11 January 2019

Panibagong dahon. Baduy, ang puta. Pasimple lamang ang lihim ngunit may mangilang makasisilip. Saglitan lamang ang paglipat nang masubukan ang taos. Salaysayang sadit ang iginuhit ngunit panlilinlang ang tumamod. Balak ko pa naman sanang mangilagid. Wala eh. Sumisingkit ang arte. Pakiramdam ko lang naman. Mamamalayan mo na lahat ng hagdan. Babayabasin ka nang lumangoy. Hindi ka takot sa dikya. Masalimuot lang ito sa itimang ikot. Walang bahid ang mga anggulo ko, at hindi mo sila makukumpuni, kahit na luminya ka pa sa pilang awitanang-puntos, peke pa rin ang iihip at kakalampag.

Panibagong dahon. Nag-iisa ka lamang. Ikaw na nagpakilala sa aking nahuhulog, kahit namamaso ang bagyo. Lumapit ako sa 'yo. Hindi ko naman pinilit. Kita'y pinakinggang magdamagan. Walang nag-antabay sa pagpundi. Tinawag mo akong muli. Nagtalata na ang kapuwang paghahanap ngunit ito'y labas sa paghangand ng mga alon. Ito'y pamamaalam lamang. Nagtalo pa ang kalma at sabik. Maliwanag na ang dilim. Nakaupong dumaraan ang mga lakbay pangyari. May kaunting pamimilit at paghingi ng kilig sa mahinahong landi.

Bigla kang humiram ng tula. At kita'y naunawaang agaran. Alam nating pareho ang salba. Isang higop na lang talaga at titilapon na tayo bangin. Parehong may gusto ngunit walang may balak.

Nagdaan ang mangilang pag-aming luwal sa bituka matapos kang makapagpaalam ng higpit. Mayroong mga paanyayang pagpanao sa duyan ngunit hindi na pinagbigyan pa. Ipinagpatuloy ko ang pagtatapos hanggang sa makalimot nang muli.

Umarko ang ilang pangkatang ginaw at liwanag. Lumabo na't halos mabura. Tinanggap ko na lamang lahat ng mga tanong at matiyagang nagpainit paulang.

Wala na talaga dapat eh, hanggang sa hindi ko na natiis pa ang paghigop. Nag-angat ako ng isang kuko, at doon muling humuni ang ating umaga. Nagtanim ka nang kaagad, at tayo'y umabot hanggang pagtimpla. Nagsimula tayo sa mga nagbabagsakang gusali at kawat. Gumiling din sa samot, sampal, at senyas.

Hinintay lamang pala natin siyang humimbing.

Tinanong kita. Pinilit mo ako. May mga sapilitang paghinto ngunit tinuldukan na rin natin sa wakas ang tulang hiniram mo.

10 January 2019

Nililimitahan ako ng sarili kong mga mata. Siniliran at sinulukan na ng mga salita. Parang wala nang balak pang dumilaw. Wala nang nanatiling pakay, at hindi na iniwan pa ng pagmamasid ng hanap. Nakakakitid ang pamemermekto.

Lahat ang may nais ngunit sila rin mismong aminado. Handa nilang lunukin muli ang kanilang mga sinuka. Kadiri, pero sanay naman na sila roon, hindi nga lang nila alam. Ang alam lang naman talaga nila, mag-isa lang sila sa mundo, at kadiri. Hindi nila aaminin iyon minsan. Sila ang bahalang magpigil, magtalukbong, mangitlugang tanyag at malansa, tumambay, tumingin, at tumikim sa saglitang panlimaang tala.

Abala ako sa bagsakan ng iba. Sila ang dapat na maiwasto. Dahil sa dinami-dami kong pagkakamali sa pang-araw-araw na malay, sawa na akong magpahintulot pa ng mga hindi sadyaang panapos-sisi. Hindi ako nagsisindi minsan ng katol bilang panaboy-pantal at inis. Minsan, hinahanap ko lang yung ibang luntiang amoy. Totoong luntian. Sigarilyo ko na ang bahalang tumapos sa kanila. Magbabalinahan na lamang ang lahat hanggang sa mag-iisahang talamparang-kapit ang mabuo.

09 January 2019

Ayos minsan sa akin yung mga napasubo na lang ako bigla. Hinahanap-hanap minsan yung mga kaba at takot. Hindi mapigil na mga pagkapa sa bulsa at ginagantso lamang akong paghintay ng tilaok. Hindi matapus-tapos na pagmamadali, paglingon, pagtingala, pagsamba sa tubig at halina, kumot, unan, lihim, tulin, at pagod.

May init sa ginaw, may kilig sa dilim. At ilang beses mang paalalahanan ang sarili, umaanino pa rin ang walang may balak na pumaslang. Ako lang naman ang may sagot sa sarili ko, kahit kontrolado ng iba ang aking isip. Nagyuyumi ang angas sa tuwing magbubukas na ang uwian. Wala rin namang masigawan. Mas masahol pa sa burot. May pagtrato ng kunwari. Iba naman talaga ang salamingang papansinin. Takot sa kanal dahil nauna ang tsismis. Minsan, gusto. Minsan, ayaw. Minsan, matapang ang gatiyan. Nasa taas man o sa ibaba, hindi kailanman sumayad sa pagpapanggap.

