Investigative, Social, at Conventional ang aking
mga nakuha mula sa RIASEC test na pinasagutan ng aming guro. Bilang sigurong
isang frustrated na manunulat, okay na rin naman para sa aking nag-iisip nang
madalas, at maging kritikal sa pamamalakad ng mundo. Mahalaga iyon para sa
akin, iyong makakita ng mga bagay na hindi nakikita madalas, o hindi nakikita
at all ng tao. Tinatanggal ko ang aking sarili sa mundo’t sinusubukang maging
multo para lamang makapag-obserba nang mas malalim at makapag-isip nang mas
kritikal. Hindi ko iyon ginagawa, bilang isang tamad na manunulat lamang at magrereklamo
lamang sa mga jejemon at iba pang mga batugang tulad ko. Ang tungkulin ng isang
manunulat ay magbigay ng panibagong lente sa maraming mamamayang kanyang
sinusulatan para kanilang tunay na malaman kung ano na ba talaga ang reyalidad.
Galit na galit talaga ako sa media dahil hindi naman totoo ang lahat ng
kanilang mga ipinakikita. Madalas, pambobola at walang kamatayang nainlab si
Mahirap na Babae kay Hacienderong Mayaman at malalaman nilang magkapatid pala
sila pero hephephep! Ampon lang pala yung isa at magkakatuluyan pa rin sila.
Hindi naman masamang piliting may ligaya sa reyalidad pero ayokong ginagawang
tanga yung kapwa kong mga Pilipino. Pero anong magagawa ko? Takot nga palang
magpalimbag si Mart dahil takot siya sa mga pulang marka ng kanyang magiging
mga editor at publisher. Minabuti niya na lamang tahakin ang landas ng pagiging
isang guro at baka makahawa pa siya ng kanyang thinking patterns sa boring na
mundo’t makapagbenta pa ng maraming libreng salaming sobrang nakapagpapalinaw
ng mata.
No comments:
Post a Comment