbuka ng kanyang bibig lamang. Hindi ba’t manghang-mangha siya sa teknolohiya? Ngunit bakit kapag nagpapasalamat siya o kung minsa’y nakararamdam ng masidhing damdami’y nababanggit niya ang ngalan ni Allah? Si Allah, bilang diyos ng relihiyong Islam, ay nababanggit ng isang Europeong, Dutch-speaking kunong si Minke? Lumalabas na kahit gaano man kalalim ang iimbak na gawin ni Minke sa kanyang taal na kaakuhan, lilitaw pa rin ang likas sa kanyang identidad.


Mayroon ding isang bahagi sa nobela kung saan ininsulto sa harapan ni Minke ang mga katutubo ng dalawang babae. Labag man sa kanyang mga ibinabalat-kayong prinsipyo, hindi matanggal sa damdamin ni Minke na siya’y nasaktan pa rin sa ginawang pagbanggit-kalapastanganan ng dalawang babae sa kanyang kinalakhang pangkat ng mga tao. Mababa ang tingin sa kanya ng mga Europeo, mula sa ama ni Annelies, kay Robert na kuya ni Anne, at maging ng kanyang mga iniluluklok na guro sa paaralan.


Ang kultura ay isang malaking bahagi ng pagkatao. Ito ang paraan ng pamumuhay ng isang tao. Kung paano siyang magsalita o mag-isip, sa kultura nakasalalay ang kanyang kalikasan. At malaking kaakibat nito ang wika ng isang tao. Maaaring apektado na ang kanyang pag-iisip ng wikang dayuhan ngunit ang likas na pagwiwika naman ni Minke’y sadyang ‘di pa rin niya napipigilan ni napapansin.


Tingnan naman natin si Annelies na mukhang Europea namang kay kinis ng balat ayon sa paglalarawan ni Minke. Si Annelies naman, kabaligtaran ni Minke, ay nais maging Katutubo, ipinoproklamang isang tunay na katutubo (ang kanyang ina bilang modelo), ni hindi nakapagtapos ng pag-aaral. Mapapansing direktang kabaligtaran siya ni Minke (kahit na madali silang nagkagustuhan). Nais maging Minke ni Annelies, at nais maging Annelies ni Minke. Sila’y madaling nagkatuluyan marahil sa kadahilanang ang kanilang mga modelo ay nasa harap na mismo nila. Kung isasantabi na natin ang kanilang pag-iibigan, makikitang mayroong malaking bagay pa ang pinagkaibang talaga ng dalawang ito: ang edukasyon. Hindi ko tinutukoy rito ang simpleng pagtuturo lamang sa bahay ng mga tradisyon at tamang paggalang, gawaing-bahay kundi “pormal” mismong edukasyong inilalaan ng mga kolonisador bilang bahagi ng kanilang “cleansing” na ginagawa sa kanilang mga nilalait na mabababang uri.


Edukasyon ang nagpalawak ng kaalaman ni Minke. Ngunit edukasyon din ang mismong nagpakitid na lalo ng kanyang pagtingin sa sarili hanggang sa sobrang sikip na’y hindi na niya makita kung sino talaga siya. Ang ganitong pagkitid ng kaisipan gamit ang edukasyo’y kahawig ng binabanggit ni Renato Constantino na Miseducated tayong mga Pilipino dahil sa colonial mentality dala ng colonial obsession ng mga kolonisador. Ninanais maging malaya ni Minke, makailang ulit niyang babanggitin sa nobela, dahil siya’y nakapag-aral. Kung hindi niya mamasamain, sa pagpasok niya mismo sa dayuhang wika at magyakap mismo rito’y hindi nagdudulot sa kanya ng kalayaan bagkus ay nagkukulong pa mismo sa kinagisnan niyang pagkatao.


Naipakilala na ang dalawang nagbabanggaang identidad. Nais ko nang dumako sa tauhang talagang nagbigay para sa akin ng kalinawan sa loob ng akda bilang maliit na bahagdang resolusyon sa pambabagabag ng mga kontradiksyong inilatag kanina – si Nyai. Bilang isang concubine ng ama ni Annelies, siya’y tinuruan ng lahat ng kanyang nalalaman ng kanyang asawa – ng wika mismo, pamamalakad ng negosyo, at maging ng pormal na pagdadala ng sarili, lalung-lalo na ng isang babae. Sa tingin ko’y nagturingan silang tunay na magkarelasyong may nararamdaman sa bawat isa kahit na tumanggi si Nyai na umaming minsan niyang binigyang-kahulugan ang narararamdaman niya tungo sa kanyang asawa. Ngunit ang pagtanaw, kahit minsan, ni Nyai bilang kapantay ang kanyang asawa ay isang malaking bagay sapagkat sa ganitong uri ng kaisipan nakikita ang konsepto ng pagkakapantay-pantay ng mga tao sa mundo, magkaroon man ng magkakaibang etnisidad.


Pansining mabuti, kung ating babalikan, ang pagkakaroon ng edukasyong ipinagkaloob ng mga Europeo kina Minke at Annelies. Ang pagtatamo ng edukasyon ay nangangahulugan lamang ng pagtatamo ng wika ng kanilang kolonisador. Ang pagkakaroon ng panibagong wika ay magdudulot ng pagkakahati ng mga wika, kaantasang-pagtingin sa mga wika (kahit na magkakapantay naman lahat ng wika at kultura), na magdudulot ng pagkakahati ng mga tao. Mapapansin mula kina Minke at Annelies, maging sa maraming tauhan sa nobela na mayroon silang pinapanigan. “Ah, dito ako.” “Ah, Europeo ako, kasi marunong ako ng Dutch.” “Nge, e katutubo ako kasi masasama  ang mga Dutch (kahit na likas na Europeo ang hitsura’t perpekto ang pagwiwika ng Dutch).” Nahahati ang isang lipon ng mga tao dahil sa pagkakaroon ng iisa lamang na kapangyarihan. Nagkakaroon na lamang nga mga indibidwal na nagbabangayan habang ang namumuno’y tinatawanan na lamang sila dahil sa hindi pa rin naman sila tatanggapin bilang kanilang mga kapantay.