Manggaling man sa sukal at lubak ng pagtatago, hindi na ineetsa-puwera pa ang buwisit na danas. Wala namang nagsabing hindi lasa ang pait. May kabisa sa kalikot. Huwag maliitin ang paglawak ng pananaw. Ayos minsan ang personal na pagkilala sa mga goyo.

08 January 2019

Ako na lamang ang nag-umpisa, hanggang sa ikaw na mismo ang makaalala, makaalalang muli at umunawa. Ikaw ang nag-aya at nag-udyok, galing sa kung anong inggit ng ibang arte. May tilang nagsindi sa inaalikabok nang mitsa, at ako na lamang ang natirang kusang nagpaalab.

Wala na akong balak pang maghintay. Hindi mo rin naman ako maririnig. Maraming salamat na lamang sa muling pagpapakilala sa akin. Unti-unti na muling lumilinaw ang mga bakat, kasabay ng hindi taos na lunduhing lubha kong giniliw. Matagal siyang nangulila, mabuti pang siya'y naging matiisin, sa mga banat kong kulang na kulang ngunit umiilalim ang pagkumpleto sa akin.

Nawa'y hindi na sumabog pa at magkalat ang gasera. Wala naman ding gamugamong nais na magtangka. Wala naman akong balak sumugod, ang hugnay ko lamang ay mangandila't pumuslit ng bulong. Baka sakali lamang, para sa iyo, na pilitin mong bumangon sa mapaklang salimuot ng bagyo. Tanggap nating mahal na mahal natin ang tikatik at nagsisimatayang luntian. Tayo ang magsisilbing nagbabanggaang ilaw na taal na walang hinahanap kung hindi pansariling kalma sa gitna ng 'di matapus-tapos na bakit ba tayo araw-araw pinagkakatuwaan ng ating mga ibang sariling ating tanging mga kakampi laban sa... Galit ka roon, alam ko. Ako naman kasi ang nag-umpisa.

Subukan mo nang umalala.

07 January 2019

Paulit-ulit kitang babasahin hanggang sa hindi na kita maintindihan. Hindi mo na kailangan pang pagurin ang iyong sarili. Ako na mismo ang maglalakbay hanggang sa pahinga ng dulo. Ang sa aki'y doon lamang ang sukat kung para saan nga ba ako sa 'yo, at hindi na mag-aatubiling hanap pa kung tatanungin pa ba ang aking sarili ng malambot na konyat ng bakit at paano.

Kasi mahal kita. At iyon ang pinakamatamis na buga. Aanhin ko pa ba ang kahit na ano. Palalampasin na lamang ang madalas. Aakuhin ang mga minsan. Sila ang susundot ng mga paalala at patuloy na tatapos sa pantay na mga palitan. Hindi madalas wari ng mundo na ang kapiranggutan ang siyang nagpapatibay. Hindi mapapagod sa pagkuwit, at hinding-hindi hahanapin ang pagtuldok.

Malabo man ang halo, hindi kulay ang hinihinga. Pagmasdan man nang matagal, sa pangkalawakang bugso pa rin ang hantong. Kumplikado ang bigwas ngunit musmos ang ilalim. Hanggang iisa na lamang muli ang lahat, ako na ang maghahatid sa aking sarili.

Minsan, hindi naman umaalis para maligaw kundi para maghanap. Siyang hindi nagpupumilit, ngunit magkukusa ang katapatan ng mga salita.

06 January 2019

Minsan, gusto ko nang madaliin ang aking sarili. Takot ako sa mga blangkong espasyo. Takot ako sa bagal at bilis ng oras. Takot akong habulin ang lahat ng bagay, maging ng tao. Sinubukan ko na minsang mapagod, pero latay pa rin ng lason ang nananaig. Makailang pilit man akong magpahinga, babalik at babalik pa rin ang halika, ng malanding tinta ng aking maya't mayang kaibigan.

Akala mo kung sino mang-akit. Minsan lamang sila magtalo ng sigarilyo. Iniisip ko na lang kadalasan na nauubusan na ako ng palusot para makapagpausok, makapagpauso, ng kung anumang maaari pang igripo ng sarili ko. Hindi ako kayang istambayan ng mga bala kahit na alam na alam ko at pakiramdam kong pigang-piga na ako. Naghahanap ako ng mayroon sa wala. Araw-araw akong sinusubukan. Ni hindi ko na pinapansin kung nagkakamalay pa ba ako. Antok at siya ring bulag, magkukumot na lamang ako sa sarili kong kadiliman. Wala namang may kailangang umunawa.

Matagal ko nang tinanggap ang pag-ambon ng karayom. Hindi ako naghanap ng payong, totoo, dahil hindi ko naman inasam na sumilong. Isang matagumpay na apir lang ang sagot na alay sa bawat inggit, dahil sa huli, hindi ko hiningi ang palakpak ng ibang mga palaka.

05 January 2019

Winala niya yung tula ko para sa iyo. Malay ko ba. Siguro kasi, pawang mga salita lang naman ang mga iyon. Naaalala ko yung mga araw na sumasagot ka pa sa mga kilig ko ukol sa kanya. Hindi ko rin inasahang maririnig ko mula sa iyo na nais mo na rin sanang maranasang magmahal. Kinilala ko pa noon kung sino ang iyong tipo, at kilala ko rin kung sino yung tipo ka. Hanggang ngiti na lamang ang lahat. Sinubukan kong ipakilala sa iyo kung sino ka nga bang talaga.

