15 May 2019

Naging panatiko ka rin ng pag-ibig, aminin mo man sa wala. Makulit pang magpapaulit sa pagpapatawa, makakita lamang ng ngiting ay siya, ay kung aya. Sa ranggo ng mga iniwang sipag, tulak, at droga, natatangi ang natitira sa mga dahilang pambangon sa halik ng pagpapaalam. Anong petsa na nga ba, anong petsa na? Saan ka na ba kikitain ng mga hininging paggunita bago pa man mabigyan ng lunas sa iniwang pagtitimpla ng kape.

Panay na lamang ang iwas sa niyaring saglit dahil hindi na malinaw-linaw pa ang tunay sa iwinaglit na lamang ng magpakailanman. Minsan, may galit, minsan inaapura ng pag-asa. Purong pagpapakababang ang nalalabi na lamang sa kuro'y kung ano na lamang din ang sumayad nang may ngiting ay siya, sana'y siya.

Siya at ikaw, mananatiling bughaw ang lapnos hinggil sa pagtatagpo kung mangyaring abutan ng buhos sa idayom ng mga talang kapuwang nagtatalunan. Higit sa lahat, paano na lamang, o paano na lamang ang pundang pinaglalaanan ng galit, ng himutok na dapat nang ganid iputok bilang ganting makapandiri sa mga sariling pag-amin pa rin sa wala? Wala na, wala na ang lahat. At sa mga babati pang muling pagbangon, panatiko, o panatiko ka pa rin ng pag-ibig.

14 May 2019

Aba'y diyan lamang ho sa may gawing kaliwa. Atat na akong magpakalunod sa sawang init at kulam, halong gipit at hindi. Surpresa sa lalamunan ang binilang na kindat hanggang sa pumulupot na ang alat na inaasam-asam. Iisa pa ng kahong delikado ang tibay 'pagkat kung hindi man mainom ang sabaw ng pandigma ay kakalma lamang sa aki'y aprubado sa pagkahalal. Iisipin pa kung kukulangin sa pangyayarihan subalit apaw na sa aking semilyang ipinatulo nang maiwan na nang taliwas ang nagbabantay.

Dahan-dahang magmamadali tungong pagsipat sa pagwawakas ng gabi. Napakalayo na naman pala ng aking narating. Ilang oras na naman ang aking hahabulin, aking gugugulin. Gulung-gulo na rin akong magtitimpi bago pa tapusin ang aking pag-aalinlangang makarating pa sa ibang nais na bisitahin.

Matagal ko na namang mimithiing mabisita ang aking iba pang mga sarili. Sa mga kaligtang kape, sa gitna ng mga salitang iniwan sa ere, sa gitna ng mga pang-iiwan sa ere, sa gitna ng mga gitnang iniwan ng mga salita sa ere. Asar-talo sa mga pangongopyang wala naman ding pinatutunguhan. Gising na lamang ako sa madlang imbis na ipakain sa ilang gramong pagtutulung-tulunga'y bisang alay na lamang ako sa mga poon.

Game.

13 May 2019

Sanaysay ng salot, sanay nang maging salot. Sari-saring pagsalansan, sana'y matugunan. Simpleng sundot sa mga sintirador ng sipnay, sintalulot sa mga sangay. Isang sandugong sampal sa sambayanang sarado ang isipan. Saglit lamang ang sinag ngunit sumimpatya na sa makasariling silay. Salat sa sining, siguro'y sinulid lamang ang lasap. Siguradong simoy ng satsat at sermon ang sasalubong sa sintigas ng asing sintunado sa serbesa.

Singsing na may singhot ng sipong siniping lamang. Sisilip ang seryoso sa sindungis ng sinilaban ng sili. Sagradong may pagsinop sa sinubaybayang sarap, sa ilalim ng sisid, sa sagong sinulot sa saplot. Sisiklat sa sapot nang walang sawang paghintis, sasargo sa suba ang sintulin ng ahas. Maisasadulang mga simbolo'y sesenyas sa mga sakal-sakal ang sentidong singkitid ng silahis.

Simbang may sikad, saklolo sa may sarhento. Sa sampung siyasat na pinasinayaa'y isa'ng sumabit sa simuno. Sarat na ang mga sako, siniritan na nang sampung siglo. Sinamantalang sagwaning sintasa ng sambukong sarsiado. Gilid ng payak na wika'y mag-aalinlangang ipag-alam, ang libinga'y handa na para pigilang may paghiram.

12 May 2019

Nagmamadali ka na naman ba? Magpahinga ka muna pero teka, oops! Pagpasyahan ang maayong panahon. Maikli lamang ang itinatalagang pagkakataon ng mga tao kung kaya't maiging maging maigi. Hindi maghihintay ang mga bulalakaw ngunit hindi rin naman titigil ang oras para sa iyo. Bakulaw ngang tunay, mahigpit ang mga isinisilid na lamang. Ipagpitagang ang bawat sandali'y iyo at iyo lamang.

Wala ka na ring panahon pa para sa iba.

Hindi ko rin ito posisyon para ipalusot ka, o ipalusot pa ang lahat ng tao sa mundo dahil para sa lahat ng tao sa mundo ito. Baliktarin ang untog nang makuha mo nang buo. Mukha mong todo-todo kung mangupit, ililista ang bawat maling pipiliting tambad. Hindi na kailangang alalahanin pa ang mabubuting nagawa ng tao. Anong kay bigat ng isang gramong pagkakamali sa isang kilong pagtulong sa kapuwa.

Kakitaang walang perpekto sa daigdig, daig pa natin ang manghuhusga kung makapanghusga. Sino ba tayo kung makahawak ng ilang libong salapi at makaupo sa trono ng kapangyarihan? Mag-iba kaya ang ating panghuhusga? Ay kung tutukan pa kamo tayo ng patalim at baril? Ang ating ari-arian? Ang ating betlog at dibdib? Ating mata at sampung mga daliri? Badya sa ating mga binti? Sa ating buong katawan? Sa ating sampung mga kaibigan? Sa ating limang pinsan? Dalawang magulang? Nag-iisang mga anak at pag-ibig?

