18 August 2013

Yung Iba Ro'n, Plastik

Sinubukang pagkumparahin, ni Leslie Anne Liwanag ng DLSU Manila sa kanyang papel na pinamagatang David vs. Goliath: Ang Pakikipagtunggali ng Masinag Market Laban sa SM Masinag sa Lungsod ng Antipolo, ang isang palengke (Masinag Market) at isang  bagong shopping center (SM Masinag). Sa simula pa lamang ng kanyang presentasyon ay nahinuha ko nang mananalo, o mas magmmumukhang papanigan ng kanyang papel ang SM Masinag dahil sa sinabi niyang gusto malaman ng kanyang saliksik kung "paanong nakikipagsabayan ang mga makalumang palengke sa mga bagong shopping center." Doon pa lamang, masasabi ko nang kahit na mukhang pagkukumparahin niya pa at magpipilit na lamang na mapatingkad pa ang imahe ng Masinag Market, nakikita kong mayroon na siyang nakikitang pruweba, mula sa mga naobserbahan niya nang mga tao at nangyayari sa dalawang kaligiran, na mas tinatangkilik na ng mga mamimili ang SM Masinag. Kasi  kung titingnan niyang, halimbawa sa umpisa, na magkapantay ang dalawa para subukang pagkumparahin, marahil ay hindi niya gagamitin ang salitang nakikipagsabayan. Ano 'to? Mabilis ang isa at humahabol ang isa? Nang inilahad na niya nga ang kanyang mga datos at diskusyon gamit ang kanyang pangunahing paraan ng pagsuri na iba't ibang tunggaliang kapital, lumamang na ng isang puntos ang SM Masinag. Kinailangan niyang magpasok ng bagong tunggaliang kapital dahil sa magkakaroon ng pantay na marka ang dalawang naglalaban, o pinaglalaban. Ginawa niya ito para magkaroon lamang talaga ng panalo mula sa dalawa at hindi na lamang basta pagkumparahin ang dalawa. Lalong tumingkad ang plano ng mananaliksik na magkaroon ng mas maganda na bilihan sa kanyang inobserbahang lungsod.

Sa dulo ng kanyang presentasyon, sinubukan niya namang hindi ipahalata ang kanyang pagkiling sa isang panig. Binanggit niyang, "As long as mayroong pagtugon sa tao, nagpapatuloy ang negosyo." Lubhang napakalabo na nito para sa akin (kasi tanga nga ako) sapagkat tila nasisira ng ganitong pangwakas na pangungusap na inilahad ko nang pinahihiwatig ng mananaliksik kanina. Kung hindi na niya sana nilagyan pa ng check mark ang SM Masinag bilang pag-apruba sa kanyang kinakampihang lokasyon, matatanggap ko pa na wala talaga siyang pakialam sa dalawa bilang pag-apruba na rin sa kanyang piniling pahayag ng pagtatapos. Negosyo lang pala ang mahalaga e. Bakit ka pa nagsulat? Why the title? Why the primary objective?

Mula sa kanyang mga rekomendasyon, maaari ring sigurong nahirapan siyang huwag talagang pumanig sa isa dahil iminungkahi niya talagang wala dapat papanigan ang isang mananaliksik. Bakit niya pa inirekomenda ito? Dahil ba sa hindi niya ito nagawa nang taos sa kanyang saliksik? Hindi na rin kailangan pang sabihing mahalaga ang pagkakaroon ng mabisang adviser dahil kumon na itong maiisip ng isang mag-aaral na sa unang pagkakataong gagawa ng kanyang thesis.

11 August 2013

Verb and Orthography Inconsistencies

Nakakuha ako ng anim na maaari kong tingnan bilang mga pag-aaral sa grammar, o isa o ilang mga bahagi ng grammar ng isang wika sa Palawan. Sinubukan kong suriin ang mga pag-aaral na ito upang maipakita kung paanong nagsimula at saan pa maaaring tumungo ang mga ganitong saliksik. Isa-isa kong ibibigay ang mga sangguniang ito, babanggitin kung anong taon at kung sino ang may mga akda, at sisikaping mabigyan ng katangahang pagpuna, mapangahas na paglalarawan, pagpapapansing pag-uugnay at pilit-hinikayat na magtanong. Huwag magpapadala sa utos ng hari.

PALAWAN

Tagbanwa

A Linguistic Atlas of the Philippines
compiled by Curtis McFarland (1980)
Study of Languages and Cultures of Asia & Africa
Monograph Series No. 15
Tokyo: TOYO SHUPPAN

Ang probinsiya ng Palawan ay mayroong mga naninirahang in-migrant na Tagalog, Sebuano, Ilokano, Hiligaynon, at iba pa. Mayroon ding mga Kuyonon (isang Kanlurang Bisayang wika) at Kagayanen (isang wikang Manobo).

Ayon kay McFarland, mayroong anim (6) na wikang Palawan: Kalamianon, Agutaynon, Batak, Tagbanwa, Palawenyo, at Molbog.

KALAMIANON
- sinasalita sa mga isla ng Calamian (Busuanga, Coron, Culion)
- Tagbanwa; isang dayalek ng Kalamianon; ang dayalek na ito ay wala umanong kaugnayan sa distinct na wikang Tagbanwa.

AGUTAYNON
- sinasalita sa mga isla ng Agutaya at malawakang ginagamit din sa Hilagang Palawan

BATAK
- sinasalita sa isang area sa hilaga ng Puerto Princesa

TAGBANWA
- sinasalita sa isang area sa palibot ng Aborlan sa Gitnang Palawan

PALAWENYO
- sinasalita sa timog na bahagi ng main island ng Palawan sa mga vicinity ng mga munisipalidad ng Quezon, Brooke's Point, at Batarasa
- mayroong mga significant na pagkakaiba sa pagitan ng Palawenyong ginagamit sa mga silangan at kanlurang coast, at maaari pa nga silang maging magkaiba talaga.

MOLBOG
- sinasalita sa mga timog na munisipalidad ng Balabac at Batarasa

Census Data

KALAMIANON
1970 - 1,645 (Coron at Busuanga)
1975 - not counted pero isinama sa bilang ng Palawenyo; Ang Kalamianon-Tagbanwa naman ay isinama sa Tagbanwa. Ang mga Tagbanwa speaker sa Coron at Linapacan (3,000) ay inihanay raw dapat sa Kalamianon.

AGUTAYNON
1975 - 25,475
~ 7,423 (Palawan: Agutaya, San Vicente, Linapacan)

BATAK
1975 - 1,400 (hilaga ng Puerto Princesa)

TAGBANWA
1975 - 10,251 (TAGBANWA + KALAMIANON-TAGBANWA)
~ 9,270 (Palawan)
~ 3,000 (Aborlan)

PALAWENYO
1970 - Palawenyo
7,525
1975 - Palawenyo
53,019
~ sinasama na rin dito ang Kuyonon
~ 42,122 (Palawan)
~ 7,000 (Brooke's Point, Aborlan, Quezon)
1975 - Pinalawan
29,098
~ 28, 734 (Palawan = Batarasa, Quezon, Brooke's Point)

MOLBOG
1975 - 5,639
~ 4,485 (munisipalidad ng Balabac)
~ 831 (Batarasa)

Relationships

Mga Wika ng Palawan
I. Hilaga
A. Kalamianon
B. Agutaynon
II. Timog
A. Batak
B. Tagbanwa
C. Palawenyo
D. Molbog

Ang mga wika ng Palawan ay nasa ilalim ng Meso-Philippine Group kasama ng Central Philippine Group at ilang mga wikang Mangyan.

Parating mayroong wikang Tagalog sa paghahambing sa mga inihaing table.

Hindi nagbigay ng mga pagsusuri sa mga inilagay na paghahambing ngunit nakatutulong naman kahit papaano ang mga ginamit na mga salita para makapagpakita ng pagkakahawig at pagkakaiba ng mga salita at pangungusap.

Nakatutulong din ang mapang isinama sa pag-aaral upang mas makita ng ibang mananaliksik ang distribusyon kaakibat na rin ang dami ng mga nagsasalita dahil sa isinamang census ng bawat wika at ng kinabibilangan nilang lugar.

Mayroon ding pagtatangka sa karamihan sa mga salita kung papaanong bibigkasin. Halimbawa'y gumamit ng tutuldok upang maipakita ang pagpapahaba sa pagbigkas at ang simbolong 'q' para magpakita ng impit sa mga dulo at umpisa ng isang pantig.

Handbook of Philippine Language Groups
Teodoro A. Llamzon
Ateneo de Manila University Press
Quezon City 1978

Naghain ng iba pang mga kaalaman tungkol sa Tagbanwa ng Aborlan.
 
Halimbawa:
 
A. The Community
- Tagbanwa, Tagbanua, Tagbanuwa
- matatagpuan sa mga isla ng Palawan
- ang Aborlan ay matatagpuan sa gitnang bahagi ng isla ng Palawan
- ngunit kumalat na sila ngayon sa mga lugar na Lamani, Kulangdanum, Apuruan Bobosawan, at Labtay (Napsaan)
- posibleng nanggaling ang salitang Tagbanwa sa (taga + banwa) o mga taong nakatira sa countryside o galing sa inland area.
- tinatawag ding Aborlan ang nasabing wika
- 1970 census ng mga nagsasalita: 8,623
 
B. Economy
- food
- clothing and ornamentation
- handicraft and manufacturing
 
C. Social institutions
- marriage
- religion and beliefs
- literacy
~ Ginagamit pa rin nila ang kanilang sinaunang anyo ng silabikong pagsusulat.
~ Ang syllabary nila ay mayroong labingwalong (18) simbolo.
~ Nagsusulat sila sa bamboo gamit ang isang maliit na patusok na kutsilyo.

Magandang ipinakikita ang mga ganitong bagay tungkol sa pinag-aaralang wika at tagapagsalita dahil mayroon silang mga kaalamang maaaring hindi na maisasalin pa sa ibang wika. May mga kaalaman at tradisyong namamatay kung mamamatay lahat ng nagsasalita ng isang wika. Masasayang lamang ang mga kaalamang iyon na matagal nang naipapasa sa maraming henerasyon dahil nakadikit ang mga ito sa kultura at wika ng mga tao.

Ang pagpapakilala halimbawa ng Chinese jars at Muslim origin ng mga sandata ng Tagbanwa ay maaaring makapagsabi ng mga nakasalamuha nang mga tao ng mga taga-Palawan. Ang kanilang mga ugnayan dati ay hindi lamang makaaapekto sa kanilang mga ginagamit na kasangkapan sa pang-araw-araw na gawain kundi maging sa kanila na ring wika.

Isinama ang mga ginagamit na salita para sa mga miyembro ng pamilya. Ang mga ito ay hinati sa dalawang grupo: Nuclear Family at Extended Family. Mayroon ding mga katawagan para sa mga miyembro ng pamilya ng asawa.

Nagsimula ang pagtalakay sa mismong grammar sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga available na katinig, patinig, at diptonggo na nasa ilalim lahat ng ponolohiya.

Sumunod na sa bahaging ponolohiya ang mga panghalip na nahahati naman sa tatlo: Singular, Dual (1st and 2nd person), at Plural.

Kasunod nito ang bahaging Demonstrative Pronouns na ginagamit sa wika.

Isinama rin ang mga pandiwa na may kasamang paglalahad kung papaanong ginagamit ang mga panlaping ginagamit sa Aborlan Tagbanwa. Ang ginawang table ay nahati sa Focus (Actor, Goal, Location, at Instrument) at sa Mood (Non-finite, Finite: Imperfect, Perfect, Future, at Recent Past at Gerund).

Mayroon ding listahan ng mga terminong ginagamit para sa pagbibilang (Cardinal, Ordibal, at Distributives).

Sa bahaging Particles naman makikita ang mga Case Marker para sa mga Personal at Non-personal Nouns. Nasa ilalim din ng bahaging Particles ang mga linker na ginagamit sa nasabing wika.

Sa dulong bahagi ng pag-aaral'y may mga halimbawang pangungusap para maipakita ang sintaktika at malinaw na makita ang simpleng pagkakasunud-sunod ng mga salita sa loob.

Alfabeto Tagbanwa (Tagbanwa Alphabet)
with some reforms
Norberto Romualdez
Imprenta "CULTURA FILIPINA"
Cabildo, 191, Intramuros
1914

Ayon sa akda, ang Tagbanwa ay isang cognate ng Bisayan, Tagalog, at iba pang wika sa Pilipinas.

Dahil daw sa halos 50% ng populasyon ng mananalita ng wika ang gumagamit ng alpabetong Tagbanwa, sinubukang gumawa ng mga reporma ni Romualdez para mas madali at gawin ang alpabeto na mas mabilis at mas mabisang behikulong magagamit ng mga mas malalayo pang rehiyon ng Palawan.

Nasa wikang Espanyol ang akda.

Ang alpabeto ay mayroong labing-anim (16) na titik na mayroong tatlong (3) patinig at labintatlong (13) katinig. Ang direksyon ng pagsulat ay pahalang pakanan. Ang alpabetong Tagbanwa ay silabiko.

Nireporma ang alpabeto para maisulat ang mga salita mula pa sa ibang dayalekto at wika. At para rin maisama ang ng Bisaya at Tagalog na mga wika, at para sa tunog na ng wikang Espanyol. Pinagcombine din ang ilan sa mga katinig para mairepresent ang mga katinig na tunog na C, Z, F, N at iba pang kombinasyong BL, CL, X, ND, PR, etc. Ginawa ang mga repormang ito para na rin maisulat ang Doctrina Christiana sa nasabing wika upang gamiting mga halimbawa at exercises.