Minsan, iniisip ko rin kung bakit ganoon at patungo saan. Baliko sa mata ng tao, walang kinalaman ang mundo. Wala ring may pakialam pumatol. Walang may gustong sumagip, dahil wala naman ding sasagipin. Kung anuman siguro yung nakita ko, akin na lang muna iyon. May kaunti siyang aninag. Hindi ko alam kung alam mo na.

Ang alam mo lang siguro sa ngayon eh, kung paano kong nililito ang aking sarili sa bawat pagpulupot ng langit gawing panaog. At sa bawat halimuyak ng pabadyang bati ng pisngiang mamula-mula, tanging paglingon lamang ang inaabangan ng 'di gaanong gising na matyag.

Simpatiya mong tunay ang naghatid ng mga ngiti.

04 January 2019

May oras pa naman pala. Sinubukan kong mag-isip. Binigyan ko ng hagdan ang muni. Umiglap sa ilalim, mamaya pa ang pagsabog. Mayroon tayong kanya-kanyang katatakutan kahit na ang sarap pandirihan ng lahat ng nakapalibot sa atin. Maya't maya lamang ay mayroong sasabog, at wala pa rin tayong pakialam sa likod ng ating ibang mga sarili.

Mamaya mo pa ako makikilala, at hindi mo na ako maaalala. Wala nang ibang paraan pa para maiparamdam sa iba ang gusto ng malisik na tagis. Kapag may naiiwan, siyang mag-iisip kung una, tatakbo ba akong maraya, o pangalawa, titigitpak ang bawat sampal ng lupa sa bangkay ng mga luma.

Nandirito ako, at iyo pa ring pinakikinggan. Nasa aking mga mata pa rin ang himagsik para magtagumpay sa ibayo ng alon ng mga bakal at pulbura. Nandirito ako ngayon, at iniisip kung patutuluyin ba ako sa mga yakap ko lang namang asam, o magbabalik sa pagmamasa ng alitaptap. Nandirito ako ngayon, ako ngayong nag-iisa sa ngiti ng aking kuweba, malagkit, mabaho, at hapo sa alat ng pagkakaibigan. Hihingi ako ng huling paumanhin sa hangin saka bubulyaw ng galit na minsan pa ring umunawa.

03 January 2019

Hindi ko na magagamay pa ang wika ng pag-ibig. Mananatili na lamang itong misteryoso, mahiwaga. Makailang banong rima man si Gloc-9, makailang luha man ng lalamunan sina Ebe at Chris, makailang parinig si Chito, makailang kurot man si Armi, sumagad man ang lahat sa aking mga buto, maunawaan ko man lahat nang paiba-iba, tawanan man ako ng buwan gabi-gabi, hinding-hindi na lalawak pa ang aking aninag.

Kung anuman ang ikinapayak ng bad trip na mga nagkumpulan nang bulaklak na araw-araw inaasam-asam, ganoon ding magiging kakumplikado ang lahat ng pagkakataong sinubukang pagbugtungan ng liwanag ang mga pinagtangkaan. May hikayat ng dali, may kanti ng gulo. Sarili lang madalas ang nasa gitna ng digma. Pangunang bastos sa palatuntunan ang magbabadya. Nagbadya. Masarap na masakit. Masarap at masakit. Pilitin man ang pag-iwas, radikal pa rin ang hantungan.

Pero wala eh. Hindi man (pinaka)sapat na batayan, lagi't lagi kang kay rikit sa paningin, sa aking paningin, sa akin. May kung anong pansariling pag-angkin sa bawat hinihinging kahulugan ng mga salita. Tanungin man nila ako kung ano para sa akin ang hulog ng langit, pagkatamis mong ngiti ang ituturing. Tanungin man kung ano ang saya, lumilista ang pungay ng iyong mga mata. At kung hingin pang muli ang pag-ibig, na siyang tunay at wagas, walang ibang maisasagot pa, kung hindi ikaw.

Ngunit muli't muli, hinding-hindi ko magagamay ang wika ng pag-ibig. Sinadyang hindi ko kaya ito nang mag-isa, kahit na araw-araw na akong sinasanay ng pait at tamis. Araw-araw mang maging magulo ang lahat, araw-araw ko itong aakapin, sosolohin. Makailang buhos man sila sa akin ng galit, inis, at pagtataka, sa 'yo at sa iyo lamang ako may pakialam. Hindi mo man ako maintindihan, kapuwa na lamang tayong maghahanap sa kalawakan kung ano ang maaaring katotohanan para sa atin, katotohanang para sa atin.

Dahil muli't muli, hinding-hindi ko magagamay pa ang aking pag-ibig.

02 January 2019

Sakto lang naman. Hindi ko alam kung sino sa atin yung tunay na kinabahan pero minsan, takot ako sa mga mata mo. Ikaw lang ang madalas na magpaminsan sa akin. Minsan, ibang tao ka sa akin. Minsan, kaibigan ka lamang. Minsan, ikaw yung kilig. Minsan, kape. Minsan, gulay. Minsan naman, tsokolate. Minsan, kusa. Minsan, aso. Minsan, naiinis ako sa 'yo. Minsan, wala akong pakialam. Minsan, nagkukuwento ako sa 'yo. Minsan, nagpaparamdam. Minsan, adik sa 'yo. Minsan, gusto kong magkuwento sa 'yo. Minsan, nauubusan ako ng sasabihin. Minsan, nauubusan tayo ng mga salita.

