07 April 2020

May pagtambad kang
Mahirap malimutan.
Bigla na lamang lalarga
Ang aking pagkamuhi sa sarili
Sa tuwing ika'y magpapamalas ng
Iyong sariling walang muhi.

Sa gitna ng sigawan at pawis ng
Mapangibabaw na katamarang tunay
Sa init ng hapon,
Papagitnaan ng mga titig
Galing sa mga dahong
Walang ibang inatupag
Kung hindi makipagtanungang
Tulad ng mga pagod sa silid na
Hindi na yata matatapos pa
Ang pagmamasid at pakikipagpalitan
Hanggang sa muling halik ng hibla,

Ipinaalalang panimula ng
Iyong mga mata
Ang hindi na makukuntentong
Paggiliw ko na tanging iyo.
Mahaplos sa akin
Ang iyong pakilig na tinig,
O, himig sa akin,
At ibig kong hamakin
Ang lahat-lahat ng papatol,
Lahat-lahat ng palibot
Silang lahat na walang malay.
Ikaw na nakapangingilabot,
At ikaw na walang malay.

Hindi ko na napansin pa
Ang paghila sa atin ng oras,
Pakagyat na matauhang
Makilalang muli kung sino ang dapat
Maghiwalay ng langit sa lupa,
Maging ng kuntento sa hindi.
Malayo na sa katotohanang
Makapagpapaalam pang pangako
Nang dahil lang sa pagkadapa sa dumi,
Sapagkat ano itong paraisong
Gumugulo sa aking guni-guni?
Ako nawa'y huwag nang balikan
At sulasukin pa ng sidhi ng malay.

28 March 2020

Hindi na mahanap pa
Ang alanganing umaga
Habang nakikipaglaro ako
Sa iyo at aking mga usok.
Medyo manilaw-lungti,
At ayaw paubos
Kahit pa makipagpalitan
Nang paulit-ulit
Kung makikipagsapalaran
O tatabi nang muli
Sa nakakainis mong pisngi.

Mahal kita.

Aray! Hampas mong agad sa akin
Sabay talikod at humihingi
Ng pakiusap sa oras na
Mamaya na tayong sigawan.
Ang buhok mo'y dumudulas
Sa balat mong 'pag pinisil ay
Magsisiwalat ng pagtatagpong muli
Ng ating mga puso.
Babaluktot nang kaunti
Hanggang sa pumiglas sa ipit
Tungo sa isang panakaw na
Mahal mo rin sana ako.

21 March 2020

Tuluyan nang umukit
Ang iyong pangalan
Sa akin na tila yata
Hindi patatalo
Sa sugat na ikaw rin
Ang nag-iwan.

Bakit hindi mo pa rin
Ako tinitigilan?
Bahagya kang dumaan
Ngunit bakit pailalim
Nang pailalim itong
Hiwang binulungang
Huwag sana maghilom.

Dahil kung handang muli
Ang pait bumaon ngunit
Sa hindi inasahang lunas,
Ikaw na mismo, pakiusap,
Ang tumapos sa 'king danas.

14 March 2020

Ikaw na nagsasabing
Hindi ka naging malibog,
E hindi ba't malibog din
Ang mama at papa mo
Kaya ka nila nabuo?

Pasensya ka na -
Binuo pala.

Saka ba't nasasabing
Maaari pa ring bumawi
Kahit na nagalit na,
E hindi ba't ang siste,
Hindi ka naman binawi ng
Mama at papa mo,

Hindi ba?

Pasensya ka na.
Ikaw naman din kasi
Ang nagsabing
Isa ka lamang
Inarugang palusot,
Pinakain ng masusustansya,
At busog na busog
Sa mga ideolohiya ng
Iyong mama at papa.

Pagpasensyahan mo sila
Dahil nauuna ang isip
Kaysa sa pagkain at pera.
Kung pagkakasyahin
Sa kainipang makasat ng
Iyong hiram na kandila,
Pasaan pa't matutukso rin
Sa ningas ng bumbilya.

07 March 2020

Ay, basta't kung papayak ng isa,
Sunud-sunod na kung bibira.
Sa dadalas nang pagkilala,
Magbabalik sa umpisa.
Mangyaring sasalpok ang alon
Sa naglalakihang mga bato,
Tirik ng araw at yamot,
Mahilig pang umayaw sa limot.
Araw-araw mag-aabang,
Araw-araw kung makapansing
Ang mga ulap ay dumaraang
May ihip na iparating na
Sa kung sakaling bibira,
Hayaang manaig ang timpla
Nang maghalong muli ang saya,
Lungkot, galit, at pahinga.