Ngunit tinitingnan kong iba itong si Nyai. Hindi niya kinailangan pang pumunta pa ng paaralan, ‘di tulad ni Minke. At natural siyang nakauunawa ng Javanese at iba pang wikang katutubo dahil iyon ang kanyang sariling kaakuhan. Kahit na itinatwa niya nang makailang ulit hanggang sa magsawa ang kanyang mga magulang, hindi pa rin niya kinalimutang lumaki siya bilang isang taal na katutubo ng kanilang bayan, na ‘di tulad ni Annelies, na pipili lamang sa kung ano ang wastong kanyang nakikita. Binabasag din ni Nyai ang pananaw ng ina ni Minke na ang mga lalaki lamang ang matatalino’t dapat na nakapag-aaral, bilang mga edukado’t magpapahalaga sa kani-kanilang mga pamilya. Ginagamit ni Nyai ang kanyang mga natutunan sa dayuhan para sa pagpapaunlad ng kanyang kapaligiran habang pinananatili ang likas na kaakuhan niya bilang pagpapaunlad sa kanyang sarili.


Sa huli, nais kong banggitin ang winika ng isa sa mga guro ni Minke na si Magda Peters, “Everything comes from being taught. Even beliefs.” Ang edukasyon ay hindi lamang nakakamit sa paaralan. Ang pagtuturo ay hindi lamang nanggagaling sa taong nagsasalita o nagsusulat sa pisara o sa sinasabi ng isang libro. Ang pagkatuto ay likas sa isang indibidwal, at mula sa kanyang pagkatuto mas lalong lilinaw ang kanyang pamimili ng panig, kung paano siyang pipili ng panig, o kung bakit nga ba siya pipili ng panig. Sa pagkatuto nalilikha ang isang pagkatao.


Sanggunian:

Toer, P. A. 1925. This Earth of Mankind. (Max Lane) trans. London, England: Penguin Books.

Lex Aeterna

Apat na magkakapatid, nakasakay sa loob ng hindi pampublikong sasakyan. Ang ikalawang pinakamatanda, si Jennifer, tanging miyembro ng pamilya na marunong magmaneho ang nasa harap kasama si MJ, ang bunso na nasa passenger's seat, malamang. Natira sa gitnang bahagi sina Thea at Merylle, ang panganay at ikatlo, na parehong pagod na pagod mula sa kamuntikan nang mapaisang araw nang pagpapasikot sa kalakhan ng pusanggalang Divisoria. Bakit nga ba sila nanggaling doon? Wala na tayong pakialam. Sabihin na lang nating nagpapatulong si Jennifer sa isang napakahalagang bahagi ng kanyang buhay na pinlano ni Thea (na hindi naman pinlano ni Jennifer). Pinlano ni Thea bilang isang mapagmahal at nakauunawang kapatid. Hindi na malayong gawin naman ni Thea iyon para sa kahit kanino niyang mga kapatid, bilang din naman panganay siya at wala naman talagang hihigit pa sa pagmamahal sa isang kapamilya. 

Likhang-palusot na lamang ni Jen na lubhang mahirap magmaneho't nakapapagod kung kaya't hindi na sumama sa planong pagpplano sa Divisoria. Minabuting sumama na lamang nina MJ at Merylle kay Thea para madaling matapos ang gawain matapos makapagparada ni Jen. Pero ganun pa rin naman. Nahati lamang nang kakatiting ang distribution ng pagod. Ganun pa rin ang pagod, kung tutuusin. Matapos ang walang kuwentang flashback na ito, babalik nang muli tayo sa opening scene...

EDSA. Mainit. Pababa na malapit sa Magallanes ang sasakyan mula sa elevated road galing Mantrade. Abala sa pakikinig sa musika si MJ kaakibat ng kanyang headphones habang si Jen nama'y napapagod na naman sa pagmamaneho. Masigla namang nagpapahinga sina Thea at Merylle sa gitnang bahagi ng sasakyan. Hihilik paminsan-minsan. Magigising sa humps. Magigising sa ingay. Magigising sa ingay! 

"Jen! Mag-ingat ka naman!" sigaw ni Thea.
"E sa mali magmaneho yung gagong driver na 'yon e!"
"'Wag mo nang patulan, Jen."
"Akala mo kasi ganon na lang kadali magdrive e no!"
"Sinasabi ko lang na 'wag mo nang patulan yung driver na hindi nag-ingat kesa sa 'yo!"
"Nakakapanic kasi! Ano?! Ikaw kaya magdrive? Akala mo kasi sobrang dali lang e no?!"
"'Wag mo 'kong sisigawan Jen, ah." habang bakas na ang paghikbi sa tinig ni Thea.
"LECHE! IKAW NA MAGDRIVE!"
"Ayoko na rito," hikbi. "Ibaba mo na lang ako. Hindi ko kaya yung ganito, yung ginaganito niyo lang ako."

Dahan-dahang iginilid at ipinarada ni Jennifer ang kotse sa gilid na kahabaang ng EDSA habang nakasignal na ang hazard.

Tahimik.

Inunlock na ni Jen ang pinto. Umakmang pababa na si Thea ngunit hinila ni Merylle.

"Huwag ka nang bumaba 'te. At ikaw?" baling kay Jen. "Ano bang problema mo? Parang ikaw ang may pinakamalaking naiambag at responsibilidad dito ah? Ikaw na nga yung tinutulungan, ikaw pa yung walang malasakit? Obvious na ngang hindi kami nakakaintindi ng mga nangyayari sa kalsada, may gana ka pang pumatol at sigawan kami?!" Papaiyak na rin si Merylle. Ibinaba na ni MJ ang headphones at kinausap si Jen na huwag nang sumagot.

Tahimik. Lalo.

Nilock nang muli ni Jen ang pinto at dahan-dahang pinabilis ang pagpapatakbo. Hindi na sila nakahazard.