Minsan, pagod ka na.

Minsan na rin ako, kahit 'di na hal'ta, bitin. Sobra. Pagod.

Minsan, nakalilimot na. Pabaya. Papansin, at para lang lahat sa atensyon mo.

Hindi naman kita hinihingi. Hindi naman na kita pinilit pa, kahit na alam kong gusto kong kinakausap mo ako. Kahit na alam mo minsan. Kahit na ikalulundag ng puso ko, at ikawawasak ng mga mundo natin, ng mundo ko.

Gugulong ang mga tala sa dilim sa diin kong magsulat ngunit hinding-hindi ako babakat sa 'yo. Ang huli ko lamang na maaalala, ang ganda mo. Hindi ko na ipapaliwanag iyon. Wala namang may kaya. Kahit ano pa mang gawing bulalas, walang aabot sa subok. Hindi ka naman madaling tumakas. Takot pa rin naman ang aking habol. Nakayukong malumanay ang aking mga silip. Hanggang sa aninag na lamang ang iyong tinig. Sumaglit na ang paalam.

Paumanhin.

Paumanhing muli sapagkat hindi ko pa rin matantya kung hanggang saan lang ba ako. Alam ko sa sarili kong tanga ako sa ganitong mga bagay, at / o pinangungunahan pa rin ako ng ibang mga bagay. Ayaw kong nauulit yung ibang mga minsan kahit sanay na sanay na yung kayarian ko. Wala namang nagsabing wasto lahat ng nakasanayan.

Minsan, gusto ko ring kumawala, sa pagbabantay na ako lang din naman mismo ang may pakana. Pinipilit kong pigilan yung sarili kong magdalawa hanggang tatlong isip. Apat na tasa ng kape. Limang oras na pekeng ligaya. Anim na beses na akong muling masasaktan. Huhuni na lamang ang karton ng buwan sa akin. 

Minsan, gusto kong tanungin kang muli.

Hindi ko kailanman ito pinilit. Ako lamang din ang tanga. Mga mata mo na lang ang makapagsasabi. Araw-araw akong maghihintay hanggang sa magkaroon ng tila. Hindi sana ito pagtatapos. Ayaw ko na munang muling maubusan pa ng mga salita.

01 January 2019

Hindi ko na rin masyadong maalala. O baka, hindi ko na rin masyadong inaalala. Sino ba kasi yung nag-umpisa ng ganito? Wala na ring may pakialam. Kung hindi na lang din kinayang sungkitin pa ang puno eh, wala rin namang nagbalak na sumilip ng ilalim. Hindi mo na ibinalik. Minsan ko na lang din hanapin. Kung ano pa man yung hindi mo pa ipinapakita, maraming salamat na lang ulit. Tapos, paumanhin, nararapat naman sa 'yo lahat ng payapa at kasinungalingan na hiningi mo sa akin. Hindi naman siguro, sana, pinag-isipan nang maayos kasi taos na naubusan ng bala. Wala bang may kusang sinadya? O pawang ako na lamang ang nanloloko sa sarili ko? Si Batman na lang siguro ang makapagsasabi. Siya naman madalas. Ang akala ko lang naman talaga, dalawa yung pinagtuos mo. Tatlo / Apat pala.

Muntik na akong magtatlong tasa ng kape. Hindi ko kasi alam kung kinakabahan yung kawani o kinikilig. Martin. Pansamantala muna akong nagbabagu-bago ng anyo. Hindi rin ako takot gumamit ng bantas. Ang kaso, binibinatog ako madalas / minsan kapag kaharap na ang nakasanayang liwanag. Lilipat na rin muna ako ng espasyo. Kakaiba rin dahil parang binulungan lang ako ng kuwaderno eh, daupang burulyado naman talaga yung habol ko kanina, bilang bahagyang ensayo para sa 'yo.

Putang ina mo.

31 December 2018

Hindi Ito Iyon

Matagal akong hindi nakipag-usap; sumagot nang pabalang sa aking sarili, sa aking iba pang mga sarili. Madalas naman akong mapagbigay sa mga kailangang mahuli ngunit paminsa'y pinagkakahulugan ko rin ang aking iba pang mga sarili nang masilayang marilim, sa lenteng kung ayaw.

Maghahanap lamang daw ako pero kunwaring naghihintay. Bawat pag-iling ay tukoy nang ipangyayari, ipangyayari sa akin, akong hindi malaman-laman kung bakit at oo, kung ako o ibang tao. Takot akong lumabas pero may tapang na susubok. Lahat ng maalala'y tagpi-tagpi lamang na mga sinuotang butas.

Alam kong nagkakamali ako. Ako mismo ang nakakaalala at makakaalala. Madali lang sumasakit ang tuluyang pagdiriin sa mga itim at bilog, sisingit ang mga salungguhit ngunit siyempre, babalik at babalik pa rin sa sakit ng ulo, sa paghihintay ng paalam, at sa kumusta ng saan.