Paano na lamang?

Pagbigyan ang kailangang pagbigyan ngunit ang ipokrisiya'y makating lasong iinumin din sa umpisa ng ating mga pangarap at panaginip. Isa, dalawa, tatlo, sundan mo ako. Apat, lima, anim, may nangyayari sa dilim. Pito, walo, siyam, ating inaasam-asam. Sampu ang bilang ng kutob na pinahiram.

11 May 2019

Saktan ang sining. Bullshit ang pagnanakaw ng mahahaba dahil kung hindi ko man lamang malaman-laman, bukal ang iyong emosyong galit ng mga tinta't raragasang pagkalito sa mundo. Magpaalam na, na hindi kung dahil sa mabibigat na alaala'y matagal ka na rin sanang nakalimot kung bakit ka nga ba paulit-ulit na nag-uumpisa. Sa bawat maiiksing sambit ng pagbubukas, hayaang dumaloy ang buhos ng mga alien sa iyong kitid.

Ayos lang, ayos lang ang pagpilipit sa napipintong pananalamin. Matatapos at matatapos din ang isang kabanata. Ang pagmamadali'y para lamang sa mga nakatanda na. Salimuot ang dapat na hamakin ng bago ang gising. Huwag indahin ang pagiging hiwalay sa pagragasang alon. Lahat tayo'y binuo sa iba't ibang arte, iba't ibang ayaw. Maaaring dinaraanan lamang ang karamihan sa atin ngunit hindi tayo kailanman naging indibidwal na haing hindi magtatagal.

Lalo pa't kay titibay ng ating mga paninindigan, mapamali man o tama. Sagrado ang lahat ng inamin natin sa ating mga sarili. Tayo ang lumikha ng mga mundo nating walang ibang makakikilala. Taglay ng bawat isa sa atin ang mga ngiting tayo lamang din ang may tanging paliwanag. Magpahanggang sa ngayo'y umaabot pa rin tayo sa puntong tititig na lamang sa tikya-tikyang tikatik ng mga talulot. Wala tayong hiya kung umambon ngunit umaatake sa pagbuhos.

Ayos lang, ayos pa rin ang ating sining.

10 May 2019

Putang ina, yung cringe, 'tol. Baklas na pag-indang tama na. Biglang kikirot sa tahimik na amihang dala-dala sa akin ng pagtatapos ng tagsibol. Pare-parehas nga lamang pala tayo, may kinahihiligang kaaayawan din. Hindi na mamamatay pa ang hindi kasiguraduhan sa sarili ngunit patuloy pa rin ang panggagayang ayaw magpatinag. Kahit na magpabalik-balik pa ang mga digmang makukulay sa paningin ng mga nanlalamang lamang, hindi na inaasahan pa ang kolektibong pagkontra sa namamayagpag na kultura.

Buong manghuhusga ang mga nagtatago sa mga alon, makahiyang may pag-aming nakangiti. Barya-barya lamang ang ibinibigay sa poon 'pagkat may kung anong makamundong galit ang nais na patunayan sa sarili, sa sarili lamang na iniintindi, na tanging iniintindi.

Hahahaha! Pagpupugay! Binuksan na naman ang pinto ng mga ibang klaseng pagkakataon! May kakayahan nang muling ipagtanggol ang mga natitira pang nakikipagsiksikan na sa patay na pag-asa, makauwi lamang sa hinaharap. Buksan na ang mga natitira pang pasikut-sikot nang makaalalay sa kapuwa. Magmatyag lamang sa mga umagang bukas nga ang mga mata ngunit hindi naman nakakakita.

09 May 2019

Bago itapon ang papel, pinupunit ito. Mangyaring magmasid sa kalikasan ng espasyo kung kinakailangan. Hindi nararapat lumagpas lamang sa antas ng pagkamuwang subalit bigyan ng pansin ang mga madadalas na lang ding umasa sa mariing kalabit. Nakakainsulto. Malayang porke't magkakaroon ng naghihimutukang kamatayan ay mawawalan na ng silbi ang pagkakaroon ng silbi. Hindi ba't ang nagmamalinis ay naturang nagmamalinis lamang?

Patakasin ang diwang paurong, pangaraping pumiglas patungong paglaya. Ano ba naman ang kainisa't maging kakaiba? Pamanggit, may pagtukol sa nangangalabit. Tagisan ng makakasat ang mundo. Wala naman sa pamimilit at hayaang tubuan ng mga kabute ngunit ang mismong pagtahak karamay ng nag-iisang bandila ay puspos na sinasalubong ng pag-iwas sa talukbong. Magsasaya ang buong sarili, papalakpakan ng mga panlilinlang, at taos nang mapipirmi sa hindi na kakaibang paligid.

Tuldukan na nang makapagparaiso sa alapaap ng mga tala. Magliliwanag nang malumanay ang karagatang isinuklob ng dilim. Malayang lilipad ang mga makakawalang pangarap dati. Tuluyan nang mapupunit ang pagharang ng makikitid na isip. Ligtas na sa pagkamuwang, datapwat lilingong may paggunita. Ibahin man ang sarili'y ikaluluwang ng hitikang nagpapalaganap ng mga tinunaw sa alinsangan.

08 May 2019

Ayos lang kayang maya't maya kang nasa himig ko? Sa tuwing nag-iisa, nayayamot, mababato na sa kakabakya ng masarap, manaka-nakang iimbot sa bawat pasingit na indak. Ang tugtog ay samu't saring tagumpay sa aking lalamunan. Malamig na malamig, kahit na walang yelong yumayanig. Humihinto ang hibla-hiblang pagpatak, magkaroon lamang ng kuntentong pananahimik. Dudurugin ang mga takot paibutod sa panandaliang pag-inda at ligaya.

Ano pa't magsisulputan man ang mga pang-araw-araw na sugat sa aking balat, lalangisan lamang ng gamot pang-ubos hanggang sa hindi na makaramdam pang muli. Magugunaw ang galit, gigilitan ng ganid kung manggago. Idinaraan na lamang sa pagpikit at buntong-hininga, matatakot na humimlay dahil sa may pagbadyang bangong pabigla.