13 December 2013

Fuck Mock

Masagwa, saliwa, walang-wala
Akala, totoo
Ang tamang ginagawa
Isa pa, ulit pa, itodo mo
Malamang, itatawa nang malakas!
At walang-wala sa tono

Kakanan, kakaliwa
Babala'y 'di napapansin
Bahala'y ikinikimkim
Bathala'y kinikitil

Marangya, malamya, walang-wala
Akala, totoo
Ang tamang ginagawa
Tapos na, tapos na, ubos na
Laspag na, simot pa,
Lasug-lasog pa

Maling himig
Sawing ibig
Wala talagang tono

11 December 2013

Experiment 2 - Forms and Perspectives

Hatred, Jealousy and Labels

Naubos na ang barya sa kakayosi at kakabasa ng magazine mong nakahilata diyan sa sala. Maggagabi na pala. 'Di ba't sabi mo, ala una? Mabuti na lang mabagal akong magbasa. Dumating ka na sana. Bakit 'di ka man lang nagbilin na may balak ka palang biglang mag-ice skating. Kung 'di ka pa tinawagan, maiisip mo kaya na ako'y... 'Di bale na. Nakakasawa din pala kapag paulit-ulit ang buhos ng galit. Parang ayoko na yata. Nakakapagod din pala ang iyong mukha. At kung may balak ka pang ulitin sa 'kin 'yon, may ibubulong ako sa 'yo, "Putang ina mo." Bakit nagtiyatiyaga sa 'yo? Ang dami-dami kong reklamo. Parang ayoko nang magsalita. Parang ayoko na yata. Ang daming dapat sabihin. Alam ko na kung pa'no gagawin. Akala mo siguro na hindi ko kaya. At nang ika'y dumating mula sa 'yong pag-a-ice skating, wala akong nasabi kundi, "Napagod ka ba? Kumain ka muna," 'pagkat 'di ko kayang magalit. 'Pag nakita na kita, tumatamis ang pait. Laging pinipilit na magsungit ngunit 'di bale na. Napapatawad na kita. Hindi na magagalit, 'wag lang mauulit. At nung tayo'y kakain na, biglang sinabi mong may lakad kang iba. At kahit gusto sana kitang awayin na, sinabi ko, "Bahala ka, basta mag-ingat ka." Bakit nagtiyatiyaga sa 'yo? Ang dami-dami kong reklamo. Parang ayoko nang magsalita. Parang ayoko na yata. Parang ayoko na yata ngunit wala naman akong magagawa. Marahil sobrang alam mong 'di ko kayang mawala ka. Suwerte ka't mahal kita. Malas talaga.

- Parokya ni Edgar, 2003, Parang Ayoko Na Yata (Track 06)

---

Ayoko nang malaman pa kung sino siya at kung saan ka nagpunta. Hindi na lang tatanungin para hindi mo na kailanganin pang umamin. Okay lang ako. Okay lang ako. Lahat ay aking gagawin, pikit-matang tatanggapin. Mas kayang masaktan paminsan-minsan 'wag ka lamang mawala nang tuluyan. Maniniwala na lang ako sa lahat ng sasabihin mo. 'Di na kita kukulitin para 'di na kailangan pang magsinungaling. Okay lang ako. Okay lang ako. Lahat ay aking gagawin, pikit-matang tatanggapin. Mas kayang masaktan paminsan-minsan 'wag ka lamang mawalan nang tuluyan. Hindi ko kakayanin, mawala ka sa akin, kahit na magmukha akong tanga sa mukha ng iba. Okay lang ako. Okay lang ako. Lahat ay aking gagawin, pikit-matang tatanggapin. Kung mayro'ng magtanong tungkol sa akin, sabihin mo, okay lang ako. Okay lang ako.

- Parokya ni Edgar, 2010, OK Lang Ako (Track 15)

---

lyrics

09 December 2013

Kinakasal pa rin ang Tikbalang

            Nakatira kami sa bahay-kubo. Maganda ang bahay namin. Malamig ang simoy ng hangin kapag gabi, medyo mainit naman kapag umaga. Dito ako pinalaki ni Nanay at ni Tatay. Marami silang tinuro sa’kin. Batang-bata pa lang ako, marami na akong alam tungkol sa bahay namin. Tinuruan nila akong magtanim ng mga prutas at gulay. Punung-puno ng prutas at gulay ang harapan at likuran ng bahay-kubo namin. Tinuruan din nila akong mag-alaga ng mga hayop. Mayroon kaming mga manok, baka, baboy, itik, pabo at kalabaw. Marunong din ako ng maraming gawaing bahay dahil kina Nanay at Tatay. Simple lang ang buhay ko noon, hanggang sa kinailangan ko na raw pumasok sa eskuwelahan.
         
   Mahilig si Nanay umawit. Naalala kong umaawit siyang parati sa tuwing nakahiga na kami sa pagtulog. Ang kanyang himig na tila sumasabay sa simoy ng maginaw na hangin. Hindi nakababagot, malinamnam sa pandinig, umaakma ang daloy ng kanyang boses sa bawat haplos ng hangit sa aking buhok, sa aking balat. Ang buong katawan ko’y parang binabalot dahan-dahan ng parehong awitin at kalikasan. Paggising sa umaga’y umaawit sa aming munting taniman. “Singkamas, at talong, sigarilyas at mani. Sitaw, bataw, patani,” malinis na boses pang-awit pambungad ni Nanay sa aking mga dinig, sa bawat maaliwalas na sikat ng araw. Awit maging sa paglilinis ng aming tahanan, aawit din sa paglalaba ng aming damit. Aawit dito, aawit doon. Nalalamang masigla madalas ang pakiramdam ng aking ina, na nagpapasigla sa buong tahanan.
          
  Hindi naman magpapahuli si Tatay. Hindi lamang mga kuwento mula sa trabaho ang kanyang iniuuwi maliban sa kanyang kita sa sakahan. Bago ang pampatulog na himig ng aking ina’y may pampaganang mga kuwento ang aking ama. Iba-iba! Lumaki akong nakikinig nang nakararamdam ng sari-saring emosyon. Nakatutuwa, nakatatawa, nakatatakot! Mga kuwentong nakapagpapaliwanag ng mga bagay sa akin, tulad ng kung bakit nasa labas ang buto ng kasoy, o kung bakit may puso rin ang saging. May mga kuwento ring nag-iiwan ng mga pagtataka sa aking isip, nagtuturo sa aking umiwas sa ilang mga lugar, sa madidilim, at paggalang mismo sa kalikasan, mga kuwentong nagbibigay-aral sa akin.
        