28 February 2020

Sa bawat sulyap,
May nililikhang pira-pirasong 
Alaala na kung ipuni’y
Kusang magkakabit-kabit,
Parang siksikan sa pila
Kung saan kita muli
At huling nakita.

‘Pasaan ka?’
Magaang tanong sa sarili. 
Hihiwalay na naman
Kahit hindi talaga nagsama,

Kahit pa pumagitan
Sa siksikan ng pila
Kung saan hindi na kita nakita.

21 February 2020

Aakuhin ang lahat,
Gagalamayin bawat tagong tiklop
Umiwas man ang mga bantog sa dilim.
Ririkit nang hindi kailanman,
Humalika man ang hari.
Ang lahat ng mga alalay,
Maglilingkod nang hindi natatapos,
Hinding-hindi matatapos,
Hanggang sa kung may susundan pa
Kung sino ba ang bantog na
Umako ng lahat.

14 February 2020

Pabigat nang pabigat na
Ang mga pagkakataon. 
Siguraduhin mong papalag pa
Hanggang bukas ay bumati sa’kin,
Bumating may paghangong
Piglas pa magwala tungong kanto,
Sa gilid, sa hapag,
Sa gitna ng galit at ganid. 
Patirapang may nagbabalak
Sumabak muli sa salimuot ng
Paghaharang sa mga sandaling
Inaasam-asam noong walang muwang
Sa pandaraya ng mundo,
Sa inis ng mga kahapon,
Sa sakit na hihiwang walang sugat
Pero kailangan pa ring indahin.

Ano pa man ang aking hingin,
Mamilit man sa dulas ng sahig
Ang lilim ng kumot,
Yumakap man ang init sa ginaw ng
Pagtigas, ang paghiwalay ng talulot
Sa natuyong sinimulan, magtatapos
Sa isang saglit na walang katapusan.

07 February 2020

Sinlagkit ng nangagtutulong unahan,
Papauwi na namang pinanggalingan. 
May mga punong kay tatayog,
Kalsadang kinalakhan sa uma-umaga. 
May mga palasak pa ring
Ibinibida ang kanilang mga sarili. 
Hindi naman maikakaila
Ang panunumbalik sa dati-rating anyo.

May kung anong himutok-pagbabago.

At sa kabila pa rin ng mga naganap,
Nabubuong pamuli’t muli ang hugis. 
Pabayaan ang mga tinapakan ‘pagkat
Dumating sa wakas, ipinalanging luha,
Upang hugasan ang pagsalang-pait.

Ang huminahon ay paabuting saglit.

28 January 2020

Pasensya ka na
Kung hindi ko iniibig
Ang ‘yong mga ibig.
Hindi ko man maipakita,
Maipakilalang maringal,
Hayaan mong palampasin
Ang mga ibig kong palagay,
Pasya, mga tanging kasya
Sa aking napaglumaang silid.

Pinagkaitan ng kausap,
Kulang sa mga danas,
Kulang sa mga sangkap.

Saan mo man ako palayain,
Tatanggaping may pasalamat,
At paumanhin pa rin
Kung hindi rin kita iniibig.

21 January 2020

Siyang mali rin naman sa sakaling
Kay hirap bumalik at tumanaw
Sa mga utang at pagkakautang ng
Kung anong ipinakling paghiyaw.

Salamat na lamang, aking sininta. 
Araw-araw na paglimot sa lupit ng
Hirayang walang may ibang alam
Kundi ang usiyosong pintig ng langit,
Pariwarang may direksyon.

Kulang pa rin ang sukbit ng tensyon. 
Maagang panaglit, maayang sambit ng
Paalam, o paalam... Saka na lamang
Ang lahat ay isisilid sa paglakip.

14 January 2020

Kumintal ang kislap ng kulit. 
Nakasasabik, nakagugulat
Ang mga ngiting bawat bitaw. 
Bintang sa akin ng kapalara’y
Magpatuloy sa mga ngiting
Ibinabalik sa akin.

Mananatiling mapagkubli. 
Sa mga ningning ng kislap mo’y
Mabuti pang hiyasa’t masawi.

07 January 2020

Pahinging pahintulot,
Mangyaring maligalig,
Hungkag, nangagtatala,
Himyas tungong kahig.

Tulala siyang turingan,
Saka lamang makaalalang
Ang mga hamak na sobra,
May kung anong hiwaga.

Sundan ang mga balang
May liwanag at may dilim. 
May nagpapatawang
Kailangang maatim, intindihin,
Bigyang-paliwanag at kalinga.

Hindi sadyang maiintindihan
Ang pagtalikod sa hinaharap.