Tirik ang minumutang paningin, nag-iisa na lamang muli ako, nag-iisa nga lamang pala ako ngayon. Unawain sanang nais nang ibalik ang mismong dati-rating dakilang digma laban sa aking ibang mga sarili. Tama na, o tama na, pakiusap. Ang aking paglalaan ng katawang lunan lamang ng tampo at nakakalitong hinanakit, nawa'y humupa na't magkaroon nang muli ng silbi.

07 May 2019

Nauubusan na naman ako ng hininga. Ilang ulit na akong bumuga, makailang ulit pang umatras. Hindi ko mapigilang tumanggi sa bawat naririnig. Magmula pa sa hanggang tungo sa pagpunta. May mga pare-parehas na kutitap ang siyang nagsisilbing bakit at sayang, kung siyang magpapatawad ay siya ring ikinagagalak magpaminsan-minsan.

Mayroon akong mga kuwento, papaakyat sa mumunting mga hakbang. Gabing may pagluha ang langit at arangkada ng paghahati. Katatapos lamang ang lagok galing pares kasabay ng pagsagot sa maraming tanong ng nag-iisang kaibigan. Kinabuksan pa mapagtatantong nakapagligtas ng buhay ngunit saka na muna iyon. Unti-unting bumabagal ang pag-usad ng mundo habang kapuwa pa ring nag-uunahan ang mga dumi sa kalsada. Tinatantiya pa rin natin kung may umaga pa ba akong aabutan ngunit sige lang sa paglapag ng mitsang pusta. Katulong sa pag-intindi ng nakaraan, malayo na sa pagkalimot ang siyang naghatid sa akin sa ginhawa.

Salamat, kaibigan, o kaibigan kong masiyahin. Maubusan man ako ng mga panggatong ay tuloy pa rin ang iyong pag-alab. Ipagpatuloy mo pa ito nang iyong buong maunawaan ang paulit-ulit ko lamang ding paalaala sa iyo:

May kinahihitnang mahalaga ang bawat pagsuko.

Ang dumi'y tinatanggal sa iba't ibang pagkakataon ngunit hindi madalas mangyari ang minsan. Ang palagi ay laging iwasan 'pagkat hindi na madaratnan pa ang pagpayak ng sampal ng pagiging ganap na tao. Sa pag-uulit, tayo ay sagana. Huwag atupaging nauubos ang buhay bagkus ay sarili ang tanging pagpalain. May bukas, oo, ngunit namamatay rin ang lahat sa alaala. Magiging panatag nga ang lahat, oo, pero bigyang-husgang ang mapatid ay may suya pa ring dapat iwasan.

06 May 2019

Matalik na ang amoy mo habang ako'y papapikit sa tabi ng iyong himbing. 'Di alintana ang hamog sa unan, sa kislap ng naiwang umaga, at paglapit ng pag-ibig sa gabi. Kay rikit mo, ay siya. Wala nang hahanapin pa. Maging tahanang kay lumanay ay pumapawi sa bawat pagod na alay ng araw-araw. Mabuti ang ganito, mabuti ang magpabalik-balik (na lamang) sa anyong wala nang kasintamis pa, magpatihulog man ang kidkid sa aking ulirat.

Pinalalabo mo ang lahat, tanging ikaw ang lilitaw. Bagkit at pangarap, siyang binibigyan mong halaga nang hindi na ako makalimot pa. Simbango ng madaling-araw sa mga dahon at damo, kinikilala ko nang mangulit kung saan ko marapat na isauli ang aking sarili. O kay gaan sa damdamin, huwag kang titigil 'pagkat kung maipon man ang bahala sa aking dibdib ay tahanang sagutin ng iyong paglalambing.

Mabigyan sana, pagbigyan nawa, ng maraming-maraming pagkakataon sa ating mga pagsingaw sa kalikasan nang 'di na minsan pang mabatid pa ng mapangkubkob na mga mata. Sa lisik ay tumiwalag, gastahan ang natitirang ginaw. Aba'y oo't malapit nang bumati ang tag-ulan. Sabay nating iyurok ang pagyakag sa ating kalamnan, magkaroon tayong pagganti, pamawi, lutas sa mundong siya ring bumuo sa atin.

02 May 2019

Sa napipintong pagwawakas ng mga paruparong hindi na namayagpag, hayaang magkaroon ng simpleng pagliwanag sa palapag ng mga hindi inaasahang pagpalag. Ang kontrol sa bawat deposito ay magsisilbing pag-ikot sa buod ng hindi matapus-tapos na pag-uusap, ni hindi rin nasimulan, kung baga.

At kung baga, may pag-ikot sa tindi ng pagkawalay sa taal na pagkikita, may isinaid na galit at inis, halong kontrata at pagkabaliw sa hindi naman ding tunay na pagkasalbahe. Sa mga mata ng hindi nagdadamot ng pamamaalam, may makititirang pag-uulit ng mga linya.

Iyon, at kung iyon ay nag-umpisa lamang sa ibinigay na sustansyang mula ugat ang pinagsisilbihan. Kinakayang maglaro ng mga pariralang pariwara lang ding pinabayaan at nawawala. Kalsadang itinuturing sa mga panahong kay puring hindi na dapat pang alalahanin ngunit sumisinta pa ring wagas.

Payat, may gulang, hindi kumakain ng mga salita. Bali-baliktarin man ang sentido'y maaabisuhan pa rin dapat (at lamang) ang siyang may kayang bumuo ng panibagong agham. Maniwala ka, sa sariling maipagtatanggol lamang ng pagsipat-kaliwa, sa hagkang pasulong. Mag-ingat, sa mga sasabihing walang kabuluhan, dahil ang kabulukan ang susukdol sa timplang panibagong perpekto sa panig ng mga paniki.