    Lumaki akong masigla ang aking isipan tungkol sa kalikasang pumapalibot sa akin. Bawat hayop, halaman, pook, oras, aking napahahalagahan, nabibigyang-pansin, dahil sa aking mga magulang.
...
Isang araw sa aking paglalakad sa labas, naging matinag ang bali-balitang may mga dumating na babaeng nakasuot ng mahahabang damit na iba sa damit ng mga tao sa aming bayan. Ang kanilang mga damit ay mas mapuputi, mas mahahaba, at mas makikinis. Bumaba sila galing sa isang napakalaking barkong T. Bago sila, mayroong mga sundalong dumating ilang buwan lang din ang dumaan. Ang mga sundalong Mapuputi na naman at mas mukhang mababait kaysa sa mga nauna. Wala kasi silang suot sa ulo, wala rin dalang mga baril. Aklat ang kanilang mga dala. Nakatali naman ang kanilang mga buhok na hindi rin itim ang kulay tulad ng sa amin. Kahit na mapuputi ang kanilang mga balat, tulad ng sa mga nauna, alam kong naiiba sila dahil sa ibang-iba ang paraan ng kanilang pagsasalita. Iba ang tono, iba ang mga salita. Bagong mga salita na naman.
           
Kumalat din ang mga kuwentong madaragdagan ang mga eskuwelahan. Gusto na tuloy ni Tatay na papasukin na ako. Binilhan agad ako ni Nanay ng mga papel at lapis na inilagay niya sa isang malaking supot. Dumaan ang mga araw na tinatanong ko ang aking sarili kung ano nga ba ang ginagawa sa loob ng eskuwelahan. Nasasabik ako nang may halong pagtataka. Sa mabilis nga namang pagdaan ng mga araw kaiisip ay nabigla ako sa tanong ng aking nanay.
       
     “Handa ka na ba para bukas, Jose?” usisa sa akin ni Nanay habang abalang-abala sa paghahalo ng toyo at suka sa isang malaking hambawan. Nilagyan niya na rin ng paminta at asin.
        
    Bukas na pala iyon. Lalong tumindi ang sabik at kaba sa aking loob. “Opo, Nay,” sagot ko sa kaniya habang hinihiwa naman ang mga parte ng hilaw na karne ng manok. “Ano pong gagawin ko do’n, Nay? Bakit po ako papapasukin sa eskuwelahan? Paano ko na kayong matutulungan ni Tay araw-araw?”
       
     “Kakayanin naman namin ng Tatay mo, anak. Sabi ng Tatay mo, kailangan mo raw pumasok sa eskuwelahan para kapag nakatapos ka ng pag-aaral... Tapos ko nang timplahin ito. Tapos na ba yang hinihiwa mo?”
         
   “Hindi pa po tapos. Ilalagay ko na lamang ang mga nahiwa na.” Hinagis ko nang mahina ang mga nahiwa ko nang parte ng manok. Hinalo naman nang hinalo ni Nanay ang magiging sarsa sa karne gamit ang kaniyang dalawang kamay. “Ikaw, Nay, nag-aral ka ba nung bata ka?”
     
       Ngumiti si Nanay habang patuloy pa rin sa pagpahid ng ginawang sarsa ng adobo. “Naku, anak, wala kaming pera noon. Napakasuwerte mo nga’t libre ang pag-aaral mo ngayon. Tsaka sino namang maiiwan dito sa ating bahay? Alam mo namang maraming kailangang asikasuhin: ang mga tanim, ang mga alaga natin, pati na rin ang paglilinis ng buong lugar. Hayaan mo na lang kami rito, anak.”
          
  Inihagis ko na ang huling hiwa. Nilagay ko na sa lababo ang mga dapat hugasan. Inilipat na rin ni Nanay ang laman mula sa hambawan pakaldero. Isinalang niya na ito sa baga at tinakpan. “Pagbutihin mo anak, ha? Gusto ng Tatay mo, makapagtapos ka. Galingan mo! Dapat makinig at sumunod ka sa mga sasabihin at ituturo ng iyong mga guro.”
        
    Iniwan na namin ang niluluto. Mas mabilis daw kasing maluto kapag hindi hinihintay. Pumunta na si Nanay sa harapan para diligan ang mga tanim. Kinuha ko na ang walis at basahan nang para maglinis ng kusina.
          
  Dumaan ang kalahating araw, hanggang sa naging oras na lamang, minuto, segundo. Hindi ako makatulog. Ano kayang mangyayari bukas? Madilim na sa labas. Nakahiga pa rin ako. Pagtingala ko sa kisame, sa malabong pagharang ng kulambo sa aking nakikita, inisip ko nang inisip kung anong mangyayari pag nakatapos na ako sa pag-aaral, gaya ng sinasabi ni Nanay. Inisip ko rin ang tawag niya sa akin noong sukatin ko ang bagong bili niyang damit para sa akin. “Estudiyante ka na bukas, Jose.”
         
   “Gising na, Jose!” pagbati sa akin ni Nanay. “Bumangon ka na’t mag-aalmusal ka pa. Kailangan mong dumating nang maaga sa eskuwelahan. Baka may makaligtaan ka pa, naku!” Hinila na niya ang aking kumot at unan. Iminulat ko na ang aking mga mata at nakita ko nang tinatanggal na niya ang kulambo. “Naku, bangon na!”
         
   Matapos kong makapag-almusal at maligo ay bumalik nang muli sa kuwarto. Nakita kong inihahanda na ni Nanay ang aking susuotin pagpasok sa eskuwelahan.
          
  “Naku, gagalingan mo anak, ha?” pagpapaalala sa akin ni Nanay. Siya na ang nagsuot sa akin ng pantaas habang inaabot ko na ang aking pambaba. Habang sinusuot ko na ang aking bagong shorts ay sinusuklayan niya na ang aking buhok. “Huwag kang masyadong magpapapawis, anak, ha? Alam mo namang mahirap ang magkasakit. O, ito na ang baon mo.” Nilagyan niya na ng lampin ang aking likod at iniabot na sa akin ang malaking supot ng mga papel at lapis. “Alam mo na ang papunta, ‘di ba? May kasabay ka ba? Mag-iingat ka pauwi ha?”
        
    “Wala po akong kasabay, Nay. Pero alam ko naman po ang papunta.” Sinuot ko na ang aking mga tsinelas at bumaba na sa harapan ng aming bahay. “Paalam, Nay!” huli kong sambit sa kaniya. Sa aking paglingon ay kumakaway pa rin si Nanay, nakangiti.
         
   “Mag-iingat ka papunta do’n, ha! Paalam, anak!”
         