28 December 2019

Nagagalit ka ba sa mga bagay na naisip mo rin, o kailan ba magtatapos itong mga patamang walang maitama kung hindi magtama ng mga sariling tama nang tumama naman nang tama sa tama at ng tama na rin? Tama na ba, o tama na ba? Tama na. Ah, tama na. Sana tama na para tama na.

Katamarang maituturing at huling pagpapaumanhin sa taon. Panibagong taon para sa akin at pagtatapos sa maraming hindi ko pa ring kinikilala at inuunawa. Paumanhin. Lahat ay kinakailangang baka sakaling bigyan ng panahon at bigyan pa rin ng pansin. May bahid ng pagkaluma ngunit totoong huwag na sanang palipasin. Hindi rin maiwasang matakot sa mga inilalapag na baraha pero sadyang binubuhat pa rin ng sariling mga paa at kakaunting mga ngiti nang makalampas at makisabay sa naaabutang sabay-sabay na paglipad ng tren.

Hahanapin ang pagbati ng umaga sa banggaan ng mga langgam na hindi masigurado kung paano nga bang maaayos ang iniwan nang mga bakas ng kahapon. Pabalik-balik pa rin ang mga kunot ng kawalan, at sinasaka na pa rin ang madali namang mapagbigyang sopas sa ginaw ng damong tinapakan ng mga nagsisigawang bato.

Malaya kung malaya, ang daigdig ay walang pakialam. At sa pagtatapos ng dekada'y magkakamali na ang mga simbolong itinama.

Salamat!

21 December 2019

Dala ng makasat na libog at uupuang umaga, sasambulat nang deretsahan ang kalam sa sikmurang makagagalit sa karamihan, ngunit pagkain at pepera lamang sa akin. Sa mga patihulog ng mga kumakalansing ay mistulang awiting matagal pa bago ako’y tuluyang mayamot at makalimot na kailangan ko nang matanggap na hindi nga pala ako katulad ng karamihan.

Mag-isang namumuhay, nagdidikdik na lamang at makikipag-usap nang magkaespasyo naman ang mga banig-banig na itinagping mga dahong pinaglipasan na ng tubig-ulan at halik ng sari-saring umaga. Ang kabunduka’y kaibigan pa ng aking mga kaibigan at magiging (at naging) kaibigan. Sisikatan ng liwanag at papuri. Hindi na makapagpipigil pang makinig sa papuri ng iba liban sa kanilang mga sarili at sarili ring mga kaibigan pa.

Paraiso ang sadya ng marami, katahimikan ang iilan. Sa pabugsu-bugsong bigla ng bagaheng bigay ng bagot, bagay sa gubat gumambala sa gabing ganado sa gabay ng bobo at gigil. Parating ihahambing ang nagkakasalubong namang mga araw. Sa huli’t huli’y sapat nang magpakawala ng mga eksenang magpapahina sa pag-ungol ng mga nagbabanta sa dilim.

14 December 2019

Tanggap kayâ sa gilid ng mga párang at lipunan ang pagtitig, maligalig. Mukhang ayaw iwanan ng mga nakaw kong saglit, hinihingi mula sa iyo. Patawad, aking giliw, ‘pagkat mahina itong puso sa magayóng timpla, sa sirám ng hinahon ng iyong mukha, sa pagligpit sa akin ng mga panahon kong nawawala, nabibigla sa angkin mong hiwaga. Siya nga’t itong pusong mahina, tanggap mo rin kayâ?

07 December 2019

Ay anupa't nalalapit. Hindi sukat-akalaing maaatim ang mumunting pangarap na sinipat. Sa bawat pagsipag ng umaga, hindi miminsan maiiwasan ang mga pakunwaring yamot, pag-aalalang kamalian, at iidlip na lamang sana.

Sumiklab papalayo sa nauna nang mga hugis, ngunit unti-unti ring binuo ang siyang tipa ng kasalukuyang sinusundan. May mga nagpapakilala pa ring mga parirala subalit tinuturing nang mga kaibigan. Paalam na sa galit, sa galit sa mundo, at sa galit sa sarili. May yapos sa pagtanggap sa kung anuman ang pagbigyan ngunit may yabang sa tuwina nang paglikha. Ang makalimot sa dating mga sarili ay hindi nangyayari bagkus ang sarili'y nakauunawang totoo na ang pag-alala'y pagbabalik-loob sa sarili.

Bawat titik ay bahagi na ng kasaysayan, at magiging bahagi pa. Sa takbo ng utak na makasat-kasat sa kahingian ng mga arbularyo at ermitanyo, ang manunulat ay walang takot na nakikisabay kahit na makitid ang dinaraanan. Ang malabo'y patuloy na palalabuin, huhugasan ang mga platong pinagkainan, sasabunin ang mga punyeta, at matutulog nang mahimbing 'pagkat ipinataal sa sariling hindi mabubuo ang danas kung ang danas ay hindi sisimulan.