Sasalimuot kung paniki, mag-aabang sa agos ng tren. Ang hanging sasamyong paulit-ulit ay unti-unti nang nakikilala. Malaya nang muling ngumiti sapagkat tanggap nang may pag-alay ang inilenteng sining sa madla. Mapagod na ang walang kuwenta, humiwalay na sanang may inis pa rin at galit. Siyang kuntentong maiiwan ang tilamsik ng alab hanggang wakas pa rin, ng paruparong mamamayagpag tungong simpleng pagpapaliwanag.

01 May 2019

Hindi ko na aalalahanin pa, kung sino ang nagpaumpisa, nagpakalap na ang nararapat na pangyarihan ay buksan ko na ang liwanag. Mangupong may mga nakikinig, sa umpisa lang naman magagaling. Kakantyawang may inis, hindi ko inasahan ang pabaling ng lambing.

Tagaktak ng pawis ko'y ininda, pagbigkas ng mga galit ay pinigilan. Hindi malabong magkaroon ng digma sa ideyolohiya ngunit hindi naman maaaring magkaroon ng barikada. Lahat ay sinubukan kong pagbigyan, pinadaan sa aking masikip na eskenita, pinagpakuluan ko pa ng mainit na tubig. Inaasahang ang lahat ng bagay ay alagwa mula sa pait ng hindi na kailanman pa matututunan.

Nahihiya ako sa maraming bagay, at hindi ito isa sa mga iyon. Makakaasang ang kinakain lamang ng aso ay laman, itatago ang kanyang isinariling mga buto. Maghuhukay ng lupa, pailalim sa hindi na kayang sapitin pa ng mga katulad niyong gagong arok lamang ay sariling kay babaw ng lipon. Madaya ako, oo. Madaya ako sa dapat kong largahan. Ikinarga kong tunay ang mga dapat pagbigyang-halaga. Ngunit ang bigyan akong walang modo, palabasing may maltrato, hayaan niyong ipanalangin kong ibalik na lamang ang lahat sa noong araw, sa aking paglalakad lamang nang may talisod sa pagmamadali at pagbitbit ng sariling hinanaing.

30 April 2019

Sa papiglas na paglasap ng unang sinag, nalasahang muli ang mumunting pinangarap. Nahugasan nang matindi ang mga bahid ng mga hindi iniindang pagkakakabit-kabit ng iniwasang tala. Natapos nang maayos ang isinagawang paghihintay. Nagkaroon ng malamyang pagbabago ngunit nakapagpaabot pa rin maski papaano ng galos ng ngiti.

Hinilom nang mabuti, dahan-dahan ang bawat himyas. Lasap na lasap ang mga kating walang atubiling kinamot nang kinamot. Mapapantal ay sinimot, walang makatatakas sa gutom. Hindi na baleng umalintana ang hiya ng dugas, ang paghalimuyak ng inggit. Bilog na bilog ang mata ng kusinero, kinilig nang kinilig ang mga bagong dayo. Bawat mura ay palasak hanggang sa tuminag nang kasiya-siya ang paglalarawan sa bagong hulmahang kinabukasan.

Ipinihit na ang preno, malapit nang makatulog muli. Pabirong nagpaalam ang isa't isa't humuni na ang pagbabalak muli ng mga tiyempo. Inisip mong makapaghanap na muna ng payak na pagbabago sa iyong sarili, sa may bandang tuktok kung sakaling maibsan pa ang init na makapang-aasar. May nagmungkahing bumalik sa gintong kanto't magpahangin, umasa sa kapalaran. Nakamit ding masilayan ang kay liit na kaligayahan. Pumasok nang nakangiti pa rin sa pinto, hinugasan nang maigi ang mga paa.

Natapos din ang pangunang sabit sa gabing kay layo pa sa umaga.

29 April 2019

Maaari na ba akong kumain muli? Ngumasab nang 'di katamtaman? Magpaungol ng lasap, laway, at laman? Malabong may mangyari, aamin sa hindi. Ang magkaroon ng bahid ay simpleng pagtuli sa hindi rin inaasahan. Nandiyan na ang mga bagyo, paparating na at sabik nang maghukom. Walang kayang hintayin maliban sa mahihilig magpasipa hanggang alas tres nang madaling-araw hanggang tumilapon na ang mga bangko sa kalsada. Titilamsik ang mga diyaryo, matatapakan ang mga balita sa umaga. Kawalan ng pakialam ang nagsisilbing pampagana sa araw-araw na panggagago sa sarili.

Sisimulan nang magbanat ng buto muli, sisilahis sa sindi ng mga tilaok, aagaran ang magsasalin ng arnibal sa malapot na tasa. Mag-aabang ng kung anong malalamon, mamaya nang muli. Ang mga dumaraa'y karampot lamang ng mga tanging silbi sa aking sanlupaan. Malaya ba kaming talaga? Mamaya ko nang iisipin. Ang maigi'y may kumakausap pa rin sa aking mga pasimuhol tungong langit at paano na nga ba. Maya-maya'y may magpapakilalang asong ulol. Marapat bang magkaroon pa ng sariling pag-apuhap? Ewan ko, itanong mo sa pagong, hindot. Huwag mo nga akong tarayan. May bukas pa, mayroon ding mamaya, at mayroon pang lalo ng isang taon, at isa pa, at isa pa.

Kakandungin ang mga nangangailangan, ako na mismo ang magpaparaya. Sa lahat ng araw na natira ang mga hapon, gising na lamang palagi hanggang madaling-araw. Ang antok ay hindi ko kayang labanan, bagkus karamay sa pagkitid. Lalamyas, lalambing, hahalika, huwag na huwag iindahin. Tapos na ang mga araw ng hiya, minabuting buuin at tanggapin ang pagkamakasarili, dahil ang pag-iisip nang paatras ay nakakaubos lamang ng kalatas-pang-agham, pantunay sa mga itinalagang antok, pang-umay sa paanyaya ng palaman. Tama na, o tama pa ba? Sisimutin mo ba iyan? Kanina pa kako ako naghihintay. Saglit, putang ina.

28 April 2019

Nakakagulat lang kung sumimple, todo-todo ang mga pagbalik. Kakahol ang mga manonood, handa nang maghanda ang mga kritiko. Bibitawan ang mga linyang pampurga sa mga bulate ng liga, paglalaruan ang mga bata hanggang sa mapagod at hingalin, tamaan ng matinding hika, pagkatapos ay susungalngalin hanggang sa maubusan na ng rima.