   Hindi naman kalayuan ang aking nilakad. Dalawampung minuto kong nilakad ang eskuwelahan mula sa amin. May mga nadaanan pa akong sundalong nakikipaglaro sa ibang mga bata. Bakit kaya sila, hindi papunta sa pupuntahan ko? May ilan namang mga babaeng kasing-edad ng mga sundalo na nakatali ang mga buhok. Makikinis ang kanilang mga buhok. Mayroon mga nakasalamin at marami sa kanila ay mayroong dalang mga libro. Papunta rin sila sa direksyon ng eskuwelahan. Maya-maya’y nakarating na ako. Maraming sundalong nakaabang sa gate na kapwa naman nakangiti. May mga babaeng kamukha ng mga nadaanan ko kanina na nag-uusap. Maraming bata ring kaedad ko ang kasabay kong papasok sa loob. Pinapila na kami ng mga sundalo at saka pinapasok sa isang silid.

Marami kaming dinaanang silid bago pa man kami makarating sa amin. Tahimik ang lahat ng aking kasamang bata habang hinihintay namin ang susunod na mangyayari. Medyo madilim, mainit at marumi ang silid kung saan kami pinaupo ng mga sundalo. Mula sa aking upua’y malinaw ang apat na mapuputing dingding na tumatantsa sa bawat sulok ng silid. Matataas at parang nakayuko lamang sa akin apat na kantong nakakabit sa kisame. Nagmamatyag sa aking bawat kilos. Ang mga lamesa’y gawa pa rin sa kahoy katulad ng sa bahay namin. Kinulayan ng pinturang kulay dahon ng kalamansi. Apat din ang sulok, papailalim muling bawat kanto sa mga kamay kong nakapatog. Tila papaloob lahat ang kilos ng bawat makita ko sa silid, papaloob pasentrong tungo sa akin. Maya-maya pa’y may pumasok nang isang babaeng tuwid na tuwid ang lakad.
           
“Good morning, children!” panimula niya sa amin. Tahimik ang lahat. Walang kumikibo. Lahat kami ay nakatingin lamang sa kanya.
          
  “I SAID, GOOD MORNING, CHILDREN!” sabay lagabag sa malapit na lamesa sa harapan. Ibinagsak niya na doon lahat ng kanyang gamit at libro. Halos lahat kami gulat na gulat. Bakit niya kami sinisigawan?
         
   “GOOD MORNING!” muli niyang sigaw. “GOOD. MORNING.”
            
“Gud. Molnin,” kinakabahang paggaya naman sa kanya.
         
   “GOOD. MORNING. MA’AM.” Mayroon nang dagdag. Sinubukan kong gayahin muli.
       
     “Gud. Molnin. Mam,” sabay-sabay namin banggit. Hindi na siya sumisigaw ngunit mukhang galit pa rin siya.

“I will be your teacher for now. But before we start our lesson, let me introduce myself first.” Hindi ko alam kung alam niyang hindi namin siya naiintindihan. Tiningnan ko ang ibang mga bata sa loob ng silid. Mukhang nagtataka rin sila tulad ko kung ano ang sinusulat ng babae sa harap gamit ang puting panulat. Hindi naman ito mukhang lapis. Matapos niyang isulat ang L-I-N-D-A ay muli siyang humarap sa amin. “My name is Teacher Linda. Leen-dduhh,” kaniyang bigkas nang may halong pagpapahaba. “El, ay, en, dee, ey – Linda,” habang iniisa-isa ang bawat simbolong kaniyang isinulat sa harap. “Starting today, we will be learning the English alphabet. We are going to learn these letters,” muli niyang turo sa limang simbolo.
         
   Kinakabahan na ako. Ganito ba dapat sa eskuwelahan? Inilabas ko ang aking papel at lapis. May mga gumaya naman sa akin. Sinubukan kong gayahin ang mga simbolong nakasulat. Hindi ko pa rin maintindihan. Nagsasalita pa rin ang babae sa harapan. Hindi ko pa rin siya maintindihan. Mukhang nakikinig na ang ibang bata. Nahihiya akong lumabas. Baka kung ano pa ang isipin nila sa akin. O baka pareho kami ng iniisip? Pare-pareho lang naman kami ng pinanggalingan. Susubukan ko na sanang magtanong nang may inilabas ang babae sa harapan.
          
  “Okay, class, I am going to use flash cards first. For the following days, I will teach you how to write letters. Lee-tehrrs,” muli niyang pagpapahaba sa bawat sinasabi. Muli siyang nagsulat. Ginaya kong muli: L E T T E R S. Ibinulong ko sa hangin ang sinabi ng babae sa harapan, “Leehhtehhrss.” Baka lehhtehhrs ang basa rito. Baka tuturuan niya na kaming magbasa.
          
  “This is the letter A. EEY. Come on, children. EEY,” kaniyang ibinanat ang dalawang braso niya nang nakabukas ang isang palad. “EEY!” Nagulat kaming lahat sa kaniyang sigaw. Mukhang galit na galit na siya! “EEEEY! Come on, children!” Nasa kabilang kamay naman niya ang isang larawan ng isang mukhang prutas na hindi ko naman nakikita sa aming bakuran ni sa aming harapan.

“EEY!” gaya ng mga batang kasama ko. Takot na takot na kami. “Ey,” sambit ko sa aking sarili.
         
   “At last!” buntong hininga ng babae. “This is the letter A! It produces the sound ‘A’! Say it again, children! ‘A!’ ‘AAAAHHH!’”, paulit-ulit na namang bigkas nang pasigaw ng babae sa harapan. “’AAAHH’! Like this one on the picture! ‘Apple’! Come on, children! ‘AHHH’! ‘AAAPPUHL’!”
        
    Wala na naman kaming imik. Kumuha ng isang maliit na patpat na kulay itim ang babae mula sa kaniyang lalagyan. “Could you KINDLY PLACE YOUR HANDS ON THE TABLE: LIKE THIS!” Ipinatong niya ang kaniyang dalawang kamay sa isang lamesa ng bata nang nasa ilalim ang palad. Ginaya ito ng bata hanggang sa ginaya na ng kaniyang katabi. Maya-maya’y lahat na kami’y nakapatong na ang lahat ng mga kamay sa lamesa.
         
   “Very good! Now, say, Apple. AHH-PUHL.”
           
Wala pa ring imik. Lumapit ang babae sa isa sa mga bata at hinampas ang kaniyang kamay. “I SAAAID, APPLE!.” Hindi umiyak ang bata ngunit bakas ang taka at takot. “APPLE!”
            
“Ahh-pol,” sagot ng mga kasama ko.
           
“Very good! Again! Apple!”
         
   “A-POL,” isinagot na naming lahat.
         