28 November 2019

Pagkarikit ng usok tuwing magdirilim. Tila sumasabay sa naalimpungatang kumot at mga unan. Bahagyang aagos ang paiba-ibang timyas ng hangin. Nag-uumpisa na namang guminaw. Mararamdaman ang mapagkubling pag-iisa at pakikiisa, ngunit ni hindi minsang dadapuan ng hinagpis. Ang pagpapasyang makalayo muna sa ingay ng mundong paulit-ulit ay matagal na ring kinasabikan.

Hindi maisipan pa kung paanong sisimulan ang napipintong pagtatapos. Aayon na muna sa hagod ng kamuntikang masirang pagpapasahan. Laway ang nag-umpisa at sa laway rin magpapaalam, kapuwang nagkukuwetuhan ang mga pinagtapunan ng mga bangkay, pinagtaguang mga hibla, at babalikan pang mga pangungusap.

Ang galit ay napawi, ginusto nang makasakay muli. Isasarang dahan-dahan ang mga mata hanggang sa hilahin nang pailalim ng namumuting kakampi. Kaagapay ng mapanghusgang mga tala, ikaw na mismo ang maunang tumapos sa atin.

21 November 2019

Masahol na naman ang kurot ng anyaya, pausok tungong pantayo mamaya. Hilig pa rin kung miminsan ang paglagok sa gabi-gabing kinasanayan na noong araw pa man. Sa mga sementadong tambayan at papahilagpos nang liwanag, naiinis na maya't maya ang guwardiyang limang beses nang inuutangan ng yosi, Marlboro nga po, pula.

Ha? Pula? Para ka namang ama niyan?

Gago, hindi ako taxi driver! Saan ba tayo mamaya?

Ahh, nagsisimula ka na naman ng kaputang inahan mo ah. Ano na bang natapos mo kanina?

Marami na rin, gago. Kanina pa ako pagod mapagod. Siyang saan nga ba tayo, putang ina ka?

Saglit, magyayaya pa ako sana.

At sa gayo'y maliwanag na maliwanag na nga. Kapuwa na naman nag-aabang ng kanya-kanyang pagpipitikan ng makasariling upos at baga. Ang sisig ay kakantiyawan kahit na babalik-balikan pa rin. Masasamid sa mga nakapalibot na anghang ngunit yayakapin ang bawat sandaling sasagi na lamang kung maaalala pa.

Ay sa kung minsan nga bang mga gabing bakit hindi pa pinagana ang pag-umpog sa mapakla! Sana'y puno pa rin ang langit ng ating mga pagtingala at pinagpag nang mga balat at asin ng mani, ng mga natapong bula, mga pinabayaang usok ngunit nauuwing luhaan, mapagpaumanhin, at umuunawa.

Gabi na naman, kaibigan. Saan na nga ba tayo?

14 November 2019

Strukturalismo

Strukturalismo.

Hanep. Ano 'to? Sa pagkakaalala ko, una ko 'tong narinig sa subject tungkol sa mga teoryang pampanitikan noong nasa college pa lang ako. Sa pagkakaalala ko lang ulit, ang natatanging umukit sa akin mula sa mga binanggit ng prof ko tungkol dito ay yung (non-verbatim), "Kinakailangan nating malaman ang struktura ng isang akda nang madeconstruct natin ito at muling makapagreconstruct. Deconstruct and/to reconstruct."

Sa isip-isip ko, mukhang malabo? Nauunawaan ko yung puntong kailangan kong baklasin sa iba't ibang parte ang isang sulatin nang masuri nang mas maigi ang bawat bahagi pero bakit kailangan ko siyang buuing muli? Kailangan pa bang buuin ang siyang buo na?

Doon ako nagkamali. Saka ko lamang napagtanto yung maaga kong katangahan noong papalapag na galing Skyway yung sinasakyan kong bus, ilang linggo lamang din ang nakalipas...

Strukturalismo na yata yung isa sa mga bagay na nakakatakot pakinggan pero magagamit kung tutuusin. Baka hindi natin namamalayan, araw-araw o may mga panahong nagamit natin ito nang hindi natin namamalayan. Hindi lamang mga alagad ng panitikan, pilosopiya, etc. ang maaaring makinabang sa mga ganitong paraan ng pagtingin sa mundo at iba pang mga nasa paligid natin.

Sa ibang sabi, strukturalismo ang lenteng nagagamit sa tuwing hinihimay natin ang isang bagay nang baha-bahagi (struktura) na mababakas pa rin sa kapuwa o kapareho nito. Nang maipaliwanag pa nang mas mabuti sa sarili, sabihin na lamang nating kailangan mong maranasan ang isang bagay nang paulit-ulit bago mo mapansin ang mga nauulit nitong taglay na katangian.