Sumunod nang bahagi ang transcription ng mga titik ng alpabeto. Ang mga tunog ay A, E/I, O, U, KA, GA, GA (NYA), TA, DA, NA, PA, BA, MA, LA, YA, WA, at SA. Ang pagkakasunud-sunod ng pagsulat ay simula transkripsyon ng alpabeto, kasunod ng kung paano itong bibigkasin at panghuli'y salin sa Espanyol.

Nilagyan ng tuldok sa pagsulat ng mga titik I/E at O/U sa itaas na bahagi para paghiwalayin. Mayroong tuldok ang mga titik I at U para maihiwalay mula sa mga walang tuldok na E at O. Kung susulat naman ng mga consonant cluster, pinagdidikit ang dalawang katinig na mga titik na mukhang isinulat na script. Halimbawa, ang mga titik ng BA at LA ay pinagdidikit (walang puwang, mayroong linyang nagkakabit sa dalawa) upang makabuo ng tunog na BLA.

Makikitang nagkaroon ng pagdaragdag sa mga titik ng alpabetong taal. Dahil nga sa kinailangang aralin ng mga prayle ang mga wika ng katutubo, kung mayroon mang alpabeto o ortograpiya silang ginagamit, mayroong dito nagsimula. Hindi lamang inaral sapagkat makukulangan sila sa pagtuturo kung iyon lamang ang gagamitin kaya't nadagdagan ang mga naunang ponolohiya ng Tagbanwa.

Mapapansing mula sa akda ni Llamzon, nasa labingwalo (18) na ang simbolong ginagamit pansulat ng mga nagsasalita ng Tagbanwa. Sa mga unang pag-aaral naman ni Romualdez, labing-anim (16) naman ang bilang ng ortograpiya ng Tagbanwa. Iyon kaya ay dahil sa pagiging lima ng mga patinig na nagsimula sa tatlo?

Sa paglipas ng panahon, hindi naman ipinagwalang-bahala ng mga nagsasalita ng Tagbanwa ang itinuro sa kanila ng mga prayle. Ang mga pagbabago sa kanilang wika, maliban pa sa mga salitang banyagang hiniram ay maaaring nag-ugat pa sa kanilang paraan ng pagsusulat. Mula sa maliliit na pagbabago, pagdaragdag ng mga tuldok at pagpapakilala ng dikit-dikit na pagsulat, nagbabago rin ang kanilang paggamit sa wika at lalo pang nadagdagan ang kanilang bokabularyo.

Magbasa Tami It Tagbanwa (Let's Read Tagbanwa)
An Alphabet Revision Book in Tagbanwa of Palawan, Philippines
Summer Institute of Linguistics Philippines, INC.
1977
Peter and Christine Green

Ayon sa Paunang Salita na isinulat ni Juan L. Manuel (secretary), mahalaga ang pedagohikal na pagkatuto ng wika ng isang mag-aaral. Kung matututunan ng isang bata na basahin ang isang wikang kanyang pinakanauunawaan, magkakaroon siya ng confidence na matutunan pa ang pambansang wika.

Ang aklat ng alpabeto ay dinisenyo para raw matulungan ang mga mananalita ng Tagbanwa, na naturuan nang pansamantala ng Pilipino, ngunit wala pang sapat na kasanayan sa pagbabasa.

Ang mga titik sa Tagbanwa at Pilipino ay halos pareho lamang daw ngunit ang 'e' sa Tagbanwa ay pareho ng pagbigkas sa Ingles ng salitang 'the'. Ang mga impit naman ay ginagamitan ng kudlit.

Nagsisimula ang pagtuturo sa pagkakasulat ng malaki at maliit na titik. Halimbawa:

Aa

Mayroong nakaguhit na larawan ng isang bagay na nagsisimula sa titik na iyon. Kasunod nito ang isang halimbawang payak na pangungusap gamit ang salita o terminong ginagamit para sa larawang nakaguhit, na nagsisimula sa titik na itinuturo. Kasunod na itinuturo ay kung paanong sinusulat ang mga titik at sa huling bahagi'y iba pang mga halimbawa ng mga salitang nagsisimula sa itinatanghal na titik.

Mayroong nakaguhit na larawan ng isang bagay na nagsisimula sa titik na iyon. Kasunod nito ang isang halimbawang payak na pangungusap gamit ang salita o terminong ginagamit para sa larawang nakaguhit, na nagsisimula sa titik na itinuturo. Kasunod na itinuturo kung paanong sinusulat ang mga titik at sa huling bahagi'y iba pang halimbawa ng mga salitang nagsisimula sa itinatanghal na titik.

Ang pagkakasunud-sunod ng mga titik ay, A, B, K, D, E, G, I, L, M, N, Ng, P, R, S, T, U, W, at Y. Matapos ang pagtuturo sa bahaging Y ay tinalakay naman ang mga halimbawa sa kung paanong binibigkas sa mga salita ng Tagbanwa ang impit.

Sumunod na bahagi ay ang Glossary na mayroong tatlong column: Tagbanwa, Pilipino at English.

Mayrooong labingwalong (18) titik na ginamit sa aklat. Mali ang suspetiya kanina dahil walang titik O mula sa mga ito. Pinaghiwalay lamang ang E at I at naidagdag ang R dahil wala namang 'Ra' sa silabikong alpabeto ng Tagbanwa.

Sa pagbabanggit pa lamang na halos pareho lamang ang mga titik ng Tagbanwa at Pilipino ay nakapagtataka na. Nabanggit na kanina na mayroong sariling pagsulat o ortograpiya ang mga Tagbanwa. Ang Pilipinong ito, na alam nating nakabase sa Tagalog, kung itinuturo nga naman sa paaralan ay gumagamit ng alpabeto Romano.

Ngunit maaari ring na ibig sabihin ng aklat ay ang Ponolohiya, kung saan tinatalakay ang mga tunog ng patinig at katinig na magagamit sa dalawang wika ay halos magkakahawig nga naman.

Naunang nailimbag ang aklat na ito kaysa sa ginawang pag-aaral ni Llamzon. Hindi nalalaman ng mga gumawa ng aklat ang kahalagahan ng taal na ortograpiya ng mananalita ng Tagbanwa o hindi lang sinlalim ng pananaliksik ni Llamzon ang kanilang ginawa.

Maaari ring makita itong dahilan ng pagiging endangered ng wikang Tagbanwa.

Central Tagbanwa:
A Philippine Language on the Brink of Extinction
Robert A. Scebold
Summer Institute of Linguistics
Linguistic Society of the Philippines
Manila
2003

Nagsimula ang aklat sa kaligirang pangkasaysayan at dinamikong sosyolingguwistika ng Palawan. Mayroon daw ebidensiya na nagkakaroon ng Language Shift sa nagdaang limampu (50) hanggang animnapung (60) taon. Mula raw sa walong daan (800) hanggang isanlibong (1,000) bilang ng mga nakatira sa Gitnang Palawan, dalawang daan (200) lamang mula sa mga ito ang may inang wikang Tagbanwa. Karamihan pa sa mga ito ay matatanda. Karamihan na raw sa populasyon ng mga mas nakababata ay nagsasalita na ng Cuyunon o Tagalog bilang inang wika. Ngunit mayroon pa rin namang mga gumagamit ng Tagbanwa bilang kanilang pangalawang wika.

Sa bahaging gramatikal naman, una at nakahiwalay ang phonology sa grammar. Isang buong kabanata ang isinulat na pagtalakay sa phonology. Nasa ilalim ng phonology ang Syllable and Word Structure. Karamihan daw sa mga salita (ugat) ng Tagbanwa ay mayroong dalawa (2) hanggang tatlong (3) pantig. Tinalakay rin ang:

A. Stress

B. Ambivalent Segments

1. High Front and High Back Vocoids
2. Lengthened Vocoids
(Ang vocoid ay pantig na tunog sa pagitan ng isang katinig at isang patinig.)
3. Affricate
4. Aspiration
5. Glottal Stop
C. Phonemes

1. Stop
2. Glottal Stop
3. Fricatives
4. Nasals
5. Flap
6. Glides
7. Vowels

Ayon naman sa aklat na ito, ang Gitnang Tagbanwa ay mayroong apat na patinig:
1. i
2. i
3. u
4. a

D. Morphophonemics
1. Consonant Weakening
Halimbawa nito ay and /d/ na pinalilibutan ng mga patinig ay humihina mula sa pagiging stop patungo sa pagiging flap.
2. Nasal Assimilation
aN - an, am, aN
3. Nasal Assimilation with Consonant Deletion
Kung voiceless stop o fricative ang unang katinig ng isang salitang ugat, ito ay nawawala na sa pagbigkas.
4. Vowel Harmony
Halimbawa:
/pa/ + /tabas/ => /patabas/
/pug/ + /tabas/ => /pugpatabas/ => /pugputabas/

E. Coexistent Phonological Features Carried by Spanish Loan Words
Nilinaw ni Scebold na ang Tagbanwa ay isang Austronesian na wika pa rin ngunit sa loob ng isandaang taon at higit pa, naisama na sa lexicon ng wika ang mga salita ng Espanyol.

Magandang ihiniwalay pa rin ni Scebold ang mga taal na bahagi ng grammar ng Tagbanwa para maipakita kung anong mga katangian mayroon ang wika nang hindi pa naiimpluwensiyahan ng banyagang wika. Kung sinasabi niya na ngang endangered na sa mga panahong ito ang Central Tagbanwa, maganda na ring maisulat niya ang grammar ng wika para manatili o hindi masayang ang kung ano pang mga kaalaman ng wika at ng kanyang kultura ang maaaring makita pa na wala sa iba.

1. Syllable Patterns
Naidagdag ang CCV.

2. Coexistent Contrasts
Kung allophones ang [o] at [u], magkahiwalay ang mga ito sa mga hiram na salita sa Espanyol.

3. Coexistent Phoneme

F. Orthography
P, T, CH, (hiram na salita), K/C, B, D, G, V, S, H, M, N, NG, L, R, W, Y, '/- (impit), I, I, E, U/O, A.

Sa bahaging ito naman, mapapansing iba na naman ang ortograpiya ngunit kung iisipin, maaaring ang Central Tagbanwa ayisang dayalek ng Tagbanwa. Nakapagtataka lamang na idinagdag ang impit na nasa simbolong ' o - na hindi naman inirerepresenta sa sinaunang ortograpiya ng Tagbanwa. Bahagi kaya ito ng dahil sa impluwensiya ng Espanyol, kinailangan pang maisulat ang simbolo para sa impit na matagal nang nasa ponolohiya ng Tagbanwa ngunit hindi tinitingnang di hiwalay sa mga simbolong kinikilala? O ginamit lamang ito bilang gabay ng mga prayle para sa pag-aaral ng wika kung kaya't kinailangan nila ng marka para sa impit dahil hindi naman natural sa Tagbanwa ang paggamit pa ng simbolo para rito?

Sumunod na kabanata ang Grammar:
A. Morphology
1. Affixation (Derivational and Inflectional)
a. Prefix
b. Suffix
c. Infix
d. Reduplication
e. Combination

B. Lexical Categories
1. Nominal
a. agent, object, goal
b. Noun Marking Particles
c. Common and Derived Nouns
d. Personal Pronouns
e. Demonstrative Pronouns
2. Modifiers

Noun Phrase
1. Possessive
2. Demonstrative
3. Descriptive
4. Appositional
5. Embedded
Predications
1. Non-verbal Clauses
2. Existence and Possession
3. Verbal Clauses
4. Quotation
Negation
Semantic Relations
1. Conjunction/Addition
2. Disjunction/Alternation
3. Contrast
4. Temporal Relations
a. Sequence
b. Simultaneity
c. Co-occurrence
d. Span-Included
e. Beginning-Postspan
f. Prespan-End
5. Result-Reason
6. Mean-Purpose
7. Condition Consequence
8. Concession-Contraexpectation
9. Comparison
10. Verbal Simile ('midyo')
11. Verbal Comparison ('kisa')

Verbs

1. Basic Verbal Inflection
a. inflection for temporal aspect
b. focus (agent and non-agent: basic categories of focus)

2. Other Aspectual Inflections
a. Abilitative (physical ability to do the verb)
b. Potentiality (something that may happen)
c. Generality (general action affecting general groups)
d. Opportunity (unexpected opportunity)
e. Involuntary
f. Collective (done in a whole group)
g. Continuous

3. Other Verbal Aspects Moods
a. Imperative (instruction)
b. Recently Completed
c. Immediate Future
d. Customary or Habitual
e. Continuous or Repetitive
f. Inceptive ('impisa' or 'to begin')
g. Optative (something should happen; 'dapat')
h. Causative Voice (prefix pa-)

Sumunod na bahagi pagkatapos ng kabanatang Grammar ay A Brief Lexicon. Hinati sa dalawang bahagi ang kabanata: Central Tagbanwa-English Dictionary at English-Central Tagbanwa Index. Mayroon nang mga salita mula sa wikang Espanyol. Ang pagkakasunud-sunod ng mga titik ay A, B, D, E, I, G, H, I, K, L, M, N, O, P, R, S, T, U, V, W, Y.

Kung babalikan ang ginawang aklat nina Peter at Christine Green, walang titik O sa kanilang listahan.

Natanggal din mula sa kanilang listahan ang Ng dahil ang mga salitang (nasa A Brief Lexicon) nagsisimula sa Ng ay nasa ilalim na ng mga salitang nagsisimula sa N. Ngunit ang mga salitang ito ay kasunod lamang ng mga salitang nagsisimula sa pantig No- at huling bahagi na ng listahan ng N. Kung titingnang mabuti ang pagkakasunud-sunod ng mga titik, nauuna ang G kaysa sa O. Maaaring malay itong paghiwalay ng Ng mula sa iba pang mga tunog kahit na nakalagay pa ito sa ilalim ng N.