Bakit ka pa ba nandito? Hindi ka pa rin sigurado. Papayakan mong saglit ang mga paano, at mag-iimbento ng galit dahil sa hindi naman ako iyo, at ikaw ay may angking paglingon sa pangungusap ng mga alon at inaantok din minsang pungay ng buwan.

Sa huli, hindi pa rin umuusad ang may katha; lugmok pa rin siya sa mga tanong. Minsan pa rin siyang magbibigay ngunit hindi na matututo pa. Nais niyang magbago pero ayaw niyang magnais pa. Ipipilit niya ang pagtatama kahit ayaw sarilinin ang liwanag.

15 December 2018

Hiyuri

Meron akong 'di pakakawalang hiwaga,
O linyang sobrang lupet
Tapos palalawakin kong kaunti
Mag-iisip at
Maghahanap ako
ng iba-iba pang terminong
May kahulugang-lapit
May ugnayang-sabit
Sa mga salitang aking napili
Sa wikang aking binali-
Bali para lang makapangusap
Dahil ang mga salita
Ay hindi mga salita lamang
Pari-pariralang hindi kailanman
Matutuldukan

26 October 2018

Saan Nanggaling ang Pagsigaw ng, "SS!" sa Online Games?

I have this theory na galing sa Gunbound yung SS na isinisigaw ngayon ng moba players.

I think SS is widely used now in most online games na mayroong ultimate skill ang isang character. Ultimate skill meaning pinakamalakas/pinakahuli na skill. 

Ang salitang ultimate ay huli/last. Most often, ang most powerful skill ng character ay nasa dulo ng UI/HUD kaya napagkakamalang pinaka/malakas/malupit ang ibig sabihin ng ultimate. 

I first encountered SS sa Gunbound nung 2003, which literally uses the term SS as the ultimate skill ng isang mobile (sasakyan). It just means Special Shot which is the shot of a mobile that does the highest possible damage in the game. 

Gunbound was pretty popular back then. Dota was too. Most computer shops (internet cafés) had these two popular games installed on their PCs. 

Mula sa Gunbound, some players switching to different games would be using the term (SS) as a substitute to an ultimate skill or a character’s most powerful skill. Dota has this (each hero in Dota has an ultimate skill), and now, most moba games. 

Dota was also first released around 2003 so yeah, Gunbound players playing Dota would be shouting, “SS!” if they wanted you to use your hero’s ultimate/last skill. This habit will then be picked up by other players who never even played Gunbound. 

An alternate alternate term Ult/Ulti (short for Ultimate (skill)) is also used by players similarly meaning, well, the character’s most powerful skill.

Tara G! http://gunbound.be/ 

IGN: Luna28

25 October 2018

Kawing

Pasensya na, kung marupok akong mamahalin kang muli. Ako itong tangang ang kaya lamang unawain ay ikaw at ang iyong mga pagkakamali.

Pasensya na, kung marupok akong magpapatawad sa iyo, sa iyong mga mapanakit na pag-ibig lamang ang kaya kong isukli.

Pasensya na, kung marupok akong magbabalik at magbabalik sa iyo, sa aking pag-intinding tao lamang tayong lahat na nagkakamali at pinatatawad.

Patawarin ako, akong marupok na nangunguna ang dampi kaysa gigil, ang lambing kaysa luha, ang ibig kaysa laya.

Patawarin ako, akong marupok na kulong sa pagmamahal sa iyo, sa iyong sinuyo para sa minsang pagsintang lambing.

22 August 2018

Mayroong naunang pagdisrespeto dahil sa walang kabuluhang panghuhusga. Ipinaliwanag na na mali ang ganoong takbo ng pag-iisip. Hindi ibig sabihin na may opinyon lahat ng tao’y hindi na maaari pang mabago ito kung magbabasa at iintindihin ang mismong punto, at hindi yaong ibabaling ang atensyon sa hindi na kailangan pang pag-usapan.

Sakaling bagsak pa rin sa wasto at makataong ideolohiya ng pagkakapantay-pantay, tanggaping nagkakamali pa rin naman ang mangilang pag-uumpisa. Maaaring sagutin ito sa simulaing ilagay ang sarili sa sapatos ng iba, sa katauhan mismo ng siyang huhusgahan nang basta-basta na lamang.

Samakatuwid, mahirap tumanggap, mahirap na mahirap, lalo pa’t kung ito’y taliwas sa nakasanayan. Hindi porke’t lumingon yung naglalakad sa harapan ay umutot na siya. Kung ‘di rin lang pantay-pantay ang tingin sa mga hindi kilala, ano pang silbi ng pambabastos ng kabila?

