Napakaipokrito mang sabihing pinag-iisipan ko
ang lahat ng aking mga gagawin, tulad ng nabanggit kanina, ngunit napakataas
pala ng aking stress level ayon sa isang papel na aking sinagutan! Siguro nga,
totoo, na napakataas minsan ng kumpiyansa ko sa aking sarili kung kaya’t
natutulak at naiipon ang lahat ng aking mga kailangang gawin. Lumiliit ang
buhangin ng panahon ngunit lalong tumatarik ang kailangan pang akyating bundok
ng responsibilidad. Nasanay na ang katawan ko simula noong nasa mataas na
paaralan na gawin nang isang bagsakan ang mga bagay dahil yung mga mas tamad
kong kaklase ay pumapasa pa rin. Para bang tinamad na rin akong magpursigi sa
mataas na grado’t hindi ko naman talaga hinangad na magpapansin talaga ng
medalya. Ni hindi ko namiss suotan ng medalya na nakasanayan ko naman noong
nasa mababang paaralan. Maaga ko nang natanggap sa sarili kong mataas ang
kakayahan ng lahat ng tao’t nasasayang lamang ang mga ito kung tatamarin silang
lahat, pero pumapasa pa rin nga yung mga mas tamad kong kaklase. Nawalan na ng
sense sa aking umabot ng mas mataas kahit na iyon ang gusto ng napakaraming
magulang, kahit na natutuwa pa rin silang diploma lang ang iaabot ko sa kanila.
Pero bakit nga ba, ayon sa papel na aking sinagutan e, stressed daw ako? Like,
oh, my gosh, why? Siguro kasi, naroon pa rin yung konsensya sa mga magulang
kong nagpaaral sa akin ngunit hindi nila nakikita nang malinaw kung ano nga ba
talaga ang ginagawa ni Mart sa UP. Mahirap bigyang-liwanag para sa kanila kung
kaya’t sinusubukan ko pa rin namang ipasa ang aking mga asignatura. Hindi ko
minsang inihanay ang aking sarili sa tipo ng tamad na wala na talagang pakialam
bagkus hanggang sa hanay lamang ng may pakialam kapag panahon na talaga ng
talagang-talaga. Kung tutuusin, yung mga walang pakialam pa nga yung may
mababang stress level at sa ngayon… ko lang din napagtantong magandang bagay
palang naiistress ako.
No comments:
Post a Comment