Role Combinations and Verb Stem Classes in Kalamian Tagbanwa
Edward Ruch
Pacific Linguistics Series A - No. 41
Papers in Linguistics No. 5
Department of Linguistics
Research School of Pacific Studies
The Australian National University
1974

Ayon sa akda, maraming beses nang sinubukang iclassify ng linguists ang mga verb stem ng mga wika sa Pilipinas. Ang mga naunang pag-aaral ay sina:
a. Woolf - affixation potential (1970)
b. Ballard - affix meaning (1973)
c. Redi - clause structure (1966)
d. Forster and Barnard; Chandler - participant roles encoded by non-predicate tagmemes (1968; 1974)

Pero wala sa mga nabanggit sa itaas ang naging satisfactory para maging generative classification ayon kay Ruch (1974).

Sinubukang gamitin ni Ruch ang lahat ng mga nabanggit niyang halimbawa ng pagkaclassify sa wikang Kalamian Tagbanwa.

Sa unang classification, na ayon sa affixation potential, mayroon siyang labing-isang (11) klase:
Class A1: ag-, aN-, -um-, -en, -an, i-
Class A2: ag-, aN-, -um-, -an, i-
(Ang N sa aN- ay isang morpoponemang umaayon sa kasunod nitong katinig na tunog.
Halimbawa: p at b > m; t at s > n, etc.)
Class B1: ag-, aN-, -en, -an, i-
Class B2: ag-, aN-, an-, i-
Class C1: ag-, -um-, -en, -an, i-
Class C2: ag-, -um-, -an, i-
Class D1: aN-, -um-, -en, -an, i-
Class D2: aN-, -um-, -an, i-
Class E: ag-, en-, -an, i-
Class F1: aN-, -en, -an, i-
Class F2: ag-, -an, i-

A. subject focus: ag-, -aN-, -um-
B. object focus: -en
C. referent focus: -an
D. accessory focus: i-

Sunod niyang isinulat base naman sa participant roles. Para naman daw sa bahaging ito, ang mga panlaping -en, -an, at i- lamang ang isinama sa classification. Ang mga role ay:
1. Agent
2. Patient
3. Goal-Patient
4. Location
5. Goal
6. Source
7. Goal-Source
8. Beneficiary
9. Instrument
10. Quantity (measurement)
11. Concomitant (entity that accompanies agent during the action but in an inert manner)
12. Agent-Source
13. Possessor
14. Stimulus-Reason (motivation)
15. Time (moment the action is carried out)

Ang mga verb stem ay maaaring mag-occur sa mas marami pa sa isang role combination. At dahil nga sa maaaring matagpuan sa iba-ibang role combinations ang isang verb stem, umabot sa labinlimang (15) class ang naitala sa akda para sa mga pandiwa ng Kalamian Tagbanwa para sa awtor.

Isa pang pagtatangka sa pagsasakategorya ng mga pandiwa ng Kalamian Tagbanwa ay ayon sa kahulugan ng mga panlapi. Halimbawa: Ang unlaping i- ay nagsisignal na ang agent ay lumalayo mula sa kanyang orihinal na posisyon para magawa ang aksyon. Isa pa ay ang mga unlaping ag- at paN- ay nagsisignal naman ng intense distribution ng action na maaaring sa maraming patient o maraming goal.

Naglaan ang awtor ng metodolohiya kung paano siyang umabot sa kanyang mga nagawang pagkaclassify. Ayon sa kanyang kongklusyon, ang pagkaclassify ng mga pandiwa ayon sa affix potential ang pinakamadali at pinakamabilis. Pero kahit na mahirap at matagal gawin ang pag-aassign ng role combinations, mas marami pa raw itong maipakikita tungkol sa papaanong puspusang nagagamit ang mga pandiwa.

Kung tutuusin, hindi naman sigurong dapat minamadali ang paggawa ng grammar o kahit anong bahagi man nito kung marami pa naman ang mananalita. Kung mas puspusan ang gagawing pagsasakategorya'y maaaring makabuo ng mas detalyadong klasipikasyon ng mga pandiwa. Ngunit sa sobrang dami kasi ng maaaring posibilidad sa mga pandiwa ng Tagbanwa, talagang mahihirapan at matatagalan ang pagbuo ng mga klasipikasyon.

Mapapansing lubhang napakarami ng nagawang klase kung gagamitin niya lamang ang affixation potential ng bawat pandiwa. Ang pagkakahati ng isang klase, halimbawa ng A na mayroong A1 at A2, nawawala lamang ang -en sa listahan kaya't nabubuo ang ikalawa. Ang hulaping -en ang naging basehan ng pagkakahati ng isang kategorya. Mayroon ding pagtatangka, sa ilalim ng affixation potential, na nakabase sa focus ng pandiwa na ang -en ay para sa object focus. Nangyari ito marahil sa tatlong panlaping ag-, an-, at i- ay kadalasang pupuwede sa isang salitang ugat pa lang. Gayundin ang -um- at -an ngunit hindi ganoon kadalas. Ang hulaping -en ang hindi ganoong kadalas na ginagamit.

Kung babalikan ang pagsasakategoryang ginawa ni Scebold (2003), mayroon pa ring nakabatay sa mga panlapi. At ang kanyang ginawa ay hindi na nakabase sa dalas ng paglitaw ng panlapi sa paggamit sa wika ngunit nakabase na sa aspetong paggagamitan ng pandiwa. Nadagdagan din ng iba pang pagtingin sapagkat pinansin ni Scebold ang mga katagang 'dapat' at 'impisa' na kasama ring ginagamit sa mga pandiwa. Hindi na nadidikit lamang sa salitang-ugat - panlapi na pag-aaral ang pagsasakategorya ng mga pandiwa.

Final Notes
M
2013

Ang ortograpiya ng wikang Tagbanwa ay pinadaan sa maraming pagbabago. Mayroon pang nagtangkang tanggalin na talaga ito para lamang maipakilala nang husto ang wikang pambansa. Oo nga't mas madaling kilalanin ang wikang pambansa kung lilipat sa alpabeto Romano ngunit sayang ang yaman ng mga sinaunang mananalita ng Tagbanwa. Mabuti na lamang at mayroong mga mananaliksik na piniling panatilihin ang ortograpiyang ito.

Ang pagsasakategorya ng mga pandiwa ay isang malaking hangarin dahil mahalagang makita at masinsinang mabuong muli ang detalyadong bahagi ng mga pandiwa hanggang sa pinakamaliit na detalye. Ang ganitong pag-aaral ay maaaring magbukas sa ilan pang mga tanong at posibilidad na hindi pa napagtatanto ng mga katutubong mananalita ng Tagbanwa. Ito ay maaaring maging malaking tulong para sa pagpapaunlad pa lalo ng kanilang wika.

Dahil nga sa paglunsad ng ibang wika sa malalaking bahagi ng Palawan, nakatutuwang mayroong mga pag-aaral na ginawa tungkol sa balarila ng Tagbanwa, isa sa mga wika nito, para hindi tuluyang mawala at maging bahagi na lamang ng kasaysayang punung-puno ng pagbabago at pagbubura.

10 July 2013

The Colonized's Portrait

Ayon kay Memmi, ang paglalarawan sa kinokonolisa ay ginagawa ng mga kolonisador para sa kanilang adbentahe. Nilinaw niya ito sa pamamagitan ng pagbibigay ng halimbawa na pagtingin ng mga kolonisador sa kanilang mga nasasakupan bilang mga tamad. Sa kanilang mga aliping nagtratrabaho nang maayos bilang din namang takot sa kanilang mga kaparusahang matatanggap, sinisikap ng mga tamad na gawin ang mga iniuutos ng kanilang pinuno. Hinding-hindi ito makikita ng mga namamahala sa kanila dahil sanay sila sa pagkukumpara ng paggawa ng mga trabahador ng kanilang lahi kaysa sa pagtratrabahong ipinapakita ng kinokonolisa. Gustung-gusto nilang isinisingit ang mga kakayahan ng kanilang lahi kumpara sa kilos ng kanilang mga alipin. Sa ganitong pagkukumpara, parati nilang ipinaririnig na mas mataas ang kanilang lahi, at hinding-hindi nito mapapantayan ng kung ano pa mang husay ng kanilang nasasakupang ibang lahi. Mula rito, kung susubukang ikumpara sa nangyari sa Pilipinas ang ganitong pagtingin ng mga kolonisador sa mga katutubo, tinawag pa nilang Indio ang mga sinaunang Pilipino. Ang ganitong pagtawag sa kanilang mga kalaban ay nagsisilbing pagtatakda na ng kababaan at kababawan ng kakayahan ng kabuuan ng lahing sinusubukan nilang sakupin. Pinupuntirya na nila ang mga ideolohiya ng mga katutubo tungkol sa kanilang mga sarili upang manghina sila't tanggapin ang mga ipinapagawa sa kanila ng mga Espanyol habang umaasang makapapantay nila ang mga banyaga basta't sumunod sila sa kanila o kaya'y gayahin sila. Nakalilimutan nila ang kahalagahan ng tunay nilang kultura, ang sinaunang napakayamang nakagisnan. Nagiging adbentahe ito sa mga banyaga dahil sa oras na natanggap na ng kanilang mga nasasakupan na mas mababa sila sa kanila at panay katamarang kilos lamang ang parati na lamang nakikita ng namumuno, magkakaroon na ng palusot ang mga kolonisador na babaan ang kani-kanilang mga suweldo at abusuhin pa lalo ang kanilang puwesto, tulad ng binabanggit ni Memmi.

Sinabi rin ni Memmi na ang ganitong mababang pagtingin sa mga kinokonolisa ay hindi lamang sa iisa o maliit na grupo. Ito ay pangkabuuang kolonya. Ito ay pagtatakda ng pangkabuuang pagtingin sa bawat hindi nila kalahi na ibang-iba sila sa kanila at ang mga ito ay pare-pareho lamang. Ayon pa kay Memmi'y hindi sila tinitingnan bilang mga indibidwal na may kanya-kanyang talento o kakayahan. Nakikita sila bilang iisa lamang, magkakahawig, magkakapareho ng mabababang interes sa buhay, makakamukha ng mga kilos. Kung madalas pa'y nag-iimbento pa ang mga kolonisador sa kung ano ang tingin nila sa mga alipin. Halimbawa na lamang sa mga sinaunang Pilipino noon na tiningnan ng mga Espanyol at Amerikano bilang mga hindi sibilisado. Ano ba talaga ang kanilang depinisyon ng sibilisado? Nakapag-aral ng "tamang" edukasyon? May propesyon? May pera? Nagdadamit ng "pormal" gaya ng black suit & tie o kaya nama'y palda? Hindi ba't ang pagtingin sa bawat kultura'y dapat pantay-pantay kagaya ng pagtingin sa lahat ng wika bilang magkakahanay lamang ng antas? Kaya ba sa mga Espanyol ay ipinagkait nila ang kanilang wika sa karamihan ng "mahihirap" na Pilipino? O kaya ang pagturo sa mga Pilipino ng Ingles ng mga Amerikano dahil ang edukasyon daw ang mag-aahon sa kanila mula sa kanilang kahirapan? Sila-sila lamang ang nagpakilala sa atin ng konsepto ng kung sino ang mayaman at kung sino ang mahirap, kung sino ang nasa ibaba at kung sino ang nasa itaas. Ano pa man ang planuhin nila, kinakailangan nilang isaksak sa kokote ng kanilang mga kinikonolisa na mababa sila para kapag tumaas ang tingin nila sa mga kolonisador, hindi lamang nila tatanggaping mahihina ang sarili nila't wala na silang magagawa pa sa kanilang sakit at susubukan na lamang abutin ang antas ng mga banyaga't gayahin silang parati. Hanggang sa kasalukuyan pa rin nama'y makikita ito lalung-lalo na pagdating sa wika. Nagkakaroon ng diglossia o pagkakaroon ng antas sa pagtingin sa mga wika na wala naman dapat. Lahat ng wika ay magkakapantay ngunit sa nangyayari ngayon sa Pilipinas, mukhang hindi. Mayroong pagtingin sa mga nakapag-aaral na marunong silang mag-Ingles na nagsasabing may adbentahe sa buhay. Hindi naman sinasabing maling maging bilingual ang isang Pilipino sa Filipino at Ingles ngunit nagiging edukado at mas mataas ang tingin sa mga marurunong mag-Ingles. Bakit, kapag hindi ba marunong mag-Ingles, hindi na agad matalino? At hindi na lamang ito sa wika nagtatapos. Maraming estudyanteng nakakapagtapos ang nais mag-abroad, lalung-lalo na sa Amerika. Mas gugustuhin pa nilang magamit ang kanilang mga natutunan at kakayahan para sa kanilang sariling kapakanan nang hindi inaalala ang kapakanan ng pinanggalingang bansa. At dahil nga sa mas mataas na patingin sa kultura ng ibang bansa o mas magandang oportunidad, nakalilimutan na kaya ng Pilipino ang tunay na sarili? Nalimutan nga lang ba o piniling huwag na lang pansinin ang sarili? Papansinin na lamang ang iba't doon na lamang tutulong. Babalik at babalik pa rin sa orihinal na sinabi ni Memmi na ang ganitong pagtatanim ng mababang pagtingin sa sarili ay magiging adbentahe sa kapakanan ng mga kolonisador. Ang mga Amerikano pa rin ang makikinabang sa huli ng mga nakakapagtapos na Pilipino.

