Sampal sa apdo kung malaya pa rin nga ba ang mga ulap. Nananalaytay pa rin sa kanilang mga langit na buhay ang walang kapatawarang paghimok na ang gustong makihanay sa mga may maiingat na palad ay siyang bumabati sa masalimuot na pagdarahan-dahan. Nakikita kong lahat ay nais magmadaling matapos na agad ang laro, hapit nang magpakilala, ngunit ang hindi pa nalalaman ng iba'y tone-tonelada pang singkong grasya ang nahihirapang sumayad sa kanilang pagkaliit na mga sakop. Ang iba'y sinusumpang magkakadena na ng mga mapandurong kahulugan subalit karamiha'y humahantong lamang sa pag-aabang ng babawiin ding liwanag.
Madaling umaray kapag may mananakit, ang pamamahinga'y dumaraan na lamang sa panaginip. Magsasabing patuloy pa rin ang kayod tungo sa pagbabago pero magsisipalitan na ng paliparan sa bumbunan. Lalong lalakas ang hagupit ng bagyo sa mga makararanas ng gutom, hindi lamang sa karaniwang kanin at karne, maging na rin sa lupit ng ginhawa sa pagtikom ng kanilang mga bibig. Sila-sila na lamang mismo ang umaalalay sa kani-kanilang mga paghakbang, mga tubig-ulang aanurin at paunti-unting dadaloy sa mga butas at baho ng mga kanal. Pagninilayang aabot sa paghahanap ng mga tinapos at hindi sumaklolong mga guhit ng ibang mga palad.
Labas ang sumilip, puntiryadong walang siwalat. Magtatanim ng mga salamangkang sila-sila lang din ang nakalilikha. Magbabago ang mga pinaniniwalaan, ngunit hindi patutunayan. Isisilid sa mga tradisyong inimbento lamang ng mayroong kakaibang pakikipagkapwa. Doon lamang mapagtatantong ang kakaiba'y nakasalalay sa kung sino ang may hawak at kung sino ang may tagay. Paiikut-ikutin ang salaysay. Tutumba ang malalasing. At sa pagpatak ng huling hudyat, may ngangawang sanggol ang isisilang.
No comments:
Post a Comment