Halimbawa na lamang, nagkataong nakakain na ako ng iba't ibang spaghetti sa buong tala ng buhay ko hanggang sa ngayon. Sa bilog ng partikular na danas na ito, nalalaman kong ang isang spaghetti, saan man nanggaling o sino man ang nagluto, ay mayroong (1) pulang sauce na may karne, (2) noodles, at (3) cheese (optional). Mayroong mga bahagi. Sa isip ko, bilang din namang pakilala ng realidad na kinabibilangan ko, lahat ng spaghetti na makakasalamuha ko ay mayroon dapat na ganitong struktura.

Ayon sa isang tropa noong araw (non-verbatim), "Mayroon lamang dalawang uri ng manunulat. Yung isa, naghihintay at nagbabasa ng marami bago magsulat. Yung isa naman, nagsusulat lamang nang nagsusulat."

Alam ko, walang koneksyon sa spaghetti pero makakarating din tayo roon.

Siguro, hindi lamang ako ang may ganitong pagtingin sa spaghetti. Malamang ay yung iba diyan, sinisiraan yung sauce ng birthday ng kapitbahay nila. Yung iba, dadagdagan nila ng cheese yung inilagay nila sa kanilang plato. Minsan, iba-iba ang karne, iba-iba ang timpla, iba-ibang opinyon, ngunit may iisa pa ring struktura.

Ngunit hindi tayo natatapos na lamang sa pagtikim o pagkain na lamang ng spaghetti. May ibang mga taong umaabot sa kanila mismong paglikha ng sariling version ng spaghetti. Maaaring mula sa pagkain nila ng maraming-maraming spaghetti, nagets na nila ang pinakastruktura nito, at sa tulong na rin ng simpleng pagtatanong at research ng recipe, lulutuin na nila ang spaghetti na gusto nila.

Ngayon ay maaari niyang matsambahan sa unang lagpak ang lasang hinahanap niya. Pero sa madalas ma't sapul ng mga tala, dadaan pa rin siya sa paulit-ulit na pagluluto ng spaghetti bago pa man makamit ang ninanais na timpla.

Bago pa man nating maunawaan nang buo ang isang bagay, kadalasa'y kailangang paulit-ulit nating maranasan ito. Sa panahon ng memes ngayon sa social media, halimbawa, madali nang mapansin at mabuo ang pattern na ipinakikita ng isang unique na meme. Sa paulit-ulit nating nakikita ang iba't ibang teksto ng iisang meme, paminsan pa'y nagagamit na natin ito sa pang-araw-araw na pakikipag-usap.

Mula sa mga ito, hindi na masamang sabihing mayroong mangilang paraan para maibilad ang ating sarili sa isang bagay bago natin mapansin at buuin sa ating mga isip ang struktura nito. Puwedeng paulit-ulit tayong makakakain ng iba't ibang spaghetti, o paulit-ulit tayong magluluto ng sarili nating spaghetti. Puwedeng makakakita at makakakita tayo ng memes na may parehong dalumat, o puwede ring bubuo at bubuo tayo ng sarili nating meme ayon na rin sa dalumat na ating nakita.

Ngunit ang isa sa pinakamadadalas mangyari ay yung makakailang ulit ka munang makatitikim ng meme bago mo pa man subukang gumawa ng iyong sariling likha.

Mag-uumpisa 'yan sa paghahalaw, pangongopya nang walang pag-aangkin. Matutuwa ang sarili dahil kinakayanan sa mga unang hakbang pa lamang. Kung magiging pursigido pa, aabot sa antas na makakalikha na ng isang obrang malayo nang mabakas pa't maihawig sa mga inspirasyong pinagkamulatan.

Maigi kung nalalaman muna ang pagkakahimay ng struktura ng isang bagay dahil magagamit ang mga makikilalang katangian sa paghihiwalay ng dapat mula sa hindi, ng mahusay mula sa kailangan pa ng paglinang, ng karaniwan sa hindi karaniwan, at nang maging mas madali ang pansariling paglikha ng mismong bagay na pinaglaanan ng oras.

07 November 2019

Malibog pa sa gabi ang pagtiwangwang sa akin ng araw. Ngingitian pa akong nangingirot sa aking kalamnan. Nagpapaalalang tila huwag ko lamang makakalimutang, ang aking paninilbihan ay saka lamang makapagpapabilang kung ako na ang tanging mayayamot sa buong panahong pakikipagpalitan ng kapaitan.