Nagsimula ang ganitong paghulma sa edukasyon, sa edukasyong hinanap ng mga Pilipino noon na ipinagkait sa kanila ng mga Espanyol. At dahil pa sa nais ng mga Amerikano na maging "handa" ang mga Pilipino, kinailangan daw nating maging maalam sa pagpapatakbo ng sariling bansa. Tinawag pa ang mga Pilipino na hindi marurunong at hindi pa kakayaning tumayo gamit ang sariling mga paa. Hindi na naging malaya ang mga kinikonolisa na isipin kung ano ang nararapat para sa kanila. Para kasi sa mga kolonisador, parating magiging mali ang mga gagawing desisyon ng mga alipin kung hindi naman nila ito iniutos. Hindi kailanman nasunod ang alipin para lamang sa kanyang sariling kagustuhang nakabase sa pansariling desisyon at interes. Lahat ng kanyang ikikilos ay para lamang sa interes ng kanyang pinuno, nang hindi niya man lamang namamalayan. Ang nakikita niya na lamang sa ngayo'y ang kanyang pinunong dapat niyang sundin dahil tanggap niya nang mas mataas ang kaalaman nito sa kanya, na kapag ginawa niya ang gusto ng pinuno, baka sakaling maging maganda na ang pagtingin nito sa kanya't dumating ang araw na makapantay na nito ang banyaga o kaya nama'y magkaroon na ng positibong pananaw tungkol sa kanya ang kolonisador. Pero hinding-hindi ito mangyayari. Dahil ang mataas na pananaw lamang na mananatili sa pagitan ng dalawa'y ang paglalaway ng kinokonolisa sa lahi ng kolonisador. Ang nakikita niya na lamang ay ang kanyang sarili, naglalakad sa itaas ng entablado habang tinatanggap ang diploma at nakikipagkamay, iniisip na makapupunta na siya sa ibang bansa't makapagtratrabaho nang matiwasay. Matapos makapagtapos, Amerika'y nakagapos, Pilipinas, kinakapos.

03 July 2013

Filipinas ni Xiao

Pangalan: Xiaoyu Castro
Edad: 5 taong gulang
Ina: Reilyn Castro

Ina: "Bigla na lang siyang nag-i-English. Nakuha niya 'yon sa panonood ng cartoons sa TV. Nagsasalita na siya nang diretso simula noong isang taong gulang pa lang siya. Ipinasok siya sa paaralan noong tatlong taong gulang pa lang. Kapag nagustuhan niya ang isang kanta, nakakabisa niya ang chorus ng isang kanta. Naaalala niya agad ang tono ng chorus ng isang kanta at kaya niya na itong ulitin. Wala siyang problema sa pagsabi ng [p] at [f], pati sa [b] at [v]. Sa [s] lang siya merong problema. Tsaka ito (Xiaoyu), isang beses niya lang makita, kapag nagustuhan niya, madali niyang nagagawa. Halimbawa noon, yung sa hula-hoop. Isang beses pa lang naming ipinakita kung papa'nong gagamitin yung laruang hula-hoop, hiniram niya na agad sa akin. Sinubukan niya 'yon agad. Pagkatapos niya magkamali nang ilang beses, maya-maya e mas marami na siyang nagagawang paikot kaysa sa kaya kong gawin."

Obserbasyon: Matagal makabuo ng isang buong pangungusap ang bata. Mahilig siyang gumamit ng mga katagang tsaka at tas (tapos). Mahilig siya sa mga numero at kulay. Marahil ay iyon ang itinuturo sa kanya sa ngayon. Sinubukan niya ring ibahagi sa akin ang kanyang nalalaman tungkol sa mga araw sa isang linggo. Maaaring sinasabi niya sa akin ang mga natututunan niya sa paaralan at ang mga itinuturo na rin sa kanya ng kanyang Mommy.

Sinubukan kong ipabigkas sa kanya ang mga salitang fifty at pipti. Pareho niya silang nabibigkas nang maayos. Ngunit noong pinabigkas ko na ang filipinas, ang nasasabi niya'y filifinas o kaya nama'y pilipinas. Nagtutunog (th) ang kanyang [s], katulad ng luneth (Lunes) at muth-tatha (mustasa). Siguro, kung sa edad niya, maaaring nalilito pa siya kung magkasunod na ganitong mga halimbawang tunog (p-f/f-p) ang kanyang bibigkasin ngunit sa tingin ko'y makukuha niya naman ito nang tama sa kanya pang paglaki dahil kinaya niya namang makilala ang pagkakaiba ng tunog [p] sa [f].


Sumisigaw siya madalas sa bawat dulong linya ng kanyang inaawit na kanta. Mahilig siyang kumanta ng random na mga pantig gamit ang mga tonong kanyang naaalala. Halimbawa, sa tono ng Call Me Maybe ni Carly Rae Jepsen, ang kanyang mga binibigkas na liriko ay, "bar-ber-ber-bai-bai" ngunit kaya niya ring kantahin nang maayos ang chorus ng nabanggit na kanta.


Napansin kong mabilis ding mag-iba ang pinapaksa ng kanyang mga pangungusap na binibigkas. Ganoon siya gumamit ng mga katagang tas kahit na wala namang direktang kaugnayan ang susunod na sasabihin sa nauna. Halimbawa na lamang: (Tinanong ko kasi siya kung kailan ang kanyang kaarawan.) "May (Mayo) birthday ko. Tapos yung cake ko, chocolate, chocolate, pink. Okay. Dalawa yung chocolate e. Alright? Alright? Okay na (Sa tingin ko'y napapansin niyang itinatype ko ang bawat sinasabi niya kaya niya siguro ako hinintay sa bahaging ito. Ngunit matapos ang panandaliang pagtigil, tuluy-tuloy na ang kanyang pagsasalita.) Yan lang e. Sa birthday ko, meron akong chocolate cake at pink cake. Tapos kapag tinuturuan ako ni Mommy, ganto yung Castro (apelido niya, habang sinusulat niya ang kanyang pangalan sa isang papel). Okay, okay, okay na yan. Ang init!"


Minsan di'y sumasagot siya sa wikang Ingles. Halimbawa na lamang: Kapag tinanong ko siya ng isang oo-o-hindi na tanong, ang isasagot niya lamang ay yeth (yes) o kaya no. Sumisigaw rin siya ng Fire! paminsan-minsan sa kalagitnaan ng pagkanta niya ng random na mga pantig. Sinabi ko ring magbilang naman siya at ang isinagot niya sa akin ay, "No, not again!" Kinuwento rin sa akin ng kanyang Mommy na nagtupi siya ng kanyang mga damit noong araw na iyon. Noong tinanong ko si Xiaoyu kung ilan yung tinupi niyang damit, ang isinagot niya sa akin ay, "Lots some lots some lots some!"


Xiaoyu: "Isusulat ko pangalan ko ah. X. (Itatype ko na sana ang kanyang pangalan.) Hello, tulala ka. Yan. Yan yung pangalan ko. Yan lang yung pangalan ko. May (Mayo) birthday ko. Tapos yung cake ko, chocolate, chocolate, pink. Okay. Dalawa yung chocolate e. Alright, alright, okay na. Yan lang e. Sa birthday ko, meron akong chocolate cake at pink cake. Tapos tinuruan ako ni Mommy, ganto yung Castro (apelido niya, habang sinusulat niya ang kanyang pangalan sa isang papel.) Okay, okay, okay na yan. Ang init!


Cinolor namin kanina yung white, white cake, pink cake, brown cake, black cake. Bukas na daw yung gift tsaka yung cinolor pa namin yung hilahan pag gusto mong magdala ng toys. Tas umuwi na ako. Tas kumain kami ng chicken. Ha? Sabi mo? Kasi pag sinulat mo, erase-in ko yan e. Fire! Tug-tug-tug da-la-la! Fire! Ra-da-da-da! Ikaw, drawing mo rito yung pangalan mo.


Monday, Tuesday ba? Wednesday, Saturday, Linggo, Luneth (Lunes).


Pag wala akong school, pupunta si Kyle dito tas maglalaro kami ng mermaid tsaka Barbie tsaka adun kami sa kusina naglalaro kami ni Kyle tsaka nagtitinda kami nagtitinda sila Mommy tsaka si Daddy. Tsaka pag ano pag umalis na si Kyle tas bumaba- tas pag-a pag ayaw na ng Mommy ni Kyle tas ayaw niya na pumunta tas maglalaro na kami ng laruan ni Kyle, lutuan.


Gusto ko maglaba paglaki, tsaka mag-dryer. Takot ako sa gagamba na lumilipad. Tsaka ayaw ko niwe-wake up pag tulog ako. Inaantok ako pag tulog pa yung iba pag wala akong pasok e. Nakalimmutan ko pang sabihin yung ano yung pumunta kaming SM tas sumakay kami ng roller coaster, tas tinaas ko yung kamay ko tsaka nagtatablet kami. Okay, okay, okay.


Kaya kong magdrawing ng number 1 tsaka number 7, number 5, number 8, number 3. Tsaka number 4! (Magbilang ka.) No! Not again! (Anong favorite mong palabas?) Ahh, finesferb (Phineas and Ferb) tsaka sabi nung ano. Si Perry, may blue tsaka green. May blue at green. La la la-la-la-la, it's so wrong. 


Ang favorite kong color, pink, orange, sandali, sandali. Pink, purple, blue, green, red, orange, di masyado pink, di masyado blue, tsaka di masyado red, tsaka di masyado black, tsaka ginawa kong princess yung toy ko, tsaka socks to e (Ipinakita niya sa akin ang kanyang laruan.).


(Ano yung tinupi mo kanina?) Lots some lots some lots some damit. Pangarap kong magluto!"

22 June 2013

Malaki sa Maliit

click ]

Mababasa mula sa artikulo kung gaano kahalaga sa isang sanggol na may edad na isang taon at kalahati ang pagkatuto ng kanyang wika. Importante sa sanggol na ito ang patuloy na pakikipag-usap sa kanya ng kanyang mga magulang. Mula sa pakikipag-usap na ito'y maririnig ng sanggol ang mga basic na tunog ng mga patinig at katinig ng kanyang magiging pangunahing wika. Binanggit pa sa artikulo na hindi pinapansin ng sanggol o balewala sa kanya ang mga naririnig ng tunog na hindi naman likas sa wika ng kanyang mga magulang o sa wikang kanya nang nakagisnan. Hindi lamang mga tunog at kung paanong bigkasin ang mga salita ang natututunan ng sanggol kundi pati na rin ang grammar at bokabularyo ng kanyang magiging wika. Maaaring isiping madali nang mauunawaan ng isang sanggol kung tama ang pagkakabuo ng isang payak na pangungusap at kung mali rin ang pagkakabigkas ng isang salita. Hindi pa man direktang nakapagsasalita at nakabubuo ng mga salita, ni parirala at pangungusap ng kumpleto o may diwa ang isang sanggol, unti-unti nang natututunan ng kanyang utak ang mga tama at mali sa kanyang wikang kinagigisnan.

Napakagandang isiping kahit sa pinakamaliliit na detalye ay nauunawaan na ng isang napakaliit na sanggol ang kanyang  mga naririnig. Halimbawa na lamang, mula sa mga eksperimento at resultang ipinahayag sa artikulo, napansin ng mga sanggol ang pagpapahabang ginawa sa pagbigkas sa isang napiling salita. Pinapatunayan lamang nito kung gaano kadaling matuto ang utak ng  isang sanggol. Marahil ay kung susubukan na sa matatanda ang ganitong uri ng eksperimento gamit naman halimbawa ang dalawang halos magkasintunog na mga salita, kagaya ng nabanggit sa artikulo, mahihirapan sila. Mas madaling matututunan ng isang bata ang isang wika kaysa sa isang matanda. Maaaring responsibilidad iyon ng isang bahagi ng utak ng isang bata na mayroon pang kalakasan o masiglang-masigla pa kung kaya't mas madali ang pagkilala sa mga mali at tama sa kanyang natututunang wika.

20 June 2013

Talo Nga Ba?

"Ang pagmamapa ng mga kapangyarihang kolonyal ng daigdig ay pagtatangka rin ng pagmamapa ng kaisipan ng mga sinakop."


-- Sila na mga nagtangka at nagtagumpay sa pagsakop, ay hindi lamang lawak ng teritoryo ang nais na mapa sa kanila. Hindi lang din mga lantad na nais tulad ng mga hilaw na sangkap at "paglilinis" nila sa mga katutubo dahil hindi raw "sibilisado" ang mga ito. Habol din nilang maging sila tayo, nang hindi man lamang natin namamalayan. Hindi naman nila magagawang maging kalahi na lamang nila bigla ang kanilang mga kolonya kaya't idinaan na lamang nila sa paghubog ng mga kaisipan ng mga katutubo na tangkilikin ang kanilang lahi upang naising maging katulad nila, at sa mas malala pa'y hangaring maging dayuhan na talaga.

Halimbawa na lamang ng mga Espanyol na unang dumating sa mga isla ng Pilipinas. Noong una'y pinlano nilang huwag ituro sa atin ang kanilang banyagang wika sapagkat natatakot ang mga kolonisador na malaman ang kanilang tunay na mga pakay. Bagkus, inaral nila ang mga katutubong wika saka nila itinuro ang kanilang relihiyon. Nagkaroon ito ng epekto sa mga katutubo na kuwestiyunin kung bakit ibang wika ang ginagamit ng mga nagtuturong prayle at namamahala pang iba sa kanilang mga lugar. Tinawag pa silang Indio noon ng mga Espanyol. Maaaring magkaroon ito ng bisa sa mga katutubo na mas mataas ang wika ng mga mananakop kung kaya't aangat lalo ang pagtingin nila sa banyagang mananakop. Mag-iiba ang tingin sa sarili, magiging mababa, at maghahangad na pumuti at maging tulad ng isang Espanyol para makaangat sa ibang kanyang kalahi.