   Ginaya kong muli ang letter na nakasulat sa hawak ng babae. Baka kasi hampasin niya rin ako kapag hindi ko siya maintindihan. A. Letter A. AHH. Letter A. Paulit-ulit na ring bulong ko sa aking sarili. ‘AHH’ ang basa rito. Parang sa ‘aso’. Parang sa ‘atis’. Parang sa ‘ayaw’. Parang ayaw ko na. Natatakot na ako. Hindi ko na naman maintindihan ang lahat ng kaniyang sinasabi. Sumunod na ang ibang mga letter. At lalo akong nagtaka sa bawat larawang ipinakita niya. May ilang mga larawan tulad ng talong, mangga, pusa at aso ang aking nakilala. Halos lahat ng mga ipinakitang larawan, hindi ko pa nakikita doon sa aming lugar. May mga kakaibang prutas. Hindi ko rin masabi kung ito ba ay gulay o prutas. May mga hayop ding hindi ko alam kung totoo. Marami ring bagong tunog ng salita ang aking napakinggan. Iba kaya ang lugar namin sa lugar nila? Maraming bagong bagay. Maraming ibang bagay. Ibang-iba sila sa amin.
          
  Matapos ni Titser Linda, pumalit na ang kaparehong-kapareho niya ng damit. “Old McDonald had a farm. E-I-E-I-O!” nakangiting umaawit na pambungad niya sa amin. Umaawit din ang isang ‘to, sabi ko sa aking sarili. Sa kanilang mga salita, mayroon silang mga awitin.

“Again! Old McDonald,” muli niyang awit.

“Ol makdonal,”

“Had a farm,”

“Hadapar,”

“E-I-E-I-O!” nakangiti pa rin.

“Iya-iya-yo!” ngiting awit-pabalik namin bilang sagot.

Nakahinga kami nang maluwag-luwag sa kanya. Mas gusto ko siya kaysa sa nauna. Pabalik-balik din ang mga awitin sa akin ni Nanay  kahit na alam kong ibang-iba ang himig ng babae sa harapan. Paulit-ulit at mas madaling masundan. Kaya ko lamang alalahanin ang malambing na boses ni Nanay ngunit nahihirapan akong gayahin siya. Sa panibagong babae sa aming harapan, tila mas nadadalian ko ang pag-ulit at pagsunod sa kanya.
        
    Sumunod na ang iba pang mga katulad ng babae na maputi at tuwid ang mga pananamit. Mukang hindi rin nagagalaw o nadudumihan ang kanilang mga suot. Ganito rin sa mga buhok nila. Iba-iba ang kanilang mga sinusulat sa harapan gamit ang puting panulat ngunit wala akong maintindihan sa kanila. Alam kong pare-pareho ang kanilang mga ginagamit na salita kahit na iba-iba ang kanilang mga boses. May mga naglabas ng malalaking larawan. Mayroong mga nagdala ng iba’t ibang kagamitang hindi ko naman nakikita sa amin.
           
Naglakad akong pauwi nang umaawit. Nakangiti akong sinalubong ng aking mga magulang, “O, mukhang naging masaya ang araw mo ngayon a.”
      
      “Opo. Kaya nga lang, may ilang mga titser ang hindi ko nagustuhan.”
          
  “Bakit naman, Jose?” pagtataka ni Tatay.
       
     “Yung isa po kasi, mabilis magalit. Baka kasi iniisip niya, madali lang. E ibang salita ang kanyang ginagamit. Nahihirapan akong unawain siya.”
         
   “Galingan mo na lang bukas, anak!” hikayat sa akin ni Nanay habang nakangiti. “O halika na’t maghapunan na tayo’t maaga kang makapagpahinga para bukas.”

            Sumunod ang panibagong araw. Hindi ko pa rin lubos na maintindihan ang aming mga guro. Kinakabahan na talaga ako’t nasasayang lamang ang aking oras sa mga salitang lumalabas lamang sa aking tenga. Ang tanging naiiwan lamang sa aking pag-uwi sa bahay ay ang himig ng mga awit ni Titser Anne at mga salitang wala sa kasiguraduhan ang pagbigkas.
           
Paglakad kong pauwi sa aming bahay isang hapon, natanaw ko ang aking nanay at tatay sa may harapan. Parang nagtataka sila noong nakita nila ako. “May problema ba, Jose, anak?” Oo nga pala. May problema nga pala ako.
       
     “Wala akong maintindihan, Tay. Wala talaga. Ibang salita ang ginagamit nila e. Gusto ko sanang malaman yung mga bagong hayop at halaman na ipinakita ni Titser Linda kanina kaso, hindi talaga kami magkaintindihan. Tapos, hinahampas pa niya ang mga kamay ng mga batang hindi sumusunod sa kaniya. E hindi naman talaga kami makakasunod agad, hindi nga kasi naman siya maintindihan. Tapos, sunud-sunod pa yung mga pumasok na titser at hindi na letter ang tinuturo sa amin,” paliwanag ng aking nagtataka pa ring mukha. Pagod na pagod na ako noon. Magdamag ba naman kasing nakaupo at ginagaya ang mga sinasabi ni Titser Linda at iba pang mga titser. Sa bawat banat ng ng kanilang mga braso habang tinatakot ng kanilang maliit na patpat na itim. “Ayoko nang pumasok sa eskuwelahan bukas, Tay.”
        
    “Ano ka ba, Jose? Papaano ka na lamang makakatulong sa amin paglaki mo?” galit na sagot sa akin ni Tatay.
            
“Edi tutulong na lang po ako sa mga gawaing bahay,” sagot ko sa kaniya. Iyon lang naman yata ang hinihingi ni Tatay sa akin. “Tsaka tutulong na lang po ako sa pagtratrabaho niyo sa bukid. Iyon po e baka mas madali ko pang maintindihan dahil pareho naman po tayo ng mga salita, ‘di ba?”
        
    “Mabuti pa. Huwag mo nang sayangin ang oras mo riyan sa pagpasok mo sa eskuwelahan. Mas makatutulong ka pa nga talaga sa amin sa bukid at dito sa bahay kaysa sa mga nagtuturo riyan,” tulong na sagot sa akin ni Nanay.
         
   “Aba, Josefina. Baka nakakalimutan mo ang mga gastusin natin? Kailangan natin ng mas malaking kita para lamang makatapos ng ilan pang utang natin sa ibang tao,” kontra naman ni Tatay.
         