27 June 2018

Gill

Mangyaring hindi na naman ako
Pinalad makita
Ang siyang pagtali mo ng buhok
Palayo sa ating makikitid na
Salarinang ibahing pangyayari

Mangyaring habulin na naman tayo,
Sa pagmamadali ng kay kupad na oras

Hinding-hindi ka nakatatakas

Sa aking pagyaring
Hindi na naman ako
Ang siyang nakakita
Sa pagtali ng iyong buhok

Palayo sa aking sarili
At pagkitid

Sa ibang pangyayaring
Hinding-hindi ako nakatatakas

24 June 2018

Yeah, naiintindihan ko naman kung hindi ka naniniwala sa Diyos, pero respeto rin kasi sa tao yung respeto sa paniniwala niya. Pambabastos man, sa kahit na anong anyo, ay pambabastos pa rin. Bastos ka. Yung tipong wala ka nang pakialam sa pakiramdam ng naniniwala talaga, maipakita mo lang na malaki yung bayag mo, at holy shit yung pag-iísip mo. Aware naman ang maraming tao na may masasamâ at mabubuti sa kahit ano pa mang paniniwala. Hindi ibig sabihing may bastos na pari ay bastos na lahat ng Katoliko. Pinatunayan mo lang na tanga ka kahit na sinasabi mo subtly na advanced ka mag-isip.

27 May 2018

Lair

Minsan naisip kong magtugmang muli
Ipakita ang mga mukhang kubli
Lubhang hindi makuhang sundin
Katas kuno ng kutya kundi
Kulang ay kanti; Mutyang kaunti
Lamang ang aking nalalaman
Kailan ba magiging sakahan
Tanging pagitan, sariling hangganan
Manatiling punlahan yaring yaman
Lang din namang walang talang
Kayang sumalang ng liwanag
Sa 'king salang sinayad
Lang din naman sa ganang
Sa 'king dayang pinalad

20 April 2018

Lisin Sana

Sana maintindihan mo
Sana naiintindihan mo
Sana inintindi mo
Sana iniintindi mo
Sana intindihin mo
Sana iniintindi mo

Intindihin mo
Intindihin mo, pakiusap
Pakiusap, intindihin mo
Iintindihin mo sana

Iintindihin mo ba
Iintindihin mo pa
Iintindihin mo pa ba
Intindihin mo na
Intindihin mo na sana

Sana intindihin mo na
Tindihan mo na ang pagsana
Matindi ang pagsana
Matindi ang pagnasa

'Pag matindi ba,
Magnasa
'Pag matindi ang nasa,
Iintindi ba
Aba, 'di na iniintindi
'Pag nasa baba na
Ang pag-intindi

Hindi na iniintindi
Hindi pa umiintindi

Sana naintindihan mo
Hindi mo naintindihan

Sana

02 April 2018

Hindi Kailangan

Sa 'di pagkitirang lakaran
Muling pagsilay kong sa 'yo
Muling pagkilala sa aking, muling sarili
Magbabalik ako, kung saan man ako
Dalhin ng iyong siyang pagbalik ng sulyap
Hindi natin maiintindihan pa
Ang muli mong paggising sa aking
Nagkukunwari na lamang na pag-akit
Sa hikahis bago ang paalam
Saka mo na ako bibigyang-aliw

Muling pag-aliw sa aking sarili

15 March 2018

Alam mo kung bakit hindi mo iniintindi? Kasi hindi mo naiintindihan. Iintindihin mo agad kung naiintindihan mo. Ang kaso, lumaki ka at dinanas mong hindi naiintindihan. Ngayon ay paanong maiintindihan ang hindi naiintindihan? Sana intindihin, hindi yung hindi na iintindihin kapag hindi agad naiintindihan.

Halimbawa, lumaki kang may refrigerator sa bahay. Malamang, alam mo yung danas na may refrigerator sa bahay. Paano naman yung mga batang lumaki nang walang refrigerator sa bahay? O walang bahay? Paano yung mga hindi na lumaki?

Paano mo silang maiintindihan e magkaiba kayo ng pagkakaintindi? Hindi imposibleng maintindihan pa sila. Ang kailangan lang, umintindi. Simulan mo na ang dapat mong ginawa nung umpisa.

05 February 2018

Yaan

Minsan lamang
Ang aking pagtahan
Sa makamundong pagsanay
Sa sarili
Sa mukhang ewan ko nang mga sarili

Minsan lamang ang pagtahan
Ang aking paghanap
Sa aking pagmuli,
At aking pagbalik

Minsan kang naging pagtahan
Sa aking panginig,
Sa pagit ng pangarap at panaginip,

Minsan lamang kitang naging tahanan

16 January 2018

Paggamit ng Gitling sa Filipino

Tuwing kailan gagamit ng gitling sa Filipino?

Vowel + Vowel
Consonant + Consonant
Vowel + Consonant
Consonant + Vowel ✔️
Inuulit na salita ✔️


ma + ingat = maingat
mag + salsal = magsalsal
ma + ganda = maganda
nag + iwan = nag-iwan


Exception: um, in

um + alis = umalis, dahil nahati sa dalawang syllable ang um. (Gayundin sa inamin, gumamit, kinain.)

10 January 2018

Well...

Sinabi mo nang hindi ka magagalit.

Ayaw ko rin namang may itinatago sa iyo, at alam mo yun. At alam mo yun, sana hindi ka magalit, manlamig, kasi ako na siguro yung nanlamig kahapon, kagabi. Mas malamig pa siguro ako run sa liwanag ng buwan, ni Luna. Mahilig ako magkape minsan kaso hindi ko inisip na sa mga palad mo pala, makauunawa na ako ng panibagong abot-langit na hikahis ng lambing.