Ano naman ang ginawa ng mga Amerikano? Naiiba ba ang ginawa nila dahil lang sa kabaligtaran ang ginawa nila mula sa ginawa ng mga Espanyol? Kung aalalahanin natin, itinuro ng mga Amerikano ang Ingles sa mga Pilipinong sabik naman sa edukasyon. Muli, sa pamamagitan ng wika, inatake na naman ng mananakop ang diwa ng mga Pilipino. Unti-unti nilang sinubukang gawing mga "Amerikano" ang pag-iisip ng mga Pilipino gamit ang wikang Ingles, gamit ang edukasyon. Ang mga bagay na itinuro noon sa kanilang mga pampublikong paaralan ang nagsilbing bagong mga konsepto, na hindi naman halos lahat mauunawaan nang lubos ng mga Pilipino. Nasa wikang banyaga na nga, dayuhan pa ang mga konsepto. Nagkaroon man ng lantad na hangarin ang mga Amerikano na "inihahanda" lamang nila tayo para sa pagdating ng panahong iiwan na nila tayo, inihahanda na pala nila tayo maging mga Amerikano.

Nakaalis man ang mga mananakop, nananalaytay pa rin sa diwa ng karamihan sa mga Pilipino, na naipapasa pa sa sunud-sunod na mga henerasyon, ang kalapastanganan nila sa ating napakaganda sanang kultura. Hindi man nagtagumpay ang ninais nilang mapa ng kanilang teritoryo, mababakas pa rin ang mapa ng kanilang mga ideolohiya.

24 May 2013

Spoilers

Mga putang inang walang awa na nagpopost ng latest chapter ng Naruto. Pa'no yung mga naghahabol? E mga tarantado pala kayo e, mga sabik sa atensyon, masabi lang na nasa latest sila at makapagyabang. Gago kayo, mga gago kayo. Pati yung nagpost ng picture nung mother sa How I Met. Hinayupak. Alam niyo yung binibuild na tension ng creators, tapos may mga naghahabol, tapos masspoil lang? Puke ng ina niyo na pagkakapal ng bulbol. Updated naman ako pero inaalala ko lang yung mga naghahabol. Dumadaan sila ngayon sa mga nadaanan na natin. Malayo na tayo. Malayo na ang naabot natin. Hayaan nating iparamdam sa kanila yung naramdaman din natin. Kapwa tayong fans. Huwag nating sirain yung nagkakaisa sanang damdamin. Huwag kupaloids para lang sa atensyon. Itaas natin nang maayos yung mga hinahangaan natin, hindi lamang ito papuri para sa kanila kundi maging pagtanaw rin sana ito sa mga taong nagsisimula pa lamang kilalanin, o hindi pa lubos na kilala ang mga kinahihiligan natin.

04 May 2013

FlipTop - BLKD vs Gin

Round 1

BLKD

Unang round mo pa lang, alam ko nang akin ang panalo. Ba't hinahanapan mo 'ko ng kanta, nasa song writing contest ba tayo?

Isang buwan kang naghanda para sa araw na 'to pero isang buwan ka lang naman para sa araw na 'to dahil sisikat ka lang naman dahil sa 'king liwanag na humawa. Puwes, lalamunin ko lang 'yang isang buwan mo, bakunawa. Kaya takbo, takbo! Kapag may topak 'to, tiyak lahat, paplakda. Parang Machiavelli, hindi ako weak, kahit isang linggo lang maghanda.

Ano, Gin, kaya pa? Baka napasubo ka lang. Chinecheck ko lang. Baka gusto niyang sumuko na lang kasi nakapagtataka, ano nga kayang tinira nitong bagets na 'to, at naisipan niyang may tsansa siya sa tournament na 'to? Nang ako agad ang makatapat, siya'y napamurang gigil. Ano ba 'yang balat mo sa puwet, korteng pusang itim? 

Kasi ang malas mo, ang malas-malas-malas mo dahil hindi ka lang bagito, isang kang bobong batukan. Ni hindi ka tatapat sa mga tinalo ko nung ako yung baguhan. Si Shehyee? Pandidilatan ka lang no'n, at tatarayan nang bongga. Idadamay iyong nanay, at imaginary mong nobya. Si Mel Christ? Raratratin ka lang no'n ng panlalait para mapasama ka. Sisigaw-sigawan ka, may piyok pang kasama. Si Sayadd naman, balang wika'y halang. Tangkaing palagan, mabibitay ka lang. Ganito ang flow, ang tanong, why naman? Kasi 'yang sulat mo ay pangfreestyle niya lang. 

At ako? Ako ang pantas na matatas kaya 'wag mo 'kong susubukan. Ako ang bangungot ni Freddy Krueger kaya 'wag niyo 'kong tutulugan. Ako'y walang kapares parang guwantes ni MJ. Hindi mo 'ko maaabot parang fade away ni MJ. Bukambibig, nakamamatay, daig ko pa ang nagka-SARS. Nakakatawang ikaw 'tong Gin pero ako ang mas kilala sa bars.

Kaya sa lugar na 'to, at sa istilong 'to, dayuhan ka pa, Gin. 'Wag kang mag-astang mayor sa Maynila, 'wag kang maglalim. Sabi ko, 'wag kang mag-astang mayor sa Maynila, 'wag kang magla-Lim!

Round 2

BLKD

Lahat ng lait niya sa aktibismo, gasgas nang banggitin. Nakakatawang may gin sa originality pero walang originality si Gin. Puwede namang mag-ulit ng anggulo, basta yung bars, hindi basic. Yung sa 'yo kasi sobrang predictable, ano bang apelido mo, Gin? Neric?

I don't judge books by their covers kaso minsan, covers don't lie. Ikaw, literally, figuratively, hindi mo 'ko abot, go try. 'Di ka na lalampas sa basic, kahit mag-aral ng ComSci. Sa liit mong 'yan, obvious nang family tree niyo, bonsai. Pero siyempre, joke lang 'yon, katuwaang pantusta. Sabihin nating giveaway sa ibang judge na baka hirap sa paghusga. 

Hindi ako gano'n kajudgmental. In fact, I never underestimate. Buti pa kuwentuhan ko na lang kayo ng pangmamatang dapat ihate. Alam niyo ba kung ba't isa lang ang laban niyan? Sa Manila pa? Kasi 'ika niya, heavyweights lang ng Maynila ang kaliga niya. Iniwan niya raw ang Mindanao 'cause he can't make a name there. Hindi daw siya swak sa kanyang division so he didn't want to remain there.

Totoo? Feeling mo, magaling ka pa kina Blackleaf, Rudic, G-Spot, at Maxford? Mahiya ka sa balat mo! Tumingin ka sa salamin, face the truth, literal na mahiya ka sa balat mo! Ang kapal mo, at hindi lang sa pagiging artist. Literal na makapal 'yang mukhang mong kutis-Marty's. At eto pa, ultimo mga kagrupo niya, iniwan niya. Hindi na niya binibigyang-pansin, kahit konti. Iniisnob na niya ang Speech kasi hindi daw dope e. You're so wrong, pre.

Kaya may basbas nila ang pagbangga ko sa 'yo, pagbody bag, at pagbaon. Wala akong paki kung sa'n ka nagmula, at kung tagasaan ka na ngayon. Taga-QC na raw siya! Welcome home, bulol. Taga-QC rin ako! Tagaquality control. Sanay ka naman sa ganyang feeling, 'di ba? 'Yang pamatay excitement? Isipin mo na lang, roller coaster 'tong may height requirement kasi ito'y tournament ng mga deserving, tumabi ka muna, at bago ka mangmaliit, lumaki ka muna.

Round 3

BLKD

Kailanma'y 'di ko inangking ako ang future of hip hop. You have NothingElse to blame. Hindi kasi ako katulad ng mga idolo niyong lahat ng titulo, self-proclaimed. Pero guilty rin naman ako, sa pagkukumpara sa 'king sarili sa mga mahuhusay pero tinitiyak kong merong kahit bakas ng pagkatunay. Hindi ako kasinggaling ni Rakim pero pareho kaming naninindigan sa pag-aangat ng hip hop, lampas pa sa paastigan.

E eto? Siya daw ang Filipino version ni Pat Stay, palakpakan. Ang tanong: Saan banda? Nacucurious ako kasi bilang long time Pat Stay fan, naiinsulto ako. 'Di tulad ng kanya, yung content mo, walang structure. Walang hugis, bro. Yung flow at delivery mo, hindi smooth, parang kutis mo. At 'yang boses mo, makabasag-eardrums. Hindi ka mukhang Pat Stay, mukha kang patweetums.

Kaya nga hindi ako bumilib nung unang laban ni punggok. Puro litanya, puro sermon, nakalimutan nang sumuntok. Nagpapakaconscious. Ako pa nga yata ang balak niyang iplease. Feeling mo, hindi ka kabilang sa mga inirereklamo mong wack emcees? Nagger, please!

Ang panata ng tunay na conscious: isip, salita, galaw. Kaya kung hanggang salita ka lang, you can't rep Davao. Kaya 'wag mo 'kong simulan ng beef, chicken lang sa 'kin ang mambaboy. Sanay akong mangaso ng mga tulad mong tupang palaboy. 'Tong mga saling-pusa sa liga, puwede bang pakiban? Walang lugar ang alagang bakuran sa gubat kong kaharian. In other words, sa vet ka lang. Nakakatawang ikaw ang Gin, pero battles ko ang pambasag, pet ka lang. Ako'y may braso ng oso, panga ng pating, at kamandag ng viper. Sa malapitan, ako'y tesla coil, sa malayua'y, ripleng sniper. Ako'y may liksi ng cheetah, sipag ng kalabaw, at asinta ng lawin. Supercomputer aking isip, black box ang damdamin. Kaya ang panonood sa 'king bumattle, ibang thrill 'yon. Ako'y halong halimaw at makina, Evangelion.

Pero 'wag na kayong magtaka kung atake ko, parang iba. Pang-FlipTop ang stratehiya ko, sa Isabuhay, taktika. Kaya kung napasobra sa physical jokes ang aking pagbira, gusto ko lang ipamukha sa 'yong
shortcut lang kita.

28 April 2013

Mula sa Dalawang Diksiyonaryo

Diksyonaryong Sentinyal ng Wikang Filipino (2011)

            Ang diksyonaryong nakuha ko mula sa Komisyon sa Wikang Filipino ay ang kanilang pang-ika-75 anibersaryong edisyon. May paunang mensahe sa simula si Pangulong Benigno “Noynoy” S. Aquino III na dahil daw sa multi-etniko at multi-kultural ang Pilipinas ay napakagandang ang diksyonaryong ito ng wikang Filipino ay nagbigay halaga sa lahat ng wikang umiiral sa buong kapuluan ng ating bansa mula Batanes hanggang Jolo. Tinawag niya pang Wikang Panlahat (lingua franca ng Pilipinas) ang wikang Filipino. Ibig sabihin, ang diksyonaryong nailimbag ay para sa mga taong marunong na ng Filipino, o nakapag-aral na at nakapagsasalita na ng Filipino. Nang tiningnan ko na ang bahating Daglat ng diksyonaryo, ito ang aking nakita:

            1.2 Mga diyalekto at wika
           
            Badyaw                                  Palawan
            (Bk.) Bikol                              (Png.) Pangasinan
            Bontok                                   Samal
            (Hlg.) Hiligaynon                  (Seb.) Sebuano
            Ibaloy                                     Sisang Siasi
            (Ig.) Igorot                              (S-L) Samar-Leyte
            (Ilk.) Ilokano                          Sulu
            (Is.) Islam                               (Tg.) Tagalog
            Isneg                                      Tawi-tawi
            Ivatan                                     (T’boli) Tiboli
            Kankanay                              Tagbanwa
            (Kpm.) Kapampangan         Tingguian
            Kinaray-a                               (Tau.) Tausug
            (Mar.) Maranao                     (Tir.) Tiruray
            (Mgd.) Maguindanao           (Vis.) Visaya
            Palawan Agta

            Una sa lahat, mukhang hindi malinaw para sa kanila ang pagkakaiba ng diyalekto at ng wika. Hindi ba’t ang wika’y mas malaki ang nasasakupan kaysa sa diyalekto bilang din namang ang diyalekto ay mas maliit na bahagi lamang ng isang wika. Paano na lamang kung hindi pa gaanong maalam sa wika ang gagamit ng kanilang diksyonaryo? Kahit na sabihin nating kung nasa opisina lamang nila o nasa College of Law ng UP Diliman lamang makikita ang diksyonaryo nilang ito, dapat ay maaari itong basahin ng kahit  sinumang taong matatas sa Filipino kahit na hindi siya nagme-major sa larangang nabanggit. Paano na lamang malalaman ng isang Engineering Major o ano pa mang major ng agham na larangan kung alin sa mga nakalista sa ibabaw ang diyalekto at kung alin ang wika? Ni hindi nga siguro nila alam kung ano ang pagkakaiba ng dalawa. Madali lang naman sigurong ilagay sa ilalim halimbawa ng wikang Palawan ang diyalektong Palawan Agta.  Mas maigi rin sana kung inihanay nila sa tatlong malalaking isla ng Pilipinas ang pagkakategorya ng mga wika (Luzon, Visayas at Mindanao).