Hello sa lahat, kamusta na ang iyong pamilya? May kinakain pa ba kayo, malinamnam at masustansya? Hindi biro ang sumulat, kumitid hanggang bato, magkakaroon lamang ng pakpak kung mabubuo ang mga buto. Pagkalipas ng madadaling rima, tatapusin nang agad ang eksena. Subukang kumawala hanggang sa lumampas pa sa sukdol, sa dulo ng walang hanggan, magpahanggang sa hangganang hindi hanggan. 

Hangal, makinig ka nang mabuti. Hindi porke't may umaangal, atubili nang magkakamali. Katatapos lamang manood ng sapakan, ng suntukan ng mga likha, nasa gilid lamang ng magkabilang aparador, nakapiit sa nag-uusap na mga salamin. Pumapasok nang paulit-ulit ang init, sasagutin ng mekanikong hangin. Sa pinakadulong hindi pa napapanood, tatahimik din ang pag-uusap ng hindi pagsama sa matatarik na bundok ng pagkatuto.

27 April 2019

Mahuhulog at malalaglag. Magkakalat, magugunaw, titigil. Saka lamang titigil ang mga hinagpis kung may nangyari nang pagtilapon. Ang mga sinungaling, kakabahan ngunit ang siyang magbabaka sakali ayusin ang matatandang iniwan nang dahil sa kawala ng gana, ang mga bagong buhay ay malapit na rin sa mga kabaong ng kontemporaryong kasaysayan. Ang mga nawawalang kayamanan nama'y hindi na magkakaron ng ibig sabihin dahil sa wala nang panahon ang siya namang mga pumapasok na lamang sa dilim hanggang sa gisingin ng tagaktak na dulot ng init.

Magmamadali sa tulin ng rumaragasang hangin. Masyadong makapal ang kailangang suotan. Alam ng parehong hindi na maaaring bumalik pa sa tunay na kalakhan, mag-iiba nang kusa ang mga bagong kagigisnan. Mahirap pumiglas sa kinasanayang kultura, ngunit hindi lamang binabalikan ang tahanan, siya rin itong binubuo, nililikha. Sa bawat bibitawang bigkas, makapaglilinaw sa mga dating kay labo ang mga luntiang larawan. Susubukang nakawin ang mga hindi kailangan, magkakaroon ng halaga ang mga halaman, at kikilalaning pagbangga sa mga mahilig magiba ang ayaw pagibang pag-ibig.

Nakakalito nga, alam ko, at madalas. Simulan mo nang bumuo ng sarili mong bibliya ng mga litanyang kailangan mong pagnilayan sa mga susunod na mahuhulog at malalaglag.

26 April 2019

Sa pagsapit ng pagtatapos ng pambatang himagsik, ang paghihintay ay pagpigil lamang sa pag-agos ng paggalang sa pagpapanggap ng mga pagi-pagitang pagpapagalit. 'Pag umpisa na ng pag-asang pagpapawisan sa kabila ng pagpaypay paakyat nang ilang palapag, papayagan na ang bawat pagpalag sapagkat ang pagyari sa pamayagpag ng paghahari ay paglisang pag-anyaya sa paggayang pagapos.

Matulin ang alaalang sasakop sa iyong buong araw ng pamamahinga. Mananahimik na nang lubusan ang mga alipores na hindi naman din kinayang makipagtanggulan. Mag-isa ka na namang makikipagsapalaran sa mga langaw at kalabaw nang makitang simula na namang muli ang pag-aani ng sukob. Hindi talagang iiwan ang mga sinadyang kulitin. Nakakainis dahil ang pagsasalita'y may kung anong pagsubok ngunit hindi naman din inuunawa.

Hindi na pinipilit pa ang nais nang mang-iwan. Ang makiramdam ay sintulin na lang din ng pagtatapos ng mga pambatang himagsik. Malaya nang muling makianid sa higka-higkagang  pananatiling kumpol. Magkakaroon nang muli ng pangiba nang mga kulay, nakasasabik. Siyempre, may pagbati rin ang mga lumang saka lamang ding naghihintay, naghihintay na mapasaiyong muli. Pagbati.

25 April 2019

May paglumanay nang yayakap, muli. Hahagkan ang matagal nang hindi nasisilayan. Muling mabubuhayan ng loob ang interes sa bawat nilalang ng daigdig. Susubukan nang lampasan ang mga barikadang siya lang ding may likha, likha ng isip na 'di mapakali. Magpakadali na munang humanap ng payapa, ng pamamahingang may pagkilos. Hindi iisipin ng marami ang kadahilanan ng iilan. Hayaan nang lumuwas sa lungga ang pagkakuha ng buo nang mga pakiramdam. Palayain ang pag-iisip, ilayo na ang sarili mula sa pagkakakahong dala ng kontra-kultura, maibutod lamang muli sa kaakuhan ang pangunang salaming inagaw.

Kung tanyag ma'y may pagkakakilanlan, labanang bumawi sa mailulusot na paraan. Ngunit huwag ituring na pag-usapang ang pagkimkim ay hindi matatapos. Magkakaroon at magkakaroon ng pagkakataong uusbong ding kahit kay sikip ang mga kating kakilig kung kamutin. Takpan man din ang liwanag, ugaliing makasigurong walang senyas ang walang bahid. Kaunti lamang ang nagsasabing madali ang makiramay. Itulak nang sagaran, ngunit huwag sisilip, 'pagkat espesyal pa rin sa mga yawa ang kung may makitang mali sa hinaharap, siyang kasalanan ng mga naglalakad na muna't magpapahinga.

Gunitain sa bawat umaga ang paggising ng kumot at unan sa malansa-lansang napanaginipan. Itumba ang mga lasing, ipagmaneho ang mga uuwi, sakaling umulan ng biyaya, sana'y makarating nang 'di apurado ang paglalaanan. Masinsing hihimlay sa kumot at kamang nag-aabang lang din, magpakasimot sa hagkang matagal nang 'di nakikilala. Muling yakapin ang mundong malumanay.