Patawad. Paniwalaan mo ako kapag sinabi kong araw-araw akong nakikipagtalo sa sarili ko na ikaw ang tama, at ako ang siyang tunay na mali. Ilang beses kong pinakikiusapan yung iba kong mga sarili na sana, sana palagi nilang naaalalang mahal mo ako. Mabigat isiping (una) sinigurado kong mas maaga kang makapasok sa bagong patak ng umpisa ngunit ikinagalit mo ito. Lumayo ako dahil alam kong kailangan muna nating tumahimik nang makapag-isip ng mga sasabihin. Hinanap kitang muli, at nilapitan. Tama namang mali ang sagutin ng galit ang isa pang galit. Lalo lamang mabubusog ang digma sa gatong. Nagdesisyon akong magalit, dahil iyon ang una kong naramdaman, at hindi rin naman nalalayo sa pag-iisip na nagalit ka dahil sa hindi na lamang kita hinayaan.

(pangalawa) Nasagot ako nang hindi kanais-nais sa pagpapaliwanag ko nang maayos. Kung maging hindi magkahawig ang opinyon ko sa parehong bagay, sinisikap ko pa rin sa bawat pagkakataong pag-isipan ang aking mga sagot sa mga tanong. Pinili kong magalit dahil hindi ko matanggap na may mga ganoong pagtrato sa akin. Nakakainit din ng dugong isiping ikaw ang siyang hinanap ko noong nagkamali ako sa pagpasok at pinuntahan, at fine lamang ang natanggap ko, na bakit? Bakit ganoon na lamang?

Nanlamig na ako. Gusto ko nang mamatay dahil sa ikaw ang nagalit sa pagpasok, dahil sa pagtulong ko. Ako ang nagalit sa fine. Lugmok na lugmok na yung buong espiritu ng katawan ko. Hindi matanggap ng buong pagkatao ko kung bakit iyon nangyayari sa akin.

Naluluha na ako.

Paulit-ulit silang bumubulong na mahal mo ako, mahal mo ako. Sa bawat pagyakap nila sa akin bilang pag-unawa at pag-ibig sa iyo, siyang sasagutin ko ng kesyo bakit ganito, at bakit ganyan. Hindi ako naghahanap ng kung sinong mananalo, o sinong tama talaga, dahil alam ko naman kung mali talaga ako. Gusto ko nang mawala kasi parang wala naman ako, at bilang din namang hanggang sa pagtulong ko at bawat galit ko, kailangang pulutin ko na lamang silang mga bakas sa lupa.

Hindi napupulot ang mga bakas, nakikita na lamang sila. Kinuha mo ang aking mga palad habang nakikipag-away pa rin ako sa mga sarili ko. Hindi ko inisip na iwan ka, ngunit baka gumaan man lang sana yung loob ko kung wala na lang talaga akong maramdaman at mamatay.

Kinuha mo ang aking mga palad. Naintindihan kong muli ang pag-ibig. Iniisip kong mawala na lamang ang aking mga nararamdaman ngunit ang kailangan ko ay yung kasama ka. Hindi na baleng hindi makaintindihan sa umpisa, basta mayroong pag-akay, at hindi binabalewala. Alam kong may mga bagay kang ayaw mong gawin sa 'yo kaya hindi mo ginagawa sa iba.

Kinuha mo ang aking mga palad. Kinuha mong muli ang aking buhay. Naramdaman kong buhay pa ako, at kailangan ko pang mabuhay. Hindi kita kalaban, at hindi tayo magkaaway. Hindi lamang tayo nagtatagpo kaya nararapat lamang lumingon, at akayin ang maiwan. Malabo ako, pero laking pasasalamat ko sa bawat oras na pag-intindi mo sa akin.

Kinuha mo ang aking mga palad. Sinabi ko sa sarili kong sana matraffic. Sinabi ko sa sarili kong huwag mo nang bitawan. Sinabi ko sa sarili kong hindi kita bibitawan. Sinabi ko sa sarili kong mahal, mahal na mahal kita. Sa iyo lamang ang aking palad, at sa iyo lamang din ang aking palad.

31 December 2017

Some of the 2017 Trends - Philippines

January

CDO Flooding
La La Land
Salt Bae
Nung Ako'y Bata Pa

February

Roll Safe
Jollibee's Valentine's Series
Pare, Pulis Ako
Trash Doves
Cash Me Ousside / Howbow Dah
I'm Drunk, I Love You
Expanding Brain

March

How Italians Do Things
Cheering Meryl Streep
LaVar Ball
Jolegend Slaydangal
Logan

April

Kapag ba...
Coldplay in Manila
Pennywise in the Sewer
Syria Chemical Attack / Syria Missile Strikes
Batangas Earthquake Swarm
United Airlines Fiasco
Kendall Jenner's Pepsi Ad
Duterte Declines UP Honorary Doctorate
He Protec but He Also Attac
Spotify Playlist Messages
Fidget Spinner

May

Sotto Insults Taguiwalo
Touch This / The... (Facebook)
Thankful Reaction
Proclamation No. 216
Super Sad Pope Meeting the Trumps

June

BPI System Glitch
Wonder Woman
Villar Urges Ban on Unlimited Rice
Cavaliers vs Warriors
The Floor is...
EverWing
Wikang Korean sa Paaralan

July

Pacquiao vs Horn
Billboard Asking Erich Gonzales Out
Dancing Hot Dog Snapchat Filter
Not You / Tú No
Nyeaam!
Game of Thrones - Season 7 Premiere
Spider-Man: Homecoming
Chester Bennington's Death
Kita Kita
Philippine Executive Order 26

August

Duterte Signs Free Tuition Bill into Law
Kian
Patay na si Hesus
Distracted Boyfriend
Game of Thrones - Season 7 Finale
Mayweather vs McGregor
The Kyrie Irving Trade
Kyah, Pembarya, Kyah
Zark's Burgers' 8th Year Anniversary
Sarahah
Dear David

September

Are you threatened by us?
Inhaling Seagull
Pacquiao: "You can call me anytime."