Ikalawa, kung gagawin naman nila iyong paghahanay sa tatlong malalaking isla, lalong lilitaw ang kanilang kakulangan nila sa kaalaman tungkol sa mga wika ng Pilipinas. E hindi lang gaganyan kakakaunti ang mga wika ng Pilipinas. Hindi pa umaabot sa kalahati ng totoong dami ng wika ng Pilipinas ang kanilang inilista. Nasaan na halimbawa ang mga wikang Ibanag, Itneg, Romblomanon, at Waray? At hindi ba’t maraming ring diyalekto ang bawat malalaking wika tulad ng Ilokano, Bikolano at Tagalog? Nasaan ang mga ito? Maling sabihin sa simula pa lamang ng diksyonaryo na lahat ng wika ng Pilipinas ay makikita o nasaliksik nila para sa ilalagay na mga lahok. Maaari naman sigurong ilagay na lamang na lahat ng lingua franca sa malalaking etno-lingguwistikong grupo ay nailagay nila. O lahat ng malalaking wika ng malalaking etno-lingguwistikong grupo ay nasaliksik nila. Ngunit maaari lamang sila madali dahil sa konsepto pa lamang ng laki. Mas maigi na siguro ang paggamit na lamang ng tungkol sa lingua franca. Papaano na naman iyon e Hiligaynon nga, wala sa kanilang listahan.

Ikatlo, para sa bahaging ito, hindi lahat ng lahok ay nilinaw kung saang wika o diyalekto sila nanggaling. Paraan ba ito ng pagsasabi na hindi naman na nila kailangan pang ilagay kung anong wika ang pinagmulan ng isang lahok para mas lalong tumibay ang pagtingin sa wikang Filipino bilang wikang ibinase sa maraming wika ng Pilipinas ngunit kailangang tingnan bilang para sa lahat? O halos lahat ba sa kanilang mga lahok ay nanggaling sa wikang Tagalog kaya hindi na lang nila nilagay ang wikang pinanggalingang wika bilang din namang malaking porsyento ng Filipino ay Tagalog? Maiintindihan ba agad ng mga mambabasa iyon? O napakalaking porsyento ng bilang ng mga lahok ay nanggaling sa wikang Tagalog? Kung galing nga sa Tagalog, bakit hindi pa rin nila inilagay katabi ng salita gayong nasa mga dagli ang Tagalog (Tag.)? Paano na lamang ang mga wikang nanggaling sa wikang Espanyol na matagal nang ginamit ng mga Tagalog at hindi nila alam na banyaga pala ang etimolohiya ng salitang iyon? Mahalagang maipalam sa mga gagamit ng diksyonaryo ang pinagmulang wika ng isang salita kung sasabihin lang din naman nila sa simula na multi-etniko tayong bansa. Hindi ito pag-aangat ng konsepto ng rehiyunalismo o pagkakaroon ng pagkakaiba-iba kahit na nasa ibang bansa tayo at may mga nagkakatagpong mga ideolohiya. Bagkus, ang simpleng paglahad lamang ng pinanggalingang wika ng isang salita ay mabisa nang pagkilala sa wikang iyon, para malaman niyang may naiambag siya sa pambansang lingua franca, at iyon ay kung nais nga nilang patingkarin na pambansang effort ang pagbuo at paglinang sa wikang Filipino. Hindi ba’t hindi gaano kagandang makitang nailagay sa diksyonaryong iyong binabasa ang isang salitang taal sa iyong bayan, kung hindi rin man lang iaacknowledge ang pinanggalingan nitong wika, samantalang ang ibang salita naman ay nalalagyan? Hindi ba nila naisip na hindi naman lahat ng Pilipino ay alam kung Tagalog nga ba nagmula ang isang salita o Sebuano o Waray? Narito ang halimbawa ng isang lahok na may nakalagay na pinagmulang wika (Note: Nahirapan akong maghanap ng salitang ganito. Halos lahat kasi ay walang inilagay na pinagmulang wika.):

gu.sôk (Bk., Hlg., S-L., Sb., Tau.) png. Tadyang.

 Magandang bagay naman ng paglagay nila para sa salitang ito. Marami naman sigurong hindi nakaaalam ng salitang gusok ngunit bilang tadyang ang kahulugan ng salita ay malamang sa malamang ay alam ng mga Bikolano, Hiligaynon, taga-Samar at Leyte, pati na rin ng mga Tausug ang salitang ito. Bahagi ito ng katawan at hindi naman siguro maaaring hindi nila alam ang ibig sabihin ng gusok dahil sa wika nila mismo ito kinuha. Marami bang gumagamit ng salitang gusok? O tadyang pa rin ang madalas pa ring gamitin? Pasimple lamang ba ang paglalagay nila ng lahok na ito? Basta lamang ba iniligay nila ang salitang ito para lamang masabing bahagi ng paglinang sa wikang Filipino ang mga wika ng Bikol, Silangang Visayas at Timog Mindanao? Hindi kasi makikitang mabigat ang pakitungo nila sa pagsasabi nila sa unang bahagi pa lamang ng diksyonaryo na para sa maraming wika ng Pilipinas ang Filipino na sinaliksik nila para rito. Lubhang kakaunti lamang ang bilang nga mga ganitong lahok. Halos lahat ay walang ganitong paglalagay o paglilinaw, o maaari ring napakalaking bahagi ng kanilang diksyonaryo ang wikang Tagalog. Kung ilalagay nila ang ganitong paglalahok, bakit hindi nila gawin sa Tagalog? Mga Tagalog lamang ba ang alam nilang pinakagagamit ng kanilang binuong aklat? Hindi naman kasi lahat din ng salita ay taal lamang sa Tagalog. Halimbawa na lamang sa lahok nila na guniguni:

gu.ní.gu.ní png. 1. Pagbubuo ng mga larawang pangkaisipan o mga palagay tungkol sa mga bagay na hindi naman tunay na nangyayari. 2. Kapangyarihan  ng isip na bumuo ng gayong larawan at palagay. 3. Bunga ng imahinasyon; palagay o anumang likha ng pag-iisip na karaniwan ay walang batayan at hindi nakikita. –gu.ni.gu.ni.hin, ma.gu.ni.-guni pd. laman ng guniguni idy. Nasa isip. –wala sa guniguni idy. Hindi man lamang nagugunita o naiisip. sk: imahinasyon, hinagap, haraya.

 Una, para sa bahaging ito, ayon muna sa UP Diksiyonaryong Filipino: Binagong Edisyon (2010) na ang salitang guniguni ay nanggaling o ginagamit na noon pa sa mga wikang Aklanon, Kapampangan at Tagalog. Kita-kita ang kakulangan sa kaalaman ng mga gumawa ng diksiyonaryo tungkol sa mga wika ng Pilipinas. Pangalawa, gusto ko sanang kumentuhan ang tungkol sa kanilang pagbabaybay. Kung gagamit ka pa lamang sa simula ng iyong lahok ng ibang simbolo, halimbawa sa kasong ito sa simbolong i, para magkaroon ng emphasis sa pagbigkas, bakit sa bahaging gunigunihin, maguniguni, etc., ay hindi na isinaalang-alang ang tamang simbolo/titik? Maganda na sana ang ipinakitang mga gabay sa paggamit ng diksiyonaryo na isinulat sa may bandang unahan, katulad na nga ng nabanggit na tungkol sa tamang pagbigkas ngunit bakit hindi na naging masinsin ang paggamit sa tamang simbolo para sa tamang pagbigkas? Isa pang napansin ko ay ang pagkakaroon ng gitling sa bahaging maguni-guni. Bakit hindi rin masinsin ang paggamit ng bantas para sa mas mapagkatitiwalaang baybay? At  isa pa, mula naman sa halimbawang pangungusap mula sa sinusuring lahok, nagkaroon ng pagkakamali sa sulat na Waka imbes na Wala ang nakasulat. Wala bang nagproofread ng kanilang diksiyonaryo? Sana’y ginawang malinis man lamang nila ang pagsusulat bilang pang-anibersaryo nila itong edisyon. Palalampasin lang sana itong maliit na bagay na ito kung mga Pilipino lang ang gagamit, ngunit papaano na ang mga banyaga? Kinakailangan pa ba nilang hanapin ang salitang waka para lamang mapagtanto nilang baka typographical error lamang ito para sa wala para magkaroon na ng diwa ang ginamit na halimbawang pangungusap? Ang isang diksiyonaryo ay nararapat lamang na maging isang reference material na kung gagamitin ay mabilis at madalian para sa mambabasa o nananaliksik. Hindi na nito kinakailangan pang nililito ang gagamit sa kanya. Kahit na maraming salita pa ang nakapasok bilang mga lahok sa kanyang bawat pahina, hindi dapat maging abala ang baybay, pagbigkas, at iba pang mahahalagang detalye para sa gumagamit.

Narito ang isa pang halimbawa ng lahok mula sa Diksiyonaryo ng KWF:

i.a.bot [abot] pd. Ibigay sa pamamagitan ng pag-aabot.
ang bote ng patis.>


Isang rule ang pinaalala sa amin ng aming guro na hindi dapat maging bahagi ng kahulugan ng isang salita ang mismong salita. Sa halimbawang ito pa lamang ay malilito na ang gumagamit ng diksiyonaryo. Sayang lamang sa espasyo ang lahok na mga katulad nito. Inilagay ko naman ang aking sarili bilang baguhan sa wika kaya sinubukan ko na ring puntahan ang sinasabi ng diksiyonaryo na [abot] na dapat kong puntahan:

1a.bot png. 1. Lawak, laki, sakop ng anuman. 2. Ang pagbibigay sa pamamagitan ng kamay. 3. Pagkuha, pagdaiti, o paghipo sa pamamagitan ng dukwang; nakaunat na kamay, sungkit, atb. 4. Ang nasasakop ng isip, pang-unawa o kaalaman. pag.a.a.bot, ta.ga.a.bot png. a.bu.tan, a.bu.tin, i.a.bot, ma.a.bot, mag.a.bot, u.ma.bot pd. a.bot-a.bot pr. sk: 1. saklaw; kaya

           Kapag hindi na ginamit ang kamay, hindi na abot ang tawag doon? Paano kung naiabot gamit ang paa? Marami pa namang gumagawa ng ganoon sa bahay, lalung-lalo na ang mga nanay. Ano ang gagamiting salita kapag nagkagano’n? Pagbibigay ba talaga ang salitang abot? Paano kapag tinanong ako ng isang kong kaibigan kung abot ko ang isang bagay? Kailangan ko pa ba itong ibigay sa kanya? Hindi. Ang abot ay kung kayang mahawakan o mahipo ng kahit na anumang bahagi ng katawan ng tao ang isang bagay, kung sa literal na abot ang pag-uusapan. Hindi gaanong nakatulong ang [abot] na inilagay sa lahok na iabot para sa mas tiyak na kahulugan. Lalu lamang malilito ang gumagamit ng diksiyonaryo, lalo na kung hindi siya isang native speaker ng Filipino. Maigi siguro kung inihanay sa pandiwa ang salitang abot at inilagay sa ibaba ang mga maaaring gamiting panlapi. Iba rin naman kasi ang pakahulugan kapag umabot na, bilang ang abot rito ay ang pagdating o pagsapit. Maaaring mag-iba ang pinakakahulugan ng salita base sa ginamit na panlapi sa salitang-ugat, lalung-lalo na sa mga pandiwa.
      
      Ikaapat, kung babalikan na ang nauna kong tinatalakay tungkol sa mga wikang isinama sa diksiyonaryo, paano na lamang ang mga lahok na nasa wikang banyaga? Hindi naman din sila naglagay ng Ingles ni Espanyol sa kanilang listahan. Alam ba talaga nila ang esensya ng iba’t ibang wikang nakapaloob sa isinusulong na wikang Filipino sa bansa na base sa maraming wika? Hindi lamang kasi wikang taal sa Pilipinas ang kasama sa Filipino ngayon kundi pati na rin ang mga banyagang wikang nagkaroon na ng malaking epekto sa ating kultura gaya na lamang ng mga wikang Ingles, Espanyol at Intsik. Hindi nalilimitahan sa wikang Filipino, patuloy itong nagbabago, at sa patuloy na ginagawang paglinang sa pambansang lingua franca ay hindi sana malimutang kilalanin ang mga wikang nag-ambag, kahit na sinabi pang inangkin na natin ang mga ito. Tanggapin ng mga leksikograpo na wala nang purong wika, ngunit kailangan pa ring alalahanin ang mga salitang naging pundasyon ng isang wika.
       
     Magandang bagay naman na isinama nila ang mga gabay tungkol sa pag-uulit ng pantig. May mga salita kasing mukhang inuulit ngunit kapag tinanggal na mula sa anyong ito ay nagmumukhang wala namang kahulugan ang salitang naiwan na parang salitang-ugat. Tungkol naman sa pagbabaybay ng mga salita may vowel clusters halimbawa na lamang sa mga katagang piyano, pyano at piano, tatlong variants ng baybay ang ipinakita nila bilang paglilinaw sa mga maaaring pagbabago sa salita kapag inaadapt na ng naturang pagbigkas ng isang wika. Mabuting isinama nila ito sa diksyionaryo upang hindi malito ang gumagamit sa mga batas ng pagbabaybay sa wikang Filipino. Kaakibat na rin nito ang mga gabay tungkol sa mga pagbabagong morpoponemiko sa wikang Filipino na hindi naman naituturo nang masinsinan sa elementarya o iba pang mga kurso sa kolehiyo, pati na rin ang kasaysayan ng ortograpiyang Filipino bilang mas makatutulong na mapalinaw ang sistema ng ating pagsulat.
       