24 April 2019

Sa gitna ng gulo at ingay, malalaman pa kaya ng mga nagsisiput-siputang hurado? Malalim ang kinakayang sisirin, malabo na kung malabo. Aanhin pa ba ang liwanag na hindi naman na makalusot sa damukal ng estilong pangkriminalan lang ang hakbang? Malabo, malabo, aanhin pa ba? Aanhin pa ba ang bawat sementong yari lang sa kalamidad ang pang-unawa? Malabo, malabo, aanhin ka pa bang may lalim sa hungwit kung sisipain? May tyempo, may ritmo, may singgaling kumalansing. Sa pagdapit ng tamang oras, wala nang magmamalalim.

Payasong pururot, may ikaliligaya pa ang mga nagpipigil. Komersyalismong may layag, aanhin pa ang pagpalag? Payag nang payag, maliligaw nang maliligaw. Mag-iingat nang pakiwari, madalang na ang mga nagsisilakaran. Naandito na sila, huwag ka nang mag-alala. Ang pag-aalala'y aksaya na lamang kung tutuusing pamitagan. Magpakilos, magkusa, mayroong marami pang magagawa. Mag-umpisang makigaya sa malay ng murang may-kaya.

Perpekto, o perpekto. Aanhin pa nga ba ang mga pangamba? Kontrolin at usisain ang mga magkakahawig na pakpak na maya-maya'y lalamunin na lamang ng kasaysayan. Ang alon ay tuluy-tuloy, hindi maghihintay sa nag-aaksaya lamang ng boses at pawis. Sa mga tambay na malaya nang mag-isip at umunawa sa kanilang paligid, magkakaroon na ng bulasok ng pag-asa, maliligaw na't manlalabo ang mga sing-ayaw magkusa, kumilos, palayain ang sarili.

23 April 2019

Maligayang kaarawan, sa lahat ng mahilig umindak sa iba't ibang klase ng putaheng pangmanginginom, pambasketbol, at batuhan ng nangangasim na kantyaw at pagpalag sa mga kinauukulan. Ukol sa lahat, maligaya ang nararapat na pagbati sa iba't ibang klase ng kumpareng medyo nakakalimot pa kung mas maigi bang itawag ang pekeng pangalang naalala o tsatsamba na lamang ng mga syomai na nangangailangan pa ng kaunting pamasid-anghang.

Maluwag na, maluwag na ang kinaroroonang pook ng mga trumpeta't kagalakan. Nalalayo na ang mahahalagang bagay sa hindi na importanteng pag-usapan. Basag nang timyas ang mga ipinukol dati-rati sa bato, maging ang mga inukit ay sadyang pinira-piraso nang burahin at ang iba pa nga'y ninenok na nang hindi nagpapaalam.

Paalam na, sa mga panlamig at tikas ng hangin. Dugyot na kung suotan pa ng gabing pananampalataya sa habagat ng panlitrato lamang na mga liwanag. Mag-iiba na ang ihip ng ginaw sa katawang pinamutawan umano ng hindi pagsasabi ng mga nagsisihigantehang pusang ligaw. May laya nang sa muli, magbabalik sa pinanggalingang pito pailalim sa ipinagpipitagang papaitan.

Mapait man sa sukdol, balikwas na ang kalibangang pagkakabisa.

22 April 2019

Dumagundong, ang puta. Maraming akala ang sumagi sa akin. Baka naman kasi may kung ano akong nakaing puno ng kasalanang-taba at kailangan ko na namang makipag-unahan sa pareho kong mga tindig pantilapon. Hay, ina ko! Tinawagan din ang ilang mga kababalaghang minsan lang ding magparamdam. Nakaramdam din ng masiglang samyo ng ngiti 'pagkat may pag-aalalang 'di mapapantayan kailanman ng kindat ng manok at gravy. 

Sumagi ring baka naman mayroong pagkadambuhalang nagpapaalalang malalambot nga pala ang mga daplis ng antok at paraya. Wala akong masamang ginawa, hindi naman din sinadya. Nakakatakot isiping baka na naman magkaroon ng isang tasa ng goto matapos makapagdesisyong rerekta na naman ang lilimang tala hanggang sa halikan ng paglambing muli, mula sa muntik pang kasukdulan ng madaling-araw, sa pagitan pa rin ng mga saradong bahaghari at maaari palang puwestuhan ng lamsik.

Malayo ka na, malayo ka na ulit. Mabini kaming mananabik sa maya't mayang pagpula ng labi dala sa amin ng gatilyong palitan ng paputok ng pinulburang talastasan. Mamayagpag pa nawa nang ilang librong pahina ang iyong mga pasiklab, yayanig muli sa aming nag-aabang lang din ng iyong pagpapala. Salamat, salamat pa rin at nagkaroon ng panibagong mukha ng husay at tapang, puso sa bawat utak na bibitawan. Masigla, o kay sigla ng pagtatapos. Ang pagod ay iindahin para lang mag-udyok ng 'di kunwaring pag-ibig sa buhay.

21 April 2019

Ayan na, ayan! Parating na naman sila! Hindi ko na naman sigurado kung dapat ba akong kabahan o oorder na lamang ako ng isa na namang bucket, at isa pa... At isa pa.

Papayagan ko na naman ang aking sariling maging mapagbigay sa panahon, sa aking mga katabi, at malalayong katabi. Hahayaan ang sariling makalingat ng ilang mga pagsilip ng galit at tuwa, ng siya at lungkot, ng ikaw at ako. Tayong dalawa lamang, sana'y pagbigyang hindi. Pagbibigyan ang sariling walang maibibigay na kahit na ano, ni pagkilalang tapat sa mga huni ng madla. Babayaang maiwan sa likod ng mapamasong rehas, sa habag ng ilalim, at dilat ng dilim.