Pinalalapit pa ako't saka pupuluputan kung hindi pangganahan ng malakas na balandra ng tumutulong ginaw. Palilipasin kong maringal ang aking gutom at galit habang dahan-dahan akong dadapuan ng tuwang minsan ko na lamang makilala. Sa mga sandaling ito'y hihilingin kong maging pagong na lamang akong lalangoy kung hindi mapagbibigyan, maglalaslas kung madudulas, at mangingiyak na rin kung sinubukan na ang lahat ngunit pawi pa rin ang katapusan.

Magsisindi na ang nag-iisang bintana, maririnig ko na ang usok na tutuldukan ng payak na pintig. Bahagya nang lumalakas ang kasintunaduhang nagmamay-ari sa mga idinikit na't paulit-ulit na lamang na tinatapalan. Magmumura ako nang papaurong nang masimulan ko nang tupiin at gisingin ang kung ano pa mang mga natira sa aking mga tinira.

Hindi mapipigilan ang ragasa, ngunit hindi ang ibig kong sabihin. Magsasagutan ang aking mga kapuwang malayang intindihin ang init ng paglaya pero pinilit na lang na pumirma sa kalikasang mayroong naghahari-harian. Ano man ang isugod sa mga diwa ng naglilingkod at wasto, mahusay na makikiigi pa rin ang pagmamanmang panguna ng kamangmangan.

28 October 2019

Bastardo. Malapot na putikan. Kagaya ng mga ulap na walang sabit, ang paghinga ko'y pagbabalik sa kung anumang ipinakilala sa akin ng mga nakatatanda. Hindi ko alintana kung ano pa man ang muli't muling ipinaaalala ng mga hampas-lupa sa akin. Ang sa akin lang, mabigyan ako ng kahit na kaunting oras para makipag-usap sa mga kapuwa kong nagliliwaliw sa gabing ubod ng takot at pag-iiba ng anyo.

Mabisa ang liwanag dahil ito ang nagtatago sa ating mga tunay na pinagpapaguran kung kaya't mas mukhang pinagpapaguran pa nga silang mga nasisinagan ng tuluy-tuloy na panghihingi ng saplot at makakain. Sila, na walang ibang ginawa kundi makipag-usap sa mga lalang ng mahihirap ngunit nakakikita kahit na sabihan pa nang makailang ulit. Sila, na hindi na matatapos pa ang pagsasakripisyong maging iba, maging hindi totoo, maging maalam sa mga bagay na wala naman silang pakialam. Sila, na sa kahit na anong hamong iabot at ialay ay mabubulag at mabubulag pa rin sa liwanag.

Sa liwanag lamang tayo tunay na makapagtatago, ang liwanag ang siyang panadyang tumututol sa ating mga pagkakakilanlan. Sa bawat masikatan tayo ng bumbilya't magsimula nang mabigyan ng pansin ng mga mata, saka lamang tayong nag-uumpisang tumiklop at maging ahas nang muli. Hindi tayo naitatago ng kadiliman sapagkat dito lamang tayo masasanay na buuin kung anuman ang ipinagkalayo sa atin ng mga matang mapanghusga, mapangmatyag. Nang mapalayo sa pakpak ng mas mabibilis pa sa alas sais kung magsipagwalis ng alikabok sa kalsada, mas naiibsan ang kalbaryo kung hindi na sila makikita pa.

Masikip, masalimuot, ngunit aanhin kung ang babati'y wala, kung ang pawis ay pansariling pagod na lamang, kung ang malapot na panganib ay sinadya nang suungin. At katulad ng mga ulap na wala ring pakialam kung magsipagbadya ng pagpitik sa mga nakasabit, kung makaranas nang muli ng kay gaan sa alaalang kulimlim ay malinaw na malinaw para sa akin.

21 October 2019

Ikaw ang paborito kong tao. Ang pinaka. Sa lilim ng unan at paglimot, akayin mo ako tungong paraiso, tungong pag-iwan sa mga dapat kaiwan-iwan. Sa iyo lamang ako, o aking paborito, aking pinakamatatamis na halik, aking pinakamasasayang ngiti, aking pagkakaiba sa panatili at panaginip.

Hindi nga ba akong nagkakamali? Wala naman sigurong nakapapansin kung hindi ako, ako na iyong malayo, ako na iyong kagalit sa pagpili ng ikatutuwa at kapaparisan ng pagtanggi sa mundo. Hilumin mo ako. Ako na nakikipagsapalarang minsan sa sarili, sa sarili kong walang kakulay-kulay ang laman.

Saan tayo pupunta? Yakapin mo na lamang ako. Mamaya ka na umalis, mamaya na tayo bumangon. Maaga pa ba? O kay aga pa. Ipag-iinit na kita ng tubig para sa iyong kape. Ako ma'y nais pang matulog sa himbing mong kay payapa. Halika, halika na. Lumayo ka diyan! O dapat ay dumito ka lang, dito ka lang. Pakiusap.