     Ipinagtataka ko lamang kung bakit kinakailangan pa nilang ilagay ang dami ng kanilang lahok mula sa pinanggalingang edisyon patungo sa kanilang edisyon na ito. Hindi naman siguro ito magagamit ng mga maghahanap lamang ng mga kahulugan. Ito ba ay para mas mapagkatiwalaan ng tao ang kanilang libro dahil sa sinasabi nilang signipikanteng dami ng dagdag sa kanilang mga lahok? Ang kailangan lamang nila ay mas lubusang pag-eedit impormasyon lalung-lalo na sa mga maliliit na detalye. Kailangan din nilang pagtuunan pa ng pansin kung makalilito lamang ba ang isang lahok na makatatagpo ng gumagamit.

UP Diksiyonaryong Filipino: Binagong Edisyon (2010)

            Katulad ng Diksiyonaryong Sentinyal, ang UP Diksiyonaryong Filipino ay may pagpapahalaga rin sa mga katutubong wika ng Pilipinas. Nang aking silipin ang listahan ng mga dagli ay nagulat ako sa dami ng wikang isinama nila ngunit magkahalong mga emosyon liban sa pagkasindak ang nagpaisip sa akin. Una, natuwa ako sa mukhang kumpleto o mas matinding pananaliksik na ginawa para sa mga wikang nakapag-ambag na sa Filipino. Maraming wika ang nanggaling sa Luzon, sa Visayas pati na rin sa Mindanao. Nariyan din ang mga wikang Ingles at Espanyol pati na rin halimbawa ng Hapon at Italyano. Hindi lamang matututo ng kahulugan ang mga gagamit ng diksiyonaryo kundi magkakaroon pa sila ng maliit na bahagi ng kasaysayan ng salitang isinama. Maganda bagay sana rin kung nagsama pa sila ng mga diyalekto ng malalaking wika dahil may mga salitang ginagamit sa isang diyalekto ng isang wika ngunit wala sa isa pa. Hindi na nila pa siguro isinama pa ang mga diyalekto dahil magpapahaba lamang ito sa magiging espasyo para sa lahok. Ang ikinabahala ko lamang ay nakapaloob din sa listahan ng mga dagli ang mga kaalamang siyentipiko, halimbawa ang Zoology at Botany, na nakapaloob din sa listahan ng mga dagli. Mas maganda sana kung ikinategroya rin nila ang mga dagli para mas madaling malaman kung anong bahagi ang nakapaloob sa lahok. Ngunit nang silipin ko naman ang lahok ay nalaman kong hindi naman pala nakapaloob sa panaklong na [ ] ang Zoo, Bot, etc. Magandang bahagi ito ng lahok bilang dagdag na impormasyon tungkol sa mga salita.

Mabuti ring detalyadong kumpleto ang gabay na mga isinulat para sa paggamit ng mga diksiyonaryo. Katulad na lamang ng mga varyant na maaaring makatulong sa mga maaaring pagkalito sa pagbabaybay gayundin sa mga salitang inayos ang tamang pagbibigkas. Magandang bagay na isinama nila ang lahat ng posibleng pagbigkas sa isang lahok. Sa bawat varyant ng pagbigkas ay nagkakaroon kasi ng bagong salita. Kapuri-puri ang masinsinang paggamit ng mga tamang simbolo para sa ganap na pagbigkas. Ang pagbigkas na mga ito ay nakapaloob sa mga panaklong ( ) bilang hiwalay na makita mula sa ganap namang baybay ng lahok.  Mayroon ding mga pagbigkas na diretso nang nakasama sa lahok mismo. Ang mga nakapaloob sa mga panaklong ibig sabihin ay malaking tulong sa mga salitang posibleng hindi alam ng gumagamit ang bigkas. Nilinaw rin sa mga gabay na may mga hiram naman talagang mga salita ang wikang Filipino, kaya nga pagdating sa dagli ay may mga isinamang banyagang wika.

Nang pasadahan ko na ang mga lahok ng nasabing diksiyonaryo, halos lahat ng mga salita ay mayroong pinanggalingang wika. Napakamabuting malamang hindi lamang pala sa Tagalog mayroon ng mga ibang salita. Itinuro pa ng diksiyonaryo na mayroong pagkakahawig sa mga wika ng Pilipinas. Naituturo sa kamalayan ng gumagamit na magkakaugnay ang mga wika ng Pilipinas na hindi dapat magkaroon ng ibang pagtingin kapag hindi Tagalog ang napakikinggan. Dapat mas lalong maunawaan ng mambabasa na magkakapantay ang mga wika at hindi dapat bumababa ang pagtingin sa hindi Tagalog. Hindi na lamang kahulugan ang maaaring mapulot ng gumagamit sa diksiyonaryong ito kundi iba pang makabuluhang impormasyon tungkol sa wika at sa mga wika ng Pilipinas.

Dahil sa dami ng wikang isinama sa diksiyonaryong ito ay lalong nagmultiply ang dami ng lahok. Mabuti pa ito o masama para sa espasyo? Makabubuti naman ito sapagkat nakapagpapakilala ng bagong wika, ibig sabihin ay bagong mga salita, ang diksiyonaryo sa mambabasa kahit na sabihin nating patungo lamang siya sa isang lahok. Hindi malayong maraming-maraming salita siyang mapapasadahan dahil sa tatlong column ng mga lahok. May mga lahok ding katulad ng abokado at avocado na mahahalatang magkalayo kung hahanapin pa. Nasa lahok na abokado ang kahulugan ng dalawa dahil sa idederetso ka ng lahok na avocado sa abokado. Maling bagay ba ito na nakasasayang lamang ng espasyo kung halos magkasingbigkas at magkasingbaybay lamang ang dalawang salita? May mga salita nga na pareho ng baybay ngunit ibahin lamang ang bigkas ay magkakaiba at malaki na ang pagkakaiba sa kahulugan. Mabuti na sigurong isinama nila pareho ang dalawang lahok na ito para sa mga nakaaalam baybay sa Ingles. Maaari rin itong makatulong sa mga banyagang nag-aaral pa lamang ng wikang Filipino. Ngunit magmumukha ba itong kasayangan sa espasyo kung binanggit ko ang tungkol sa isang bilingual dictionary? Bakit napakadami ng ganitong halimbawa gaya na lamang ng abortionist at abortionista? Binabasag na ba ng diksiyonaryong ito ang mga papel ng isang bilingual dictionary? O minimithi na rin nilang pagsabayin ang dalawa sa iisang reference material? Maraming salita na kasi na nanggaling sa Ingles ang maaari namang makuha ang kahulugan sa isang Ingles na diksiyonaryo o kaya naman ay kung patungkol pa man ito sa Zoology o Botany ay mayroong iba pang reference material tulad ng almanac at encyclopedia. O sinusubukan ding maisama sa diksiyonaryong ito ang mga katangiang taglay o impormasyong pinagtutuunang pansin ng ibang reference material? Ang mga ganitong malalaking pagsakop ba ng espasyo sa iisang reference material ay maaaring tingnan bilang pagtitipid na rin sa mga maaari pang buuing materyal? O mas maiging gumawa rin ng ibang reference material sa wikang Filipino para lamang makatipid sa espasyo ng diksiyonaryong bubuuin?

Nagmukhang masikip man o paulit-ulit ang mga salita para sa gagamit na Pilipino ng diksiyonaryong ito (kung hihinalaing edukado ang gagamit at marunong ng Filipino at Ingles), maganda bagay pa rin naman ang pagiging siksik ng mga lahok sa detalye, kahit sa maliliit at mga makabuluhang impormasyon.



Mga diksyunaryong sinuri:

UP Diksiyonaryong Filipino: Binagong Edisyon. UP Sentro ng Wikang Filipino – Diliman.
Anvil Publishing Inc. 2010.

Diksyonaryong Sentinyal ng Wikang Filipino: Pang ika-75 na Anibersaryong Edisyon.
Komisyon sa Wikang Filipino. 2011.

21 April 2013

Stative Verbs & Dynamic Verbs

Stative Verbs

Ang papel na ito ay nais sanang talakayin, at susubuking kuwestiyunin ang ikalimang kabanatang may pamagat na Verbal Classification in Filipino: Dynamic vs. Stative. Nilinaw ng artikulo na nagkaroon na ng iba’t ibang pag-aaral tungkol sa mga pandiwa na humantong sa pagkakaroon ng klasipikasyon sa mga ito. Mula sa case study ni Blake noong 1906 hanggang sa syntactical derivation study ni De Guzman noong 1978, ang iba man ay kumplikado, nakatulong umano ang mga tarok ng isip mula sa mga pag-aaral na ito sa pagpapasimpleng bumuo ng klasipikasyon ng mga pandiwa ang may-akda. At iyon na nga ang Stative at Dynamic verbs. Inunang talakayin ng akda ang tungkol sa mga stative verb na nauukol sa kondisyon. Mula sa walong klase, gusto ko munang talakayin ang unang dalawa. Pumili ako ng isang halimbawang maaaring bigyang-suri mula sa unang klaseng (1) mga pandiwa na nauukol sa pagbabago ng condition o pagiging:

            10. Naging maliwanag ang paningin niya.
            ‘His/Her vision became clear.’

            11. Naging prinsipe ang palaka.
            ‘The frog turned into a prince.’

           
Nilinaw sa mga paliwanag na nagkaroon ng pagbabago sa kalagayan ng paningin ng nauna, at pangangatawan at hitsura ng sumunod. Nagkaroon ng pagdidiin sa pandiwang naging bilang pagpapaalala na ito ay para lamang sa unang klase. Nagbago ang paningin. Nagbago ang pangangatawan ang hitsura. Nagkaroon diumano ng pagbabago sa kondisyon o becoming, tulad ng isinasaad ng artikulo na kahulugan. Ngunit tingnan naman natin ang mga halimbawa ng ikalawang klase (2) Destructive Verbs, na isang klase ng pandiwa na nagtatanda ng pagkagunaw o pagkawasak sa pamamagitan ng insekto, ng natural na puwersa, o ng aksidente, o sa madaling salita ay mula sa isang normal na kalagayan patungo sa pagkasira. Narito ang ilan sa mga halimbawang ginamit:

            15. Kakalawangin ang kutsara kung ibabad sa suka.
            ‘The spoon will turn rusty if it is soaked in vineger.’

           
16. Nagiba ng bagyo ang bahay.
            ‘The house was destroyed by the storm.’

           
Simpleng-simple. Nasira ang kutsara. Nasira ang bahay. Nagkaroon din ng pagbabago sa kalagayan, tulad ng nauna. Mayroong negatibong epekto, bilang kaibahan, para sa ikalawa. Kung titingnang mabuti, mayroon ba itong ipinagkaiba sa ikalawa? Paano kapag bumuo ng pangungusap na ‘Naging makalawang ang kutsara.’ o ‘Naging sira ang bahay.’? Malinaw na sinabi ng akda na ang kahulugan ng unang klase ay nauukol sa pagbabago ng condition o becoming. Ang ikalawa naman ay nagbago ang kalagayan patungo sa pagkasira. Sa aking mga ibinigay na halimbawa, paano nang maihahanay ang pandiwang naging? Bakit ihiniwalay pa ang Destructive Verbs sa unang klaseng tungkol sa pagbabago naman pala ng kondisyon o becoming? Hindi ba’t ang pagkakaroon ng kalawang ng isang bakal na bagay ay pagbabago rin ng kondisyon kung titingnang mabuti? Ano ang ipinagkaiba nito sa isang halimbawa mula sa unang klase na ‘Nangitim siya sa init.’ na mayroong pagbabago sa hitsura katulad ng pagkakaroon ng kalawang? Ano rin ang pinagkaiba nito sa ‘Namutla siya.’ na mayroong pakiramdam nang may sakit, at kung may sakit ay mayroon ding paunti-unting pagkasira ng katawan ng isang tao, ano pa’t nagmamarka ng pagiging destructive verb nito? May pinagkaiba rin kaya ito sa ‘Nagutom ang pusa.’ bilang pagkasira ng kalusugan? Paano kung sinabing ‘Nawala ang bubong ng bahay dahil sa bagyo.’ na maaaring magsabi ng pagkasira?

Nagbago ang kondisyon. Ito ang kahulugan ng unang klase. Nauukol sa kondisyon naman ang kahulugan ng stative verb. Kapag kinalawang ang isang bagay, hindi naman ito nalalayo sa pagkakaroon ng pagbabago ng kondisyon. Tama lamang na ikinategorya ito sa ilalim stative verb dahil sa nauukol nga naman ito sa kondisyon ng bagay na yari sa bakal ngunit nakalilito lamang isiping maaari itong ihanay sa unang klase (pagbabago ng kondisyon o becoming) dahil sa nagbago nga naman ang kondisyon. Mas mabuti kayang tanggalin na lamang ang ikalawang klase na destructive verbs dahil halos pareho lang din naman ang pinag-uukulan ng mga ito sa unang klase? Mula sa ‘Nabago ang tanawin.’ ng unang klase, magiging destructive pa ba ang ‘Nabago ng lindol ang tanawin.’? Nakabase na lamang ba sa konteksto ng pangungusap ang pagkakahanay ng pandiwa sa kanyang nararapat na klase? O ang pagdidiing ginawa sa mga pandiwa ay nakapaloob na sa kanya mismong kahulugan sa diksyonaryo?