Panandaliang magsisitigil ang karamihan, halos lahat. Haharanahin ng mga pintuan ang gilagid ng mga nakikitira lamang. Sa segundong sumemana ang mga santang sandamakmak ang kapokpokan, azul ang siyang kakalma sa mga lalamuna't pagkalunod pang bote-boteng serbesa. Ay, grasya. Hindi ko ito titigilan. Hindi ako mapapagod hangga't may mangyayari pang hindi, may nag-aabang pang totoo. Saka na 'yang mga papuring hindi naman kinakailangan. Saka na rin ang mga ipokrisiyang wala namang matibay na paninindigan ni kongkretong mapakikinggan.

Lahat ng mga boses sa iyong itinadhanang pag-iisip ay tipong mga alimango lamang sa aking sahig na kubrekama. Lampas pa sa harayang dahan-dahang makaiintindi ang mga manggagalugad ng ginto't alak, perlas at pilak. Subukan mong kilalanin ang mga along takot kang salubungin. Bubulusok ang galit kong sinsinungaling ng mga sirenang sinulid ang isinisiid sa sinag ng sungay.

Huhupa? Huhupa mo mukha mo. Hindi porke't may umpisang akala'y ang mundo na agad ang patungo. Hindi lahat ng sulirani'y may pag-abot sa payak na sumasalamin sa lahat ng anupa't akalain din! Akalain ko nga naman, akalain mo nga naman. May umagresibong agaran, palakpakan ang mga kalapati't sagaran ang pag-imbot sa bulatlat ng sa gana, makatagpo lamang muli ang kagyat na ngiti.

Tahimik, sa huli'y langgam na lamang ang may gana. Pakikiusapan pa ang mga ilaw at tugtog, ang mga higante sa kusina. Paratang sa mahihina, may kutya ang mga kabit-kabit na karayom. Maasgad na kung maasgad, sisirain lang ang lahat ng isang masigabong lutong ng gutom. Pagod na ako sa mga nakahain, hindi naman ako aalis. Pagdapit ng sandaling tutuldok na ang paraya, alam kong alam mong may guhit sa ating mga walang kuwentang digma.

Halika, halika.

20 April 2019

Barya ma'y tipong alak na lamang ang magsisilbing katapat. Hayaan na muna ang nag-iisang halaman nang makontrol pansumandali ang pamamayagpag ng mga alon sa buhangin. Mamaya nang sirain ang kalma, ipakain nang buo ang konsensya, lunurin ang sarili sa mga ngiting hindi magtatagumpay ngunit puwede na, puwede na.

Bukas pa ang bukas, talagang bukas pa iyon. Saka na alalahanin kapag may nangyari na. May mangyayari pa ba? O yari ka na? Yaring iyong tanging yari ang mangyayari sa iyo. Mangyayari ang mangyayari sa iyo, yaring iyo, yari para sa 'yo.

Saka na, kapag gumising ka nang muli. Ni hindi ka pa nga bagong-mulat. Bulatlat pa ang iyong mga kaibigan, silang mga kasabay mo sa paghihintay kung bukas na ba, bukas pa pala. Isa pa, at isa pa. Mamaya na 'yan, may bukas pa. Bukas pa ba siya? Bukas pa yata. Bukas na.

Ipaubaya na lamang sa bukas ang lahat. Ikaw itong nabubuhay sa bawat hiblang magiging kahapon, palaging magiging ngayon. Magiging kahapon, manggagaling sa mamaya. Ibabalik ang kahapon, dadaanan din ang bukas. Hindi makikita nang tuwiran, damdamin ang paulit-ulit na pagbibigyan. Pangungunahan ng kasinungalingang barya ma'y tipong sigarilyo na lamang ang kaibigan. Hayaan, hayaan na lamang muna sila. Muna.

19 April 2019

Pumikit na lamang nang hindi mapagbintangan. Namamantal na naman ang kaliwa kong kamay. May mga bagay na naman akong hindi matitiis. Saglit lang. Paano na nga bang ulit gumagana ito? Hindi ko na malaman-laman sa ngayon kung bakit pa nga ba naririto ang isang iglap lamang na sandali. Paumanhin. Salamat na rin. Magkabilang ibayo tayo ngunit ako'y iyo pa ring pinakikinggan nang hindi ko nalalaman. Sa mga hindi mo maunawaan, ipakatago mo na lamang sa likuran ng iyong puso, saka mo balikan kung malapit mo na akong maunawaan.

Tuluy-tuloy lamang ang ragasa ng panahon, walang maghihintay sa atin. Ikaw lamang ang madalas na basehan ng halos lahat ng aking mga hilig. Ikaw ang tipo, ikaw ang ngarag. Palaging nag-uumpisa ang ngatal ng palipat-lipat na bintana makaalala lamang akong muli ng una't tanging una kong magbigyang muli ng kislap. Ayos lang ako sa lahat, ayos pa rin naman lahat pa ng mga nangyayari. Ni hindi minsan akong nalito sa kung bakit ba ang umpisa'y patuloy pa ring nakikipagpatayang-abo at hindi na sinikatan pa ng buwan.

Sa kamay ng poon, tayo'y umasa. Hindi lamang bale sa wala, sa bathalang na ang gawa. Kikilos nang may kuwit lamang, pagaganahin ang loob, ang tibay ng loob sa bawat pagsubok na ipararanas sa atin. Magkikitang muli, sa tunay na panahon, ang araw at ang buwan. Tatagusan nang malumanay ang oras na madalas walang kampihan. At kung magkagayon man, tayo'y magiging handa, lahat ng mga tipo'y bibisa, lahat ng mga pangako'y matutupad. Kamutin man nang kamutin ang paghingi sa pila na mga medalya, ibang yamang siyang aakuhin sa yari ng sansinukuban.

18 April 2019

Ano itong ginawa mo sa amin? Pilit na pagkakaugnay. Kailan mo huling binisita ang aming mga nais, ang aming nga hangad? Kinilala mo ba kaming tunay? O may iba ka pang kagagalitan? Sa mga kapeng binasag ko sa umaga, naging kaugalian na naming maghirap sa anyaya ng kasinungalingan. Mang-aabuso ang kasalakuyan hanggang sa hinaharap, at ikaw, tanging ikaw ang nagpasimuno ng aming nakaraan.