   “Kaya nga, Mario. Tumutulong na lang dapat iyang anak mo sa bukid para mas mapabilis ang trabaho, mas mabilis ang kita.”
         
   “Aba’t anong malaking tulong ang isang dagdag na trabahador? Isang batang trabahador? Bata pa si Jose, Josefina. Tatanggapin ba siya?”
         
   “Susubukan kong makipag-usap. Pero kapag pinayagan, o hindi ba’t magandang bagay iyon?”
           
“Papa’no kung mapa’no ‘yan? May pang-ospital ka ba? Tuluy-tuloy ang trabaho namin, ‘di ba? May pambili ka ba ng gamot kapag nagkasakit ‘yan? Masusubaybayan mo ba siya sa bawat galaw niya?”
           
“Oo naman! Anong tingin mo sa’kin? Inaalala ko rin naman ang aking anak. Hindi mo ba narinig na hinahampas sila ng kanilang guro kapag ‘di nakaintindi? Alam ko ang responsibilidad ko sa aking anak.”
        
    “At alam ko rin ang responsibilidad ko kay Jose. Anong pinagkaiba ng parusang iyon kapag tayo naman ang gumawa? Magandang bagay naman iyon para mas mabilis silang matuto! Kaya HINDI! Hindi siya sasama sa akin. Mas maganda kung nakapag-aral siya at makapunta sa ibang bansa. Sa bansa ng mga Amerikanong iyan. Nakita mo ba iyong pananamit nila? Ayaw mo bang makapagtrabaho sa ibang bansa at kumita ng mas malaki ang anak mo? Para sa atin? Para sa pamilya natin?”
       
     Pumunta na ako sa aking silid. Mukhang hindi na naman nila ako nakikita. Mag-aaway na naman sila magdamag. Paghiga ko sa aking kama, iniisip ko naman ang tungkol sa mga Amerikano. Ahh. Iyon pala ang tawag kay Titser Linda. Ibang-iba kasi sila kaya iba sila sa amin. Iba ang tawag kaysa sa amin. At sa ibang lugar sila nakatira na malayo sa amin? Kaya siguro sila nakasakay sa malaking barkong T na iyon. Malayo pa pala ang pinanggalingan ni Titser Linda. Totoo kaya ang sinabi ni Tatay na mas maganda ang buhay doon? Hindi ba maganda ang buhay namin dito? Humiga na lamang ako. Mukhang nakalimutan na nilang hindi pa kami naghahapunan sa tindi na naman ng kanilang pag-aaway. “Tingkel tingkel litel istar...” paulit-ulit ko na lamang na awit.
...
Sumunod na ang mga araw, mga linggo. Pinagpursigihan ko na ang pag-aaral sa Letters na paulit-ulit na itinuturo ni Titser Linda. Nasusundan ko na rin ang mga awit, na nadaragdagan bawat araw na itinuturong masigla ni Titser Anne. Sa bawat bagong letter na itinuturo sa amin, bagong salita ang aking natututunan. Patuloy lamang na nakapagtatakang hindi ko pa rin nakikita ang mga bagay na ito sa aming bakuran, ni sa aming lugar.
          
  May mga larawan nang ipinapakita sa amin si Titser Linda na may iba’t ibang mga bagay, maraming mga bagay. Hindi katulad nung mga naunang larawang tig-iisa lamang bawat salita. Nag-iiba-iba na ang kanyang boses, tila siya’y nagkukuwento. Mayroon siyang larawan ng isang unggoy, at isang pagong. Mga hayop sa larawan na mayroong malalaking mata at bumubuka ang mga bibig! Nagsimula ang kuwento nang nag-uusap ang dalawa, sa galing ng pag-iiba ng boses ni Titser Linda, ako’y naengganyo na rin sa pagdinig at sinubukang umunawa. Itinuro ng dalawang hayop ang kani-kanilang bahay.
         
   “Teka... Naikuwento na ito sa akin ni Tatay!” bulong ko sa aking sarili. “Mananalo ang pagong dito panigurado!”
         
   Natapos ang pagkukuwento ni Titser Linda nang umaayon sa aking mga hula.
         
   Sumunod ang mga araw na inaabangan ko na ang mga kuwento ni Titser Linda.
         
   “Okay, kids, today, we are going to read about Jack and the Beanstalk.”
       
     Nagsimula sa unang larawang may batang lalaking nabentahan ng butong pananim ng isang lalaking nakatago ang mukha. Hanggang sa pag-uwi ng batang lalaki’y siya’y nadapa at nahulog sa basang lupa ang mga buto. Kinabukasa’y nagkaroon ng napakalaking punong malalaki ang dahon at mahahaba ang tangkay na lumalampas sa langit!
           
“Nandoon kaya si Hesus?” bulong ko sa aking sarili habang ipinagpapatuloy ang kuwento.
          
  Umakyat na ang batang lalaki sa napakatayog na puno at lumampas na sa kaulapan. Wala si Hesus ngunit may isang napakalaking tao at isang bibeng nangingitlog ng gintong itlog! Natapos ang kuwento sa pagsira ng batang lalaki sa malaking puno at pagkamatay ng malaking tao sa tindi ng kanyang pagbagsak mula sa mga ulap.
        
    Bagong araw, bagong mga kuwento. Nakahiligan ko na ang mga kuwento ni Titser Linda. Unti-unti ko na ring naaalala ang mga simpleng letter at salita na kanyang itinuturo. Ang pagbati sa araw-araw ay memoryado ko na, memoryado na naming lahat. Naengganyo na nang naengganyo ang aking isipan sa pakikinig sa mga guro. Marami na silang itinuturo sa amin, hindi na lamang mga salita at awitin. Mga aralin tungkol sa araw, sa mga bituin, sa buwan, sa mga halaman, maging sa mga hayop at sariling katawan. Bagong araw, bagong aralin, bagong isipan. Nagbabago nang muli ang aking pagtingin sa aking paligid. Panibagong mga lenteng nasusuot sa aking mga mata sa bawat buwan at taon na aking nakatatagpo ang mga guro sa eskuwelahan.
...
            “Bata ka! Sinabi nang huwag tapakan ang nuno sa punso! Naku!” sigaw sa akin ni Nanay sa aking pagdaang pauwi sa aming kubo.
          
  “Nanay, mga langgam po ang nakatira riyan. Naiipon ang mga lupang kanilang dinadala para sa kanilang sariling bahay,” nakangiting pagpapaliwanag ko naman sa kanya.
         