Pareho namang nagbabago ang kondisyon sa dalawa, mayroong pagbabago sa hitsura at ang ibang pandiwa mula sa unang klase ay maaaring gamitin bilang destructive. Mas maigi siguro kung pagsamahin na lamang ang dalawang klase para maging iisa na lamang. Ang ganitong pagmumungkahi ay para sa mas kaunting mga kategorya para maiwasan ang pagkalito kung may mga nagkakahawig sa halimbawa at posibleng sa mga kahulugan

Isa pang klase ng klase ng stative verb na nais kong kuwestiyunin ay ang phenomenal verbs. Base sa artikulo, ang mga pandiwang ito ay may kaugnayan sa kagagawan ng kalikasan, tulad ng pagsikat ng araw, pag-ihip ng hangin at pagkislap ng mga bituin. Narito ang ilang halimbawa:

36. Inulan ang parada kahapon.
‘The parade was rained upon yesterday.’

37. Bumaha ng dugo sa digmaan.
‘There was bloodshed in the war.’


Malinaw naman sa lahat na ang klima at panahon ay dulot o natural lamang na gawa ng kalikasan. Hindi ito mapipigilan. Ngunit paano kung sinabi ko namang ‘Binaha ng bagyong Ondoy ang maraming kabundukan na nagdulot ng landslide.’? Nagkakaroon ba ito ng destructive na katangian dahil sa pagkasira ng lupa? Hindi ba’t dito sa konteksto ng Pilipinas, malimit na nakasisira ang baha, lalung-lalo na kung napakalakas nito? Maaari itong makasira ng lupa, ng mga daanan, ng mga tahanan, dahil lamang sa umaagos nitong tubig. Kapag nagkaroon ng baha, negatibo agad ang konotasyon para sa ating mga Pilipino, marami kasing nasisira o nababalitang nasisira. O mapupunta pa rin ito sa kategoryang phenomenal dahil sa natural namang umuulan kahit na maraming nagsasabing maaaring maagapan ang pagbaha? Maaari rin namang bumaha sa mga lokasyong walang nakatirang tao kaya pupuwede kayang maging natural na sakuna pa rin ang pagbaha?

Hindi naman lahat ng phenomenal na pandiwa ay destructive pero may mga iilan pa ring maaaring isama sa destructive verbs. Maaarin umulan ng acid rain na destructive, maaaring humangin nang pagkalakas-lakas na makapagpapalipad ng mga bubong at makapagpapagalaw ng malalaking tangkay, maaaring umaaraw lang pero pagkainit-init na maaaring makapagpatuyo ng lupa at makasira rin. At papaano pa ang mga pagputok ng bulkan, paglindol at pagbagsak ng bulalakaw galing sa kalangitan na kapwa mga natural na sakuna? Lahat ng mga ito ay destructive at hindi rin naman mailalayo sa pagiging phenomenal. Paano na lamang silang maihahanay? Dedepende na lamang ba ang pagkaklase ng isang pandiwa sa  antas o grado ng pagkasirang idudulot nito? Maaari rin naman kasing bumaha o lumindol ngunit walang nasira. Kaya ba ihiniwalay na lamang ang mga natural na kalamidad para hindi na lamang pag-usapan pa ang antas ng pinsalang maaari nitong dalhin? Nagkakaroon kasi ng pagkakatagpo o pagkakapareho sa ilang mga pandiwa katulad ng mga nabanggit kong halimbawa sa pakahulugan ng destructive verbs. O babalik na naman tayo sa konseptong ang pagkakategorya ng isang pandiwa ay nakabase pa rin sa konteksto ng pangungusap at hindi na lamang sa kanyang kahulugan?

Atin namang pag-usapan ang tungkol sa mental at psychological verbs. Ipinakahulugan ng artikulo na ang mental verbs ay nauukol sa mga prosesong nangyayari sa loob ng kaisipan, tulad ng pagkatuto, pagkaunawa, o pagiging maalam. Isinama pa rito ang pagkukunwari bilang ibang tao ay isa ring mental na proseso. Para naman sa psychological verbs, ito raw ay mga pandiwang may kaugnayan naman sa kalagayan ng mga damdamin tulad ng galit o lungkot. Kapag mayroon ding kinokonsidera ang isang tao na bagay bilang mabuti o madali ay sinasabi ring isang psychological na pangyayari. Nais kong kuwestiyunin ang bahaging ito sapagkat ang sikolohiya ay hindi lamang nalilimitahan sa takbo ng damdamin. Hindi rin naman maitatangging ang mga nararamdaman ng isang tao ay may kaugnayan din sa kanyang mga iniisip. Kaya paanong maiihiwalay ang damdamin o pagkokonsidera ng isang bagay na mabuti sa mga proseso ng kaisipan? Ang sikolohiya ay mayroong malaking sakop kung saan nakapaloob din ang mga mental na proseso. Maaari sigurong palitan ang katawagan ng psychological verbs o kaya naman ay pagsamahin na lang din ang dalawa at ikategorya na lamang bilang simpleng psychological na mga pandiwa bilang nasa ilalim din naman ang mental na proseso sa larangang ito.

Mayroong mga pagkakahawig sa kahulugan. Mayroon ding mga pandiwang maaaring ihanay sa dalawang klase, at depende rin ito sa kung gaano katindi ang nakapaloob sa konteksto ng pangungusap. Hindi malinaw sa mga ibinigay na kahulugan at halimbawa kung ibabase ba ang paghahanay ng isang pandiwa sa kanyang kahulugan o sa kontekstong kanyang kinabibilangan. Ang mga ito ay nagdudulot lamang ng mga pagkalito na maaaring makasira sa nabuong mga klasipikasyon. Magkaroon sana ng mas malinaw o mas detalyadong pagpapakahulugan. Subukan ding gumamit ng ibang bagay bilang object kung magbabago pa ba ang klase ng isang pandiwa. Maaari ring tingnan ang mga posible pang mga halimbawa kung maaaring ihanay o tumutugma ang pagpapakahulugan sa bawat depinisyon ng bawat klase ng stative verb.

Dynamic Verbs

            Kaiba naman sa stative verbs, ang dynamic verbs ayon sa artikulo ay sinasabing mga pandiwang naghahayag ng aksyon. Narito ang ilang halimbawa ng objective verbs (sa ilalim ng dynamic verbs) na sinasabing mga pandiwang mayroon parating direct object o tagatanggap ng aksyon:

4. Magluluto ang nanay ng ulam.
            ‘Mother will cook the main dish.’
           
            5. Kumuha siya ng pagkain.
            ‘He got some food.’


            Kitang-kita naman na tinanggap ng ulam ang aksyong magluluto at ng pagkain ang pandiwang kumuha. Kapag bumuo ako ng pangungusap na ‘Niluto ang ulam.’ o kaya ‘Kinuha ang pagkain.’, objective pa rin ang mga nagamit na pandiwa kahit na walang tagagawa ng kilos dahil meron pa ring tagatanggap. Nakadiin sa tumatanggap ng kilos, hindi man malinaw ang may dahilan, ang mga objective verb. Ngayon, tingnan ang halimbawang kinuha ko naman sa phenomenal verbs (mula sa stative verbs):

            36. Inulan ang parada kahapon.
            ‘The parade was rained upon yesterday.’


            Maaari rin akong bumuo ng iba pang pangungusap katulad ng ‘Binaha ang lungsod.’ o kaya naman ay ‘Hinangin ng bagyo ang bubong nila.’ Ang mga pangungusap na ito ay phenomenal, base sa mga depinisyong inilatag kanina sa mga naunang bahagi at kasabay niyan ay ang pagiging objective. Napapailalim sa dalawang nangungunang klase ng pandiwa mga inihaing halimbawa ng pandiwa. Kapwang mayroong nakapaloob na aksyon at kagagawan ng kalikasan. Paano na lamang sila maihahanay? Maaari bang nasa dalawang pinakaklase ng mga pandiwa sa Filipino ang isang pandiwa? Narito pa ang ilang halimbawa na galing naman sa destructive na klase:
           
16. Nagiba ng bagyo ang bahay.
            ‘The house was destroyed by the storm.’

            17. Tinupok ng malaking sunog ang sambayanan.
            ‘The big fire burned down the whole town.’


            Maaaring pan-stative pa rin ang dating ng mga inilagay kong mga kasunod na pandiwa dahil mukhang wala nga namang nangyaring aksyon ngunit mayroon pa ring mga tumanggap ng kilos. Tinanggap ng sambayanan ang tinupok at ng bahay ang nagiba. Kung malinaw sa mga pangungusap na mayroong aksyon at mayroong tumanggap ng aksyon, maaari kayang ihanay ang marami sa destructive verbs sa ilalim ng objective verbs? Masisira ba nito ang binuo pang dalawang magkaibang klase ng mga pandiwa (stative vs dynamic) kung maaaring ihanay sa dalawa ang ilang salita? May malaki bang pagkakaiba ang ‘Kinagat ang burger.’ at ‘Giniba ang bahay.’? Paano naman ang halimbawang ito na nasa ilalim ng directional verbs (dynamic):

            16. Hinugasan niya ang pinggan.
            ‘He/She washed the plate.’


            Ayon sa artikulo, ang directional verb ay isang pandiwa na patutunguhang direksyon. Madali rin daw itong malaman kung -an-verb ang nangyayaring kilos. Lahat ng mga natirang halimbawa sa ilalim ng directional verbs ay mayroong direksyong patutunguhan. Inihahayag ba ng hinugasan na patungo ang aksyon sa pinggan? Ano pang pinagkaiba ng halimbawang ito sa objective verbs? At ito pa na galing naman sa locative verbs (dynamic):

            36. Naghugas siya ng mga baso (sa palanggana).
            ‘He/She washed the glasses (in the basin).’


            Inilahad ng kahulugan ng locative verbs (dynamic) na may mga halimbawang pandiwang naghahayag ng aksyon na kailangang mangyari sa isang lugar. Ibig sabihin, may mga pandiwa raw na kumakailangan ng lugar na pangyayarihan. Sa pagkukuwestiyong ito, iisang pandiwa lamang ang aking napuna (hugas). At kung susundin natin ang marahil na pinag-uukulang atensyon ng stative verbs para sa kanyang kahulugan, na base na rin sa kanyang mga ibinigay na halimbawa, maaari bang tingnan ang pandiwang hugas  sa kanyang kahulugan sa diksyonaryo para mas madaling maihanay sa kanyang tamang klase? Bakit noong hinugasan ang pinggan ay hindi kinailangan ng lugar ng paghuhugasan? Kapag naging nag- verb na lamang ba puwede ito katulad ng ‘Nagluto ng litson sa kawali (sa kusina)? E papaano naman ang ibinigay na halimbawa galing sa objective verbs na ‘Magluluto ang nanay ng ulam.’? Mauulit na naman ba ang paglalagay sa dalawang klase ng iisang pandiwa? Nakalilito kung titingin ba sa kahulugan ng pandiwa, o sa tatanggap ba ng aksyon, o sa kahulugan pa ba ng klase ng pandiwa. Nililinaw din ng artikulo na maaari pang makatulong ang pagtingin sa panlapi ng mga pandiwa:

            Pandiwa                        Panlapi

  objective               mag-, -um-, mang-, mag-...-an, -in-, 
                                    makipag-...-an
           
  directional                    mag-, -um-, mang-, i-, -an, -in-

 benefactive                    i-, ipag-

 causative                      pa-, ika-, ikina-, na-, ipina-, 
                                        nagpa-, nag-

 instrumental                 ipang-, ipinang-, nag-

locative                         nag-, -um-, -in-, ipa-, i-...-in-

           
May mga pandiwang madaling matandaan dahil sa angking kahulugan katulad ng nanggaling para sa locative at nagbigay para sa directional. May mga pandiwa namang makikita sa anyo dahil sa taglay na panlapi katulad ng ipag- para sa benefactive at ipang- para sa instrumental. Ang iba naman ay maaaring matukoy depende sa konteksto o iba pang bahagi ng pangungusap tulad ng sa pamamagitan ng- para sa instrumental at dahil sa- para sa causative. Maaaring alamin ang klase ng pandiwa sa iba’t ibang paraan kung titingnang mabuti ang mga ibinigay na halimbawa at kahulugan ng artikulo.
           

Kung mukhang nakatuon sa taglay na kahulugan ng pandiwa ang magkaklasipika sa stative verbs, bakit sa iilang halimbawa lamang ng dynamic verbs ito magagamit? Babalik at babalik pa rin ba sa konseptong makatutulong ang ibang bahagi ng pangungusap para mas madaling matukoy ang klase ng pandiwa? Nagmumukha kasing sa kalakhan ng mga halimbawang pangungusap na inihain ng artikulo para sa bawat klase ng pandiwa, mula sa mga stative patungo sa mga dynamic, magkaibang-magkaiba ang basehan sa pagtukoy ng klase ng isang pandiwa. Nilinaw na kanina na mayroong iba’t ibang paraan. Ngunit iisa o dadalawa lamang sa mga paraang ito ang makikita sa mga halimbawa ng stative na halos lahat ay purong kahulugan ang pinagtuunan ng pansin. Mas nakikita ang pokus ng pandiwa sa mga klase ng dynamic verbs. Kinakailangan pang tingnan ang panlapi o mga kasama nitong salita sa loob ng pangungusap para lamang malaman kung saan ihahanay ang pandiwa. Sinisira ng ganitong pagbibigay-pakahulugan ng dynamic verbs ang naunang inilahad ng stative verbs. Maraming pandiwa tuloy ang maaaring maisama sa higit sa isang grupo. Maaari naman pero ang proseso sa kung paano natukoy ang iba’t ibang klase ay hindi nagtutugma.


Kabanatang sinuri:

Cubar, E. H., Cubar, N. I. “Chapter 5: Verbal Classification in Filipino: Dynamic vs. Stative”. Writing Filipino Grammar: Traditions & Trends. Quezon City: New Day Publisher. 1994.