14 October 2019

Ang sabi nila'y mag-aral lamang daw ako nang mabuti sapagkat ako ang siyang may bahala sa aking kapalaran. Pagtanda'y kaagapay ang mundo't uunawain, mapasaang karimlan, mapasino ang kasinghubdan. Matatalino ang sumasabak sa hindi matatakot na madla. Ngunit paano kung ang natatanging maaaring umunawa sa iyong mga pinakadadalhin at dinadala ay siya ring huwad na harang na huwag padarang?

Nakakapagod ang buhay. At dahil kilala ang pagod, kikilalanin din ang pahinga. Ang buhay ay puno ng pagod ngunit sa pamamagitan lamang ng pamamahinga muli't muling nabubuo ang sariling nabubuhay. May iisa lamang na nagsasarili, at iisa lamang ang sarili. Bukurin mang pagalit ang iba't ibang mga katha, magtatagpo pa rin sa ilalim ng pamamahingang anino ang paghahanap sa nagsisikalmahang mga ulap.

Huwad ang iyong sarili. Mapanira ang siyang kalikasan. Nasa likas na pamamaalam ang pagiging mabuti ng iilan. Sa mga maiiwang alaala at kunwa-kunwaring pag-asa, manghihinayang ang mga hindi pa sa tunay na pamamahinga'y nakauunawa. Ang lahat ay mapapagod, mumurahin ang kalangitan 'pagkat ang mamagitan sa pakawala ng gising at pagluhod ay paghihintay sa hindi na matatapos pang pag-aaral nang mabuti.

07 October 2019

Panibagong anghang ng mga sansaglit na pagsilip sa tahimik na paraisong dala-dala ng iyong pagtingin. Ang iyong labi'y tila naghahanap ng kalam, tatagos sa aking pusong takam lamang din ang nalalaman. Mahirap mahulog pailalim sa hindi na mawawari pang dulo ngunit hindi ko rin masasabing ayaw ng aking paglayang nanakaw-nakawin mo nang makailang ulit.

Sa iyo na muna, ang mga ulap at dahong may kanya-kanya ring kuwentuhan sa tuwing titilamsikan ng apuhap. Kapuwa kaming ngingiti ng aking pakiramdam, magiging parayang magkakaunawaan sa mumunting katotohanang kami lamang din ang may pagsubok.

Isa kang pagsubok, aamining sumalangit. Ang aking paghahanap sa ligayang matutupad lamang kung kikilalanin ako ng sarili kong mga multo sa buhay. Huwag na sana pang magpakita ang takot, ang paghila ng aking aninong may sarili ring mga pabigat na alaala. Sa 'yo lamang ako natutuwa, ay siya't bakit pa ba may ganitong mga pagtutuos!

Halika, at humalina, hindi alintana ang ingay nila, ang pagtatagpong saglit lamang ng ating mga lihim na saglit ang silbing patunay na sa buhay kong sa pag-ibig na lamang kinakayang maniwala. Salamat sa iyo, sa iyong panibagong tamis at pait, halong nag-aalis sa akin ng bagot, dulot ay karaniwang sayang hindi na sana masayang pa.

28 September 2019

Mayroon na namang mga nawawaglit na sandaling hindi na maibabalik pa. Unti-unting mamamatay sa masasayang mga pagngiti ng araw. Ni isa ay babawian ng makamandag na pagkakaroon ng pakialam hangga't hindi pa nilalagutan ng hininga. Pahinga. Ang paghingi ng kaunting pagluwag sa aking paghikab at pagpanaw sa mga sandaling nanakawin pa para lamang maging taong muli, dinadala pa sa kabilang ibayo ng hanging may kung anong pagpariwara laban sa init.

Mabangu-bango sa tuwing magbubukas na lamang ng pamilyar na mga lalang. Sa may mga araw na titindig ang bagong yamot na ring makipagbanggaan ng mga paningin at pagtingin ngunit aayon pa rin nang makapagsabing sa puntod na hindi nasasayang ang anumang itinumbang botelya at sininghot na panggamot sa plema.

Magdurugo nang magdurugo, ngunit hindi papansinin o mapapansin. Uulit na namang pagdidisketahan ang dilim. Mahahalatang inililindol ang looban, magtago man sa talukbong ng mga hindi nakakikita ngunit taong kapuwang pareho lamang din ang pakiramdam sa kahit na sino. Sino ba naman ang may pinakatotoong tapang na ititiwalag ang katanyagang tapyas sa titulo kung sa tantyang tirapa'y talagang titira at titira pa rin naman?