October

Xander Ford
Joey de Leon Slammed for Depression Remark
Baby Shark
Werpa, Lodi! Petmalu!
Szechuan Sauce Fiasco
Baron Geisler: "Hearsay?!"
Doki Doki Literature Club!

November

ASEAN Banner Misspelling
Lil Pump
Bong Go Selfie
Sass Confronts BBC Reporter
Papa John Lloyd
Passenger Loses Hand in MRT
Kumalas na Bagon ng MRT
Justice League is a Disappointment
Charles Manson's Death
Sud, Jensen and the Flips Face Sexual Misconduct Accusations
Paramore Tickets Sold Out
Thor: Ragnarok
Infinity War Trailer
Samyang Challenge
Dog Petting Photoshops
Bike Cuck

December

Slain Students in Batangas
The Last Jedi
Isabelle Duterte's Photoshoot
Ben Swolo
Thai Political Crisis Breakup
Sherlock Jr. on GMA
If You Play This Song on New Year's Eve

05 December 2017

Oo n(g)a.

Umpisa'y nilinaw ko nang magiging malabo. Hindi ito magsisilbing galit at pamamaalam, bagkus, ito'y muling pagparatang sa aking sarili sa kadahilanang nasanay na ako, nasanay na akong magmukhang aywan ko ba kung mahal ko pa ba ang sarili ko, o tama na. Tama na ba, o tama pa ba? 

Mismo akong yumayakap sa lahat ng dapat kong sundin, hindi ko rin naman maitatangging 'di naman naging minsan ang iyong pag-aalaga. Masarap. Mapagkalinga. Malambing. Hindi naman nagkulang. Ako lang naman itong laging madalas na nagkukulang. Bakit pa nga ba ako na'ndito? Bakit ba ako tumatawa sa paggiluyong-luha, umiiyak sa gatas ng hele, at nagpapaubaya sa laslas ng pakiusap?

At alam kong sa bawat gagawin kong sa tingin ko namang karaniwan, magiging balakid sa pagkitid ng iilan. Hindi ko naman sinasadyang manggulo, sinasadya ko na lamang umunawa, nang lubusan.

Mismo ring sinubukan na lang pagkathang-diwang huwag na lamang akong hanapin, at parayain sapagkat bakat, siyang 'di ayaw na lalanseta ang bawat inupod sa mga ukit. Ako na naman na sana ang bahala sa sarili ko. Ni minsan, ayaw ko nang isiping magkakamali ako sa bawat dahan-dahang pagtapak ko sa mundo mo, sa mundo natin.

Umuunawa ka rin naman, alam ko, at hindi ka naman nagkakamali. Sa bawat pagtapak, siyang magsilbi sanang pataba sa bawat pag-iwan ko ng singgat at tikil ng butil, nang umaayon namang palagi sa hindi mo pag-amok ng digma.

Ako ito, iyon ang laging hantong mo sa iyong sarili. Paano kung... ako rin ito, siyang hindi mo maiintindihan ngunit pinapalagang-awa na lamang (siguro, at huwag naman sana). Ako ito, na siyang tumutubigang luha sa langis ng iyong mga bungisngis. Ako ito, na siyang hindi magbubuhat ng yangka, ni aalamatin ang iyong mga araw. Ako ito, na tumatandang naghahanap na ngayon ng pagbalik na aangkop sa tuwing galit ang araw, hihingi ng patawad ang buwan, at kung maghanap ng paumanhin ang araw, siyang buwan pa rin ang hihingi ng liwanag.

Ako ito, akong buwan, akong iyong nagpapaakong may mga gabing nagdilirim na lamang nang kusa, na wala tayong dalawang liwanag, at dadaig sa mundo ang magkabulag. Huwag kang mag-alala, dahil ako'y iyo, at kung ikaw ma'y akin, alam kong hindi sasaglit kung saan man ang kung anumang paghila sa ating mga pag-unawa.

At alam ko ring magmumukha pa ring mali ito mismong aking lahat ng saloobin, dahil ano nga ba akong hindi na lang karaniwan, na siyang umiintindi nang madalas, para sa akin, para sa iyo, ano nga ba? Siyang sana pa ring tanggapin (din) sa dulo.

25 November 2017

Sa Pagtugma

If you are to rhyme,
Make it sure to time
Each kumpas, walang sabit,
Each line-last, you can make it
Count kahit lumampas pa ‘yan. 
Sound is made nang mapakinggan. 
‘Di mo kailangang magmadaling
Tapusin ang bawat linya. 
Mula intro hanggang sa ending,
Giving art that much hustisya. 
I’m not saying this poem is perfect,
Nor am I claiming that it is always true
But please, for the love of art, damn it,
Aayusin mo, o ちんちん食べる?