   “Naku! Iyan ba ang natututunan mo sa Titser Linda mo na ‘yan?! Umalis ka riyan! Huwag na huwag mong tatapakan ‘yan! Hindi mo ba nabalitaan yung kaklase mong si Opet? Ayun! Nilalagnat at masakit ang tiyan! Nagtatakbo’t naglaro kasi sa may kasukalan ng gubat noong isang araw! Gusto mo bang magaya sa kanya?” matinding pamimilit ni Nanay.
         
   “Bakit, Nay? Bakit yung mga kalaro niya, hindi naman sumakit ang tiyan, bakit siya lang?”
          
  “Aba, sumasagot ka pa!”
        
    “Nakakita ka na ba talaga ng nuno? Anong itsura? Marami ba?”
       
     Walang imik.
        
    “Nasaan ang tiktik? Nasaan ang aswang kapag maliwanag ang buwan?”
        
    Walang imik.
          
  “Nasaan ang kapre, Nay? Nasaan ang mga duwende? Sa dinami-daming beses kong tinapakan ‘tong nuno na ‘to, ni hindi ako nagkasakit nang malubha! Lupa lang ‘to, Nay! Lupa!”
        
    Wala pa rin.
        
    “Kailan ba may naagawang buntis dito sa atin? Kailan ba nagkaroon ng tiyanak ng mga buntis na iyon? Nasaan na yung mga kinukuwento niyo sa akin?” Wala pa ring imik. Nagdabog na akong papalapit sa aming bahay at pumasok sa silid. Humiga na ako.

Nagising akong may inis pa rin at dumiretso na sa eskuwelahan. Hindi ko na kinuha ang aking baon sa labis na pagkukuwestiyon sa mga tanong ng aking ina na tila wala talaga sa lugar.
...
Tila may kakaiba sa aming silid-aralan ngayon. Bukod pa sa lalong dumilim, sumikip at dumumi, nagkaroon ang mga dingding ng tigdadalawang tuldok ng liwanag na nasa gitnang bahagi ng itaas. Lalo lamang luminaw ang pagtingin nila sa akin. Bakit nakatingin pa rin sila sa akin? Sobrang lagkit na rin ng lamesang pinagpapatungan ng aking mga kamay. Nahihirapan na akong tanggalin paminsan sa sobrang pagkakadikit ng mga ito. Bakit malagkit na ang lamesa ko? Sinubukan kong tanggalin ang lagkit, at patong muli sa lamesa – babalik ang lagkit. Palagkit nang palagkit. Napagod na ako katatanggal ng lagkit ngunit hindi ko na matanggal ang aking mga kamay nang ipatong kong muli sa lamesa. Tiningnan ko ang aking katabi para humingi ng tulong - wala pala akong katabi! Sinubukan kong sumigaw ng, “Titser Linda!” ngunit walang lumabas na boses. Nakatingin lamang sa akin si Titser at galit na galit. Sumisigaw habang papalapit sa akin, hawak-hawak na naman ang kanyang pamalo. Naku! Kailangan ko nang matanggal ang aking mga kamay! Hindi ko na sila mahila! Tumayo na ako’t humila nang buong-lakas ngunit wala pa ring nangyayari. Ako’y lumingon para humingi muli ng tulong. Unti-unting kumilos papalapit sa akin ang dingding sa likuran. Nang tumingin ako sa magkabilang gilid ay nagsisunuran di’t dahan-dahang lumapit sa akin. Papalapit na nang papalapit ang galit na titser habang unti-unti na akong iniipit ng mga sulok. Sige pa rin ako sa kakahila nang buong-lakas sa aking dalawang braso. Sumigaw ako nang sumigaw kahit na wala pa rin akong boses na naririnig. Humagulgol na ako na parang pipe sa lubos na takot at dami ng tanong sa sarili. Huli na ang lahat.

Nalipat ako ng lugar sa isang kisapmata. Nakaharap ako sa malaking salamin, kaharap ko ang aking sarili. Nakangiti sa akin. Maputi na ang aking balata, maputi na ako. Matangos na ang ilong, dilaw na ang buhok. Hinawakan ko ang aking buong katawan habang pinagmamasdan ang sarili sa salamin. Manghang-mangha sa nakikita. Napansin kong hindi pala ako nakangiti. Bakit nakangiti ako sa akin? Tumawa nang malakas ang aking repleksyon.

“HA-HA-HA!”

Tawa nang tawa. Pilit kong kinisikis ang aking balat ngunit ayaw bumalik ng aking kulay. Tinatawanan na lamang ako ng aking repleksyon. Tinakpan ko ang aking mukha’t umakmang magtatanggal ng maskara. Ayaw matanggal! Lumakas nang lumakas ang tinig sa aking harapan. Tawa nang tawa nang tawa. Ayaw tumigil at palakas nang palakas. Pilit kong binubunot ang aking buhok at kinukurot ang aking mga bisig. Hindi ko na mapalitan. Sumigaw akong muli nang walang tunog. Kailangan ko na ng tulong. Kailangan ko nang makabalik. Kinurot kong muli nang ubod na ng lakas ang aking katawan sabay sigaw,

“NANAY!”
           
“Jose, bangon na!” bati na naman sa’kin ni Nanay.
           
Tik-tila-ok!
           
“Baka mahuli ka pa sa eskuwelahan.” 

“Ito na ang baon mo,” sabay abot ng nilagang saging sa akin. Iniabot niya na rin ang supot ng aking lapis at papel. “Pagbutihin mo na ngayong araw,” huling paalala niya sa akin. “Saka ka na kumain pag-uwi dahil hindi pa tapos ang aking sinaing.”
        
    Dilat na dilat ang aking mga mata. Sinilip ko ang aking mga palad. Pawing-pawi ang aking antok at takot. Sa isang banda, nakahinga na ako nang maluwag mula sa aking pagkakabangon. Sa kabilang banda, sana kinain na lang ako ng apat na dingding para ‘di na ako bumalik pa ngayon sa pagiging ibang tao.
        
    Napansin kong umuulan ang mga ulap sa taas ng sikat ng araw. Lumapit muli sa akin si Nanay.
        
    “O heto, payong,” kanyang abot sa akin.
      
      Ibinaba ko ang payong pabalik bilang pagtanggi.


        
    “May kinakasal na tikbalang.”