Mag-isa lang tayong lahat ngunit kahit na ganoon, ang mga buhangi'y kumpol pa rin ng nag-iisang pangarap na tupdan at tupdin ng magpapahingang mga paa ng pagod na mga gasera.

21 September 2019

Bawat isa ay may isinusuksok, itinatabla. Tila mga kandilang ayaw patinag sa ihip ng mas masiglang liwanag na sinasabayan ng mga halamang hindi pa rin natutukoy ng kahit na sino. Mapapaso nang maraming beses ang paulit-ulit na tumanggap na sa pamamaalam. Lahat ay may kanya-kanyang simbolong pilit na binibigyan ng kahulugan kung kaya't nagkakaroon pa rin parati ng hindi na mamamatay pang paniniwala sa kung anu-ano.

Wala namang masama. Wala naman ding mabuti. Sa pagkakapantay-pantay ng mga kandilang kahit sabay-sabay binuhay, mayroon pa ring kanya-kanyang pagkadehado, lalo pa't ikinubli ang lahat sa nag-iisang kahon ng kakarating lamang lagi na pag-asa. Matitinik ng mga halos hindi na maipapaliwanag pang mga gagamba, mumunting mga halimbawa ng may sariling pag-akap sa kanilang ipinagkamalang tadhana. Madalas, maraming maniniwala, at madalas din ang pagkausap sa sariling nasa tamang desisyon ang hindi magdesisyon sa sarili.

Nabubuo na ang panibagong mundo ng makataong liwanag. Mapuri at banal, mapuputian ang lahat ng hindi mananampalataya sa natutunaw na hindi naman masama at mabuti dati. At hindi porke't pinagalitan ng kultura'y hindi na maaaring bumalik pa sa mas o pinakatangang posisyon sa kasaysayan. Ang paghamak sa makabagong saysay ng mga kinalimutan na'y pagdiriwang ng matatalinong ang alam na lamang ay maghintay maiputan ng mga uwak sa pagtakip-silim. Maagang matutulog nang walang laman ang saysay dahil bakit ba at bakit pa.

14 September 2019

Hindi ko na nga rin ba malaman kung gusto ko pa yung sarili ko. Nagbukas ako ng lata ng sardinas kagabi, thinking na malabo pa ring makahuli sa lalim ng mga tarak, only to notice na kalahating isda lang yung isinalampak ng may-sala sa tambad ko. Take note: Kalahati. Lang. Putang. Ina. Sinubukan kong magtimpi, magalit nang payumi. Saglit lang ako makuntento at hindi masamang humuni ng mga kagyat at sinabi, malabo pa rin ang tsansa. I have never felt this lonely ever since binigyan mo ako ng pag-asa.

Lumaya na sana ako, maging maringal, ngunit may dusa rin. Ang aking paghingi ng kasarinlan ay huwag sanang makitang imburnal na pupunuin ng pait, ng pasakit, lalung-lalo na ng inggit. Normal lang naman sa akin ang magalit, at itanggi mo man, ikaw rin ay nagkakasala. Madalas akong makatsamba ng mga pagtinging sinadya, mga sinadyang husgang mapanikip lamang ang pandudusta. Mapapalad ang mga patay sapagkat wala na silang panahon pang makipagtalo sa mga walang kuwentang pagpapabango.

Ako ma'y simple lamang na tao. Simpleng pamumuhay lamang ang aking hinihingi. Makapanigarilyo nang may tama, makahimlay nang walang sakit ng ulo. Kaya nga lang, maraming pumapalibot na katangahan at mababagal na kuneksyon sa bawat patak ng aking luha. Pagpapawisan ang mga lubid saka magiging kumpleto ang lahat ng aksyon sa plano, ng kanilang mga plano.

Magayong nagtitiis ako para sa kanila ngunit hindi pa naman doon nagtatapos ang lahat. Pabalik-balik pa rin kung tisod na ang lahat o magbabago pa ba ang mga kumakain ng apoy. Nakakagulat ang mga bigla na lamang nagtatapon ng tinapay na may matatamis na palaman. Hindi man lamang ako inanyayahan kahit kailan para sa nag-iisa kong tasa ng kape. Mabuti na lamang at may natitira pa akong tatlong kaha ng sigarilyo.

Naiinis ako pero ayaw ko rin namang magbilang. Masamang manumbat ngunit nakakairita ring maunahan ng mga wala rin namang malasakit. Panuyang makaaamoy pa pala ako ng mga ganito kasarap na palaisipan. Titingin ako sa kabila, kunwaring magmamasid, at lulunok ng laway nang matiwasay. Iisipin kung dapat pa bang magpigil o yakapin na nang husto ang pinili kong kamatayan.

Bahala na.