Huwag na tayong magbalik pa, paalam na sa iyo. Mangyaring hindi kami nararapat, at ikaw ay gayon din naman. Simple lamang sana ang mga bagay kung hindi nagsilaglagan ang mga propeta. Hinayaan na lamang sanang magkandagulu-gulo ang mga sinaunang lalang na likas naman din sa kanila. Tipong hindi naman inaano, nagkakaroon pa ng kung anu-ano, at sa bawat anong aano, ano na lamang ang aano?

Ano?

Nariyan ka na't nandito pa rin kami. Hindi sa sinasadya pa rin ng iilan sa amin ngunit makisiya ka naman sa aming paghihiganti. Ang bawat pagpatak ng ula'y asar na asar na akong magpupumiglas. Ang aking pagbabalik-loob ay bunga ng dulot ng mangilang panahong umaagaw sa aking mga gustong kilalanin. Ano ba itong ginagawa mo pa rin sa amin? Mabuti pa't agawin na rin ang aming mga susunod pang layon, sagarin mo na. Perpektong halimbawa ang mamaalam sa may kararating lamang na tulong.

Tulong.

17 April 2019

Hindi na mananatiling malinis. Huwag na pilitin pang magkunwari. Hindi na maaaring mapalitan pa ang agos ng pagkakakilanlan sa kung ano ang hiwatig ng daigdig na dapat unawain. Mahirap, mabigat, nakakasawa. Sa pabagu-bagong bala ng hiwaga ng pagyaman, yaman din lamang na maipasaiyo ang kung anuman ang nais na ipagkasukdu-sukdulan.

Mahirap nang makabatid, alam kong alam ng paligid iyon. Ang mga walang salang makikiapid ay banta ng hindi matatawarang pagsilip. Lahat ay gustong sumilip, makibagay sa mga bagay na hindi pinagbabagayan kahit na kung sa bagay ay humingi ng dispensa, kung ano na lang din ang umabot, siya lang ding agad na malilimutan.

Wala namang may sadya kung malibog ang mga hari. Sabik sa bungad ng hubad na katotohanan. Ngingisi kung ngingisi, magpapalakpakan sa tuwing ikagugulat ang kinikilalang tambad. Pakyawan ng pamukaw, pukeng pakaw ang palitaw. Yaring sa ganid at kapangyarihan, iniluluklok mula sa lupang nilason. Mapagbibigyan kung aamin, isisiwalat kung hindi. Talang tinuring ang mga walang sala, pauuwiing walang mga liwanag.

16 April 2019

Pabalikin mo ako sa samyo ng malamig at malambing. Paantukin sa ginaw ng kulimlim ng lupun-lupong ulap. Sa ganito ko lamang tunay na sinisinta ang kapayapaan. Payapa akong magmuli, sa magkahalong halumigmig ng mga damo at dahon, sa gilid ng dalampang sementadong kalsada, kumportableng kongkreto. May katok nang buo ang mga kahoy mula sa uupuan kong may lumang barnis. Takatak nang walang pagmamadali sa aking kahon, sabay hugot ng panibagong sala. Sasayawan ako ng usok na aking ibubuga, hindi ko malilimutang haluing muli ang aking kapeng dahan-dahang pinapaslang ang sigasig.

Ayos lang, ayos lang. Ito ang awa ng buhay sa akin habang unti-unti kong pinapatay ang aking mamikit pang diwa. Mandilirim akong saglit bago pa man mapagtantong hindi lahat ng buhay ay biglaang namamatay. Nginitian kong muli ang aking kape, may kaunting habag sa aking mga labi. Maya-maya'y mauubos ka na, at ako'y magsasakripisyong muli ng ilang panahon para sa walang kuwenta pang mga bagay. Itinuring ko silang lahat na aking mga kaibigan, malayo ako sa aking kinamulatan. Sa mga saglit na isinisilid sa aking mga hawak, may kung anong duwal ang gustong kumawala. Huwag na muna sana, huwag na muna.

May magpapakatatag pa, makikiisa sa orkestra ng mga huni at simoy. Pipikit akong muli habang kinakapa ang sunod kong atubili. Sa mga susunod na buga ng pamamaalam sa iniwan, kakalabiting muli ako ng pagal na paggunita. Ngayon na, punyeta ka ba? Kukunot ang aking kilay, pipigilan ang mapagbadyang bara sa hinga. At sa aking pagdilat, gugulong na lamang ang luhang sisira ng sansaglit na simuno.

Tara.

15 April 2019

Nakaiiritang pagbigyan ng pansin pa ang mga tangang masigla pang makikipagpataasan ng salbaheng uukiting marka. Mapanganib kung lalapit ang mga kaibigang hindi naman pala swak sa panlasa. Nakakatawa na rin. Kahit ilang ulit pang pilit na ipaliwanag ang kahalagahan ng pagpigil sa pag-amin ng kayamanang magaganap, may sa yawang kadakilaang makapagpataas pa lalo ng ihi ang kayang-kayang pagkalaanan ng kasiyahan.

Malabo na bang may makaarok pa? O tatanggaping suwail ang tama at magpapakapasan na lamang? Hindi biro kung magiging kay dali ng pag-agaw ng saya sa dibdib. Kailan bang naging katuwa-tuwa ang maagawan? Lahat nama'y paglalaanan ng panahon, hindi naman magkakapareho ng daanan ngunit iisa lamang ang destinasyon. Maging mapagparaya sa mga bagay na hindi naman tunay na ikadadakila. Nilikha ang mundo para namnamin, at hindi para lamang lapastanganin at bigla na lamang iwan.

Tulad mong marupok, tambay lamang sa mga pook-tanghalang ikaw lang din ang siyang may gawa. Sa kakitiran ng iyong isip ay madaling mahuhuli ng gagamba ang iyong mga banta nang hindi umaasa sa kanyang hamak na mga ibon. Alagaan mo na lamang ang iyong pinaghirapang tamo, ipako ang pamamalagay sa kathang haka. Sa wakas, nawa'y mahulong ang dalisay na damdamin ay hinding-hindi maaaring bawiin pa.